Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 8-24

Ang Unang Pagsasalita ni Bildad

Pagkatapos ay sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi,

“Hanggang kailan mo sasabihin ang mga bagay na ito,
    at ang mga salita ng iyong bibig na gaya ng malakas na hangin?
Binabaluktot ba ng Diyos ang katarungan?
    O nililiko ba ng Makapangyarihan sa lahat ang matuwid?
Kung ang iyong mga anak ay nagkasala laban sa kanya,
    sa kapangyarihan ng kanilang pagsalangsang ay kanyang ibinigay sila.
Kung hahanapin mo ang Diyos,
    at dadaing ka sa Makapangyarihan sa lahat;
kung ikaw ay dalisay at matuwid;
    tiyak na gigising siya dahil sa iyo,
    at ibabalik ka sa iyong matuwid na tirahan.
At bagaman maliit ang iyong pasimula,
    ang iyong huling wakas ay magiging napakadakila.

“Sapagkat magsiyasat ka sa mga nagdaang panahon, hinihiling ko sa iyo,
    at isaalang-alang mo ang natuklasan ng mga ninuno;
sapagkat tayo'y sa kahapon lamang, at walang nalalaman,
    sapagkat ang ating mga araw sa lupa ay isang anino.
10 Hindi ka ba nila tuturuan, at sasabihin sa iyo,
    at bibigkas ng mga salita mula sa kanilang pang-unawa?
11 “Lalago ba ang yantok kung walang latian?
    Tutubo ba ang tambo kung walang tubig?
12 Habang namumukadkad pa at hindi pa pinuputol,
    una silang nalalanta kaysa alinmang halaman.
13 Gayon ang mga landas ng lahat ng lumilimot sa Diyos;
    ang pag-asa ng masamang tao ay maglalaho.
14 Ang kanyang pagtitiwala ay masisira,
    at sapot ng gagamba ang kanyang tiwala.
15 Siya'y sasandal sa kanyang bahay, ngunit ito'y hindi tatayo;
    siya'y hahawak dito, ngunit hindi ito magtatagal.
16 Siya'y nananariwa sa harap ng araw,
    at ang kanyang mga suwi ay sumisibol sa kanyang halamanan.
17 Ang kanyang mga ugat ay kumapit sa palibot ng bunton,
    kanyang minamasdan ang dako ng mga bato.
18 Kung siya'y nawasak sa kanyang kinalalagyan,
    kung magkagayo'y ikakaila siya nito, na sinasabi: ‘Hindi kita kailanman nakita.’
19 Tingnan mo, ito ang kagalakan ng landas niya;
    at mula sa lupa ay sisibol ang iba.

20 “Tingnan mo, hindi itatakuwil ng Diyos ang taong walang kapintasan,
    ni aalalayan man ang kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
21 Kanya namang pupunuin ng pagtawa ang iyong bibig,
    at ang iyong mga labi ng pagsigaw.
22 Silang napopoot sa iyo ay mabibihisan ng kahihiyan,
    at ang tolda ng masama ay mapaparam.”

Ang Ikatlong Pagsasalita ni Job

Pagkatapos ay sumagot si Job, at sinabi,

“Sa(A) katotohanan ay alam kong gayon nga:
    Ngunit paano magiging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos?
Kung naisin ng isang tao na sa kanya ay makipagtalo,
    siya'y hindi makakasagot sa kanya ni minsan sa isang libo.
Siya ay pantas sa puso, at malakas sa kapangyarihan:
Sinong nagmatigas laban sa kanya at nagtagumpay?
Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nababatid,
    nang kanyang itaob sila sa kanyang pagkagalit;
na siyang umuuga ng lupa mula sa kanyang kinaroroonan,
    at ang mga haligi nito ay nanginginig;
na siyang nag-uutos sa araw at ito'y hindi sumisikat,
    na siyang nagtatakip sa mga bituin;
na nag-iisang nagladlad ng kalangitan,
    at ang mga alon ng dagat ay tinapakan;
na(B) siyang gumawa sa Oso at Orion,
    at sa Pleyades, at sa mga silid ng timog;
10 na gumagawa ng mga dakilang bagay na di maunawaan,
    at mga kamanghamanghang bagay na di mabilang.
11 Siya'y dumaraan sa tabi ko, at hindi ko siya nakikita.
    Siya'y nagpapatuloy ngunit hindi ko siya namamalayan.
12 Siya'y nang-aagaw, sinong makakahadlang sa kanya?
    Sinong magsasabi sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’

13 “Hindi iuurong ng Diyos ang kanyang galit;
    ang mga katulong ng Rahab[a] ay nakayukod sa ilalim niya.
14 Paano ko ngang masasagot siya,
    at mapipili ang aking mga salita laban sa kanya?
15 Bagaman ako'y walang sala, hindi ako makakasagot sa kanya;
    kailangang ako'y magmakaawa sa aking hukom.
16 Kung siya'y ipatawag ko at siya'y sumagot sa akin;
    gayunma'y hindi ako maniniwala na kanyang dininig ang aking tinig.
17 Sapagkat ako'y dinudurog niya sa pamamagitan ng isang bagyo,
    at pinararami ang aking mga sugat nang walang kadahilanan.
18 Hindi niya ako tutulutang makahinga,
    sa halip ay pinupuno niya ako ng kapaitan.
19 Kung ito'y tagisan ng lakas, siya ang malakas!
    At kung tungkol sa katarungan, sino ang magpapatawag sa kanya?
20 Bagaman ako'y walang sala, hahatulan ako ng sarili kong bibig;
    bagaman ako'y walang dungis, patutunayan niya akong masama.
21 Ako'y walang dungis, hindi ko pinapansin ang sarili ko,
    kinasusuklaman ko ang buhay ko.
22 Ang lahat ay iisa; kaya't aking sinasabi,
    kapwa niya pinupuksa ang masama at ang mabuti.
23 Kapag ang sakuna ay nagdadala ng biglang kamatayan,
    tinutuya niya ang kapahamakang dumating sa walang kasalanan.
24 Ang lupa ay ibinigay sa kamay ng masama,
    kanyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito;
    kung hindi siya iyon, kung gayo'y sino?

25 “Ang mga araw ko ay mas matulin kaysa isang mananakbo,
    sila'y tumatakbong palayo, wala silang nakikitang mabuti.
26 Sila'y dumaraang parang matutuling bangkang tambo,
    parang agilang dumadagit sa biktima.
27 Kung aking sabihin, ‘Kalilimutan ko ang aking daing,
    papawiin ko ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako.’
28 Ako'y natatakot sa lahat kong paghihirap,
    sapagkat alam kong hindi mo ako ituturing na walang sala.
29 Ako'y mahahatulan;
    bakit pa ako magpapakapagod nang walang kabuluhan?
30 Kung ako'y maligo sa niyebe,
    at hugasan ko ang aking mga kamay sa lihiya,
31 gayunma'y itutulak mo ako sa hukay,
    at kamumuhian ako ng mga sarili kong kasuotan.
32 Sapagkat siya'y hindi tao, na gaya ko, na masasagot ko siya,
    na kami'y magkasamang haharap sa paglilitis.
33 Walang hukom sa pagitan namin,
    na magpapatong ng kanyang kamay sa aming dalawa.
34 Ilayo nawa niya sa akin ang kanyang tungkod,
    at huwag nawa akong sindakin ng kanyang bagsik.
35 Saka ako magsasalita nang walang takot tungkol sa kanya,
    sapagkat hindi ako gayon sa aking sarili.

Siya ay Tumututol sa Kalabisang Parusa ng Panginoon

10 “Kinasusuklaman ko ang aking buhay;
    malaya kong bibigkasin ang aking karaingan;
    ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.
Sasabihin ko sa Diyos, Huwag mo akong hatulan;
    ipaalam mo sa akin kung bakit mo ako kinakalaban.
Mabuti ba sa iyo na ikaw ay magpahirap,
    na iyong hamakin ang gawa ng iyong mga kamay
    at iyong sang-ayunan ang mga pakana ng masama?
Ikaw ba'y may mga matang laman?
    Ikaw ba'y nakakakita tulad ng pagkakita ng tao?
Ang iyo bang mga araw ay gaya ng mga araw ng tao,
    o ang iyong mga taon ay gaya ng mga taon ng tao,
upang ikaw ay maghanap ng kasamaan ko,
    at mag-usisa ng kasalanan ko,
bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi nagkasala,
    at walang makapagliligtas mula sa iyong kamay?
Ang iyong mga kamay ang humugis at gumawa sa akin,
    at ngayo'y pumipihit ka at pinupuksa ako.
Iyong alalahanin, na ako'y ginawa mo mula sa luwad,
    at ibabalik mo ba akong muli sa alabok?
10 Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas,
    at binuo mo akong parang keso?
11 Ako'y dinamitan mo ng balat at laman,
    at ako'y hinabi mo ng mga buto at mga litid.
12 Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at tapat na pag-ibig,
    at ang iyong kalinga ang nag-ingat ng aking espiritu.
13 Gayunma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso;
    alam ko na ito ang layunin mo.
14 Kung ako'y magkasala, ako nga'y iyong tinatandaan,
    at hindi mo ako pinawawalang-sala sa aking kasamaan.
15 Kung ako'y masama, kahabag-habag ako!
    Kung ako'y matuwid, hindi ko maitaas ang aking ulo;
sapagkat ako'y puspos ng kahihiyan,
    at tingnan mo ang aking kahirapan.
16 At kung itaas ko ang aking sarili, tinutugis mo akong parang leon;
    at ipinapakita mong muli ang iyong kapangyarihan sa akin.
17 Pinanunumbalik mo ang iyong mga pagsaksi laban sa akin,
    at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin;
    nagdadala ka ng mga bagong hukbo laban sa akin.

18 “Bakit mo pa ako inilabas sa sinapupunan?
    Namatay na sana ako bago pa ako nakita ng alinmang mata.
19 Ako sana'y naging parang hindi nabuhay;
    nadala sana ako mula sa sinapupunan hanggang sa libingan.
20 Hindi ba iilan ang mga araw ng aking buhay? Tapusin mo na nga!
    Bayaan mo na ako, upang ako'y makatagpo ng kaunting kaginhawahan,
21 bago ako magtungo na mula roo'y hindi ako makakabalik,
    sa lupain ng kapanglawan at ng pusikit na kadiliman,
22 sa lupain ng kapanglawan gaya ng kadiliman ng malalim na anino na walang kaayusan,
    na doon ay nagliliwanag na gaya ng kadiliman.”

Ang Sinabi ni Zofar Tungkol kay Job

11 Nang magkagayo'y sumagot si Zofar na Naamatita, at sinabi,

“Hindi ba sasagutin ang karamihan ng mga salita?
    At mapawalang-sala ang lalaking madada?
Patatahimikin ba ang mga tao ng iyong kangangawa,
    wala bang hihiya sa iyo kapag ikaw ay nanunuya?
Sapagkat iyong sinasabi, ‘Ang aking aral ay dalisay,
    at ako'y malinis sa iyong mga mata!’
Ngunit ang Diyos nawa'y magsalita,
    at ibuka ang kanyang mga labi sa iyo;
at ipakilala nawa sa iyo ang mga lihim ng karunungan!
    Pagka't siya ay sagana sa kaunawaan.
Alamin mo na sinisingil ka ng Diyos ng kulang pa kaysa nararapat sa iyong kasalanan.

“Matatagpuan mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos?
    Matatagpuan mo ba ang hangganan ng Makapangyarihan sa lahat?
Ito ay mataas kaysa langit; anong iyong magagawa?
    Malalim kaysa Sheol—anong iyong malalaman?
Ang sukat nito ay mas mahaba kaysa lupa,
    at mas malawak kaysa dagat.
10 Kung siya'y dumaan, at magbilanggo,
    at tumawag ng paglilitis, sinong makakapigil sa kanya?
11 Sapagkat nakikilala niya ang mga taong walang kabuluhan,
    kapag nakakita siya ng kasamaan, hindi ba niya ito isasaalang-alang?
12 Ngunit ang taong hangal ay magkakaroon ng pagkaunawa,
    kapag ang asno ay ipinanganak na tao.

Pinapaglilinis ni Zofar si Job sa mga Kasalanan

13 “Kung itutuwid mo ang iyong puso,
    iuunat mo ang iyong kamay sa kanya.
14 Kung ang kasamaan ay nasa iyong kamay, ilayo mo ito,
    at huwag nawang manirahan ang kasamaan sa iyong mga tolda.
15 Walang pagsala ngang itataas mo ang iyong mukha na walang kapintasan;
ikaw ay hindi matatakot at magiging tiwasay.
16 Malilimutan mo ang iyong kahirapan,
iyong maaalala ito na parang tubig na umagos.
17 At ang iyong buhay ay magiging lalong maliwanag kaysa katanghalian
at magiging gaya ng umaga ang kanyang kadiliman.
18 At ikaw ay mapapanatag sapagkat may pag-asa;
ikaw ay mapapangalagaan, at tiwasay kang magpapahinga.
19 Ikaw nama'y hihiga at walang mananakot sa iyo;
maraming hihingi ng kalinga mo.
20 Ngunit ang mga mata ng masama ay manghihina,
    at mawawalan sila ng daang tatakasan,
    at ang kanilang pag-asa ay hininga'y malagutan.”

Pinatunayan ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos

12 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,

“Walang pag-aalinlangan na kayo ang bayan,
    at mamamatay na kasama ninyo ang karunungan.
Ngunit ako'y may pagkaunawa na gaya ninyo;
    hindi ako mas mababa sa inyo.
    Sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?
Ako'y katatawanan sa aking mga kaibigan,
    ako na tumawag sa Diyos, at ako'y sinagot niya,
    isang ganap at taong sakdal, ay katatawanan.
Sa pag-iisip ng isang nasa katiwasayan ay may pagkutya sa kasawian;
    nakahanda iyon sa mga nadudulas ang mga paa.
Ang mga tolda ng mga magnanakaw ay may kapayapaan,
    at silang nanggagalit sa Diyos ay tiwasay;
    na inilalagay ang kanilang diyos sa kanilang kamay.

“Ngunit ngayo'y tanungin mo ang mga hayop, at tuturuan ka nila;
    ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasabihin sa iyo;
o ang mga halaman sa lupa, at tuturuan ka nila;
    at ang mga isda sa dagat ay magpapahayag sa iyo.
Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito,
    na ang kamay ng Panginoon ang gumawa nito?
10 “Nasa kamay niya ang buhay ng bawat bagay na may buhay,
    at ang hininga ng lahat ng mga tao.
11 Hindi ba sumusubok ang mga salita ng pandinig,
    gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain?
12 Nasa matatanda ang karunungan,
    ang haba ng buhay ay ang kaunawaan.
13 “Nasa Diyos ang karunungan at kalakasan;
    kanya ang payo at kaunawaan.
14 Kapag siya'y nagpabagsak, walang makakapagtayo,
    kapag ikinulong niya ang tao, walang makakapagbukas.
15 Kapag kanyang pinigil ang tubig, natutuyo ito;
    kapag kanyang pinaagos, ang lupa ay inaapawan nito.
16 Nasa kanya ang kalakasan at ang karunungan,
    ang nadaya at ang mandaraya ay kanya.
17 Kanyang pinalalakad na hubad ang mga tagapayo,
    at ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Kanyang kinakalag ang gapos ng mga hari,
    at binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.
19 Ang mga pari ay hubad niyang pinalalakad,
    at pinababagsak ang makapangyarihan.
20 Kanyang inaalisan ng pananalita ang pinagtitiwalaan,
    at inaalis ang pagkaunawa ng mga nakakatanda.
21 Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pinuno,
    at kinakalag ang pamigkis ng malakas.
22 Inililitaw niya ang malalalim mula sa kadiliman,
    at inilalabas sa liwanag ang pusikit na kadiliman.
23 Kanyang pinadadakila ang mga bansa, at winawasak ang mga ito.
    Kanyang pinalalaki ang mga bansa, at itinataboy ang mga ito.
24 Kanyang inaalis ang pang-unawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa,
    at kanyang pinalalaboy sila sa ilang na walang lansangan.
25 Sila'y nangangapa sa dilim na walang liwanag,
    at kanyang pinasusuray sila na gaya ng isang lasing.

Ipinilit ni Job na Wala Siyang Kasalanan

13 “Narito, nakita ang lahat ng ito ng aking mata,
    ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.
Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman:
    Hindi ako mababa sa inyo.
Ngunit ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat,
    at nais kong ipagtanggol ang aking usapin sa Diyos.
Ngunit kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan,
    kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.
Nawa ay tumahimik kayong lahat,
    at magiging inyong karunungan!
Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran,
    at ang mga pakikiusap ng aking mga labi ay inyong pakinggan.
Kayo ba'y magsasalita ng kabulaanan para sa Diyos,
    at mangungusap na may pandaraya para sa kanya?
Kayo ba'y magpapakita ng pagpanig sa kanya?
    Ipapakiusap ba ninyo ang usapin para sa Diyos?
Makakabuti ba sa inyo kapag siniyasat niya kayo?
    O madadaya mo ba siya tulad ng pandaraya sa isang tao?
10 Walang pagsalang sasawayin niya kayo,
    kung sa lihim ay magpapakita kayo ng pagtatangi.
11 Hindi ba kayo tatakutin ng kanyang kamahalan,
    at ang sindak sa kanya ay sasainyo?
12 Ang inyong mga di-malilimot na kasabihan ay kawikaang abo,
    ang inyong mga sanggalang ay mga sanggalang na putik.

13 “Bigyan ninyo ako ng katahimikan, at ako'y magsasalita,
    at hayaang dumating sa akin ang anuman.
14 Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman,
    at ilalagay ko ang aking buhay sa aking kamay?
15 Bagaman ako'y patayin niya, ako'y aasa pa rin sa kanya,
    gayunma'y ipagtatanggol ko ang aking mga lakad sa harapan niya.
16 Ito ang aking magiging kaligtasan,
    na ang isang masamang tao ay hindi haharap sa kanya.
17 Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
    at sumainyong mga pakinig ang pahayag ko.
18 Narito ngayon, inihanda ko ang aking usapin;
    alam ko na ako'y mapapawalang sala.
19 Sino ang makikipagtalo sa akin?
    Sapagkat kung gayo'y tatahimik ako at mamamatay.

20 Dalawang bagay lamang ang ipagkaloob mo sa akin,
    kung magkagayo'y hindi ako magkukubli sa iyong mukha:
21 iurong mo nang malayo sa akin ang kamay mo;
    at huwag akong takutin ng sindak sa iyo.
22 Kung magkagayo'y tumawag ka, at ako'y sasagot;
    o papagsalitain mo ako, at sa akin ikaw ay sumagot.
23 Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan?
    Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha,
    at itinuturing mo akong iyong kaaway?
25 Iyo bang tatakutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin,
    at ang tuyong ipa ay iyo bang hahabulin?
26 Sapagkat ikaw ay sumusulat laban sa akin ng mapapait na bagay,
    at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan.
27 Iyo(C) ring inilalagay ang aking mga paa sa kadenahan,
    at minamanmanan mo ang lahat kong daan,
    ikaw ay naglalagay ng hangganan sa aking talampakan.
28 Bagaman ako'y parang bagay na bulok na natutunaw,
    na parang damit na kinakain ng bukbok.

Maikli ang Buhay ng Tao

14 “Ang tao, na ipinanganak ng babae
    ay may kaunting araw, at punô ng kaguluhan.
Siya'y umuusbong na gaya ng bulaklak, at nalalanta;
    siya'y nawawalang gaya ng anino, at hindi namamalagi.
At iyo bang iminumulat ang iyong mga mata sa isang gaya nito,
    at dinadala siya sa kahatulan na kasama mo?
Sinong makakakuha ng malinis na bagay mula sa marumi?
    Walang sinuman.
Yamang ang kanyang mga araw ay itinakda na,
    at ang bilang ng kanyang mga buwan ay nasa iyo,
    at iyong itinalaga ang kanyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan;

ilayo mo sa kanya ang iyong paningin, at ikaw ay huminto,
    upang siya'y masiyahan sa kanyang araw tulad ng isang taong upahan.

“Sapagkat may pag-asa sa isang punungkahoy,
    na kung ito'y putulin ay muling sisibol,
    at ang sariwang sanga niyon ay hindi hihinto.
Bagaman ang kanyang ugat ay tumanda sa lupa,
    at ang tuod niyon ay mamatay sa lupa;
gayunma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol iyon,
    at magsasanga na gaya ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao ay namamatay at ibinabaon;
    ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan siya naroon?
11 Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat,
    at ang ilog ay humuhupa at natutuyo;
12 gayon ang tao ay humihiga at hindi na bumabangon;
    hanggang sa ang langit ay mawala, siya'y hindi na muling magigising,
    ni mapupukaw man sa kanilang pagkakatulog.
13 O sa Sheol ay ikubli mo ako nawa,
    itago mo ako hanggang sa ang iyong poot ay mawala,
    takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at ako'y iyong alalahanin!
14 Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?
    Lahat ng araw ng aking pagpupunyagi ay ipaghihintay ko,
    hanggang sa dumating ang pagbabago ko.
15 Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo;
    iyong nanasain ang gawa ng mga kamay mo.
16 Kung magkagayo'y bibilangin mo ang aking mga hakbang,
    at hindi mo babantayan ang aking kasalanan.
17 Ang aking pagsalangsang ay itatago sa isang lalagyan,
    at iyong tatakpan ang aking kasamaan.

18 “Ngunit ang bundok ay natitibag at nawawala,
    at ang bato ay inalis sa kinaroroonan niyon;
19 inaagnas ng tubig ang mga bato;
    tinatangay ng mga baha niyon ang alabok ng lupa;
    sa gayon mo winasak ang pag-asa ng tao.
20 Ikaw ay nananaig kailanman laban sa kanya, at siya'y pumapanaw;
    iyong binabago ang kanyang mukha, at iyong pinalayas siya.
21 Ang kanyang mga anak ay nagkaroon ng karangalan, at hindi niya nalalaman;
    sila'y ibinababa, ngunit hindi niya iyon nahahalata.
22 Ngunit ang sakit lamang ng kanyang katawan ay nagbibigay ng sakit sa kanya,
    at nagluluksa lamang siya para sa kanyang sarili!”

Pinagsabihan ni Elifaz si Job

15 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,

“Sasagot ba ang isang pantas ng may mahanging kaalaman,
    at pupunuin ang kanyang sarili ng hanging silangan?
Makikipagtalo ba siya sa walang kabuluhang pag-uusap,
    o ng mga salita na hindi siya makakagawa ng mabuti?
Ngunit inaalis mo ang takot sa Diyos,
    at iyong pinipigil ang pagbubulay-bulay sa harap ng Diyos.
Sapagkat ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa bibig mo,
    at iyong pinipili ang dila ng tuso.
Ang iyong sariling bibig ang humahatol sa iyo, at hindi ako;
    ang iyong sariling mga labi ang nagpapatotoo laban sa iyo.

“Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak?
    O lumabas ka bang una kaysa mga burol?
Nakinig ka na ba sa lihim na payo ng Diyos?
    At iyo bang hinahangganan ang karunungan sa iyong sarili?
Anong nalalaman mo na di namin nalalaman?
    Anong nauunawaan mo na sa amin ay hindi malinaw?
10 Kasama namin kapwa ang mga may uban at ang matatanda,
    mas matanda pa kaysa iyong ama.
11 Ang mga pag-aliw ba ng Diyos ay napakaliit para sa iyo,
    o ang salitang napakabuti sa iyo?
12 Bakit ka napadadala sa iyong puso,
    at bakit kumikindat ang iyong mga mata,
13 na lumalaban sa Diyos ang iyong espiritu,
    at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa bibig mo?
14 Ano(D) ang tao na siya'y magiging malinis?
    O siyang ipinanganak ng babae, na siya'y magiging matuwid?
15 Ang Diyos ay hindi nagtitiwala sa kanyang mga banal;
    at ang langit ay hindi malinis sa kanyang paningin.
16 Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak,
    ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!

17 “Ipapakilala ko sa iyo, dinggin mo ako;
    at ang aking nakita ay ipahahayag ko.
18 (Ang isinaysay ng mga pantas,
    at hindi inilingid ng kanilang mga magulang,
19 sa mga iyon lamang ibinigay ang lupain,
    at walang dayuhan na dumaan sa gitna nila.)
20 Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit sa lahat ng kanyang araw,
    sa lahat ng mga taon na itinakda sa malulupit.
21 Ang mga nakakatakot na ugong ay nasa kanyang mga pakinig;
    sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mangwawasak.
22 Siya'y hindi naniniwala na babalik siya mula sa kadiliman,
    at siya'y nakatakda para sa tabak.
23 Siya'y lumalaboy dahil sa tinapay, na nagsasabi: ‘Nasaan iyon?’
    Kanyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kanyang kamay;
24 kahirapan at dalamhati ang tumatakot sa kanya;
    sila'y nananaig laban sa kanya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipaglaban.
25 Sapagkat iniunat niya ang kanyang kamay laban sa Diyos,
    at hinamon ang Makapangyarihan sa lahat;
26 tumatakbo na may katigasan laban sa kanya
    na may makapal na kalasag;
27 sapagkat tinakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang katabaan,
    at nagtipon ng taba sa kanyang mga pigi;
28 at siya'y tumahan sa mga sirang bayan,
    sa mga bahay na walang taong dapat tumahan,
    na nakatakdang magiging mga bunton ng guho;
29 hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kanyang kayamanan,
    ni di lalawak sa lupa ang kanyang mga ari-arian.
30 Siya'y hindi tatakas sa kadiliman;
    tutuyuin ng apoy ang kanyang mga sanga,
    at ang kanyang bulaklak ay tatangayin ng hangin.
31 Huwag siyang magtiwala sa kawalang kabuluhan, na dinadaya ang sarili;
    sapagkat ang kahungkagan ay magiging ganti sa kanya.
32 Ganap itong mababayaran bago dumating ang kanyang kapanahunan,
    at ang kanyang sanga ay hindi mananariwa.
33 Lalagasin niya ang kanyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas,
    at lalagasin ang kanyang bulaklak na gaya ng punong olibo.
34 Sapagkat ang pulutong ng masasama ay baog,
    at tutupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.
35 Sila'y nag-iisip ng kapilyuhan at naglalabas ng kasamaan,
    at naghahanda ng pandaraya ang kanilang kalooban.”

Idinaing ni Job ang Ginagawa sa Kanya ng Diyos

16 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,

“Ako'y nakarinig ng maraming ganyang bagay;
    kahabag-habag na mga mang-aaliw kayong lahat.
Magwawakas ba ang mga mahahanging salita?
    O anong nag-uudyok sa iyo upang ikaw ay sumagot?
Ako ma'y makapagsasalita ring gaya mo,
    kung ang iyong kaluluwa ay nasa kalagayan ng aking kaluluwa,
ako'y makapagdudugtong ng mga salita laban sa iyo,
    at maiiiling ang aking ulo sa iyo.
Maaari kong palakasin kayo ng aking bibig,
    at ang pag-aliw ng aking mga labi ay mag-aalis ng inyong sakit.

“Kapag ako'y nagsasalita, ang aking kirot ay hindi nawawala,
    at kapag ako'y tumatahimik, gaano dito ang lumalayo sa akin?
Ngunit ngayon ako'y pinapanghina niya,
    nilansag niya ang aking buong pulutong.
At ako'y pinagdalamhati niya,
    na siyang saksi laban sa akin,
at ang aking kapayatan ay bumabangon laban sa akin,
    ito'y nagpapatotoo sa aking mukha.
Niluray niya ako sa kanyang kapootan, at kinamuhian ako;
    pinapagngalit niya sa akin ang kanyang mga ngipin;
    pinandidilatan ako ng mga mata ng kaaway ko.
10 Kanilang pinagbubukahan ako ng kanilang bibig,
    nakakahiyang sinampal nila ako sa mukha,
    sila'y nagsama-sama laban sa akin.
11 Ibinigay ako ng Diyos sa di banal,
    at inihagis ako sa kamay ng masasama.
12 Ako'y nasa kaginhawahan at kanyang niligalig akong mainam;
    sinunggaban niya ako sa leeg, at pinagpira-piraso ako;
inilagay naman niya ako upang kanyang tudlain.
13 Pinalibutan ako ng kanyang mga mamamana,
kanyang sinaksak ang aking mga bato, at hindi nagpatawad;
    kanyang ibinuhos ang aking apdo sa lupa.
14 Kanyang binugbog ako nang paulit-ulit;
    dinaluhong niya ako na gaya ng isang mandirigma.
15 Tumahi ako para sa aking katawan ng damit-sako,
    at ang aking lakas sa alabok ay inilugmok ako.
16 Ang aking mukha ay namumula sa pag-iyak,
    at sa aking mga pilik-mata ay pusikit na kadiliman;
17 bagaman walang karahasan sa aking mga kamay,
    at ang aking dalangin ay malinis.

18 “O lupa, ang aking dugo ay huwag mong tabunan,
    at hayaang huwag makatagpo ang aking daing ng lugar na kapahingahan.
19 Kahit(E) na ngayon, ang aking saksi ay nasa kalangitan,
    at siyang nagtatanggol sa akin ay nasa kaitaasan.
20 Tinutuya ako ng aking mga kaibigan;
    ang aking mata ay nagbubuhos ng mga luha sa Diyos.
21 Mayroon sanang taong makiusap sa Diyos;
    gaya ng tao sa kanyang kapwa.
22 Sapagkat pagsapit ng ilang taon,
    ako'y tutungo sa daan na hindi ko na babalikan.

17 Ang aking espiritu ay nanlulumo, ang aking mga araw ay natatapos,
    ang libingan ay nakahanda para sa akin.
Tunay na may mga manunuya sa aking paligid,
    at ang aking mata ay nakatuon sa kanilang panggagalit.
“Ibigay mo ngayon ang iyong sarili sa sangla;
    sinong mananagot para sa akin?
Yamang iyong sinarhan ang kanilang isipan sa pag-unawa,
    kaya't hindi mo sila hahayaang magtagumpay.
Ang nagsasabi laban sa kanyang mga kaibigan na kunin ang bahagi ng kanilang ari-arian,
    ang mga mata nga ng kanyang mga anak ay manlalabo.

“Ngunit ginawa rin niya akong katatawanan ng bayan,
    at ako yaong sa mukha ay kanilang niluluraan.
Ang aking mata naman ay nanlabo dahil sa kalungkutan,
    at ang lahat ng mga bahagi ko ay parang isang anino.
Mga matuwid na tao ay matitigilan dito,
    at ang walang sala ay babangon laban sa masama.
Gayunma'y magpapatuloy ang matuwid sa kanyang lakad,
    at ang may malinis na mga kamay ay lalakas nang lalakas.
10 Ngunit tungkol sa inyong lahat, pumarito kayo ngayong muli,
    at hindi ako makakatagpo ng isang taong pantas sa gitna ninyo.
11 Ang aking mga araw ay lumipas, ang aking mga plano ay nasira,
    ang mga naisin ng aking puso.
12 Kanilang ginawang araw ang gabi,
    ‘Ang liwanag,’ wika nila, ‘ay malapit sa kadiliman.’
13 Kung aking hanapin ang Sheol na parang aking bahay;
    kung aking ilatag ang aking higaan sa kadiliman,
14 kung sabihin ko sa hukay, ‘Ikaw ay aking ama,’
    at sa uod, ‘Aking kapatid na babae,’ o ‘Aking ina,’
15 nasaan nga ang aking pag-asa?
    Sinong makakakita ng aking pag-asa?
16 Lulusong ba ang mga ito sa mga rehas ng Sheol,
    magkasama ba kaming bababa sa alabok?”

Inilarawan ni Bildad ang Wakas ng Masama

18 Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi,

“Hanggang kailan ka maghahagilap ng mga salita?
    Inyong isaalang-alang, pagkatapos kami ay magsasalita.
Bakit kami ibinibilang na parang mga hayop?
    Bakit kami hangal sa iyong paningin?
Ikaw na sumisira sa iyong sarili sa iyong galit,
    pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo?
    O aalisin ba ang bato mula sa kinaroroonan nito?

“Oo,(F) ang ilaw ng masama ay pinapatay,
    at ang liyab ng kanyang apoy ay hindi nagliliwanag.
Ang ilaw ay madilim sa kanyang tolda,
    at ang kanyang ilawan sa itaas niya ay pinatay.
Ang kanyang malalakas na hakbang ay pinaigsi,
    at ang kanyang sariling pakana ang nagpabagsak sa kanya.
Sapagkat siya'y inihagis sa lambat ng kanyang sariling mga paa,
    at siya'y lumalakad sa silo.
Isang bitag ang humuli sa kanyang mga sakong,
    isang silo ang humuli sa kanya.
10 Ang lubid ay ikinubli para sa kanya sa lupa,
    isang patibong na para sa kanya sa daan.
11 Mga nakakatakot ang tumakot sa kanya sa bawat panig,
    at hinahabol siya sa kanyang mga sakong.
12 Nanlalata sa gutom ang kanyang kalakasan,
    at handa para sa kanyang pagbagsak ang kapahamakan!
13 Dahil sa karamdaman ay nauubos ang kanyang balat,
    lalamunin ng panganay ng kamatayan ang kanyang mga sangkap.
14 Siya'y niluray sa tolda na kanyang pinagtitiwalaan,
    at siya'y dinala sa hari ng mga kilabot.
15 Sa kanyang tolda ay nakatira ang di niya kaanu-ano,
    ang asupre ay ikinalat sa kanyang tahanan.
16 Ang kanyang mga ugat sa ilalim ay natutuyo,
    at sa ibabaw ay nalalanta ang kanyang sanga.
17 Ang kanyang alaala ay naglalaho sa lupa,
    at siya'y walang pangalan sa lansangan.
18 Siya'y itatapon mula sa liwanag tungo sa kadiliman,
    at itataboy sa labas ng sanlibutan.
19 Siya'y walang anak, ni apo man sa kanyang bayan,
    at walang nalabi sa dati niyang tinitirhan.
20 Silang mula sa kanluran ay mangingilabot sa kanyang araw,
    at ang lagim ay babalot sa mga nasa silangan.
21 Tunay na ganyan ang tahanan ng mga makasalanan,
    sa mga hindi nakakakilala sa Diyos ay ganyan ang kalagayan.”

Naniniwala si Job na Siya'y Pawawalang-sala ng Diyos

19 At sumagot si Job, at sinabi,

“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan,
    at pipira-pirasuhin ako ng mga salita?
Makasampung ulit ninyo akong pinulaan,
    hindi ba kayo nahihiyang gawan ako ng masama?
At kung totoo man na nagkamali ako,
    ay nananatili sa aking sarili ang pagkakamali ko.
Kung tunay na itinataas ninyo ang inyong sarili laban sa akin,
    at gawin ang aking kakutyaan bilang katuwiran laban sa akin,
alamin ninyo ngayon na inilagay ako ng Diyos sa pagkakamali,
    at isinara ang kanyang lambat sa paligid ko.
Narito, ako'y sumisigaw, ‘Karahasan!’ ngunit hindi ako pinapakinggan,
    ako'y humihiyaw ngunit walang katarungan.
Kanyang pinaderan ang aking daan kaya't hindi ako makaraan,
    siya'y naglagay ng kadiliman sa aking mga daan.
Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian,
    at inalis ang korona sa aking ulo.
10 Kanyang inilugmok ako sa bawat dako, at ako'y pumanaw,
    at ang aking pag-asa ay binunot niyang parang punungkahoy.
11 Kanya rin namang pinapagningas ang kanyang poot laban sa akin,
    at ibinilang niya ako na kanyang kaaway.
12 Ang kanyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama,
    at naglagay ng mga pangkubkob laban sa akin,
    at nagkampo sa palibot ng aking tolda.

13 “Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin,
    at ang aking mga kakilala ay lubusang napalayo sa akin.
14 Ang aking mga kamag-anak at malapit na mga kaibigan, ay nagsilayo sa akin.
15 Kinalimutan ako ng mga panauhin sa aking bahay,
itinuring akong isang dayuhan ng aking mga lingkod na kababaihan,
    sa kanilang paningin ako'y isang taga-ibang bayan.
16 Ako'y tumatawag sa aking lingkod, at hindi ako sinasagot,
    dapat ko siyang pakiusapan ng aking bibig.
17 Kakaiba ang aking hininga para sa aking asawa,
    at nakakainis sa mga anak ng sarili kong ina.
18 Pati mga bata ay humahamak sa akin;
    kapag ako'y tumayo, sila'y nagsasalita laban sa akin.
19 Lahat ng malapit kong mga kaibigan ay napopoot sa akin,
    at ang aking minamahal ay bumaling laban sa akin.
20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman,
    at ako'y nakatakas nang bahagya lamang.
21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, O kayong mga kaibigan ko;
    sapagkat hinampas ako ng kamay ng Diyos!
22 Bakit ninyo ako tinutugis na gaya ng Diyos?
    At hindi pa kayo nasisiyahan sa aking laman?

23 “O masulat nawa ngayon ang mga salita ko!
    O malimbag nawa sa isang aklat ang mga ito!
24 Sa pamamagitan nawa ng panulat na tingga at bakal,
    maukit nawa ang mga ito sa bato magpakailanman!
25 Sapagkat nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay,
    at sa wakas siya'y tatayo sa lupa;
26 at pagkatapos na masira nang ganito ang aking balat,
    gayunma'y makikita ko ang Diyos sa aking laman,
27 na aking makikita sa aking tabi,
    at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba.
    Ang aking puso ay nanghihina sa loob ko!
28 Kung inyong sabihin, ‘Paanong aming tutugisin siya?’
    at, ‘Ang ugat ng pangyayari ay nasumpungan sa kanya;’
29 matakot kayo sa tabak,
    sapagkat ang poot ang nagdadala ng mga parusa ng tabak,
    upang inyong malaman na may paghuhukom.”

Inilarawan ni Zofar ang Bahagi ng Masama

20 Nang magkagayo'y sumagot si Zofar na Naamatita, at sinabi,

“Kaya't sinasagot ako ng aking mga pag-iisip,
    dahil sa pagmamadali na taglay ko.
Aking naririnig ang saway na humihiya sa akin,
    at mula sa espiritu ng aking pagkaunawa ay sumasagot sa akin.
Hindi mo ba nalalaman ito nang una,
    mula nang ang tao'y ilagay sa lupa,
na ang pagbubunyi ng masama ay maikli,
    at ang kagalakan ng masasama ay sandali lamang?
Bagaman ang kanyang kataasan ay pumapailanglang hanggang sa langit,
    at ang kanyang ulo ay umaabot hanggang sa mga ulap;
gayunman ay matutunaw siya magpakailanman, na gaya ng kanyang sariling dumi;
    silang nakakita sa kanya ay magsasabi, ‘Nasaan siya?’
Siya'y lilipad na papalayong gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan.
    Siya'y hahabulin na parang pangitain sa gabi.
Ang mata na nakakita sa kanya ay hindi na siya makikita pa;
    ni mamamalas pa man siya sa kanyang lugar.
10 Hahanapin ng kanyang mga anak ang lingap ng dukha,
    at ang kanyang mga kamay ay magsasauli ng kanyang kayamanan.
11 Ang kanyang mga buto ay punô ng lakas ng kabataan,
    ngunit ito'y hihiga na kasama niya sa alabok.

12 “Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kanyang bibig,
    bagaman kanyang itago sa ilalim ng kanyang dila;
13 bagaman ayaw niyang pakawalan,
    kundi iniingatan pa sa kanyang bibig;
14 gayunma'y ang kanyang pagkain ay nabago na sa kanyang tiyan,
    siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya.
15 Siya'y sumakmal ng mga kayamanan, at kanyang isinusuka uli;
    aalisin ng Diyos ang mga iyon sa kanyang tiyan.
16 Kanyang sisipsipin ang kamandag ng mga ahas;
    papatayin siya ng dila ng ulupong.
17 Hindi niya titingnan ang mga ilog,
    ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya.
18 Kanyang isasauli ang bunga na kanyang pinagpagalan,
    at hindi niya lulunukin,
mula sa pakinabang ng kanyang pangangalakal,
    hindi siya magtatamo ng kasiyahan.
19 Sapagkat kanyang dinurog at pinabayaan ang dukha;
    kanyang kinamkam ang isang bahay na hindi niya itinayo.

20 “Sapagkat hindi nakakilala ng katahimikan ang kanyang kasakiman,
    hindi siya makapag-iimpok ng anuman sa kanyang kinaluluguran.
21 Walang naiwan pagkatapos niyang kumain;
    kaya't ang kanyang kasaganaan ay hindi mananatili.
22 Sa lubos niyang kasaganaan ay mapipighati sila,
    lahat ng lakas ng kahirapan ay darating sa kanya.
23 Upang ganap na mapuno ang kanyang tiyan,
    ihuhulog ng Diyos ang kanyang mabangis na poot sa kanya,
    at pauulanin sa kanya bilang pagkain niya.
24 Kanyang tatakasan ang bakal na sandata,
    isang panang tanso ang tatama sa kanya.
25 Ito ay binunot, at lumabas sa kanyang katawan,
    oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa apdo niya;
    ang panghihilakbot ang dumating sa kanya.
26 Lubos na kadiliman ang nakahanda para sa kanyang kayamanan;
    ang tutupok sa kanya ay apoy na hindi hinipan,
    tutupukin niyon ang sa kanyang tolda ay naiwan.
27 Ihahayag ng mga langit ang kanyang kasamaan,
    at ang lupa ay babangon na sa kanya ay laban.
28 Ang bunga ng kanyang bahay ay kukunin,
    sa araw ng poot ng Diyos ay kakaladkarin.
29 Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Diyos,
    at ang manang itinakda sa kanya ng Diyos.”

Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama

21 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,

“Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
    at ito'y maging kaaliwan ninyo.
Pagtiisan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita,
    at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay saka kayo manuya.
Sa ganang akin, ang sumbong ko ba ay laban sa tao?
    Bakit hindi ako dapat mainip?
Tingnan ninyo ako, at manghilakbot kayo,
    at ilagay ninyo ang inyong kamay sa bibig ninyo.
Kapag ito'y aking naaalala ay nanlulumo ako,
    at nanginginig ang laman ko.
Bakit nabubuhay ang masama,
    tumatanda, at nagiging malakas sa kapangyarihan?
Ang kanilang mga anak ay matatag sa kanilang paningin,
    at nasa harapan ng kanilang mga mata ang kanilang supling.
Ligtas sa takot ang mga bahay nila,
    ang pamalo ng Diyos ay wala sa kanila.
10 Ang kanilang baka ay naglilihi nang walang humpay,
    ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kanyang guya.
11 Kanilang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan,
    at ang kanilang mga anak ay nagsasayawan.
12 Sila'y nag-aawitan sa saliw ng tamburin at lira,
    at nagkakatuwaan sa tunog ng plauta.
13 Ang kanilang mga araw sa kaginhawahan ay ginugugol,
    at sila'y payapang bumababa sa Sheol.
14 At sinasabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin!
    Hindi namin ninanasa na ang inyong mga lakad ay aming alamin.
15 Ano ang Makapangyarihan sa lahat, upang siya'y paglingkuran namin?
    At anong pakinabang ang makukuha namin, kung kami sa kanya ay manalangin?’
16 Narito, hindi ba ang kanilang kaginhawahan ay nasa kanilang kamay?
    Ang payo ng masama ay malayo sa akin.

17 “Gaano kadalas pinapatay ang ilaw ng masama?
    Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating sa kanila?
    Na ipinamamahagi ng Diyos ang sakit sa kanyang galit?
18 Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin,
    at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?
19 Inyong sinasabi, ‘Iniipon ng Diyos ang kanilang kasamaan para sa kanyang mga anak.’
    Iganti nawa niya sa kanilang sarili, upang ito'y malaman nila.
20 Makita nawa ng kanilang mga mata ang kanilang pagkagiba,
    at painumin nawa sila ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.
21 Sapagkat anong pinapahalagahan nila para sa kanilang bahay pagkamatay nila,
    kapag ang bilang ng kanilang mga buwan ay natapos na?
22 May makakapagturo ba sa Diyos ng kaalaman?
    Gayong ang nasa itaas ay kanyang hinahatulan?
23 Ang isa'y namamatay sa kanyang lubos na kasaganaan,
    ganap na matatag at may katiwasayan.
24 Ang kanyang katawan ay punô ng taba,
    at ang utak ng kanyang mga buto ay basa.
25 At ang isa pa'y namatay sa paghihirap ng kaluluwa,
    at kailanman ay hindi nakatikim ng mabuti.
26 Sila'y nakahigang magkasama sa alabok,
    at tinatakpan sila ng uod.

27 “Tingnan mo, aking nalalaman ang inyong haka,
    at ang inyong mga balak na gawan ako ng masama.
28 Sapagkat inyong sinasabi, ‘Saan naroon ang bahay ng pinuno?
    At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?’
29 Sa mga naglalakbay sa lansangan ay di ba itinanong ninyo?
    At hindi ba ninyo tinatanggap ang kanilang mga patotoo?
30 Na ang masamang tao ay kaaawaan sa araw ng kapahamakan?
    Na siya'y ililigtas sa araw ng kapootan?
31 Sinong magpapahayag ng kanyang lakad sa kanyang mukha?
    At sinong maniningil sa kanya sa kanyang ginawa?
32 Kapag siya'y dinala sa libingan,
    ay binabantayan ang kanyang himlayan.
33 Ang mga kimpal ng lupa ng libis ay mabuti sa kanya;
    lahat ng tao ay susunod sa kanya,
    at hindi mabilang ang mga nauna sa kanya.
34 Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan?
    Walang naiiwan sa inyong mga sagot kundi kabulaanan.”

Ang Paratang ni Elifaz kay Job

22 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,

“Mapapakinabangan(G) ba ng Diyos ang isang tao?
    Tunay na kapaki-pakinabang sa kanyang sarili ang matalino.
May kasiyahan ba sa Makapangyarihan sa lahat kung matuwid ka?
    O kapag pinasasakdal mo ang iyong mga lakad ay may pakinabang ba siya?
Dahil ba sa iyong takot sa kanya na ikaw ay sinasaway niya,
    at pumapasok siya sa paghuhukom na kasama ka?
Hindi ba malaki ang iyong kasamaan?
    Mga kasamaan mo'y walang hangganan.
Sapagkat kumuha ka ng sangla sa iyong kapatid kapalit ng wala,
    ang hubad ay hinubaran mo ng kasuotan nila.
Hindi ka nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom,
    at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
Ang makapangyarihang tao ang nagmay-ari ng lupa;
    at tumahan doon ang taong pinagpala.
Ang mga babaing balo ay pinaalis mong walang dala,
    at nadurog ang mga kamay ng mga ulila.
10 Kaya't ang mga silo ay nasa palibot mo,
    at biglang takot ang sumasaklot sa iyo,
11 dumilim ang iyong ilaw, anupa't hindi ka makakita,
    at tinatabunan ka ng tubig-baha.

12 “Hindi ba ang Diyos ay nasa itaas ng kalangitan?
    Masdan mo ang pinakamataas na mga bituin, sila'y napakaringal!
13 At iyong sinasabi, ‘Ano bang nalalaman ng Diyos?
    Makakahatol ba siya sa kadilimang lubos?
14 Makakapal na ulap ang bumabalot sa kanya, kaya't hindi siya nakakakita;
    sa balantok ng langit ay lumalakad siya!’
15 Mananatili ka ba sa dating daan,
    na ang masasamang tao'y ito ang nilakaran?
16 Sila'y inagaw bago dumating ang kapanahunan nila;
    ang kanilang patibayan ay nadala ng baha.
17 Sinabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin;’
    at, ‘Anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?’
18 Gayunma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mabubuting bagay—
    ngunit ang payo ng masama ay malayo sa akin.
19 Nakikita ito ng matutuwid at sila'y natutuwa;
    at tinatawanan sila ng walang sala na may pangungutya,
20 na nagsasabi, ‘Tiyak na malilipol ang ating mga kalaban,
    at tinupok ng apoy ang sa kanila'y naiwan.’

21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, at ikaw ay mapapayapa;
    at ang mabuti ay darating sa iyo.
22 Iyong tanggapin ang turo mula sa kanyang bibig,
    at ilagak mo ang kanyang mga salita sa iyong puso.
23 Kapag ikaw ay manunumbalik sa Makapangyarihan sa lahat, at magpapakumbaba ka,
    kung iyong ilalayo ang kasamaan mula sa iyong mga tolda,
24 kapag inilagay mo ang ginto sa alabok,
    at ang ginto ng Ofir sa gitna ng mga bato ng mga batis,
25 at kung ang iyong ginto ay ang Makapangyarihan sa lahat,
    at siyang iyong mahalagang pilak,
26 kung gayo'y magagalak ka sa Makapangyarihan sa lahat,
    at ang iyong mukha sa Diyos ay iyong itataas.
27 Ikaw ay dadalangin sa kanya, at kanyang diringgin ka;
    at iyong tutuparin ang iyong mga panata.
28 Ikaw ay magpapasiya ng isang bagay, at iyon ay matatatag para sa iyo;
    at ang liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
29 Sapagkat ibinababa ng Diyos ang mapagmataas,[b]
    ngunit ang mapagpakumbaba ay kanyang inililigtas.
30 Kanyang ililigtas ang taong walang kasalanan;
    maliligtas ka sa pamamagitan ng kalinisan ng iyong mga kamay.”

Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan

23 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,

“Ang aking sumbong ngayo'y mapait[c] din,
    ang kamay niya'y mabigat sa kabila ng aking pagdaing.
O kung alam ko lamang kung saan ko siya matatagpuan,
    upang ako'y makalapit maging sa kanyang upuan!
Ilalagay ko ang aking usapin sa kanyang harapan,
    at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.
Malalaman ko kung ano ang kanyang isasagot sa akin,
    at mauunawaan ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin.
Makikipagtalo ba siya sa akin sa laki ng kanyang kapangyarihan?
    Hindi; kundi ako'y kanyang papakinggan.
Makakapangatuwiran sa kanya ang matuwid doon;
    at ako'y pawawalang-sala magpakailanman ng aking hukom.

“Ako'y lumalakad pasulong ngunit wala siya roon;
    at pabalik, ngunit hindi ko siya maunawaan;
sa kaliwa ay hinahanap ko siya, ngunit hindi ko siya namataan,
    bumaling ako sa kanan, ngunit hindi ko siya mamasdan.
10 Ngunit nalalaman niya ang daang nilalakaran ko;
    kapag ako'y kanyang nasubok, ay lalabas akong parang ginto.
11 Lubos na sumunod sa kanyang mga hakbang ang mga paa ko,
    ang kanyang landas ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.
12 Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kanyang mga labi;
    pinagyaman ko ang mga salita ng kanyang bibig sa aking dibdib.
13 Ngunit siya'y hindi nagbabago, at sinong makakahimok sa kanya?
    Kung ano ang kanyang ninanasa, iyon ang kanyang ginagawa.
14 Sapagkat kanyang lulubusin ang itinakda niya para sa akin;
    at maraming gayong mga bagay ang nasa kanyang isipan.
15 Kaya't sa kanyang harapan ako'y nanghihilakbot;
    kapag aking binubulay, sa kanya ako'y natatakot.
16 Pinapanlupaypay ng Diyos ang aking puso,
    tinakot ako ng Makapangyarihan sa lahat;
17 gayunma'y hindi ako inihiwalay sa kadiliman,
    at takpan ng makapal na kadiliman ang mukha ko!

Idinaing ni Job ang Ginagawa ng Masama

24 “Bakit hindi tinutupad ng Makapangyarihan sa lahat ang mga kapanahunan?
    At bakit hindi nakikita ng mga nakakakilala sa kanya ang kanyang mga araw?
Inaalis ng mga tao ang mga palatandaang bato,
    hinuhuli nila ang mga kawan, at ipinapastol ang mga ito.
Kanilang itinataboy ang asno ng ulila,
    kinukuha nila ang baka ng babaing balo bilang sangla.
Kanilang itinataboy sa lansangan ang dukha;
    nagkukubling magkakasama ang mga maralita sa lupa.
Gaya ng mababangis na asno sa ilang
    sila'y humahayo patungo sa kanilang gawain,
na naghahanap sa ilang ng mabibiktima
    bilang pagkain para sa mga anak nila.
Sila'y nagsisiani sa bukid na hindi kanila;
    at sila'y namumulot sa ubasan ng masama.
Sila'y hubad na nakahiga buong magdamag na walang kasuotan,
    at sila'y walang saplot laban sa ginaw.
Sila'y basa ng ulan sa mga kabundukan,
    at yumayakap sa bato sa paghahanap ng makakanlungan.

(May mga umaagaw ng ulila mula pa sa suso ng ina,
    at kinukuhang sangla ang sanggol ng dukha.)
10 Sila'y humahayong hubad, walang damit,
    bagaman gutom, dinadala nila ang mga bigkis;
11 mula sa mga hanay ng olibo, sila'y gumagawa ng langis,
    sila'y nagpipisa sa pisaan ng ubas, subalit sa uhaw sila'y nagtitiis.
12 Mula sa lunsod ay dumadaing ang naghihingalo,
    at ang kaluluwa ng sugatan ay humihingi ng saklolo,
    gayunma'y hindi pinapansin ng Diyos ang kanilang pagsamo.

13 “May mga naghihimagsik laban sa liwanag;
    na hindi nakakaalam ng mga daan niyon,
    at hindi nananatili sa mga landas niyon.
14 Ang mamamatay-tao ay bumabangon sa bukang-liwayway
    upang mapatay niya ang dukha at nangangailangan;
    at sa gabi naman ay gaya siya ng magnanakaw.
15 Ang mata ng mangangalunya ay naghihintay rin ng takipsilim,
    na nagsasabing, ‘Walang matang makakakita sa akin;’
    at siya'y nagbabalatkayo ng kanyang mukha.
16 Sa dilim ay naghuhukay sila sa mga bahay;
    sila'y nagkukulong sa sarili kapag araw;
    ang liwanag ay hindi nila nalalaman.
17 Sapagkat ang pusikit na kadiliman ay umaga para sa kanilang lahat,
    sapagkat sila'y kaibigan ng pusikit na kadilimang nakakasindak.

18 “Inyong sinasabi, ‘Sa ibabaw ng tubig sila'y matuling dinadala,
    ang kanilang bahagi ay sinumpa sa lupa;
    walang mamimisa na babalik sa mga ubasan nila.
19 Inaagaw ng tagtuyot at init ang tubig ng niyebe,
    gayundin ang ginagawa ng Sheol sa mga nagkasala.
20 Kalilimutan sila ng sinapupunan,
    para sa bulati'y matamis silang matatagpuan,
hindi na maaalala ang kanilang pangalan,
    kaya't babaliing parang punungkahoy ang kasamaan.’
21 “Ginagawan ng masama ang hindi nanganganak na babae,
    at ang babaing balo ay hindi ginagawan ng mabuti.
22 Ngunit pinahahaba ng Diyos[d] ang buhay ng malakas sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan;
    sila'y bumabangon ngunit walang katiyakan sa buhay.
23 Pinagkakalooban niya sila ng katiwasayan, at sila'y inaalalayan;
    at ang kanyang mga mata ay nasa kanilang mga daanan.
24 Sila'y itinaas nang ilang sandali, at pagkatapos ay wala na.
    At sila'y nalalanta at kumukupas na gaya ng lahat ng mga iba,
    sila'y pinuputol na gaya ng mga uhay.
25 Kung hindi gayon, sinong magpapatunay na ako'y bulaan,
    at magpapakita na ang sinasabi ko'y walang kabuluhan?”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001