Bible in 90 Days
Mga Pang-akit ng Pangangalunya
7 Anak ko, ang mga salita ko'y iyong ingatan,
at ang aking mga utos ay iyong pahalagahan.
2 Sundin mo ang aking mga utos at mabubuhay ka;
ingatan mo ang aking aral na parang itim ng iyong mata.
3 Sa iyong mga daliri ay iyong itali,
sa ibabaw ng iyong puso ay isulat mo.
4 Sabihin mo sa karunungan, “Ikaw ay aking kapatid na babae,”
at tawagin mong kamag-anak ang kaunawaan;
5 upang maingatan ka mula sa babaing masama,
sa babaing mapangalunya na may matatamis na salita.
6 Sapagkat sa bintana ng aking bahay
ay tumingin ako sa aking dungawan,
7 at ako'y tumingin sa mga walang muwang,
ako'y nagmasid sa mga kabataan,
may isang kabataang walang katinuan,
8 na dumaraan sa lansangan na malapit sa kanyang panulukan,
at siya'y humayo sa daan na patungo sa kanyang bahay,
9 sa pagtatakipsilim, sa kinagabihan,
sa oras ng gabi at kadiliman.
10 At, narito, siya'y sinalubong ng isang babae,
na nakagayak tulad ng isang upahang babae, at tuso sa puso.
11 Siya'y matigas ang ulo at maingay,
ang kanyang mga paa ay hindi tumitigil sa bahay;
12 ngayo'y nasa mga lansangan, mamaya'y nasa pamilihan,
at siya'y nag-aabang sa bawat panulukan.
13 Sa gayo'y hinahawakan niya ang lalaki[a] at hinahagkan siya,
at may mukhang walang hiya na nagsasabi sa kanya,
14 “Kailangan kong mag-alay ng mga handog-pangkapayapaan,
sa araw na ito ang mga panata ko'y aking nagampanan.
15 Kaya't lumabas ako upang salubungin ka,
masigasig kong hinanap ang iyong mukha, at natagpuan kita.
16 Ginayakan ko ng mga panlatag ang higaan ko,
na yari sa kinulayang lino mula sa Ehipto.
17 At aking pinabanguhan ang aking kama,
ng mira, aloe, at kanela.
18 Halika, magpakabusog tayo sa pag-ibig hanggang sa kinaumagahan;
magpakasaya tayo sa paglalambingan.
19 Sapagkat ang aking asawa ay wala sa bahay,
sa malayong lugar siya'y naglakbay;
20 siya'y nagdala ng isang supot ng salapi;
sa kabilugan ng buwan pa siya uuwi.”
21 Sa maraming mapanuksong salita kanyang nahikayat siya,
sa malumanay niyang labi siya'y kanyang nahila.
22 Pagdaka ay sumusunod siya sa kanya,[b]
gaya ng toro na sa katayan pupunta,
o gaya ng isang nasisilong usa,[c]
23 hanggang sa ang isang palaso'y sa bituka niya tumagos,
gaya ng ibong sa bitag ay humahangos;
na hindi nalalamang kanyang buhay ay matatapos.
24 Ngayon nga, mga anak, dinggin ninyo ako,
sa mga salita ng aking bibig ay makinig kayo.
25 Huwag ibaling ang iyong puso sa kanyang mga lakad,
huwag kang maliligaw sa kanyang mga landas.
26 Sapagkat napakarami na niyang itinumba,
oo, lubhang marami na siyang naging biktima.
27 Daang patungo sa Sheol ang kanyang bahay,
pababa sa mga silid ng kamatayan.
Ang Panawagan ng Karunungan
8 Hindi(A) ba nananawagan ang karunungan,
at nagtataas ng tinig ang kaunawaan?
2 Sa matataas na dako sa tabi ng daan,
siya'y tumatayo sa mga sangandaan.
3 Sa tabi ng mga pintuan sa harapan ng bayan,
siya'y sumisigaw ng malakas sa pasukan ng mga pintuan:
4 “Sa inyo, O mga lalaki, tumatawag ako,
at ang aking sigaw ay sa mga anak ng mga tao.
5 O kayong mga walang muwang, matuto kayo ng katalinuhan;
at, maging maunawain kayo, kayong mga hangal.
6 Makinig kayo, sapagkat magsasalita ako ng mga bagay na marangal,
at mamumutawi sa aking mga labi ang matutuwid na bagay;
7 sapagkat ang aking bibig ay magsasabi ng katotohanan;
at karumaldumal sa aking mga labi ang kasamaan.
8 Ang mga salita ng aking bibig ay pawang katuwiran;
sa kanila'y walang liko o baluktot man.
9 Sa kanya na nakakaunawa ay pawang makatuwiran,
at wasto sa kanila na nakakatagpo ng kaalaman.
10 Sa halip na pilak, ang kunin mo'y ang aking aral;
at sa halip na dalisay na ginto ay ang kaalaman.
11 Sapagkat mabuti kaysa alahas ang karunungan,
at lahat ng maaari mong naisin, sa kanya'y di maipapantay.
12 Akong karunungan ay nakatirang kasama ng katalinuhan,
at natatagpuan ko ang kaalaman at tamang kahatulan.
13 Ang takot sa Panginoon ay pagkamuhi sa kasamaan.
Ang kapalaluan, kahambugan, landas ng kasamaan,
at ang masamang pananalita ay aking kinasusuklaman.
14 Mayroon akong payo at magaling na karunungan,
ako'y may kaunawaan, ako'y may kalakasan.
15 Naghahari ang mga hari sa pamamagitan ko,
at naggagawad ng katarungan ang mga pangulo.
16 Sa pamamagitan ko ay namumuno ang mga pangulo,
at namamahala sa lupa ang mararangal na tao.
17 Iniibig ko silang sa akin ay umiibig,
at ako'y natatagpuan ng humahanap sa aking masigasig.
18 Nasa akin ang mga kayamanan at dangal,
ang kayamanan at kasaganaang tumatagal.
19 Ang bunga ko ay mas mabuti kaysa ginto, kaysa gintong mainam,
at maigi kaysa piling pilak ang aking pakinabang.
20 Lumalakad ako sa daan ng katuwiran,
sa mga landas ng katarungan,
21 upang aking bigyan ng yaman ang sa aki'y nagmamahal,
at upang aking mapuno ang kanilang kabang-yaman.
Ang Bahagi ng Karunungan sa Paglikha
22 Inari(B) ako ng Panginoon sa pasimula ng lakad niya,
bago pinasimulan ang kanyang mga gawa ng una.
23 Ako'y inilagay mula ng walang pasimula,
noong una, bago pa man nilikha ang lupa.
24 Ako'y nailabas na nang wala pang mga kalaliman;
nang wala pang masaganang tubig mula sa mga bukal.
25 Bago pa ang mga bundok ay hinugisan,
bago ang mga burol, ako'y isinilang,
26 nang hindi pa niya nagagawa ang lupa, ni ang mga parang man,
ni ang pasimula man ng alabok ng sanlibutan.
27 Naroroon na ako nang kanyang itatag ang kalangitan,
nang siya'y maglagay ng bilog sa ibabaw ng kalaliman,
28 nang kanyang pagtibayin ang langit sa kaitaasan,
nang kanyang patatagin ang mga bukal ng kalaliman,
29 nang itakda niya sa dagat ang kanyang hangganan,
upang huwag suwayin ng tubig ang kanyang kautusan,
nang ang mga saligan ng lupa'y nilagyan niya ng palatandaan,
30 nasa tabi nga niya ako na gaya ng punong manggagawa;[d]
at ako ang kanyang pang-araw-araw na ligaya,
na laging nagagalak sa harapan niya,
31 nagagalak sa kanyang lupang tinatahanan,
at sa mga anak ng mga tao ay nasisiyahan.
32 At ngayon, mga anak ko, ako'y inyong pakinggan,
mapapalad ang nag-iingat ng aking mga daan.
33 Makinig kayo sa turo, at magpakatalino,
at huwag ninyong pababayaan ito.
34 Mapalad ang taong nakikinig sa akin,
na nagbabantay araw-araw sa aking mga tarangkahan,
na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.
35 Sapagkat ang nakakatagpo sa akin, ay nakakatagpo ng buhay,
at biyaya mula sa Panginoon ay kanyang makakamtan.
36 Ngunit siyang nagkakasala laban sa akin ay sarili niya ang sinasaktan;
lahat ng namumuhi sa akin ay umiibig sa kamatayan.”
Ang Karunungan at ang Karangalan
9 Itinayo ng karunungan ang kanyang bahay,
ang kanyang pitong haligi ay kanyang inilagay.[e]
2 Mga hayop niya ay kanyang kinatay, ang kanyang alak ay kanyang hinaluan,
kanya ring inihanda ang kanyang hapag-kainan.
3 Sinugo niya ang kanyang mga alilang babae upang manawagan,
mula sa pinakamatataas na dako sa bayan,
4 “Sinumang walang muwang, pumasok dito!”
Sa kanya na mahina sa pag-unawa, ay sinasabi niya,
5 “Halikayo, kumain kayo ng aking tinapay,
at uminom kayo ng alak na aking hinaluan.
6 Iwan ninyo ang kawalang muwang at kayo'y mabuhay,
at kayo'y lumakad na may pang-unawa.”
7 Siyang sumasaway sa manlilibak ay nakakakuha ng kahihiyan,
at siyang sumasaway sa masama ay siya ring nasasaktan.
8 Huwag mong sawayin ang manlilibak, baka kamuhian ka niya;
sawayin mo ang marunong, at kanyang iibigin ka.
9 Turuan mo ang marunong, at dudunong pa siyang lalo,
turuan mo ang matuwid, at sa kaalaman siya'y lalago.
10 Ang(C) takot sa Panginoon ang pasimula ng karunungan,
at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.
11 Sapagkat sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga araw,
at ang mga taon ng iyong buhay ay madaragdagan.
12 Kung ikaw ay pantas, pantas ka para sa sarili mo,
at kung ikaw ay manlibak, mag-isa kang magpapasan nito.
Ang Anyaya ng Hangal na Babae
13 Ang hangal na babae ay madaldal;
siya'y magaslaw at walang nalalaman.
14 Siya'y nauupo sa pintuan ng kanyang bahay,
sa isang upuan sa matataas na dako ng bayan,
15 upang tawagin ang mga nagdaraan,
na matuwid na humahayo sa kanilang mga lakad.
16 “Sinumang walang muwang ay pumasok dito!”
At sa kanya na kulang sa pag-unawa, ay kanyang sinasabi,
17 “Ang ninakaw na tubig ay matamis,
ang tinapay na kinakain sa lihim ay kanais-nais.”
18 Ngunit hindi niya nalalaman na ang mga patay ay naroon,
na ang mga panauhin niya ay nasa mga kalaliman ng Sheol.
Ang mga Pangaral ni Solomon
10 Mga kawikaan ni Solomon.
Ang matalinong anak ay nakapagpapaligaya sa ama,
ngunit ang hangal na anak ay kalungkutan sa kanyang ina.
2 Ang mga kayamanan na mula sa kasamaan ay hindi mapapakinabangan,
ngunit ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
3 Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang matuwid,
ngunit ang nasa ng masama ay kanyang pinapatid.
4 Ang mapagpabayang kamay ay dahilan ng kahirapan,
ngunit ang kamay ng masipag ay nagpapayaman.
5 Isang pantas na anak siyang nagtitipon sa tag-araw,
ngunit siyang natutulog sa tag-ani ay nagdadala ng kahihiyan.
6 Nasa ulo ng matuwid ang mga pagpapala,
ngunit nagtatago ng karahasan ang bibig ng masama.
7 Ang alaala ng matuwid ay isang pagpapala,
ngunit ang pangalan ng masama ay mapapariwara.
8 Ang pantas sa puso ay susunod sa mga kautusan,
ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal.
9 Siyang lumalakad sa katapatan ay lumalakad nang tiwasay,
ngunit ang sumisira ng kanyang mga lakad ay matutuklasan.
10 Siyang kumikindat ng mata ay pinagmumulan ng kaguluhan,
ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal.
11 Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,
ngunit ang bibig ng masama ay nagtatago ng karahasan.
12 Ang(D) pagkamuhi ay nagbubunsod ng alitan,
ngunit tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsuway.
13 Nasusumpungan sa mga labi ng may unawa ang karunungan,
ngunit ang pamalo ay para sa likod ng walang kaunawaan.
14 Ang mga pantas ay nag-iimbak ng kaalaman,
ngunit ang kadaldalan ng hangal ay naglalapit sa kapahamakan.
15 Ang kayamanan ng mayaman ang kanyang lunsod na matibay;
ang kahirapan ng dukha ang kanilang kapahamakan.
16 Ang kabayaran ng matuwid ay patungo sa buhay;
ang pakinabang ng masama ay tungo sa kasalanan.
17 Nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng pangaral,
ngunit siyang tumatanggi sa saway ay naliligaw.
18 Siyang nagkukubli ng pagkamuhi ay may labing mapanlinlang,
at siyang naninirang-puri ay isang hangal.
19 Sa dami ng mga salita ay hindi mawawalan ng pagsalangsang,
ngunit siyang nagpipigil ng kanyang mga labi ay may karunungan.
20 Ang dila ng matuwid ay piling pilak ang katulad,
ang isipan ng masama ay maliit ang katumbas.
21 Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami,
ngunit ang hangal ay namamatay sa kakulangan ng bait sa sarili.
22 Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman,
at hindi niya ito dinaragdagan ng kapanglawan.
23 Isang libangan sa hangal ang paggawa ng kasamaan,
ngunit ang matalinong asal, sa taong may unawa ay kasiyahan.
24 Ang kinatatakutan ng masama, sa kanya ay sasapit,
ngunit ipagkakaloob ang nasa ng matuwid.
25 Pagdaan ng unos, ang masama'y napaparam,
ngunit ang matuwid ay matatag magpakailanman.
26 Kung paano ang suka sa mga ngipin, at ang usok sa mga mata,
gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kanya.
27 Ang takot sa Panginoon ay nagpapahaba ng buhay,
ngunit ang mga taon ng masama ay maiikli lamang.
28 Ang pag-asa ng matuwid ay hahantong sa kaligayahan,
ngunit ang inaasam ng masama ay mapaparam.
29 Ang daan ng Panginoon sa matuwid ay tanggulan,
ngunit kapahamakan sa mga gumagawa ng kasamaan.
30 Ang matuwid ay hindi makikilos kailanman,
ngunit ang masama, sa lupain ay hindi tatahan.
31 Ang bibig ng matuwid ay nagbibigay ng karunungan,
ngunit ang mandarayang dila ay ihihiwalay.
32 Nalalaman ng mga labi ng matuwid ang nakakalugod,
ngunit ang bibig ng masama, ang alam ay baluktot.
11 Kasuklamsuklam sa Panginoon ang madayang timbangan,
ngunit ang tamang timbangan ay kanyang kasiyahan.
2 Kapag dumarating ang pagmamataas ay dumarating din ang kahihiyan;
ngunit kasama ng mapagpakumbaba ay ang karunungan.
3 Ang katapatan ng mga matuwid ang pumapatnubay sa kanila,
ngunit ang kalikuan ng mga taksil ang sa kanila'y sumisira.
4 Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa araw ng kapootan,
ngunit ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
5 Ang katuwiran ng walang sala ang nagtutuwid sa kanyang daan,
ngunit nabubuwal ang masama dahil sa sarili niyang kasamaan.
6 Ang katuwiran ng matutuwid ang nagliligtas sa kanila,
ngunit ang mga taksil ay nadadakip sa kanilang sariling pagnanasa.
7 Kapag ang masamang tao ay namamatay, ang kanyang pag-asa ay mapapahamak,
at ang inaasam ng masama ay napaparam.
8 Ang matuwid ay naliligtas sa gulo,
at ang masama naman ay nasasangkot dito.
9 Pinupuksa ng masama ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bibig,
ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas ang matuwid.
10 Kapag napapabuti ang matutuwid, ang lunsod ay nagdiriwang,
at kapag ang masama ay napapahamak, may sigawan ng kagalakan.
11 Sa pagpapala ng matuwid ang lunsod ay dinadakila,
ngunit ito'y nawawasak sa pamamagitan ng bibig ng masama.
12 Ang humahamak sa kanyang kapwa ay kulang sa sariling bait,
ngunit ang taong may unawa ay tumatahimik.
13 Ang gumagalang tagapagdala ng tsismis, mga lihim ay inihahayag,
ngunit nakapagtatago ng bagay ang may espiritung tapat.
14 Kung saan walang patnubay, bumabagsak ang bayan;
ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong kaligtasan.
15 Siyang nananagot sa di-kilala, sa gusot ay malalagay;
ngunit siyang namumuhi sa pananagot ay tiwasay.
16 Ang mapagbiyayang babae ay nagkakamit ng karangalan,
at ang marahas na lalaki ay nagkakaroon ng kayamanan.
17 Ang taong mabait ay gumagawa ng mabuti sa kanyang sarili,
ngunit ang taong malupit ay nananakit sa kanyang sarili.
18 Napapalâ ng masama ay madayang kabayaran,
ngunit ang naghahasik ng katuwiran ay tiyak na gantimpala ang kakamtan.
19 Siyang matatag sa katuwiran ay mabubuhay,
ngunit ang humahabol sa kasamaan ay mamamatay.
20 Silang suwail sa puso sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit ang sakdal sa kanilang lakad ay kanyang kasiyahan.
21 Ang masamang tao ay tiyak na parurusahan,
ngunit ang matutuwid ay may kaligtasan.
22 Tulad ng singsing na ginto sa nguso ng baboy,
gayon ang isang magandang babae na walang dunong.
23 Ang nasa ng matuwid ay nagwawakas lamang sa kabutihan,
ngunit ang inaasahan ng masama ay sa kapootan.
24 May taong nagbibigay ng masagana at lalo pang yumayaman,
may nagkakait ng dapat ibigay, ngunit naghihirap lamang.
25 Ang taong mapagbigay ay payayamanin,
at siyang nagdidilig ay didiligin din.
26 Susumpain ng bayan ang nagkakait ng trigo,
ngunit ang nagbibili niyon ay may pagpapala sa kanyang ulo.
27 Ang masipag na humahanap ng mabuti ay humahanap ng pagpapala,
ngunit ang kasamaa'y dumarating sa naghahanap ng masama.
28 Siyang nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan ay mabubuwal,[f]
ngunit ang matuwid ay mamumukadkad na parang dahong luntian.
29 Magmamana ng hangin ang gumugulo sa kanyang sariling sambahayan,
at magiging alipin naman ng marunong ang hangal.
30 Ang bunga ng matuwid ay punungkahoy ng buhay;
at ang humihikayat ng kaluluwa ay may karunungan.
31 Kung(E) ang matuwid sa lupa ay ginagantihan,
gaano pa kaya ang masama at ang makasalanan!
12 Ang umiibig sa pangaral ay umiibig sa kaalaman,
ngunit ang namumuhi sa saway ay isang hangal.
2 Ang mabuting tao ay magtatamo ng biyaya ng Panginoon,
ngunit kanyang parurusahan ang taong may masasamang layon.
3 Hindi tumatatag ang isang tao sa pamamagitan ng kasamaan,
ngunit ang ugat ng matuwid ay hindi magagalaw.
4 Ang mabuting babae ay korona ng kanyang asawa,
ngunit parang kabulukan sa kanyang mga buto kung kahihiyan ang dulot niya.
5 Ang mga iniisip ng matuwid ay makatarungan,
ang mga payo ng masama ay kataksilan.
6 Ang mga salita ng masama ay nag-aabang ng dugo,
ngunit ang bibig ng matuwid ang nagliligtas sa tao.
7 Ang masasama ay ibinabagsak at pinapawi,
ngunit ang sambahayan ng matuwid ay mananatili.
8 Pinupuri ang tao ayon sa kanyang katinuan,
ngunit ang may masamang puso ay hahamakin lamang.
9 Mabuti pa ang taong mapagpakumbaba na gumagawa para sa kanyang sarili,
kaysa nagkukunwaring dakila na wala namang makain.
10 Buhay ng kanyang hayop, pinapahalagahan ng matuwid,
ngunit ang kaawaan ng masama ay malupit.
11 Siyang nagbubungkal ng kanyang lupa ay magkakaroon ng tinapay na sagana,
ngunit siyang sumusunod sa walang kabuluhang bagay ay walang unawa.
12 Ang matatag na tore ng masama ay nawawasak,
ngunit ang ugat ng matuwid ay nananatiling matatag.
13 Sa pagsalangsang ng mga labi nasisilo ang masamang tao,
ngunit ang matuwid ay nakakatakas sa gulo.
14 Ang tao ay masisiyahan sa kabutihan sa pamamagitan ng bunga ng kanyang bibig;
at ang mga gawain ng mga kamay ng tao sa kanya'y bumabalik.
15 Ang lakad ng hangal, sa sarili niyang paningin ay wasto,
ngunit ang marunong ay nakikinig sa payo.
16 Ang pagkayamot ng hangal ay agad nahahalata,
ngunit hindi pinapansin ng matalino ang pagkutya.
17 Ang nagsasabi ng katotohanan ay nagbibigay ng tapat na katibayan,
ngunit ang sinungaling na saksi ay nagsasalita ng kadayaan.
18 Mga salitang padalus-dalos ay parang ulos ng espada,
ngunit ang dila ng pantas ay kagalingan ang dala.
19 Ang labi ng katotohanan ay nagtatagal kailanman,
ngunit ang sinungaling na dila ay panandalian lamang.
20 Ang pandaraya ay nasa puso ng mga kumakatha ng kasamaan,
ngunit ang nagpaplano ng kabutihan ay may kagalakan.
21 Walang mangyayaring kapahamakan sa matuwid,
ngunit ang masama ay napupuno ng panganib.
22 Mga sinungaling na labi sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit ang gumagawa nang may katotohanan ay kanyang kinalulugdan.
23 Ang taong marunong ay nagkukubli ng kaalaman;
ngunit ipinahahayag ng puso ng mga hangal ang kanilang kahangalan.
24 Ang kamay ng masipag ay mamamahala,
ngunit ang tamad ay malalagay sa sapilitang paggawa.
25 Nagpapabigat sa puso ng tao ang pagkabalisa,
ngunit ang mabuting salita ay nagpapasaya sa kanya.
26 Ang matuwid sa kanyang kapwa ay patnubay,
ngunit ang lakad ng masama sa kanila'y nakapagpapaligaw.
27 Hindi makakahuli ng hayop ang taong tamad,
ngunit magkakamit ng mahalagang kayamanan ang masipag.
28 Nasa daan ng katuwiran ang buhay;
ngunit ang landas ng kamalian ay tungo sa kamatayan.
13 Ang turo ng ama'y dinirinig ng matalinong anak,
ngunit hindi nakikinig sa saway ang manlilibak.
2 Ang tao mula sa bunga ng kanyang bibig ay kakain ng kabutihan,
ngunit ang pagnanasa ng mandaraya ay karahasan.
3 Ang nag-iingat ng kanyang bibig ay nag-iingat ng kanyang buhay;
ngunit ang nagbubuka nang maluwang ng kanyang mga labi ay hahantong sa kapahamakan.
4 Ang kaluluwa ng tamad ay nagnanasa at walang nakukuha,
ngunit ang kaluluwa ng masipag ay tutustusang sagana.
5 Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan,
ngunit ang gawa ng masama ay kahiyahiya at kasuklamsuklam.
6 Ang may matuwid na lakad ay binabantayan ng katuwiran,
ngunit ibinabagsak ng pagkakasala ang makasalanan.
7 May nagkukunwaring mayaman, subalit wala naman,
may nagpapanggap na dukha, gayunma'y napakayaman.
8 Ang pantubos sa buhay ng tao ay ang kanyang kayamanan,
ngunit ang dukha ay walang banta sa kanyang buhay.
9 Ang ilaw ng matuwid ay natutuwa,
ngunit ang tanglaw ng masama ay mawawala.
10 Sa kapalaluan, ang suwail ay lumilikha ng gulo,
ngunit ang karunungan ay nasa mga tumatanggap ng payo.
11 Mauubos ang kayamanang nakuha sa madaling paraan,
ngunit siyang unti-unting nagtitipon ay madaragdagan.
12 Nagpapasakit ng puso ang pag-asang naaantala,
ngunit punungkahoy ng buhay ang natupad na nasa.
13 Ang humahamak sa salita, sa sarili'y nagdadala ng kapahamakan,
ngunit ang gumagalang sa utos ay gagantimpalaan.
14 Ang kautusan ng matalino ay bukal ng buhay,
upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan.
15 Ang mabuting pagpapasiya'y nagbubunga ng pagpapala,
ngunit ang lakad ng di-tapat ang kanilang ikasisira.
16 Sa bawat bagay ang matalinong tao ay gumagawang may kaalaman;
ngunit ang hangal ay nagkakalat ng kanyang kahangalan.
17 Ang masamang sugo ay naghuhulog sa tao sa kaguluhan,
ngunit ang tapat na sugo ay may dalang kagalingan.
18 Kahirapan at kahihiyan ang darating sa nagtatakuwil ng pangaral,
ngunit siyang nakikinig sa saway ay pararangalan.
19 Ang pagnanasang natupad ay matamis sa kaluluwa;
ngunit kasuklamsuklam sa mga hangal ang humiwalay sa masama.
20 Ang lumalakad na kasama ng matatalino ay magiging matalino rin,
ngunit ang kasama ng mga hangal, kapahamakan ang daranasin.
21 Ang kasawian ay humahabol sa mga makasalanan,
ngunit ang matuwid ay ginagantimpalaan ng kasaganaan.
22 Ang mabuting tao ay nag-iiwan ng mana sa mga anak ng kanyang mga anak;
ngunit ang kayamanan ng makasalanan, para sa matuwid ay nakalagak.
23 Ang binungkal na lupa ng dukha ay maraming pagkaing ibinibigay,
ngunit naaagaw iyon dahil sa kawalan ng katarungan.
24 Ang hindi gumagamit ng pamalo ay napopoot sa anak niya,
ngunit ang umiibig sa kanya ay matiyagang dumidisiplina.
25 Ang matuwid ay may sapat upang masiyahan,
ngunit ang tiyan ng masama ay mangangailangan.
14 Ang matalinong babae[g] ay nagtatayo ng kanyang bahay,
ngunit binubunot ito ng hangal ng sarili niyang mga kamay.
2 Ang lumalakad sa katuwiran sa Panginoon ay gumagalang,
ngunit ang suwail sa kanyang mga lakad sa kanya'y lumalapastangan.
3 Ang pagsasalita ng hangal ay pamalo sa kanyang likod[h]
ngunit ang mga labi ng pantas ang sa kanila'y magtataguyod.
4 Kung saan walang baka ay wala ring butil,
ngunit ang saganang ani sa lakas ng baka nanggagaling.
5 Hindi nagsisinungaling ang tapat na saksi,
ngunit ang bulaang saksi ay mga kasinungalingan ang sinasabi.
6 Ang manlilibak ay humahanap ng karunungan at walang natatagpuan,
ngunit ang kaalaman ay madali sa taong may kaunawaan.
7 Umalis ka sa harapan ng isang taong hangal,
sapagkat doo'y hindi mo matatagpuan ang mga salita ng kaalaman.
8 Ang karunungan ng matalino ay ang makaunawa ng kanyang daan,
ngunit ang kahangalan ng mga hangal ay mapanlinlang.
9 Hinahamak ng hangal ang handog para sa kasalanan,
ngunit tinatamasa ng matuwid ang mabuting kalooban.
10 Nalalaman ng puso ang kanyang sariling kapaitan,
at walang dayuhang nakikibahagi sa kanyang kagalakan.
11 Ang bahay ng masama ay magigiba,
ngunit ang tolda ng matuwid ay sasagana.
12 Mayroong(F) daan na tila matuwid sa isang tao,
ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.
13 Maging sa pagtawa ang puso ay mapanglaw,
at ang wakas ng kasayahan ay kalungkutan.
14 Bubusugin ang masama sa bunga ng sariling mga lakad niya,
at ang mabuting tao sa bunga ng kanyang mga gawa.
15 Ang bawat salita'y pinaniniwalaan ng walang muwang,
ngunit tinitingnan ng marunong ang kanyang patutunguhan.
16 Ang matalinong tao'y maingat at sa masama'y umiiwas,
ngunit iwinawaksi ng hangal ang pagpipigil at siya'y walang ingat.
17 Ang taong magagalitin ay gumagawang may kahangalan,
ngunit ang taong may unawa ay may katiyagaan.
18 Ang walang muwang ay nagmamana ng kahangalan,
ngunit ang matalino ay nakokoronahan ng kaalaman.
19 Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti,
at ang masama sa mga pintuan ng matuwid.
20 Inaayawan ang dukha maging ng kanyang kapitbahay,
ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kanyang kapwa ay nagkakasala,
ngunit ang mabait sa mga dukha ay masaya.
22 Hindi ba nagkakamali silang kumakatha ng kasamaan?
Ngunit katapatan at katotohanan ay sasakanila na kumakatha ng kabutihan.
23 Sa lahat ng pagsisikap ay may pakinabang,
ngunit ang pagsasalita lamang ay naghahatid sa kahirapan.
24 Ang korona ng pantas ay ang kanilang kayamanan,
ngunit kahangalan ang putong ng mga hangal.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay,
ngunit taksil ang nagsasalita ng kasinungalingan.
26 Sa takot sa Panginoon ang tao'y may pagtitiwalang matibay,
at ang kanyang mga anak ay magkakaroon ng kanlungan.
27 Ang takot sa Panginoon ay bukal ng buhay,
upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan.
28 Ang kaluwalhatian ng isang hari ay nasa dami ng taong-bayan,
ngunit napapahamak ang pinuno kapag walang sambayanan.
29 Ang makupad sa galit ay may malaking kaunawaan,
ngunit ang madaling magalit ay nagbubunyi ng kahangalan.
30 Ang tiwasay na puso ay nagbibigay-buhay sa laman,
ngunit ang pagnanasa, sa mga buto ay kabulukan.
31 Ang umaapi sa dukha ay humahamak sa kanyang Lumalang,
ngunit ang mabait sa mahirap, sa kanya'y nagpaparangal.
32 Ang masama ay ibinabagsak dahil sa kanyang gawang kasamaan,
ngunit ang matuwid ay may kanlungan dahil sa kanyang katapatan.
33 Ang karunungan ay nananatili sa puso ng may kaunawaan,
ngunit nalalaman ang nasa mga puso ng hangal.
34 Ang katuwiran ay nagtataas sa isang bansa,
ngunit ang kasalanan sa alinmang bayan ay pagkutya!
35 Ang pagpapala ng hari ay nasa lingkod na gumagawang may katalinuhan,
ngunit ang kanyang poot ay dumarating sa nagdudulot ng kahihiyan.
15 Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay,
ngunit nagbubunsod sa galit ang salitang magaspang.
2 Ang dila ng marunong ay nagbabadya ng kaalaman;
ngunit ang bibig ng mga hangal ay nagbubuhos ng kahangalan.
3 Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawat panig,
sa masama at sa mabuti ay nagmamasid.
4 Punungkahoy ng buhay ang dilang mahinahon,
ngunit nakakasira ng espiritu ang kalikuan niyon.
5 Hinahamak ng hangal ang turo ng kanyang ama,
ngunit ang sumusunod sa pangaral ay may karunungan.
6 Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan,
ngunit sa mga pakinabang ng masama ay may dumarating na kaguluhan.
7 Ang mga labi ng marunong ay nagsasabog ng kaalaman,
ngunit hindi gayon ang mga puso ng hangal.
8 Ang handog ng masama, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit ang dalangin ng matuwid ay kanyang kaluguran.
9 Ang lakad ng masama, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.
10 May mabigat na disiplina sa taong lumilihis sa daan,
at siyang namumuhi sa saway ay mamamatay.
11 Ang Sheol at ang Abadon[i] ay nakalantad sa Panginoon;
lalong higit pa ang puso ng mga tao!
12 Ayaw ng manlilibak na siya'y maiwasto,
siya'y hindi magtutungo sa matalino.
13 Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha,
ngunit sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.
14 Ang isip ng may unawa ay humahanap ng kaalaman,
ngunit ang bibig ng mga hangal ay kumakain ng kahangalan.
15 Lahat ng mga araw ng naaapi ay kasamaan,
ngunit siyang may masayahing puso ay laging may kapistahan.
16 Mas mabuti ang kaunti kung may takot sa Panginoon,
kaysa malaking kayamanan na may kaguluhan doon.
17 Mabuti pa ang pagkaing gulay na may pag-ibig,
kaysa pinatabang baka na may poot na kalakip.
18 Ang mainiting tao ay nag-uudyok ng pagtatalo,
ngunit siyang makupad sa galit ay nagpapahupa ng gulo.
19 Ang daan ng tamad ay napupuno ng mga dawag,
ngunit ang landas ng matuwid ay isang lansangang patag.
20 Ang matalinong anak ay nagpapasaya ng ama,
ngunit hinahamak ng taong hangal ang kanyang ina.
21 Ang kahangalan ay kagalakan sa taong walang bait;
ngunit ang may unawa ay lumalakad nang matuwid.
22 Kung walang payo mga panukala'y nawawalang-saysay,
ngunit sa dami ng mga tagapayo sila'y nagtatagumpay.
23 Kagalakan sa isang tao ang magbigay ng angkop na kasagutan,
at ang salitang nasa tamang panahon ay anong inam!
24 Para sa pantas ang landas ng buhay ay paitaas,
upang sa Sheol na nasa sa ibaba siya ay makaiwas.
25 Ginigiba ng Panginoon ang bahay ng palalo,
ngunit pinananatili niya ang hangganan ng babaing balo.
26 Kasuklamsuklam sa Panginoon ang masasamang panukala,
ngunit nakalulugod sa kanya ang malilinis na salita.
27 Siyang sakim sa masamang pakinabang ay gumagawa ng gulo sa kanyang sariling sambahayan,
ngunit siyang namumuhi sa mga suhol ay mabubuhay.
28 Ang puso ng matuwid ay nag-iisip ng isasagot,
ngunit ang bibig ng masama ay masasama ang ibinubuhos.
29 Ang Panginoon ay malayo sa masama,
ngunit kanyang dinirinig ang dalangin ng matuwid.
30 Ang liwanag ng mga mata, sa puso'y nagpapasaya,
at ang mabuting balita, sa mga buto'y nagpapasigla.[j]
31 Ang taingang nakikinig sa mabuting payo,
ay tatahang kasama ng matatalino.
32 Siyang tumatanggi sa turo ay humahamak sa sariling kaluluwa,
ngunit siyang nakikinig sa pangaral ay nagtatamo ng unawa.
33 Ang takot sa Panginoon ay pagtuturo sa karunungan,
at ang pagpapakumbaba ay nauuna sa karangalan.
Mga Kawikaan tungkol sa Buhay at Pag-uugali
16 Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula,
ngunit mula sa Panginoon ang sagot ng dila.
2 Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa sarili niyang mata,
ngunit tinitimbang ng Panginoon ang diwa.
3 Italaga mo sa Panginoon ang iyong mga gawa,
at magiging matatag ang iyong mga panukala.
4 Ginawa ng Panginoon ang bawat bagay ukol sa layunin nito,
pati ang masamang tao ukol sa araw ng gulo.
5 Bawat palalo sa puso, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
iyong asahan, hindi siya maaaring hindi parusahan.
6 Sa pamamagitan ng katapatan at katotohanan ay napagbabayaran ang kalikuan,
at sa pamamagitan ng takot sa Panginoon, ay umiiwas ang tao sa kasamaan.
7 Kapag ang mga lakad ng tao sa Panginoon ay kasiya-siya,
kanyang pinagkakasundo maging ang mga kaaway niya.
8 Mas mabuti ang kaunti na may katuwiran,
kaysa malalaking kita na walang katarungan.
9 Ang puso ng tao ang nagpapanukala ng kanyang daan,
ngunit ang Panginoon ang nangangasiwa ng kanyang mga hakbang.
10 Kinasihang mga pasiya ay nasa mga labi ng hari;
ang kanyang bibig sa paghatol ay di magkakamali.
11 Sa Panginoon nauukol ang sukatan at timbangang tama;
lahat ng panimbang sa supot ay kanyang mga gawa.
12 Kasuklamsuklam para sa mga hari na gumawa ng kasamaan,
sapagkat ang trono ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.
13 Matutuwid na labi sa hari ay kaluguran,
at kanyang iniibig ang nagsasalita ng katuwiran.
14 Ang poot ng hari ay isang sugo ng kamatayan,
ngunit papayapain ito ng taong may karunungan.
15 Sa liwanag ng mukha ng hari ay mayroong buhay,
at ang kanyang lingap ay parang ulap na sa tagsibol ay may dalang ulan.
16 Higit kaysa ginto ang pagtatamo ng karunungan,
mabuti kaysa pumili ng pilak ang magkamit ng kaunawaan.
17 Ang lansangan ng matuwid ay humihiwalay sa kasamaan,
siyang nag-iingat ng kanyang lakad ay nag-iingat sa kanyang buhay.
18 Ang pagmamataas ay nauuna sa kapahamakan,
at ang palalong diwa ay nauuna sa pagkabuwal.
19 Mas mabuti ang maging mapagpakumbabang-loob na kasama ng mahihirap,
kaysa makihati ng samsam na kasama ng mapagmataas.
20 Siyang nakikinig sa salita ay uunlad,
at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.
21 Ang pantas sa puso ay tinatawag na taong may pang-unawa,
at nagdaragdag ng panghikayat ang kaaya-ayang pananalita.
22 Ang karunungan ay bukal ng buhay sa taong ito'y taglay,
ngunit kahangalan ang parusa sa mga hangal.
23 Ang isipan ng matalino ay nagbibigay-bisa sa kanyang pananalita,
at sa kanyang mga labi ay nagdaragdag ng panghikayat.
24 Ang kaaya-ayang mga salita ay parang pulot-pukyutan,
katamisan sa kaluluwa at sa katawan ay kalusugan.
25 Mayroong(G) daan na tila matuwid sa isang tao,
ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.
26 Ang gana sa pagkain ng manggagawa ay nakabubuti sa kanya,
siya'y inuudyukan ng bibig niya.
27 Ang walang kabuluhang tao ay nagbabalak ng masama,
parang nakakapasong apoy ang kanyang pananalita.
28 Ang mandarayang tao ay nagkakalat ng kaguluhan,
at ang mapagbulong ay naghihiwalay sa matatalik na magkaibigan.
29 Inaakit ng taong marahas ang kanyang kapwa,
at kanyang inaakay siya sa daang masama.
30 Siyang kumikindat ng mga mata ay nagbabalak ng masasamang bagay,
siyang kumakagat-labi ay siyang nagpapatupad ng kasamaan.
31 Ang ulong ubanin ay korona ng kaluwalhatian,
iyon ay nakakamtan sa daan ng katuwiran.
32 Ang makupad sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa makapangyarihan,
at ang namamahala sa kanyang diwa, kaysa sumasakop sa isang bayan.
33 Ang pagsasapalaran ay hinahagis sa kandungan,
ngunit mula sa Panginoon ang buong kapasiyahan.
17 Mas mabuti ang isang tuyong tinapay na may katahimikan,
kaysa bahay na punô ng pistahan ngunit may kaguluhan.
2 Ang aliping gumagawang may katalinuhan ay mamamahala sa anak na gumagawa ng kahihiyan,
at gaya ng isa sa magkakapatid, sa mana ay babahaginan.
3 Ang dalisayan ay para sa pilak at ang hurno ay sa ginto,
ngunit sinusubok ng Panginoon ang mga puso.
4 Nakikinig sa masasamang labi ang gumagawa ng masama,
at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila.
5 Ang humahamak sa dukha ay lumalait sa kanyang Maylalang,
at ang natutuwa sa kasawiang-palad ay walang pagsalang parurusahan.
6 Ang mga apo ay korona ng matatanda,
at ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang mga magulang nila.
7 Hindi bagay sa hangal ang pinong pananalita,
lalo na ang mga mandarayang mga labi, sa isang namamahala.
8 Ang suhol ay parang mahiwagang bato sa mga mata ng nagbibigay,
saanman pumihit siya'y nagtatagumpay.
9 Ang nagpapatawad ng kasalanan ay humahanap ng pagmamahalan,
ngunit ang nagpapaulit-ulit sa usapin ay naghihiwalay ng magkakaibigan.
10 Ang saway ay tumatagos sa taong may kaunawaan,
kaysa isandaang hampas sa isang taong hangal.
11 Ang masamang tao'y naghahanap lamang ng paghihimagsik,
kaya't ipadadala laban sa kanya ay isang sugong mabagsik.
12 Hayaang masalubong ng isang tao ang babaing oso na ang mga anak ay ninakaw,
kaysa sa isang hangal sa kanyang kahangalan.
13 Kung gumanti ng kasamaan ang isang tao sa kabutihan,
ang kasamaan ay hindi hihiwalay sa kanyang sambahayan.
14 Gaya ng pagpapalabas ng tubig ang pasimula ng alitan,
kaya't huminto na bago sumabog ang away.
15 Siyang nagpapawalang-sala sa masama, at siyang nagpaparusa sa matuwid,
ay kapwa kasuklamsuklam sa Panginoon.
16 Bakit kailangang may halaga sa kamay ng hangal upang ibili ng karunungan,
gayong wala naman siyang kaunawaan?
17 Ang kaibigan sa lahat ng panahon ay nagmamahal,
at ang isang kapatid ay ipinanganak para sa kagipitan.
18 Ang taong walang katinuan ay nagbibigay ng sangla,
at nagiging tagapanagot sa harapan ng kanyang kapwa.
19 Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa alitan;
ang nagtataas ng kanyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan.
20 Ang taong may baluktot na diwa ay hindi sasagana,
at siyang may masamang dila ay nahuhulog sa sakuna.
21 Ang anak na hangal sa kanyang ama'y kalungkutan,
at ang ama ng isang hangal ay walang kagalakan.
22 Isang mabuting gamot ang masayang puso,
ngunit ang bagbag na diwa, sa mga buto'y tumutuyo.
23 Ang masama ay tumatanggap ng suhol mula sa kandungan,
upang baluktutin ang mga daan ng katarungan.
24 Ang taong may unawa ay humaharap sa karunungan,
ngunit nasa mga dulo ng daigdig ang mga mata ng hangal.
25 Ang hangal na anak ay kalungkutan sa kanyang ama,
at kapaitan sa babaing nagsilang sa kanya.
26 Hindi mabuti na parusahan ang matuwid,
isang kamalian na ang maharlika'y mahagupit.
27 Siyang pumipigil ng kanyang mga salita ay may kaalaman,
at siyang may diwang malamig ay taong may kaunawaan.
28 Maging ang hangal kapag tumatahimik ay maituturing na marunong,
inaari siyang matalino, kapag mga labi niya'y itinitikom.
18 Ang namumuhay nang nag-iisa ay nagpapasasa,
at hinahamak ang lahat ng may mabuting pasiya.
2 Ang hangal ay hindi nalulugod sa pang-unawa,
kundi ang maihayag lamang ang sariling paniniwala.
3 Kapag dumarating ang kasamaan, ang paghamak ay dumarating din naman,
at kasama ng pagkutya ang kahihiyan.
4 Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig;
ang bukal ng karunungan ay parang umaagos na batis.
5 Hindi mabuti na ang masamang tao ay panigan,
o pagkaitan man ang taong matuwid ng katarungan.
6 Ang mga labi ng hangal ay nagdadala ng alitan,
at ang kanyang bibig ay nag-aanyaya ng hampasan.
7 Ang bibig ng hangal ang kapahamakan niya,
at ang kanyang mga labi ay bitag ng kanyang kaluluwa.
8 Ang mga salita ng mapagbulong ay masasarap na subo ang katulad,
sila'y nagsisibaba sa kaloob-looban ng katawan.
9 Siyang sa kanyang gawain ay pabaya,
ay isang kapatid ng maninira.
10 Ang pangalan ng Panginoon ay isang toreng matibay;
tinatakbuhan ng matuwid at doon siya'y tiwasay.
11 Ang yaman ng mayamang tao ang kanyang matibay na lunsod,
at sa kanyang pag-iisip ay tulad ng pader na matayog.
12 Bago ang pagkawasak ang puso ng tao ay palalo muna,
ngunit nauuna sa karangalan ang pagpapakumbaba.
13 Siyang sumasagot bago pa man makinig,
ito'y kahangalan at sa kanya'y kahihiyan.
14 Aalalay ang espiritu ng tao sa kanyang karamdaman;
ngunit ang bagbag na diwa, sino ang makakapasan?
15 Ang may matalinong pag-iisip ay kumukuha ng kaalaman,
at ang pandinig ng marunong ay humahanap ng kaalaman.
16 Ang kaloob ng tao ay nagbubukas ng daan sa kanya,
at dinadala siya sa harap ng mga taong dakila.
17 Ang unang naglalahad ng kanyang panig ay parang matuwid,
hanggang sa may ibang dumating at siya'y siyasatin.
18 Ang pagpapalabunutan sa mga pagtatalo'y nagwawakas,
at nagpapasiya sa mga magkatunggaling malalakas.
19 Ang kapatid na nasaktan ay tulad ng lunsod na matibay,
ngunit parang mga halang ng isang kastilyo ang pag-aaway.
20 Ang isang tao'y nabubusog ng bunga ng bibig niya,
sa bunga ng kanyang mga labi ay nasisiyahan siya.
21 Ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila;
at ang umiibig sa kanya ay kakain ng kanyang mga bunga.
22 Ang nakakatagpo ng asawang babae ay nakakatagpo ng mabuting bagay,
at mula sa Panginoon, pagpapala ay nakakamtan.
23 Ang mahirap ay gumagamit ng mga pakiusap,
ngunit ang mayaman ay sumasagot na may kagaspangan.
24 May mga kaibigang nagkukunwaring kaibigan,
ngunit may kaibigan na mas madikit kaysa isang kapatid.
19 Mas mabuti ang dukha na lumalakad sa kanyang katapatan,
kaysa isang taong masama ang pananalita, at isang hangal.
2 Hindi mabuti para sa isang tao ang walang kaalaman,
at siyang nagmamadali sa kanyang mga paa ay naliligaw.
3 Ang kahangalan ng tao ang sumisira sa kanyang landas,
at ang kanyang puso ay nagagalit laban sa Panginoon.
4 Ang kayamanan ay nagdaragdag ng maraming bagong kaibigan,
ngunit ang dukha ay iniiwan ng kanyang kaibigan.
5 Ang bulaang saksi ay tiyak na parurusahan,
at hindi makakatakas ang nagsasalita ng mga kasinungalingan.
6 Marami ang naghahangad ng pagpapala ng taong may magandang-loob,
at ang bawat tao'y kaibigan ng nagbibigay ng mga handog.
7 Kinamumuhian ang mahirap ng lahat ng kanyang kapatid,
gaano pa kaya ang ilalayo sa kanya ng kanyang mga kaibigan!
Kanyang hinahabol sila ng mga salita, ngunit wala na sila.
8 Siyang kumukuha ng karunungan ay umiibig sa sariling kaluluwa,
siyang nag-iingat ng pang-unawa ay sasagana.
9 Ang sinungaling na saksi ay tiyak na parurusahan,
at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay mamamatay.
10 Hindi nababagay sa hangal ang mamuhay na marangya,
lalo na sa alipin na sa mga pinuno ay mamahala.
11 Ang matinong pag-iisip ng tao sa galit ay nagpapabagal,
at kanyang kaluwalhatian na di pansinin ang kamalian.
12 Ang poot ng hari ay parang ungal ng leon,
ngunit parang hamog sa damo ang kanyang pagsang-ayon.
13 Ang hangal na anak, sa kanyang ama ay kasiraan,
at ang pakikipagtalo ng asawa[k] ay patuloy na pagpatak ng ulan.
14 Bahay at kayamanan ay minamana sa mga magulang,
ngunit galing sa Panginoon ang asawa[l] na may katalinuhan.
15 Ang katamaran ay nagbubulid sa tulog na mahimbing;
at ang taong tamad, gutom ay daranasin.
16 Ang nag-iingat ng utos ay kaluluwa niya ang iniingatan,
ngunit ang humahamak sa salita ay mamamatay.
17 Ang mabait sa dukha ay sa Panginoon nagpapautang,
at ang kanyang mabuting gawa sa kanya ay babayaran.
18 Supilin mo ang iyong anak, habang may pag-asa;
at huwag mong ilagak ang iyong puso sa ikapapahamak niya.
19 Ang taong may malaking poot sa parusa ay pagbabayarin,
sapagkat kung iyong iligtas siya, muli mo lamang iyong gagawin.
20 Makinig ka sa payo, at sa pangaral ay tumanggap,
upang magtamo ka ng karunungan para sa hinaharap.
21 Sa puso ng isang tao, ang panukala'y marami,
ngunit ang layunin ng Panginoon ang siyang mananatili.
22 Ang kanais-nais sa isang tao ay ang kanyang katapatan,
at ang isang dukha ay mas mabuti kaysa isang bulaan.
23 Ang takot sa Panginoon ay patungo sa buhay;
at ang mayroon niyon ay magpapahingang may kasiyahan;
hindi siya dadalawin ng kapinsalaan.
24 Ibinabaon ng tamad ang kanyang kamay sa pinggan,
at hindi niya ibabalik pa sa kanyang bibig man lamang.
25 Saktan mo ang manlilibak, at ang walang muwang ay matututo ng karunungan;
sawayin mo ang may unawa, at siya'y magkakaroon ng kaalaman.
26 Ang gumagawa ng karahasan sa kanyang ama, at nagpapalayas sa kanyang ina,
ay anak na nakakahiya at kakutyaan ang dala.
27 Tumigil ka, anak ko, upang makinig ng aral
upang hindi ka maligaw mula sa mga salita ng kaalaman.
28 Ang walang kabuluhang saksi ay lumilibak sa katarungan,
at ang bibig ng masama ay lumalamon ng kasamaan.
29 Nakahanda sa mga manlilibak ang kahatulan,
ang paghagupit ay sa mga likod ng mga hangal.
20 Ang alak ay manunuya, ang matapang na inumin ay manggugulo;
at sinumang naililigaw nito ay hindi matalino.
2 Ang matinding poot ng hari ay parang ungal ng leon;
ang gumagalit sa kanya ay nagkakasala laban sa kanyang buhay.
3 Karangalan para sa isang tao ang umiwas sa alitan;
ngunit bawat hangal ay makikipag-away.
4 Ang tamad ay hindi nag-aararo sa tagginaw;
siya'y maghahanap sa anihan, at walang matatagpuan.
5 Ang layunin sa puso ng tao ay parang malalim na tubig;
ngunit sa taong may kaunawaan, ito'y kanyang iniigib.
6 Maraming tao ang naghahayag ng sariling katapatan,
ngunit sinong makakatagpo ng taong tapat?
7 Ang taong matuwid na lumalakad sa katapatan niya—
mapapalad ang kanyang mga anak na susunod sa kanya!
8 Ibinubukod ng haring nakaupo sa trono ng kahatulan
sa pamamagitan ng kanyang mga mata, ang lahat ng kasamaan.
9 Sinong makapagsasabi, “Puso ko'y aking nalinisan;
ako'y malinis mula sa aking kasalanan”?
10 Iba't ibang panimbang, at iba't ibang sukatan,
parehong sa Panginoon ay karumaldumal.
11 Ang bata man ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang mga gawa,
kung ang kanyang ginagawa ay malinis at tama.
12 Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata,
ang Panginoon ang parehong gumawa sa kanila.
13 Huwag mong ibigin ang pagtulog, baka humantong ka sa kahirapan,
imulat mo ang iyong mga mata, at mabubusog ka ng tinapay.
14 “Walang halaga, walang halaga,” sabi ng mamimili;
ngunit kapag nakalayo na siya, saka siya magmamalaki.
15 Mayroong ginto, at napakaraming mga batong mahal,
ngunit mahalagang hiyas ang mga labi ng kaalaman.
16 Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di-kilala;
at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa mga banyaga.
17 Matamis sa isang tao ang tinapay na nakuha sa pandaraya,
ngunit pagkatapos, ang kanyang bibig ay mapupuno ng graba.
18 Natatatag sa pamamagitan ng payo ang bawat panukala;
sa pamamagitan ng matalinong patnubay ikaw ay makipagdigma.
19 Ang naghahatid ng tsismis ay naghahayag ng mga lihim;
kaya't ang nagsasalita ng kahangalan ay huwag mong kasamahin.
20 Kung sumumpa sa kanyang ama o sa kanyang ina ang sinuman,
ang kanyang ilawan ay papatayin sa pusikit na kadiliman.
21 Ang mana na madaling nakuha sa pasimula,
sa katapusan ay hindi mapagpapala.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001