Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 41:19-52:12

19 Patutubuin ko sa ilang ang mga puno ng sedro, akasya, mirto, olibo, pino, enebro, at sipres,[a] 20 para makita, malaman, at maunawaan ng mga tao na ang lumikha nito ay ako, ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.”

Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan

21 Sinabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel,[b] sa mga dios-diosan, “Sige, magreklamo kayo at mangatuwiran! 22-23 Lumapit kayo at sabihin sa amin kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Sabihin ninyo sa amin ang mga sinabi nʼyo noon na mangyayari para malaman namin kung nangyari nga ito. Sabihin ninyo sa amin kung ano ang mangyayari sa hinaharap para malaman namin na kayo ngaʼy mga dios. Gumawa kayo ng mabuti o ng masama para kami ay magtaka at matakot sa inyo. 24 Pero ang totoo, wala kayong silbi at wala kayong magagawa. Kasuklam-suklam ang mga taong pumili sa inyo para kayo ay sambahin. 25 Pinili ko ang taong mula sa hilaga para mamahala. Dumudulog siya sa akin, at ngayon ay darating siya mula sa silangan. Wawasakin niya ang mga namamahala katulad ng pagyapak ng magpapalayok sa putik[c] na gagawin niyang palayok. 26 Sino sa inyo ang nakahula noong una pa na mangyayari ito para malaman namin at nang masabi naming tama siya? Ni isa man lang sa inyoʼy walang nagsabi, at walang nakarinig na mayroon kayong sinabi. 27 Akong Panginoon ang nagsabi nito noon sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Nagpadala ako ng isang mensahero para ibalita ang magandang balita na nandiyan na ang tutulong sa kanila. 28 Tiningnan ko kung may dios-diosan na makapagpapayo pero wala akong nakita. Ni isa sa kanilaʼy walang makasagot sa mga tanong ko. 29 Lahat ng mga dios-diosan ay walang kabuluhan, at walang magagawang anuman. Para silang lalagyan na puro hangin ang laman.”

Ang Lingkod ng Panginoon

42 Sinabi ng Panginoon, “Narito ang lingkod ko na aking pinalalakas ang loob. Pinili ko siya at nagagalak ako sa kanya. Sumasakanya ang aking Espiritu, at papairalin niya ang katarungan sa mga bansa. Hindi siya sisigaw o magsasalita nang malakas sa mga lansangan. Hindi niya pababayaan ang mahihina ang pananampalataya[d] at hindi niya tatalikuran ang mga nawalan ng pag-asa. Matapat niyang papairalin ang katarungan. Hindi siya manghihina o mawawalan ng pag-asa hanggaʼt hindi niya lubusang napapairal ang katarungan sa buong mundo. Pati ang mga tao sa malalayong lugar[e] ay maghihintay sa kanyang mga turo.” Ito ang sinabi ng Dios, ang Panginoon na lumikha ng langit na iniladlad niyang parang tela. Nilikha niya ang mundo at ang lahat ng naroroon. Siya rin ang nagbibigay ng buhay sa mga tao at sa lahat ng nilikhang nabubuhay sa mundo. Sinabi niya sa kanyang lingkod, “Ako ang Panginoon na tumawag sa iyo para ipakita na akoʼy matuwid. Tutulungan at iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Gagawin kitang ilaw na magbibigay-liwanag sa mga bansa, para imulat ang mga mata ng mga bulag, at magpalaya sa mga binihag na ikinulong sa madilim na bilangguan. Ako ang Panginoon! Iyan ang aking pangalan! Hindi ko ibibigay kaninuman o sa mga dios-diosan ang aking karangalan at mga papuri na para sa akin. Ang mga propesiya koʼy natupad at sasabihin ko ngayon ang mga bagong bagay bago pa ito mangyari.”

Awit ng Papuri sa Panginoon

10 Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon! Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, kayong lahat na nasa mundo. Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag, kayong lahat ng mga nilikha sa dagat at kayong mga nakatira sa malalayong lugar. 11 Purihin ninyo siya, kayong mga bayan na nasa ilang at kayong mga taga-Kedar. Umawit kayo sa tuwa, kayong mga taga-Sela. Humiyaw kayo ng pagpupuri sa tuktok ng mga bundok. 12 Parangalan ninyo at purihin ang Panginoon kayong mga nasa malalayong lugar. 13 Sasalakay ang Panginoon na parang isang sundalo na handang-handa nang makipaglaban. Sisigaw siya bilang hudyat ng pagsalakay; at magtatagumpay siya laban sa kanyang mga kaaway. 14 Sinabi ng Panginoon, “Sa mahabang panahon nagsawalang-kibo ako at pinigilan ko ang aking sarili. Pero ngayon, ipadarama ko ang aking galit. Sisigaw ako na parang babaeng nanganganak. 15 Gigibain ko ang mga bundok at mga burol, at malalanta ang mga tanim. Patutuyuin ko ang mga ilog at mga dakong may tubig. 16 Aakayin ko ang mga mamamayan kong bulag sa katotohanan, sa daan na hindi pa nila nadadaanan. Liliwanagan ko ang dinaraanan nilang madilim at papantayin ko ang mga baku-bako sa landas na kanilang dinadaanan. Gagawin ko ito at hindi ko sila pababayaan. 17 Pero ang mga nagtitiwala sa mga dios-diosan, at ang mga itinuturing na dios ang kanilang mga rebulto ay tatakas dahil sa malaking kahihiyan.”

Ang Israel ay Parang Bingi at Bulag

18 Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Kayong mga bingi at bulag, makinig kayo at tumingin! 19 Kayoʼy mga lingkod ko at mga pinili. Isinugo ko kayo bilang aking mga tagapagsalita, pero walang makakapantay sa inyong pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan. 20 Marami na kayong nakikita pero hindi ninyo pinapansin. Nakakarinig kayo pero ayaw ninyong makinig!”

21 Nais ng Panginoon na parangalan ang kanyang kautusan para ipakita na matuwid siya.[f] 22 Pero ngayon, ang kanyang mga mamamayan ay ninakawan, sinamsaman ng ari-arian, inihulog sa hukay o ipinasok sa bilangguan, at walang sinumang tumulong sa kanila. 23 Mayroon ba sa inyong gustong makinig o magbigay halaga mula ngayon sa inyong narinig? 24 Sino ang nagbigay ng pahintulot na nakawan at samsaman ng ari-arian ang Israel? Hindi baʼt ang Panginoon, na siyang pinagkasalaan natin? Sapagkat hindi natin sinunod ang mga pamamaraan niya at mga kautusan. 25 Kung kaya, ipinadama ng Panginoon ang matindi niyang galit sa atin sa pamamagitan ng pagpapahirap sa atin sa digmaan. Ang galit niyaʼy parang apoy na nakapalibot at sumusunog sa atin, pero hindi natin ito pinansin o inisip man lamang.

Nangako ang Dios na Iligtas ang Israel

43 Pero ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita.[g] Tinawag kita sa pangalan mo, at ikaw ay akin. Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo. Sapagkat ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko sa ibang bansa ang Egipto, ang Etiopia,[h] at ang Seba bilang kapalit mo. Ibibigay ko ang ibang mga tao bilang kapalit mo, dahil ikaw ay marangal at mahalaga sa aking paningin, at dahil mahal kita. Huwag kang matatakot dahil kasama mo ako. Titipunin ko ang iyong mga lahi mula sa silangan hanggang sa kanluran. Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga at sa timog na hayaang bumalik sa kanilang lupain ang iyong mga lahi, at hayaang umuwi saan mang sulok ng mundo. Sila ang mga taong aking tinawag. Nilikha ko sila para sa aking karangalan.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Tawagin mo ang aking mga mamamayan na may mga mata, pero hindi makakita; may mga tainga, pero hindi makarinig. Tawagin mo ang lahat ng mamamayan ng mga bansa. Sino sa mga dios-diosan nila ang makakahula tungkol sa hinaharap? Sino sa kanila ang makapagsasabi tungkol sa mga nangyayari ngayon? Isama nila ang kanilang mga saksi para patunayan ang kanilang sinasabi, upang ang mga makakarinig ay makapagsasabing, ‘Totoo nga.’ 10 Mga mamamayan ng Israel, kayo ang aking mga saksi. Pinili ko kayong maging mga lingkod ko, para makilala ninyo ako at magtiwala kayo sa akin, at para maunawaan ninyo na ako lamang ang Dios. Walang ibang Dios na nauna sa akin, at wala ring Dios na susunod pa sa akin. 11 Ako lang ang Panginoon at maliban sa akin ay wala nang iba pang Tagapagligtas. 12 Nagpahayag ako na ililigtas ko kayo, at tinupad ko nga ito. Walang ibang Dios na gumawa nito sa inyo, kayo ang mga saksi ko.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang Dios. 13 Mula pa noon ako na ang Dios. Walang makakatakas sa aking mga kamay. Walang makakapagbago ng mga ginagawa ko.”

Nangako ang Dios na Tutulungan niya ang Kanyang mga Mamamayan

14 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel, “Para maligtas kayo, ipapasalakay ko ang Babilonia[i] sa mga sundalo ng isang bansa, at tatakas sila sa pamamagitan ng mga barkong kanilang ipinagmamalaki. 15 Ako ang Panginoon, ang inyong Banal na Dios, ang lumikha sa Israel, ang inyong Hari. 16 Ako ang Panginoon na gumawa ng daan sa gitna ng dagat. 17 Tinipon ko ang mga karwahe, mga kabayo, at mga sundalo ng Egipto, at winasak sa gitna ng dagat at hindi na sila nakabangon pa. Para silang ilaw na namatay. 18 Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan, 19 dahil bagong bagay na ang gagawin ko. Itoʼy nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa ako ng daan at mga bukal sa disyerto. 20 Pararangalan ako ng maiilap na hayop, pati na ng mga asong-gubat[j] at mga kuwago, dahil maglalagay ako ng mga bukal sa disyerto para may mainom ang mga pinili kong mamamayan. 21 Sila ang mga taong aking nilikha para sa akin at para magpuri sa akin.

22 “Pero hindi ka humingi ng tulong sa akin, Israel, at ayaw mo na sa akin. 23 Hindi ka na nag-aalay sa akin ng mga tupang handog na sinusunog. Hindi mo na ako pinararangalan ng iyong mga handog kahit na hindi kita pinahirapan o pinagod sa paghingi ng mga handog na regalo at mga insenso. 24 Hindi mo ako ibinili ng mga insenso o pinagsawa sa mga taba ng hayop na iyong mga handog. Sa halip, pinahirapan mo ako at pinagod sa iyong mga kasalanan.

25 “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa aking karangalan, at hindi ko na iyon aalalahanin pa. 26 Isipin natin ang mga nakaraan. Magharap tayo. Patunayan mong wala kang kasalanan. 27 Nagkasala sa akin ang mga ninuno mo, at nagrebelde sa akin ang iyong mga pinuno. 28 Kaya inilagay ko sa kahihiyan ang iyong mga pari, at ikaw, Israel ay ipinaubaya ko sa kapahamakan at kahihiyan.

Ang Panginoon Lamang ang Dios

44 “Pero ngayon, makinig ka, O Israel na aking lingkod, ang mga mamamayan na aking pinili, na mga lahi ni Jacob. Ako, ang Panginoon, na lumikha at tumutulong sa iyo. Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod at pinili ko. Sapagkat binigyan kita ng tubig na pamatid uhaw at babasa sa iyong lupang tigang. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa iyong lahi at pagpapalain ko sila. Lalago sila na parang halaman na nasa tabi ng masaganang tubig o mga puno sa tabi ng ilog. May mga magsasabi, ‘Ako ay sa Panginoon.’ At mayroon ding magsasabi, ‘Akoʼy lahi ni Jacob.’ Mayroon ding mga maglalagay ng tatak sa kanilang kamay ng pangalan ng Panginoon, at ituturing ang sarili na kabilang sa mga mamamayan ng Israel.

Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan

“Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Panginoong Makapangyarihan: Ako ang simula at wakas ng lahat. Maliban sa akin ay wala nang iba pang Dios. Sino ang kagaya ko? Sabihin niya sa harap ko kung ano ang mga nangyari mula nang itayo ko na maging isang bansa ang aking mga mamamayan noong unang panahon. At sabihin din niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Huwag kayong matakot o kabahan man. Hindi baʼt ipinaalam ko na sa inyo noong una pa ang layunin ko sa inyo? Kayo ang mga saksi ko. Mayroon pa bang ibang Dios maliban sa akin? Wala! Wala na akong alam na may iba pang Bato na kanlungan maliban sa akin.” Walang kwentang tao ang mga gumagawa ng mga rebultong dios-diosan. At ang mga rebultong ito na labis nilang pinahahalagahan ay walang halaga. Sila rin ang makakapagpatunay na ang mga iyon ay wala ring halaga. Sapagkat ang mga iyon ay hindi nakakakita at walang nalalaman. Kaya nga napapahiya ang mga sumasamba sa mga iyon. 10 Hangal ang taong gumagawa ng mga rebultong hindi naman napapakinabangan. 11 Tandaan ninyo! Ang lahat ng sumasamba sa mga rebulto ay mapapahiya, dahil ang mga iyan ay gawa lang ng tao. Magsama-sama man sila at akoʼy harapin, matatakot sila at mapapahiya rin.

12 Ang panday ay kumukuha ng kapirasong bakal at isinasalang sa baga. Pagkatapos, pupukpukin niya ito ng maso para maghugis rebulto. Nanghihina siya sa gutom at halos mawalan ng malay dahil sa uhaw. 13 Ang karpintero naman ay sumusukat ng kaputol na kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyo ng tao. Pagkatapos, uukit siya ng magandang larawan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga gamit para ilagay sa isang templo. 14 At para may magamit siyang kahoy, pumuputol siya ng sedro, ensina, o sipres[k] na kanyang itinanim sa kagubatan. Nagtanim din siya ng puno ng abeto, at sa kadidilig ng ulan ay tumubo ito. 15 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagamit niyang panggatong para pampainit at panluto ng pagkain. At ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawa niyang rebulto na niluluhuran at sinasamba. 16 Ang ibang piraso naman ay ipinanggagatong niya at sa baga nitoʼy nag-iihaw siya ng karne, pagkatapos ay kumakain at nabubusog. Nagpapainit din siya sa apoy at sinasabi niya, “Ang sarap ng init.” 17 At ang ibang piraso ay ginagawa niyang rebulto at sa rebultong itoʼy nananalangin siya ng ganito, “Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking dios.”

18 Hindi alam at hindi nauunawaan ng mga taong ito ang kanilang ginagawa. Tinakpan ang mga mata nila kaya hindi sila makakita. Tinakpan din ang kanilang mga isip, kaya hindi sila makaunawa. 19 Walang nakakaisip na magsabi, “Ang kaputol ng kahoy ay ipinangluto ko ng pagkain, ipinang-ihaw ng karne, at aking kinain. Gagawin ko bang kasuklam-suklam na rebulto ang natirang kahoy? Sasambahin ko ba ang isang pirasong kahoy?”

20 Ang mga gumagawa nitoʼy parang kumain ng abo. Ang hangal niyang isip ang nagligaw sa kanya, at hindi niya maililigtas ang kanyang sarili. At hindi siya papayag na ang rebultong nasa kanya ay hindi dios.

21 Sinabi pa ng Panginoon, “Israel, dahil sa ikaw ay aking lingkod, isipin mo ito: Ginawa kita para maglingkod sa akin. Hindi kita kalilimutan. 22 Ang mga kasalanan moʼy parang ulap o ambon na pinaglaho ko na. Manumbalik ka sa akin para mailigtas kita.”

23 O kalangitan, umawit ka sa tuwa! O mundo, sumigaw ka nang malakas! Umawit kayo, kayong mga bundok at mga kagubatan. Sapagkat Ililigtas ng Panginoon ang lahi ni Jacob; ipapakita niya ang kanyang kapangyarihan sa Israel. 24 Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas na lumikha sa inyo: Ako ang Panginoong lumikha ng lahat ng bagay. Ako lang mag-isa ang naglatag ng langit at ako lang din ang lumikha ng mundo. 25 Binigo ko ang mga hula ng mga huwad na propeta. At ginagawa kong mangmang ang mga nanghuhula. Binabaliktad ko ang sinasabi ng marurunong at ginagawa kong walang kabuluhan ang kanilang nalalaman. 26 Pero tinutupad ko ang propesiya ng aking mga lingkod at mga tagapagsalita. Sinabi kong ang Jerusalem ay muling titirhan, at ang iba pang bayan ng Juda na nagiba ay muling itatayo. 27 Kapag sinabi kong matutuyo ang ilog, matutuyo nga ito. 28 Sinabi ko kay Cyrus, “Ikaw ang tagapagbantay ng aking mga mamamayan at gagawin mo ang lahat ng nais ko. Mag-uutos ka na muling itayo ang Jerusalem at ang templo roon.”

Pinili ng Dios si Cyrus

45 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Cyrus na kanyang hinirang at pinalakas ang kapangyarihan, “Sakupin mo ang mga bansa at pasukuin mo ang mga hari. Buksan mo ang mga pintuan ng kanilang mga lungsod at agawin, at hindi na ito isasara. Ako ang maghahanda ng iyong dadaanan, at papatagin ko ang mga bundok. Gigibain ko ang mga pintuang tanso at ang mga tarangkahang bakal nito. Ibibigay ko sa iyo ang mga nakatagong kayamanan, para malaman mong ako ang Panginoon, ang Dios ng Israel na tumawag sa iyo. Tinawag kita para tulungan mo ang Israel na aking lingkod at pinili. Pinarangalan kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala. Ako ang Panginoon, at wala nang iba pa; maliban sa akin ay wala nang ibang Dios. Palalakasin kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala para malaman ng lahat sa buong mundo na walang ibang Dios maliban sa akin. Ako ang Panginoon at wala nang iba pa. Ako ang lumikha ng liwanag at ng dilim. Ako ang nagpapadala ng kabutihan at ng kapahamakan. Ako ang Panginoon na gumawa ng lahat ng ito. Magbibigay ako ng tagumpay na parang ulan. Matatanggap ito ng mga tao sa mundo, at kakalat ang kaligtasan at tagumpay na parang tanim na tumutubo. Ako ang Panginoong gumawa nito. Nakakaawa ang taong nakikipagtalo sa Dios na lumikha sa kanya. Ang katulad niyaʼy palayok lamang. Ang putik bang ginagawang palayok ay maaaring magsabi sa magpapalayok kung ano ang dapat niyang gawin? O makakapagreklamo ba siyang walang kakayahan ang magpapalayok? 10 Nakakaawa ang anak na nagsasabi sa kanyang mga magulang, ‘Bakit ba ninyo ako ginawang ganito?’ ”

11 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, na lumikha sa kanya, “Nagrereklamo ba kayo sa mga ginagawa ko? Inuutusan nʼyo ba ako sa mga dapat kong gawin? 12 Ako ang gumawa ng mundo at ng lahat ng naninirahan dito. Ang mga kamay ko ang nagladlad ng langit, at ako ang nag-utos sa araw, buwan at mga bituin na lumabas. 13 Ako ang tumawag kay Cyrus para isagawa ang aking layunin. Gagawin kong tama ang lahat ng pamamaraan niya. Itatayo niyang muli ang aking lungsod at palalayain niya ang mga mamamayan kong binihag. Gagawin niya ito hindi dahil sa binigyan siya ng suhol o regalo. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

14 Sinabi ng Panginoon sa Israel, “Masasakop mo ang mga taga-Egipto, ang mga taga-Etiopia[l] at ang mga taga-Sabea na ang mga lalaki ay matatangkad. Paparito sila sa iyo na dala ang kanilang mga kayamanan at mga ani. Silaʼy magiging mga bihag mo. Luluhod sila sa iyo at magsasabi, ‘Ang Dios ay totoong kasama mo, at wala nang ibang Dios!’ ”

15 O Dios at Tagapagligtas ng Israel, hindi nʼyo ipinapakita ang inyong sarili. 16 Mapapahiya ang lahat ng gumagawa ng mga rebultong dios-diosan. 17 Pero ang Israel ay ililigtas nʼyo, Panginoon, at ang kaligtasan nila ay walang hanggan. Hindi na sila mapapahiya kahit kailan.

18 Kayo Panginoon ang Dios. Kayo ang lumikha ng langit at ng mundo. Hindi nʼyo ginawa ang mundo nang walang nabubuhay. Ginawa nʼyo ito para matirhan. Sinabi nʼyo, “Ako ang Panginoon at wala nang iba pa. 19 Hindi ako nagsalita nang lihim, nang walang nakakaalam. Hindi ko sinabi sa mga lahi ni Jacob na dumulog sila sa akin, na wala naman silang matatanggap sa akin. Ako ang Panginoon, nagsasalita ako ng katotohanan. Sinasabi ko kung ano ang dapat.”

20 Sinabi pa ng Panginoon, “Magtipon kayong lahat at lumapit sa akin, kayong mga tumakas mula sa mga bansa. Walang alam ang mga nagdadala ng mga dios-diosan nilang kahoy. Nananalangin sila sa mga dios-diosang ito, na hindi naman makapagliligtas sa kanila. 21 Isangguni ninyo sa isaʼt isa, at ihayag ang inyong usapin. Sino ang humula noon tungkol sa mga bagay na mangyayari? Hindi baʼt ako, ang Panginoon? Wala nang ibang Dios, ako lang, ang Dios na matuwid at Tagapagligtas.

22 “Lumapit kayo sa akin para maligtas kayo, kayong lahat sa buong mundo.[m] Sapagkat ako ang Dios at maliban sa akin ay wala nang iba pa. 23 Sumumpa ako sa aking sarili, at ang mga sinabi koʼy hindi na mababago. Ang lahat ay luluhod sa akin, at silaʼy mangangakong magiging tapat sa akin. 24 Sasabihin nila, ‘Tanging sa tulong lamang ng Panginoon ang taoʼy magkakaroon ng lakas at tagumpay na may katuwiran.’ ” Ang lahat ng napopoot sa Panginoon ay lalapit sa kanya at mapapahiya. 25 Sa tulong ng Panginoon ang lahat ng lahi ng Israel ay makakaranas ng tagumpay na may katuwiran at magpupuri sila sa kanya.

Ang mga Dios-diosan ng Babilonia

46 Ang mga dios-diosan ng Babilonia na sina Bel at Nebo ay nakahiga habang ikinakarga sa mga karwahe na hinihila ng mga asno. Mabibigat sila, karga ng mga pagod na hayop. Nakahiga nga sila, at hindi nila kayang iligtas ang kumakarga sa kanila, kaya pati sila ay nabihag.

Makinig kayo sa akin, mga lahi ni Jacob, kayong mga natirang mga mamamayan ng Israel. Inalagaan ko kayo mula nang kayoʼy ipinanganak. Aalagaan ko kayo hanggang sa tumanda at pumuti ang inyong buhok. Nilikha ko kayo kaya kayoʼy aalagaan ko. Tutulungan ko kayo at ililigtas. Kanino ninyo ako maihahalintulad? Mayroon bang katulad ko? Ang ibang mga tao ay naglalabas ng kanilang ginto o pilak at inuupahan nila ang platero para iyon ay gawing rebulto at pagkatapos ay kanilang luluhuran at sasambahin. Pinapasan nila ito at inilalagay sa kanyang lalagyan at nananatili ito roon dahil hindi naman ito makakakilos. Kung may mananalangin sa kanya, hindi siya makakasagot at hindi makakatulong sa panahon ng kaguluhan. Kayong mga rebelde, tandaan ninyo ito, at itanim sa inyong mga isip. Alalahanin ninyo ang aking mga ginawa noong unang panahon. Ako lang ang Dios, at wala nang iba pang katulad ko. 10 Sa simula pa lang, sinabi ko na ang mga mangyayari sa hinaharap. Ang aking mga inihayag ay magaganap, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin. 11 Tatawag ako ng isang tao mula sa silangan sa malayong lugar, at siya ang magsasagawa ng aking mga plano. Maitutulad ko siya sa isang ibong mandaragit. Isasagawa ko ang aking mga sinabi at plinano. 12 Makinig kayo sa akin kayong matitigas ang ulo. Hindi ninyo mararanasan ang tagumpay at katuwiran. 13 Hindi na magtatagal, ibibigay ko na ang tagumpay at katuwiran sa Jerusalem. Malapit ko na itong iligtas; pararangalan ko ang Israel.

Ang Pagbagsak ng Babilonia

47 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, mauupo ka sa lupa. Mauupo ka ng walang trono. Ikaw na parang birheng pihikan at mahinhin noon pero hindi na ngayon. Isa ka nang alipin ngayon, kaya kumuha ka ng batong gilingan at maggiling ka na ng trigo. Alisin mo na ang belo mo, at itaas ang damit mo para makita ang iyong hita habang tumatawid ka sa ilog. Lalabas ang iyong kahubaran at mapapahiya ka. Maghihiganti ako sa iyo at hindi kita kaaawaan.” Ang ating Tagapagligtas, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan ay ang Banal na Dios ng Israel.

Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, maupo ka nang tahimik doon sa dilim. Hindi ka na tatawaging reyna ng mga kaharian. Nagalit ako sa aking mga mamamayan at itinakwil ko sila. Kaya ibinigay ko sila sa iyong mga kamay, at hindi mo sila kinaawaan. Pati ang matatanda ay iyong pinagmalupitan. Sinasabi mong ang iyong pagiging reyna ay walang katapusan. Pero hindi mo inisip ang iyong mga ginawa at kung ano ang maidudulot nito sa iyo sa huli. Kaya pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan at nag-aakalang ligtas. Sinasabi mo pa sa iyong sarili na ikaw ang Dios at wala nang iba pa. Inaakala mo ring hindi ka mababalo o mawawalan ng mga anak.[n] Pero bigla itong mangyayari sa iyo: Mababalo ka at mawawalan ng mga anak. Talagang mangyayari ito sa iyo kahit na marami ka pang alam na mahika o panggagaway. 10 Naniniwala kang hindi ka mapapahamak sa paggawa mo ng kasamaan, dahil inaakala mong walang nakakakita sa iyo. Inililigaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, at iyon din ang dahilan kung bakit sinasabi mong ikaw ang Dios at wala nang iba pa. 11 Kung kaya, darating sa iyo ang kapahamakan at hindi mo malalaman kung papaano mo iyon mailalayo sa pamamagitan ng iyong mahika. Darating din sa iyo ang salot na hindi mo mababayaran para tumigil. Biglang darating sa iyo ang pagkawasak na hindi mo akalaing mangyayari. 12 Sige ipagpatuloy mo ang iyong mga mahika at mga pangkukulam na iyong ginagawa mula noong bata ka pa. Baka sakaling magtagumpay ka, o baka sakaling matakot sa iyo ang mga kaaway mo. 13 Pagod ka na sa marami mong mga pakana. Magpatulong ka sa iyong mga tao na nag-aaral tungkol sa mga bituin at nanghuhula bawat buwan tungkol sa mga mangyayari sa iyo. 14 Ang totoo, para silang mga dayaming madaling nasusunog. Ni hindi nga nila maililigtas ang kanilang sarili sa apoy. At ang apoy na itoʼy hindi tulad ng pangkaraniwang init kundi talagang napakainit. 15 Ano ngayon ang magagawa ng mga taong hinihingan mo ng payo mula nang bata ka pa? Ang bawat isa sa kanilaʼy naligaw ng landas at hindi makakapagligtas sa iyo.

Matigas ang Ulo ng mga Israelita

48 “Makinig kayo, mga lahi ni Jacob, kayong tinatawag na Israel, at nagmula sa lahi ni Juda. Sumusumpa kayo sa pangalan ng Panginoon at tumatawag sa Dios ng Israel. Pero pakunwari lang pala, dahil hindi naman matuwid ang inyong pamumuhay. Sinasabi pa ninyong kayoʼy mga mamamayan ng banal na lungsod, at nagtitiwala kayo sa Dios ng Israel, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan.” Sinabi niya sa inyo, “Sinabi ko na noon pa kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. At itoʼy aking isinakatuparan. Alam ko kung gaano katigas ang inyong ulo. Ang inyong leeg ay kasintigas ng bakal at ang inyong noo ay kasintigas ng tanso. Kaya sinabi ko na agad sa inyo ang aking gagawin. Noong hindi pa ito nangyayari, sinabi ko na ito sa inyo para hindi ninyo masabing ang inyong mga rebultong dios-diosan na gawa sa kahoy at bakal ang siyang humula at nagsagawa nito. Narinig ninyo ang aking mga propesiya at nakita ninyo ang katuparan ng mga ito, pero ayaw ninyong tanggapin na ako ang gumawa nito. Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo ang mga bagong bagay na hindi ko pa ipinahayag sa inyo. Hindi pa ninyo ito alam. Ngayon ko pa lamang ito gagawin para hindi ninyo masabing itoʼy alam na ninyo. Hindi ninyo napakinggan o naunawaan ang mga bagay na ito dahil mula pa noon nagbibingi-bingihan na kayo. Alam ko ang inyong kataksilan dahil mula pa noong kayoʼy isinilang mga rebelde na kayo. Alang-alang sa karangalan ko, pinigilan ko ang aking galit sa inyo para hindi kayo malipol. 10 Lilinisin ko kayo pero hindi katulad ng paglilinis sa pilak, dahil lilinisin ko kayo sa pamamagitan ng paghihirap. 11 Gagawin ko ito para sa aking karangalan. Hindi ako papayag na ako ay mapahiya at ang mga dios-diosan ay maparangalan.

12 “Makinig kayo sa akin, kayong mga taga-Israel na aking pinili. Ako ang Dios; ako ang pasimula at ang wakas ng lahat. 13 Ako ang naglagay ng pundasyon ng mundo at ako rin ang nagladlad ng langit. Kapag nag-utos ako sa mga ito, itoʼy sumusunod.

14 “Magtipon kayong lahat at makinig: Sino sa mga dios-diosan ang humulang lulusubin ng aking kaibigan[o] ang Babilonia para sundin ang ipinapagawa ko laban sa bansang iyon? Wala! 15 Ako ang nagsabi sa kanya at ako rin ang tumawag sa kanya. Sinugo ko siya at pinagtagumpay sa kanyang ginawa. 16 Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito: Mula pa ng pasimula hindi ako nagsalita nang lihim. Sa panahon na nangyari ang sinabi ko, naroon ako.”

At ngayon sinugo ako ng Panginoong Dios at ng kanyang Espiritu na sabihin ito: 17 “Sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel: Ako ang Panginoon na inyong Dios na nagturo sa inyo kung ano ang mabuti para sa inyo at ako ang pumatnubay sa inyo sa tamang daan. 18 Kung kayo lamang ay sumunod sa aking mga utos, dumaloy sana na parang ilog ang mga pagpapala sa inyo, at ang inyong tagumpay[p] ay sunud-sunod sana na parang alon na dumarating sa dalampasigan. 19 Ang inyo sanang mga lahi ay naging kasindami ng buhangin na hindi mabilang, at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”

20 Umalis kayo sa Babilonia! Buong galak ninyong ihayag sa buong mundo[q] na iniligtas ng Panginoon ang kanyang lingkod, ang mga mamamayan ng Israel.[r] 21 Hindi sila nauhaw nang patnubayan sila ng Dios sa ilang, dahil pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila. Biniyak niya ang bato at umagos ang tubig. 22 Pero ang masasama ay hindi magkakaroon ng kapayapaan, sabi ng Panginoon.

Ang mga Gawain ng Lingkod ng Dios

49 Makinig kayo sa akin, kayong mga naninirahan sa malalayong lugar:[s] Hindi pa man ako isinilang, tinawag na ako ng Panginoon para maglingkod sa kanya. Ginawa niyang kasintalim ng espada ang mga salita ko. Iningatan niya ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ginawa niya akong parang makinang na pana na handa nang itudla. Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko. Sa pamamagitan mo, pararangalan ako ng mga tao.” Pero sinabi ko, “Ang paghihirap koʼy walang kabuluhan; sinayang ko ang lakas ko sa walang kabuluhan.” Pero ipinaubaya ko ito sa Panginoon na aking Dios. Siya ang magbibigay ng gantimpala sa aking mga gawa.

Ang Panginoon ang pumili sa akin na maging lingkod niya, para pabalikin sa kanya at tipunin ang mga Israelita. Pinarangalan ako ng Panginoon na aking Dios at binigyan ng lakas. Sinabi niya, “Ikaw na lingkod ko, marami pang mga gawain ang ipapagawa ko sa iyo, maliban sa pagpapabalik sa mga Israelita na aking kinakalinga. Gagawin pa kitang[t] ilaw ng mga bansa para maligtas ang buong mundo.”[u]

Ang Panginoon, ang Tagapagligtas at Banal na Dios ng Israel ay nagsabi sa taong hinahamak at kinasusuklaman ng mga bansa at ng lingkod ng mga pinuno, “Makikita ng mga hari kung sino kang talaga at tatayo sila para magbigay galang sa iyo. Ang mga pinuno ay yuyuko sa iyo. Mangyayari ito dahil sa akin, ang Panginoong tapat, ang Banal na Dios ng Israel. Ako ang pumili sa iyo.”

Muling Itatayo ang Jerusalem

Ito ang sinabi ng Panginoon, “Sa tamang panahon[v] ay tutugunin kita, sa araw ng pagliligtas ay tutulungan kita. Iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Muli mong itatayo ang lupain ng Israel na nawasak, at muli mo itong ibibigay sa aking mga mamamayan. Sasabihin mo sa mga Israelitang binihag at piniit sa kadiliman, ‘Lumabas kayo! Malaya na kayo!’

“Matutulad sila sa mga tupang nanginginain sa tabi ng mga daan at mga burol. 10 Hindi sila magugutom o mauuhaw. Hindi sila maiinitan ng matinding init ng araw o ng mainit na hangin sa ilang. Sapagkat akong nagmamalasakit sa kanila ay magpapatnubay sa kanila sa mga bukal. 11 Gagawin kong daanan ang aking mga bundok na kanilang dadaanan. Ang mga lugar na matataas ay magiging pangunahing daan. 12 Darating ang aking mga mamamayan mula sa malayo. Manggagaling ang iba sa hilaga, ang iba namaʼy sa kanluran, at ang ibaʼy galing pa sa Sinim.”[w]

13 Umawit ka sa tuwa, O langit. At magalak ka, O mundo! Umawit kayo, kayong mga bundok. Sapagkat kaaawaan at aaliwin ng Panginoon ang kanyang mga mamamayang nahihirapan. 14 Pero sinabi ng mga taga-Jerusalem,[x] “Pinabayaan na kami ng Panginoon; nakalimutan na niya kami.”

15 Pero sumagot ang Panginoon, “Makakalimutan ba ng isang ina ang kanyang anak? Hindi ba niya pagmamalasakitan ang isinilang niyang sanggol? Maaaring makalimot ang isang ina, pero ako, hindi makalilimot sa inyo!

16 “O Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Isinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad. Palagi kong iniisip na maitayong muli ang iyong mga pader. 17 Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo,[y] at ang mga nagwasak sa iyo ay paaalisin na. 18 Tingnan mo ang iyong paligid; nagtitipon na ang iyong mga mamamayan para umuwi sa iyo. At bilang Dios na buhay, sumusumpa akong ipagmamalaki mo sila katulad ng pagmamalaki ng nobyang ikakasal sa mga alahas na kanyang suot-suot. 19 Nawasak ka at pinabayaang giba, pero ngayon ay titirhan ka na ng iyong mga mamamayan. Hindi na sila halos magkakasya sa iyo. At ang mga nagwasak sa iyo ay lalayo na. 20 Sasabihin ng mga anak ninyong ipinanganak sa panahon ng inyong pagdadalamhati,[z] ‘Ang lugar na itoʼy napakaliit para sa amin. Kailangan namin ng mas malaking lugar.’ 21 At sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Sino ang nanganak ng mga ito para sa akin? Namatay ang karamihan ng aking mga mamamayan,[aa] at dahil doon akoʼy nagluksa. Ang iba sa kanila ay binihag at dinala sa ibang bansa, at nag-iisa na lamang ako. Kaya saan galing ang mga ito? Sino ang nag-alaga sa kanila?’ ”

22 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Sesenyasan ko ang mga bansa at ibabalik nila sa iyo ang iyong mga mamamayan na parang mga sanggol na kanilang kinalinga.[ab] 23 Maglilingkod sa iyo ang mga hari at mga reyna. Sila ang mag-aalaga sa iyo. Luluhod sila sa iyo bilang paggalang, at magpapasakop sa iyo.[ac] Sa ganoon malalaman mong ako ang Panginoon, at ang mga nagtitiwala sa akin ay hindi mabibigo.”

24 Mababawi mo pa ba ang mga sinamsam ng mga sundalong malulupit?[ad] Maililigtas pa ba ang mga binihag nila?

25 Pero ito ang sagot ng Panginoon, “Oo, maililigtas mo pa ang mga binihag ng mga sundalong malulupit at mababawi mo pa ang mga sinamsam nila. Sapagkat lalabanan ko ang mga lumalaban sa iyo at ililigtas ko ang iyong mga mamamayan.[ae] 26 Ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang sarili nilang katawan, at magiging parang mga lasing sila sa sarili nilang dugo. Dahil dito, malalaman ng lahat na ako, ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ay ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”

50 Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Ang Jerusalem[af] baʼy itinakwil ko gaya ng lalaking humiwalay sa kanyang asawa? Patunayan ninyo![ag] Ipinabihag ko na ba kayo tulad ng isang taong ipinagbili bilang alipin ang kanyang mga anak sa pinagkakautangan niya, para ipambayad sa utang? Hindi! Kayo ay ipinagbili dahil sa inyong mga kasalanan. Itinakwil ang Jerusalem dahil sa inyong mga pagsuway. Bakit hindi ninyo ako pinansin noong dumating ako? Bakit hindi kayo sumagot noong tinawag ko kayo? Hindi ko ba kayo kayang iligtas? Kaya ko ngang patuyuin ang dagat sa isang salita lang. At kaya kong gawing disyerto ang ilog para mamatay ang mga isda roon. At kaya ko ring padilimin na kasing-itim ng damit na panluksa[ah] ang langit.”

Ang Masunuring Lingkod ng Dios

Tinuruan ako ng Panginoong Dios kung ano ang sasabihin ko para mapalakas ang mga nanlulupaypay. Ginigising niya ako tuwing umaga para pakinggan ang mga itinuturo niya sa akin. Nagsalita sa akin ang Panginoong Dios at akoʼy nakinig. Hindi ako sumuway o tumakas man sa kanya. Iniumang ko ang aking likod sa mga bumugbog sa akin, at ang aking mukha sa mga bumunot ng aking balbas. Pinabayaan ko silang hiyain ako at duraan ang aking mukha. Pero hindi ako nakadama ng hiya, dahil tinulungan ako ng Panginoong Dios. Kaya nagmatigas ako na parang batong buhay dahil alam kong hindi ako mapapahiya. Malapit sa akin ang Dios na nagsasabing wala akong kasalanan. Sino ang maghahabla sa akin? Lumabas siya at harapin ako! Makinig kayo! Ang Panginoong Dios ang tutulong sa akin. Sino ang makapagsasabing nagkasala ako? Matutulad sila sa damit na mabubulok at ngangatngatin ng mga kulisap. 10 Sino sa inyo ang may takot sa Panginoon at sumusunod sa mga itinuturo ng kanyang lingkod? Kinakailangang magtiwala siya sa Panginoon niyang Dios kahit sa daang madilim at walang liwanag. 11 Pero mag-ingat kayo, kayong mga nagbabalak na ipahamak ang iba, kayo rin ang mapapahamak sa sarili ninyong mga pakana! Mismong ang Panginoon ang magpaparusa sa inyo, at kayoʼy mamamatay sa matinding parusa.

Ang Panawagang Magtiwala sa Panginoon

51 1-2 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo sa akin, kayong mga gustong maligtas[ai] at humihingi ng tulong sa akin. Alalahanin ninyo sina Abraham at Sara na inyong mga ninuno. Katulad sila ng batong pinagtibagan sa inyo o pinaghukayan sa inyo. Noong tinawag ko si Abraham, nag-iisa siya, pero pinagpala ko siya at binigyan ng maraming lahi.

“Kaaawaan ko ang Jerusalem[aj] na nawasak. Ang mga disyerto nito ay gagawin kong parang halamanan ng Eden. Maghahari sa Jerusalem ang kagalakan, pasasalamat at pag-aawitan.

“Mga mamamayan ko, makinig kayo sa akin. Dinggin ninyo ako, O bansa ko! Ibibigay ko ang aking kautusan at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa. Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay. Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo. Ako ang mamamahala sa mga bansa. Ang mga nasa malalayong lugar[ak] ay maghihintay sa akin at maghahangad ng aking kapangyarihan. Tingnan ninyo ang langit at ang mundo. Mawawala ang langit na parang usok, masisira ang mundo na parang damit, at mamamatay ang mga mamamayan nito na parang mga kulisap. Pero ang kaligtasan na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang tagumpay at katuwiran na mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman. Makinig kayo sa akin, kayong mga nakakaalam kung ano ang tama at sumusunod sa aking kautusan! Huwag kayong matatakot sa mga panghihiya at pangungutya ng mga tao sa inyo. Sapagkat matutulad sila sa damit na nginatngat ng mga kulisap. Pero ang tagumpay at katuwiran na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang kaligtasang mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman.”

Sige na, Panginoon, tulungan nʼyo na po kami. Gamitin nʼyo na ang inyong kapangyarihan sa pagliligtas sa amin. Tulungan nʼyo kami katulad ng ginawa nʼyo noon. Hindi baʼt kayo ang tumadtad sa dragon na si Rahab?[al] 10 Hindi baʼt kayo rin po ang nagpatuyo ng dagat, gumawa ng daan sa gitna nito para makatawid ang inyong mga mamamayan na iniligtas nʼyo sa Egipto? 11 Ang inyong mga tinubos ay babalik sa Zion na nag-aawitan at may kagalakan magpawalang hanggan. Mawawala na ang kanilang mga kalungkutan, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan.

12 Sumagot ang Panginoon, “Ako ang nagpapalakas at nagpapaligaya sa inyo. Kaya bakit kayo matatakot sa mga taong katulad ninyo na mamamatay din lang na parang damo? 13 Ako baʼy nakalimutan na ninyo? Ako na lumikha sa inyo? Ako ang nagladlad ng langit at naglagay ng pundasyon ng mundo. Bakit nabubuhay kayong natatakot sa galit ng mga umaapi at gustong lumipol sa inyo? Ang kanilang galit ay hindi makakapinsala sa inyo. 14 Hindi magtatagal at ang mga bihag ay palalayain. Hindi sila mamamatay sa kanilang piitan at hindi rin sila mawawalan ng pagkain. 15 Sapagkat ako ang Panginoon na inyong Dios. Kapag kinalawkaw ko ang dagat ay umuugong ang mga alon. Panginoong Makapangyarihan ang aking pangalan. 16 Itinuro ko sa inyo ang ipinasasabi ko, at ipinagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ako ang naglagay ng langit at ng pundasyon ng mundo, at ako ang nagsabi sa Israel, ‘Ikaw ang aking mamamayan.’ ”

17 Jerusalem, bumangon ka! Ang galit ng Panginoon ay parang alak na ininom mong lahat hanggang sa ikaw ay magpasuray-suray sa kalasingan. 18 Wala ni isa man sa iyong mga tauhan ang aalalay sa iyo; wala ni isa man sa kanila ang tutulong sa iyo. 19 Dalawang sakuna ang nangyari sa iyo: Nawasak ka dahil sa digmaan, at nagtiis ng gutom ang iyong mga mamamayan. Walang naiwan sa mga mamamayan mo, na lilingap at aaliw sa iyo. 20 Nanlulupaypay sila at nakahandusay sa mga lansangan. Para silang mga usa na nahuli sa bitag. Dumanas sila ng matinding galit ng Panginoon; sinaway sila ng iyong Dios.

21 Kaya pakinggan ninyo ito, kayong mga nasa matinding hirap at nalasing ng hindi dahil sa alak. 22 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Dios na kumakalinga sa inyo: “Makinig kayo! Inalis ko na ang aking galit na parang alak na nakapagpalasing sa inyo. Hindi ko na kayo paiinuming muli nito. 23 Ibibigay ko ito sa mga nagpahirap sa inyo, sa mga nag-utos sa inyo na dumapa para tapakan nila kayo. Tinapakan nila ang inyong mga likod na para bang dumadaan sila sa lansangan.”

Ililigtas ng Dios ang Jerusalem

52 Bumangon ka, O Zion, at magpakatatag. Ipakita mo ang iyong kapangyarihan, O banal na lungsod ng Jerusalem, dahil ang mga kaaway mong hindi mga Israelita,[am] na itinuturing mong marumi ay hindi na muling makakapasok sa iyo. Huwag ka nang malungkot katulad ng taong nagluluksa na nakaupo sa lupa. Bumangon ka na at muling mamahala. At kayong mga mamamayan ng Jerusalem, palayain nʼyo na ang inyong sarili mula sa pagkabihag. 3-4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios, “Binihag kayo na parang mga taong ipinagbili bilang alipin na walang bayad, kaya tutubusin ko kayo ng wala ring bayad. Pumunta kayo noon sa Egipto upang doon manirahan at inapi kayo roon. At noong huli inapi rin kayo ng Asiria. Ngayon, ano na naman ang nangyari sa inyo? Binihag kayo ng Babilonia na parang wala ring bayad. Pinamahalaan nila kayo at nilait. Maging ako ay lagi rin nilang nilalapastangan. Pero darating ang araw na malalaman ninyo kung sino ako, dahil ako mismo ang nagsasalita sa inyo. Oo, ako nga.”

O napakagandang tingnan ang mga sugong dumadaan sa mga kabundukan na nagdadala ng magandang balita ng kapayapaan at kabutihan sa Jerusalem, dahil ililigtas na ito ng Dios. Sasabihin nila sa mga taga-Jerusalem, “Naghahari na ang inyong Dios!”

Sisigaw sa tuwa ang mga tagapagbantay ng lungsod dahil makikita nila ang pagbabalik ng Panginoon sa Jerusalem. Sisigaw sa tuwa ang gibang Jerusalem dahil aaliwin at palalakasin na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. Ililigtas niya ang Jerusalem! 10 Ipapakita ng Panginoon ang natatangi[an] niyang kapangyarihan sa lahat ng bansa, at makikita ng buong mundo[ao] ang pagliligtas ng ating Dios.

11 Kayong mga tagapagdala ng mga kagamitan ng templo ng Panginoon, umalis na kayo sa Babilonia. Huwag kayong hihipo ng mga bagay na itinuturing na marumi. Umalis na kayo sa Babilonia, at magpakabanal. 12 Pero ngayon, hindi nʼyo na kailangang magmadali sa pag-alis, na para bang tumatakas. Dahil ang Panginoon ang mangunguna sa inyo. Ang Dios ng Israel ang magtatanggol sa inyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®