Bible in 90 Days
19 Aking itatanim sa ilang ang sedro,
ang puno ng akasya, at ang arayan, at ang olibo;
aking ilalagay na magkakasama sa ilang ang sipres na puno,
ang alerses at pino;
20 upang makita at malaman ng mga tao,
isaalang-alang at sama-samang unawain,
na ginawa ito ng kamay ng Panginoon,
at nilikha ito ng Banal ng Israel.
Ang Hamon ng Diyos sa mga Huwad na Diyos
21 Iharap ninyo ang inyong usapin, sabi ng Panginoon;
dalhin ninyo ang inyong mga matibay na dahilan, sabi ng Hari ni Jacob.
22 Hayaang dalhin nila, at ipahayag sa amin
kung anong mangyayari.
Sabihin sa amin ang mga dating bagay, kung ano ang mga iyon,
upang aming malaman ang kalalabasan nila;
o ipahayag ninyo sa amin ang mga bagay na darating.
23 Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos,
upang aming malaman na kayo'y mga diyos;
oo, kayo'y gumawa ng mabuti, o gumawa ng kasamaan,
upang kami ay mawalan ng loob at mamasdan naming sama-sama.
24 Narito, kayo'y bale-wala,
at walang kabuluhan ang inyong gawa;
kasuklamsuklam siya na pumipili sa inyo.
25 May ibinangon ako mula sa hilaga, at siya'y dumating;
mula sa sikatan ng araw ay tatawag siya sa aking pangalan;
siya'y paroroon sa mga pinuno na parang pambayo,
gaya ng magpapalayok na tumatapak sa luwad.
26 Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming malaman?
At nang una, upang aming masabi, “Siya'y matuwid”?
Oo, walang nagpahayag, oo, walang nagsalita,
oo, walang nakinig ng inyong mga salita.
27 Ako'y unang magsasabi sa Zion,
narito, narito sila;
at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.
28 Ngunit nang ako'y tumingin ay walang tao,
sa gitna nila ay walang tagapayo
na makapagbibigay ng sagot, kapag nagtatanong ako.
29 Narito, silang lahat ay masama;
ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan,
ang kanilang mga larawang inanyuan ay hangin at walang laman.
Ang Lingkod ng Panginoon
42 Narito(A) (B) ang aking lingkod, na aking inaalalayan;
ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa.
Inilagay ko ang aking Espiritu sa kanya;
siya'y maglalapat ng katarungan sa mga bansa.
2 Siya'y hindi sisigaw, o maglalakas man ng tinig,
o ang kanyang tinig man sa lansangan ay iparirinig.
3 Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin,
ni ang mitsa na bahagyang nagniningas ay hindi niya papatayin;
siya'y tapat na maglalapat ng katarungan.
4 Siya'y hindi manlulupaypay o madudurog man,
hanggang sa maitatag niya sa lupa ang katarungan;
at ang mga pulo ay maghihintay sa kanyang kautusan.
5 Ganito(C) ang sabi ng Diyos, ang Panginoon,
na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga iyon;
siyang naglatag ng lupa at ang nagmula rito,
siyang nagbibigay ng hininga sa mga tao nito,
at ng espiritu sa kanila na nagsisilakad dito:
6 “Ako(D) ang Panginoon, tinawag ko kayo sa katuwiran,
kinuha ko kayo sa pamamagitan ng kamay, at kayo'y iniingatan,
at ibinigay kita sa bayan bilang tipan,
isang liwanag sa mga bayan,
7 upang imulat ang mga bulag na mata,
upang ilabas ang mga bilanggo sa bilangguan,
at silang nakaupo sa kadiliman mula sa bilangguan.
8 Ako ang Panginoon, iyon ang aking pangalan;
hindi ko ibibigay sa iba ang aking kaluwalhatian,
o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.
9 Narito, ang mga dating bagay ay lumipas na,
at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko;
bago sila lumitaw
ay sinasabi ko sa inyo ang tungkol sa kanila.”
Pagpupuri sa Diyos Dahil sa Pagliligtas
10 Umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit,
at ng kapurihan niya mula sa dulo ng lupa!
Kayong bumababa sa dagat at ang lahat na nariyan,
ang mga pulo, at mga doon ay naninirahan.
11 Maglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyon,
ang mga nayon na tinitirhan ng Kedar;
umawit ang mga naninirahan sa Sela,
magsigawan sila mula sa mga tuktok ng mga bundok.
12 Magbigay-luwalhati sila sa Panginoon,
at magpahayag ng kanyang kapurihan sa mga pulo.
13 Ang Panginoon ay lalabas na parang mandirigma,
pinupukaw niya ang kanyang galit na parang lalaking mandirigma;
siya'y sisigaw, oo, siya'y sisigaw nang malakas,
at magtatagumpay laban sa kanyang mga kaaway.
14 Ako'y tumahimik nang matagal,
ako'y hindi kumibo, at nagpigil ako;
ngayo'y sisigaw akong parang nanganganak na babae,
ako'y hihingal at hahapuin.
15 Ang mga bundok at mga burol ay aking wawasakin,
at ang lahat nilang mga pananim ay aking tutuyuin;
ang mga ilog ay gagawin kong mga pulo,
at ang mga lawa ay aking tutuyuin.
16 At aking aakayin ang bulag
sa daan na hindi nila nalalaman;
sa mga landas na hindi nila nalalaman
sila ay aking papatnubayan.
Aking gagawing liwanag ang kadiliman sa kanilang harapan,
at ang mga baku-bakong lugar ay papatagin.
Ang mga bagay na ito ay aking gagawin sa kanila,
at hindi ko sila pababayaan.
17 Sila'y mapapaurong at ganap na mapapahiya,
sila na sa mga larawang inanyuan ay nagtitiwala,
na nagsasabi sa mga larawang hinulma,
“Kayo'y aming mga diyos.”
Bigong Karanasan ng Israel
18 Makinig kayong mga bingi;
at tumingin kayong mga bulag, upang kayo'y makakita!
19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod,
o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo?
Sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan,
at bulag na gaya ng lingkod ng Panginoon?
20 Ikaw na nakakakita ng maraming bagay, ngunit hindi mo ginagawa ang mga ito;
ang kanyang mga tainga ay bukas, ngunit hindi siya nakakarinig.
21 Nalugod ang Panginoon, alang-alang sa kanyang katuwiran,
upang dakilain ang kanyang kautusan at gawing marangal.
22 Ngunit ito ay isang bayang ninakawan at sinamsaman,
silang lahat ay nasilo sa mga hukay,
at nakakubli sa mga bilangguan;
sila'y naging biktima at walang magligtas,
isang samsam, at walang magsabi, “Iyong panunumbalikin!”
23 Sino sa inyo ang makikinig nito,
na papansin at makikinig para sa panahong darating?
24 Sino ang nagbigay ng Jacob sa mananamsam,
at ng Israel sa mga magnanakaw?
Hindi ba ang Panginoon, na laban sa kanya ay nagkasala tayo,
at hindi sila magsilakad sa kanyang mga daan,
o naging masunurin man sila sa kanyang kautusan?
25 Kaya't ibinuhos niya sa kanya ang init ng kanyang galit,
at ang lakas ng pakikipagbaka;
at nilagyan siya nito ng apoy sa palibot, gayunma'y hindi niya nalaman;
at sinunog siya nito, gayunma'y hindi niya ito inilagay sa kanyang puso.
Ang Panginoon Lamang ang Makapagliligtas
43 Ngunit ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon,
siya na lumalang sa iyo, O Jacob,
siya na nag-anyo sa iyo, O Israel:
“Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay tinubos ko;
tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay akin.
2 Kapag ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y makakasama mo;
at sa pagtawid sa mga ilog ay hindi ka nila aapawan,
kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog;
at hindi ka tutupukin ng apoy.
3 Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
ang Banal ng Israel, ang iyong Tagapagligtas.
Aking ibinigay ang Ehipto bilang pantubos sa iyo,
ang Etiopia at ang Seba bilang kapalit mo.
4 Sapagkat ikaw ay mahalaga sa aking paningin,
at kagalang-galang, at minamahal kita,
nagbibigay ako ng mga tao na pamalit sa iyo,
at mga bayan na kapalit ng buhay mo.
5 Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo;
aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan,
at titipunin kita mula sa kanluran.
6 Aking sasabihin sa hilaga, Hayaan mo,
at sa timog, Huwag mong pigilin;
dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki na sa malayo nagmula,
at ang aking mga anak na babae na mula sa mga dulo ng lupa,
7 bawat tinatawag sa aking pangalan,
sila na aking nilikha ay para sa aking kaluwalhatian,
oo, yaong aking inanyuan, oo, yaong aking ginawa.”
Ang Israel ang Saksi ng Panginoon
8 Iyong ilabas ang mga taong bulag, gayunma'y may mga mata,
na mga bingi, gayunma'y may mga tainga!
9 Hayaang sama-samang magtipon ang lahat na bansa,
at magpulong ang mga bayan.
Sino sa kanila ang makapagpapahayag nito,
at makapagsasabi sa amin ng mga dating bagay?
Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapawalang-sala,
at dinggin nila, at sabihin, Katotohanan nga.
10 “Kayo'y aking mga saksi,” sabi ng Panginoon,
“at aking lingkod na aking pinili,
upang inyong malaman at manampalataya kayo sa akin,
at inyong maunawaan na Ako nga.
Walang diyos na inanyuan na una sa akin,
o magkakaroon man pagkatapos ko.
11 Ako, ako ang Panginoon,
at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
12 Ako'y nagpahayag, ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala,
nang walang ibang diyos sa gitna ninyo;
at kayo ang aking mga saksi,” sabi ng Panginoon.
13 “Ako ang Diyos, at mula sa walang hanggan ay ako nga;
walang sinumang makapagliligtas mula sa aking kamay;
ako'y gumagawa at sinong pipigil?”
Ang Pagtakas mula sa Babilonia
14 Ganito ang sabi ng Panginoon,
na inyong Manunubos, ang Banal ng Israel:
“Dahil sa inyo ay magsusugo ako sa Babilonia,
at aking ibinaba silang lahat na parang mga palaboy,
at ang sigawan ng mga Caldeo ay magiging panaghoy.
15 Ako ang Panginoon, ang inyong Banal,
ang Maylalang ng Israel, ang inyong Hari.”
16 Ganito ang sabi ng Panginoon,
na gumagawa ng daan sa dagat,
at sa malalawak na tubig ay mga landas,
17 na nagpalabas ng karwahe at kabayo,
ng hukbo at ng mandirigma;
sila'y magkasamang humihiga, hindi sila makabangon,
sila'y namamatay, nauupos na parang mitsa.
18 “Huwag ninyong alalahanin ang mga dating bagay,
o isaalang-alang man ang mga bagay nang una.
19 Narito, ako'y gagawa ng isang bagong bagay;
ngayon iyon ay lalabas; hindi ba ninyo malalaman iyon?
Gagawa ako ng daan sa ilang,
at ng mga ilog sa disyerto.
20 Pararangalan ako ng mababangis na hayop
ng mga asong-gubat at ng mga avestruz;
sapagkat ako'y nagbibigay ng tubig sa ilang,
at ng mga ilog sa disyerto,
upang bigyan ng inumin ang pinili kong bayan,
21 ang bayan na aking inanyuan para sa aking sarili,
upang kanilang ipahayag ang aking kapurihan.
Ang Kasalanan ng Israel
22 “Gayunma'y hindi ka tumawag sa akin, O Jacob;
kundi ikaw ay nayamot sa akin, O Israel!
23 Hindi mo dinala sa akin ang iyong tupa para sa handog na sinusunog,
o pinarangalan mo man ako ng iyong mga handog.
Hindi ko ipinapasan sa iyo ang mga handog,
o pinahirapan ka man sa pamamagitan ng kamanyang.
24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong kalamo sa halaga ng salapi,
o binusog mo man ako ng taba ng iyong mga handog.
Kundi pinagpasan mo ako ng iyong mga kasalanan,
iyong pinahirapan ako ng iyong mga kasamaan.
Ang Pagpapatawad ng Panginoon
25 Ako, ako nga
ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway alang-alang sa akin,
at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.
26 Ilagay mo ako sa alaala, tayo'y kapwa mangatuwiran;
sabihin mo upang ikaw ay mapatunayang matuwid.
27 Ang iyong unang ama ay nagkasala,
at ang iyong mga tagapagsalita ay nagsisalangsang laban sa akin.
28 Kaya't aking durungisan ang mga pinuno ng santuwaryo,
at dadalhin ko ang Jacob sa pagkawasak
at ang Israel sa pagkakutya.
Walang Ibang Diyos
44 “Ngunit ngayo'y pakinggan mo, O Jacob na aking lingkod,
at Israel na aking pinili!
2 Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo,
at mula sa sinapupunan ay nagbigay sa iyo ng anyo, na siyang tutulong sa iyo:
Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod;
Jeshurun, na aking pinili.
3 Sapagkat bubuhusan ko ng tubig ang uhaw na lupa,
at ng mga bukal ang tuyong lupa;
aking ibubuhos ang aking Espiritu sa lahi mo,
at ang aking pagpapala sa mga anak mo.
4 Sila'y sisibol sa gitna ng mga damo, gaya ng sauce,
tulad ng mga halaman sa dumadaloy na batis.
5 Sasabihin ng isang ito, ‘Ako'y sa Panginoon,’
at tatawaging Jacob ng iba ang kanyang sarili,
at isusulat ng iba sa kanyang kamay, ‘Sa Panginoon,’
at tatawagin ang kanyang sarili sa pangalang Israel.”
6 Ganito(E) ang sabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel,
at ng kanyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo:
“Ako ang una at ang huli;
at liban sa akin ay walang Diyos.
7 At sino, na gaya ko, tatawag, at magpapahayag,
at mag-aayos sa ganang akin,
mula nang aking itatag ang matandang bayan?
At ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila.
8 Kayo'y huwag matakot, o mangilabot man
hindi ko ba ipinahayag sa iyo nang una, at sinabi iyon?
At kayo ang aking mga saksi!
May Diyos ba liban sa akin?
Oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”
Walang Kabuluhang Pagtitiwala
9 Lahat ng gumagawa ng mga diyus-diyosan ay walang kabuluhan, at ang mga bagay na kanilang kinalulugdan ay hindi mapapakinabangan. At ang kanilang mga saksi ay hindi nakakakita ni nakakaalam, upang sila'y mapahiya.
10 Sino ang nag-anyo sa isang diyos, o naghulma ng larawang inanyuan, na di pakikinabangan sa anuman?
11 Narito, lahat ng kanyang kasama ay mapapahiya; ang mga manggagawa ay mga tao lamang. Hayaang magtipon silang lahat, hayaan silang magsitayo; sila'y matatakot, sila'y sama-samang mapapahiya.
12 Ang panday na may kagamitang bakal ay gumagawa nito sa mga baga, at sa pamamagitan ng mga pamukpok, siya'y humuhugis sa pamamagitan ng malakas na bisig. Siya'y nagugutom, at ang kanyang lakas ay nawawala, siya'y hindi umiinom ng tubig, at nanghihina.
13 Ang karpintero ay nag-uunat ng isang pising panukat, kanyang tinatandaan iyon ng lapis, kanyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam at tinatandaan ng mga kompas. Hinuhugisan niya ito ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang manirahan sa bahay.
14 Pumuputol siya para sa kanya ng mga sedro, at kumukuha siya ng puno ng roble at ng ensina, pinapatibay niya para sa kanya sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat. Siya'y nagtatanim ng puno ng abeto, at pinalalago iyon ng ulan.
15 Pagkatapos iyon ay magiging panggatong para sa tao; kumukuha siya ng bahagi nito upang ipagpainit sa sarili. Siya'y nagsisindi ng apoy at nagluluto ng tinapay. Gagawa rin siya ng isang diyos, at sasambahin iyon; ginagawa niya itong larawang inanyuan at lumuluhod sa harapan niyon.
16 Kanyang iginagatong ang kalahati niyon sa apoy, at ang kalahati nito ay ikinakain niya ng karne, siya'y nag-iihaw ng iihawin at nasisiyahan. Siya'y nagpapainit din at nagsasabi, “Aha, ako'y naiinitan, aking nakikita ang apoy!”
17 At ang nalabi ay ginagawa niyang diyos, ang kanyang diyus-diyosan. Kanya itong niluluhuran at sinasamba, dinadalanginan, at nagsasabi, “Iligtas mo ako; sapagkat ikaw ay aking diyos!”
18 Hindi nila nalalaman, o nauunawaan man; sapagkat ipinikit niya ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita; at ang kanilang mga puso, upang huwag silang makaunawa.
19 At walang nakakaalala o mayroon mang kaalaman, o pang-unawa upang magsabi, “Aking sinunog ang kalahati niyon sa apoy; ako ay nagluto din ng tinapay sa mga baga niyon; ako'y nag-ihaw ng karne at kinain ko; at gagawin ko ba ang nalabi niyon na kasuklamsuklam? Magpapatirapa ba ako sa isang pirasong kahoy?”
20 Siya'y kumakain ng abo; iniligaw siya ng nadayang kaisipan, at hindi niya mailigtas ang kanyang kaluluwa, o makapagsabi, “Wala bang kasinungalingan sa aking kanang kamay?”
Ang Tagapagligtas ng Israel
21 Iyong alalahanin ang mga bagay na ito, O Jacob,
at Israel, sapagkat ikaw ay aking lingkod;
aking inanyuan ka, ikaw ay aking lingkod;
O Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan.
22 Aking pinawi na parang ulap ang mga pagsuway mo,
at ang iyong mga kasalanan na gaya ng ambon,
manumbalik ka sa akin sapagkat ikaw ay tinubos ko.
23 Umawit ka, O langit, sapagkat ginawa iyon ng Panginoon;
kayo'y sumigaw, O mga mababang bahagi ng lupa;
kayo'y biglang mag-awitan, O mga bundok,
O gubat, at bawat punungkahoy doon!
Sapagkat tinubos ng Panginoon ang Jacob,
at luluwalhatiin ang kaniyang sarili sa Israel.
24 Ganito ang sabi ng Panginoon, ang iyong Manunubos,
at nag-anyo sa iyo mula sa sinapupunan:
“Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay;
na mag-isang nagladlad ng mga langit,
na naglatag ng lupa—sinong kasama ko?
25 na(F) bumibigo sa mga tanda ng mga sinungaling,
at ginagawang hangal ang mga manghuhula;
na nagpapaurong sa mga pantas,
at ginagawang kahangalan ang kanilang kaalaman;
26 na nagpapatunay sa salita ng kanyang lingkod,
at nagsasagawa ng payo ng kanyang mga sugo;
na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, ‘Siya'y paninirahan;’
at tungkol sa mga lunsod ng Juda, ‘Matatayo sila,
at aking ibabangon ang kanilang pagkaguho.’
27 Na nagsasabi sa kalaliman, ‘Ikaw ay matuyo,
aking tutuyuin ang iyong mga ilog;’
28 na(G) nagsasabi tungkol kay Ciro, ‘Siya'y aking pastol,
at kanyang tutuparin ang lahat ng aking kaligayahan’;
na nagsasabi tungkol sa Jerusalem, ‘Siya'y matatayo,’
at sa templo, ‘Ang iyong pundasyon ay ilalagay.’”
Ang Paghirang kay Ciro
45 Ganito ang sabi ng Panginoon sa kanyang pinahiran ng langis, kay Ciro,
na ang kanang kamay ay aking hinawakan,
upang pasukuin ang mga bansa sa harap niya;
at kalagan ang mga balakang ng mga hari,
upang magbukas ng mga pintuan sa harapan niya,
upang ang mga pintuan ay hindi masarhan:
2 “Ako'y magpapauna sa iyo,
at papatagin ko ang mga baku-bakong dako,
ang mga pintuang tanso ay aking wawasakin,
at ang mga harang na bakal ay aking puputulin,
3 at ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanan ng kadiliman,
at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako,
upang inyong malaman na ako ang Panginoon,
ang Diyos ng Israel na tumatawag sa iyo sa iyong pangalan.
4 Alang-alang kay Jacob na aking lingkod,
at sa Israel na aking pinili,
sa iyong pangalan ay tinawag kita,
aking pinangalanan ka, bagaman hindi mo ako kilala.
5 Ako ang Panginoon, at walang iba;
liban sa akin ay walang Diyos.
Aking binibigkisan ka, bagaman hindi mo ako kilala,
6 upang malaman ng mga tao mula sa sikatan ng araw,
at mula sa kanluran, na walang iba liban sa akin;
ako ang Panginoon, at walang iba.
7 Aking inilagay ang liwanag at nililikha ko ang kadiliman;
ako'y gumagawa ng kaginhawahan at lumilikha ako ng kapahamakan;
ako ang Panginoon, na gumagawa ng lahat ng mga bagay na ito.
Ang Panginoon ang Manlilikha
8 “Maghulog ka, O mga langit, mula sa itaas,
at ang kalangitan ay magpaulan ng katuwiran;
bumuka ang lupa, at lumitaw ang kaligtasan,
at upang ang katuwiran ay lumitaw na kasama nito,
akong Panginoon ang lumikha nito.
9 “Kahabag-habag(H) siya na makikipagpunyagi sa Maylalang sa kanya!
Isang luwad na sisidlan sa isang magpapalayok!
Sinasabi ba ng luwad sa nagbibigay anyo sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’
o ‘ang iyong gawa ay walang mga kamay?’
10 Kahabag-habag siya na nagsasabi sa ama, ‘Ano ang naging anak mo?’
o sa babae, ‘Ano ang ipinaghihirap mo?’”
11 Ganito ang sabi ng Panginoon,
ng Banal ng Israel, at ng Maylalang sa kanya:
“Magtanong ka sa akin tungkol sa mga bagay na darating;
tungkol sa aking mga anak, at tungkol sa gawa ng aking mga kamay, mag-utos kayo sa akin.
12 Aking ginawa ang lupa,
at nilikha ko ang tao sa ibabaw nito;
ako, ang aking mga kamay ang nagladlad ng mga langit,
at inuutusan ko ang lahat ng naroroon.
13 Aking ibinangon siya sa katuwiran,
at aking tutuwirin ang lahat niyang lakad;
kanyang itatayo ang aking lunsod,
at kanyang palalayain ang aking mga binihag,
hindi sa halaga o sa gantimpala man,”
sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Panginoon Lamang ang Tagapagligtas
14 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang yari ng Ehipto at ang kalakal ng Etiopia,
at ang mga Sabeo, mga taong matatangkad,
ay paparito sa iyo, at sila'y magiging iyo;
sila'y susunod sa iyo.
Sila'y darating na may tanikala at sila'y magpapatirapa sa iyo.
Sila'y makikiusap sa iyo, na nagsasabi,
‘Tunay na ang Diyos lamang ang nasa iyo, at walang iba,
walang ibang Diyos.’”
15 Katotohanang ikaw ay Diyos na nagkukubli,
O Diyos ng Israel, ang Tagapagligtas.
16 Silang lahat ay napahiya at nalito,
ang mga manggagawa ng mga diyus-diyosan ay magkakasamang nalilito.
17 Ngunit ang Israel ay ililigtas ng Panginoon
ng walang hanggang kaligtasan;
kayo'y hindi mapapahiya o malilito man
hanggang sa walang hanggan.
18 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon
na lumikha ng langit
(siya ay Diyos!),
na nag-anyo ng lupa at gumawa niyon,
(na kanyang itinatag;
hindi niya ito nilikha na sira,
ito ay kanyang inanyuan upang tirhan!):
“Ako ang Panginoon, at wala nang iba.
19 Ako'y hindi nagsalita ng lihim,
sa dako ng lupain ng kadiliman;
hindi ko sinabi sa lahi ni Jacob,
‘Hanapin ninyo ako nang walang kabuluhan.’
Akong Panginoon ay nagsasalita ng katuwiran,
ako'y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid.
Ang Diyus-diyosan at ang Panginoon
20 “Kayo'y magtipon at pumarito,
magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakaligtas sa mga bansa!
Sila'y walang kaalaman
na nagdadala ng kanilang kahoy na larawang inanyuan,
at nananalangin sa diyos
na hindi makapagliligtas.
21 Kayo'y magpahayag at maglahad;
oo, magsanggunian silang magkakasama!
Sinong nagsabi nito nang unang panahon?
Sinong nagpahayag niyon nang una?
Hindi ba ako, na Panginoon?
At walang Diyos liban sa akin,
isang matuwid na Diyos at Tagapagligtas;
walang iba liban sa akin.
22 “Kayo'y bumaling sa akin, at kayo'y maliligtas,
lahat ng dulo ng lupa!
Sapagkat ako'y Diyos, at walang iba liban sa akin.
23 Aking(I) isinumpa sa aking sarili,
mula sa aking bibig ay lumabas sa katuwiran,
ang isang salita na hindi babalik:
‘Na sa akin ay luluhod ang bawat tuhod,
bawat dila ay susumpa.’
24 “Kanyang sasabihin sa Panginoon lamang,
ang katuwiran at kalakasan,
iyon ang sasabihin tungkol sa akin;
sa kanya'y magsisiparoon ang mga tao,
at ang lahat ng nagagalit sa kanya ay mapapahiya.
25 Sa Panginoon ang lahat ng anak ng Israel
ay aariing-ganap at luluwalhatiin.”
46 Si Bel ay nagpapatirapa, si Nebo ay yumuyukod;
ang kanilang mga diyus-diyosan ay pasan ng mga baka at mga hayop;
ang mga bagay na ito na inyong dala-dala
ay mabigat na pasan sa pagod.
2 Sila'y yumuyukod, sila'y nagpapatirapang magkakasama;
hindi nila mailigtas ang pasan,
kundi sila ma'y tutungo sa pagkabihag.
3 “Inyong dinggin ako, O sambahayan ni Jacob,
at lahat na nalabi sa sambahayan ni Israel,
na kinalong ko mula sa iyong pagsilang,
na dinala mula sa sinapupunan;
4 at hanggang sa katandaan mo ay ako siya,
at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita.
Ginawa kita at aking dadalhin ka.
Aking dadalhin at ililigtas ka.
5 “Kanino ninyo ako itutulad,
at ihahambing ako upang kami ay maging magkatulad?
6 Sila'y dumudukot ng maraming ginto sa supot,
at nagtitimbang ng pilak sa timbangan,
na nagsisiupa ng panday-ginto, at kanyang ginagawang diyos;
oo, sila'y nagpapatirapa, at nagsisisamba!
7 Ipinapasan nila iyon sa balikat, dinadala nila iyon,
inilalagay nila iyon sa kanyang lugar, at iyon ay nakatayo roon;
mula sa kanyang dako ay hindi siya makakilos.
Oo, may dadaing sa kanya, gayon ma'y hindi siya makasasagot,
o makapagliligtas man sa kanya sa kanyang kabagabagan.
8 “Inyong alalahanin ito, at maging tiyak,
isaisip ninyo uli, kayong mga masuwayin,
9 inyong alalahanin ang mga dating bagay nang una,
sapagkat ako'y Diyos, at walang iba;
ako'y Diyos, at walang gaya ko,
10 na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula,
at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari;
na nagsasabi, ‘Ang layunin ko ay maitatatag,
at gagawin ko ang lahat ng aking kaligayahan,’
11 na tumatawag ng ibong mandaragit mula sa silangan,
ng taong gumagawa ng aking layunin mula sa malayong lupain;
oo, aking sinabi, oo, aking papangyayarihin,
aking pinanukala, at akin itong gagawin.
12 “Makinig kayo sa akin, kayong matitigas ang puso,
kayo na malayo sa katuwiran:
13 Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi ito malayo,
at ang aking pagliligtas ay hindi magtatagal;
at aking ilalagay ang kaligtasan sa Zion,
para sa Israel na aking kaluwalhatian.”
Hahatulan ang Babilonia
47 Ikaw(J) ay bumaba at umupo sa alabok,
O anak na dalagang birhen ng Babilonia;
maupo ka sa lupa na walang trono,
O anak na babae ng mga Caldeo!
Sapagkat hindi ka na tatawaging
maselan at mahinhin.
2 Ikaw ay kumuha ng gilingang bato, at gumiling ka ng harina;
mag-alis ka ng iyong belo,
maghubad ka ng balabal, ilitaw mo ang iyong binti,
tumawid ka sa mga ilog.
3 Ang iyong kahubaran ay malalantad,
ang iyong kahihiyan ay makikita,
ako'y maghihiganti,
at wala akong ililigtas na tao.
4 Ang aming Manunubos— Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan—
ay ang Banal ng Israel.
5 Maupo kang tahimik, at pumasok ka sa kadiliman,
O anak na babae ng mga Caldeo;
sapagkat hindi ka na tatawaging
maybahay ng mga kaharian.
6 Ako'y nagalit sa aking bayan,
ang aking mana ay aking dinungisan;
ibinigay ko sila sa iyong kamay,
hindi mo sila pinagpakitaan ng kaawaan;
sa matatanda ay pinabigat mong lubha ang iyong pasan.
7 At iyong sinabi, “Ako'y magiging maybahay mo magpakailanman,”
na anupa't hindi mo inilagay ang mga bagay na ito sa iyong puso,
o inalaala mo man ang kanilang wakas.
8 Ngayon(K) nga'y pakinggan mo ito, ikaw na namumuhay sa mga kalayawan,
na tumatahang matiwasay,
na nagsasabi sa kanyang puso,
“Ako nga, at walang iba liban sa akin;
hindi ako uupong gaya ng babaing balo
o mararanasan man ang pagkawala ng mga anak”:
9 Ngunit ang dalawang bagay na ito ay darating sa iyo
sa isang sandali, sa isang araw;
ang pagkawala ng mga anak at pagkabalo
ay buong-buong darating sa iyo,
sa kabila ng iyong maraming pangkukulam,
at sa malaking kapangyarihan ng iyong panggagayuma.
10 Sapagkat ikaw ay nagtiwala sa iyong kasamaan,
iyong sinabi, “Walang nakakakita sa akin”;
ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman
ang nagligaw sa iyo,
at iyong sinabi sa iyong puso,
“Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
11 Ngunit ang kasamaan ay darating sa iyo,
na hindi mo malalaman ang pinagmulan;
at ang kapahamakan ay darating sa iyo;
na hindi mo maaalis;
at ang pagkawasak ay biglang darating sa iyo,
na hindi mo nalalaman.
12 Tumayo ka ngayon sa iyong panggagayuma,
at sa marami mong pangkukulam,
na iyong ginawa mula sa iyong kabataan;
marahil ay makikinabang ka,
marahil ay mananaig ka.
13 Ikaw ay pagod na sa dinami-dami ng iyong mga payo;
patayuin sila at iligtas ka,
sila na nanghuhula sa pamamagitan ng langit,
na nagmamasid sa mga bituin,
na nanghuhula sa pamamagitan ng buwan,
kung anong mangyayari sa iyo.
14 Narito, sila'y gaya ng pinagputulan ng trigo,
sinusunog sila ng apoy;
hindi nila maililigtas ang kanilang kaluluwa
mula sa kapangyarihan ng liyab.
Walang baga na pagpapainitan sa kanila,
o apoy na sa harapan nito'y makakaupo ang sinuman.
15 Ganito ang mangyayari sa kanila na kasama mong gumawa,
silang nangalakal na kasama mo mula sa iyong kabataan,
bawat isa ay nagpalabuy-laboy sa kanyang sariling lakad;
walang sinumang sa iyo ay magliligtas.
Pahayag sa mga Bagay na Darating
48 Pakinggan mo ito, O sambahayan ni Jacob,
na tinatawag sa pangalan ng Israel,
at lumabas mula sa balakang ng Juda;
na sumumpa sa pangalan ng Panginoon,
at nagpahayag sa Diyos ng Israel,
ngunit hindi sa katotohanan, o sa katuwiran man.
2 (Sapagkat tinatawag nila ang kanilang mga sarili ayon sa lunsod na banal,
at nagtiwala sa Diyos ng Israel;
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan).
3 “Aking ipinahayag ang mga dating bagay mula nang una,
iyon ay lumabas sa aking bibig, at aking ipinakilala;
at bigla kong ginawa at ang mga iyon ay nangyari.
4 Sapagkat alam ko, na ikaw ay mapagmatigas,
at ang iyong leeg ay parang litid na bakal,
at ang iyong noo ay parang tanso,
5 aking ipinahayag sa iyo mula nang una;
bago nangyari ay ipinaalam ko sa iyo,
baka iyong sabihin, ‘Mga diyus-diyosan ko ang gumawa ng mga ito,
ang aking larawang inanyuan at ang aking larawang hinulma, ang nag-utos sa kanila.’
6 “Iyong narinig; ngayo'y tingnan mong lahat ito;
at hindi mo ba ipahahayag?
Mula sa panahong ito ay magpaparinig ako sa iyo ng mga bagong bagay,
mga kubling bagay na hindi mo pa nalalaman.
7 Ang mga ito ay nilikha ngayon, at hindi noong una;
bago dumating ang araw na ito ay hindi mo pa iyon narinig;
baka iyong sabihin, ‘Aking nalaman ang mga ito.’
8 Oo, hindi mo pa narinig, hindi mo pa nalalaman;
mula nang una ang iyong pandinig ay hindi pa nabuksan.
Sapagkat alam ko na ikaw ay gagawa ng may kataksilan,
at tinawag na suwail mula sa iyong pagsilang.
9 “Alang-alang sa aking pangalan ay iniurong ko ang galit ko,
at dahil sa kapurihan ko ay pinigil ko iyon para sa iyo,
upang hindi kita ihiwalay.
10 Dinalisay kita, ngunit hindi tulad ng pilak;
sinubok kita sa hurno ng kapighatian.
11 Alang-alang sa akin, alang-alang sa akin, aking gagawin iyon;
sapagkat paanong lalapastanganin ang aking pangalan?
At ang kaluwalhatian ko sa iba'y di ko ibinigay.
Si Ciro ang Pinunong Pinili ng Panginoon
12 “Makinig(L) ka sa akin, O Jacob,
at Israel na tinawag ko;
ako nga; ako ang una,
ako rin ang huli.
13 Ang aking kamay ang siyang naglagay ng pundasyon ng lupa,
at ang aking kanan ang siyang nagladlad ng mga langit;
kapag ako'y tumatawag sa kanila,
sila'y nagsisitayong magkakasama.
14 “Kayo'y magtipon, kayong lahat, at pakinggan ninyo!
Sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito?
Minamahal siya ng Panginoon;
kanyang tutuparin ang kanyang mabuting hangarin sa Babilonia,
at ang kanyang kamay ay magiging laban sa mga Caldeo.
15 Ako, ako nga'y nagsalita; oo, aking tinawag siya;
aking dinala siya, at kanyang pagtatagumpayin ang mga lakad niya.
16 Kayo'y lumapit sa akin, pakinggan ninyo ito:
mula sa pasimula ay hindi ako nagsalita ng lihim,
mula nang panahon na nangyari ito ay naroon na ako.”
At ngayo'y sinugo ako ng Panginoong Diyos at ng kanyang Espiritu.
Ang Plano ng Diyos sa Kanyang Bayan
17 Ganito ang sabi ng Panginoon,
ng inyong Manunubos, ang Banal ng Israel:
“Ako ang Panginoon mong Diyos,
na nagtuturo sa iyo para sa iyong kapakinabangan,
na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.
18 O kung dininig mo sana ang aking mga utos!
Ang iyong kapayapaan sana ay naging parang ilog,
at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat.
19 Ang iyong lahi sana ay naging parang buhangin
at ang iyong mga supling ay parang mga butil niyon;
ang kanilang pangalan ay hindi tatanggalin
o mawawasak man sa harapan ko.”
20 Kayo'y(M) lumabas sa Babilonia, tumakas kayo sa Caldea,
ipahayag ninyo ito sa tinig ng sigaw ng kagalakan, ipahayag ninyo ito,
ibalita ninyo hanggang sa dulo ng lupa;
inyong sabihin, “Tinubos ng Panginoon si Jacob na kanyang lingkod!”
21 At sila'y hindi nauhaw nang patnubayan niya sila sa mga ilang;
kanyang pinaagos ang tubig mula sa bato para sa kanila;
kanyang nilagyan ng guwang ang bato, at ang tubig ay bumukal.
22 “Walang(N) kapayapaan para sa masama,” sabi ng Panginoon.
Ang Israel ang Tanglaw ng mga Bansa
49 Kayo'y(O) makinig sa akin, O mga pulo;
at inyong pakinggan, kayong mga bayan sa malayo.
Tinawagan ako ng Panginoon mula sa sinapupunan,
mula sa katawan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan.
2 Ang(P) aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak,
sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako;
ginawa niya akong makinang na palaso,
sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako.
3 At sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking lingkod;
Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.”
4 Ngunit aking sinabi, “Ako'y gumawang walang kabuluhan,
ginugol ko ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan;
gayunma'y ang aking katarungan ay nasa Panginoon,
at ang aking gantimpala ay nasa aking Diyos.”
5 At ngayo'y sinabi ng Panginoon,
na nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan upang maging kanyang lingkod,
upang ibalik uli ang Jacob sa kanya,
at ang Israel ay matipon sa kanya;
sapagkat sa mga mata ng Panginoon ako'y pinarangalan,
at ang aking Diyos ay aking kalakasan—
6 oo, kanyang(Q) sinasabi:
“Napakagaan bang bagay na ikaw ay naging aking lingkod
upang ibangon ang mga lipi ni Jacob,
at panumbalikin ang iningatan ng Israel;
ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga bansa
upang ang aking kaligtasan ay makarating hanggang sa dulo ng lupa.”
7 Ganito ang sabi ng Panginoon,
ng Manunubos ng Israel at ng kanyang Banal,
sa lubos na hinamak, sa kinasuklaman ng bansa,
ang lingkod ng mga pinuno:
“Ang mga hari at ang mga pinuno,
ay makakakita at babangon, at sila'y magsisisamba;
dahil sa Panginoon na tapat,
sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.”
8 Ganito(R) ang sabi ng Panginoon:
“Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita,
at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita;
aking iningatan ka, at ibinigay kita
bilang isang tipan sa bayan,
upang itatag ang lupain,
upang ipamahagi ang mga sirang mana;
9 na sinasabi sa mga bilanggo, ‘Kayo'y magsilabas;’
sa mga nasa kadiliman, ‘Magpakita kayo.’
Sila'y magsisikain sa mga daan,
at ang lahat ng bukas na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10 Sila'y(S) hindi magugutom, o mauuhaw man;
at hindi rin sila mapapaso ng maiinit na hangin ni sasaktan man sila ng araw.
Sapagkat siyang may awa sa kanila ang sa kanila ay papatnubay,
at aakayin sila sa tabi ng mga bukal ng tubig.
11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok,
at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12 Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo,
at, narito, ang mga ito ay mula sa hilaga, at mula sa kanluran,
at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.”
13 Umawit ka sa kagalakan, O kalangitan, at magalak ka, O lupa;
kayo'y biglang umawit, O mga kabundukan!
Sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mahahabag sa kanyang mga nahihirapan.
14 Ngunit sinabi ng Zion, “Pinabayaan ako ng Panginoon,
kinalimutan ako ng aking Panginoon.”
15 “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin,
na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan?
Oo, ang mga ito'y makakalimot,
ngunit hindi kita kalilimutan.
16 Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko,
ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko.
17 Ang iyong mga tagapagtayo ay magmamadali,
at ang sumisira, at ang nagwawasak sa iyo ay lalayo.
18 Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo;
silang lahat ay nagtitipon, sila'y lumalapit sa iyo.
Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoon,
silang lahat ay isusuot mo na gaya ng panggayak,
gaya ng ginagawa ng babaing ikakasal, bibigkisan mo silang lahat.
19 “Sapagkat ang iyong mga sira at mga gibang dako
at ang iyong lupaing nawasak—
tiyak na ngayon ikaw ay magiging totoong napakakipot
para sa iyong mga mamamayan, at silang lumamon sa iyo ay mapapalayo.
20 Ang mga anak na ipinanganak sa panahon ng inyong kapanglawan
ay magsasabi pa sa iyong pandinig:
‘Ang lugar ay napakakipot para sa akin.
Bigyan mo ako ng lugar na aking matitirahan.’
21 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong puso:
‘Sinong nagsilang ng mga ito sa akin?
Ako'y namanglaw at walang anak,
itinapon at palabuy-laboy,
ngunit sinong nagpalaki sa mga ito?
Narito, ako'y naiwang mag-isa;
saan nagmula ang mga ito?’”
22 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Itataas ko ang aking kamay sa mga bansa,
at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan;
at ilalagay nila ang inyong mga anak na lalaki sa kanilang sinapupunan,
at ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga balikat ay ipapasan.
23 At mga hari ang magiging iyong mga tagapag-alaga,
at ang kanilang mga reyna ay siyang mag-aaruga.
Sila'y yuyukod sa iyo na ang kanilang mga mukha ay nakatungo sa lupa,
at hihimurin ang alabok ng inyong mga paa.
At iyong makikilala na ako ang Panginoon;
ang mga naghihintay sa akin ay hindi mapapahiya.
24 Makukuha ba ang biktima mula sa makapangyarihan,
o maililigtas ba ang nabiktima ng malupit?”
25 Ngunit, ganito ang sabi ng Panginoon:
“Pati ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin,
at ang biktima ng malupit ay maliligtas,
sapagkat ako'y makikipaglaban sa mga nakikipaglaban sa iyo,
at aking ililigtas ang mga anak mo.
26 At ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang kanilang sariling laman,
at sila'y malalasing sa kanilang sariling dugo na gaya ng matamis na alak.
At makikilala ng lahat ng laman
na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas,
at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ng Jacob.”
50 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Nasaan ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina,
na aking ipinaghiwalay sa kanya?
O kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita?
Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay ipinagbili kayo,
at dahil sa inyong mga pagsuway ay inilayo ang ina ninyo.
2 Bakit nang ako'y pumarito ay walang tao?
Nang ako'y tumawag, bakit walang sumagot?
Naging maikli na ba ang aking kamay, anupa't hindi makatubos?
O wala akong kapangyarihang makapagligtas?
Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat,
aking ginawang ilang ang mga ilog.
Ang kanilang isda ay bumabaho sapagkat walang tubig,
at namamatay dahil sa uhaw.
3 Aking binibihisan ng kaitiman ang langit,
at aking ginagawang damit-sako ang kanyang panakip.”
Ang Pagsunod ng Lingkod ng Diyos
4 Binigyan ako ng Panginoong Diyos
ng dila ng mga naturuan,
upang aking malaman kung paanong aalalayan
ng mga salita ang nanlulupaypay.
Siya'y nagigising tuwing umaga,
ginigising niya ang aking pandinig
upang makinig na gaya ng mga naturuan.
5 Binuksan ng Panginoong Diyos ang aking pandinig,
at ako'y hindi naging mapaghimagsik,
o tumalikod man.
6 Iniharap(T) ko ang aking likod sa mga tagahampas,
at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng balbas;
hindi ko ikinubli ang aking mukha
sa kahihiyan at sa paglura.
7 Sapagkat tinulungan ako ng Panginoong Diyos;
kaya't hindi ako napahiya;
kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong kiskisan,
at alam ko na hindi ako mapapahiya.
8 Siya(U) na magpapawalang-sala sa akin ay malapit.
Sinong makikipaglaban sa akin?
Tayo'y tumayong magkakasama.
Sino ang aking kaaway?
Bayaang lumapit siya sa akin.
9 Narito, tinutulungan ako ng Panginoong Diyos;
sino ang magsasabi na ako ay nagkasala?
Tingnan mo, silang lahat ay malulumang parang bihisan;
lalamunin sila ng tanga.
10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon,
na sumusunod sa tinig ng kanyang lingkod,
na lumalakad sa kadiliman,
at walang liwanag?
Magtiwala siya sa pangalan ng Panginoon,
at umasa sa kanyang Diyos.
11 Narito, kayong lahat na nagpapaningas ng apoy,
na nagsisindi ng mga suló!
Lumakad kayo sa liyab ng inyong apoy,
at sa gitna ng mga suló na inyong sinindihan!
Ito ang makakamit ninyo sa aking kamay:
kayo'y hihiga sa pagpapahirap.
Salitang Pang-aliw sa Zion
51 Kayo'y makinig sa akin, kayong sumusunod sa katuwiran
kayong naghahanap sa Panginoon;
tumingin kayo sa malaking bato na inyong pinagtapyasan,
at sa tibagan na pinaghukayan sa inyo.
2 Tingnan ninyo si Abraham na ama ninyo,
at si Sara na nagsilang sa inyo;
sapagkat nang siya'y iisa ay tinawag ko siya,
at pinagpala ko at pinarami siya.
3 Sapagkat aaliwin ng Panginoon ang Zion;
kanyang aaliwin ang lahat niyang sirang dako,
at gagawin niyang parang Eden ang kanyang ilang,
ang kanyang disyerto na parang halamanan ng Panginoon;
kagalakan at kasayahan ay matatagpuan doon,
pagpapasalamat at tinig ng awit.
4 “Makinig ka sa akin, bayan ko;
at pakinggan mo ako, bansa ko.
Sapagkat magmumula sa akin ang isang kautusan,
at ang aking katarungan bilang liwanag sa mga bayan.
5 Ang aking katuwiran ay malapit na,
ang aking kaligtasan ay humayo na,
at ang aking mga bisig ay hahatol sa mga bayan;
ang mga pulo ay naghihintay sa akin,
at sa aking bisig ay umaasa sila.
6 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit,
at tingnan ninyo ang lupa sa ibaba;
sapagkat ang langit ay mapapawing parang usok,
at ang lupa ay malulumang parang bihisan;
at silang naninirahan doon ay mamamatay sa gayunding paraan.
Ngunit ang pagliligtas ko ay magpakailanman,
at hindi magwawakas ang aking katuwiran.
7 “Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng katuwiran,
ang bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan.
Huwag ninyong katakutan ang pagkutya ng mga tao,
at huwag kayong mabalisa sa kanilang mga paglait.
8 Sapagkat sila'y lalamunin ng bukbok na parang bihisan,
at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa;
ngunit ang aking katuwiran ay magiging magpakailanman,
at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng salinlahi.”
9 Gumising ka, gumising ka, magpakalakas ka,
O bisig ng Panginoon.
Gumising ka na gaya nang araw noong una,
nang mga lahi ng mga dating panahon.
Hindi ba ikaw ang pumutol ng Rahab,
na sumaksak sa dragon?
10 Hindi ba ikaw ang tumuyo sa dagat,
sa tubig ng malaking kalaliman;
na iyong ginawang daan ang kalaliman ng dagat
upang daanan ng tinubos?
11 At ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik,
at darating na may awitan sa Zion;
at nasa kanilang mga ulo ang walang hanggang kagalakan,
sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan;
at tatakas ang kalungkutan at pagbubuntong-hininga.
12 “Ako, ako nga, ang siyang umaaliw sa inyo.
Sino ka na natatakot sa namamatay na tao,
at sa anak ng tao na ginawang parang damo,
13 at iyong kinalimutan ang Panginoon na iyong Manlalalang,
na nagladlad ng mga langit,
at siyang naglagay ng mga pundasyon ng lupa,
at ikaw ay laging natatakot sa buong araw
dahil sa bagsik ng mang-aapi,
kapag siya'y naghahanda upang mangwasak?
At saan naroon ang bagsik ng mang-aapi?
14 Ang inapi ay mabilis na palalayain,
hindi siya mamamatay patungo sa Hukay,
ni magkukulang man ang kanyang tinapay.
15 Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
na nagpapakilos sa dagat, na ang mga alon niyon ay umuugong—
Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan.
16 At inilagay ko ang aking mga salita sa bibig mo,
at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay
upang mailadlad ang mga langit,
at upang maitatag ang lupa,
at sinasabi sa Zion, ‘Ikaw ay aking bayan.’”
Katapusan ng Paghihirap ng Jerusalem
17 Gumising(V) ka, gumising ka,
tumayo ka, O Jerusalem.
Ikaw na uminom sa kamay ng Panginoon
sa kopa ng kanyang poot,
na iyong sinaid ang kopa ng pampasuray.
18 Walang pumatnubay sa kanya
sa lahat ng anak na kanyang ipinanganak;
ni humawak man sa kanya sa kamay
sa lahat ng anak na kanyang pinalaki.
19 Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo—sinong makikiramay sa iyo?—
pagkagiba, pagkasira, taggutom at ang tabak;
sinong aaliw sa iyo?
20 Ang iyong mga anak ay nanlupaypay,
sila'y nahihiga sa dulo ng bawat lansangan,
na gaya ng isang usa sa isang lambat;
sila'y puspos ng poot ng Panginoon,
ng saway ng iyong Diyos.
21 Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati,
at lasing, ngunit hindi ng alak.
22 Ganito ang sabi ng iyong Panginoon, ang Panginoon,
ang iyong Diyos na nagsasanggalang ng usapin ng kanyang bayan:
“Narito, aking inalis sa iyong kamay ang kopa na pampasuray;
ang kopa ng aking poot;
hindi ka na muling iinom.
23 At aking ilalagay ito sa kamay ng mga nagpapahirap sa iyo,
na nagsabi sa iyong kaluluwa,
‘Ikaw ay yumuko upang kami ay makaraan’;
at ginawa mo ang iyong likod na parang lupa,
at parang lansangan na kanilang madaraanan.”
Tutubusin ng Diyos ang Jerusalem
52 Gumising(W) ka, gumising ka!
Magsuot ka ng iyong kalakasan, O Zion.
Magsuot ka ng iyong magagandang damit,
O Jerusalem, ang banal na lunsod,
sapagkat ang hindi tuli at ang marumi
ay hindi na muling papasok sa iyo.
2 Magpagpag ka ng alabok, ikaw ay bumangon,
O bihag na Jerusalem.
Kalagin mo ang tali sa iyong leeg,
O bihag na anak na babae ng Zion.
3 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Kayo'y ipinagbili sa wala, at kayo'y tutubusin na walang salapi.
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Ehipto upang makipamayan doon, at inapi sila ng mga taga-Asiria ng walang kadahilanan.
5 Ngayon(X) anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon. Yamang ang aking bayan ay dinala nang walang dahilan? Ang mga namumuno sa kanila ay umuungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay laging hinahamak sa buong araw.
6 Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan. Malalaman nila sa araw na iyon, na ako ang nagsasalita. Narito ako.”
7 Napakaganda(Y) sa mga bundok
ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan,
na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan,
na naghahayag ng kaligtasan,
na nagsasabi sa Zion, “Ang iyong Diyos ay naghahari!”
8 Pakinggan mo! Inilakas ng mga bantay ang kanilang tinig,
na magkakasamang nagsisiawit sa kagalakan;
sapagkat makikita ng sarili nilang mga mata
ang pagbalik ng Panginoon sa Zion.
9 Magalak kayong bigla, kayo'y umawit na magkakasama,
kayong mga sirang dako ng Jerusalem;
sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
kanyang tinubos ang Jerusalem.
10 Hinubaran ng Panginoon ang kanyang banal na bisig
sa mga mata ng lahat na bansa;
at makikita ng lahat ng dulo ng lupa
ang pagliligtas ng ating Diyos.
11 Kayo'y(Z) humayo, kayo'y humayo! Kayo'y umalis doon,
huwag kayong humipo ng maruming bagay.
Kayo'y lumabas sa gitna niya, kayo'y magpakalinis,
kayong nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.
12 Sapagkat kayo'y hindi lalabas na nagmamadali,
o lalabas man kayo dahil sa pagtakas,
sapagkat ang Panginoon ay mauuna sa inyo;
at ang Diyos ng Israel ay magiging inyong bantay sa likod.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001