Bible in 90 Days
23 Sinabi pa ng Panginoon kay Jeremias, 24 “Hindi mo ba narinig na kinukutya ng mga tao ang mga mamamayan ko? Sinasabi nila, ‘Itinakwil ng Panginoon ang dalawang kaharian na hinirang niya.’ Kaya hinahamak nila ang mga mamamayan ko at hindi na nila ito itinuturing na bansa. 25 Pero sinasabi ko na hindi na mauulit ang aking kasunduan sa araw at sa gabi, at ang aking mga tuntunin na naghahari sa langit at lupa, 26 mananatili rin ang aking kasunduan sa mga lahi ni Jacob at kay David na lingkod ko. Hihirang ako mula sa angkan ni David na maghahari sa mga lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Kahahabagan ko sila at pababalikin sa kanilang sariling lupain mula sa pagkabihag.”
Ang Babala kay Zedekia
34 1-2 Sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Jerusalem at ang mga bayan sa palibot nito. Kasama niyang lumusob ang lahat ng sundalo niya pati ang mga sundalo na galing sa mga kaharian na nasasakupan niya. Sa panahong iyon, sinabi kay Jeremias ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel,
“Pumunta ka kay Haring Zedekia ng Juda at sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoon, ang nagsasabi, ‘Ibibigay ko sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito at susunugin niya ito.’ 3 Hindi ka makakatakas sa mga kamay niya. Huhulihin ka at ibibigay sa hari ng Babilonia. Haharap ka sa kanya para hatulan at dadalhin kang bihag sa Babilonia. 4 Pero Haring Zedekia, pakinggan mo ang pangako ko sa iyo: Hindi ka mamamatay sa digmaan, 5 kundi payapa kang mamamatay. Ang mga mamamayan moʼy magsusunog ng mga insenso para parangalan ka, katulad ng ginawa nila sa paglilibing ng mga ninuno mo na mga naunang hari. Ipagluluksa ka nila at sasabihin nila, ‘Patay na ang aming hari!’ Dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
6 Pagkatapos, pumunta si Jeremias sa Jerusalem, at sinabi ang lahat ng ito kay Haring Zedekia.[a] 7 Sumasalakay na ng panahong iyon ang hukbo ng hari ng Babilonia sa Jerusalem, sa Lakish at sa Azeka. Ito na lang ang mga lungsod ng Juda na may mga pader.
Pagpapalaya ng mga Alipin
8 May sinabi pa ang Panginoon kay Jeremias nang panahong gumawa ng kasunduan si Haring Zedekia sa lahat ng taga-Jerusalem na palalayain niya ang mga alipin. 9 Nag-utos si Zedekia na ang sinumang may mga aliping Hebreo, maging babae o lalaki ay kinakailangan nilang palayain. Walang kapwa Judio na mananatiling alipin. 10 At ang lahat ng mamamayan, pati ang mga namumuno ay pumayag sa kasunduang ito, at pinalaya nila ang mga alipin nila – lalaki man o babae. 11 Pero sa bandang huli, nagbago ang isip nila at inalipin nila ulit ang mga aliping pinalaya nila.
12-13 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Gumawa ako ng kasunduan sa mga ninuno nʼyo noong pinalaya ko sila sa lupain ng Egipto, sa lugar kung saan sila inalipin. Sinabi ko sa kanila, 14 ‘Sa tuwing darating ang ikapitong taon, kailangang palayain ninyo ang kapwa ninyo Hebreo na ipinagbili sa inyo bilang alipin. Kailangan ninyo silang palayain pagkatapos nilang maglingkod sa inyo ng anim na taon.’ Pero hindi ako sinunod ng mga ninuno ninyo. 15 Noong nakalipas na mga araw, nagsisi kayo at ginawa nʼyo ang matuwid sa paningin ko. Pumayag kayong lahat na palayain ang mga kababayan nʼyo na inyong inalipin. Gumawa pa kayo ng kasunduan sa akin tungkol dito doon mismo sa templo kung saan nʼyo pinararangalan ang pangalan ko. 16 Pero nagbago ang inyong mga isip at inilagay ninyo ako sa kahihiyan. Inalipin ulit ninyo ang mga alipin na inyong pinalaya, pinilit uli ninyo silang maging alipin.
17 “Kaya ako, ang Panginoon ay nagsasabing dahil hindi ninyo ako sinunod at hindi ninyo pinalaya ang inyong mga alipin na mga kababayan ninyo, bibigyan ko kayo ng kalayaan – ang kalayaan na mamatay sa digmaan, sa gutom at sa sakit. Kayoʼy gagawin kong kasuklam-suklam sa paningin ng lahat ng kaharian sa daigdig. 18-19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mga namamahala sa palasyo, pati ang mga pari at ang mga mamamayan ay nakipagkasundo sa akin, at pinatunayan ito sa pamamagitan ng paghati ng guya,[b] at ang bawat isaʼy dumaan sa pagitan nito. Pero hindi nila tinupad ang nakasaad doon sa kasunduan kaya gagawin ko sa kanila ang ginawa nila sa guyang pinatay at hinati. 20 Ibibigay ko sila sa mga kaaway nila na nagnanais pumatay sa kanila. At magiging pagkain ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga bangkay nila.
21 “Ibibigay ko si Haring Zedekia ng Juda at ang mga pinuno niya sa mga kaaway nila na mga sundalo ng hari ng Babilonia na gustong pumatay sa kanila. Bagamaʼt tumigil na sila sa pagsalakay sa inyo, 22 uutusan ko sila na muli kayong salakayin, sakupin at sunugin. Gagawin kong mapanglaw ang mga bayan ng Juda at wala nang maninirahan dito.”
Ang mga Recabita
35 Noong si Jehoyakim na anak ni Josia ang hari sa Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Pumunta ka sa sambahayan ng mga Recabita at sabihin mo sa kanilang pumunta sila sa isa sa mga silid ng templo at painumin mo sila ng alak.”
3 Kaya pinuntahan ko si Jaazania (anak siya ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak ni Habazinia) at ang lahat ng kapatid at anak niya. Sila ang buong sambahayan ng mga Recabita. 4 Dinala ko sila sa templo ng Panginoon, doon sa silid ng mga anak na lalaki ni Hanan na anak ni Igdalia na lingkod ng Dios. Ang silid na ito ay nasa tapat ng silid ng mga pinuno at nasa itaas ng silid ni Maaseya na anak ni Shalum, na guwardya ng pintuan ng templo. 5 Pagkatapos, naglagay ako ng mga lalagyang puno ng alak at mga tasa sa harap ng mga Recabita, at sinabi kong magsiinom sila.
6 Pero sumagot sila, “Hindi kami umiinom ng alak. Iniutos sa amin ng ninuno naming si Jonadab na anak ng pinuno naming si Recab na kami at ang angkan namin ay hindi iinom ng alak. 7 Iniutos din niya sa amin, ‘Huwag kayong magtatayo ng mga bahay o magsasaka o magtatanim ng mga ubas o magmamay-ari ng mga bagay na ito. Kinakailangang tumira lang kayo sa mga tolda. At kung susundin ninyo ito, hahaba ang buhay ninyo kahit saang lupain kayo tumira.’ 8 Sinunod namin ang mga iniutos sa amin ng aming ninunong si Jonadab. Kami at ang mga asawaʼt mga anak namin ay hindi uminom ng alak, 9 hindi rin kami nagtayo ng mga bahay, at hindi rin kami nagkaroon ng mga ubasan, o ng mga bukid. 10 Tumira kami sa mga tolda at sinunod namin ang lahat ng itinuro sa amin ni Jonadab na ninuno namin. 11 Pero nang sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa bansang ito, natakot kami sa mga sundalo ng Babilonia at ng Aram,[c] kaya nagpasya kaming tumakas at pumunta sa Jerusalem. Ito ang dahilan kaya nakatira kami dito sa Jerusalem.”
12-13 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Pumunta ka sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at sabihin ito: Bakit ayaw ninyong makinig sa mga itinuturo ko at ayaw ninyong sundin ang mga salita ko? 14 Si Jonadab na anak ni Recab ay nag-utos sa mga angkan niya na hindi sila iinom ng alak, at sinunod nila ito. Hanggang ngayon hindi sila umiinom ng alak dahil sinusunod nila ang utos ng kanilang ninuno. Pero hindi kayo sumunod sa akin kahit ilang beses na akong nagsabi sa inyo 15 sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Talikuran na ninyo ang inyong masasamang ugali, baguhin na ninyo ang inyong pamumuhay, at huwag na kayong sumamba sa mga dios-diosan, para patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’ Pero hindi kayo naniwala o sumunod sa akin. 16 Sumunod sa utos ni Jonadab ang mga angkan niyang anak ni Recab. Pero kayoʼy hindi sumunod sa akin. 17 Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: ‘Makinig kayo! Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem. Pasasapitin ko sa inyo ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo. Nakipag-usap ako sa inyo pero hindi kayo nakinig, tumawag ako sa inyo pero hindi kayo sumagot.’ ”
18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias sa mga Recabita ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Talagang sinusunod nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ng ninuno nʼyong si Jonadab, 19 kaya nangako akong si Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng angkan na maglilingkod sa akin. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
Binasa ni Baruc ang Pahayag ng Panginoon
36 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Kumuha ka ng masusulatan at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo tungkol sa Israel, Juda, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko, mula nang una kitang kausapin sa panahon ni Haring Josia hanggang ngayon. 3 Baka sakaling magsisi ang mga mamamayan ng Juda kapag narinig nila ang kapahamakang binabalak kong gawin sa kanila at talikuran nila ang masasama nilang ugali. At kapag nangyari ito, patatawarin ko sila sa mga kasamaan at kasalanan nila.”
4 Kaya ipinatawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Neria at idinikta sa kanya ang lahat ng sinabi ng Panginoon, at isinulat naman ni Baruc sa nakarolyong sulatan. 5 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias kay Baruc, “Pinagbabawalan akong pumunta sa templo ng Panginoon. 6 Kaya ikaw na lang ang pumunta roon sa araw ng pag-aayuno. Magtitipon doon ang mga mamamayan ng Juda galing sa bayan nila. Basahin mo sa kanila ang sinasabi ng Panginoon sa kasulatang ito na isinalaysay ko sa iyo. 7 Baka sakaling sa pamamagitan nitoʼy lumapit sila sa Panginoon at talikuran nila ang masasama nilang pag-uugali. Sapagkat binigyan na sila ng babala ng Panginoon na silaʼy parurusahan niya dahil sa matindi niyang galit sa kanila.”
8 Ginawa ni Baruc ang iniutos sa kanya ni Jeremias. Binasa nga niya roon sa templo ang ipinapasabi ng Panginoon. 9 Nangyari ito noong araw ng pag-aayuno sa presensya ng Panginoon, nang ikasiyam na buwan nang ikalimang taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Nagtipon sa templo ang mga mamamayan ng Jerusalem at ng mga bayan ng Juda. 10 Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa templo malapit sa silid ni Gemaria na kalihim na anak ni Shafan. Ang silid ni Gemaria ay nasa itaas ng bulwagan ng templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan. 11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemaria at apo ni Shafan ang mensahe ng Panginoon na binasa ni Baruc, 12 pumunta siya sa palasyo, doon sa silid ng kalihim, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga pinuno. Naroon sina Elishama na kalihim, si Delaya na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemaria na anak ni Shafan, si Zedekia na anak ni Hanania, at ang iba pang mga pinuno. 13 Isinalaysay ni Micaya ang lahat ng narinig niya sa binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Kaya inutusan agad ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Shelemia, at apo sa tuhod ni Cushi na puntahan si Baruc at sabihing dalhin niya ang nakarolyong kasulatan na binasa niya sa mga tao, at pumunta sa kanila. Kaya pumunta si Baruc na dala ang kasulatang iyon.
15 Pagdating ni Baruc, sinabi ng mga pinuno, “Maupo ka at basahin mo sa amin ang kasulatan.” Kaya binasa naman ni Baruc ang kasulatan sa kanila. 16 Nang marinig nila ang lahat ng nakasulat doon, nagtinginan sila sa takot at sinabi nila kay Baruc, “Kailangan natin itong sabihin sa hari.” 17 Tinanong nila si Baruc, “Sabihin mo sa amin, paano mo naisulat ang lahat ng ito? Sinabi ba ito sa iyo ni Jeremias?”
18 Sumagot si Baruc, “Oo, sinabi sa akin ni Jeremias ang bawat salita sa nakarolyong ito at isinulat ko naman sa pamamagitan ng tinta.” 19 Sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias at huwag ninyong ipaalam kaninuman kung nasaan kayo.”
20 Inilagay ng mga pinuno ang kasulatang iyon doon sa silid ni Elishama na kalihim at pumunta sila sa hari roon sa bulwagan ng palasyo, at sinabi nila sa kanya ang lahat. 21 Kaya inutusan ng hari si Jehudi na kunin ang kasulatan. Kinuha ito ni Jehudi sa silid ni Elishama at binasa sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi niya. 22 Taglamig noon kaya ang hari ay nasa silid niyang pangtaglamig at nakaupo siya malapit sa apoy. 23 Sa bawat mababasa ni Jehudi na tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng kanyang kutsilyo at itinatapon niya sa apoy hanggang sa masunog ang lahat ng kasulatan. 24 Hindi natakot ang hari at ang lahat ng pinuno niya sa narinig nila na isinasaad ng kasulatan. Ni hindi nila pinunit ang damit nila tanda ng pagdadalamhati. 25 Bagamaʼt nakiusap sina Elnatan, Delaya at Gemaria sa hari na kung maaari ay huwag sunugin ang kasulatan, hindi rin nakinig ang hari. 26 Sa halip, inutusan niya sina Jerameel na kanyang anak, Seraya na anak ni Azriel, at Shelemia na anak ni Abdeel na hulihin sina Baruc na kalihim at Propeta Jeremias. Pero itinago sila ng Panginoon.
27 Nang masunog ng hari ang nakarolyong kasulatan na ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 28 “Muli kang kumuha ng nakarolyong sulatan at muli mong isulat ang lahat ng nakasulat sa unang kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. 29 Pagkatapos, sabihin mo sa hari na ito ang sinasabi ko, ‘Sinunog mo ang nakarolyong kasulatan dahil sinasabi roon na wawasakin ng hari ng Babilonia ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at mga hayop. 30 Kaya ito ang sasabihin ko tungkol sa iyo, Haring Jehoyakim ng Juda: Wala kang angkan na maghahari sa kaharian ni David. Ikaw ay papatayin, at ang bangkay moʼy itatapon lang at mabibilad sa init ng araw at hahamugan naman pagsapit ng gabi. 31 Parurusahan kita at ang mga anak mo, pati ang mga pinuno mo dahil sa kasamaan ninyo. Ipaparanas ko sa inyo, at sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ang lahat ng kapahamakang sinabi ko laban sa inyo dahil sa hindi kayo nakinig sa akin.’ ”
32 Kaya muling kumuha si Jeremias ng nakarolyong sulatan at ibinigay kay Baruc, at isinulat ni Baruc ang lahat ng sinabi ni Jeremias, katulad ng ginawa niya sa unang nakarolyong kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. Pero may mga idinagdag si Jeremias sa kasulatang ito na halos katulad ng unang isinulat.
Ipinatawag ni Zedekia si Jeremias
37 Si Zedekia na anak ni Josia ay ginawang hari ng Juda ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Siya ang ipinalit kay Jehoyakin na anak ni Jehoyakim. 2 Pero si Zedekia at ang mga pinuno niya pati ang mga taong pinamamahalaan nila ay hindi rin nakinig sa mensahe ng Panginoon sa pamamagitan ni Jeremias.
3 Ngayon, inutusan ni Haring Zedekia si Jehucal na anak ni Shelemia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya na puntahan si Jeremias at hilingin na ipanalangin sila sa Panginoon na kanilang Dios. 4 Nang panahong iyon, hindi pa nabibilanggo si Jeremias, kaya malaya pa siyang pumunta kahit saan. 5 Nang araw ding iyon, sumasalakay ang mga taga-Babilonia sa Jerusalem, pero nang marinig nilang dumarating ang mga sundalo ng Faraon,[d] tumigil sila sa pagsalakay sa Jerusalem.
6-7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Sabihin mo kay Haring Zedekia ng Juda na nag-utos para magtanong sa iyo kung ano ang sinabi kong mangyayari, ‘Dumating ang mga sundalo ng Faraon para tulungan ka, pero babalik sila sa Egipto. 8 Pagkatapos, muling babalik ang mga taga-Babilonia sa lungsod na ito. Sasakupin nila ito at pagkatapos ay susunugin.’ ” 9 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pag-aakalang hindi na babalik ang mga taga-Babilonia. Sapagkat tiyak na babalik sila. 10 Kahit na matalo nʼyo pa ang buong hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa inyo, at ang matitira sa kanila ay ang mga sugatan sa kanilang kampo, sasalakay pa rin sila sa inyo at susunugin nila ang lungsod na ito.”
Ikinulong si Jeremias
11 Nang tumakas ang mga sundalo ng Babilonia mula sa Jerusalem dahil sa hukbo ng Faraon, 12 umalis si Jeremias sa Jerusalem at pumunta sa lupain ni Benjamin para kunin ang bahagi ng lupain niya na ipinamahagi sa kanyang pamilya. 13 Pero nang dumating siya sa Pintuang bayan ng Benjamin, hinuli siya ng kapitan ng mga guwardya na si Iria na anak ni Shelemia at apo ni Hanania. Sinabi sa kanya ng kapitan, “Kakampi ka ng mga taga-Babilonia.” 14 Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo iyan! Hindi ako kakampi ng mga taga-Babilonia.” Pero ayaw maniwala ni Iria, kaya hinuli niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15 Nagalit sila kay Jeremias, ipinapalo nila siya at ipinakulong doon sa bahay ni Jonatan na kalihim. Ang bahay na itoʼy ginawa nilang bilangguan. 16 Ipinasok nila si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at nanatili siya roon ng matagal.
17 Kinalaunan, ipinakuha ni Haring Zedekia si Jeremias at dinala sa palasyo. Palihim niya itong tinanong, “May mensahe ka ba mula sa Panginoon?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon! Ibibigay ka sa hari ng Babilonia.”
18 Pagkatapos, nagtanong si Jeremias sa hari, “Ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo, o sa mga pinuno nʼyo o sa taong-bayan at ipinakulong nʼyo ako? 19 Nasaan na ang mga propeta nʼyo na nanghulang hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang lungsod na ito? 20 Pero ngayon, Mahal na Hari, kung maaari po ay pakinggan naman ninyo ako. Nakikiusap ako na huwag nʼyo na po akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan na kalihim dahil mamamatay ako roon.”
21 Kaya nag-utos si Haring Zedekia na dalhin si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo. Nag-utos din siyang bigyan ng tinapay si Jeremias bawat araw habang may natitira pang tinapay sa lungsod. Kaya nanatiling nakakulong si Jeremias sa himpilan ng mga guwardya.
Inihulog si Jeremias sa Balon
38 Nabalitaan nina Shefatia na anak ni Matan, Gedalia na anak ni Pashur, Jehucal na anak ni Shelemia, at Pashur na anak ni Malkia ang sinabi ni Jeremias sa mga tao. Ito ang sinabi niya, “Sinasabi ng Panginoon na 2 ang sinumang manatili rito sa lungsod ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Pero ang sinumang susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay. Makakaligtas siya at mabubuhay. 3 Sinasabi rin ng Panginoon na tiyak na maaagaw at sasakupin ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”
4 Kaya sinabi ng mga pinunong iyon sa hari, “Kinakailangang patayin ang taong ito dahil pinahihina niya ang loob ng mga sundalong natitira, pati ang mga mamamayan dahil sa mga sinasabi niya sa kanila. Hindi siya naghahangad ng kabutihan para sa mga tao kundi ang kapahamakan nila.” 5 Sumagot si Haring Zedekia, “Ibibigay ko siya sa inyo. Gawin nʼyo sa kanya ang ibig ninyo.”
6 Kaya kinuha nila si Jeremias sa kulungan at ibinaba nila sa balon na nasa himpilan ng mga guwardya. Ang balon na ito ay pag-aari ni Malkia na anak ng hari. Walang tubig ang balon pero may putik, at halos lumubog doon si Jeremias.
7-8 Ngunit nang nabalitaan ito ni Ebed Melec na taga-Etiopia na isa ring pinuno sa palasyo, pinuntahan niya ang hari sa palasyo. Nakaupo noon ang hari sa Pintuan ni Benjamin. Sinabi niya sa hari, 9 “Mahal na Hari, masama po ang ginawa ng mga taong iyon kay Jeremias. Inihulog nila siya sa balon, at tiyak na mamamatay siya doon sa gutom, dahil halos mauubos na po ang tinapay sa buong lungsod.” 10 Kaya sinabi ni Haring Zedekia sa kanya, “Magsama ka ng 30 lalaki mula sa mga tao ko at kunin nʼyo si Jeremias sa balon bago pa siya mamatay.”
11 Kaya isinama ni Ebed Melec ang mga tao at pumunta sila sa bodega ng palasyo, at kumuha ng mga basahan, lumang damit, at lubid at ibinaba nila kay Jeremias ang mga ito roon sa balon. 12 Sinabi ni Ebed Melec kay Jeremias, “Isapin mo ang mga basahan at lumang damit sa kilikili mo para hindi ka masaktan ng lubid.” At ito nga ang ginawa ni Jeremias. 13 Pagkatapos, iniahon nila siya mula sa loob ng balon at ibinalik sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo.
Muling Ipinatawag ni Haring Zedekia si Jeremias
14 Muling ipinatawag ni Haring Zedekia si Jeremias doon sa pangatlong pintuan ng templo ng Panginoon. Sinabi ni Zedekia kay Jeremias, “May itatanong ako sa iyo, at nais kong sabihin mo sa akin ang totoo.”
15 Sinabi ni Jeremias kay Zedekia, “Kapag sinabi ko po sa inyo ang katotohanan, ipapapatay nʼyo pa rin ako. At kahit na payuhan ko po kayo, hindi rin po kayo maniniwala sa akin.” 16 Pero lihim na sumumpa si Haring Zedekia kay Jeremias. Sinabi niya, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na siya ring nagbigay ng buhay sa atin, na hindi kita papatayin o ibibigay sa mga nais pumatay sa iyo.”
17 Sinabi ni Jeremias kay Zedekia, “Ito ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung susuko po kayo sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas po ang buhay nʼyo at hindi po nila susunugin ang lungsod na ito. Kayo po at ang sambahayan nʼyo ay mabubuhay. 18 Pero kung hindi po kayo susuko, ibibigay ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia, at ito po ay kanilang susunugin at hindi po kayo makakatakas sa kanila.’ ” 19 Sinabi ni Haring Zedekia, “Natatakot ako sa mga Judiong kumakampi sa mga taga-Babilonia, baka ibigay ako ng mga taga-Babilonia sa kanila at saktan nila ako.” 20 Sinabi ni Jeremias, “Hindi po kayo ibibigay sa kanila kung susundin nʼyo lang ang Panginoon. Maliligtas po ang buhay nʼyo at walang anumang mangyayari sa inyo. 21 Pero kung hindi po kayo susuko, ito naman ang sinabi sa akin ng Panginoon na mangyayari sa inyo: 22 Ang lahat ng babaeng naiwan sa palasyo nʼyo ay dadalhin ng mga pinuno ng hari sa Babilonia. At sasabihin sa inyo ng mga babaeng ito, ‘Niloko po kayo ng mga matalik nʼyong kaibigan. At ngayon na nakalubog po sa putik ang mga paa nʼyo, iniwan nila kayo.’
23 “Dadalhin po nila ang lahat ng asawaʼt anak nʼyo sa Babilonia. Kayo po ay hindi rin makakatakas sa kanila. At ang lungsod na itoʼy susunugin nila.”
24 Pagkatapos, sinabi ni Zedekia kay Jeremias, “Huwag mong sasabihin kaninuman ang napag-usapan natin para hindi ka mamatay. 25 Maaaring mabalitaan ng mga pinuno na nag-usap tayo. Baka puntahan ka nila at itanong sa iyo, ‘Ano ang pinag-usapan ninyo ng hari? Kung hindi mo sasabihin ay papatayin ka namin.’ 26 Kapag nangyari ito, sabihin mo sa kanila, ‘Nakiusap ako sa hari na huwag niya akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan, baka mamatay ako roon.’ ”
27 Pumunta nga ang mga pinuno kay Jeremias at tinanong siya. At sinagot niya sila ayon sa sinabi ng hari sa kanya, kaya hindi na sila nag-usisa pa. Walang nakarinig ng usapan ni Jeremias at ng hari.
28 At nanatiling nakakulong si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo hanggang sa masakop ang Jerusalem.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem
39 Ganito ang pagkawasak ng Jerusalem: Noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong hukbo niya sa Jerusalem. 2 At noong ikaapat na buwan ng ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia, nawasak ng mga taga-Babilonia ang pader ng lungsod. 3 Nang mapasok na nila ang Jerusalem, ang lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay umupo sa Gitnang Pintuan[e] ng lungsod. Naroon sina Nergal Sharezer na taga-Samgar, Nebo, Sarsekim na isang pinuno, at isa pang Nergal Sharezer na isang opisyal, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4 Nang makita sila ni Haring Zedekia at ng mga sundalo nito, tumakas sila pagsapit ng gabi. Doon sila dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at pumunta sila sa Lambak ng Jordan.[f]
5 Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Hinuli nila si Zedekia at dinala kay haring Nebucadnezar sa Ribla sa lupain ng Hamat. At hinatulan siya roon ng kamatayan ni Nebucadnezar. 6 Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda. 7 At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia at ikinadena siya at dinala sa Babilonia.
8 Sa Jerusalem naman, sinunog ng mga taga-Babilonia ang mga bahay pati ang palasyo ng hari, at winasak nila ang mga pader. 9 Sa pangunguna ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, ipinadala sa Babilonia ang mga taong naiwan sa lungsod pati na ang mga taong kumampi kay Nebuzaradan. 10 Pero iniwan ni Nebuzaradan sa Juda ang ilang mga taong wala kahit anumang ari-arian, at binigyan niya sila ng mga ubasan at bukirin.
11 Nag-utos si Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya tungkol kay Jeremias. Sinabi niya, 12 “Kunin mo si Jeremias at alagaan mo siyang mabuti. Gawin mo ang anumang hilingin niya.” 13 Sinunod ito nina Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, Nebushazban, Nergal Sharezer at ng iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia. 14 Ipinakuha nila si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo at ibinigay kay Gedalia na anak ni Ahikam na apo ni Shafan, at dinala niya si Jeremias sa kanyang bahay. Kaya naiwan si Jeremias sa Juda kasama ang iba pa niyang mga kababayan.
15 Noong si Jeremias ay nakakulong pa sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon, 16 “Pumunta ka kay Ebed Melec na taga-Etiopia at sabihin mo na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Gagawin ko na ang mga sinabi ko laban sa lungsod na ito. Hindi ko ito pauunlarin. Wawasakin ko ito. Makikita mo na mangyayari ito. 17 Pero ililigtas kita sa mga panahong iyon. Hindi kita ibibigay sa mga taong kinatatakutan mo. 18 Ililigtas kita. Hindi ka mamamatay sa digmaan. Maliligtas ka dahil nagtitiwala ka sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Pinalaya si Jeremias
40 May sinabi ang Panginoon kay Jeremias pagkatapos siyang palayain ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya sa Rama. Nakakadena siya noon kasama ng mga bihag na mga taga-Jerusalem at taga-Juda na dadalhin sa Babilonia. 2 Nang makita ni Nebuzaradan si Jeremias, sinabi niya sa kanya, “Ang Panginoon na iyong Dios ay nagsabing wawasakin niya ang Jerusalem. 3 At nangyari ito ngayon. Talagang ginawa ng Panginoon ang sinabi niya. Nangyari ito dahil gumawa ng kasalanan sa Panginoon ang mga kababayan mo at hindi sila sumunod sa kanya. 4 Aalisin ko na ngayon ang kadena mo at palalayain na kita. Kung gusto mo, sumama ka sa akin sa Babilonia at aalagaan kita roon. Pero kung ayaw mo, nasa sa iyo iyon. Tingnan mo ang buong lupain; malaya kang pumunta kahit saan. 5 Kung gusto mo talagang magpaiwan dito, bumalik ka kay Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. Ginawa siyang tagapangasiwa ng hari ng Babilonia sa mga bayan ng Juda. Maaari kang makapanirahang kasama niya at ng mga nasasakupan niya o kahit saan man na nais mong pumunta.”
Pagkatapos, binigyan siya ni Nebuzaradan ng mga pagkain at regalo, at pinalaya. 6 Kaya umalis si Jeremias at pumunta kay Gedalia roon sa Mizpa at tumira roon kasama ng mga taong naiwan.
Ang Pamamahala ni Gedalia sa Juda
7 May ilang mga opisyal at mga sundalo ng Juda na nasa bukirin na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nilang si Gedalia ay ginawang gobernador ng hari ng Babilonia sa buong lupain para mamuno sa mga lalaki, babae at mga bata na siyang pinakamahirap ang kalagayan na naiwan at hindi dinalang bihag sa Babilonia. 8 Kaya pumunta ang mga pinunong ito kay Gedalia na nasa Mizpa. Ang mga pinunong ito ay sina Ishmael na anak ni Netania, Johanan at Jonatan na mga anak ni Karea, Seraya na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Netofa, at Jaazania na anak ng taga-Maaca. Sumama sa kanila ang mga tauhan nila. 9 Sumumpa sa kanila si Gedalia na hindi sila mapapahamak kung magpapasakop sila sa mga taga-Babilonia. Sinabi niya sa kanila, “Manirahan kayo rito sa lupaing ito at maglingkod kayo sa hari ng Babilonia, at mapapabuti kayo. 10 Mananatili ako rito sa Mizpa upang humarap sa mga taga-Babilonia para sa inyo kapag dumating sila rito. Manirahan kayo sa kahit saang lugar na inyong gusto, at anihin ninyo ang mga ubas, mga olibo, at ang iba pang mga prutas, at iimbak ninyo sa mga lalagyan.”
11 Nabalitaan din ng lahat ng Judio na nagsitakas sa Moab, Ammon, Edom at sa iba pang mga bansa na may mga taong iniwan si Haring Nebucadnezar na mga mamamayan ng Juda, at ginawa niyang gobernador si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. 12 Kaya bumalik sila sa Juda mula sa ibaʼt ibang lugar na pinangalatan nila at pumunta sila kay Gedalia sa Mizpa. At nanguha sila ng mga ubas at iba pang mga prutas. 13 Pumunta rin kay Gedalia sa Mizpa si Johanan na anak ni Karea at ang iba pang mga opisyal ng mga sundalo na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. 14 Sinabi nila, “Hindi mo ba alam na isinugo ni Haring Baalis ng Ammon si Ishmael na anak ni Netania para patayin ka?” Pero hindi naniwala si Gedalia sa kanila.
15 Pagkatapos, nakipagkita si Johanan kay Gedalia ng lihim at sinabi niya sa kanya, “Papatayin ko ang anak ni Netania na si Ishmael ng walang sinumang nakakaalam. Huwag natin siyang pabayaan na patayin ka. Kung sakaling mangyari ito, ito ang magiging dahilan para mangalat at mawala ang mga Judiong naiwan dito sa Juda na pinamumunuan mo.” 16 Pero sinabi ni Gedalia na anak ni Ahikam kay Johanan, “Huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ishmael.”
Pinatay si Gedalia
41 Si Ishmael ay anak ni Netania at apo ni Elishama. Kabilang siya sa sambahayan ng hari at isa sa mga pinuno ng hari noon. Nang ikapitong buwan ng taong iyon, pumunta si Ishmael kasama ang sampung tauhan niya kay Gedalia na anak ni Ahikam sa Mizpa. At habang kumakain sila, 2 tumayo si Ishmael na anak ni Netania at ang sampung kasama niya at pinatay nila si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan sa pamamagitan ng espada. Kaya napatay ang pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain. 3 Pinatay din ni Ishmael at ng mga tauhan niya ang lahat ng pinuno ng mga Judio roon sa Mizpa, pati ang mga sundalo na taga-Babilonia.
4 Kinaumagahan, bago pa malaman ng sinuman na si Gedalia ay pinatay, 5 may 80 lalaking papunta sa Mizpa mula sa Shekem, Shilo, at Samaria. Inahit nila ang mga balbas nila, pinunit ang kanilang mga damit at sinugatan ang mga katawan nila para ipakitang nagluluksa sila. May mga dala silang handog para parangalan ang Panginoon at mga insenso para ihandog sa templo ng Panginoon. 6 Sinalubong sila ni Ishmael na umiiyak mula sa Mizpa. Sinabi niya, “Tingnan ninyo ang nangyari kay Gedalia.”
7 Pagdating nila sa lungsod, ang 70 sa kanila ay pinatay ni Ishmael at ng mga kasamahan niya. At pagkatapos, inihulog nila ang bangkay ng mga ito sa balon. 8 Ang sampu naman ay hindi nila pinatay dahil sinabi nila kay Ishmael, “Huwag mo kaming patayin! Ibibigay namin sa iyo ang mga trigo, sebada, langis at pulot namin na nakatago sa bukid.” 9 Ang balon na pinaghulugan ni Ishmael ng mga bangkay ng mga taong pinatay niya, pati na ang bangkay ni Gedalia ay pag-aari ni Haring Asa. Ipinahukay niya ito noong sinalakay sila ni Haring Baasha ng Israel. Ang balon na itoʼy napuno ni Ishmael ng mga bangkay.
10 Pagkatapos, binihag ni Ishmael ang mga taong natitira sa Mizpa – ang mga anak na babae ng hari at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan kay Gedalia para alagaan. Pagkatapos, bumalik si Ishmael sa Ammon na dala ang mga bihag.
11 Nabalitaan ni Johanan na anak ni Karea at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang masamang ginawa ni Ishmael na anak ni Netania. 12 Kaya tinipon nila ang mga tauhan nila at hinabol ang anak ni Netania na si Ishmael para labanan. Inabutan nila ito sa malawak na imbakan ng tubig sa Gibeon. 13 Nang makita ng mga bihag ni Ishmael si Johanan at ang mga kasama niyang opisyal, tuwang-tuwa sila. 14 Silang lahat na bihag ni Ishmael mula sa Mizpa ay nagtakbuhan patungo kay Johanan. 15 Pero tumakas sa Ammon ang anak ni Netania na si Ishmael at ang walo niyang kasama.
16 Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang lahat ng bihag ni Ishmael mula sa Mizpa, kabilang dito ang mga kawal, babae, bata at ang mga pinuno sa palasyo na mula sa Gibeon. At mula sa Gibeon, 17 pumunta sila sa Gerut Kimham malapit sa Betlehem at tumuloy sa Egipto. 18 Sapagkat natatakot sila sa mga taga-Babilonia dahil pinatay ni Ishmael si Gedalia na pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain.
Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias
42 Pagkatapos, lumapit kay Jeremias sina Johanan na anak ni Karea, Azaria na anak ni Hosaya, ang kasama nilang opisyal ng mga sundalo, at ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. 2 Sinabi nila kay Jeremias, “Nakikiusap kami sa iyo, kaming mga natitira, na ipanalangin mo kami sa Panginoon na iyong Dios. Marami kami noon, pero ngayon kakaunti na lang katulad ng nakikita mo. 3 Manalangin ka sa Panginoon na iyong Dios para sabihin niya sa amin kung saan kami pupunta at ano ang dapat naming gawin.” 4 Sinabi ni Jeremias, “Sige, mananalangin ako sa Panginoon na inyong Dios para sa kahilingan nʼyo, at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi niya. Wala akong ililihim sa inyo.”
5 Sinabi pa nila kay Jeremias, “Ang Panginoon na iyong Dios ang tunay at tapat nating saksi, kung hindi namin gagawin ang lahat ng sasabihin niya sa pamamagitan mo. 6 Magustuhan man namin o hindi, bastaʼt susundin namin ang sasabihin ng Panginoon naming Dios, para maging mabuti ang lahat para sa amin.”
7 Pagkalipas ng sampung araw, nagsalita ang Panginoon kay Jeremias. 8 Kaya pinatawag ni Jeremias si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng kasama niyang opisyal ng mga sundalo, pati ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. 9 At sinabi ni Jeremias sa kanila, “Hiniling ninyo na manalangin ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at ito ang sagot niya: 10 Kung mananatili kayo sa lupaing ito, ibabangon ko kayo at muling itatayo at hindi na ipapahamak. Sapagkat totoong nalungkot ako sa kapahamakang ipinaranas ko sa inyo. 11 Huwag na kayong matakot sa hari ng Babilonia dahil kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo sa mga kamay niya. 12 Kahahabagan ko kayo. Gagawa ako ng paraan para kahabagan niya kayo at payagang manatili sa inyong lupain.
13 “Pero kung ayaw ninyong sundin ang Panginoon na inyong Dios, at sasabihin ninyo, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito. 14 Pupunta kami sa Egipto at doon maninirahan dahil doon ay walang digmaan o taggutom.’ 15 Ito ang sasabihin sa inyo ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kayong mga natitirang taga-Juda, kung nagpasya kayong pumunta sa Egipto at doon manirahan, 16 ang digmaan at taggutom na inyong kinatatakutan ay susunod sa inyo, at doon kayo mamamatay. 17 Ang lahat ng may nais manirahan sa Egipto ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Walang sinuman sa kanila ang makakaligtas o makakatakas sa kapahamakang ipaparanas ko sa kanila.’
18 “Ito pa ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung paano ko ipinadama sa mga taga-Jerusalem ang tindi ng galit ko, ipadarama ko rin sa inyo ang galit ko kung pupunta kayo sa Egipto. Susumpain at kasusuklaman kayo ng mga tao. Kukutyain nila kayo at ituturing na masama, at hindi na kayo makakabalik pa sa lupaing ito.’
19 “Kayong mga natitirang taga-Juda, sinasabi ng Panginoon na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan nʼyo ang mga babalang ito na sinabi ko sa inyo ngayon. 20 Hindi mabuti ang ginawa ninyo. Hiniling ninyo sa akin na lumapit sa Panginoon na inyong Dios at manalangin para sa inyo at sinabing gagawin ninyo ang lahat ng sasabihin niya. 21 Pero ngayong sinabi ko sa inyo ang ipinapasabi niya, ayaw naman ninyong sundin. 22 Kaya tinitiyak ko sa inyo na mamamatay kayo sa digmaan, taggutom at sakit sa Egipto, sa lugar kung saan nais ninyong manirahan.”
Si Jeremias ay Dinala sa Egipto
43 Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon na kanilang Dios ang tungkol sa kanila, 2 sinabi sa kanya nina Azaria na anak ni Hosaya, Johanan na anak ni Karea, at ng iba pang mayayabang na lalaki, “Sinungaling ka! Hindi ka isinugo ng Panginoon na aming Dios, para sabihin sa amin na hindi kami dapat pumunta sa Egipto upang manirahan doon. 3 Si Baruc na anak ni Neria ang naghikayat sa iyo na ibigay kami sa mga taga-Babilonia para patayin nila kami o bihagin.”
4 Kaya si Johanan na anak ni Karea at ang mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo at ang lahat ng mamamayan ay hindi sumunod sa utos ng Panginoon na manatili sila sa Juda. 5 Sa halip, dinala ni Johanan at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang mga natirang taga-Juda na nagsibalikan sa Juda mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan nila. Kabilang dito ang mga lalaki, babae, bata, 6 at mga anak na babae ng hari na ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya kay Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. Dinala rin nila sina Propeta Jeremias at Baruc na anak ni Neria. 7 Hindi sila sumunod sa Panginoon, talagang pumunta sila sa Egipto, at nakarating sila sa lungsod ng Tapanhes.
8 Doon sa Tapanhes, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 9 “Habang nakatingin ang mga taga-Juda, kumuha ka ng malalaking bato at ibaon mo sa lupa sa gitna ng daan papasok sa palasyo ng Faraon[g] sa Tapanhes. 10 Pagkatapos, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Susuguin ko ang lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ilalagay ko ang kanyang trono at toldang panghari sa ibabaw ng mga batong ito na ibinaon ko sa lupa sa gitna ng daan. 11 Sasalakayin niya ang Egipto at papatayin niya ang mga itinakdang patayin, at bibihagin niya ang mga itinakdang bihagin. Ang ibaʼy itinakdang mamatay sa digmaan. 12 Susunugin niya ang mga templo ng mga dios-diosan sa Egipto. Ang ibang mga dios-diosan ay masusunog din, at ang iba ay dadalhin niyang bihag. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto katulad ng paglilinis ng pastol ng kanyang damit para alisin ang mga pulgas. Pagkatapos, aalis si Nebucadnezar na ligtas sa anumang pinsala. 13 Talagang wawasakin niya ang mga haligi ng dios-diosan sa Heliopolis[h] sa Egipto, at susunugin niya ang mga templo ng mga dios-diosan doon.’ ”
Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Egipto
44 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias ang tungkol sa lahat ng Judio na naninirahan sa gawing hilaga ng Egipto sa mga lungsod ng Migdol, Tapanhes, at Memfis pati ang mga naroon sa gawing timog ng Egipto. 2 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Nakita ninyo ang kapahamakang pinaranas ko sa Jerusalem at sa lahat ng bayan ng Juda. Wasak na ito ngayon at wala nang naninirahan doon, 3 dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan nila. Ginalit nila ako sa pagsusunog nila ng mga insenso at pagsamba sa mga dios-diosan na hindi nila kilala o ng mga ninuno nila. 4 Palagi kong isinusugo ang mga lingkod ko na mga propeta para bigyan sila ng babala na huwag nilang gagawin ang bagay na iyon na kasuklam-suklam sa akin at kinapopootan ko, 5 pero hindi sila nakinig o sumunod sa mga propeta. Hindi sila tumalikod sa kasamaan nila o tumigil sa pagsusunog nila ng mga insenso para sa mga dios-diosan. 6 Kaya ibinuhos ko sa kanila ang tindi ng galit ko. Parang apoy ito na tumupok sa mga bayan ng Juda at Jerusalem, at naging malungkot ang mga lugar na ito at wasak hanggang ngayon.
7 “Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagtatanong, ‘Bakit ninyo sinisira ang inyong sarili? Gusto ba ninyo na malipol ang mga tao sa Juda – ang mga lalaki, babae, bata at mga sanggol? 8 Bakit ninyo ako ginagalit sa paggawa ninyo ng inyong mga dios? Nagsusunog pa kayo ng mga insenso para sa mga ito dito sa Egipto kung saan kayo ngayon naninirahan. Ipinapahamak ninyo ang sarili ninyo at ginagawa ninyong kasuklam-suklam at kahiya-hiya sa lahat ng bansa sa daigdig. 9 Nakalimutan na ba ninyo ang mga kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, mga hari, mga reyna ng Juda, ang mga kasamaang ginawa ninyo at ng inyong mga asawa sa lupain ng Juda at Jerusalem? 10 Hanggang ngayoʼy hindi pa rin kayo nagpapakumbaba o natatakot sa akin. Hindi rin kayo sumunod sa mga kautusan at mga tuntunin ko na ibinigay sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’
11 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay handa na para ipahamak kayo at lipulin ang buong Juda. 12 Kayong mga natitirang buhay sa Juda na nagpumilit pumunta rito sa Egipto, mamamatay kayong lahat mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Mamamatay kayo rito sa digmaan o sa gutom. Susumpain, kasusuklaman, mamasamain, at kukutyain kayo. 13 Gagawin ko sa inyo rito sa Egipto ang ginawa ko sa Jerusalem. Parurusahan ko rin kayo sa pamamagitan ng digmaan, gutom at sakit. 14 Mamamatay kayong lahat, kayong mga natirang buhay sa Juda at tumira rito sa Egipto. Hindi na kayo makakabalik sa Juda kahit gusto ninyong bumalik at manirahan doon. Walang makakabalik sa inyo maliban sa iilan na makakatakas.”
15 Napakaraming Judio ang nagtipon at nakinig kay Jeremias. Nakatira sila sa hilaga at timog ng Egipto. Ang mga lalaking naroroon at nakakaalam na ang asawa nilaʼy nagsusunog ng mga insenso sa mga dios-diosan, at ang lahat ng babaeng nagtitipon doon ay nagsabi kay Jeremias, 16 “Hindi kami maniniwala sa mga sinasabi mo sa amin sa pangalan ng Panginoon! 17 Gagawin namin ang lahat ng nais naming gawin: Magsusunog kami ng mga insenso sa aming diosa na ‘Reyna ng Langit’! At maghahandog kami sa kanya ng mga handog na inumin gaya ng ginawa namin sa mga bayan ng Juda at lansangan ng Jerusalem. Ito rin ang ginawa ng aming mga ninuno at ng aming mga hari at mga pinuno. Mabuti ang kalagayan namin noon; marami kaming pagkain, at walang masamang nangyayari sa amin. 18 Pero nang tumigil kami sa pagsusunog ng insenso sa Reyna ng Langit at hindi na kami nag-alay sa kanya ng mga handog na inumin, naghirap kami at marami ang namatay sa digmaan at gutom.”
19 Sinabi rin ng mga babae, “Alam ng mga asawa namin kapag magsusunog kami ng mga insenso para sa Reyna ng Langit at mag-aalay ng mga handog na inumin, at magluluto ng tinapay na katulad ng larawan niya.”
20 Kaya sinabi ni Jeremias ang ganito sa mga nangangatwiran sa kanya, 21 “Akala ba ninyoʼy hindi alam ng Panginoon na kayo at ang inyong mga ninuno, ang inyong mga hari at mga pinuno, at ang lahat ng mamamayan ay nagsunog ng insenso sa mga dios-diosan sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 22 At nang hindi na matiis ng Panginoon ang mga kasamaan at kasuklam-suklam ninyong gawa, winasak niya ang lupain ninyo at naging kasumpa-sumpa at malungkot dahil wala nang nakatira, katulad ng nangyari ngayon. 23 Nangyari ang kapahamakang ito sa inyo dahil nagsunog kayo ng mga insenso sa mga dios-diosan at nagkasala sa Panginoon. Hindi kayo sumunod sa mga kautusan, mga tuntunin at mga katuruan niya.”
24 Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga taga-Juda na nakatira rito sa Egipto. 25 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Talagang sinunod ninyo at ng inyong mga asawa ang ipinangako ninyong pagsusunog ng insenso at pag-aalay ng handog na inumin sa Reyna ng Langit. Sige, ipagpatuloy ninyo ang inyong ginagawa. Tuparin ninyo ang inyong ipinangako. 26 Pero makinig kayo sa sasabihin ko, kayong mga taga-Juda na nakatira sa Egipto. Isinusumpa ko sa sarili ko na mula ngayoʼy wala nang babanggit sa inyo ng pangalan ko. Hindi ko na papayagang gamitin ninyo ang pangalan ko sa inyong panunumpa katulad nito, “Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoong Dios.” 27 Sapagkat sa halip na ingatan ko kayo para sa ikabubuti ninyo, ipapahamak ko kayo. Mamamatay kayo rito sa Egipto sa digmaan o gutom hanggang sa maubos kayong lahat. 28 Kung mayroon mang matitira sa digmaan at makakabalik sa Juda ay kakaunti lamang. Dahil dito, malalaman ng mga natitira na naninirahan ngayon dito sa Egipto kung kaninong salita ang masusunod – ang sa kanila o ang sa akin. 29 Ito ang tanda na parurusahan ko kayo sa lugar na ito para malaman ninyo na talagang matutupad ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo: 30 Ibibigay ko si Faraon Hofra na hari ng Egipto sa mga kaaway niya na nais pumatay sa kanya katulad ng ginawa ko kay Zedekia ng Juda sa kaaway niyang si Haring Nebucadnezar ng Babilonia na nais ding pumatay sa kanya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Ang Mensahe para kay Baruc
45 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, isinulat ni Baruc ang mga sinabi ni Propeta Jeremias sa kanya. 2 Sinabi ni Jeremias, “Baruc, ito ang sinabi sa iyo ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 3 ‘Sinabi mong nakakaawa ka, dahil dinagdagan ng Panginoon ang paghihirap mo. Pagod ka na sa pagdaing at wala kang kapahingahan!’
4 “Baruc, ito pa ang sinabi ng Panginoon, ‘Wawasakin ko ang bansang ito na itinayo ko. Bubunutin ko ang itinanim ko. At gagawin ko ito sa buong lupain. 5 Huwag ka nang maghahangad pa ng mga dakilang bagay. Sapagkat pasasapitin ko ang kapahamakan sa lahat ng tao, pero ikaw ay ililigtas ko kahit saan ka pumunta. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Ang Mensahe tungkol sa mga Bansa
46 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa mga bansa:
2 Ito ang mensahe laban sa mga sundalo ni Faraon Neco na hari ng Egipto:
Tinalo sila ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia roon sa Carkemish malapit sa Ilog ng Eufrates, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda:
3 “Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag at pumunta kayo sa digmaan! 4 Ihanda rin ninyo ang inyong mga kabayong pandigma. Isuot ang inyong mga helmet, hasain ang inyong mga sibat, at isukbit ang inyong mga sandata. 5 Pero ano itong nakita ko? Natatakot kayo at umuurong. Natalo kayo at mabilis na tumakas na hindi man lang lumilingon dahil sa takot. 6 Malakas kayo at mabilis tumakbo pero hindi pa rin kayo makakatakas. Mabubuwal kayo at mamamatay malapit sa Ilog ng Eufrates.
7 “Ano itong bansang naging makapangyarihan, na katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang? 8 Ito ay ang bansang Egipto, na naging makapangyarihan katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang. Sinabi ng Egipto, ‘Naging makapangyarihan ako gaya ng baha na umapaw sa buong mundo. Wawasakin ko ang mga lungsod at ang mga mamamayan nito.’
9 “Sige, mga taga-Egipto, patakbuhin na ninyo ang mga kabayo at karwahe ninyo! Sumalakay na kayo pati ang lahat ng kakampi ninyo na mula sa Etiopia, Put, at Lydia na bihasa sa paggamit ng mga kalasag at pana. 10 Pero mananalo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa digmaang ito. Maghihiganti siya sa mga kaaway niya sa araw na ito. Ang espada niyaʼy parang gutom na hayop na lalamon sa kanila at iinom ng dugo nila hanggang sa mabusog. Ang mga bangkay nilaʼy parang mga handog sa Panginoong Dios na Makapangyarihan doon sa lupain sa hilaga malapit sa Ilog ng Eufrates.
11 “O mga taga-Egipto, kahit na pumunta pa kayo sa Gilead para maghanap ng panlunas na gamot, ang lahat ng gamot ay wala nang bisa at hindi na makapagpapagaling sa inyo. 12 Mababalitaan ng mga bansa sa buong daigdig ang kahihiyan at pagtangis ninyo. Mabubuwal ang inyong mga sundalo nang patung-patong.”
13 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa pagsalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa Egipto:
14 “Jeremias ipahayag ito sa Egipto, Migdol, Memfis at Tapanhes: Humanda na kayo dahil nakahanda na ang espada para lipulin kayo. 15 Bakit tumakas ang matatapang nʼyong kawal?[i] Tumakas sila dahil itinaboy sila ng Panginoon. 16 Patung-patong na mabubuwal ang inyong mga sundalo. Sasabihin nila, ‘Bumangon tayo at umuwi sa lupaing sinilangan natin, sa mga kababayan natin, para makaiwas tayo sa espada ng mga kaaway natin.’ 17 Sasabihin din nila, ‘Ang Faraon na hari ng Egipto ay magaling lang sa salita, at sinasayang lang niya ang mga pagkakataon.’
18 “Ako, ang buhay na Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, isinusumpa kong mayroong sasalakay sa Egipto na nakahihigit sa kanya, katulad ng Bundok ng Tabor sa gitna ng mga kabundukan o ng Bundok ng Carmel sa tabi ng dagat. 19 Kayong mga mamamayan ng Egipto, ihanda na ninyo ang inyong mga dala-dalahan dahil bibihagin kayo. Mawawasak ang Memfis, magiging mapanglaw ito at wala ng maninirahan dito. 20 Ang Egipto ay parang dumalagang baka, pero may insektong mula sa hilaga na sasalakay sa kanya. 21 Pati ang mga upahang sundalo niya ay uurong at tatakas. Para silang mga guyang pinataba para katayin. Mangyayari ito dahil panahon na para parusahan at wasakin ang mga taga-Egipto. 22 Tatakas ang mga taga-Egipto na parang ahas na mabilis na tumatalilis habang sumasalakay ang mga kaaway. Sasalakay ang mga kaaway na may dalang mga palakol na katulad ng taong namumutol ng punongkahoy. 23 Papatayin nila ang mga taga-Egipto na parang pumuputol lang ng mayayabong na mga punongkahoy. Ang mga kaaway na itoʼy mas marami kaysa sa balang na hindi mabilang. 24 Mapapahiya ang mga taga-Egipto. Ibibigay sila sa mga taga-hilaga.”
25 Patuloy pang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Parurusahan ko na si Ammon, ang dios-diosan ng Tebes, at ang iba pang mga dios-diosan ng Egipto. Parurusahan ko rin ang Faraon pati ang mga tagapamahala niya, at ang mga nagtitiwala sa kanya. 26 Ibibigay ko sila sa kamay ng mga gustong pumatay sa kanila – kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga pinuno nito. Pero darating din ang araw na ang Egipto ay tatahanan ng mga tao katulad noong una. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
27 “Pero kayong mga taga-Israel na lahi ng lingkod ko na si Jacob, huwag kayong manlulupaypay o matatakot. Sapagkat ililigtas ko kayo mula sa malayong lugar kung saan kayo binihag. Muli kayong mamumuhay nang payapa at walang anumang panganib, at walang sinumang mananakot pa sa inyo. 28 Kaya huwag kayong matakot, kayong mga lahi ng lingkod kong si Jacob, dahil kasama ninyo ako. Wawasakin ko nang lubusan ang mga bansang pinangalatan ko sa inyo, pero hindi ko kayo wawasakin nang lubusan. Parurusahan ko kayo nang nararapat. Hindi maaaring hindi ko kayo parusahan. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”
Ang Mensahe tungkol sa Filistia
47 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa Filistia noong hindi pa sinasalakay ng Faraon[j] ang Gaza:
2 “May bansang sasalakay mula sa hilaga na parang baha na aapaw sa buong lupain. Wawasakin ng bansang ito ang lahat ng lungsod pati ang mga mamamayan nito. Magsisigawan at mag-iiyakan nang malakas ang mga tao dahil sa takot. 3 Maririnig nila ang ingay ng lagapak at mga yabag ng mga kabayo at mga karwahe. Hindi na lilingon ang mga ama para tulungan ang mga anak nila dahil sa takot. 4 Sapagkat darating ang araw na wawasakin ang lahat ng Filisteo pati ang mga kakampi nila na tumutulong sa kanila mula sa Tyre at Sidon. Wawasakin ng Panginoon ang mga Filisteo. Ito ang mga taong mula sa Caftor.[k] 5 Ang mga taga-Gaza ay magpapakalbo, tanda ng pagluluksa nila, at ang mga taga-Ashkelon ay tatahimik sa kalungkutan. Kayong mga mamamayan sa kapatagan, hanggang kailan ninyo susugatan ang inyong sarili upang ipakita ang inyong kalungkutan? 6 Nagtatanong kayo kung kailan ko ititigil ang pagpaparusa sa inyo sa pamamagitan ng espada ko. Sinasabi ninyong ibalik ko na sa lalagyan ang espada ko at pabayaan na lang kayo. 7 Pero paano ito mapipigil dahil inutusan ko na ito na salakayin ang Ashkelon at ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat?”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®