Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Nehemias 13:15 - Job 7:21

15 Nang oras na iyon, may nakita akong mga taga-Juda na pumipisa ng mga ubas sa Araw ng Pamamahinga. Ang iba sa kanila ay nagkakarga ng mga trigo, alak, ubas, igos, at iba pang mga bagay sa mga asno para dalhin sa Jerusalem at ipagbili. Kaya pinagsabihan ko sila na huwag ipagbili ang mga produkto nila sa Araw ng Pamamahinga. 16 Mayroon ding mga taga-Tyre na nakatira sa Jerusalem na nagdala ng mga isda at iba pang mga kalakal. Ipinagbili nila ito sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem sa araw ding iyon ng Araw ng Pamamahinga. 17 Kaya sinaway ko ang mga pinuno ng Juda at sinabihan, “Ano ba itong ginagawa ninyong kasamaan? Hindi ba ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga? 18 Hindi ba ganito rin ang ginawa ng inyong mga ninuno, kaya tayo at ang lungsod na ito ay pinarusahan ng ating Dios? Ngayon, ginalit pa ninyo nang lubos ang Dios dahil sa ginagawa ninyo, dahil hindi ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga.”

19 Kaya nag-utos ako na isara ang pintuan ng lungsod tuwing Biyernes[a] habang papalubog ang araw, at huwag itong bubuksan hanggaʼt hindi pa natatapos ang Araw ng Pamamahinga. Pinabantayan ko sa mga tauhan ko ang mga pintuan para walang makapasok na kahit anong tinda sa lungsod sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal ay natutulog sa labas ng Jerusalem kapag Biyernes ng gabi. 21 Pero binalaan ko sila. Sinabi ko, “Bakit dito kayo natutulog sa pader ng lungsod? Kapag inulit nʼyo pa ito, parurusahan ko kayo.” Kaya mula noon, hindi na sila bumalik sa Araw ng Pamamahinga. 22 Pagkatapos, inutusan ko ang mga Levita na maging malinis at magbantay sa mga pintuan upang ituring na banal ng mga tao ang Araw ng Pamamahinga.

At saka ako nanalangin, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ang mga ginawa kong ito, at kaawaan nʼyo ako ayon sa dakila nʼyong pag-ibig.” 23 Nang mga panahon ding iyon, nakita ko na may mga taga-Juda na nakapag-asawa ng mga babaeng taga-Ashdod, taga-Ammon, at taga-Moab. 24 Kalahati sa mga anak nila ay nagsasalita ng wikang Ashdod o sa wika ng ibang tao, at hindi sila makapagsalita ng wika ng Juda. 25 Kaya sinaway ko at sinumpa ang mga taga-Juda. Pinalo ko ang iba sa kanila at hinila ang mga buhok nila. Ipinasumpa ko sila at ang mga anak nila sa pangalan ng Dios na hinding-hindi na sila mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 At sinabi ko sa kanila, “Hindi ba ito ang dahilan ng pagkakasala ni Haring Solomon ng Israel? Walang haring katulad niya, saan mang bansa. Minamahal siya ng kanyang Dios, at ginawa siya ng Dios na hari sa buong Israel. Pero sa kabila ng lahat, nagkasala siya dahil sa udyok ng mga asawa niyang dayuhan. 27 At ano, pababayaan na lang ba namin ang kasamaang ito na ginawa nʼyo – ang pagiging di-tapat sa ating Dios sa pamamagitan ng pag-aasawa ng dayuhan?”

28 Si Joyada na anak ng punong pari na si Eliashib ay may anak na nakipag-asawa sa anak ni Sanbalat na taga-Horon, kaya pinaalis ko siya.

29 Pagkatapos ay nanalangin ako, “O aking Dios, huwag nʼyo pong kalilimutan na binalewala nila ang kanilang pagkapari at ang sinumpaan nila bilang mga pari at mga Levita.”

30 Kaya tiniyak ko na ang mga mamamayan ng Israel ay malaya na sa kahit anong impluwensya ng mga dayuhan. At binigyan ko ng trabaho ang mga pari at ang mga Levita ayon sa bawat gawain nila. 31 Tiniyak ko rin na ang mga panggatong na gagamitin sa paghahandog ay madadala sa tamang panahon, pati ang mga unang ani.

At nanalangin ako, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ako at pagpalain.”

Pinalitan si Vasti bilang Reyna

1-2 May isang hari sa Persia na ang pangalan ay Ahasuerus.[b] Nakatira siya sa palasyo niya sa lungsod ng Susa. Ang nasasakupan niya ay 127 probinsya mula sa India hanggang sa Etiopia.[c] Nang ikatlong taon ng paghahari niya, nagdaos siya ng malaking handaan para sa mga pinuno niya at sa iba pang lingkod sa palasyo. Dumalo rin ang mga pinuno ng mga kawal ng Persia at Media pati na ang mararangal na tao at mga pinuno ng mga probinsya. Ang handaang iyon ay tumagal ng anim na buwan. At sa loob ng mga panahong iyon, ipinakita ni Ahasuerus ang kayamanan ng kaharian niya, ang kanyang kapangyarihan, at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay.

Pagkatapos noon, naghanda rin ang hari para sa lahat ng mga taga-Susa, mayaman man o dukha. Ang handaang iyon ay ginanap sa hardin ng palasyo ng hari, at tumagal ng isang linggo. Naglagay sila ng kurtinang puti at asul na tinalian ng panaling gawa sa telang linen na kulay ube. At ikinabit sa mga argolya na pilak sa mga haliging marmol. Ang mga upuan ay yari sa ginto at pilak. Ang sahig naman nito ay may disenyong yari sa kristal, marmol, nakar,[d] at iba pang mamahaling bato. 7-8 Pati ang mga kopa na iniinuman ng mga panauhin ay yari sa ginto na ibaʼt iba ang hugis at disenyo. Nag-utos ang hari sa mga alipin niya na bigyan ng mamahaling alak ang mga panauhin niya hanggaʼt gusto nila.

Habang nagdadaos ng handaan ang hari para sa mga kalalakihan, nagdadaos din ng handaan si Reyna Vasti para sa mga kababaihan sa palasyo ni Haring Ahasuerus.

10 At sa ikapitong araw ng pagdiriwang, masayang-masaya ang hari dahil sa labis na nainom. Ipinatawag niya ang pitong pinuno niya na may matataas na katungkulan na personal na nag-aasikaso sa kanya. Itoʼy sina, Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar at Carcas. 11 Pagkatapos, ipinasundo niya si Reyna Vasti. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang kanyang korona para ipakita ang kagandahan niya sa mga pinuno at mga panauhin, dahil talagang maganda ito. 12 Pero nang masabi ng mga lingkod sa reyna ang gusto ng hari, sinabi nitong ayaw niyang pumunta roon. Kaya nagalit ang hari sa kanya.

13 Nakaugalian na noon ng hari na humingi ng payo sa mga pantas na siyang nakakaalam ng mga batas at kaugalian ng kaharian. 14 Ang palagi niyang hinihingan ng payo ay sina Carshena, Shetar, Admata, Tarshish, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Persia at Media, at malapit sila sa hari.

15 Nagtanong ang hari sa kanila, “Ayon sa batas ng kaharian ng Persia, ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil hindi siya sumunod sa utos ko sa pamamagitan ng aking mga lingkod?” 16 Sumagot si Memucan, “Mahal na Hari, nagkasala po si Reyna Vasti hindi lang sa inyo, kundi pati na rin sa mga pinuno ng kaharian ng Persia at Media at sa mga mamamayan ng buong kaharian. 17 Ang ginawa ni Reyna Vasti ay tiyak na malalaman ng lahat ng kababaihan sa buong kaharian at gagayahin din nila iyon. Hindi rin sila magsisisunod sa asawa nila. Dahil mangangatwiran sila na si Reyna Vasti nga ay hindi sumunod noong pinapapunta siya ng hari roon sa kanya. 18 Kaya simula ngayon, maaaring ito rin ang gawin ng mga asawa ng mga pinuno ng Persia at Media, na makakabalita sa ginawa ng reyna. Kaya ang mangyayari, hindi na igagalang ng mga asawang babae ang kanilang mga asawang lalaki, at magagalit ang mga ito sa kanila.

19 “Kaya kung gusto ninyo Mahal na Hari, iminumungkahi namin, na gumawa kayo ng isang kautusan na huwag nang magpakita pa sa inyo si Reyna Vasti, at palitan ninyo siya ng reynang mas mabuti kaysa sa kanya. Ipasulat po ninyo ang kautusang ito, at isama sa mga kautusan ng kaharian ng Persia at Media para hindi na mabago. 20 At kapag naipahayag na ito sa buong kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang mga asawa nila mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba.”

21 Nagustuhan ng hari at ng mga pinuno ang payo ni Memucan, kaya sinunod niya ito. 22 Ipinasulat niya ito at ipinadala sa lahat ng probinsya na nasasakupan ng kaharian niya ayon sa kanilang wika. Sinasabi sa sulat na ang lalaki ang siyang dapat mamuno sa sambahayan niya.

Naging Reyna si Ester

Nang mawala na ang galit ni Haring Ahasuerus, naalala niya si Vasti at ang ginawa nito, at ang kautusan na nilagdaan niya laban dito. Sinabi ng mga pinunong naglilingkod sa kanya, “Mahal na Hari, bakit po hindi kayo maghanap ng magagandang dalagang birhen? Pumili po kayo ng mga pinuno sa bawat probinsyang nasasakupan ng kaharian ninyo para maghanap ng magagandang dalagang birhen at dalhin dito sa lungsod ng Susa, sa tahanan ng mga kababaihan. Ipaasikaso ninyo sila kay Hegai na isa sa mga pinuno ninyong mataas ang katungkulan, na nangangalaga sa tahanan ng mga kababaihan. Siya na po ang bahalang magbigay sa mga dalaga ng mga pangangailangan nila para sa pagpapaganda. At ang dalaga pong magugustuhan ninyo ang siyang ipapalit ninyo kay Vasti bilang reyna.” Nagustuhan ng hari ang payong ito kaya sinunod niya.

Nang panahong iyon, may isang Judio na nakatira sa lungsod ng Susa. Ang pangalan niyaʼy Mordecai na anak ni Jair, na apo ni Shimei na anak ni Kish, na kabilang sa lahi ni Benjamin. Isa siya sa mga bihag ni Haring Nebucadnezar na dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jehoyakin[e] ng Juda. Si Mordecai ay may pinsang dalaga. Nang itoʼy maulila, inalagaan niya ito, pinalaki at itinuring na parang sarili niyang anak. Ang pangalan niya ay Hadasa na tinatawag ding Ester. Maganda si Ester at maganda rin ang hugis ng katawan nito.

Nang maihayag ang utos ng hari, maraming dalaga ang dinala sa palasyo ng hari roon sa Susa. Ang isa sa kanila ay si Ester. Ipinaasikaso sila kay Hegai dahil ito nga ang nangangasiwa sa mga babaeng dinadala roon. Tuwang-tuwa si Hegai kay Ester, kaya mabuti ang pakikitungo niya rito. Binigyan niya agad ng pagkain si Ester at ng mga kailangan nito sa pagpapaganda. Ipinili niya ito ng pinakamagandang kwarto at binigyan ng pitong katulong na babae.

10 Hindi sinabi ni Ester na isa siyang Judio, dahil pinagbilinan siya ni Mordecai na huwag itong sasabihin. 11 Araw-araw namang dumaraan si Mordecai malapit sa bakuran ng bahay na tinitirhan ng mga dalaga para malaman ang kalagayan ni Ester (at kung ano na ang mga nangyayari sa kanya).

12 Bago humarap ang isang babae sa hari, kinakailangang matapos niya ang isang taon ng pagpapaganda. Sa unang anim na buwan, magpapahid siya ng langis ng mira sa katawan, at sa susunod na anim na buwan, magpapahid naman ng mga pabango at iba pang pampaganda. 13 At bago siya pumunta sa hari, bibigyan siya ng anumang damit at alahas na gusto niyang isuot para sa pagharap sa hari. 14 Pupunta siya sa hari pagsapit ng gabi at kinabukasan, dadalhin siya sa tirahan ng mga asawa ng hari na pinamamahalaan ni Shaasgaz na isa sa mga pinunong mataas ang katungkulan. Siya ang namamahala sa mga asawa ng hari. Walang sinuman sa kanila ang makakabalik sa hari maliban lang kung magustuhan siya at ipatawag ng hari.

15-16 Nang ikasampung buwan, buwan ng Tibet, at ikapitong taon ng paghahari ni Ahasuerus, dumating ang araw na si Ester[f] na ang haharap sa hari sa palasyo. Sinunod ni Ester ang payo ni Hegai, ang pinunong nangangalaga sa kanila sa tahanan ng mga babae. Isinuot niya ang damit na sinabi ni Hegai na isuot niya. Ganoon na lang ang paghanga at pagpuri ng mga nakakita sa kanya, at dinala siya sa palasyo ng hari.

17 Nagustuhan ng hari si Ester ng higit kaysa sa ibang mga dalaga na dinala sa kanya. Tuwang-tuwa siya kay Ester, at mabuti ang trato niya sa kanya. Kinoronahan niya ito at ginawang reyna bilang kapalit ni Vasti. 18 Nagdaos ang hari ng malaking handaan para parangalan si Ester. Inanyayahan niya ang lahat ng pinuno niya at ang iba pang naglilingkod sa kanya. Nang araw na iyon, ipinag-utos niya sa lahat at sa buong kaharian na magdiwang ng isang pista opisyal, at nagbigay siya ng maraming regalo sa mga tao.

Iniligtas ni Mordecai ang Hari

19 Sa pangalawang pagtitipon ng mga dalaga, si Mordecai ay isa nang opisyal na nakapwesto sa pintuan ng palasyo. 20 Hindi pa rin sinasabi ni Ester na isa siyang Judio, tulad ng bilin ni Mordecai. Sinusunod pa rin ni Ester si Mordecai katulad noon, nang siyaʼy nasa pangangalaga pa nito.

21 Nang panahong si Mordecai ay isa nang opisyal na nakapwesto sa pintuan ng palasyo, may dalawang pinuno ng hari na ang mga pangalan ay Bigtana[g] at Teres. Sila ang mga guwardya ng pintuan ng kwarto ng hari. Galit sila kay Haring Ahasuerus, at nagplano silang patayin ito. 22 Pero nalaman ni Mordecai ang planong ito, kaya sinabi niya ito kay Reyna Ester. Sinabi naman ito ni Ester sa hari at ipinaalam din niya sa kanya na si Mordecai ang nakatuklas sa planong pagpatay. 23 Ipinasiyasat ito ng hari. At nang mapatunayang totoo ito, ipinatuhog niya sina Bigtan at Teres sa nakatayong matulis na kahoy. At ang pangyayaring itoʼy ipinasulat ng hari sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.

Nagplano si Haman na Lipulin ang mga Judio

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata na Agageo.[h] Ginawa siyang pinakamataas na pinuno sa kaharian niya. Inutusan niya ang lahat ng opisyal na yumukod kay Haman bilang paggalang sa kanya. Pero ayaw yumukod ni Mordecai. Tinanong siya ng ibang pinuno kung bakit hindi niya sinusunod ang utos ng hari. At sinabi niyang isa siyang Judio.[i] Araw-araw, hinihikayat siya ng mga kapwa niya pinuno na yumukod kay Haman pero ayaw pa rin niyang sumunod. Dahil dito, isinumbong nila kay Haman si Mordecai para malaman nila kung pababayaan na lang siya sa ginagawa niya, dahil sinabi niyang isa siyang Judio.

Nang makita ni Haman na hindi yumuyukod sa kanya si Mordecai para magbigay galang, nagalit siya ng labis. At nang malaman pa niyang si Mordecai ay isang Judio, naisip niyang hindi lang si Mordecai ang ipapapatay niya kundi pati na ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Ahasuerus. Nang buwan ng Nisan, ang unang buwan ng taon, noong ika-12 taon ng paghahari ni Ahasuerus, nag-utos si Haman na magpalabunutan para malaman kung ano ang tamang araw at buwan para ipatupad ang plano niya. (Ang ginagamit nila sa palabunutan ay tinatawag nilang “pur”.) At ang nabunot ay ang ika-13 araw ng[j] ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.

Sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “Mahal na Hari, may isa pong grupo ng mga tao na naninirahan sa ibaʼt ibang probinsya ng inyong kaharian at may mga sarili po silang kautusan na iba kaysa sa ibang bansa. Hindi sila sumusunod sa mga kautusan ninyo at hindi ito makakabuti para sa inyo kung pababayaan na lang sila. Kung gusto ninyo, Mahal na Hari, mag-utos kayo na patayin silang lahat. At magbibigay po ako ng 350 toneladang pilak sa mga pinuno ng inyong kaharian, at ilalagay nila ito sa taguan ng kayamanan ng hari.”

10 Pagkatapos, kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak,[k] at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata na Agageo, ang kalaban ng mga Judio. 11 Sinabi ng hari sa kanya, “Sa iyo na lang ang pera mo, pero gawin mo ang gusto mong gawin sa mga Judio.” 12 Kaya noong ika-13 araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang lahat ng kalihim ng hari. Nagpagawa siya ng sulat sa kanila para sa mga gobernador ng mga probinsya, mga pinuno ng mga bayan at sa iba pang mga pinuno sa buong kaharian, sa kanilang sariling wika. Ang sulat ay ginawa sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing nito. 13 Ang sulat na iyon ay ipinadala sa lahat ng probinsya ng kaharian sa pamamagitan ng mga mensahero. Nakasulat dito ang utos na sa loob lang ng isang araw ay papatayin ang lahat ng Judio: bata, matanda, lalaki at babae, at sasamsamin ang lahat ng ari-arian nila. Gagawin ito sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.

14-15 Sa utos ng hari, mabilis na nagsialis ang mga mensahero para ihatid sa bawat probinsya ang kopya ng kautusan ng hari, at ipinaalam ito sa mga tao para makapaghanda sila para sa araw ng pagpatay sa lahat ng Judio. At ang utos na itoʼy ipinaalam din sa lungsod ng Susa. Habang nakaupo at nag-iinuman ang hari at si Haman, nagkakagulo naman ang lungsod ng Susa dahil sa mga nangyayari.

Humingi ng Tulong si Mordecai kay Ester

Nang malaman ni Mordecai ang plano laban sa kanila, pinunit niya ang damit niya bilang pagpapakita ng kanyang pagdadalamhati. At nagsuot siya ng sako, naglagay ng abo sa ulo, at pumasok sa lungsod na umiiyak nang napakalakas. Pero hanggang doon lang siya sa labas ng pintuan ng palasyo, dahil hindi pinapayagang pumasok sa palasyo ang nakasuot ng sako. Ang mga Judio sa bawat probinsya na nakarinig sa utos ng hari ay nagsipag-ayuno, nag-iyakan nang napakalakas, at nanaghoy. Marami sa kanila ang nagsuot ng sako at humiga sa abo.

Nang malaman ni Reyna Ester ang tungkol kay Mordecai sa pamamagitan ng mga alipin niyang babae at mga pinunong nangangalaga sa kanya, nalungkot siya. Pinadalhan niya ng damit si Mordecai para palitan ang kanyang suot na sako, pero hindi niya ito tinanggap. Kaya ipinatawag ni Ester si Hatak. Isa siya sa mga pinuno ng hari na itinalagang mag-asikaso sa kanya. Pinapunta niya si Hatak kay Mordecai para alamin kung bakit siya nagkakaganoon.

Kaya pinuntahan naman ni Hatak si Mordecai sa plasa ng lungsod na nasa harap ng pintuan ng palasyo. Sinabi sa kanya ni Mordecai ang lahat ng nangyari at kung magkano ang ipinangako ni Haman na ibibigay sa taguan ng kayamanan ng kaharian ng Susa, para patayin ang lahat ng Judio. Binigyan siya ni Mordecai ng isang kopya ng kautusan ng hari na ipinagbigay-alam sa mga taga-Susa, para ipakita kay Ester. Sinabihan din niya si Hatak na sabihing lahat kay Ester ang lahat ng nangyari, at pakiusapan ito na pumunta sa hari upang magmakaawa para sa mga kalahi niya.

Bumalik si Hatak kay Ester at sinabi ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Pinabalik muli ni Ester si Hatak kay Mordecai at ipinasabi ang ganito. 11 “Alam ng lahat sa buong kaharian na ang sinumang lalapit sa hari sa loob ng kanyang bulwagan, lalaki man o babae na hindi ipinapatawag ay papatayin, maliban na lang kung ituturo ng hari ang kanyang gintong setro sa taong ito. At isang buwan na akong hindi ipinapatawag ng hari.”

12 Pagkatapos na masabi kay Mordecai ang ipinapasabi ni Ester, 13 ito naman ang ipinasabi niya kay Ester, “Huwag mong isiping ikaw lang sa lahat ng Judio ang makakaligtas dahil sa palasyo ka nakatira. 14 Sapagkat kahit na manahimik ka sa panahong ito, may ibang tutulong at magliligtas sa mga Judio, pero ikaw at ang mga kamag-anak mo ay mamamatay. Baka nga kaya ka ginawang reyna ay para mailigtas mo ang kapwa mo mga Judio.”

15 Ito naman ang ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Humayo ka, tipunin mo ang lahat ng Judio na nandito sa Susa at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom sa loob ng tatlong araw. Ako at ang mga alipin kong babae ay mag-aayuno rin. At pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit na labag sa batas. At kung papatayin man ako, handa akong mamatay.”

17 Kaya umalis si Mordecai at ginawa niya ang ipinapagawa ni Ester.

Nakiusap si Ester sa Hari

Nang ikatlong araw, isinuot ni Ester ang kasuotan niyang pangreyna, at tumayo sa bulwagan ng palasyo na nakaharap sa trono ng hari. Nakaupo noon ang hari sa trono niya at nakaharap siya sa pintuan. Nang makita niya si Reyna Ester, tuwang-tuwa siya at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Kaya lumapit si Ester at hinipo ang dulo ng setro.

Nagtanong ang hari sa kanya, “Ano ang kailangan mo Mahal na Reyna? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” Sumagot si Ester, “Mahal na Hari, kung ibig po ninyo, inaanyayahan ko po kayo at si Haman sa hapunang ihahanda ko para sa inyo.” Sinabi ng hari sa mga alipin niya, “Tawagin ninyo si Haman para masunod namin ang nais ni Ester.” Kaya pumunta agad ang hari at si Haman sa hapunang inihanda ni Ester. At habang nag-iinuman sila, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba talaga ang kailangan mo? Sabihin mo na dahil ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” Sumagot si Ester, “Ito po ang kahilingan ko, kung kalugod-lugod po ako sa inyo, at gusto ninyong ibigay ang kahilingan ko, minsan ko pa po kayong inaanyayahan at si Haman sa hapunan na ihahanda ko para sa inyo bukas. At saka ko po sasabihin ang kahilingan ko sa inyo.”

Nagplano si Haman na Patayin si Mordecai

Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas sa palasyo si Haman. Pero nagalit siya nang makita niya si Mordecai sa pintuan ng palasyo na hindi man lang tumayo o yumukod bilang paggalang sa kanya. 10 Ganoon pa man, pinigilan niya ang kanyang sarili at nagpatuloy sa pag-uwi.

Pagdating sa bahay niya, tinawag niya ang mga kaibigan niya at ang asawa niyang si Zeres. 11 Ipinagmalaki niya sa kanila ang kayamanan at mga anak niya, ang lahat ng pagpaparangal sa kanya ng hari pati na ang pagbibigay sa kanya ng pinakamataas na katungkulan sa lahat ng pinuno at sa iba pang mga lingkod ng hari. 12 Sinabi pa niya, “Hindi lang iyon, noong naghanda ng hapunan si Reyna Ester, ako lang ang inanyayahan niyang makasama ng hari. At muli niya akong inanyayahan sa ihahanda niyang hapunan bukas kasama ng hari. 13 Pero ang lahat ng itoʼy hindi makapagbibigay sa akin ng kaligayahan, habang nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng palasyo.”

14 Sinabi sa kanya ng kanyang asawaʼt mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng matulis na kahoy na 75 talampakan ang taas. At bukas ng umaga, hilingin mo sa hari na ituhog doon si Mordecai para maging maligaya kang kasama ng hari sa inihandang hapunan.” Nagustuhan iyon ni Haman kaya nagpagawa siya niyon.

Pinarangalan si Mordecai

Kinagabihan, hindi makatulog si Haring Ahasuerus, kaya ipinakuha niya ang aklat tungkol sa kasaysayan ng kaharian niya at ipinabasa habang nakikinig siya. Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkakatuklas ni Mordecai sa plano nina Bigtan at Teres na patayin si Haring Ahasuerus. Sina Bigtana at Teres ay mga lingkod ng hari. Sila ang guwardya ng pintuan ng kwarto ng hari.

Sa nabasang iyon, nagtanong ang hari, “Anong gantimpala o parangal ang ginawa o ibinigay kay Mordecai dahil sa mabuting ginawa niya sa akin?” Sinabi ng lingkod ng hari, “Wala po, Mahal na Hari.”

Tamang-tama naman na nang oras ding iyon, papasok si Haman sa bulwagan ng palasyo para hilingin sa hari na ituhog si Mordecai sa matulis na kahoy na ipinagawa niya para dito. Nagtanong ang hari, “Sino ang nasa bulwagan?” Sumagot ang mga lingkod ng hari, “Si Haman po.” Kaya sinabi ng hari, “Papasukin ninyo siya rito.”

Nang naroon na si Haman, tinanong siya ng hari, “Ano ang mabuting gawin sa taong nais parangalan ng hari?” Ang akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari na pararangalan. Kaya sinabi niya, “Ito po ang gawin nʼyo, Mahal na Hari: Ipakuha nʼyo ang isa sa inyong mga damit na panghari na nasuot na, at ang isa sa mga sinasakyan nʼyong kabayo, na may sagisag ng hari na nakasuot sa ulo nito. Pagkatapos, utusan po ninyo ang isa sa mga pinuno ninyo na isuot sa taong pararangalan ang damit ng hari at pasakayin siya sa kabayo ng hari, at ilibot sa buong bayan habang isinisigaw ng mga kasama niya, ‘Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.’ ”

10 Sinabi ng hari kay Haman, “Sige, ipakuha mo ang isa sa mga damit at kabayo ko, at gawin mo ang lahat ng sinabi mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa pintuan ng aking palasyo. Tiyakin mo na matutupad ang lahat ng sinabi mo.”

11 Kaya kinuha ni Haman ang damit ng hari at isinuot kay Mordecai, at isinakay sa kabayo ng hari at inilibot sa lungsod habang sumisigaw siya, “Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.”

12 Pagkatapos, bumalik si Mordecai sa pintuan ng palasyo. Si Haman naman ay dali-daling umuwi na nakatalukbong dahil sa hiya at sama ng loob. 13 Pagdating niya sa bahay, isinalaysay niya sa asawa niyang si Zeres at sa mga kaibigan niya ang lahat ng nangyari. Sinabi sa kanya ng asawa niya at mga kaibigan na mga tagapayo niya, “Unti-unti ka nang nadadaig ni Mordecai. Hindi mo siya madadaig dahil isa siyang Judio. Tiyak na ikaw ang matatalo.” 14 Habang nag-uusap pa sila, dumating ang ilang lingkod ng hari at dali-daling isinama si Haman sa inihandang hapunan ni Ester.

Binitay si Haman

Dumalo sina Haring Ahasuerus at Haman sa inihandang hapunan ni Reyna Ester. At habang nag-iinuman sila, tinanong muli ng hari si Reyna Ester, “Ano ba talaga ang kahilingan mo? Sabihin mo na at ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng kaharian ko.” “Mahal na Hari, kung kalugod-lugod po ako sa inyo, iligtas po ninyo ako at ang mga kalahi kong Judio. Iyan ang kahilingan ko sa inyo. Dahil may gantimpalang ipinangako sa mga taong papatay sa amin. Kung ipinagbili po kami para maging alipin lang, magsasawalang-kibo na lang ako, dahil hindi iyon gaanong mahalaga para gambalain ko pa kayo.”

Sinabi ni Haring Ahasuerus, “Sino ang nangahas na gumawa ng bagay na iyon at nasaan siya ngayon?” Sumagot si Ester, “Ang kumakalaban po sa amin at ang kaaway namin ay ang masamang si Haman.”

Takot na takot si Haman habang nasa harap ng hari at ng reyna. Galit na galit na tumayo ang hari. Iniwan niya ang kanyang iniinom at pumunta sa hardin ng palasyo. Naiwan si Haman na nagmamakaawa kay Reyna Ester dahil natitiyak niyang parurusahan siya ng hari.

Pagbalik ng hari mula sa hardin, nakita niyang nakadapa si Haman na nagmamakaawa sa harap ng hinihigaan ni Ester. Kaya sinabi ng hari, “At gusto mo pang pagsamantalahan ang reyna rito sa loob ng palasyo ko!” Nang masabi iyon ng hari, dinakip ng mga naroon si Haman at tinalukbungan ang ulo[l] nito. Sinabi ni Harbona, isa sa mga lingkod ng hari, “Nagpagawa po si Haman ng matulis na kahoy para tuhugin si Mordecai, na nagligtas sa inyong buhay. Ang taas po ng kahoy ay 75 talampakan at malapit ito sa bahay ni Haman.” 10 Kaya nag-utos ang hari, “Doon ninyo siya tuhugin!” At tinuhog nga nila si Haman doon sa ipinagawa niyang matulis na kahoy para kay Mordecai. At nawala ang galit ng hari.

Hinirang ng Hari si Mordecai

Nang araw ding iyon, ibinigay ni Haring Ahasuerus kay Reyna Ester ang ari-arian ni Haman, ang kalaban ng mga Judio. Sinabi ni Ester sa hari na kamag-anak niya si Mordecai, kaya ipinatawag ito ng hari. Kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak, na binawi niya kay Haman, at ibinigay kay Mordecai. At siya ang ginawang katiwala ni Ester sa lahat ng ari-arian ni Haman.

Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Ahasuerus habang nakaluhod at umiiyak sa kanyang paanan. Hiniling niyang huwag nang ituloy ang masamang plano ni Haman na Agageo laban sa mga Judio. 4-5 Itinuro ng hari ang kanyang gintong setro kay Ester, kaya tumayo siya sa harap ng hari at sinabi, “Kung kalugod-lugod po ako sa inyo, Mahal na Hari, at kung para sa inyoʼy tama at matuwid ito, nais ko sanang hilingin sa inyo na gumawa po kayo ng isang kautusan na magpapawalang bisa sa kautusang ipinakalat ni Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na patayin ang lahat ng Judio sa inyong kaharian. Hindi ko po matitiis na makitang nililipol ang mga kalahi at mga kamag-anak ko.”

Sinabi ni Haring Ahasuerus kay Ester at kay Mordecai na Judio, “Ipinatuhog ko na si Haman dahil sa masama niyang plano na patayin ang mga Judio. Kaya ibinigay ko na sa iyo, Ester, ang mga ari-arian niya. Kaya gumawa kayo ng kautusan sa aking pangalan ng anumang nais ninyong isulat para sa ikabubuti ng mga Judio, at pagkatapos ay tatakan ninyo ng singsing ko. Dahil anumang kasulatan na isinulat sa pangalan ng hari at tinatakan ng singsing niya ay hindi mababago.”

Kaya noong ika-23 ng ikatlong buwan, ang buwan ng Sivan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari. Isinulat nila ang lahat ng idinikta ni Mordecai. Ang sulat ay para sa mga Judio, mga gobernador, mga punong-bayan, at iba pang lingkod ng hari sa 127 lalawigan, mula sa India hanggang sa Etiopia.[m] Isinulat ito sa bawat wika ng mga tao sa buong kaharian, pati na sa wika ng mga Judio. 10 Ipinasulat ni Mordecai sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari. At pagkatapos, ipinadala sa pamamagitan ng mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari. 11 Ayon sa sulat na iyon, binigyan ng pahintulot ang lahat ng Judio na magsama-sama at ipagtanggol ang kanilang sarili, pati na ang kanilang mga babae at mga bata. Maaari nilang patayin ang sinumang sasalakay sa kanila mula sa kahit anong bansa o probinsya. Pinahintulutan din silang samsamin ang mga ari-arian ng kanilang mga kaaway. 12 Gagawin ito ng mga Judio sa lahat ng probinsyang nasasakupan ni Haring Ahasuerus, sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar. 13 Ang sulat na itoʼy ipapadala sa lahat ng probinsya bilang isang kautusan at dapat ipaalam sa lahat, para makapaghanda ang mga Judio sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa mga kaaway nila sa araw na iyon.

14 Kaya sa utos ng hari, nagmamadaling umalis ang mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari. Ang utos na iyon ay ipinakalat din sa lungsod ng Susa.

15 Nang lumabas si Mordecai sa palasyo, nakadamit siya ng damit panghari na puti at asul at nakabalabal ng pinong linen na kulay ube, at may malaking koronang ginto sa kanyang ulo. Nagsigawan sa tuwa ang mga tao sa lungsod ng Susa. 16 Labis ang katuwaan ng lahat ng Judio. 17 Sa bawat lungsod o probinsya na naabot ng utos ng hari, tuwang-tuwa ang mga Judio at nagdiwang sila. At marami sa lupaing iyon ang naging Judio dahil sa takot nila sa mga Judio.

Nadaig ng mga Judio ang mga Kalaban Nila

Dumating ang ika-13 araw ng ika-12 buwan ng Adar. Ito ang araw na ipapatupad ang kautusan ng hari. Sa araw na ito, inakala ng mga kalaban ng mga Judio na lubusan na nilang malilipol ang mga Judio. Pero kabaligtaran ang nangyari, dahil sila ang nalipol ng mga Judio. Nang araw na iyon, nagtipon ang mga Judio sa kani-kanilang mga lungsod at probinsya na sakop ni Haring Ahasuerus para patayin ang sinumang mangahas na sumalakay sa kanila. Pero wala namang nangahas dahil takot sa kanila ang mga tao. Tinulungan pa sila ng mga pinuno ng mga probinsya, ng mga gobernador, at ng iba pang lingkod ng hari sa bawat lugar dahil natatakot din sila kay Mordecai. Sapagkat makapangyarihan na si Mordecai sa palasyo ng hari at tanyag na sa buong kaharian. At lalo pang nadadagdagan ang kanyang kapangyarihan.

Pinatay ng mga Judio ang lahat ng kalaban nila nang araw na iyon sa pamamagitan ng espada. Ginawa nila ang gusto nila sa lahat ng nagagalit sa kanila. Sa lungsod lang ng Susa, 500 na lalaki ang napatay nila. Pinatay din nila sina Parshandata, Dalfon, Aspata, Porata, Adalia, Aridata, Parmasta, Arisai, Aridai at Vaizata 10 na mga anak ni Haman na kalaban ng mga Judio at anak ni Hamedata. Pero hindi sinamsam ng mga Judio ang mga ari-arian ng mga kalaban nila.

11 Nang araw ding iyon, napag-alaman ng hari ang dami ng mga pinatay sa lungsod ng Susa. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa pa lang 500 na lalaki ang pinatay ng mga Judio, at pinatay din nila ang sampung anak ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lungsod at probinsya? Ano pa ngayon ang gusto mong hilingin at ibibigay ko sa iyo.” 13 Sinabi ni Ester, “Mahal na Hari, kung gusto po ninyo, payagan ninyong ipagtanggol pa ng mga Judio rito sa Susa ang kanilang sarili hanggang bukas, tulad ng ginagawa nila ngayon. At ituhog sa nakatayong kahoy ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman.”

14 Kaya nag-utos ang hari na gawin ang kahilingan ni Ester. Ipinaalam sa mga taga-Susa ang utos ng hari at ibinigay ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman. 15 Kinaumagahan, ika-14 na araw ng buwan ng Adar, nagtipong muli ang mga Judio na nasa Susa at nakapatay pa sila ng 300 lalaki. Pero hindi rin nila sinamsam ang mga ari-arian ng mga kalaban nila.

16-17 Pero noong ika-13 araw ng buwan ng Adar, nagtipon ang mga Judio sa ibaʼt ibang probinsya ng kaharian para ipagtanggol ang kanilang sarili sa mga kalaban nila. At nakapatay sila ng 75,000 tao, pero hindi nila sinamsam ang mga ari-arian nito. Kinaumagahan, ika-14 na araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista. 18 Pero sa Susa, patuloy pa ang pagpatay ng mga Judio sa kanilang mga kalaban. At nang ika-15 araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judiong nasa probinsya ay nagdiriwang ng pista sa ika-14 na araw ng buwan ng Adar. Sa araw na iyon, nagbibigayan sila ng mga regalo.[n]

Ang Pista ng “Purim”

20 Isinulat ni Mordecai ang lahat ng nangyari, at nagpadala siya ng sulat sa lahat ng Judio sa malalayo at sa malalapit na probinsyang nasasakupan ni Haring Ahasuerus. 21 Sa sulat na ito, sinabi ni Mordecai sa mga Judio na dapat alalahanin nila at ipagdiwang ang ika-14 at ika-15 araw ng buwan ng Adar. 22 Itoʼy para alalahanin ang araw na nakaligtas sila sa mga kalaban, na ang kalungkutan nila ay naging kaligayahan at ang kanilang iyakan ay naging kasayahan. Kaya sinabi sa kanila ni Mordecai sa sulat na dapat magdiwang sila ng pista, magsaya sa araw na iyon, at magbigayan ng mga regalo[o] sa isaʼt isa at sa mahihirap. 23 Sinunod ng mga Judio ang utos ni Mordecai, na patuloy nilang ipagdiwang ang pistang iyon sa bawat taon.

Ang Dahilan kung Bakit may Pista ng Purim

24 Si Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na kalaban ng mga Judio ay nagplanong patayin ang lahat ng Judio. Nagpalabunutan sila para malaman kung kailan isasagawa ang pagpatay. Ang uri ng palabunutan na ginamit ay tinatawag na “Pur”. 25 Pero nang malaman ng hari ang planong ito sa pamamagitan ni Reyna Ester, nagpasulat ang hari ng isang utos na ang masamang plano ni Haman laban sa mga Judio ay gawin kay Haman at sa mga anak nitong lalaki. At iyon nga ang nangyari. 26 Ito ang dahilan kaya tinawag ang pistang iyon na Purim,[p] na mula sa salitang “pur”, na ang ibig sabihin ay palabunutan. At dahil sa sulat ni Mordecai at ayon sa karanasan nila, 27 nagkasundo ang mga Judio na ipagdiwang nila ang dalawang araw na iyon taun-taon katulad ng sinabi ni Mordecai, at napagpasyahan din nilang ipagdiwang ito ng kanilang angkan at ng lahat ng naging Judio. 28 Ang dalawang araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat sambahayan ng Judio sa bawat salinlahi nila, sa lahat ng lungsod at probinsya. Hindi ito dapat kalimutan o itigil ng alin mang lahi.

29 Para lalong mapagtibay ang sulat ni Mordecai tungkol sa Pista ng Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail patungkol dito. Kasama rin niya si Mordecai sa pagsulat nito. 30 At ipinadala iyon ni Mordecai sa 127 probinsya na sakop ng kaharian ni Haring Ahasuerus. Ang sulat ay nagdulot ng kapayapaan at katiwasayan sa mga Judio, 31 at itinalaga na ipagdiwang ang Pista ng Purim sa takdang panahon, ayon sa iniutos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Dapat nila itong sundin katulad ng pagsunod ng lahi nila sa mga tuntunin tungkol sa pag-aayuno at pagdadalamhati. 32 At ang utos ni Ester na nagpapatibay ng pagganap ng Pista ng Purim ay isinulat sa aklat ng kasaysayan.

Ang Kapangyarihan ni Haring Ahasuerus at Mordecai

10 Pinagbayad ni Haring Ahasuerus ng buwis ang lahat ng mamamayan sa buong kaharian niya, pati na ang nakatira sa mga isla.[q] Ang kapangyarihan ni Haring Ahasuerus at ang lahat ng ginawa niya, pati na ang pagtataas niya ng katungkulan kay Mordecai at ang malaking karangalang ibinigay niya rito ay nakasulat lahat sa Aklat ng Kasaysayan ng hari ng Media at Persia. Si Mordecai ay pangalawa kay Haring Ahasuerus. Tanyag siya sa mga kapwa niya Judio, at iginagalang nila dahil ginagawa niya ang lahat para sa ikabubuti ng mga kalahi niyang Judio, at siya ang nakikiusap sa hari kapag mayroon silang kahilingan.

Ang Matuwid na Pamumuhay ni Job

May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Matuwid siya, walang kapintasan ang pamumuhay, may takot sa Dios at umiiwas sa kasamaan. Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Ang mga pag-aari naman niya ay 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 pares ng baka at 500 ang kanyang asnong babae. Marami ang kanyang alipin. Siya ang pinakamayaman sa buong silangan ng Israel.

Nakaugalian na ng mga anak niyang lalaki na halinhinang maghanda sa kani-kanilang mga bahay at inaanyayahan nilang dumalo ang tatlo nilang kapatid na babae. Tuwing matatapos ang handaan, naghahandog si Job para sa kanyang mga anak. Maaga siyang gumigising at nag-aalay ng handog na sinusunog[r] para sa bawat anak niya, dahil naisip niyang baka nagkasala ang mga ito at sinadyang magsalita ng masama laban sa Dios. Ito ang palaging ginagawa ni Job.

Ang Unang Pagsubok kay Job

Isang araw, nagtipon ang mga anghel[s] sa presensya ng Panginoon, at sumali sa kanila si Satanas. Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya at malinis ang pamumuhay. May takot siya sa akin at umiiwas sa kasamaan.” Sumagot si Satanas, “May takot si Job sa iyo dahil pinagpapala mo siya. 10 Iniingatan mo siya at ang sambahayan niya, pati na ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala mo ang lahat ng ginagawa niya. Kaya lalong dumarami ang kanyang mga hayop sa buong lupain. 11 Pero subukan mong kunin ang lahat ng iyan sa kanya at siguradong isusumpa ka niya.” 12 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Sige, kunin mo ang lahat ng mayroon siya, pero huwag mo siyang sasaktan.” Kaya umalis agad si Satanas sa harapan ng Panginoon.

13 Isang araw, habang nagkakasayahan sa handaan ang mga anak ni Job sa bahay ng panganay, 14 dumating sa bahay ni Job ang isa niyang tauhan at ibinalita ang ganito, “Habang nag-aararo po kami gamit ang inyong mga baka, at pinapastol ang inyong mga asno sa di-kalayuan, 15 bigla kaming sinalakay ng mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga hayop at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”

16 Habang nagsasalita pa ang tauhan, dumating din ang isa pang tauhan ni Job at sinabi, “Tinamaan po ng apoy ng Dios ang inyong mga tupa at ang mga pastol nito, at nasunog. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”

17 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha po nila ang mga kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”

18 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Habang nagkakasayahan po ang inyong mga anak sa bahay ng kanilang nakatatandang kapatid, 19 bigla pong dumating ang malakas na hangin mula sa ilang at nawasak po ang bahay. Nabagsakan po ang inyong mga anak at namatay. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”

20 Nang marinig iyon ni Job, tumayo siya at pinunit ang kanyang damit dahil sa pagdadalamhati. Pagkatapos, inahitan niya ang kanyang buhok sa ulo at nagpatirapa sa lupa para sumamba sa Panginoon. 21 Sinabi niya, “Ipinanganak akong walang dala at mamamatay din akong walang dala. Ang Panginoon ang nagbigay ng lahat ng mayroon ako at ang Panginoon din ang kumuha nito. Purihin ang pangalan ng Panginoon!” 22 Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi nagkasala si Job. Hindi niya sinisi ang Dios.

Ang Pangalawang Pagsubok kay Job

Isang araw, muling nagtipon ang mga anghel[t] sa presensya ng Panginoon, at muli ring sumali sa kanila si Satanas. Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya, malinis ang pamumuhay, may takot sa akin at umiiwas sa kasamaan. Tapat pa rin siya sa akin, kahit na pinilit mo akong payagan ka na sirain siya ng walang dahilan.” Sinabi ni Satanas, “Matatanggap ng tao na mawala ang lahat sa kanya bastaʼt buhay lang siya. Pero kapag siya na ang sinaktan mo, tiyak na isusumpa ka niya.” Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, pero huwag mo siyang papatayin.” Kaya umalis si Satanas sa presensya ng Panginoon, at sinaktan si Job sa pamamagitan ng mga pigsa mula ulo hanggang talampakan. Kumuha si Job ng basag na palayok at ginamit na pangkayod sa kanyang mga sugat habang nakaupo sa abo. Sinabi sa kanya ng asawa niya, “Ano, tapat ka pa rin ba sa iyong Dios? Sumpain mo na siya at nang mamatay ka na!”

10 Sumagot si Job, “Nagsasalita ka ng walang kabuluhan. Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Dios at hindi ang masasama?” Sa kabila ng lahat ng nangyari kay Job ay hindi siya nagkasala kahit sa pananalita.

Ang Tatlong Kaibigan ni Job

11 Tatlo sa kaibigan ni Job ang nakabalita tungkol sa masamang nangyari sa kanya. Itoʼy sina Elifaz na taga-Teman, si Bildad na taga-Shua, at si Zofar na taga-Naama. Nagkasundo silang dalawin si Job para makiramay at aliwin. 12 Malayu-layo pa sila, nakita na nila si Job, pero halos hindi na nila ito makilala. Kaya napaiyak sila nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo bilang pagpapakita ng pagdadalamhati. 13 Pagkatapos, umupo sila sa lupa kasama ni Job sa loob ng pitong araw at pitong gabi. Hindi sila nagsalita dahil nakita nila ang labis na paghihirap na dinaranas ni Job.

Nagsalita si Job

Kinalaunan, nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na isinilang siya. Sinabi niya, “Isinusumpa ko ang araw na akoʼy ipinanganak. Naging madilim na lang sana ang araw na iyon at hindi na sinikatan ng araw. Kinalimutan na lang sana ng Dios sa langit ang araw na iyon. Nanatili na lang sana itong madilim o natatakpan ng makapal na ulap, at nilukuban na lang sana ng kadiliman ang kaliwanagan. Kinuha na lang sana ng kadiliman ang gabing iyon nang akoʼy isilang, at hindi na sana napabilang sa kalendaryo. Hindi na nga lang sana ako ipinanganak ng gabing iyon, at wala rin sanang kasayahan noon. Sumpain nawa ang gabing iyon ng mga manunumpa na alam kung paano pakilusin ang Leviatan.[u] Hindi na sana sumikat ang tala sa umaga ng araw na iyon, at hindi na sana dumating ang bukang-liwayway. 10 Isinusumpa ko ang araw na iyon dahil hindi niya pinigilan ang pagsilang sa akin, nang hindi ko na sana naranasan ang ganitong paghihirap.

11 “Mabuti pang namatay na lang ako sa sinapupunan ng aking ina. 12 Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina? 13 Kung namatay na sana ako noon, tahimik na sana ako ngayong natutulog at nagpapahinga 14 kasama ng mga hari at mga pinuno ng mundo na nagtayo ng mga palasyo[v] na giba na ngayon.[w] 15 Nagpapahinga na rin sana ako kasama ng mga pinuno na ang mga tahanan ay puno ng mga gintoʼt pilak. 16 Mas mabuti pang akoʼy naging katulad ng mga batang patay na nang ipinanganak at hindi na nakakita ng liwanag. 17 Doon sa lugar ng mga patay, ang masama ay hindi na gumagawa ng kasamaan at ang mga pagod ay nagpapahinga na. 18 Doon, ang mga bihag ay nagpapahinga rin at hindi na nila naririnig ang sigaw ng taong pumipilit sa kanila na magtrabaho. 19 Naroon ang lahat ng uri ng tao, tanyag man o hindi. At ang mga alipin ay malaya na sa kanilang amo.

20 “Bakit pa pinapayagang mabuhay ang taong nagtitiis at nagdurusa? 21 Nagnanais silang mamatay pero hindi pa rin sila namamatay. Hangad nila ang kamatayan ng higit pa sa isang taong naghahanap ng nakatagong kayamanan. 22 Mas sasaya sila kapag namatay na at nailibing. 23 Bakit kaya niloob pa ng Dios na mabuhay ang tao nang hindi man lamang pinapaalam ang kanyang kahahantungan? 24 Hindi ako makakain dahil sa labis na pagdaramdam at walang tigil ang aking pagdaing. 25 Ang kinatatakutan koʼy nangyari sa akin. 26 Wala akong kapayapaan at katahimikan. Wala akong kapahingahan, pawang kabagabagan ang nararanasan ko.”

Nagsalita si Elifaz

Nagsalita si Elifaz na taga-Teman. Sinabi niya, “Magagalit ka ba kung magsasalita ako? Hindi ko na kayang manahimik. Noon, pinapayuhan mo ang maraming tao na magtiwala sa Dios, at pinalalakas ang mahihina at nanlulupaypay. Ang mga salita moʼy nagpalakas sa kanila at umalalay sa mga nanghihina. Pero ngayong ikaw na ang dumaranas ng kahirapan, tila ikaw ang nanghihina at naguguluhan. Hindi baʼt kapag may takot ka sa Dios at namumuhay ka ng matuwid, magdudulot ito sa iyo ng tiwalaʼt pag-asa?

“Ngayon, isipin mong mabuti. May tao bang matuwid at walang kasalanan na napahamak? Ayon sa aking nakitaʼt nalaman, ang mga taong gumagawa ng kasamaan at kaguluhan, kasamaan at kaguluhan din ang kanilang kahahantungan. Sa isang bugso lamang ng galit ng Dios, mapapahamak sila. 10 Kahit na silaʼy tulad ng malakas at mabangis na leon, tatanggalin pa rin ang kanilang mga ngipin. 11 Mamamatay sila dahil sa gutom at ang mga anak nila ay mangangalat.

12 “May sinabi sa akin nang palihim. Ibinulong ito sa akin 13 sa pamamagitan ng panaginip. Gabi iyon habang ang mga taoʼy mahimbing na natutulog. 14 Natakot ako at nanginig ang buo kong katawan. 15 May espiritu na dumaan sa aking harap[x] at tumayo ang mga balahibo ko at kinilabutan ako. 16 Huminto ito, pero hindi ko gaanong maaninag. At may narinig akong mahinang tinig na nagsasabi, 17 ‘Mayroon bang taong matuwid o malinis sa paningin ng Dios na kanyang Manlilikha? 18 Kung mismong sa mga anghel na lingkod niya ay hindi siya lubusang nagtitiwala, at nakakakita siya ng kamalian nila, 19 di lalo na sa taong nilikha lamang mula sa lupa, na madaling pisain katulad ng gamo-gamo! 20 Ang taoʼy maaaring buhay pa sa umaga pero kinagabihaʼy patay na at hindi na makikita magpakailanman. 21 Para silang mga toldang bumagsak. Namatay sila nang kulang sa karunungan.’

Job, kahit humingi ka ng tulong, walang tutulong sa iyo. Kahit ang mga anghel[y] ay hindi ka tutulungan. Ang galit at paninibugho ay pumapatay sa hangal at sa walang karunungan. Ayon sa aking nakita at nalaman, maaaring umunlad ang pamumuhay ng isang hangal, pero bigla na lang isusumpa ng Dios ang sambahayan niya. Ang mga anak niyaʼy walang malalapitan at wala ring magtatanggol sa kanila sa hukuman. Ang ani niyaʼy kakainin ng iba. At kahit ang mga bungang nasa tinikan ay kukunin ng mga taong gutom. Ang kayamanan niyaʼy aagawin ng mga taong uhaw sa mga ari-arian. Ang kahirapan at kaguluhan ay hindi tumutubo sa alikabok o lupa. Likas sa tao ang gumawa ng kahirapan at kaguluhan, tulad ng alipatong mula sa apoy na lumilipad paitaas.

“Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Dios. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalagayan. Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin. 10 Nagpapadala siya ng ulan sa mundo at pinatutubigan niya ang mga bukirin. 11 Itinataas niya ang mga nagpapakumbaba at kinakalinga ang mga nagdadalamhati. 12 Sinisira niya ang plano ng mga mandaraya, para hindi sila magtagumpay. 13 Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan, at hinahadlangan ang plano ng mga mandaraya. 14 Hindi sila nakakakita kahit maliwanag, at nangangapa sila na parang gabi kahit na katanghalian. 15 Inililigtas ng Dios ang mga dukha mula sa kamatayan at sa mga taong makapangyarihan na umaapi sa kanila. 16 Kaya may pag-asa ang mga dukha, pero ang masasama ay kanyang sinasaway.

17 “Mapalad ang taong itinutuwid ng Dios ang pag-uugali. Kaya huwag mong mamasamain ang pagtutuwid ng Makapangyarihang Dios sa iyo. 18 Sapagkat ang kanyang mga sinusugatan ay kanya ring ginagamot, at ang kanyang sinasaktan ay kanya ring pinagagaling. 19 Palagi ka niyang ililigtas sa mga salot at panganib. 20 Ililigtas ka niya sa kamatayan sa panahon ng taggutom at digmaan. 21 Iingatan ka niya kung sisiraan ka ng iba, at wala kang katatakutan kung dumating man ang kapahamakan. 22 Ang taggutom at kapahamakan ay iyong tatawanan at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop, 23 sapagkat hindi ka gagalawin ng mga ito. At hindi ka na mahihirapang magtanim sa bukid mong mabato. 24 Mamumuhay ng payapa ang sambahayan mo at walang mawawala sa iyong mga hayop. 25 Dadami ang iyong angkan na parang kasindami ng mga damo sa lupa. 26 Hahaba ang buhay mo at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon.[z] 27 Ayon sa aming nalaman at naranasan, napatunayan namin na talagang totoo ang lahat ng ito. Kaya dinggin mo ito at isabuhay para sa ikabubuti mo.”

Sumagot si Job

Sumagot si Job,

“Kung matitimbang lang ang dinaranas kong pagtitiis at paghihirap, mas mabigat pa ito kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Iyan ang dahilan kung bakit nagsasalita ako nang hindi ko pinag-iisipan nang mabuti. Sapagkat para akong pinana ng Makapangyarihan na Dios ng panang nakakalason, at ang lason nitoʼy kumalat sa buo kong katawan. Ang nakakatakot na pana ng Dios ay nakatusok na sa akin. Wala ba akong karapatang dumaing? Kahit asnong-gubat at baka ay umaatungal kapag walang damo. Ang tao namaʼy nagrereklamo kapag walang asin ang kanyang pagkain, lalo naʼt kung ang kakainin ay puti lang ng itlog. Ako man ay wala ring ganang kainin iyan, para akong masusuka.

“Nawaʼy ibigay ng Dios sa akin ang aking kahilingan. Matanggap ko na sana ang aking hinahangad, na bawiin na lang sana ng Dios ang aking buhay. 10 At kapag itoʼy nangyari, masaya pa rin ako, dahil sa kabila ng aking paghihirap hinding-hindi ko itinakwil ang mga salita ng Banal na Dios.

11 “Ngunit pagod na akong maghintay at wala na rin akong maaasahan pa. Bakit kailangang patagalin pa ang buhay ko? 12 Kasingtibay ba ako ng bato at gawa ba sa tanso ang katawan ko? Hindi! 13 Wala na akong lakas para iligtas ang sarili ko. Wala na rin akong pagkakataong magtagumpay pa.

14 “Bilang mga kaibigan nais kong damayan ninyo ako sa paghihirap kong ito, kahit na sa tingin ninyoʼy itinakwil ko na ang Dios na Makapangyarihan. 15 Pero kayong mga itinuturing kong kapatid ay hindi pala maaasahan; para kayong sapa na kung minsan ay umaapaw ang tubig at kung minsan naman ay tuyo. 16 Itoʼy umaapaw kapag napupuno ng tunaw na yelo at nyebe, 17 at natutuyo kapag tag-init. 18 Kapag dumaan doon ang mga naglalakbay, wala silang tubig na maiinom, kaya pagdating nila sa ilang namamatay sila. 19 Ang mga mangangalakal na nagmula sa Tema at Sheba na naglalakbay ay umaasang makakainom sa sapa, 20 pero nabigo sila. Umaasa silang may tubig doon pero wala pala. 21 Ang sapa na iyon ang katulad ninyo. Wala rin kayong naitutulong sa akin. Natakot kayo nang makita ninyo ang nakakaawa kong kalagayan. 22 Pero bakit? Humingi ba ako ng regalo sa inyo? Nakiusap ba ako na tulungan ninyo ako mula sa inyong kayamanan, 23 o iligtas sa kamay ng aking mga kaaway? 24 Hindi! Ang pakiusap ko lamang ay sabihin ninyo sa akin ang tamang sagot sa nangyayari sa akin, at tatahimik na ako. Sabihin ninyo sa akin kung ano ang nagawa kong pagkakamali. 25 Hindi baleng masakit ang sasabihin ninyo bastaʼt iyon ay totoo. Pero ang ibinibintang ninyo sa akin ay hindi totoo at hindi ninyo mapatunayan. 26 Gusto ninyong ituwid ang mga sinasabi ko, dahil para sa inyo, ang aking sinasabi bilang desperadong tao ay walang kabuluhan. 27 Bakit, kayo baʼy matuwid? Nagagawa nga ninyong ipaalipin ang isang ulila, o di kayaʼy ipagbili ang isang kaibigan! 28 Tingnan ninyo ako. Sa tingin ba ninyoʼy magsisinungaling ako sa inyo? 29 Tigilan na ninyo ang paghatol sa akin, dahil wala akong kasalanan. 30 Akala ba ninyo ay nagsisinungaling ako, at hindi ko alam kung ano ang tama at mali?

“Ang buhay ng tao dito sa mundo ay napakahirap. Itoʼy kasinghirap ng araw-araw na pagtatrabaho ng isang manggagawa, o gaya ng isang aliping nagnanais na sumapit na ang hapon upang siyaʼy makapagpahinga, o tulad ng isang manggagawang naghihintay ng kanyang sweldo. Ganyan din ang kalagayan ko. Ilang buwan na ang aking paghihirap na walang kabuluhan. Kahit gabiʼy naghihirap ako, at habang nakahiga ako, iniisip ko kung kailan darating ang umaga. Napakabagal ng takbo ng oras. Hindi ako mapalagay hanggang magbukang-liwayway. Ang katawan koʼy puno ng uod at langib. Nagnanana at pumuputok ang mga pigsa kong namamaga.”

Nanalangin si Job sa Dios

“Lumilipas po ang aking mga araw na walang pag-asa. Mabilis itong lumilipas, higit pa sa bilis ng isang habian[aa] ng manghahabi.[ab] O Dios, alalahanin nʼyo po na ang buhay koʼy parang isang hinga lamang, at hindi na po ako makadama ng anumang ligaya. Nakikita nʼyo po ako ngayon pero sa huli ay hindi na. Hahanapin nʼyo ako ngunit hindi nʼyo ako matatagpuan. Kung papaanong ang mga ulap ay nawawala at hindi na nakikita, ganoon din ang mga namamatay, hindi na sila nakakabalik pa. 10 Hindi na siya makakauwi sa kanyang bahay, at makakalimutan na siya ng mga nakakakilala sa kanya.

11 “Kaya po hindi ako maaaring manahimik; naninikip na po ang aking dibdib at kailangan ko na pong sabihin ang aking sama ng loob. 12 O Dios, bakit nʼyo po ako binabantayan? Isa ba akong dambuhalang halimaw sa dagat na dapat bantayan? 13 Kung gusto ko pong mahiga para makapagpahinga sa tinitiis kong hirap, 14 tinatakot nʼyo naman po ako sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain. 15 Kaya mas mabuti pang sakalin na lang ako at mamatay kaysa mabuhay sa katawang ito. 16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay. Ayoko nang mabuhay. Hayaan nʼyo na lang akong mamatay, dahil wala nang kabuluhan ang aking buhay.

17 “Ano po ba ang tao para pahalagahan at pagmalasakitan nʼyo ng ganito? 18 Sinisiyasat nʼyo siya tuwing umaga at sinusubukan sa bawat sandali. 19 Kung maaari, hayaan na lang muna nʼyo ako kahit sandali lang. 20 At kung nagkasala naman po ako, ano po ang kasalanang nagawa ko sa inyo, O Tagapagbantay ng tao? Bakit ako ang pinili nʼyong pahirapan? Naging pabigat po ba ako sa inyo? 21 Kung nagkasala po ako sa inyo, bakit hindi nʼyo na lang ako patawarin? Hindi na rin naman magtatagal at papanaw na ako, at kahit hanapin nʼyo ako, hindi nʼyo na ako makikita.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®