Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 66:19 - Jeremias 10:13

19 Magpapakita ako ng himala sa kanila. At ang mga natitira sa kanila ay susuguin ko sa mga bansang Tarshish, Pul, Lud (ang mga mamamayan nito ay tanyag sa paggamit ng pana), Tubal, Grecia,[a] at sa iba pang malalayong lugar na hindi nakabalita tungkol sa aking kadakilaan at hindi nakakita ng aking kapangyarihan. Ipapahayag nila ang aking kapangyarihan sa mga bansa. 20 At dadalhin nilang pauwi mula sa mga bansa ang lahat ng mga kababayan ninyo na nakasakay sa mga kabayo, sa mga mola,[b] sa mga kamelyo, sa mga karwahe, at sa mga kariton. Dadalhin nila sila sa banal kong bundok sa Jerusalem bilang handog sa akin katulad ng ginagawa ng mga Israelita na naghahandog sa akin sa templo ng mga handog na pagkain, na nakalagay sa mga malinis na lalagyan. 21 At ang iba sa kanila ay gagawin kong pari at mga katulong ng pari sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

22 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung papaanong ang bagong langit at ang bagong lupa na aking gagawin ay mananatili magpakailanman, ang inyong lahi ay mananatili rin magpakailanman, at hindi kayo makakalimutan. 23 Sa bawat pasimula ng buwan at sa bawat Araw ng Pamamahinga ang lahat ay sasamba sa akin. 24 At paglabas ng mga sumamba sa akin sa Jerusalem, makikita nila ang bangkay ng mga taong nagrebelde sa akin. Ang mga uod na kumakain sa kanila ay hindi mamamatay at ang apoy na susunog sa kanila ay hindi rin mamamatay. At pandidirian sila ng lahat ng tao.”

Ito ang mga mensahe ni Jeremias na anak ni Hilkia. Si Hilkia ay isa sa mga pari sa Anatot, sa lupain ng lahi ni Benjamin. Ibinigay ng Panginoon kay Jeremias ang kanyang mensahe noong ika-13 taon ng paghahari ni Josia sa Juda. Si Josia ay anak ni Ammon. Patuloy na nagbigay ng mensahe ang Panginoon kay Jeremias hanggang sa panahon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Josia at hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia na anak rin ni Josia. Nang ikalimang buwan ng taon na iyon, binihag ang mga taga-Jerusalem.

Ang Pagtawag kay Jeremias

Sinabi sa akin ng Panginoon, Jeremias, bago kita nilalang sa tiyan ng iyong ina, pinili[c] na kita. At bago ka isinilang, hinirang na kita para maging propeta sa mga bansa.”

Sumagot ako, “Panginoong Dios, hindi po ako magaling magsalita, dahil bata pa ako.” Pero sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Kinakailangang pumunta ka saan man kita suguin, at sabihin ang anumang ipasasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa mga tao sapagkat akoʼy kasama mo at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, hinipo ng Panginoon ang mga labi ko at sinabi, “Ibinibigay ko sa iyo ngayon ang aking mga salitang sasabihin mo. 10 Sa araw na ito binibigyan kita ng kapangyarihang magsalita sa mga bansa at mga kaharian. Sabihin mo na babagsak ang iba sa kanila at mawawasak, at ang iba naman ay muling babangon at magiging matatag.”

11 Pagkatapos, tinanong ako ng Panginoon, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Sanga po ng almendro.” 12 Sinabi ng Panginoon, “Tama ka, at nangangahulugan iyan na nagbabantay[d] ako para tiyaking matutupad ang mga sinabi ko.” 13 Muling nagtanong ang Panginoon sa akin, “Ano pa ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang palayok po na kumukulo ang laman at nakatagilid ito sa gawing hilaga.” 14 Sinabi ng Panginoon, “Tama, sapagkat may panganib mula sa hilaga na darating sa lahat ng mamamayan sa lupaing ito. 15 Ipapadala ko ang mga sundalo ng mga kaharian mula sa hilaga para salakayin ang Jerusalem. Ilalagay ng kanilang mga hari ang mga trono nila sa mga pintuan ng Jerusalem.[e] Gigibain nila ang mga pader sa palibot nito at ang iba pang mga bayan ng Juda. 16 Parurusahan ko ang mga mamamayan ko dahil sa kasamaan nila. Itinakwil nila ako sa pamamagitan ng paghahandog nila ng insenso sa mga dios-diosan. At sinamba nila ang mga dios-diosan na sila lang din ang gumawa. 17 Jeremias, ihanda mo ang sarili mo. Humayo ka at sabihin sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat kung ikaw ay matatakot, lalo kitang tatakutin sa harap nila. 18 Makinig ka! Patatatagin kita ngayon tulad ng napapaderang lungsod, o ng bakal na haligi o ng tansong pader. Walang makakatalo sa iyo na hari, mga pinuno, mga pari, o mga mamamayan ng Juda. 19 Kakalabanin ka nila, pero hindi ka nila matatalo, dahil sasamahan at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Itinakwil ng Israel ang Panginoon

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga taga-Jerusalem at sabihin mo ito sa kanila: ‘Natatandaan ko ang katapatan at pagmamahal nʼyo sa akin noon na katulad ng babaeng bagong kasal. Sinundan nʼyo ako kahit sa ilang na walang tumutubong mga tanim. Kayong mga Israelita ay ibinukod para sa akin. Para kayong pinakaunang bunga na ibinigay sa akin. Pinarusahan ko ang mga nanakit sa inyo, at napahamak sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob. Ito ang sinabi niya, “Anong kasalanan ang nakita ng mga ninuno nʼyo sa akin at tinalikuran nila ako? Sumusunod sila sa walang kwentang mga dios-diosan, kaya sila rin ay naging walang kabuluhan. Hindi na nila ako hinanap kahit na ako ang naglabas sa kanila sa Egipto at nanguna sa kanila sa ilang na walang tanim – ang lupang tuyo, may mga hukay, mapanganib at walang tumitira o dumadaan. Mula rooʼy dinala ko sila sa magandang lupain para makinabang sa kasaganaan ng ani nito. Pero nang naroon na kayo, dinungisan nʼyo ang lupain ko at ginawa itong kasuklam-suklam. Kahit ang mga pari ay hindi ako hinanap. Ang mga nagtuturo ng kautusan ay hindi ako kilala.[f] Ang mga pinuno ay naghimagsik laban sa akin. At ang mga propeta ay nagpahayag sa pangalan ni Baal at sumunod sa walang kwentang mga dios-diosan. Kaya susumbatan ko silang muli, pati ang magiging angkan ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

10 “Tumawid kayo sa kanluran, sa mga isla ng Kitim, at magsugo kayo ng magmamasid ng mabuti sa silangan, sa lupain ng Kedar, at tingnan kung may nangyaring tulad nito: 11 May bansa bang nagpalit ng kanilang dios, kahit na hindi ito mga tunay na dios? Pero ako, ang dakilang Dios, ay ipinagpalit ng aking mga mamamayan sa mga dios na walang kabuluhan. 12 Nangilabot ang buong kalangitan sa ginawa nila; at nayanig ito sa laki ng pagkagulat. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13 “Gumawa ang mga mamamayan ko ng dalawang kasalanan: Itinakwil nila ako, ang bukal na nagbibigay-buhay, at sumamba sila sa ibang mga dios, na para bang naghukay sila ng lalagyan ng tubig na natutuyo. 14 Ang Israel ay hindi ipinanganak na alipin. Bakit binibiktima siya ng mga kaaway? 15 Ang mga kaaway niya ay parang mga leon na umuungal sa kanya. Sinira nila ang kanyang lupain, sinunog ang mga bayan at hindi na ito tinitirhan. 16 Ang mga taga-Memfis at mga taga-Tapanhes ang nagwasak sa kanya.[g]

17 “Kayong mga Israelita na rin ang nagdala ng kapahamakang ito sa sarili ninyo. Sapagkat itinakwil nʼyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, akong pumatnubay sa paglalakbay ninyo. 18 Ngayon, ano ang napala ninyo sa inyong paglapit sa Egipto at Asiria? Bakit kayo pumupunta sa Ilog ng Nilo[h] at Ilog ng Eufrates? 19 Parurusahan ko kayo dahil sa kasamaan at pagtakwil nʼyo sa akin. Isipin nʼyo kung gaano kasama at kapait ang ginawa nʼyong pagtakwil at paglapastangan sa Panginoon na inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

20 “Noong inalipin kayo, para kayong bakang nakapamatok, o mga bilanggong nakakadena. Pero nang mapalaya ko na kayo, ayaw naman ninyong maglingkod sa akin. Sa halip, sumamba kayo sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Katulad kayo ng babaeng bayaran. 21 Para kayong isang pinakamabuting klase ng ubas na aking itinanim. Pero bakit lumabas kayong bulok at walang kabuluhang ubas? 22 Maligo man kayo at magsabon nang magsabon, makikita ko pa rin ang dumi ng mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

23 “Paano nʼyo nasasabing hindi kayo nadumihan at hindi kayo sumamba sa dios-diosang si Baal? Tingnan nʼyo kung anong kasalanan ang ginawa nʼyo sa lambak ng Hinom. Isipin nʼyo ang ginawa nʼyong kasalanan. Para kayong babaeng kamelyo na hindi mapalagay dahil naghahanap ng lalaki. 24 Para rin kayong babaeng asnong-gubat na masidhi ang pagnanasa na magpakasta, sa tindi ng kanyang pagnanasa ay walang makakapigil sa kanya. Ang lalaking asno ay hindi na mahihirapang maghanap sa kanya. Madali siyang hanapin sa panahon ng pagpapakasta niya.

25 Mga taga-Israel, napudpod na ang mga sandalyas nʼyo at natuyo na mga lalamunan nʼyo sa pagsunod sa ibang mga dios. Pero sinasabi nʼyo, ‘Hindi namin maaaring itakwil ang ibang mga dios. Mahal namin sila at susunod kami sa kanila.’

26 “Tulad ng isang magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, mapapahiya rin kayong mga taga-Israel. Talagang mapapahiya kayo, pati ang mga hari, pinuno, pari, at mga propeta ninyo. 27 Sinasabi ninyo na ang kahoy ang inyong ama at ang bato naman ang inyong ina. Itinakwil nʼyo ako, pero kapag naghihirap kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin. 28 Bakit? Nasaan na ang mga dios na ginawa ninyo para sa inyong sarili? Tawagin ninyo sila kung kaya nila kayong iligtas sa paghihirap ninyo. Sapagkat napakarami ninyong dios, kasindami ng mga bayan sa Juda. 29 Bakit kayo nagrereklamo sa akin? Hindi baʼt kayo ang naghimagsik sa akin? 30 Pinarusahan ko ang mga anak nʼyo, pero hindi sila nagbago. Ayaw nilang magpaturo. Kayo na rin ang pumatay sa mga propeta nʼyo gaya ng pagpatay ng mabangis at gutom na leon sa kanyang biktima.

31 “Kayong mga mamamayan sa henerasyong ito, pakinggan ninyo ang sinasabi ko. Ako baʼy parang isang ilang para sa inyo na mga taga-Israel, o kayaʼy parang isang lugar na napakadilim? Bakit ninyo sinasabi na, ‘Bahala na kami sa gusto naming gawin. Ayaw na naming lumapit sa Dios.’

32 “Makakalimutan ba ng isang dalaga ang kanyang mga alahas o ang damit niyang pangkasal? Pero kayong mga hinirang ko, matagal na ninyo akong kinalimutan. 33 Magaling kayong humabol sa minamahal ninyo na mga dios-diosan. Kahit ang mga babaeng bayaran ay matututo pa sa inyo. 34 Ang mga damit ninyoʼy may mga bahid ng dugo ng mga taong walang kasalanan at mga dukha. Pinatay nʼyo sila kahit na hindi nʼyo sila nahuling pumasok sa mga bahay nʼyo para magnakaw. Pero kahit ginawa nʼyo ito, 35 sinabi nʼyo pa rin, ‘Wala akong kasalanan. Hindi galit sa akin ang Panginoon!’ Pero talagang parurusahan ko kayo dahil sinabi ninyong wala kayong kasalanan.

36 “Pangkaraniwan lang sa inyo ang magpapalit-palit ng mga kakamping bansa. Pero hihiyain kayo ng Egipto na kakampi nʼyo, gaya ng ginawa sa inyo ng Asiria. 37 Aalis kayo sa Egipto na nakatakip ang inyong kamay sa mukha dahil sa kahihiyan at pagdadalamhati. Sapagkat itinakwil ko na ang mga bansang pinagkatiwalaan ninyo. Hindi na kayo matutulungan ng mga bansang iyon.

“Kung ang isang babae ay hiniwalayan ng kanyang asawa at ang babaeng ito ay mag-asawang muli, hindi na siya dapat bawiin ng kanyang unang asawa, dahil magpaparumi ito nang lubos sa inyong lupain. Kayong mga taga-Israel ay namumuhay na parang isang babaeng bayaran. Marami kayong minamahal na mga dios-diosan. Sa kabila ng lahat ng ito, tatawagin ko pa rin kayo na magbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Tingnan ninyo ang matataas na lugar kung saan kayo sumasamba sa inyong mga dios-diosan. May mga lugar pa ba roon na hindi ninyo dinungisan? Pinarumi ninyo ang lupain dahil sa kasamaan ninyo. Para kayong babaeng bayaran na nakaupo sa tabi ng daan at naghihintay ng lalaki. Tulad din kayo ng isang mapagsamantalang tao[i] na naghihintay ng mabibiktima niya sa ilang. Iyan ang dahilan kung bakit hindi umuulan sa panahon ng tag-ulan. Pero sa kabila nito, matigas pa rin ang ulo ninyo gaya ng babaeng bayaran na hindi na nahihiya. At ngayon sinasabi ninyo sa akin, ‘Ama ko, kayo po ay kasama[j] ko mula noong bata pa ako. Palagi na lang ba kayong galit sa akin? Hanggang kailan pa po ba kayo magagalit sa akin?’ Ito ang sinasabi ninyo, pero ginagawa naman ninyo ang lahat ng masama na magagawa ninyo.”

Ginaya ng Juda ang Israel

Noong panahon ng paghahari ni Josia, sinabi sa akin ng Panginoon, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Sumamba siya sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Para siyang babaeng nangangalunya. Akala ko, pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ito, babalik na siya sa akin, pero hindi siya bumalik. At nakita ito ng taksil niyang kapatid na walang iba kundi ang Juda. Hiniwalayan ko ang Israel at pinalayas dahil sa pangangalunya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. Pero sa kabila nito, nakita ko ang taksil niyang kapatid na Juda ay hindi man lang natakot. Nangalunya rin siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosang bato at kahoy, kaya dinungisan niya ang lupain. Hindi siya nababahala sa pagsamba sa mga dios-diosan. 10 At ang pinakamasama pa, hindi taos-pusong bumalik sa akin ang taksil na Juda. Pakunwari lang siya na bumalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda. 12 Lumakad ka ngayon at sabihin mo ito sa Israel,[k]Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Israel na taksil, manumbalik ka, dahil mahabagin ako. Hindi na ako magagalit sa iyo kailanman. 13 Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Dios, at sumunod ka sa ibang mga dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Aminin mo na hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

14 Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo.[l] Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Israel.[m] 15 Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa. 16 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito. 17 Sa panahong iyon, tatawagin nʼyo ang Jerusalem na ‘Trono ng Panginoon.’ At ang lahat ng bansa ay magtitipon sa Jerusalem para parangalan ang pangalan ng Panginoon. Hindi na nila susundin ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. 18 Sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel ay magkasamang babalik mula sa pagkabihag sa hilaga pauwi sa lupaing ibinigay ko sa mga magulang nila bilang mana. 19 Ako mismo ang nagsasabi, ‘Natutuwa ako na ituring kayong mga anak ko at bigyan ng magandang lupain na pinakamagandang pamana sa buong mundo.’ At akala koʼy tatawagin ninyo akong ‘Ama’ at hindi na kayo hihiwalay sa akin. 20 Pero kayong mga mamamayan ng Israel ay nagtaksil sa akin, tulad ng babaeng nagtaksil sa asawa niya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

21 “May naririnig na mga ingay sa itaas ng bundok. Nag-iiyakan at nagmamakaawa ang mga mamamayan ng Israel dahil naging masama ang kanilang pamumuhay at kinalimutan nila ako, ang Panginoon na kanilang Dios. 22 Kayong mga naliligaw kong anak, manumbalik kayo sa akin at itutuwid ko ang inyong kataksilan.

Sumagot sila, ‘Opo, lalapit po kami sa inyo dahil kayo ang Panginoon naming Dios. 23 Talagang mali po ang pagsamba namin sa mga dios-diosan sa mga bundok. Sa inyo lamang ang kaligtasan ng Israel, Panginoon naming Dios. 24 Mula po sa kabataan namin, ang mga nakakahiyang dios-diosan ang nakinabang sa mga pinaghirapan ng mga ninuno namin ang mga hayop at anak nila. 25 Dapat nga po kaming magtago dahil sa hiya dahil kami at ang mga ninuno namin ay nagkasala sa inyo, Panginoon naming Dios. Mula sa kabataan namin hanggang ngayon, hindi po kami sumunod sa inyo.’ ”

Sinabi ng Panginoon, “O Israel, kung talagang gusto mong magbalik sa akin, bumalik ka na. Kung itatakwil mo ang kasuklam-suklam mong mga dios-diosan at hindi ka na hihiwalay sa akin, at kung susumpa ka sa pangalan ko lamang at mamumuhay nang tapat, matuwid at tama, magiging pagpapala ka sa mga bansa at pararangalan nila ako.”

Sinabi ng Panginoon sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem, “Baguhin nʼyo ang inyong mga sarili na para bang nagbubungkal kayo ng inyong lupa na hindi pa nabubungkal. At huwag nʼyong ihasik ang mabuti nʼyong binhi sa mga damong matinik. Linisin nʼyo ang inyong mga puso sa presensya ng Panginoon, kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, dahil kung hindi ay mararanasan nʼyo ang galit kong parang apoy na hindi namamatay dahil sa ginawa nʼyong kasamaan.

Ang Parusang Darating sa Juda

“Sabihin mo sa Juda at Jerusalem na patunugin nila ang trumpeta sa buong lupain. Isigaw nang malinaw at malakas na tumakas sila at magtago sa mga napapaderang lungsod. Balaan mo ang mga taga-Jerusalem[n] na tumakas agad sila dahil magpapadala ako ng kapahamakan mula sa hilaga.”

Ang tagapagwasak na sasalakay sa mga bansa ay parang leon na lumabas sa pinagtataguan nito. Nakaalis na siya sa lugar niya para wasakin ang lupain ninyo. Magigiba ang mga bayan ninyo hanggang sa hindi na ito matirhan. Kaya isuot nʼyo na ang damit na panluksa[o] at umiyak dahil matindi pa rin ang galit ng Panginoon sa atin. Sinabi ng Panginoon, “Sa araw na iyon, maduduwag ang hari at ang mga pinuno niya, masisindak ang mga pari, at mangingilabot ang mga propeta.” 10 Pagkatapos, sinabi ko, “Panginoong Dios, nalinlang po ang mga tao sa sinabi nʼyo noon, dahil nangako po kayo na mananatiling payapa ang Jerusalem. Pero ang espada pala ay nakahanda nang pumatay sa amin.”

11 Darating ang araw na sasabihin ng Panginoon sa mga taga-Jerusalem, “Iihip ang mainit na hangin mula sa ilang patungo sa mga mamamayan ko, pero hindi ito para mapahanginan ang mga trigo nila. 12 Ang malakas na hangin na itoʼy galing sa akin. Sasabihin ko ngayon ang parusa ko sa kanila.”

13 Tingnan nʼyo! Dumarating ang kaaway natin na parang mga ulap. Ang mga karwahe niyaʼy parang ipu-ipo at ang mga kabayo niyaʼy mas mabilis kaysa sa mga agila. Nakakaawa tayo! Ito na ang ating katapusan!

14 “Mga taga-Jerusalem, linisin ninyo ang kasamaan sa inyong puso para maligtas kayo. Hanggang kailan kayo mag-iisip ng masama? 15 Ang kapahamakan ninyoʼy ibinalita na ng mga mensahero mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim. 16 Inutusan silang bigyan ng babala ang mga bansa at ang Jerusalem na may mga sundalong sumasalakay mula sa malayong lugar na humahamon ng digmaan sa mga lungsod ng Juda. 17 Pinaligiran nila ang Jerusalem na parang mga taong nagbabantay ng bukid, dahil ang Jerusalem ay naghimagsik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 18 Ang pag-uugali at masasama nʼyong gawa ang nagdala ng parusang ito sa inyo. Ito ang kaparusahan ninyo. Masakit ito! At tatagos ito sa inyong puso.”

Umiyak si Jeremias para sa Kanyang mga Kababayan

19 “Ang sakit sa puso koʼy halos hindi ko na matiis at ganoon na lamang ang pagdaing ko. Kumakabog ang dibdib ko at hindi ako mapalagay. Sapagkat narinig ko ang tunog ng trumpeta at ang sigaw ng digmaan. 20 Sunud-sunod na dumating ang kapahamakan. Ang buong lupain ay nawasak. Pati ang tolda koʼy agad na nagiba at napunit ang mga tabing. 21 Hanggang kailan ko kaya makikita ang watawat ng digmaan at ang tunog ng trumpeta?”

22 Sinabi ng Panginoon, “Hangal ang mga mamamayan ko; hindi nila ako nakikilala. Silaʼy mga mangmang na kabataan at hindi nakakaunawa. Sanay silang gumawa ng masama pero hindi marunong gumawa ng mabuti.”

Ang Pangitain ni Jeremias tungkol sa Darating na Kapahamakan

23 Tiningnan ko ang lupain at nakita kong itoʼy wala nang anyo at wala nang laman. At nakita ko ring ang langit ay wala nang liwanag. 24 Nakita ko ang mga bundok at mga burol na niyayanig. 25 Nakita ko rin na walang tao at lumilipad ang mga ibon papalayo. 26 Nakita ko na ang masaganang bukirin ay naging ilang. Nawasak ang lahat ng bayan dahil sa matinding galit ng Panginoon. 27 Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay magigiba, pero hindi ko ito gigibaing lubos. 28 Iiyak ang sanlibutan at magdidilim ang langit, dahil sinabi ko na ang kaparusahan at hindi ko na ito babaguhin. Nakapagpasya na ako at hindi na magbabago ang isip ko.”

29 Sa ingay ng mga nangangabayo at mamamana, tumakas na sa takot ang mga mamamayan ng bawat bayan. Ang iba ay tumakas sa kagubatan at ang iba ay umakyat sa batuhan. Ang lahat ng bayan ay iniwanan at walang natirang naninirahan sa mga ito. 30 Jerusalem malapit ka nang mawasak. Ano ang ginagawa mo? Bakit nakadamit ka pa ng magandang damit at mga alahas? Bakit naglalagay ka pa ng mga kolorete sa mga mata mo? Wala nang kabuluhan ang pagpapaganda mo. Itinakwil ka na ng iyong mga minamahal na kakamping bansa at gusto ka na nilang patayin.

31 Narinig ko ang pag-iyak at pagdaing, na parang babaeng nanganganak sa kanyang panganay. Iyak ito ng mga mamamayan ng Jerusalem[p] na parang hinahabol ang kanilang hininga. Itinataas nila ang kanilang mga kamay at nagsasabing, “Kawawa naman kami; at parang hihimatayin na, sapagkat nariyan na ang aming mga kaaway na papatay sa amin.”

Ang mga Kasalanan ng Jerusalem

Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, pumunta kayo sa mga lansangan nʼyo! Tingnan nʼyo ang mga plasa ninyo! Kung may makikita kayong matuwid at tapat, patatawarin ko ang lungsod ninyo. Kahit ginagamit nʼyo ang pangalan ko sa pagsumpa nʼyo, nagsisinungaling pa rin kayo.”

Pagkatapos, sinabi ko,Panginoon, naghahanap po kayo ng taong tapat. Sinaktan nʼyo po ang inyong mga mamamayan pero balewala ito sa kanila. Pinarusahan nʼyo sila pero ayaw nilang magpaturo. Pinatigas nila ang kanilang mga puso at ayaw nilang magsisi.

“Akala ko po, mga dukha sila at mga walang pinag-aralan, pero mga hangal pala sila. Sapagkat hindi nila alam ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios. Kaya pupuntahan ko po ang mga pinuno nila at kakausapin ko sila. Tiyak na mauunawaan nila ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios.” Pero tumanggi rin po silang sumunod sa mga ipinapagawa ng Dios. Kaya sasalakayin sila ng mga kaaway nila na parang leon na nanggaling sa kagubatan, o katulad ng isang asong lobo na galing sa ilang, o parang leopardong nagbabantay malapit sa bayan para silain ang sinumang lumabas. Mangyayari ito sa kanila dahil naghihimagsik sila sa Dios at maraming beses nang tumalikod sa kanya.

Sinabi sa kanila ng Panginoon, “Bakit ko kayo patatawarin? Pati ang mga anak ninyo ay itinakwil ako at sumumpa sa pangalan ng hindi tunay na dios. Ibinigay ko ang mga pangangailangan nila, pero nagawa pa rin nila akong pagtaksilan at nagsisiksikan pa sila sa bahay ng mga babaeng bayaran. Para silang mga lalaking kabayo na alagang-alaga. Ang bawat isa sa kanila ay may matinding pagnanasa sa asawa ng iba. Hindi ba nararapat lang na parusahan ko sila dahil dito? Hindi ba nararapat lang na paghigantihan ko ang mga bansang ganito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

10 Kayong mga kaaway ng mga taga-Israel, sirain nʼyo ang mga ubasan nila, pero huwag ninyong sirain nang lubusan. Tabasin nʼyo ang mga sanga, dahil ang mga taong ito ay hindi na sa Panginoon. 11 Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay hindi na tapat sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 12 Hindi sila nagsasalita ng totoo tungkol sa akin. Sinabi nila, ‘Hindi tayo sasaktan ng Panginoon! Walang panganib na darating sa atin. Walang digmaan o gutom man na darating.’ 13 Walang kabuluhan ang mga propeta at hindi galing sa akin ang mga ipinapahayag nila. Mangyari nawa sa kanila ang kapahamakan na kanilang inihula.”

14 Kaya ito ang sinabi sa akin ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Dahil ganyan ang sinabi ng mga taong iyon, bibigyan kita ng mensahe na katulad ng apoy na susunog sa kanila at magiging parang kahoy sila na masusunog.”

15 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ng Israel, magpapadala ako ng mga tao mula sa malayong bansa para salakayin kayo. Itoʼy isang sinaunang bansa na ang wika ay hindi ninyo nauunawaan. 16 Matatapang ang sundalo nila at nakakamatay ang mga gamit nilang pandigma. 17 Uubusin nila ang inyong mga ani, pagkain, hayop, ubas, at mga igos ninyo. Papatayin nila ang mga hayop at anak ninyo. Wawasakin nila ang mga napapaderang lungsod nʼyo, na siyang inaasahan ninyo. 18 Pero sa mga araw na iyon, hindi ko kayo lubusang lilipulin. 19 At kung may magtatanong, ‘Bakit ginawa ng Panginoon na ating Dios ang lahat ng ito sa atin?’ Sabihin mo sa kanila, ‘Dahil itinakwil ninyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang mga dios sa sarili ninyong lupain. Kaya ngayon, maglilingkod kayo sa mga dayuhan sa lupaing hindi inyo.’

20 “Sabihin nʼyo ito sa mga mamamayan ng Israel[q] at Juda. 21 Pakinggan nʼyo ito, kayong mga hangal at matitigas ang ulo. May mga mata kayo, pero hindi makakita, may mga tainga pero hindi makarinig. 22 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Wala ba kayong takot sa akin? Bakit hindi kayo nanginginig sa harapan ko? Ako ang gumawa ng buhangin sa tabing-dagat para maging hangganan ng dagat. Itoʼy hangganan na hindi maaapawan. Hahampasin ito ng mga alon pero hindi nila maaapawan. 23 Pero matitigas ang ulo at rebelde ang mga taong ito. Kinalimutan at nilayuan nila ako. 24 Hindi sila nagsasalita ng mula sa puso na, ‘Parangalan natin ang Panginoon na ating Dios na nagbibigay ng ulan sa tamang panahon at nagbibigay sa atin ng ani sa panahon ng anihan.’ 25 Ang kasamaan nʼyo ang naglayo ng mga bagay na iyon sa inyo. Ang mga kasalanan nʼyo ang naging hadlang sa pagtanggap nʼyo ng mga pagpapalang ito.

26 “May masasamang tao na kabilang sa mga mamamayan ko at nag-aabang ng mabibiktima. Para silang mga taong bumibitag ng mga ibon. Naglalagay sila ng mga bitag para sa ibang mga tao. 27 Katulad ng hawlang puno ng mga ibon, ang bahay ng masasamang taong ito ay puno ng mga kayamanang nanggaling sa pandaraya. Kaya yumaman sila at naging makapangyarihan. 28 Tumaba sila at lumakas ang mga katawan nila. Lubusan ang paggawa nila ng kasamaan. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ulila at hindi nila ipinaglalaban ang karapatan ng mga dukha. 29 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan dahil dito? Hindi baʼt nararapat kong paghigantihan ang mga bansang katulad nito? 30 Nakakatakot at nakakapangilabot ang mga bagay na nangyayari sa lupaing ito. 31 Ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan. Ang mga pari ay namamahala ayon sa sarili nilang kapangyarihan. At ito ang gusto ng mga mamamayan ko. Pero ano ang gagawin nila kapag dumating na ang katapusan?”

Napaligiran ang Jerusalem ng Kanyang mga Kaaway

“Mga lahi ni Benjamin, tumakas kayo at magtago! Umalis kayo sa Jerusalem! Patunugin nʼyo ang trumpeta sa Tekoa at hudyatan nʼyo ang Bet Hakerem, dahil darating na ang kapahamakan mula sa hilaga. Wawasakin ko ang magandang lungsod ng Jerusalem.[r] Papalibutan ito ng mga pinuno at ng kanilang mga sundalo.[s] Magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa paligid nito at doon sila magkakampo. Sasabihin ng mga pinuno, ‘Humanda kayo! Pagsapit ng tanghali, sasalakayin natin sila.’ Pero pagdating ng hapon, sasabihin ng pinuno, ‘Lumulubog na ang araw at medyo nagdidilim na. Ngayong gabi na lang tayo sasalakay at wawasakin natin ang mga matitibay na bahagi ng lungsod na ito.’ ”

Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Pumutol kayo ng mga kahoy na pangwasak sa mga pader ng Jerusalem, at magtambak kayo ng lupa sa gilid ng pader at doon kayo dumaan. Nararapat nang parusahan ang lungsod na ito dahil laganap na rito ang mga pang-aapi. Katulad ng bukal na patuloy ang pag-agos ng tubig, patuloy ang paggawa nito ng kasamaan. Palaging nababalitaan sa lungsod na ito ang mga karahasan at panggigiba. Palagi kong nakikita ang mga karamdaman at sugat nito. Mga taga-Jerusalem, babala ito sa inyo at kung ayaw pa ninyong makinig, lalayo ako sa inyo, at magiging mapanglaw ang lupain nʼyo at wala nang maninirahan dito.”

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang mga matitirang buhay sa Israel ay ipapaubos ko sa mga kaaway, katulad ng huling pamimitas ng mga natitirang ubas. Tinitingnan nilang mabuti ang mga sanga at kukunin ang mga natitirang bunga.”

10 Nagtanong ako, “Pero Panginoon sino po ang bibigyan ko ng babala? Sino po kaya ang makikinig sa akin? Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga para hindi sila makarinig. Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon, kaya ayaw nilang makinig. 11 Matindi rin ang galit na nararamdaman ko tulad ng sa Panginoon at hindi ko mapigilan.”

Sinabi ng Panginoon, “Ipapadama ko ang galit ko pati sa mga batang naglalaro sa lansangan, mga kabataang lalaki na nagkakatipon, mga mag-asawa at pati na sa matatanda. 12 Ibibigay sa iba ang mga bahay nila, pati ang mga bukid at mga asawa nila. Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na ang mga nakatira sa lupaing ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13 “Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, pare-pareho silang sakim sa pera. Kahit ang mga propeta at mga pari ay mga mandaraya rin. 14 Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito. Sinasabi rin nila na payapa ang lahat, kahit hindi naman. 15 Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

16 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan. At makakamtan ninyo ang kapayapaan. Pero sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’ 17 Naglagay ako ng mga tagapagbantay at sinabi nila sa inyo, ‘Pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta bilang babala.’ Pero sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’

18 “Kaya kayong mga bansa, makinig kayo. Masdan ninyong mabuti kung ano ang mangyayari sa kanila. 19 Buong mundo, makinig kayo! Magpapadala ako ng kapahamakan sa mga taong ito para parusahan sila sa kanilang masamang mga binabalak. Sapagkat ayaw nilang pakinggan ang mga salita ko at itinakwil nila ang mga kautusan ko. 20 Walang halaga sa akin ang inihahandog nilang insenso kahit na galing pa ito sa Sheba, o ang mga pabangong mula pa sa malayong lugar. Hindi ko tatanggapin ang kanilang mga handog na sinusunog. Hindi ako natutuwa sa mga handog nila sa akin. 21 Kaya ako, ang Panginoon, ay maglalagay ng katitisuran sa dinadaanan ng mga taong ito. At dahil dito, babagsak ang mga ama at mga batang lalaki, pati ang mga magkaibigan at magkapitbahay.”

22 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, may mga sundalong dumarating galing sa lupain sa hilaga, isang makapangyarihang bansa na galing sa malayong lupain[t] na handang sumalakay. 23 Ang dala nilang armas ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nila ay parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila para salakayin kayo, mga taga-Jerusalem.”

24 Nabalitaan namin ang tungkol sa kanila at kami ay nanlupaypay. Takot at hirap ang naramdaman namin katulad ng paghihirap ng babaeng manganganak na. 25 Huwag na kayong lalabas para pumunta sa mga bukid o lumakad sa mga daan, dahil may mga kaaway kahit saan na handang pumatay. Nakakatakot sa ating paligid. 26 Mga kababayan, magsuot kayo ng damit na panluksa[u] at gumulong kayo sa abo para ipakita ang kalungkutan ninyo. Umiyak kayo na parang namatay ang kaisa-isa ninyong anak na lalaki. Sapagkat bigla tayong sasalakayin ng kaaway.

27 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ginawa kitang tulad ng tagasuri ng mga metal, para masuri mo ang pag-uugali ng aking mga mamamayan. 28 Silang lahat ay rebelde at matitigas ang ulo, kasintigas ng tanso at bakal. Nanlalait at nanloloko sila ng kanilang kapwa. 29 Pinapainit nang husto ang pugon para dalisayin ang pilak mula sa tinggang nakahalo rito, pero hindi rin lubusang nadalisay ang pilak. Ganyan din ang mga mamamayan ko, wala ring kabuluhan ang pagdalisay sa kanila, dahil hindi pa rin naaalis nang lubusan ang kasamaan nila. 30 Tatawagin silang, ‘Itinakwil na Pilak’ dahil itinakwil ko sila.”

Nangaral si Jeremias

Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Tumayo ka sa pintuan ng templo ko at sabihin mo ito sa mga mamamayan ko: ‘Makinig kayo, kayong mga taga-Juda na pumapasok dito para sumamba sa Panginoon. Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Baguhin na ninyo ang inyong pag-uugali at pamumuhay, para patuloy ko kayong patirahin sa lupaing ito. Huwag kayong palilinlang sa mga taong paulit-ulit na sinasabing walang panganib na mangyayari sa inyo dahil nasa atin ang templo ng Panginoon.

“ ‘Baguhin na ninyo ng lubusan ang inyong pag-uugali at pamumuhay. Tratuhin ninyo ng tama ang inyong kapwa, at huwag na ninyong apihin ang mga dayuhan, ulila, at mga biyuda. Huwag ninyong papatayin ang mga walang kasalanan, at huwag kayong sumamba sa ibang mga dios na siyang magpapahamak sa inyo. Kapag ginawa nʼyo ito, patuloy ko kayong patitirahin sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga magulang nʼyo magpakailanman.

“ ‘Pero tingnan ninyo kung ano ang inyong ginagawa! Naniniwala kayo sa mga kasinungalingan na walang kabuluhan. Kayo ay nagnanakaw, pumapatay, nangangalunya, sumasaksi nang may kasinungalingan, naghahandog ng mga insenso kay Baal, at sumasamba sa ibang mga dios na hindi nʼyo nakikilala. 10 Pagkatapos, lumalapit at tumatayo kayo sa harap ko rito sa templo, kung saan pinararangalan ang pangalan ko. At sinasabi nʼyo, “Ligtas tayo rito.” At pagkatapos, ginagawa na naman ninyo ang mga gawaing kasuklam-suklam. 11 Bakit, ano ang akala ninyo sa templong ito na pinili ko para parangalan ako, taguan ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang mga ginagawa sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

12 “ ‘Pumunta kayo sa Shilo, ang unang lugar na pinili ko para sambahin ako, at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan kong taga-Israel. 13 Habang ginagawa ninyo ang masasamang bagay na ito, paulit-ulit ko kayong binibigyan ng babala, pero hindi kayo nakinig. Tinawag ko kayo, pero hindi kayo sumagot. 14 Kaya ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin ngayon sa templong ito, kung saan pinararangalan ang pangalan ko, ang templong pinagtitiwalaan ninyo na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. 15 Palalayasin ko kayo mula sa aking harapan katulad ng ginawa ko sa mga kamag-anak ninyo, ang mga mamamayan ng Israel.’[v]

16 “Kaya Jeremias, huwag kang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag kang magmamakaawa o humiling sa akin para sa kanila, dahil hindi kita pakikinggan. 17 Hindi mo ba nakikita ang ginagawa nila sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 18 Ang mga kabataan ay nangangahoy, ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, ang mga babae ay nagmamasa ng harina para gawing tinapay para sa Reyna ng Langit.[w] Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang mga dios para galitin ako. 19 Pero ako nga ba ang sinasaktan nila? Hindi! Ang sarili nila ang sinasaktan at inilalagay nila sa kahihiyan. 20 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi, ‘Ipapadama ko sa lugar na ito ang matinding galit ko – sa mga tao, mga hayop, mga puno, at mga halaman. Ang galit koʼy parang apoy na hindi mapapatay ng kahit sino.’

21 “Sige, kunin na lang ninyo ang inyong mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, at kainin na lang ninyo ang karne. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito. 22 Nang ilabas ko sa Egipto ang mga ninuno nʼyo, hindi ko lang sila inutusan na mag-alay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, 23 inutusan ko rin sila ng ganito: ‘Sundin ninyo ako, at akoʼy magiging Dios nʼyo at kayoʼy magiging mga mamamayan ko. Mamuhay kayo sa paraang iniutos ko sa inyo para maging mabuti ang kalagayan ninyo.’

24 “Pero hindi nila sinunod o pinansin man lang ang mga sinabi ko sa kanila. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. At sa halip na lumapit sa akin, lalo pa silang lumayo. 25 Mula nang umalis ang mga ninuno nʼyo sa Egipto hanggang ngayon, patuloy akong nagpapadala sa inyo ng mga lingkod kong mga propeta. 26 Pero hindi nʼyo sila pinakinggan o pinansin. Mas matigas pa ang mga ulo nʼyo at mas masama pa ang mga ginawa nʼyo kaysa sa mga ninuno ninyo.

27 Jeremias, kung sasabihin mo sa kanila ang lahat ng ito, hindi sila makikinig sa iyo. Kapag tatawagin mo sila na lumapit sa akin, hindi sila sasagot. 28 Kaya ito ang sabihin mo sa kanila: Ito ang bansa na ang mga mamamayan ay ayaw sumunod sa Panginoon na kanilang Dios, at ayaw magpaturo. Wala sa kanila ang katotohanan at hindi na sila nagsasalita ng totoo. 29 Mga taga-Jerusalem, kalbuhin nʼyo ang buhok nʼyo at itapon ito para ipakitang nagdadalamhati kayo. Umiyak kayo roon sa kabundukan, dahil itinakwil at pinabayaan na ng Panginoon ang lahi nʼyo na nagpagalit sa kanya.”

Ang Lambak ng Patayan

30 Sinabi ng Panginoon, “Gumawa ng masama ang mga tao ng Juda. Inilagay nila ang mga kasuklam-suklam nilang dios-diosan doon sa templo, ang lugar na pinili ko kung saan ako pararangalan, kaya nadungisan ito. 31 Nagtayo rin sila ng sambahan sa matataas na lugar[x] sa Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para roon nila sunugin ang mga anak nila bilang handog. Hindi ko ito iniutos sa kanila ni pumasok man lang sa isip ko. 32 Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ang lugar na iyon ay hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben Hinom kundi Lambak ng Patayan. Sapagkat doon ililibing ang maraming bangkay hanggang sa wala nang lugar na mapaglibingan. 33 Ang mga bangkay ng mamamayan ko ay kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop, at walang sinumang magtataboy sa mga ito. 34 Ipapatigil ko na ang kagalakan at kasayahan sa mga lansangan ng Jerusalem. At hindi na rin mapapakinggan sa bayan ng Juda ang masasayang tinig ng mga bagong kasal. Sapagkat magiging mapanglaw ang lupaing ito.”

At sinabi pa ng Panginoon, “Sa mga panahong iyon, kukunin sa mga libingan ang mga buto ng mga hari, ng mga pinuno ng Juda, pati na ng mga pari, mga propeta, at mga mamamayan ng Jerusalem. Pagkatapos, ikakalat ito sa lupain na nakabilad sa init ng araw, sa liwanag ng buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinanggunian, at sinamba. Hindi na muling titipunin ang mga buto nila ni ililibing, kundi ikakalat sa lupa na parang dumi. Ang natitirang buhay sa masamang bansang ito ay ipapangalat ko sa ibang mga bansa, at doon ay gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sa mabuhay. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Ang Kasalanan at ang Kaparusahan

Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko ito sa mga tao: “Kapag nadapa ang tao, hindi baʼt muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya, hindi baʼt muli siyang bumabalik? Pero kayong mga taga-Jerusalem, bakit patuloy kayong lumalayo sa akin? Bakit ayaw ninyong iwanan ang mga dios-diosan na dumadaya sa inyo at magbalik sa akin? Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi nʼyo pero hindi tama ang mga ito. Walang sinuman sa inyo ang nagsisi sa inyong kasamaan. Wala man lang nagsabing, ‘Ano ba itong ginawa ko?’ Sa halip, ang bawat isa sa inyo ay naging mabilis sa paggawa ng kasalanan na parang kabayong papunta sa digmaan. Nalalaman ng tagak, ng kalapati at ng langay-langayan kung kailan sila lilipad patungo sa ibang lugar at kung kailan sila babalik, pero kayong mga hinirang ko ay hindi alam ang aking mga tuntunin. Paano ninyo nasasabing marunong kayo, dahil ba alam ninyo ang mga kautusan ng Panginoon? Ang totoo, binago iyon ng inyong mga guro. Mapapahiya ang mga nagsasabing sila ay marurunong. Matatakot sila dahil bibihagin sila. Itinakwil nila ang mga salita ko – gagawin ba nila ito kung talagang marunong sila? 10 Kaya ibibigay ko sa iba ang mga asawa at mga bukirin nila. Sapagkat maging mga dakila man o mga dukha ay pare-parehong naging sakim sa pera, pati na ang mga propeta at mga pari. 11 Hindi nila siniseryoso ang paggamot sa sugat ng mga mamamayan ko, kahit malubha na ito. Sinasabi nilang mabuti ang lahat kahit na hindi ito mabuti. 12 Ikinakahiya ba nila ang mga ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Sapagkat wala na silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila pagdating ng araw na parurusahan sila. 13 Lubos ko silang lilipulin at sisirain ko ang mga bunga ng kanilang mga ubas at igos; pati ang mga dahon nitoʼy malalanta. Ang mga ibinigay ko sa kanila ay mawawala.

14 Pagkatapos, sasabihin nila, ‘Ano pa ang hinihintay natin? Halikayo, tumakas na tayo papunta sa mga napapaderang lungsod at doon na tayo mamatay. Sapagkat hinatulan na tayong mamatay ng Panginoon na ating Dios. Parang binigyan niya tayo ng tubig na may lason para inumin, dahil nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan, pero walang dumating na kapayapaan. Naghintay tayo ng kabutihan, pero takot ang dumating. 16 Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway ay naririnig mula sa Dan. Sa mga halinghing pa lang ng mga kabayo nila, nanginginig na ang buong lupain. Dumating sila para wasakin ang lupaing ito at ang lahat ng naririto; ang mga lungsod at ang lahat ng mamamayan nito.’ ”

17 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Magpapadala ako ng mga kaaway na parang mga makamandag na ahas na hindi napapaamo ng kahit sino, at tutuklawin nila kayo.”

18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias: Hindi mapapawi ang kalungkutan ko. Nagdaramdam ang puso ko. 19 Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga kababayan ko na naririnig sa buong lupain. Sinabi nila, “Wala na ba ang Panginoon sa Jerusalem?[y] Wala na ba roon ang Dios na Hari ng Jerusalem?” Sumagot ang Panginoon, “Bakit nʼyo ako ginalit sa pamamagitan ng pagsamba nʼyo sa mga dios-diosang walang kabuluhan?” 20 Sumagot ang mga tao, “Tapos na ang anihan, tapos na rin ang tag-araw, pero hindi pa kami naililigtas!”

21 Nagdaramdam ako dahil sa nararanasang hirap ng mga kababayan ko. Nagluluksa ako at natitigilan. 22 Wala na bang gamot sa Gilead? Wala na bang manggagamot doon? Bakit hindi gumagaling ang sugat ng mga kababayan ko?

“Kung balon sana ng tubig ang aking ulo, at ang aking mga mata ay bukal ng luha, iiyak ako araw at gabi para sa mga kababayan kong pinatay. Kung mayroon lang sana akong matitirhan sa ilang para makalayo ako sa mga kababayan ko, dahil silang lahat ay nagtaksil na parang mga babaeng nangangalunya.”

Sinabi ng Panginoon, “Lagi silang handang magsinungaling na parang pana na handa nang itudla. Kasinungalingan ang namamayani sa lupaing ito at hindi ang katotohanan. Malala na ang paggawa nila ng kasalanan at hindi nila ako kinikilala.

“Mag-ingat kayo sa kapwa nʼyo at huwag kayong magtiwala sa mga kamag-anak nʼyo, dahil ang bawat isa ay mandaraya at naninira ng kapwa. Dinadaya ng bawat isa ang kapwa niya at wala ni isa ang nagsasalita ng katotohanan. Sanay na sa pagsisinungaling ang mga dila nila at pinapagod nila ang sarili nila sa paggawa ng kasalanan. Puro na lang pandaraya ang ginagawa nila, at dahil sa pandaraya ay ayaw na nila akong kilalanin. Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabing dadalisayin ko sila na parang metal at susubukin ko sila. Ano pa ang maaari kong gawin sa kanila? Ang kanilang mga dila ay parang panang nakakamatay. Puro na lang pandaraya ang kanilang sinasabi. Nakikipag-usap sila nang mabuti sa kapwa nila pero sa puso nilaʼy masama ang binabalak nila. Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan? Hindi ba dapat na paghigantihan ko ang bansang katulad nito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

10 Sinabi ni Jeremias: Iiyak ako ng malakas para sa mga kabundukan at mananaghoy ako para sa mga pastulan. Dahil malungkot na ito at wala nang dumadaan. Hindi na marinig ang unga ng mga baka, at nag-alisan na ang mga ibon at mga hayop. 11 Dahil sinabi ng Panginoon, “Wawasakin ko ang Jerusalem, at magiging tirahan ito ng mga asong-gubat.[z] Gagawin kong parang ilang ang mga bayan ng Juda at wala nang titira rito.”

12 Nagtanong ako sa Panginoon, “Sino pong marunong na tao ang makakaunawa sa mga pangyayaring ito? Kanino nʼyo po ipinaliwanag ang tungkol dito para maipaliwanag ito sa mga tao? Bakit po nawasak ang lupaing ito at naging parang ilang na hindi na dinadaanan?”

13 Sumagot ang Panginoon, “Nangyari ito dahil hindi nila sinunod ang mga utos na ibinigay ko sa kanila. Hindi sila sumunod sa akin o sa mga utos ko. 14 Sa halip, sinunod nila ang kapasyahan ng matigas nilang mga puso. Sumamba sila kay Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng mga ninuno nila. 15 Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsabing pakakainin ko ang mga taong ito ng mapait na pagkain at paiinumin ng tubig na may lason. 16 Ipapangalat ko sila sa mga bansang hindi nila kilala maging ng mga ninuno nila. Magpapadala ako ng hukbong sasalakay sa kanila para lubusan silang malipol.”

17 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Isipin nʼyo kung ano ang mga nangyayari! Tawagin nʼyo ang mga babaeng tagaiyak, lalo na ang mga sanay sa pag-iyak. 18 Pagmadaliin silang pumunta para iyakan ang mga mamamayan ko hanggang sa dumaloy ang kanilang luha.[aa] 19 Pakinggan ang mga pag-iyak sa Jerusalem.[ab] Sinasabi ng mga tao, ‘Nawasak tayo! Nakakahiya ang nangyaring ito sa atin! Kailangang iwan na natin ang ating lupain dahil nawasak na ang ating mga tahanan!’ ”

20 Ngayon, kayong mga babae, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon. Pakinggan ninyo itong mabuti. Turuan ninyo ang inyong mga anak na babae at ang inyong kapwa na umiyak at managhoy. 21 Dumating ang kamatayan sa ating mga sambahayan at sa matitibay na bahagi ng ating lungsod. Pinatay ang mga bata na naglalaro sa mga lansangan at ang mga kabataang lalaki na nagkakatipon sa mga plasa. 22 At sinabi ng Panginoon, “Kakalat ang mga bangkay na parang mga dumi sa kabukiran, at parang mga butil na naiwan ng mga nag-aani, at wala nang kukuha sa mga ito. 23 Hindi dapat ipagmalaki ng marunong ang karunungan niya, o ng malakas ang kalakasan niya, o ng mayaman ang kayamanan niya. 24 Kung gusto ng sinuman na magmalaki, dapat lang niyang ipagmalaki na kilala niya ako at nauunawaan niyang ako ang Panginoong mapagmahal na gumagawa ng tama at matuwid dito sa mundo, dahil iyon ang kinalulugdan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25 “Darating ang araw na parurusahan ko ang lahat ng tinuli, na ang kanilang pamumuhay ay hindi nabago – 26 ang mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab, at ang lahat ng nakatira sa malalayong ilang.[ac] Ang totoo, lahat ng bansang ito pati na ang mga mamamayan ng Israel ay parang hindi rin mga tinuli.”

Kapahamakan ang Dulot ng Pagsamba sa mga dios-diosan

10 Mamamayan ng Israel, pakinggan nʼyo ang sinasabi ng Panginoon. Sinasabi niya, “Huwag ninyong tutularan ang pag-uugali ng mga tao sa ibang mga bansa na naghahanap ng mga tanda sa kalangitan. Huwag kayong matakot sa mga ganyang tanda kahit na ang mga tao sa ibang bansa ay takot sa mga tandang iyan. Walang kabuluhan ang kaugalian ng mga taong iyon. Pumuputol sila ng puno sa gubat at pinauukitan nila sa mahuhusay na mang-uukit. Pagkatapos, pinapalamutian nila ng pilak at ginto, at pinapakuan ng mabuti para hindi matumba. Ang mga dios-diosang itoʼy parang taong panakot ng ibon sa bukid na hindi nakakapagsalita. Kailangan pa itong buhatin dahil hindi ito nakakalakad. Huwag kayong matakot sa mga dios-diosang ito dahil hindi sila makakagawa ng masama at hindi rin makakagawa ng mabuti.”

O Panginoon, wala po kayong katulad. Makapangyarihan kayo at dakila ang pangalan. Sino po ang hindi matatakot sa inyo, O Hari ng mga bansa? Karapat-dapat lang na igalang kayo. Wala po kayong katulad sa lahat ng matalino na mula sa ibaʼt ibang bansa, o sa lahat ng hari. Silang lahat ay matitigas ang ulo at mga hangal. Wala pong kabuluhan ang mga turo tungkol sa mga dios-diosan nila na gawa sa kahoy. Nagpagawa po sila sa mga panday at mga platero ng mga dios-diosan na binalutan ng pilak mula sa Tarshish at ginto mula sa Ufaz. Pagkatapos, binihisan po nila ang mga ito ng damit na asul at kulay ube na tinahi ng bihasang mananahi. 10 Pero ang Panginoon ang tunay na Dios. Siya ang buhay na Dios at walang hanggang Hari. Kapag nagagalit siya, nayayanig ang daigdig, at walang bansa na makatatagal sa tindi ng galit niya. 11 Sabihin ninyo sa mga sumasamba sa ibang mga dios, “Ang inyong mga dios na hindi lumikha ng langit at lupa ay mawawala sa mundo.”

12 Pero ang Dios ang lumikha ng langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya. 13 Sa utos niyaʼy lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalangitan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®