Bible in 90 Days
Ang Mensahe ni Jeremias tungkol sa mga Propeta
9 Tungkol sa mga propeta:
Ang puso ko ay wasak sa aking kalooban,
lahat ng aking mga buto ay nanginginig;
ako'y gaya ng taong lasing,
gaya ng taong dinaig ng alak,
dahil sa Panginoon,
at dahil sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat ang lupain ay punô ng mga mangangalunya;
dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain;
at ang mga pastulan sa ilang ay natuyo.
At ang kanilang lakad ay masama,
at ang kanilang lakas ay hindi tama.
11 “Sapagkat parehong marumi ang propeta at ang pari;
maging sa aking bahay ay natagpuan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.
12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging
parang madudulas na landas sa kanila,
sila'y itataboy sa kadiliman at mabubuwal doon;
sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila,
sa taon ng pagpaparusa sa kanila, sabi ng Panginoon.
13 At sa mga propeta ng Samaria
ay nakakita ako ng kasuklamsuklam na bagay;
sila'y nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
at iniligaw ang aking bayang Israel.
14 Ngunit(A) sa mga propeta ng Jerusalem naman
ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay:
sila'y nangangalunya at lumalakad sa mga kasinungalingan;
pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
anupa't walang humihiwalay sa kanyang kasamaan:
Silang lahat sa akin ay naging tulad ng Sodoma,
at ang mga naninirahan doon, sa akin ay tulad ng Gomorra.”
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta:
“Narito, pakakainin ko sila ng halamang mapait,
at binibigyan ko sila ng tubig na may lason upang inumin;
sapagkat mula sa mga propeta ng Jerusalem
ay lumaganap ang karumihan sa buong lupain.”
16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nagpapahayag sa inyo na kayo'y pinupuno ng mga walang kabuluhang pag-asa. Sila'y nagsasalita ng pangitain mula sa kanilang sariling isipan, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.
17 Patuloy nilang sinasabi sa mga humahamak sa akin, sinabi ng Panginoon, ‘Magkakaroon kayo ng kapayapaan’; at sa bawat isa na may katigasang sumusunod sa kanyang sariling puso ay sinasabi nila, ‘Walang kasamaang darating sa inyo.’”
18 Sapagkat sino ang tumayo sa sanggunian ng Panginoon,
upang malaman at pakinggan ang kanyang salita,
o sinong pumansin sa kanyang salita at nakinig?
19 Narito, ang bagyo ng Panginoon
sa poot ay lumabas,
isang paikut-ikot na unos;
ito'y sasabog sa ulo ng masama.
20 Ang galit ng Panginoon ay hindi babalik,
hanggang sa kanyang maigawad at maisagawa
ang mga layunin ng kanyang pag-iisip.
Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito nang maliwanag.
21 “Hindi ko sinugo ang mga propeta,
gayunma'y nagsitakbo sila;
ako'y hindi nagsalita sa kanila,
gayunma'y nagpahayag sila ng propesiya.
22 Ngunit kung sila'y tumayo sa aking sanggunian,
kanila sanang naipahayag ang aking mga salita sa aking bayan,
at kanila sanang naihiwalay sila sa kanilang masamang lakad,
at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.
23 “Ako ba'y Diyos lamang sa malapit at hindi sa malayo? sabi ng Panginoon.
24 Makapagtatago ba ang isang tao sa mga lihim na dako upang hindi ko siya makita? sabi ng Panginoon. Hindi ba pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.
25 Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga propeta na nagpahayag ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip!’
26 Hanggang kailan magkakaroon ng kasinungalingan sa puso ng mga propeta na nagpapahayag ng mga kasinungalingan at ng daya ng kanilang sariling puso,
27 na nag-aakalang ipalilimot sa aking bayan ang aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasabi nila sa isa't isa, gaya ng kanilang mga ninuno na lumimot sa aking pangalan dahil kay Baal?
28 Hayaang ang propeta na may panaginip ay isalaysay ang panaginip; ngunit siya na may taglay ng aking salita ay bigkasin niya ang aking salita na may katapatan. Anong pagkakahawig mayroon ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon.
29 Hindi ba ang aking salita ay parang apoy at parang maso na dumudurog ng bato? sabi ng Panginoon.
30 Kaya't ako'y laban sa mga propeta na ninanakaw ang aking mga salita sa kanyang kapwa, sabi ng Panginoon.
31 Ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na ginagamit ang kanilang mga dila at nagsasabi, ‘Sinasabi ng Panginoon.'
32 Ako'y laban sa kanila na ang propesiya ay mga sinungaling na panaginip na nagsasalaysay ng mga iyon, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan at kawalang-ingat, gayong hindi ko sila sinugo, o inatasan man sila. Kaya't wala silang anumang pakinabang na dulot sa bayang ito, sabi ng Panginoon.
Ang Pasanin ng Panginoon
33 “Kapag isa sa sambayanang ito, o isang propeta, o isang pari ang magtanong sa iyo, ‘Ano ang pasanin ng Panginoon?’ sasabihin mo sa kanila, ‘Kayo ang pasanin,[a] at itatakuwil ko kayo, sabi ng Panginoon.’
34 At tungkol sa propeta, pari, o isa sa taong-bayan, na magsasabi, ‘Ang pasanin ng Panginoon,’ ay parurusahan ko ang lalaking iyon at ang kanyang sambahayan.
35 Ganito ang sasabihin ng bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa, at ng bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Ano ang isinagot ng Panginoon?’ o kaya, ‘Ano ang sinabi ng Panginoon?’
36 Ngunit ‘ang pasanin ng Panginoon’ ay huwag na ninyong babanggitin pa, sapagkat ang pasanin ay ang salita ng bawat tao, at inyong minamali ang mga salita ng Diyos na buháy, ng Panginoon ng mga hukbo, na ating Diyos.
37 Ganito ang iyong sasabihin sa propeta, ‘Ano ang isinagot sa iyo ng Panginoon?’ at, ‘Ano ang sinabi ng Panginoon?’
38 Ngunit kung inyong sabihin, ‘Ang pasanin ng Panginoon’; ganito nga ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat inyong sinabi ang mga salitang ito, “Ang pasanin ng Panginoon,” gayong ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, “Huwag ninyong sasabihin, ‘Ang pasanin ng Panginoon,’”
39 kaya't tiyak na bubuhatin ko kayo at itatapon mula sa aking harapan, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.
40 At dadalhan ko kayo ng walang hanggang pagkutya, at walang katapusang kahihiyan na hindi malilimutan.’”
Ang Dalawang Basket ng Igos
24 Pagkatapos(B) na madalang-bihag ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, mula sa Jerusalem si Jeconias na anak ni Jehoiakim, hari ng Juda, kasama ang mga pinuno ng Juda, ang mga manggagawa at mga panday, at dalhin sila sa Babilonia, ipinakita sa akin ng Panginoon ang pangitaing ito: May dalawang basket na igos na nakalagay sa harap ng templo ng Panginoon.
2 Ang isang basket ay mayroong napakagagandang igos, gaya ng mga unang hinog ng igos, ngunit ang isa namang basket ay may mga napakasamang igos, anupa't hindi iyon makakain dahil sa kabulukan.
3 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Anong nakikita mo, Jeremias?” Aking sinabi, “Mga igos. Ang magagandang igos ay napakaganda, at ang masasama ay napakasama, anupa't hindi makakain ang mga iyon dahil sa kabulukan.”
4 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
5 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Gaya ng mabubuting igos na ito, gayon ko ituturing na mabuti ang mga bihag mula sa Juda na aking pinaalis mula sa dakong ito patungo sa lupain ng mga Caldeo.
6 Sapagkat itutuon ko ang aking paningin sa kanila para sa ikabubuti, at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Itatayo ko sila, at hindi ko sila gigibain. Itatanim ko sila, at hindi ko sila bubunutin.
7 Bibigyan ko sila ng puso na kikilala sa akin, sapagkat ako ang Panginoon, at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos sapagkat sila'y manunumbalik sa akin nang buong puso nila.
8 “Ngunit ganito ang sinasabi ng Panginoon: tulad ng masasamang igos na sa kasamaan ay hindi makakain, gayon ko ituturing si Zedekias na hari ng Juda, ang kanyang mga pinuno, ang nalabi sa Jerusalem na nanatili sa lupaing ito, at ang naninirahan sa lupain ng Ehipto.
9 Gagawin ko silang kasuklamsuklam sa lahat ng mga kaharian sa lupa, upang maging kahiyahiya, usap-usapan, tampulan ng panunuya at sumpa sa lahat ng dakong aking pagtatabuyan sa kanila.
10 Magpapadala ako ng tabak, taggutom, at ng salot, hanggang sa sila'y lubos na malipol sa lupain na ibinigay ko sa kanila at sa kanilang mga ninuno.”
Ang Kaaway mula sa Hilaga
25 Ang(C) salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong sambayanan ng Juda, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda (iyon din ang unang taon ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia),
2 na binigkas ni Jeremias na propeta sa buong sambayanan ng Juda, at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem, na sinasabi,
3 “Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula nang ikalabintatlong taon ni Josias, na anak ni Amon, na hari ng Juda, hanggang sa araw na ito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at ako'y matiyagang nagsalita sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig.
4 Hindi kayo nakinig ni ikiniling man ang inyong mga tainga upang makinig bagaman patuloy na sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang mga lingkod na propeta,
5 na nagsasabi, ‘Bawat isa sa inyo ay tumalikod mula sa kanyang masamang lakad at masasamang mga gawa, at kayo'y mananatili sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno, mula nang una at hanggang sa magpakailanman.
6 Huwag kayong sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, o galitin ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay. Kung gayo'y hindi ko kayo gagawan ng masama!’
7 Gayunma'y hindi kayo nakinig sa akin, sabi ng Panginoon; kaya't ginalit ninyo ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay tungo sa inyong sariling kapahamakan.
8 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang aking mga salita,
9 tatawagin ko ang lahat ng mga lipi sa hilaga, at si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang aking lingkod. Dadalhin ko sila laban sa lupaing ito at sa mga mamamayan nito, at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot. Ganap ko silang lilipulin, at gagawin ko silang kasuklamsuklam, pagsisitsitan at isang walang hanggang kakutyaan,[b] sabi ng Panginoon.
10 Bukod(D) dito'y papawiin ko sa kanila ang tinig ng kasayahan at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang ingay ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.
11 Ang(E) buong lupaing ito ay magiging guho at katatakutan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon.
12 At pagkalipas ng pitumpung taon, parurusahan ko ang hari ng Babilonia at ang bansang iyon, ang lupain ng mga Caldeo, dahil sa kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon, at gagawin ko iyong wasak magpakailanman.
13 Dadalhin ko sa lupaing iyon ang lahat ng mga salitang aking binitiwan laban doon, ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito na inihayag ni Jeremias laban sa lahat ng mga bansa.
14 Sapagkat gagawin din silang mga alipin ng maraming bansa at mga dakilang hari, at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga gawa, at sa gawa ng kanilang mga kamay.”
Ang Saro ng Alak ng Kabagsikan ay Inihandog sa Lahat ng Bansa
15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, sa akin, “Kunin mo sa aking kamay itong saro ng alak ng poot, at painumin mo ang lahat ng bansa na pinagsuguan ko sa iyo.
16 Sila'y iinom at magpapagiray-giray, at mauulol dahil sa tabak na aking ibibigay sa kanila.”
17 Kaya't kinuha ko ang saro mula sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat ng mga bansang pinagsuguan sa akin ng Panginoon:
18 ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda, ang mga hari at mga pinuno nito, upang gawin silang giba, katatakutan, kakutyaan at sumpa gaya ng sa araw na ito;
19 Si Faraon na hari ng Ehipto, ang kanyang mga lingkod, mga pinuno, at ang buong sambayanan niya;
20 at ang lahat ng mga dayuhang kasama nila, ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, (Ascalon, Gaza, at ang Ekron, at ang nalabi sa Asdod);
21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon;
22 lahat ng mga hari ng Tiro, lahat ng mga hari ng Sidon, at ang mga hari sa baybayin sa kabila ng dagat;
23 ang Dedan, Tema, Buz, at ang lahat ng nagpuputol ng mga sulok ng kanilang buhok;
24 lahat ng mga hari ng Arabia at ang lahat ng mga hari ng halu-halong lipi na naninirahan sa disyerto;
25 lahat ng mga hari ng Zimri, lahat ng mga hari ng Elam, lahat ng mga hari ng Media;
26 lahat ng mga hari sa hilaga, malayo at malapit, na magkakasunod; at ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, na nasa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nila ang hari ng Sheshach[c] ay iinom.
27 “At iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo'y uminom, magpakalasing, at magsuka. Mabuwal kayo at huwag nang bumangon pa, dahil sa tabak na aking ibibigay sa inyo.’
28 “At kung ayaw nilang tanggapin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kailangang uminom kayo!
29 Sapagkat narito, ako'y nagsisimulang gumawa ng kasamaan sa lunsod na tinatawag sa aking pangalan, at kayo ba'y aalis na hindi mapaparusahan? Kayo'y tiyak na parurusahan sapagkat ako'y tumatawag ng tabak laban sa lahat ng naninirahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’
30 “Kaya ikaw ay magsasalita ng mga salitang propesiyang ito laban sa kanilang lahat at sabihin mo sa kanila:
‘Ang Panginoon ay dadagundong mula sa itaas,
at ilalakas ang kanyang tinig mula sa kanyang banal na tahanan;
siya'y uungol nang malakas laban sa kanyang kawan;
siya'y sisigaw, gaya ng mga pumipisa ng ubas,
laban sa lahat ng naninirahan sa lupa.
31 Ang ingay ay aabot hanggang sa mga dulo ng lupa;
sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga bansa,
siya'y pumapasok sa paghatol kasama ng lahat ng laman.
Tungkol sa masasama, sila'y ibibigay niya sa tabak, sabi ng Panginoon.’
32 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Narito, ang kasamaan ay lumalaganap sa mga bansa
at isang malakas na bagyo ay namumuo
mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig!
33 “At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo. Sila'y hindi tataghuyan, o titipunin, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.
34 “Humagulhol kayo, mga pastol, at sumigaw;
at gumulong kayo sa abo, kayong mga panginoon ng kawan;
sapagkat ang mga araw ng pagkatay sa inyo at pangangalat ninyo ay dumating na,
at kayo'y babagsak na parang piling sisidlan.
35 Walang daang matatakbuhan ang mga pastol,
o pagtakas man para sa mga panginoon ng kawan.
36 Pakinggan ninyo ang sigaw ng mga pastol,
at ang hagulhol ng mga panginoon ng kawan!
Sapagkat sinisira ng Panginoon ang kanilang pastulan,
37 at ang payapang mga kulungan ay nasasalanta
dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.
38 Gaya ng leon ay iniwan niya ang kanyang kublihan,
sapagkat ang kanilang lupain ay nasira
dahil sa tabak ng manlulupig,
at dahil sa kanyang mabangis na galit.”
Ang Mensahe sa Bulwagan ng Templo
26 Nang(F) pasimula ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, dumating ang salitang ito mula sa Panginoon, na sinasabi:
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Tumayo ka sa bulwagan ng bahay ng Panginoon at sabihin mo sa lahat ng mga lunsod ng Juda na dumarating upang sumamba sa bahay ng Panginoon ang lahat ng salita na iniutos ko sa iyo na sabihin sa kanila. Huwag kang magbawas ng kahit isang salita.
3 Marahil ay makikinig sila, at bawat tao ay tatalikod sa kanyang masamang lakad; upang baguhin ko ang aking isip tungkol sa kasamaan na aking pinanukalang gawin dahil sa kanilang masasamang gawa.
4 Sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung hindi kayo makikinig sa akin, upang lumakad sa aking kautusan na aking inilagay sa harapan ninyo,
5 at pakinggan ang mga salita ng aking mga lingkod na propeta, na kaagad kong sinugo, bagama't hindi ninyo pinakinggan,
6 ay(G) akin ngang gagawing gaya ng Shilo ang bahay na ito, at gagawin kong sumpa ang lunsod na ito para sa lahat ng mga bansa sa lupa.’”
7 At narinig ng mga pari, ng mga propeta, at ng buong bayan si Jeremias na nagsasalita ng mga salitang ito sa bahay ng Panginoon.
Nilitis si Jeremias
8 Nang matapos si Jeremias sa pagsasalita ng lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya na sabihin sa buong bayan, dinakip siya ng mga pari, ng mga propeta, at ng buong bayan, na sinasabi, “Ikaw ay tiyak na mamamatay!
9 Bakit ka nagsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, na iyong sinasabi, ‘Ang bahay na ito ay magiging gaya ng Shilo, at ang lunsod na ito ay mawawasak, na walang maninirahan?’” At ang lahat ng taong-bayan ay pumalibot kay Jeremias sa bahay ng Panginoon.
10 Nang mabalitaan ng mga pinuno ng Juda ang mga bagay na ito, sila'y umakyat sa bahay ng Panginoon mula sa bahay ng hari at sila'y umupo sa pasukan ng Bagong Pintuan ng bahay ng Panginoon.
11 Nang magkagayo'y nagsalita ang mga pari at ang mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, na sinasabi, “Ang taong ito ay nararapat sa hatol na kamatayan, sapagkat siya'y nagsalita ng propesiya laban sa lunsod na ito, gaya nang narinig ng inyong mga pandinig.”
12 Pagkatapos ay nagsalita si Jeremias sa lahat ng pinuno at sa buong bayan, na sinasabi, “Sinugo ako ng Panginoon upang magsalita ng propesiya laban sa bahay na ito at laban sa lunsod na ito ng lahat ng mga salita na inyong narinig.
13 Kaya't ngayo'y baguhin ninyo ang inyong mga lakad at mga gawa, at sundin ninyo ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos; at babaguhin ng Panginoon ang kanyang isip tungkol sa kasamaan na kanyang ipinahayag laban sa inyo.
14 Ngunit tungkol sa akin, narito, ako'y nasa inyong kamay. Gawin ninyo sa akin ang inaakala ninyong mabuti at matuwid sa inyo.
15 Tandaan lamang ninyo na kapag ako'y inyong pinatay, kayo'y magdadala ng walang salang dugo sa inyong sarili at sa lunsod na ito at sa mga mamamayan nito, sapagkat totoong sinugo ako ng Panginoon sa inyo upang sabihin ang lahat ng mga salitang ito sa inyong mga pandinig.”
16 At sinabi ng mga pinuno at ng buong bayan sa mga pari at sa mga propeta, “Ang taong ito ay hindi nararapat sa hatol na kamatayan, sapagkat siya'y nagsalita sa atin sa pangalan ng Panginoon nating Diyos.”
17 Ang ilan sa matatanda ng lupain ay tumindig at nagsalita sa buong kapulungan ng bayan, na nagsasabi,
18 “Si(H) Micaias na Morastita ay nagsalita ng propesiya sa mga araw ni Hezekias na hari ng Juda, at sinabi sa buong bayan ng Juda: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
Ang Zion ay aararuhing parang bukid;
ang Jerusalem ay magiging bunton ng mga guho
at ang bundok ng bahay ay magiging mataas na dako ng isang gubat.’
19 Ipinapatay ba siya ni Hezekias na hari ng Juda at ng buong Juda? Hindi ba't natakot siya sa Panginoon at hiniling ang lingap ng Panginoon, at hindi ba't nagbago ng isip ang Panginoon tungkol sa kasamaan na kanyang ipinahayag laban sa kanila? Ngunit malapit na tayong magdala ng malaking kasamaan laban sa ating mga sarili.”
20 May isa pang lalaki na nagsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, si Urias na anak ni Shemaya na taga-Kiryat-jearim. Siya'y nagsalita ng propesiya laban sa lupaing ito sa mga salitang katulad ng kay Jeremias.
21 Nang marinig ni Haring Jehoiakim at ng lahat niyang mga mandirigma, at mga pinuno ang kanyang mga salita, pinagsikapan ng hari na ipapatay siya. Ngunit nang ito'y marinig ni Urias, siya'y natakot, tumakbo, at tumakas patungong Ehipto.
22 At si Haring Jehoiakim ay nagsugo ng mga tauhan sa Ehipto, sina Elnatan na anak ni Acbor, at ilan pang mga kasama niya.
23 Kanilang kinuha si Urias sa Ehipto, at dinala siya kay Haring Jehoiakim, na pumatay sa kanya sa pamamagitan ng tabak at itinapon ang kanyang bangkay sa mga libingan ng karaniwang tao.
24 Ngunit ang kamay ni Ahikam na anak ni Safan ay sumasa kay Jeremias, anupa't hindi siya naibigay sa mga kamay ng taong-bayan upang patayin.
Nagsuot ng Pamatok si Jeremias
27 Nang(I) pasimula ng paghahari ni Zedekias[d] na anak ni Josias, hari ng Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin: “Gumawa ka para sa iyo ng mga panggapos at mga pamatok, at ilagay mo sa iyong batok.
3 At magpasabi ka sa hari ng Edom, sa hari ng Moab, sa hari ng mga anak ni Ammon, sa hari ng Tiro, at sa hari ng Sidon, sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo na nagtungo sa Jerusalem kay Zedekias na hari ng Juda.
4 Ipagbilin mo para sa kanilang mga panginoon na sinasabi: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa inyong mga panginoon:
5 “Ako ang gumawa ng lupa, pati ng tao at hayop na nasa ibabaw ng lupa, sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan at nakaunat na bisig; at ibinibigay ko ito sa kaninumang marapatin ko.
6 Ngayon ay ibinigay ko ang lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nebukadnezar, ang hari ng Babilonia, na aking lingkod, at ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya.
7 Lahat ng mga bansa ay maglilingkod sa kanya, sa kanyang anak at sa kanyang apo, hanggang dumating ang panahon ng kanyang sariling lupain; at kung magkagayo'y gagawin siyang alipin ng maraming bansa at ng mga dakilang hari.
8 At mangyayari na alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at hindi maglalagay ng kanilang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia, parurusahan ko ang bansang iyon sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot, sabi ng Panginoon, hanggang sa malipol ko sila sa pamamagitan ng kanyang kamay.
9 Ngunit tungkol sa iyo, huwag kayong makinig sa inyong mga propeta, sa inyong mga manghuhula, sa inyong mga tagapanaginip, sa inyong mga salamangkero, o sa inyong mga manggagaway, na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, ‘Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia!’
10 Sapagkat kasinungalingan ang kanilang propesiya sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at palalayasin ko kayo at kayo'y malilipol.
11 Ngunit ang bansang maglalagay ng kanyang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia at maglilingkod sa kanya, ay hahayaan kong manatili sa kanyang sariling lupain, at kanilang bubungkalin iyon at maninirahan doon, sabi ng Panginoon.”’”
12 Kay Zedekias na hari ng Juda ay nagsalita ako ng mga ganito ring salita, na sinasabi, “Ipailalim ninyo ang inyong mga leeg sa pamatok ng hari ng Babilonia, at inyong paglingkuran siya at ang kanyang sambayanan, at kayo'y mabubuhay.
13 Bakit kayo mamamatay, ikaw at ang iyong bayan sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom at ng salot, gaya ng sinabi ng Panginoon tungkol sa bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia?
14 Kaya't huwag kayong makinig sa mga salita ng mga propeta na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, ‘Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia,’ sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo.
15 Hindi ko sila sinugo, sabi ng Panginoon, kundi sila'y nagsasalita ng propesiya na may kasinungalingan sa aking pangalan upang palayasin ko kayo at kayo'y malipol, kayo at ang mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo.”
16 Pagkatapos ay nagsalita ako sa mga pari at sa buong sambayanang ito, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kayong makinig sa mga salita ng inyong mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, ‘Narito, ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon ay malapit nang ibalik mula sa Babilonia,’ sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo.
17 Huwag kayong makinig sa kanila. Maglingkod kayo sa hari ng Babilonia, at kayo'y mabubuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito?
18 Kung sila'y mga propeta, at kung ang salita ng Panginoon ay nasa kanila, magsumamo sila ngayon sa Panginoon ng mga hukbo, upang ang mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem ay huwag mapapunta sa Babilonia.
19 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga haligi, sa tangke ng tubig,[e] tungkol sa mga patungan, at sa iba pang mga kagamitan na naiwan sa lunsod na ito,
20 na hindi tinangay ni Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, nang kanyang dalhing bihag mula sa Jerusalem hanggang sa Babilonia si Jeconias na anak ni Jehoiakim na hari ng Juda, pati ang lahat ng maharlika ng Juda at Jerusalem—
21 oo, ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga kagamitang naiwan sa bahay ng Panginoon, sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem:
22 Ang mga iyon ay dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na dalawin ko ang mga iyon, sabi ng Panginoon. Kung magkagayo'y ibabalik ko ang mga iyon at isasauli ko sa dakong ito.”
Si Propeta Jeremias at si Hananias
28 Nang(J) taon ding iyon, sa pasimula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, sa ikalimang buwan ng ikaapat na taon, si Hananias na anak ni Azur, ang propetang taga-Gibeon, ay nagsalita sa akin sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng mga pari at ng buong bayan, na nagsasabi,
2 “Ganito ang sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Binali ko ang pamatok ng hari ng Babilonia.
3 Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa dakong ito ang lahat ng kagamitan ng bahay ng Panginoon, na tinangay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa dakong ito, at dinala sa Babilonia.
4 Ibabalik ko rin sa dakong ito si Jeconias na anak ni Jehoiakim, na hari ng Juda, at ang lahat ng bihag mula sa Juda na pumunta sa Babilonia, sabi ng Panginoon, sapagkat aking babaliin ang pamatok ng hari ng Babilonia.”
5 Nang magkagayo'y nagsalita si propeta Jeremias kay Hananias na propeta sa harapan ng mga pari at ng buong bayan na nakatayo sa bahay ng Panginoon;
6 at sinabi ni propeta Jeremias, “Amen! Gayon nawa ang gawin ng Panginoon. Pagtibayin nawa ng Panginoon ang iyong mga salita na iyong ipinahayag, at ibalik sa lugar na ito mula sa Babilonia ang mga kagamitan ng bahay ng Panginoon, at ang lahat ng bihag.
7 Gayunma'y pakinggan ninyo ngayon ang mga salitang ito na sasabihin ko sa pandinig mo at sa pandinig ng buong bayan.
8 Ang mga propetang nauna sa akin at nauna sa iyo mula nang mga unang panahon ay nagsalita ng propesiya tungkol sa digmaan, taggutom, at salot laban sa maraming bansa at mga makapangyarihang kaharian.
9 Ang propeta na nagpapahayag ng kapayapaan, kapag ang salita ng propetang iyon ay naganap, kung gayon ang propetang iyon ay makikilalang tunay na sinugo ng Panginoon.”
10 Nang magkagayo'y kinuha ng propetang si Hananias ang mga pamatok mula sa leeg ng propetang si Jeremias, at binali ang mga iyon.
11 At si Hananias ay nagsalita sa harapan ng buong bayan, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Gayon ko babaliin ang pamatok ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa leeg ng lahat ng bansa sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos nito, si propeta Jeremias ay humayo sa kanyang lakad.
Ang Kamatayan ni Hananias
12 Pagkalipas ng ilang panahon pagkatapos na mabali ni propeta Hananias ang pamatok mula sa leeg ni propeta Jeremias, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias:
13 “Humayo ka at magsalita ka kay Hananias, na sinasabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Mga pamatok na kahoy ang iyong binali, ngunit pinalitan mo ang mga iyon ng mga pamatok na bakal.
14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y naglagay ng pamatok na bakal sa leeg ng lahat ng mga bansang ito upang sila'y maglingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sila'y maglilingkod sa kanya. At ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang!’”
15 At sinabi ng propetang si Jeremias kay Hananias na propeta, “Makinig ka, Hananias, hindi ka sinugo ng Panginoon, kundi iyong pinaasa ang bayang ito sa kasinungalingan.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: ‘Aalisin kita mula sa ibabaw ng lupa. Mamamatay ka sa taong ito, sapagkat ikaw ay nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon.’”
17 Sa ikapitong buwan nang taon ding iyon, namatay si propeta Hananias.
Ang Liham ni Jeremias sa mga Judio sa Babilonia
29 Ito(K) ang mga salita ng sulat na ipinadala ni propeta Jeremias mula sa Jerusalem sa nalabi sa mga matanda sa mga bihag, at sa mga pari, sa mga propeta, at sa lahat ng taong-bayan, na dinalang-bihag ni Nebukadnezar sa Babilonia mula sa Jerusalem.
2 Ito ay pagkatapos na makaalis sa Jerusalem si Haring Jeconias, at ang inang reyna, ang mga eunuko, ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, ang mga manggagawa at ang mga panday.
3 Ito ay ipinadala sa pamamagitan ng kamay ni Elasa na anak ni Safan, at ni Gemarias na anak ni Hilkias, na isinugo ni Zedekias na hari ng Juda kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na sinasabi,
4 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, sa lahat ng mga bihag na aking ipinadalang-bihag sa Babilonia mula sa Jerusalem:
5 Magtayo kayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon.
6 Magsipag-asawa kayo, at maging ama ng mga anak na lalaki at babae. Ikuha ninyo ng mga asawa ang inyong mga anak na lalaki, at inyong ibigay ang inyong mga anak na babae upang mag-asawa, upang magkaanak sila ng mga lalaki at mga babae. Magparami kayo roon at huwag mabawasan.
7 At inyong hanapin ang kapakanan ng lunsod na aking pinagdalhang-bihag sa inyo, at inyong idalangin iyon sa Panginoon, sapagkat sa kapakanan niyon ay magkakaroon kayo ng kapakanan.
8 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Huwag kayong padadaya sa inyong mga propeta at sa inyong mga manghuhula na kasama ninyo, huwag kayong makikinig sa mga panaginip na kanilang napapanaginip,
9 sapagkat kasinungalingan ang propesiya na sinasabi nila sa inyo sa aking pangalan, hindi ko sila sinugo, sabi ng Panginoon.
10 “Sapagkat(L) ganito ang sabi ng Panginoon: Kapag naganap na ang pitumpung taon para sa Babilonia, dadalawin ko kayo, at tutuparin ko sa inyo ang aking pangako, at ibabalik ko kayo sa dakong ito.
11 Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa.
12 At kayo'y tatawag sa akin, at kayo'y lalapit at dadalangin sa akin, at diringgin ko kayo.
13 Hahanapin(M) ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang inyong buong puso.
14 Ako'y inyong matatagpuan, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan at titipunin ko kayo mula sa lahat ng mga bansa at sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa inyo, sabi ng Panginoon. Ibabalik ko kayo sa dakong pinagkunan ko sa inyo tungo sa pagkabihag.
15 “Sapagkat inyong sinabi, ‘Ang Panginoon ay nagbangon para sa amin ng mga propeta sa Babilonia,’—
16 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari na nakaluklok sa trono ni David, at tungkol sa lahat ng taong-bayan na nakatira sa lunsod na ito, ang inyong mga kapatid na hindi nagsilabas na kasama ninyo sa pagkabihag:
17 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Narito, pararatingin ko sa kanila ang tabak, ang taggutom, at salot, at gagawin ko silang parang masasamang igos na hindi makain dahil sa kabulukan.
18 Hahabulin ko sila ng tabak, taggutom, at ng salot, at gagawin ko silang kakutyaan sa lahat ng kaharian sa lupa, upang maging isang sumpa at katatakutan, panunuya, at kahihiyan sa gitna ng lahat ng mga bansa na aking pinagtabuyan sa kanila;
19 sapagkat hindi nila pinakinggan ang aking mga salita, sabi ng Panginoon, na ako'y maagang bumangon na isinugo sa inyo sa pamamagitan ng mga lingkod kong mga propeta, ngunit ayaw ninyong makinig, sabi ng Panginoon’—
20 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na mga bihag, na aking itinaboy sa Babilonia mula sa Jerusalem:
21 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol kay Ahab na anak ni Kolaias, at tungkol kay Zedekias na anak ni Maasias na nagpapahayag ng kasinungalingan sa inyo sa aking pangalan: Ibibigay ko sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at kanyang papatayin sila sa inyong harapan.
22 Dahil sa kanila, ang sumpang ito ay gagamitin ng lahat ng bihag sa Juda na nasa Babilonia: “Gawin ka nawa ng Panginoon na gaya ni Zedekias at ni Ahab, na inihaw sa apoy ng hari ng Babilonia,”
23 sapagkat gumawa sila ng kahangalan sa Israel at sila'y nangalunya sa mga asawa ng kanilang mga kapwa, at bumigkas ng mga salita ng kasinungalingan sa aking pangalan na hindi ko iniutos sa kanila. Ako ang nakakaalam at ako'y saksi, sabi ng Panginoon!’”
24 Kay Shemaya na taga-Nehelam ay magsasalita ka, na sinasabi,
25 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat nagpadala ka ng mga sulat sa iyong sariling pangalan sa lahat ng taong nasa Jerusalem, at kay Sefanias na anak ng paring si Maasias, at sa lahat ng mga pari, na iyong sinasabi,
26 ‘Ginawa kang pari ng Panginoon sa halip na si Jehoiada na pari, upang mamahala sa bahay ng Panginoon sa bawat taong ulol na nagsasalita ng propesiya, upang iyong ilagay siya sa kulungan at tanikala.
27 Ngayon nga'y bakit hindi mo sinaway si Jeremias na taga-Anatot na nagsasalita ng propesiya sa inyo,
28 sapagkat nagpadala siya sa amin sa Babilonia na sinasabi, “Ang inyong pagkabihag ay magtatagal. Kayo'y magtayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at inyong kainin ang bunga ng mga iyon.”’”
29 Binasa ng paring si Sefanias ang sulat na ito sa pandinig ni Jeremias na propeta.
30 At dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na sinasabi,
31 “Ikaw ay magsugo sa lahat ng mga bihag, na iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam. Sapagkat nagpahayag si Shemaya sa inyo, gayong hindi ko siya sinugo, at pinaasa kayo sa kasinungalingan,
32 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, parurusahan ko si Shemaya na taga-Nehelam at ang kanyang lahi. Hindi siya magkakaroon ng sinuman na nabubuhay na kasama ng bayang ito na makakakita ng kabutihang gagawin ko sa aking bayan, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon,’” sabi ng Panginoon.
Mga Pangako ng Panginoon sa Kanyang Bayan
30 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng mga salita na aking sinabi sa iyo.
3 Sapagkat narito, ang mga araw ay dumarating na aking ibabalik ang mga kayamanan ng aking bayang Israel at Juda, sabi ng Panginoon. At ibabalik ko rin sila sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, at aangkinin nila ito.”
4 Ito ang mga salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda:
5 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Kami ay nakarinig ng sigaw ng pagkasindak,
ng takot, at walang kapayapaan.
6 Kayo'y magtanong ngayon, at inyong tingnan,
ang lalaki ba ay makakapanganak?
Kung gayo'y bakit nakikita ko ang bawat lalaki
na ang mga kamay ay nasa kanyang mga balakang na parang babaing manganganak?
Bakit ang bawat mukha ay namumutla?
7 Naku! Dakila ang araw na iyon,
at walang gaya niyon;
iyon ay panahon ng kaguluhan para kay Jacob;
gayunma'y maliligtas siya mula roon.
8 “At mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na aking babaliin ang pamatok mula sa kanilang[f] leeg, at aking lalagutin ang kanilang[g] mga gapos at hindi na sila aalipinin pa ng mga dayuhan.
9 Ngunit kanilang paglilingkuran ang Panginoon nilang Diyos at si David na kanilang hari, na aking ibabangon para sa kanila.
10 “Kaya't(N) huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon;
ni manlupaypay, O Israel;
sapagkat ililigtas kita mula sa malayo,
at ang iyong mga anak mula sa lupain ng kanilang pagkabihag.
Ang Jacob ay babalik at magkakaroon ng kapayapaan at kaginhawahan,
at walang tatakot sa kanya.
11 Sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng Panginoon;
lubos kong lilipulin ang lahat ng mga bansa
na kung saan ay ikinalat kita,
ngunit tungkol sa iyo ay hindi kita lubos na lilipulin.
Parurusahan kita nang makatarungang sukat,
walang pagsalang hindi kita iiwan na hindi napaparusahan.
12 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
Ang iyong sakit ay wala nang lunas,
at ang iyong sugat ay malubha.
13 Walang magtatanggol ng iyong panig,
walang gamot para sa iyong sugat,
hindi ka na gagaling!
14 Kinalimutan ka na ng lahat mong mangingibig;
wala na silang malasakit sa iyo;
sapagkat sinugatan kita ng sugat ng isang kaaway,
ng parusa ng isang malupit;
sapagkat malaki ang iyong paglabag,
at ang iyong mga kasalanan ay napakarami.
15 Bakit iniiyakan mo ang iyong sakit?
Ang iyong karamdaman ay wala nang lunas.
Sapagkat malaki ang iyong paglabag,
at ang iyong mga kasalanan ay napakarami,
na ginawa ko ang mga bagay na ito sa iyo.
16 Kaya't silang lahat na lumalamon sa iyo ay lalamunin,
at lahat mong mga kaaway, bawat isa sa kanila ay pupunta sa pagkabihag;
silang nananamsam sa iyo ay magiging samsam,
at lahat ng sumisila sa iyo ay ibibigay ko upang masila.
17 Sapagkat panunumbalikin ko sa iyo ang kalusugan,
at pagagalingin ko ang iyong mga sugat, sabi ng Panginoon;
sapagkat tinawag ka nilang isang itinakuwil:
‘Ito ang Zion, walang nagmamalasakit sa kanya!’
18 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Narito, ibabalik ko ang mga kayamanan ng mga tolda ni Jacob,
at kahahabagan ko ang kanyang mga tirahan;
ang lunsod ay muling itatayo sa kanyang lugar,
at ang palasyo ay tatayo sa dati niyang kinalalagyan.
19 Buhat sa kanila ay magmumula ang mga awit ng pasasalamat,
at ang mga tinig ng mga nagdiriwang.
Pararamihin ko sila, at sila'y hindi mababawasan;
akin silang pararangalan, at sila'y hindi magiging hamak.
20 Ang kanilang mga anak ay magiging gaya nang una,
at ang kanilang kapulungan ay matatatag sa harapan ko,
at parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa kanila.
21 Ang kanilang pinuno ay magiging isa sa kanila,
at ang kanilang tagapamahala ay magmumula sa gitna nila;
palalapitin ko siya, at siya'y lalapit sa akin,
sapagkat sino ang mangangahas na lumapit sa akin? sabi ng Panginoon.
22 At kayo'y magiging aking bayan,
at ako'y magiging inyong Diyos.”
23 Narito, ang bagyo ng Panginoon!
Ang poot ay lumabas na,
isang paikut-ikot na unos;
ito ay sasabog sa ulo ng masama.
24 Ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi uurong
hanggang sa kanyang maigawad at hanggang maisagawa niya
ang balak ng kanyang isipan.
Sa mga huling araw ay inyong mauunawaan ito.
Ang Pagbabalik ng Israel
31 “Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ako ang magiging Diyos ng lahat ng angkan ni Israel, at sila'y magiging aking bayan.”
2 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang mga taong nakaligtas sa tabak
ay nakatagpo ng biyaya sa ilang;
nang ang Israel ay maghanap ng kapahingahan.
3 Ang Panginoon ay nagpakita sa kanya mula sa malayo.
Inibig kita ng isang walang hanggang pag-ibig,
kaya't ipinagpatuloy ko ang aking kagandahang-loob sa iyo.
4 Muli kitang itatayo, at ikaw ay muling maitatayo,
O birhen ng Israel!
Muli mong gagayakan ang iyong sarili ng mga tamburin,
at lalabas ka sa pagsasayaw ng mga nagsasaya.
5 Muli kang magtatanim ng mga ubasan
sa mga bundok ng Samaria;
ang mga tagapagtanim ay magtatanim,
at masisiyahan sa bunga.
6 Sapagkat magkakaroon ng araw na ang mga bantay ay sisigaw
sa mga burol ng Efraim:
‘Bangon, at tayo'y umahon sa Zion,
sa Panginoon nating Diyos.’”
7 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Umawit kayo nang malakas na may kagalakan para sa Jacob,
at magsihiyaw kayo dahil sa pinuno ng mga bansa;
magpahayag, magpuri, at magsabi,
‘O Panginoon, iligtas mo ang iyong bayan,
ang nalabi ng Israel.’
8 Narito, dadalhin ko sila mula sa hilagang lupain,
at titipunin ko sila mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig.
Kasama nila ang bulag at ang pilay,
ang babaing may anak at ang malapit nang manganak ay magkakasama;
isang malaking pulutong, sila'y babalik rito.
9 Sila'y darating na may iyakan,
at may mga pakiusap na papatnubayan ko silang pabalik,
palalakarin ko sila sa tabi ng mga batis ng tubig,
sa matuwid na daan na hindi nila kakatisuran;
sapagkat ako'y ama sa Israel,
at ang Efraim ang aking panganay.
10 “Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, O mga bansa,
at inyong ipahayag sa mga pulo sa malayo;
inyong sabihin, ‘Ang nagpakalat sa Israel ay siyang magtitipon sa kanya,
at iingatan siya gaya ng pag-iingat ng pastol sa kanyang kawan.’
11 Sapagkat tinubos ng Panginoon ang Jacob,
at kanyang tinubos siya sa kamay ng higit na malakas kaysa kanya.
12 Sila'y darating at aawit nang malakas sa kaitaasan ng Zion,
at sila'y magniningning dahil sa kabutihan ng Panginoon,
dahil sa butil, at sa alak, langis,
at dahil sa guya ng kawan at ng bakahan;
at ang kanilang buhay ay magiging gaya ng dinilig na halamanan;
at sila'y hindi na manlulupaypay pa.
13 Kung magkagayo'y magagalak ang dalaga sa sayawan,
at ang mga binata at matatanda ay magsasaya.
Gagawin kong kagalakan ang kanilang pagluluksa,
aaliwin ko sila at bibigyan ko ng kagalakan sa kanilang kalungkutan.
14 Bubusugin ko ng kasaganaan ang kaluluwa ng mga pari,
at ang aking bayan ay masisiyahan sa aking kabutihan, sabi ng Panginoon.”
Ang Habag ng Panginoon sa Israel
15 Ganito(O) ang sabi ng Panginoon,
“Isang tinig ang naririnig sa Rama,
panaghoy at mapait na pag-iyak.
Iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak;
siya'y tumatangging maaliw dahil sa kanyang mga anak,
sapagkat sila'y wala na.”
16 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Itigil mo ang iyong tinig sa pag-iyak,
at ang iyong mga mata sa pagluha;
sapagkat gagantimpalaan ang iyong mga gawa, sabi ng Panginoon;
at sila'y babalik mula sa lupain ng kaaway.
17 May pag-asa para sa iyong hinaharap, sabi ng Panginoon;
at ang iyong mga anak ay babalik sa kanilang sariling lupain.
18 Tunay na aking narinig ang Efraim na tumataghoy,
‘Pinarusahan mo ako, at ako'y naparusahan
na parang guya na hindi pa naturuan;
ibalik mo ako upang ako'y mapanumbalik,
sapagkat ikaw ang Panginoon kong Diyos.
19 Sapagkat pagkatapos kong tumalikod ay nagsisi ako;
at pagkatapos na ako'y maturuan ay sinugatan ko ang aking hita;
ako'y napahiya, at ako'y nalito,
sapagkat dinala ko ang kahihiyan ng aking kabataan!’
20 Si Efraim ba'y aking minamahal na anak?
Siya ba ang giliw kong anak?
Sapagkat kung gaano ako kadalas nagsasalita laban sa kanya,
ay gayon ko siya naaalala.
Kaya't nasasabik ang aking puso sa kanya;
ako'y tiyak na maaawa sa kanya, sabi ng Panginoon.
Ang Darating na Kasaganaan sa Bayan ng Diyos
21 “Maglagay ka ng mga pananda sa daan para sa iyo,
gumawa ka ng mga posteng tanda:
ituwid mo ang iyong pag-iisip sa lansangan,
ang daan na iyong dinadaanan.
Bumalik ka, O birhen ng Israel,
bumalik ka rito sa iyong mga lunsod.
22 Hanggang kailan ka magpapabalik-balik,
O ikaw na di-tapat na anak na babae?
Sapagkat ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay sa lupa:
ang isang lalaki ay palilibutan ng isang babae.”
23 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: “Minsan pa ay gagamitin nila ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa mga bayan nito, kapag ibinalik ko ang kanilang mga kayamanan:
‘Pagpalain ka ng Panginoon, O tahanan ng katuwiran,
O banal na burol!’
24 Ang Juda at ang lahat ng bayan niya ay magkasamang titira doon, ang mga magbubukid at ang mga gumagala na may mga kawan.
25 Sapagkat aking bibigyang kasiyahan ang pagod na kaluluwa,
at bawat nanlulupaypay ay aking pasisiglahin.”
26 Mula roo'y nagising ako at tumingin, at ang aking pagkakatulog ay kasiya-siya sa akin.
27 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking hahasikan ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda ng binhi ng tao at ng binhi ng hayop.
28 At mangyayari, na kung paanong binantayan ko sila upang bunutin, at upang wasakin, upang ibagsak, upang lipulin at dalhan ng kasamaan, gayon ko sila babantayan upang magtayo at magtanim, sabi ng Panginoon.
29 Sa(P) mga araw na iyon ay hindi na nila sasabihin:
‘Ang mga magulang ay kumain ng maaasim na ubas,
at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo.’
30 Ngunit bawat isa ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasamaan; bawat taong kumakain ng maaasim na ubas ay mangingilo ang ngipin.
31 Narito,(Q) (R) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y gagawa ng panibagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda,
32 hindi katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno nang kunin ko sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto—ang aking tipan na kanilang sinira, bagaman ako'y asawa[h] sa kanila, sabi ng Panginoon.
33 Ngunit(S) ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako'y magiging kanilang Diyos at sila'y magiging aking bayan.
34 At(T) hindi na tuturuan ng bawat isa sa kanila ang kanyang kapwa, at ng bawat tao ang kanyang kapatid, na magsasabi, ‘Kilalanin mo ang Panginoon;’ sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa,” sabi ng Panginoon.
35 Ganito ang sabi ng Panginoon,
na nagbibigay ng araw bilang liwanag sa maghapon,
at ng mga takdang kaayusan ng buwan at ng mga bituin bilang liwanag sa gabi,
na nagpapakilos sa dagat upang umugong ng mga alon niyon—
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan:
36 “Kung ang takdang kaayusan na ito ay humiwalay
sa harapan ko, sabi ng Panginoon,
ang binhi ng Israel ay hihinto
sa pagiging isang bansa sa harapan ko magpakailanman.”
37 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ang mga langit sa itaas ay masusukat,
at ang mga saligan ng lupa sa ilalim ay magalugad,
akin ngang itatakuwil ang buong lahi ng Israel
dahil sa lahat nilang nagawa, sabi ng Panginoon.”
38 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang lunsod ay maitatayo para sa Panginoon mula sa tore ng Hananel hanggang sa Pintuang-bayan sa Panulukan.
39 At ang panukat na pisi ay lalabas papalayo, tuluy-tuloy sa burol ng Gareb, at pipihit sa Goa.
40 At ang buong libis ng mga bangkay at mga abo, at ang lahat ng parang hanggang sa batis ng Cedron, hanggang sa panulukan ng Pintuang-bayan ng Kabayo patungong silangan ay magiging banal sa Panginoon. Hindi na ito mabubunot o magigiba kailanman.”
Si Jeremias ay Ibinilanggo
32 Ang(U) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon nang ikasampung taon ni Zedekias na hari ng Juda, na siyang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar.
2 Nang panahong iyon ay kinukubkob ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, at si Jeremias na propeta ay nakakulong sa bulwagan ng bantay na nasa palasyo ng hari ng Juda,
3 sapagkat ibinilanggo siya ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi, “Bakit ka nagsasalita ng propesiya at nagsasabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang sasakupin ito.
4 Si Zedekias na hari ng Juda ay hindi makakatakas sa kamay ng mga Caldeo, kundi tiyak na ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at siya'y makikipag-usap sa kanya nang mukhaan at makikita siya nang mata sa mata.
5 At kanyang dadalhin si Zedekias sa Babilonia, at siya'y mananatili roon hanggang sa dalawin ko siya, sabi ng Panginoon; bagaman labanan ninyo ang mga Caldeo, hindi kayo magtatagumpay?’”
6 Sinabi ni Jeremias, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
7 Narito, si Hanamel na anak ni Shallum na iyong tiyuhin ay darating sa iyo, at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko na nasa Anatot, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagtubos sa pamamagitan ng pagbili.’
8 Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking tiyuhin ay dumating sa akin sa bulwagan ng bantay ayon sa salita ng Panginoon, at sinabi sa akin, ‘Bilhin mo ang aking bukid na nasa Anatot, sa lupain ng Benjamin, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagmamay-ari at ang pagtubos ay nasa iyo; bilhin mo ito para sa iyong sarili!’ Nang magkagayo'y nalaman ko na ito'y salita ng Panginoon.
9 “At binili ko ang bukid na nasa Anatot kay Hanamel na anak ng aking tiyuhin, at tinimbang ko sa kanya ang salapi—labimpitong siklong pilak.
10 Nilagdaan ko ang kasulatan, tinatakan ito, tumawag ng mga saksi, at tinimbang ko sa kanya ang salapi sa timbangan.
11 Pagkatapos ay kinuha ko ang may tatak na kasulatan ng pagkabili na naglalaman ng mga kasunduan at pasubali, at ang bukas na sipi.
12 Ibinigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking tiyuhin, sa harapan ng mga saksi na lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at sa harapan ng lahat ng mga Judio na nakaupo sa bulwagan ng bantay.
13 Inatasan ko si Baruc sa harapan nila, na sinasabi,
14 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kunin mo itong natatakang kasulatan ng pagkabili at itong bukas na kasulatan, at iyong ilagay sa sisidlang lupa upang tumagal ang mga ito nang mahabang panahon.
15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Muling mabibili sa lupaing ito ang mga bahay, mga bukid, at mga ubasan!’
Ang Panalangin ni Jeremias
16 “Pagkatapos na maibigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, nanalangin ako sa Panginoon, na sinasabi:
17 ‘Ah Panginoong Diyos! Ikaw ang siyang gumawa ng langit at ng lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay! Walang bagay na napakahirap sa iyo,
18 na nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libu-libo, ngunit pinagbabayad ang kasamaan ng mga magulang sa kanilang mga anak kasunod nila, O dakila at makapangyarihang Diyos. Ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo;
19 dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay mulat sa lahat ng lakad ng anak ng mga tao, na ginagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.
20 Ikaw ay nagpakita ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto, at hanggang sa araw na ito sa Israel at sa gitna ng sangkatauhan, at gumawa ka ng pangalan para sa iyong sarili, gaya ng sa araw na ito.
21 Inilabas mo ang iyong bayang Israel sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, ng malakas na kamay, ng unat na bisig, at may malaking kakilabutan;
22 at ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot.
23 Sila'y pumasok at inangkin nila ito, ngunit hindi nila dininig ang iyong tinig o lumakad man sa iyong kautusan; wala silang ginawa sa lahat ng iyong iniutos na gawin nila. Kaya't pinarating mo sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.
24 Narito, ang mga bunton ng pagkubkob ay dumating sa lunsod upang sakupin ito; at dahil sa tabak, taggutom, at salot, ang lunsod ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo na lumalaban dito. Kung ano ang iyong sinabi ay nangyayari; at narito, nakikita mo ito.
25 Sinabi mo sa akin, O Panginoong Diyos, “Bilhin mo ng salapi ang bukid, at tumawag ka ng mga saksi,”—bagaman ang lunsod ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.’”
26 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
27 “Narito, ako ang Panginoon, ang Diyos ng lahat ng laman; mayroon bang anumang napakahirap para sa akin?
28 Kaya't(V) ganito ang sabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo at sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sasakupin niya ito.
29 Ang mga Caldeo na lumalaban sa lunsod na ito ay darating at susunugin ang lunsod na ito, pati ang mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng insenso kay Baal at pinagbuhusan ng mga handog na inumin para sa mga ibang diyos, upang ako ay ibunsod sa galit.
30 Sapagkat ang mga anak ng Israel at ang mga anak ng Juda ay walang ginawa kundi kasamaan sa aking paningin mula sa kanilang kabataan. At ang mga anak ng Israel ay walang ginawa kundi ako'y ibunsod sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon.
31 Tunay na ang lunsod na ito ay pumupukaw ng aking galit at poot, mula sa araw na ito'y itinayo hanggang sa araw na ito, kaya't ito'y aking aalisin sa harap ng aking paningin,
32 dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ng Israel at ng mga anak ng Juda na kanilang ginawa upang ako ay ibunsod sa galit, sila, ang kanilang mga hari, kanilang mga pinuno, kanilang mga pari, kanilang mga propeta, mga mamamayan ng Juda, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.
33 Tinalikuran nila ako, at hindi ang kanilang mukha, at bagaman paulit-ulit ko silang tinuruan ay hindi sila nakinig upang tumanggap ng turo.
34 Kundi(W) inilagay nila ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang ito'y dungisan.
35 At(X) kanilang itinayo ang matataas na dako ni Baal sa libis ng anak ni Hinom, upang ihandog ang kanilang mga anak na lalaki at babae kay Molec, na hindi ko iniutos sa kanila o pumasok man sa aking pag-iisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito na naging sanhi ng pagkakasala ng Juda.
Isang Pangako ng Pag-asa
36 “At ngayon ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa lunsod na ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y ibinigay sa kamay ng hari ng Babilonia sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.’
37 Narito, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit at sa aking poot, at ibabalik ko sila sa dakong ito, at akin silang patitirahing tiwasay.
38 At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos.
39 Bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin sa lahat ng panahon para sa ikabubuti nila at ng kanilang mga anak kasunod nila.
40 Ako'y gagawa sa kanila ng isang walang hanggang tipan, at hindi ako hihiwalay sa kanila upang gawan sila ng mabuti; at ilalagay ko sa kanilang puso ang pagkatakot sa akin, upang huwag silang humiwalay sa akin.
41 Ako'y magagalak sa kanila na gawan ko sila ng mabuti, at sa katapatan ay itatanim ko sila sa lupaing ito nang aking buong puso at buong kaluluwa.
42 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Kung paanong aking dinala ang lahat ng malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon ko dadalhin sa kanila ang lahat ng mabuti na aking ipinangako sa kanila.
43 At ang mga bukid ay mabibili sa lupaing ito na iyong sinasabi, Ito ay wasak, walang tao o hayop man; ito ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo.
44 Bibilhin ng salapi ang mga bukid at ang bilihan ay lalagdaan, tatatakan at tatawag ng mga saksi sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda at ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng Shefela at ng Negeb; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan, sabi ng Panginoon.”
Isa pang Pangako ng Pag-asa
33 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Jeremias, habang nakakulong pa siya sa bulwagan ng bantay, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lupa, ang Panginoon na nag-anyo nito upang ito'y itatag—ang Panginoon ang kanyang pangalan:
3 Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at magsasabi sa iyo ng mga dakila at makapangyarihang bagay na hindi mo nalalaman.
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga bahay ng lunsod na ito, at tungkol sa mga bahay ng mga hari ng Juda na ibinagsak upang gawing sanggalang laban sa mga bunton ng pagkubkob at laban sa tabak:
5 Sila ay dumarating upang labanan ang mga Caldeo at punuin sila ng mga bangkay ng mga tao, na aking papatayin sa aking galit at poot, sapagkat ikinubli ko ang aking mukha sa lunsod na ito dahil sa lahat nilang kasamaan.
6 Narito, dadalhan ko ito ng kalusugan at kagalingan, at pagagalingin ko sila at magpapahayag ako sa kanila ng kasaganaan ng kapayapaan at katotohanan.
7 Ibabalik ko ang mga kayamanan ng Juda at ang mga kayamanan ng Israel, at muli ko silang itatayo na gaya nang una.
8 Lilinisin ko sila sa lahat ng kanilang kasamaan na sa pamamagitan nito'y nagkasala sila laban sa akin; at aking patatawarin ang lahat ng kasamaan na sa pamamagitan nito'y naghimagsik sila laban sa akin.
9 At ito sa akin ay magiging isang pangalan ng kagalakan, isang papuri at luwalhati sa harapan ng lahat ng mga bansa sa lupa na makakarinig ng lahat ng mabuti na ginagawa ko para sa kanila. Sila'y matatakot at manginginig dahil sa lahat ng kabutihan at kasaganaan na aking ginagawa para dito.
10 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa dakong ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y wasak, walang tao o hayop,’ sa mga bayan ng Juda at mga lansangan ng Jerusalem na sira, na walang naninirahan, tao man o hayop, ay muling maririnig
11 ang(Y) tinig ng kagalakan at ang tinig ng kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang mga tinig ng mga umaawit, habang sila'y nagdadala ng handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon,
‘Kayo'y magpasalamat sa Panginoon ng mga hukbo,
sapagkat ang Panginoon ay mabuti,
sapagkat ang kanyang kagandahang-loob ay nananatili magpakailanman!’
Sapagkat aking ibabalik ang mga kayamanan ng lupain gaya nang una, sabi ng Panginoon.
12 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sa lugar na itong wasak, na walang tao at walang hayop, at sa lahat ng mga bayan nito, ay magkakaroon muli ng tahanan ng mga pastol na nagpapahinga ng kanilang mga kawan.
13 Sa mga bayan ng maburol na lupain, sa mga bayan ng Shefela at Negeb, sa lupain ng Benjamin, at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, ang mga kawan ay muling daraan sa ilalim ng mga kamay ng bumibilang sa kanila, sabi ng Panginoon.
14 “Narito,(Z) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking tutuparin ang mabuting bagay na aking sinabi tungkol sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda.
15 Sa mga araw at panahong iyon, aking pasisibulin para kay David ang isang matuwid na Sanga at siya'y maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.
16 Sa mga araw na iyon ay maliligtas ang Juda at ang Jerusalem ay maninirahang tiwasay. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ay ating katuwiran.’
17 “Sapagkat(AA) ganito ang sabi ng Panginoon: Si David ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki na uupo sa trono ng sambahayan ng Israel;
18 at(AB) ang mga paring Levita ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki sa harapan ko na mag-aalay ng mga handog na sinusunog, na magsusunog ng mga butil na handog, at maghahandog ng mga alay magpakailanman.”
19 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
20 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung masisira ninyo ang aking tipan sa araw at ang aking tipan sa gabi, anupa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang takdang kapanahunan;
21 kung gayon ang aking tipan kay David na aking lingkod ay masisira din, anupa't siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kanyang trono, at sa aking tipan sa mga paring Levita na aking mga ministro.
22 Kung paanong ang lahat ng natatanaw sa langit ay hindi mabibilang at ang mga buhangin sa dagat ay di masusukat, gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na naglilingkod sa akin.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001