Bible in 90 Days
14 Bawat tao ay hangal at walang kaalaman;
bawat platero ay inilalagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan;
sapagkat ang kanyang mga larawan ay kabulaanan,
at walang hininga sa mga iyon.
15 Sila'y walang kabuluhan, isang gawa ng panlilinlang;
sa panahon ng pagpaparusa sa kanila ay malilipol sila.
16 Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob,
sapagkat siya ang nag-anyo sa lahat ng mga bagay;
at ang Israel ay siyang lipi ng kanyang mana;
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan.
Ang Darating na Pagkabihag
17 Pulutin mo ang iyong balutan mula sa lupa,
O ikaw na nakukubkob!
18 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, aking ihahagis palabas ang mga naninirahan sa lupain
sa panahong ito,
at ako'y magdadala ng kahirapan sa kanila
upang ito'y maramdaman nila.”
19 Kahabag-habag ako dahil sa aking sugat!
Malubha ang aking sugat.
Ngunit aking sinabi, “Tunay na ito ay isang paghihirap,
at dapat kong tiisin.”
20 Ang aking tolda ay nagiba,
at lahat ng panali ko ay napatid;
iniwan ako ng aking mga anak,
at sila'y wala na;
wala nang magtatayo pa ng aking tolda,
at magtataas ng aking mga tabing.
21 Sapagkat ang mga pastol ay naging hangal,
at hindi sumasangguni sa Panginoon;
kaya't hindi sila umuunlad,
at lahat nilang kawan ay nakakalat.
22 Pakinggan ninyo, isang ingay! Tingnan ninyo, ito'y dumarating—
isang malaking kaguluhan mula sa hilagang lupain,
upang wasakin ang mga lunsod ng Juda,
at gawing tahanan ng mga asong-gubat.
23 Alam ko, O Panginoon, na ang lakad ng tao ay wala sa kanyang sarili;
wala sa taong lumalakad ang magtuwid ng kanyang mga hakbang.
24 Ituwid mo ako, O Panginoon, ngunit sa katarungan,
huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.
25 Ibuhos mo ang iyong poot sa mga bansang hindi nakakakilala sa iyo,
at sa mga bayan na hindi tumatawag sa iyong pangalan;
sapagkat kanilang nilamon ang Jacob,
kanilang nilamon siya, at nilipol siya,
at winasak ang kanyang tahanan.
Si Jeremias at ang Tipan
11 Ang salitang dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na nagsasabi,
2 “Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito, at sabihin ninyo sa mga mamamayan ng Juda at mamamayan ng Jerusalem.
3 Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Sumpain ang taong hindi nakikinig sa mga salita ng tipang ito,
4 na aking iniutos sa inyong mga ninuno, nang araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Ehipto, mula sa hurnong bakal, na sinasabi, Makinig kayo sa aking tinig, at gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. Sa gayo'y magiging bayan ko kayo, at ako'y magiging inyong Diyos,
5 upang aking maisagawa ang aking ipinangako sa inyong mga ninuno, na bibigyan ko sila ng isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, gaya sa araw na ito.” Nang magkagayo'y sumagot ako, “Amen, O Panginoon.”
6 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ipahayag mo ang lahat ng mga salitang ito sa mga lunsod ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem: Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong isagawa.
7 Sapagkat taimtim kong binalaan ang inyong mga ninuno nang araw na aking iahon sila sa lupain ng Ehipto at patuloy ko silang binabalaan hanggang sa araw na ito, na aking sinasabi, Sundin ninyo ang aking tinig.
8 Gayunma'y hindi sila sumunod o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi lumakad ang bawat isa sa katigasan ng kanyang masamang puso. Kaya't dinala ko sa kanila ang lahat ng salita ng tipang ito, na iniutos kong gawin nila, ngunit hindi nila ginawa.”
Pinagbantaan si Jeremias
9 At sinabi sa akin ng Panginoon, “May sabwatang natagpuan sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga mamamayan ng Jerusalem.
10 Sila'y bumalik sa mga kasamaan ng kanilang mga ninuno na tumangging makinig sa aking mga salita. Sila'y nagsisunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran ang mga iyon. Sinira ng sambahayan ng Israel at ng Juda ang tipan na aking ginawa sa kanilang mga ninuno.
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala sa kanila ng kasamaan na hindi nila matatakasan. Bagaman sila'y dumaing sa akin, hindi ko sila papakinggan.
12 Kung magkagayo'y hahayo at dadaing ang mga lunsod ng Juda at ang mga naninirahan sa Jerusalem sa mga diyos na kanilang pinaghandugan ng insenso, ngunit hindi sila maililigtas sa panahon ng kanilang kagipitan.
13 Sapagkat ang iyong mga diyos ay naging kasindami ng iyong mga bayan, O Juda; at kasindami ng mga lansangan ng Jerusalem ang mga dambana na inyong itinayo sa kahihiyan, mga dambana upang pagsunugan ng insenso kay Baal.
14 “Kaya't huwag kang manalangin para sa bayang ito, o dumaing alang-alang sa kanila, sapagkat hindi ako makikinig kapag sila'y tumawag sa akin sa panahon ng kanilang kagipitan.
15 Anong karapatan mayroon ang aking minamahal sa aking bahay, gayong siya'y gumawa ng napakasamang mga gawa? Mailalayo ba ng mga panata at handog na laman ang iyong kapahamakan? Makapagsasaya ka pa ba?
16 Tinawag ka ng Panginoon na, ‘Luntiang puno ng olibo, maganda at may mabuting bunga;’ ngunit sa pamamagitan ng ingay ng malakas na bagyo ay susunugin niya ito, at ang mga sanga nito ay matutupok.
17 Ang Panginoon ng mga hukbo na nagtanim sa iyo ay nagpahayag ng kasamaan laban sa iyo, dahil sa kasamaang ginawa ng sambahayan ng Israel at ng sambahayan ng Juda. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog kay Baal.”
18 Ipinaalam iyon sa akin ng Panginoon at nalaman ko;
pagkatapos ay ipinakita mo sa akin ang kanilang masasamang gawa.
19 Ngunit ako'y naging gaya ng maamong kordero
na inaakay patungo sa katayan.
Hindi ko alam na laban sa akin
ay gumawa sila ng mga pakana, na sinasabi,
“Sirain natin ang punungkahoy at ang bunga nito,
at ihiwalay natin siya sa lupain ng mga nabubuhay,
upang ang kanyang pangalan ay hindi na maalala.”
20 Ngunit, O Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid,
na sumusubok sa puso[a] at sa pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila,
sapagkat sa iyo'y inihayag ko ang aking ipinaglalaban.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga lalaki ng Anatot na nagbabanta sa iyong buhay, at nagsasabi, “Huwag kang magsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, kung hindi ay mamamatay ka sa aming kamay”—
22 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Parurusahan ko sila. Ang mga kabataang lalaki ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay mamamatay sa gutom.
23 Walang matitira sa kanila sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa mga mamamayan ng Anatot, sa taon ng pagdalaw sa kanila.”
Tinanong ni Jeremias ang Panginoon
12 Ikaw ay matuwid, O Panginoon,
kapag ako'y maghaharap ng paratang sa iyo;
gayunma'y hayaan mong ilahad ko ang aking panig sa harapan mo.
Bakit nagtatagumpay ang lakad ng masama?
Bakit lumalago ang lahat ng mga taksil?
2 Itinatanim mo sila, oo, at sila'y nagkakaugat;
sila'y lumalaki, oo, at sila'y nagbubunga;
ikaw ay malapit sa kanilang bibig,
at malayo sa kanilang mga puso.
3 Ngunit ikaw, O Panginoon, kilala mo ako;
nakikita mo ako, at sinusubok mo ang aking isipan tungkol sa iyo.
Hilahin mo silang gaya ng mga tupa para sa katayan,
at ihanda mo sila para sa araw ng pagkatay.
4 Hanggang kailan tatangis ang lupain,
at matutuyo ang mga damo sa buong lupain?
Dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon,
ang mga hayop at ang mga ibon ay nawala,
sapagkat sinasabi ng mga tao, “Hindi niya makikita ang ating huling wakas.”
5 Kung ikaw ay nakitakbo sa mga mananakbo, at kanilang pinagod ka,
paano ka makikipag-unahan sa mga kabayo?
At kung sa isang tiwasay na lupain ay nabubuwal ka,
paano ka na sa kagubatan ng Jordan?
6 Sapagkat maging ang iyong mga kapatid at ang sambahayan ng iyong ama
ay nagtaksil sa iyo;
sila'y sumisigaw ng malakas sa hulihan mo;
huwag mo silang paniwalaan,
bagaman sila'y nagsasalita ng kaaya-ayang salita sa iyo.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Juda at sa Kanyang mga Kaaway
7 “Pinabayaan ko ang aking bahay,
tinalikuran ko ang aking mana;
ibinigay ko ang pinakamamahal ng aking kaluluwa
sa kamay ng kanyang mga kaaway.
8 Ang aking mana para sa akin
ay naging parang leon sa gubat;
inilakas niya ang kanyang tinig laban sa akin,
kaya't kinamumuhian ko siya.
9 Ang akin bang mana ay naging parang batik-batik na ibong mandaragit?
Laban ba sa kanya ang mga ibong mandaragit na nakapaligid sa kanya?
Humayo kayo, tipunin ninyo ang lahat ng mababangis na hayop,
dalhin ninyo sila upang sakmalin siya.
10 Sinira ng maraming pastol ang aking ubasan,
kanilang niyurakan ang aking bahagi,
ginawa nilang ilang na wasak
ang aking kalugud-lugod na bahagi.
11 Winasak nila ito, ito'y wasak,
ito'y tumatangis sa akin.
Ang buong lupain ay nawawasak,
gayunma'y walang taong nakakapansin nito.
12 Ang mga manglilipol ay dumating sa lahat ng lantad na kaitaasan sa ilang;
sapagkat ang tabak ng Panginoon ay nananakmal
mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain;
walang taong may kapayapaan.
13 Sila'y naghasik ng trigo at nagsiani ng mga tinik;
pinagod nila ang kanilang mga sarili ngunit walang napalâ.
Ikahihiya nila ang inyong mga ani,
dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.”
14 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa lahat ng aking masasamang kapwa na gumalaw sa mana na aking ipinamana sa aking bayang Israel: “Narito, bubunutin ko sila sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sambahayan ng Juda mula sa kanila.
15 At mangyayari, pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at muli ko silang ibabalik sa kani-kanilang mana at sa kani-kanilang lupain.
16 At mangyayari, kung kanilang masikap na pag-aaralan ang mga lakad ng aking bayan, na sumumpa sa pamamagitan ng pangalan ko, ‘Habang buháy ang Panginoon;’ gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pamamagitan ng pangalan ni Baal, ay maitatayo nga sila sa gitna ng aking bayan.
17 Ngunit kung ang alinmang bansa ay hindi makikinig, kung gayo'y lubos ko itong bubunutin at lilipulin, sabi ng Panginoon.”
Ang Pamigkis na Lino
13 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at bumili ka ng isang pamigkis na lino, at ibigkis mo sa iyong baywang at huwag mong ilubog sa tubig.”
2 Kaya't bumili ako ng pamigkis ayon sa salita ng Panginoon, at inilagay ko sa aking baywang.
3 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na sinasabi,
4 “Kunin mo ang pamigkis na iyong binili, na nasa iyong baywang, at bumangon ka at pumunta sa Eufrates, at ikubli mo ito sa isang bitak ng malaking bato.”
5 Kaya't pumunta ako, at ikinubli ko iyon sa tabi ng Eufrates gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.
6 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw sinabi ng Panginoon sa akin, “Bumangon ka, pumunta ka sa Eufrates at kunin mo roon ang pamigkis na iniutos kong itago mo roon.”
7 Pumunta nga ako sa Eufrates, at hinukay ko at kinuha ang pamigkis mula sa dakong pinagtaguan ko nito. At narito, bulok na ang pamigkis at hindi na mapapakinabangan.
8 Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon na sinasabi,
9 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa gayon ko rin bubulukin ang kapalaluan ng Juda at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem.
10 Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig sa mga salita ko, na may katigasang sumusunod sa kanilang puso, at sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi na mapapakinabangan.
11 Sapagkat kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa baywang ng isang lalaki, gayon ko pinakapit sa akin ang buong sambahayan ng Israel at ang buong sambahayan ng Juda, sabi ng Panginoon; upang sila para sa akin ay maging isang bayan, isang pangalan, isang kapurihan at kaluwalhatian, ngunit ayaw nilang makinig.
Ang Sisidlan ng Alak
12 “Kaya't sasabihin mo sa kanila ang salitang ito. ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, “Bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak:”’ At kanilang sasabihin sa iyo, ‘Hindi ba namin nalalaman na ang bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak?’
13 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Aking pupunuin ng kalasingan ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito: ang mga hari na nakaluklok sa trono ni David, ang mga pari, ang mga propeta, at ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem.
14 At pag-uumpugin ko sila, maging ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon. Hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag, upang sila'y hindi ko lipulin.’”
Nagbabala si Jeremias tungkol sa Kapalaluan
15 Dinggin ninyo at bigyang-pansin, huwag kayong maging palalo,
sapagkat nagsalita ang Panginoon.
16 Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos,
bago siya magpadilim,
bago matisod ang inyong mga paa
sa mga madilim na bundok,
at habang kayo'y naghahanap ng liwanag,
ay gagawin niya itong anino ng kamatayan
at gagawin niya itong pusikit na kadiliman.
17 Ngunit kung hindi kayo makikinig,
ang aking kaluluwa ay lihim na iiyak dahil sa inyong kapalaluan;
at ang mga mata ko ay iiyak nang mapait at dadaluyan ng mga luha,
sapagkat ang kawan ng Panginoon ay dinalang-bihag.
18 Sabihin mo sa hari at sa inang reyna,
“Kayo'y magpakumbaba, kayo'y umupo,
sapagkat ang inyong magandang korona
ay bumaba na mula sa inyong ulo.”
19 Ang mga bayan ng Negeb ay nasarhan,
at walang magbukas sa mga iyon,
ang buong Juda ay nadalang-bihag,
buong nadalang-bihag.
20 “Itanaw ninyo ang inyong mga mata,
at masdan ninyo ang mga nanggagaling sa hilaga.
Nasaan ang kawan na ibinigay sa iyo,
ang iyong magandang kawan?
21 Ano ang iyong sasabihin kapag kanilang inilagay bilang iyong puno
yaong tinuruan mo upang makipagkaibigan sa iyo?
Hindi ka ba masasaktan
gaya ng isang babae na manganganak?
22 At kung iyong sasabihin sa iyong puso,
‘Bakit dumating sa akin ang mga bagay na ito?’
Dahil sa laki ng iyong kasamaan
ay itinaas ang iyong palda
at nagdaranas ka ng karahasan.
23 Mababago ba ng taga-Etiopia ang kanyang balat,
o ng leopardo ang kanyang mga batik?
Kung gayon ay makakagawa rin kayo ng mabuti,
kayong mga sanay gumawa ng masama.
24 Ikakalat ko kayo[b] na gaya ng ipa
na itinaboy ng hangin mula sa ilang.
25 Ito ang iyong kapalaran,
ang bahaging itinakda ko sa iyo, sabi ng Panginoon;
sapagkat kinalimutan mo ako,
at nagtiwala ka sa kasinungalingan.
26 Ako mismo ang magtataas ng iyong palda sa ibabaw ng iyong mukha,
at ang iyong kahihiyan ay makikita.
27 Nakita ko ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa,
ang iyong mga pangangalunya, at mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid,
sa mga burol sa parang.
Kahabag-habag ka, O Jerusalem!
Gaano pa katagal
bago ka maging malinis?”
Ang Matinding Tagtuyot
14 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot.
2 “Ang Juda ay tumatangis,
at ang mga pintuan niya ay nanghihina,
sila'y nangingitim na bumagsak sa lupa;
at ang daing ng Jerusalem ay pumapailanglang.
3 Sinugo ng kanyang mga maharlika ang kanilang mga lingkod na pumunta sa tubig;
sila'y dumating sa mga balon,
at walang natagpuang tubig;
sila'y nagsisibalik na dala ang mga sisidlan na walang laman;
sila'y nahihiya at nalilito,
at tinatakpan ang kanilang mga ulo.
4 Dahil sa lupa na bitak-bitak,
palibhasa'y walang ulan sa lupain,
ang mga magbubukid ay nahihiya,
tinatakpan nila ang kanilang mga ulo.
5 Maging ang usa sa parang ay pinababayaan ang kanyang bagong silang na usa,
sapagkat walang damo.
6 Ang maiilap na asno ay nakatayo sa mga lantad na kaitaasan,
sila'y humihingal na parang mga asong-gubat;
ang mata nila'y nanlalabo
sapagkat walang halaman.
7 “Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin,
kumilos ka, O Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang aming mga pagtalikod ay marami;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
8 O ikaw na pag-asa ng Israel,
ang Tagapagligtas nito sa panahon ng kagipitan,
bakit kailangan kang maging parang isang dayuhan sa lupain,
gaya ng manlalakbay na dumaraan upang magpalipas ng gabi?
9 Bakit kailangan kang maging gaya ng taong nalilito,
gaya ng taong makapangyarihan na hindi makapagligtas?
Gayunma'y ikaw, O Panginoon, ay nasa gitna namin,
at kami ay tinatawag sa iyong pangalan;
huwag mo kaming iwan.”
Walang Magagawa ang Mamagitan para sa Bayan
10 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa bayang ito:
“Yamang inibig nila ang magpalabuy-laboy,
hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa,
kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon;
ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
11 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong idalangin ang kapakanan ng bayang ito.
12 Kapag sila'y mag-aayuno, hindi ko papakinggan ang kanilang daing; at kapag sila'y maghahandog ng handog na sinusunog at ng alay na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyon; kundi aking uubusin sila sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.”
13 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Ah Panginoong Diyos! Sinasabi ng mga propeta sa kanila, ‘Hindi kayo makakakita ng tabak, o magkakaroon man kayo ng taggutom, kundi bibigyan ko kayo ng tunay na kapayapaan sa dakong ito.’”
14 At sinabi sa akin ng Panginoon, “Ang mga propeta ay nagsasalita ng kasinungalingan sa aking pangalan; hindi ko sila sinugo, o inutusan ko man sila, o nagsalita man ako sa kanila. Sila'y nagpapahayag sa inyo ng sinungaling na pangitain, ng walang kabuluhang panghuhula at ng daya ng kanilang sariling mga pag-iisip.
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa aking pangalan, bagaman hindi ko sila sinugo, na nagsasabi, ‘Tabak at taggutom ay hindi darating sa lupaing ito:’ Sa pamamagitan ng tabak at taggutom ay malilipol ang mga propetang iyon.
16 At ang mga taong pinagsalitaan nila ng propesiya ay ihahagis sa mga lansangan ng Jerusalem, dahil sa taggutom at tabak; at walang maglilibing sa kanila—sila, ang kanilang mga asawa, mga anak na lalaki at babae. Sapagkat ibubuhos ko sa kanila ang kanilang kasamaan.
17 “Sasabihin mo sa kanila ang salitang ito:
‘Hayaang daluyan ang aking mga mata ng mga luha sa gabi at araw,
at huwag huminto,
sapagkat ang anak na dalaga ng aking bayan ay sinaktan ng malaking sugat,
ng isang napakabigat na dagok.
18 Kung ako'y lalabas sa parang,
tingnan ninyo, ang mga pinatay ng tabak!
At kung ako'y papasok sa lunsod,
tingnan ninyo, ang mga sakit ng pagkagutom!
Sapagkat ang propeta at ang pari ay kapwa lumilibot sa buong lupain
at walang kaalaman.’”
19 Lubos mo na bang itinakuwil ang Juda?
Kinapopootan ba ng iyong kaluluwa ang Zion?
Bakit mo kami sinaktan,
anupa't hindi kami mapapagaling?
Naghanap kami ng kapayapaan, ngunit walang kabutihang dumating;
ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang pagkatakot!
20 Aming kinikilala ang aming kasamaan, O Panginoon
at ang kasamaan ng aming mga magulang;
sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.
21 Huwag mo kaming kamuhian, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong hamakin ang iyong trono ng kaluwalhatian
alalahanin mo at huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin.
22 Mayroon ba sa mga huwad na diyos ng mga bansa na makapagbibigay ng ulan?
O makapagpapaambon ba ang mga langit?
Hindi ba ikaw iyon, O Panginoon naming Diyos?
Kaya't kami ay umaasa sa iyo;
sapagkat ginagawa mo ang lahat ng mga bagay na ito.
Kapahamakan para sa mga Taga-Juda
15 Pagkatapos(A) ay sinabi ng Panginoon sa akin, “Kahit pa tumayo sina Moises at Samuel sa harapan ko, hindi babaling ang aking puso sa bayang ito. Palayasin mo sila sa aking paningin, at paalisin mo sila!
2 At(B) kapag tinanong ka nila, ‘Saan kami pupunta?’ sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang mga nakatakda sa kamatayan ay sa kamatayan,
at ang sa tabak ay sa tabak;
at ang sa taggutom, ay sa taggutom;
at ang sa pagkabihag, ay sa pagkabihag.”’
3 “Ako'y magtatalaga sa kanila ng apat na bagay, sabi ng Panginoon: ang tabak upang pumatay, mga aso upang lumapa, at ang mga ibon sa himpapawid at mga hayop sa lupa upang lumamon at lumipol.
4 At(C) gagawin ko silang katatakutan ng lahat ng mga kaharian sa lupa dahil sa ginawa sa Jerusalem ni Manases, na anak ni Hezekias, hari ng Juda.
5 “Sinong mahahabag sa iyo, O Jerusalem,
o sinong tataghoy sa iyo?
Sinong hihinto
upang itanong ang iyong kalagayan?
6 Itinakuwil mo ako, sabi ng Panginoon,
patuloy kang umuurong;
kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at pinuksa kita;
pagod na ako sa pagiging mahabagin.
7 Tinahipan ko sila ng pantahip
sa mga pintuang-bayan ng lupain;
pinangulila ko sila, nilipol ko ang aking bayan;
sila'y hindi humiwalay sa kanilang mga lakad.
8 Pinarami ko ang kanilang mga babaing balo
nang higit kaysa buhangin sa karagatan.
Dinala ko laban sa mga ina ng mga binata
ang manglilipol sa katanghaliang-tapat;
bigla kong pinarating sa kanila
ang dalamhati at sindak.
9 Siyang nanganak ng pito ay nanghihina;
siya'y nalagutan ng hininga;
ang kanyang araw ay lumubog samantalang may araw pa;
siya'y napahiya at napariwara.
At ang nalabi sa kanila ay ibibigay ko sa tabak
sa harapan ng kanilang mga kaaway, sabi ng Panginoon.”
Dumaing si Jeremias sa Panginoon
10 Kahabag-habag ako, ina ko, na ipinanganak mo ako, isang taong palaaway at taong palaban sa buong lupain! Ako'y hindi nagpautang na may patubo o pinautang man na may patubo, gayunma'y sinusumpa nila akong lahat.
11 Sinabi ng Panginoon, Tunay na namagitan ako sa iyong buhay sa ikabubuti, tunay na nakiusap ako sa iyo para sa kaaway sa panahon ng kasamaan at sa panahon ng kagipitan!
12 Mababasag ba ng sinuman ang bakal, ang bakal na mula sa hilaga, at ang tanso?
13 “Ang iyong kayamanan at ang iyong ari-arian ay ibibigay ko bilang samsam, na walang bayad, dahil sa lahat mong kasalanan, sa lahat mong nasasakupan.
14 Pararaanin kita kasama ng iyong mga kaaway sa lupaing hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay isang apoy ang nagniningas na magliliyab magpakailanman.”
15 O Panginoon, nalalaman mo;
alalahanin mo ako, at dalawin mo ako,
at ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin.
Ayon sa iyong pagiging matiisin ay huwag mo akong kunin,
alamin mo na alang-alang sa iyo ay nagtitiis ako ng pagkutya.
16 Ang iyong mga salita ay natagpuan, at aking kinain;
at sa ganang akin ang iyong mga salita ay katuwaan
at kagalakan ng aking puso,
sapagkat ako'y tinatawag sa iyong pangalan, O Panginoon, Diyos ng mga hukbo.
17 Hindi ako umupo sa kapulungan ng mga nagsasaya,
ni nagalak man ako;
ako'y naupong mag-isa sapagkat ang iyong kamay ay nakapatong sa akin,
sapagkat pinuno mo ako ng galit.
18 Bakit hindi tumitigil ang aking kirot,
at ang aking sugat ay walang lunas,
at ayaw mapagaling?
Ikaw ba'y magiging parang mandarayang batis sa akin,
parang tubig na nauubos?
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ikaw ay magbabalik-loob, tatanggapin kitang muli,
at ikaw ay tatayo sa harapan ko.
Kung bibigkasin mo ang mahalaga at hindi ang walang katuturan,
ikaw ay magiging parang aking bibig.
Sila'y manunumbalik sa iyo,
ngunit hindi ka manunumbalik sa kanila.
20 At gagawin kita para sa bayang ito
na pinatibay na pader na tanso;
lalaban sila sa iyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo;
sapagkat ako'y kasama mo
upang iligtas kita at sagipin kita, sabi ng Panginoon.
21 At ililigtas kita mula sa kamay ng masama,
at tutubusin kita mula sa kamay ng mga walang awa.”
Ang Kalooban ng Panginoon para kay Jeremias
16 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Huwag kang mag-aasawa, o magkakaroon man ng mga anak na lalaki o babae sa lugar na ito:
3 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na lalaki at babae na ipinanganak sa lugar na ito, at tungkol sa mga ina at ama na nagsilang sa kanila sa lupaing ito:
4 Sila'y mamamatay sa mga masaklap na pagkamatay. Hindi sila tatangisan, ni ililibing man sila. Sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa. Sila'y mamamatay sa tabak at pagkagutom, at ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at ng mga hayop sa lupa.
5 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kang pumasok sa bahay ng pagluluksa, o pumaroon upang tumaghoy, o umiyak man sa mga iyon; sapagkat aking inalis ang kapayapaan ko sa bayang ito at ang aking tapat na pag-ibig at habag, sabi ng Panginoon.
6 Ang dakila at hamak ay kapwa mamamatay sa lupaing ito; sila'y hindi malilibing, at walang tataghoy para sa kanila o maghihiwa ng sarili o magpapakalbo man para sa kanila.
7 Walang magpuputol ng tinapay para sa nagluluksa, upang aliwin sila dahil sa namatay; ni ang sinuman ay magbibigay sa kanya ng saro ng kaaliwan upang inumin para sa kanyang ama o ina.
8 Huwag kang papasok sa bahay na may handaan upang makasalo nila sa pagkain at pag-inom.
9 Sapagkat(D) ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking patitigilin sa lugar na ito, sa harapan ng inyong mga mata at sa inyong mga araw, ang tinig ng katuwaan at kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal.
10 “At kapag sinabi mo sa mga taong ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, ‘Bakit binigkas ng Panginoon ang lahat ng malaking kasamaang ito laban sa amin? Ano ang aming kasamaan? Ano ang kasalanang nagawa namin laban sa Panginoon naming Diyos?’
11 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, ‘Sapagkat tinalikuran ako ng inyong mga ninuno, at nagsisunod sa ibang mga diyos, naglingkod sa kanila, nagsisamba sa kanila, tinalikuran ako, at hindi iningatan ang aking kautusan, sabi ng Panginoon.
12 At yamang kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kaysa inyong mga ninuno, sapagkat, masdan ninyo, lumalakad ang bawat isa sa inyo ayon sa katigasan ng kanya-kanyang masamang kalooban, at ayaw makinig sa akin.
13 Kaya't itataboy ko kayo mula sa lupaing ito tungo sa lupaing hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos araw at gabi, sapagkat hindi ako magpapakita sa inyo ng anumang paglingap.’
Ang Pagbabalik mula sa Pagkabihag
14 “Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambahayan ng Israel mula sa lupain ng Ehipto;’
15 kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambayanan ng Israel mula sa hilagang lupain at mula sa lahat ng lupain na pinagtabuyan niya sa kanila!’ Sapagkat ibabalik ko sila sa kanilang sariling lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.
16 “Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, at kanilang huhulihin sila, sabi ng Panginoon. At pagkatapos ay ipasusundo ko ang maraming mangangaso, at kanilang huhulihin sila sa bawat bundok at burol, at sa mga bitak ng malalaking bato.
17 Sapagkat ang aking mga mata ay nasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nakukubli sa akin o nalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.
18 At akin munang dalawang ulit na gagantihan ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagkat kanilang dinumihan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga diyus-diyosan, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.”
19 O Panginoon, aking kalakasan at aking tanggulan,
at aking kanlungan sa araw ng kaguluhan,
sa iyo pupunta ang mga bansa
mula sa mga hangganan ng daigdig, at magsasabi,
“Ang aming mga ninuno ay walang minana kundi mga kasinungalingan,
mga walang kabuluhang bagay na hindi mapapakinabangan.
20 Makakagawa ba ang tao para sa kanyang sarili ng mga diyos?
Ang mga iyon ay hindi mga diyos!”
21 “Kaya't ipapaalam ko sa kanila, minsan pa ay ipapaalam ko sa kanila ang aking lakas at ang aking kapangyarihan; at malalaman nila na ang aking pangalan ay Panginoon.”
Ang Kasalanan at Parusa para sa Juda
17 “Ang kasalanan ng Juda ay isinulat ng panulat na bakal. Sa pamamagitan ng pang-ukit na diamante, iniukit ito sa kanilang puso at sa mga sungay ng kanilang mga dambana;
2 habang naaalala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at mga Ashera sa tabi ng bawat luntiang punungkahoy, at sa mga mataas na burol,
3 sa mga bundok sa kaparangan. Ang lahat mong kayamanan at ari-arian ay aking ibibigay na samsam bilang halaga ng iyong kasalanan sa iyong buong nasasakupan.
4 Ibibitaw mo ang iyong kamay sa iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at papaglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay nagningas ang apoy na magliliyab magpakailanman.”
Iba't Ibang Kasabihan
5 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao,
at ginagawang kalakasan ang laman,
at ang puso ay lumalayo sa Panginoon.
6 Sapagkat siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang,
at hindi makakakita ng anumang mabuting darating.
Siya'y maninirahan sa mga tuyong dako sa ilang,
sa lupang maalat at hindi tinatahanan.
7 “Mapalad ang tao na nagtitiwala sa Panginoon,
at ang pag-asa ay ang Panginoon.
8 Sapagkat(E) siya'y magiging tulad sa punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubig,
at gumagapang ang mga ugat sa tabi ng batis,
at hindi natatakot kapag dumarating ang init,
sapagkat ang mga dahon nito ay nananatiling sariwa;
at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyo,
sapagkat hindi ito tumitigil sa pamumunga.”
9 Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay,
at lubhang napakasama;
sinong makakaunawa nito?
10 “Akong(F) Panginoon ay sumisiyasat ng pag-iisip,
at sumusubok ng puso,[c]
upang ibigay sa lahat ang ayon sa kanilang mga lakad,
ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.”
11 Gaya ng pugo na pinipisa ang hindi naman kanyang itlog,
gayon ang yumayaman ngunit hindi sa tamang paraan;
sa kalagitnaan ng kanyang mga araw ay kanilang iiwan siya,
at sa kanyang wakas ay magiging hangal siya.
12 Isang maluwalhating trono na itinaas mula nang pasimula,
ang lugar ng aming santuwaryo.
13 O Panginoon, ang pag-asa ng Israel,
ang lahat ng tumalikod sa iyo ay mapapahiya.
Silang humihiwalay sa iyo ay masusulat sa lupa,
sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang bukal ng tubig na buháy.
Humingi ng Tulong sa Panginoon si Jeremias
14 Pagalingin mo ako, O Panginoon, at gagaling ako;
iligtas mo ako, at maliligtas ako;
sapagkat ikaw ang aking kapurihan.
15 Sinasabi nila sa akin,
“Nasaan ang salita ng Panginoon?
Hayaan itong dumating ngayon!”
16 Tungkol sa akin, hindi ako nagmadali na lumayo sa pagkapastol na kasunod mo;
ni ninasa ko man ang araw ng kapahamakan;
iyong nalalaman ang lumabas sa aking mga labi
ay nasa iyong harapan.
17 Huwag kang maging kilabot sa akin,
ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasamaan.
18 Mapahiya nawa silang umuusig sa akin,
ngunit huwag mo akong ipahiya;
biguin mo sila,
ngunit huwag akong biguin.
Iparating mo sa kanila ang araw ng kasamaan,
at wasakin mo sila ng ibayong pagkawasak!
Tungkol sa Pangingilin ng Sabbath
19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at tumayo ka sa pintuan ng mga anak ng taong-bayan, na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda, at sa lahat ng mga pintuan ng Jerusalem;
20 at sabihin mo sa kanila: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari ng Juda, at ng buong Juda, at ng lahat ng naninirahan sa Jerusalem na pumapasok sa mga pintuang ito.
21 Ganito(G) ang sabi ng Panginoon: Mag-ingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong magdala ng pasan sa araw ng Sabbath, o ipasok iyon sa mga pintuan ng Jerusalem.
22 Huwag(H) din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng Sabbath, o gumawa man kayo ng anumang gawain; kundi inyong ipangilin ang araw ng Sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga ninuno.
23 Gayunma'y hindi sila nakinig, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinagmatigas ang kanilang ulo, upang huwag silang makinig at tumanggap ng turo.
24 “‘Ngunit, kung kayo'y makikinig sa akin, sabi ng Panginoon, at hindi magpapasok ng pasan sa mga pintuan ng lunsod na ito sa araw ng Sabbath, kundi ipangingilin ang araw ng Sabbath, at hindi gagawa ng anumang gawain sa araw na iyon,
25 kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng lunsod na ito ang mga hari at prinsipe na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanilang mga prinsipe, ang mga mamamayan ng Juda at ang mga taga-Jerusalem; at ang lunsod na ito ay mananatili magpakailanman.
26 At darating ang mga tao mula sa mga bayan ng Juda at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, mula sa lupain ng Benjamin, mula sa Shefela, mula sa maburol na lupain, at mula sa Negeb, na may dalang mga handog na sinusunog at mga alay, mga handog na butil at insenso, at handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon.
27 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin, upang ipangilin ang araw ng Sabbath, at huwag magdala ng pasan at pumasok sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw ng Sabbath; kung magkagayo'y magpapaningas ako ng apoy sa mga pintuan nito, at lalamunin nito ang mga palasyo ng Jerusalem at hindi ito mapapatay.’”
Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok
18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Tumindig ka, bumaba ka sa bahay ng magpapalayok, at doo'y iparirinig ko sa iyo ang aking mga salita.”
3 Kaya't bumaba ako sa bahay ng magpapalayok, at naroon siya na gumagawa sa kanyang gulong na panggawa.
4 At ang sisidlan na kanyang ginagawa mula sa luwad ay nasira sa kamay ng magpapalayok, at muli niya itong ginawa upang maging panibagong sisidlan, ayon sa ikinasiya na gawin ng magpapalayok.
5 Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,
6 “O sambahayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito? sabi ng Panginoon. Gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel.
7 Kung sa anumang sandali ay magsalita ako ng tungkol sa isang bansa o sa isang kaharian na ito'y aking bubunutin, ibabagsak at lilipulin,
8 at kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon.
9 At kung sa anumang sandali ay magsalita ako tungkol sa isang bansa o kaharian, na ito'y aking itatayo at itatanim,
10 kung ito'y gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi nakikinig sa aking tinig, ay magbabago ang isip ko tungkol sa kabutihan na binabalak kong gawin doon.
11 Kaya't ngayon, sabihin mo sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y bumubuo ng kasamaan laban sa inyo, at bumabalangkas ng balak laban sa inyo. Manumbalik ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang masamang lakad, at baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.’
12 “Ngunit kanilang sinabi, ‘Wala iyang kabuluhan! Susunod kami sa aming sariling mga panukala, at bawat isa'y kikilos ng ayon sa katigasan ng kanyang masamang puso.’
13 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Ipagtanong mo sa mga bansa,
sinong nakarinig ng katulad nito?
Ang birhen ng Israel
ay gumawa ng kakilakilabot na bagay.
14 Iniiwan ba ng niyebe ng Lebanon
ang mga bato ng Sirion?
Natutuyo ba ang mga tubig sa bundok,
ang umaagos na malamig na tubig?
15 Ngunit kinalimutan ako ng aking bayan,
sila'y nagsusunog ng insenso sa mga di-tunay na diyos;
at sila'y natisod sa kanilang mga lakad,
sa mga sinaunang landas,
at lumakad sa mga daan sa tabi-tabi,
hindi sa lansangang-bayan,
16 na ginagawa ang kanilang lupain na isang katatakutan,
isang bagay na hahamakin magpakailanman.
Bawat isang dumaraan doon ay kinikilabutan
at iniiling ang kanyang ulo.
17 Ikakalat ko sila na gaya ng hanging silangan
sa harapan ng kaaway.
Ipapakita ko sa kanila ang aking likod, hindi ang aking mukha,
sa araw ng kanilang kapahamakan.”
18 Nang magkagayo'y sinabi nila, “Halikayo, at magpakana tayo ng mga pakana laban kay Jeremias, sapagkat ang kautusan ay hindi mawawala sa pari, o ang payo sa pantas, o ang salita man sa propeta. Halikayo, saktan natin siya sa pamamagitan ng dila at huwag nating pansinin ang kanyang mga salita.”
Si Jeremias ay Nanalangin Laban sa mga Kaaway
19 Bigyang-pansin mo ako, O Panginoon,
at pakinggan mo ang sinasabi ng aking mga kaaway!
20 Ang kasamaan ba'y ganti sa kabutihan?
Gayunma'y gumawa sila ng hukay para sa aking buhay.
Alalahanin mo kung paanong ako'y tumayo sa harapan mo,
upang magsalita ng mabuti para sa kanila,
upang ilayo ang iyong poot sa kanila.
21 Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa taggutom,
ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak;
ang kanila nawang mga asawa ay mawalan ng anak at mabalo.
Ang kanila nawang mga lalaki ay mamatay sa salot
at ang kanilang mga kabataan ay mapatay ng tabak sa labanan.
22 Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay,
kapag bigla mong dinala ang mga mandarambong sa kanila!
Sapagkat sila'y gumawa ng hukay upang kunin ako,
at naglagay ng mga bitag para sa aking mga paa.
23 Gayunman, ikaw, O Panginoon, ay nakakaalam
sa lahat nilang balak na ako'y patayin.
Huwag mong patawarin ang kanilang kasamaan,
ni pawiin man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin.
Bumagsak sana sila sa harapan mo.
Harapin mo sila sa panahon ng iyong galit.
Ang Basag na Banga
19 Ganito ang sabi ng Panginoon, “Humayo ka, bumili ka ng isang sisidlang-lupa ng magpapalayok, at isama mo ang ilan sa matatanda sa bayan at ang mga matatanda sa mga pari.
2 Lumabas(I) kayo sa libis ng anak ni Hinom na nasa tabi ng pasukan ng pintuan ng Harsit,[d] at ipahayag mo roon ang mga salita na aking sasabihin sa iyo.
3 At sabihin mo, ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, O mga hari ng Juda at mga naninirahan sa Jerusalem. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y magpaparating ng kasamaan sa dakong ito anupa't ang mga tainga ng makakarinig nito ay magpapanting.
4 Sapagkat tinalikuran ako ng bayan, at nilapastangan ang dakong ito sa pamamagitan ng pagsusunog dito ng insenso para sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala ni ng kanilang mga ninuno, ni ng mga hari ng Juda. Kanilang pinuno ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala.
5 Nagtayo(J) rin sila ng matataas na dako ni Baal na pinagsusunugan ng kanilang mga anak sa apoy bilang handog na sinusunog kay Baal, na hindi ko iniutos, o itinakda, ni pumasok man lamang sa aking pag-iisip.
6 Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang lugar na ito ay hindi na tatawaging Tofet, o libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan.
7 At sa lugar na ito ay gagawin kong walang kabuluhan ang mga panukala ng Juda at ng Jerusalem, at ibubuwal ko sila sa pamamagitan ng tabak sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay ibibigay kong pagkain para sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa lupa.
8 Gagawin kong katatakutan ang lunsod na ito, isang bagay na hahamakin. Bawat isa na magdaraan doon ay maghihilakbot at magsisisutsot dahil sa lahat nitong kapahamakan.
9 At ipapakain ko sa kanila ang laman ng kanilang mga anak na lalaki at babae, at bawat isa ay kakain ng laman ng kanyang kapwa sa pagkakakubkob at sa kagipitan, sa pamamagitan ng mga ito'y pahihirapan sila ng kanilang mga kaaway at ng mga tumutugis sa kanilang buhay.’
10 “Kung magkagayo'y babasagin mo ang banga sa paningin ng mga lalaking sumama sa iyo,
11 at sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ganito ko babasagin ang sambayanang ito at ang lunsod na ito, gaya ng pagbasag sa isang sisidlan ng magpapalayok, anupa't ito'y hindi na muling mabubuo. Ang mga tao'y maglilibing sa Tofet hanggang wala nang ibang lugar na mapaglilibingan.
12 Ganito ang gagawin ko sa dakong ito, sabi ng Panginoon, at sa mga naninirahan dito, upang ang lunsod na ito ay maging gaya ng Tofet.
13 At ang mga bahay ng Jerusalem at ang mga bahay ng mga hari sa Juda ay magiging marumi gaya ng lugar ng Tofet—lahat ng bahay na ang mga bubungan ay pinagsunugan ng insenso para sa lahat ng natatanaw sa langit, at ang mga handog na inumin ay ibinuhos para sa ibang mga diyos.’”
14 Nang dumating si Jeremias mula sa Tofet na pinagsuguan sa kanya ng Panginoon upang doon ay magsalita ng propesiya, tumayo siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon, at sinabi sa buong bayan:
15 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel. Dinadalhan ko ang lunsod na ito at ang lahat nitong mga bayan ng lahat ng kasamaan na aking sinalita laban dito, sapagkat pinapagmatigas nila ang kanilang ulo at ayaw nilang makinig sa aking mga salita.”
Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur
20 Napakinggan ni Pashur na anak ni Imer na pari, na punong-tagapangasiwa sa bahay ng Panginoon, si Jeremias na nagsasalita ng propesiya tungkol sa mga bagay na ito.
2 Nang magkagayo'y sinaktan ni Pashur si Jeremias na propeta, at ginapos sa tanikala sa mas mataas na pintuan ng Benjamin sa bahay ng Panginoon.
3 Kinabukasan, nang mapalaya na ni Pashur si Jeremias mula sa mga tanikala, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi ka tinatawag ng Panginoon sa pangalang Pashur, kundi Magor-missabib.[e]
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, gagawin kitang kilabot sa iyong sarili at sa iyong mga kaibigan. Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak ng kanilang mga kaaway habang ikaw ay nakatingin. At ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari ng Babilonia. Kanyang dadalhin sila bilang mga bihag sa Babilonia, at papatayin sila ng tabak.
5 Bukod dito ay ibibigay ko ang lahat ng kayamanan ng lunsod na ito, lahat ng kinita nito, lahat ng mahahalagang ari-arian nito, at ang lahat ng kayamanan ng mga hari ng Juda sa kamay ng kanilang mga kaaway na mananamsam sa kanila na huhuli at magdadala sa kanila sa Babilonia.
6 At ikaw, Pashur, at ang lahat ng nakatira sa iyong bahay ay pupunta sa pagkabihag. Pupunta ka sa Babilonia at doon ka mamamatay, at doon ka ililibing, ikaw at ang lahat mong mga kaibigan na iyong pinagpahayagan ng kasinungalingan.”
7 O Panginoon, dinaya[f] mo ako,
at ako'y nadaya;[g]
mas malakas ka kaysa akin,
at nanaig ka.
Ako'y nagiging katatawanan buong araw,
tinutuya ako ng bawat isa.
8 Sapagkat tuwing ako'y magsasalita, sumisigaw ako,
isinisigaw ko, “Karahasan at pagkawasak!”
Sapagkat ang salita ng Panginoon ay naging pagkutya at kadustaan sa akin sa bawat araw.
9 At kung aking sasabihin, “Hindi ko na siya babanggitin,
o magsasalita pa sa kanyang pangalan,”
waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy
na nakakulong sa aking mga buto,
at ako'y pagod na sa kapipigil dito,
at hindi ko makaya.
10 Sapagkat narinig ko ang marami na bumubulong.
Ang kilabot ay nasa lahat ng panig!
“Batikusin natin siya. Batikusin natin siya!”
Ang wika ng lahat kong mga kaibigan,
na nagmamatyag sa aking pagbagsak.
“Marahil siya'y madadaya,
kung magkagayo'y madadaig natin siya,
at tayo'y makakaganti sa kanya.”
11 Ngunit ang Panginoon ay kasama ko na gaya ng isang kinatatakutang mandirigma;
kaya't ang mga umuusig sa akin ay matitisod,
hindi nila ako madadaig.
Sila'y lubhang mapapahiya,
sapagkat sila'y hindi magtatagumpay.
Ang kanilang walang hanggang kahihiyan
ay hindi malilimutan.
12 O Panginoon ng mga hukbo, na sumusubok sa matuwid,
na nakakakita ng puso at pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila;
sapagkat sa iyo ay itinalaga ko ang aking ipinaglalaban.
13 Magsiawit kayo sa Panginoon,
purihin ninyo ang Panginoon!
Sapagkat kanyang iniligtas ang kaluluwa ng nangangailangan
mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
14 Sumpain(K) ang araw
na ako'y ipinanganak!
Ang araw na ako'y isinilang ng aking ina,
huwag nawa itong basbasan!
15 Sumpain ang tao
na nagdala ng balita sa aking ama,
“Isang lalaki ang ipinanganak sa iyo,”
na kanyang ikinagalak.
16 Ang lalaki nawang iyon ay maging gaya ng mga lunsod
na walang awang giniba ng Panginoon,
at makarinig nawa siya ng daing sa umaga,
at babala sa katanghaliang-tapat;
17 sapagkat hindi niya ako pinatay sa sinapupunan;
at sa gayo'y naging libingan ko sana ang aking ina,
at ang kanyang sinapupunan, ay naging dakila magpakailanman.
18 Bakit ako'y lumabas pa sa sinapupunan
upang makakita ng hirap at kalungkutan,
at gugulin ang aking mga araw sa kahihiyan?
Hinulaan ang Pagkawasak ng Jerusalem
21 Ito ang salitang dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, nang suguin sa kanya ni Haring Zedekias si Pashur na anak ni Malkias, at si Sefanias na anak ng paring si Maasias, na sinasabi,
2 “Isangguni(L) mo kami sa Panginoon sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nakikipagdigma laban sa amin. Marahil ang Panginoon ay gagawa sa amin ng ayon sa lahat niyang kahanga-hangang gawa, at kanyang pauurungin siya mula sa amin.”
3 At sinabi ni Jeremias sa kanila,
4 “Ganito ang inyong sasabihin kay Zedekias: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel. Ibabalik ko ang mga sandatang pandigma na nasa inyong mga kamay, na inyong ginagamit sa pakikipaglaban sa hari ng Babilonia, at laban sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo sa labas ng mga pader. Aking titipunin ang mga iyon sa gitna ng lunsod na ito.
5 Ako mismo ang lalaban sa inyo na may nakaunat na kamay at malakas na bisig, sa galit, sa bagsik, at sa matinding poot.
6 At pupuksain ko ang mga naninirahan sa lunsod na ito, ang tao at ang hayop: sila'y mamamatay sa matinding salot.
7 At pagkatapos, sabi ng Panginoon, ibibigay ko si Zedekias na hari ng Juda, at ang kanyang mga lingkod, at ang mga tao sa lunsod na ito na nakaligtas sa salot, sa tabak, at sa taggutom, sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia at sa kamay ng kanilang mga kaaway, sa kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Kanyang papatayin sila ng talim ng tabak; sila'y hindi niya kahahabagan, o patatawarin man, o kaaawaan man.’
8 “At sa sambayanang ito ay sasabihin mo: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Inilalagay ko sa harapan ninyo ang daan ng buhay at ang daan ng kamatayan.
9 Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng gutom, at ng salot; ngunit ang lumabas at sumuko sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo ay mabubuhay, at tataglayin ang kanyang buhay bilang gantimpala sa digmaan.
10 Sapagkat iniharap ko ang aking mukha laban sa lunsod na ito para sa kasamaan at hindi sa kabutihan, sabi ng Panginoon. Ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang susunugin ito ng apoy.’
Ang Juda ay Binabalaan tungkol sa Paghatol nang Hindi Matuwid
11 “At sabihin mo sa sambahayan ng hari ng Juda, ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.
12 O sambahayan ni David! Ganito ang sabi ng Panginoon,
“‘Maggawad ka ng katarungan sa bawat umaga,
at iligtas mo ang nanakawan mula sa kamay ng mapang-api,
upang ang aking poot ay hindi lumabas na parang apoy,
at susunog na walang makakapatay,
dahil sa inyong masasamang gawa!’”
13 “Narito, ako'y laban sa iyo, O naninirahan sa libis,
O bato ng kapatagan, sabi ng Panginoon;
kayong nagsasabi, ‘Sinong bababang laban sa atin?
o sinong papasok sa ating mga tirahan?’
14 Ngunit parurusahan ko kayo ayon sa bunga ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon;
ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang gubat,
at lalamunin nito ang lahat ng nasa kanyang palibot.”
Ang Mensahe ni Jeremias sa mga Namumuno sa Juda
22 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Bumaba ka sa bahay ng hari ng Juda, at sabihin mo doon ang salitang ito,
2 at iyong sabihin, ‘Pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O hari ng Juda, na nakaluklok sa trono ni David, ikaw, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong mga mamamayan na pumapasok sa mga pintuang ito.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon: Gumawa kayo nang may katarungan at katuwiran, at iligtas ninyo ang ninakawan mula sa kamay ng mapang-api. At huwag ninyong gawan ng masama o karahasan ang mga dayuhan, ang mga ulila at ang mga balo, o magpadanak man ng walang salang dugo sa dakong ito.
4 Sapagkat kung tunay na inyong susundin ang salitang ito, kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng bahay na ito ang mga hari na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanyang mga lingkod, at ang kanilang taong-bayan.
5 Ngunit(M) kung hindi ninyo susundin ang mga salitang ito, ako'y sumusumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang bahay na ito ay mawawasak.
6 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ng hari ng Juda,
“‘Ikaw ay gaya ng Gilead sa akin,
gaya ng tuktok ng Lebanon;
tiyak na gagawin kitang isang disyerto,
gaya ng mga lunsod na hindi tinatahanan.
7 Ako'y maghahanda ng mga mamumuksa laban sa iyo,
bawat isa'y may kanya-kanyang mga sandata;
at kanilang puputulin ang iyong mga piling sedro,
at ihahagis sa apoy.
8 “‘Maraming bansa ang daraan sa lunsod na ito, at sasabihin ng bawat isa sa kanyang kapwa, “Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa dakilang lunsod na ito?”
9 At sila'y sasagot, “Sapagkat kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon nilang Diyos, at sumamba sa ibang mga diyos, at naglingkod sa kanila.”’”
Ang Pahayag tungkol kay Shallum
10 Huwag ninyong iyakan ang patay,
o tangisan man ninyo siya;
kundi patuloy ninyong iyakan ang umaalis,
sapagkat hindi na siya babalik,
ni makikita pa ang kanyang lupang tinubuan.
11 Sapagkat(N) ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Shallum na anak ni Josias, na hari ng Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kanyang ama, na umalis sa lugar na ito: “Hindi na siya babalik rito,
12 kundi sa dakong pinagdalhan sa kanya bilang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya muling makikita ang lupaing ito.”
Ang Pahayag tungkol kay Jehoiakim
13 “Kahabag-habag siya na nagtatayo ng kanyang bahay sa kawalang-katuwiran,
at ng kanyang mga silid sa itaas sa pamamagitan ng kawalang-katarungan;
na pinapaglingkod ang kanyang kapwa na walang upa,
at hindi niya binibigyan ng kanyang sahod;
14 na nagsasabi, ‘Ako'y magtatayo para sa sarili ko ng malaking bahay
na may maluluwang na silid sa itaas,’
at naglalagay ng mga bintana roon,
dinidingdingan ng sedro,
at pinipintahan ng kulay pula.
15 Sa palagay mo ba ikaw ay hari,
sapagkat nakikipagpaligsahan ka na may sedro?
Di ba't ang iyong ama ay kumain at uminom
at naggawad ng katarungan at katuwiran?
Kaya naman iyon ay ikinabuti niya.
16 Kanyang hinatulan ang kapakanan ng dukha at ng nangangailangan;
at iyon ay mabuti.
Hindi ba ito ang pagkilala sa akin?
sabi ng Panginoon.
17 Ngunit ang iyong mga mata at puso
ay para lamang sa iyong madayang pakinabang,
at sa pagpapadanak ng walang salang dugo,
at sa paggawa ng pang-aapi at karahasan.”
18 Kaya't(O) ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda,
“Hindi nila tataghuyan siya na sasabihin,
‘Ah, kapatid kong lalaki!’ o kaya'y, ‘Ah, kapatid na babae!’
Hindi nila tataghuyan siya na sasabihin,
‘Ah, panginoon!’ o, ‘Ah, kamahalan!’
19 Ililibing siya ng libing ng asno,
kakaladkarin at itatapon sa labas ng mga pintuan ng Jerusalem.”
20 “Umakyat ka sa Lebanon at sumigaw ka,
ilakas mo ang iyong tinig sa Basan,
at ikaw ay sumigaw mula sa Abarim;
sapagkat ang lahat mong mangingibig ay nalipol.
21 Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kasaganaan,
ngunit iyong sinabi, ‘Hindi ako makikinig.’
Ito na ang iyong pamumuhay mula sa iyong pagkabata,
na hindi mo pinakinggan ang aking tinig.
22 Papastulin ng hangin ang lahat mong mga pastol,
at ang iyong mga mangingibig ay pupunta sa pagkabihag;
kung magkagayon ay mapapahiya ka at malilito
dahil sa lahat mong kasamaan.
23 O naninirahan sa Lebanon,
na namumugad sa gitna ng mga sedro,
gayon na lamang ang iyong paghihinagpis kapag dumating sa iyo ang pagdaramdam
na gaya ng hirap ng isang babaing nanganganak!”
Ang Hatol ng Diyos kay Conias
24 “Habang(P) ako'y buháy, sabi ng Panginoon, kahit pa si Conias na anak ni Jehoiakim na hari ng Juda ay maging singsing na pantatak sa aking kanang kamay, gayunma'y bubunutin kita,
25 at ibibigay kita sa kamay ng mga tumutugis sa iyong buhay, oo, sa kamay ng iyong mga kinatatakutan, maging sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo.
26 Itatapon kita at ang iyong ina na nagsilang sa iyo sa ibang lupain na hindi ninyo sinilangan, at doon kayo mamamatay.
27 Ngunit sa lupain na kasasabikan nilang balikan, hindi sila makakabalik doon.”
28 Ito bang lalaking si Conias ay isang hamak na basag na palayok?
O siya ba'y isang sisidlang hindi kanais-nais?
Bakit siya at ang kanyang mga anak ay itinatapon,
at inihahagis sa lupaing hindi nila kilala?
29 O lupa, lupa, lupa,
pakinggan mo ang salita ng Panginoon!
30 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Isulat ninyo ang lalaking ito bilang walang anak,
isang lalaki na hindi magtatagumpay sa kanyang mga araw;
sapagkat walang sinuman sa kanyang mga supling ang magtatagumpay
na luluklok sa trono ni David,
at maghahari pang muli sa Juda.”
Ang Pag-asa sa Hinaharap
23 “Kahabag-habag ang mga pastol na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa ng aking pastulan!” sabi ng Panginoon.
2 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga pastol na nangangalaga sa aking bayan: “Inyong pinangalat ang aking kawan, at itinaboy ninyo sila, at hindi ninyo sila dinalaw. Dadalawin ko kayo dahil sa inyong masasamang gawa, sabi ng Panginoon.
3 Pagkatapos ay titipunin ko mismo ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang mga kulungan at sila'y magiging mabunga at darami.
4 Ako'y maglalagay ng mga pastol na mag-aalaga sa kanila at hindi na sila matatakot, o manlulupaypay pa, o mawawala man ang sinuman sa kanila, sabi ng Panginoon.
5 “Narito(Q) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon para kay David ng isang matuwid na Sanga. At siya'y mamumuno bilang hari at gagawang may katalinuhan, at maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.
6 Sa kanyang mga araw ay maliligtas ang Juda at ang Israel ay tiwasay na maninirahan. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ang ating katuwiran.’
7 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon sa mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto;’
8 kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon at nanguna sa mga anak ng sambahayan ng Israel mula sa hilagang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila.’ At sila'y maninirahan sa kanilang sariling lupa.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001