Bible in 90 Days
Ang awit ng pananagumpay.
14 Sapagka't ang Panginoon ay (A)maaawa sa Jacob, at kaniyang pipiliin (B)pa ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain: (C)at ang taga ibang lupa ay lalakip sa kanila, at sila'y masasanib sa sangbahayan ni Jacob.
2 At kukunin sila ng mga tao, (D)at dadalhin sila sa kanilang dako: at aariin sila ng sangbahayan ng Israel sa lupain ng Panginoon, na mga pinakaaliping lalake at babae: at kanilang bibihagin sila, na nagsibihag sa kanila; (E)at mangagpupuno sila sa mga mamimighati sa kanila.
3 At mangyayari, sa araw na bibigyan ka ng Panginoon ng kapahingahan sa iyong kapanglawan, at sa iyong kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod sa iyo,
4 Na (F)iyong gagamitin ang talinghagang ito laban sa hari sa Babilonia, at iyong sasabihin, Kung paano ang mamimighati ay naglikat! (G)ang bayang ginto ay naglikat!
5 Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama, (H)ang cetro ng mga pinuno;
6 Siya na sumakit ng mga tao sa poot ng walang likat na bugbog, na nagpuno sa mga bansa sa galit, na may pag-uusig na hindi pinigil ng sinoman.
7 Ang buong lupa ay nasa katiwasayan, at tahimik: sila'y biglang (I)nagsisiawit.
8 Oo, ang mga puno ng cipres ay nagagalak dahil sa iyo, at ang mga cedro sa Libano, na nangagsasabi, Mula nang ikaw ay malugmok wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.
9 Ang Sheol mula sa ibaba ay nakikilos sa iyo upang salubungin ka sa iyong pagdating; nangapupukaw ang mga patay dahil sa iyo, sa makatuwid baga'y ang lahat na pinakapangulo sa lupa; nagsitindig mula sa kanilang mga luklukan ang lahat ng hari ng mga bansa.
10 Silang lahat ay magsisisagot at mangagsasabi sa iyo, Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin? ikaw ba'y naging gaya namin?
11 Ang iyong kahambugan ay nababa sa Sheol pati ng tunog ng iyong mga biola: ang uod ay nangangalat sa ilalim mo, at tinatakpan ka ng mga uod.
12 (J)Ano't nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, anak ng umaga! paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa!
13 At sinabi mo sa iyong sarili, Ako'y (K)sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas (L)ng mga bituin ng Dios; at ako'y uupo sa (M)bundok ng kapisanan, (N)sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan:
14 Ako'y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako'y magiging gaya ng Kataastaasan.
15 Gayon ma'y (O)mabababa ka sa Sheol, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hukay.
16 Silang nangakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo, kanilang mamasdan ka, na mangagsasabi, Ito baga ang lalake na nagpayanig ng lupa, na nagpauga ng mga kaharian;
17 Na ginawang gaya ng ilang ang sanglibutan, at gumiba ng mga bayan nito; na hindi nagpakawala ng kaniyang mga bilanggo upang magsiuwi?
18 Lahat ng mga hari ng mga bansa, silang lahat, nangatutulog sa kaluwalhatian, bawa't isa'y sa kaniyang sariling bahay.
19 Nguni't ikaw ay natapon mula sa iyong libingan na gaya ng kasuklamsuklam na sanga, gaya ng bihisan ng mga patay, na tinaga ng tabak, na bumaba sa mga bato ng hukay: gaya ng bangkay na nayapakan ng paa.
20 (P)Ikaw ay hindi malalakip sa kanila sa libingan, sapagka't iyong sinira ang iyong lupain, iyong pinatay ang iyong bayan; ang angkan ng mga manggagawa ng kasamaan (Q)ay hindi lalagi magpakailan man.
21 Mangaghanda kayo na pumatay sa kanilang mga anak dahil sa (R)kasamaan ng kanilang mga magulang; upang sila'y (S)huwag magsibangon, at ariin ang lupain, at punuin ang ibabaw ng lupa ng mga bayan.
22 At ako'y babangon laban sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ihihiwalay ko sa Babilonia (T)ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak, sabi ng Panginoon.
23 Akin namang gagawing pinakaari ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig: at aking papalisin ng pangpalis na kagibaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
24 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsabi, Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking pinanukala, gayon mananayo:
25 (U)Na aking lalansagin ang taga Asiria sa aking lupain, at sa aking mga bundok ay yayapakan ko siya sa ilalim ng paa; kung magkagayo'y mahihiwalay ang (V)kaniyang atang sa kanila, at ang ipinasan niya ay mahihiwalay sa kanilang balikat.
26 Ito ang panukala na aking pinanukala sa buong lupa: at ito ang kamay na umunat sa lahat ng mga bansa.
27 Sapagka't pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, at sinong wawala ng kabuluhan? at ang kaniyang kamay na nakaunat, at sinong maguurong?
Ang hula sa Filistia.
28 Nagkaroon ng hulang (W)ito nang taong mamatay ang (X)haring Achaz.
29 Ikaw ay huwag magalak, ikaw na buong (Y)Filistia, sa pagkabali ng pamalo na sumakit sa iyo: sapagka't sa ahas ay lalabas ang ulupong, at ang kaniyang anak ay magiging mabangis na ahas na lumilipad.
30 At ang panganay ng dukha ay kakain, at ang mapagkailangan ay mahihigang tiwasay: at aking papatayin ng gutom ang iyong angkan, at ang nalabi sa iyo ay papatayin.
31 Ikaw ay umungal, Oh pintuang bayan; ikaw ay humiyaw, Oh bayan; ikaw ay napugnaw, Oh ikaw na buong Filistia; sapagka't lumalabas ang usok na mula sa hilagaan, at walang malalabi sa kaniyang mga takdang panahon.
32 Ano nga ang isasagot sa mga sugo ng bansa? Na itinayo ng (Z)Panginoon ang Sion, at doon nanganganlong (AA)ang nagdadalamhati sa kaniyang bayan.
Ang hula sa Moab.
15 (AB)Ang hula tungkol sa (AC)Moab. (AD)Sapagka't sa isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba, at nawalan ng kabuluhan; sapagka't sa isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab, at nawalan ng kabuluhan.
2 Siya'y umahon sa Bayith, at sa (AE)Dibon, sa mga mataas na dako, upang umiyak: ang Moab ay umaangal sa (AF)Nebo, at sa (AG)Medeba: (AH)lahat nilang ulo ay kalbo, bawa't balbas ay gupit.
3 Sa kanilang mga lansangan ay nangagbibigkis sila ng kayong magaspang: sa kanilang mga bubungan, at sa kanilang mga luwal na dako, umaangal ang bawa't isa, na umiiyak ng di kawasa.
4 At ang Hesbon ay humihiyaw, (AI)at ang Eleale; ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa (AJ)Jahas: kaya't ang mga lalaking nangasasakbatan sa Moab ay nagsihiyaw ng malakas; ang kaniyang kalooban ay nagugulumihanan.
5 Ang aking puso ay dumadaing dahil sa Moab, ang kaniyang mga mahal na tao ay nagsisitakas sa Zoar, (AK)sa Eglat-selisiyah: sapagka't sa ahunan sa Luhith ay nagsisiahon silang may iyakan: sapagka't sa daan ng Horonaim ay nagsisihagulhol sila sa kapahamakan.
6 Sapagka't ang tubig ng Nimrim (AL)ay natuyo, sapagka't ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta, walang sariwang bagay.
7 Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo, at ang kanilang tinipon, ay kanilang dadalhin sa mga batis ng mga kahoy na sauce.
8 Sapagka't ang daing ay lumilipana sa mga hangganan ng Moab; ang angal niya ay hanggang sa Eglaim, at ang angal niya ay hanggang sa (AM)Beer-elim.
9 Sapagka't ang tubig ng (AN)Dimon ay nahaluan ng dugo: sapagka't magpapasapit pa ako sa Dimon ng isang (AO)leon na nakatanan sa Moab, at sa nalabi sa lupain.
Ang pagsamsam sa Moab.
16 Ipadadala ninyo ang mga (AP)kordero na ukol sa pinuno ng lupain mula sa Selah na nasa dakong ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Sion.
2 Sapagka't mangyayari, na gaya ng mga ibong nagsisigala, na gaya ng kalat na pugad, magiging gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng (AQ)Arnon.
3 Magpayo ka, magsagawa ka ng kahatulan; (AR)iyong gawin ang iyong anino na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang tapat: ikubli mo ang mga tapon; huwag mong ilitaw ang palaboy.
4 Patirahin mong kasama mo ang aking natapon; tungkol sa Moab, maging kanlungan ka niya sa mukha ng mananamsam: sapagka't ang mamimighati ay mauuwi sa wala, ang pagsamsam ay matitigil, ang mga mamimighati ay malilipol sa lupain.
5 At ang luklukan ay matatatag sa kagandahang-loob, at isa'y uupo (AS)roon sa katotohanan, sa tabernakulo ni David; (AT)na humahatol at humahanap ng kahatulan, at nagmamadaling nagsasagawa ng katuwiran.
6 (AU)Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang kahambugan, at ang kaniyang kapalaluan, at ang kaniyang poot, ang (AV)kaniyang paghahambog ay nauuwi sa wala.
7 Kaya't aangal ang (AW)Moab dahil sa Moab, bawa't isa'y aangal: dahil sa mga binilong pasas ng (AX)Kirhareseth ay mananangis kayong lubha na nangamamanglaw.
8 Sapagka't ang mga bukid (AY)ng Hesbon ay nanghihina, at ang ubasan ng Sibma; sinira ng mga mahal na tao ng mga bansa ang mga piling pananim niyaon; sila'y nagsisapit hanggang sa (AZ)Jazer, sila'y nagsilaboy sa ilang; ang kaniyang mga sanga ay nangalaladlad, sila'y nagsitawid sa dagat.
9 Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer dahil sa puno ng ubas ng Sibma: aking didiligin ka ng aking mga luha, Oh Hesbon, at Eleale; sapagka't sa iyong mga bunga ng taginit at sa iyong pagaani, dumating ang hiyaw sa pakikipagbaka.
10 At ang kasayahan ay naalis, (BA)at ang kagalakan sa mainam na bukid; at sa mga ubasan ay hindi magkakaroon ng mga awitan, o masayang kaingay man: walang manyayapak na gagawa ng alak sa alakan; aking pinatigil ang awitan sa pagaani.
11 Kaya't ang (BB)aking tiyan ay tumutunog na parang alpa dahil sa Moab, at ang aking mga lamang-loob dahil sa Kir-hares.
12 At mangyayari, pagka ang Moab ay humarap, pagka siya'y napagod (BC)sa mataas na dako, at paroroon sa kaniyang santuario upang dumalangin, ay hindi siya mananaig.
13 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Moab (BD)sa panahong nakaraan.
14 Nguni't ngayo'y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, Sa loob ng tatlong taon, (BE)na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab sangpu ng lahat niyang karamihan; at ang nalabi ay mangangaunti at walang halaga.
Ang hula tungkol sa Damasco.
17 (BF)Ang hula tungkol sa Damasco. (BG)Narito, ang Damasco ay naalis sa pagkabayan, at magiging isang buntong ginto.
2 Ang mga bayan ng Aroer ay napabayaan: yao'y magiging sa mga kawan, na (BH)hihiga, at walang tatakot.
3 Ang moog sa kuta naman ay mawawala sa Ephraim, (BI)at mawawalan ng kaharian ang Damasco, at ang nalabi sa Siria; sila'y magiging gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 At mangyayari sa araw na yaon, na ang kaluwalhatian ng Jacob ay mangliliit, at ang katabaan ng kaniyang laman ay (BJ)mangangayayat.
5 At (BK)mangyayari na gaya ng pamumulot ng mangaani ng nakatayong trigo, at ng panggapas ng kaniyang kamay ng mga uhay; oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay sa libis ng Ephraim.
6 (BL)Gayon ma'y maiiwan doon ang mga pinulot, gaya ng pagugog sa puno ng olibo na dalawa o tatlong bunga ay naiiwan sa dulo ng kataastaasang sanga, apat o lima sa kaduluduluhang mga sanga ng mabungang punong kahoy, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel.
7 Sa araw na yaon ay titingin ang mga tao sa May-lalang (BM)sa kanila, ang kanilang mga mata ay magkakaroon ng pitagan sa Banal ng Israel.
8 At sila'y hindi titingin sa mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, o magkakaroon man sila ng pitagan sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa (BN)mga Asera, o sa mga larawang araw.
9 Sa araw na yao'y ang kanilang mga matibay na bayan ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan sa harap ng angkan ni Israel: at magiging sira.
10 Sapagka't iyong nilimot ang (BO)Dios ng inyong kaligtasan, at hindi mo inalaala ang (BP)malaking bato ng iyong kalakasan: kaya't nagtatanim ka ng mga maligayang pananim, at iyong ibinabaon ang punla ng iba:
11 Sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong binabakuran, at sa kinaumagahan ay iyong pinamumulaklak ang iyong binhi; nguni't nawawalan ng ani sa araw ng kalumbayan at sa lubhang kahapisan.
12 Ah, ang kaingay ng maraming bayan, na nagsisiugong na gaya ng ugong ng mga dagat; at ang daluhong ng mga bansa, na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng tubig!
13 Ang mga bansa ay magsisihugos na parang agos ng maraming tubig nguni't sila'y sasawayin niya, at magsisitakas sa malayo, at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin, at gaya ng ipoipong alabok sa harap ng bagyo.
14 Sa gabi ay narito ang kakilabutan; at bago dumating ang umaga ay wala na sila. (BQ)Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin, at ang palad nila na nangagnanakaw sa atin.
Ang hula tungkol sa Etiopia.
18 Ah, (BR)ang lupain ng pagaspas ng mga pakpak, na nasa dako roon ng mga ilog ng Etiopia:
2 Na nagsusugo ng mga sugo na nangagdadagat, sa makatuwid baga'y sa mga sasakyang papiro sa tubig, na nagsasabi, Magsiyaon kayo, maliliksing sugo, sa (BS)bansang mataas at patag, sa bayang kakilakilabot mula sa kanilang pasimula at sa haharapin; sa bansang sumusukat at yumayapak, na ang lupain ay hinahati ng mga ilog!
3 Kayong lahat na nananahan sa sanglibutan, at kayong mga naninirahan sa lupa, pagka ang isang watawat ay (BT)nataas sa mga bundok, inyong tingnan; at pagka ang pakakak ay hinipan, makinig kayo.
4 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Ako'y tatahimik, at aking mamasdan mula sa aking dakong tahanan, gaya ng malinaw na init sa sikat ng araw, gaya ng ulap na hamog sa init ng pagaani.
5 Sapagka't bago magani, pagka ang bulaklak ay nalagas, at ang bulaklak ay nagiging ubas na nahihinog, kaniyang puputulin ng karit na pangkapon ang mga usbong, at ang mga ladlad na sanga ay kaniyang aalisin at puputulin.
6 Ang mga yaon ay pawang mangaiiwan sa mga ibong mangdadagit sa mga bundok, at sa mga hayop sa lupa: at pagtataginitan ang mga yaon ng mga ibong mangdadagit, at pagtataginawan ang mga yaon ng lahat na hayop sa lupa.
7 Sa panahong yao'y (BU)dadalhin ang isang kaloob sa Panginoon ng mga hukbo ng mga taong matataas at makikisig, at mula sa bayang kakilakilabot na mula sa kanilang pasimula hanggang sa haharapin; isang bansa na sumusukat at yumayapak, na ang lupain ay hinahati ng mga ilog, sa dako ng pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, na bundok ng Sion.
Ang hula tungkol sa Egipto. Pagsamsam, susundan ng pagbalik sa Panginoon.
19 (BV)Ang hula tungkol sa (BW)Egipto.
Narito, ang (BX)Panginoon ay nakasakay sa isang matuling alapaap, at napasasa Egipto: at (BY)ang mga diosdiosan ng Egipto ay makikilos sa kaniyang harapan, at ang puso ng Egipto ay manglulumo sa gitna niyaon.
2 At aking hihikayatin ang mga Egipcio laban sa mga Egipcio: at lalaban bawa't isa sa kanikaniyang kapatid, at bawa't isa laban sa kaniyang kapuwa; bayan laban sa bayan, at kaharian laban sa kaharian.
3 At ang diwa ng Egipto ay mauupos sa gitna niyaon; at aking sisirain ang payo niyaon: at (BZ)sasangguni sila sa mga diosdiosan, at sa mga enkantador, at sa mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga manghuhula.
4 At aking ibibigay ang mga Egipcio (CA)sa kamay ng mabagsik na panginoon; at mabangis na hari ay magpupuno sa kanila, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.
5 At (CB)magkukulang ng tubig sa mga dagat, at ang ilog ay mawawalan ng tubig at matutuyo.
6 At ang mga ilog ay babaho; ang mga batis ng Egipto ay huhupa at matutuyo: ang mga tambo at mga talahib ay mangatutuyo.
7 Ang mga parang sa pangpang ng Nilo, sa baybayin ng Nilo, at lahat na nahasik sa tabi ng Nilo, mangatutuyo, mangatatangay, at mangawawala.
8 (CC)Ang mga mangingisda naman ay magsisitaghoy, at lahat ng nangaglalawit ng bingwit sa Nilo ay tatangis, at silang nangaglaladlad ng mga lambat sa mga tubig ay manganglalata.
9 Bukod dito'y silang nagsisigawa sa mga (CD)lino, at silang nagsisihabi ng puting damit ay mangapapahiya.
10 At ang kaniyang mga haligi ay magkakaputolputol, silang lahat na nangagpapaupa ay nangagdadalamhati ang kalooban.
11 Ang mga pangulo sa (CE)Zoan ay lubos na mangmang; ang payo ng mga pinakapantas at kasangguni ni Faraon ay naging tampalasan: paanong masasabi ninyo kay Faraon, Ako'y anak ng pantas, anak ng mga dating hari?
12 Saan nangaroon nga (CF)ang iyong mga pantas? at sasabihin nila sa iyo ngayon; at alamin nila kung ano ang pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa Egipto.
13 Ang mga pangulo sa Zoan ay naging mga mangmang, ang mga pangulo sa Nof ay (CG)nangadaya; kanilang iniligaw ang Egipto, na siyang panulok na bato ng kaniyang mga lipi.
14 Naghalo ang Panginoon ng (CH)diwa ng kasuwailan sa gitna niya: at iniligaw nila ang Egipto sa bawa't gawa niya, na parang langong tao na nahahapay sa kaniyang suka.
15 Hindi na magkakaroon man sa Egipto (CI)ng anomang gawain, na magagawa ng ulo o ng buntot, sanga ng palma, o tambo.
16 (CJ)Sa araw na yaon ay magiging (CK)parang mga babae ang Egipto: at manginginig at matatakot dahil sa (CL)bala ng kamay ng Panginoon ng mga hukbo, na kaniyang ibinabala.
17 At ang lupain ng Juda ay magiging kakilabutan sa Egipto; sa kanino man mabanggit yaon ay matatakot, dahil sa panukala ng Panginoon ng mga hukbo, na ipinanukala laban doon.
18 (CM)Sa araw na yaon ay magkakaroon ng limang bayan sa lupain ng Egipto, (CN)na mangagsasalita ng wika ng Canaan, at magsisisumpa sa Panginoon ng mga hukbo; isa'y tatawagin: Ang bayang giba.
19 Sa araw na yaon ay (CO)magkakaroon ng isang dambana sa Panginoon (CP)sa gitna ng lupain ng Egipto, at isang haligi sa hangganan niyaon sa Panginoon.
20 (CQ)At magiging pinakatanda at pinakasaksi sa Panginoon ng mga hukbo sa lupain ng Egipto: sapagka't sila'y magsisidaing sa Panginoon dahil sa mga mamimighati, at magsusugo siya sa kanila ng isang tagapagligtas, at isang tagapagsanggalang, at kaniyang ililigtas sila.
21 At ang Panginoon ay makikilala sa Egipto, at makikilala ng mga Egipcio ang Panginoon sa araw na yaon; oo, (CR)sila'y magsisisamba na may hain at alay, at magsisipanata ng panata sa Panginoon, at tutuparin.
22 At sasaktan ng Panginoon ang Egipto, na nananakit at magpapagaling; at sila'y manunumbalik sa Panginoon, at siya'y madadalanginan nila, at pagagalingin niya sila.
23 Sa araw na yaon ay (CS)magkakaroon ng lansangan mula sa Egipto hanggang sa Asiria, at ang mga taga Asiria ay magsisipasok sa Egipto, at ang mga Egipcio ay sa Asiria, at ang mga Egipcio ay magsisisambang kasama ng mga taga Asiria.
24 Sa araw na yao'y magiging pangatlo ang Israel sa Egipto at sa Asiria, na pagpapala sa gitna ng lupain:
25 Sapagka't pinagpala sila ng Panginoon ng mga hukbo, na sinasabi, Pagpalain ang bayan kong Egipto, (CT)at ang Asiria na gawa ng aking mga kamay, at ang Israel na (CU)aking mana.
Ang pagkabihag ng Egipto at ng Etiopia ay hinulaan.
20 Nang taong dumating si (CV)Tartan kay (CW)Asdod, nang suguin siya ni Sargon na hari sa Asiria, at siya'y makipaglaban kay Asdod, at sakupin niya;
2 Nang panahong yaon ay nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni (CX)Isaias na anak ni Amoz, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, at kalagin mo (CY)ang kayong magaspang sa iyong mga balakang, at maghubad ka ng iyong panyapak sa iyong paa. At ginawa niyang gayon (CZ)na lumakad na hubad at walang panyapak.
3 At sinabi ng Panginoon, Kung paanong ang aking lingkod na si Isaias ay lumakad na hubad at walang panyapak na tatlong taon na (DA)pinakatanda at pinakakamanghaan sa Egipto at sa (DB)Etiopia;
4 Gayon ihahatid (DC)ng hari sa Asiria ang mga bihag sa Egipto, at (DD)ang mga tapon sa Etiopia, bata at matanda, hubad at walang panyapak, at may mga pigi (DE)na litaw, sa ikapapahiya ng Egipto.
5 At sila'y manganglulupaypay (DF)at mangapapahiya, dahil sa Etiopia na kanilang pagasa at sa Egipto na kanilang kaluwalhatian.
6 At ang nananahan sa (DG)baybaying ito ay mangagsasabi sa araw na yaon, Narito, gayon na lamang ang aming pagasa, na aming tinakasan na hiningan ng tulong upang makalaya sa hari sa Asiria: at kami paanong makatatanan?
Ang hula sa Babilonia.
21 Ang hula tungkol sa ilang na nasa baybayin ng (DH)dagat.
Kung paanong umiikot (DI)ang mga ipoipo sa Timugan gayon dumarating ang hangin na mula sa ilang mula sa kakilakilabot na lupain.
2 Isang malubhang pangitain ay naipahayag sa akin; (DJ)ang manggagawa ng karayaan ay gumagawang may karayaan, at ang mananamsam ay nananamsam. (DK)Umahon ka, Oh Elam; kumubkob ka, Oh Media; lahat ng buntong-hininga niya'y aking pinatigil.
3 Kaya't ang aking mga balakang ay puspos ng kahirapan; mga hirap ay dinamdam ko, gaya ng mga hirap ng babae sa pagdaramdam; ako'y naghihirap na anopa't hindi ako makarinig; ako'y nanglulupaypay na anopa't hindi ako makakita.
4 Ang aking puso ay sumisikdo, (DL)kakilabutan ay tumakot sa akin: ang pagtatakip-silim na aking ninasa ay naging kapanginigan sa akin.
5 Sila'y nangaghanda ng dulang, sila'y nangaglagay ng bantay, sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom: magsitindig kayo, kayong mga pangulo, inyong ihanda ang kalasag.
6 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, maglagay ka ng bantay; ipahayag niya kung ano ang nakikita niya:
7 At pagka siya'y nakakita ng pulutong, (DM)ng mga nangangabayong dalawa't dalawa, ng mga asno, ng pulutong ng mga kamelyo siya'y masikap na makikinig na ma'y pagiingat.
8 At siya'y umungal na parang leon: Oh Panginoon, ako'y tumatayong lagi sa moog (DN)na bantayan kung araw, at ako'y tumatanod sa aking bantayan na magdamagan:
9 At, narito, dito'y dumarating ang isang pulutong na lalake, mga nangangabayong dalawa't dalawa. At siya'y sumagot at nagsabi, (DO)Babilonia ay nabagsak, nabagsak, at (DP)lahat na larawang inanyuan na kaniyang mga dios ay nangabagsak sa lupa.
10 (DQ)Oh ikaw na aking giniik, at trigo ng (DR)aking giikan: ang aking narinig sa Panginoon ng mga hukbo, sa Dios ng Israel, aking ipinahayag sa iyo.
11 (DS)Ang hula tungkol sa (DT)Duma.
May tumatawag sa akin mula sa (DU)Seir, Bantay, anong nangyari sa gabi? Bantay, anong nangyari sa gabi?
12 Sinabi ng bantay, Ang umaga ay dumarating, at gayon din ang gabi: kung inyong uusisain, usisain ninyo: magsipihit kayo, parito kayo.
13 Ang hula tungkol sa (DV)Arabia.
Sa gubat ng Arabia ay magsisitigil kayo, Oh kayong nangaglalakbay na pulupulutong na mga (DW)Dedaneo.
14 Ang nauuhaw ay dinadalhan nila ng tubig; sinalubong ng mga nananahan sa lupain ng Tema na may kanilang tinapay ang mga bihag.
15 Sapagka't kanilang tinatakasan ang mga tabak, ang bunot na tabak, at ang akmang busog, at ang lala ng digmaan.
16 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Sa loob ng isang taon, (DX)ayon sa mga taon ng magpapaupa, ang lahat ng kaluwalhatian ng (DY)Cedar ay mapapawi:
17 At ang malabi sa bilang sa mga mangbubusog, sa mga makapangyarihang lalake na mga anak ni Cedar, ay mangiilan: sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng Israel, siyang nagsalita.
Ang Jerusalem ay kinulong.
22 (DZ)Ang hula tungkol sa (EA)libis ng pangitain.
Anong ipinakikialam mo ngayon na ikaw ay lubos na sumampa sa mga bubungan?
2 Oh ikaw na puspos ng mga hiyawan, magulong bayan, (EB)masayang bayan; ang iyong mga patay ay hindi nangapatay ng tabak, o nangamatay man sila sa pakikipagbaka.
3 (EC)Lahat mong pinuno ay nagsitakas na magkakasama, nangatalian ng mga mangbubusog: lahat na nangasumpungan sa iyo ay nangataliang magkakasama, nagsitakas na malayo.
4 Kaya't sinabi ko, Bayaan ninyo ako, ako'y iiyak na may kapanglawan; huwag ninyong sikaping aliwin ako, ng dahil sa pagkasamsam sa anak na babae ng aking bayan.
5 Sapagka't araw na pagkatulig (ED)at ng pagyurak, at ng pagkalito, (EE)mula sa Panginoon, mula sa Panginoon ng mga hukbo, sa libis ng pangitain; pagkabagsak ng mga kuta at paghiyaw sa mga bundok.
6 At ang Elam ay may dalang lalagyan ng pana, (EF)may mga karo ng mga tao at mga mangangabayo; at ang (EG)Kir ay Bunot ang kalasag.
7 At nangyari, na ang iyong pinakapiling libis ay puno ng mga karo, at ang mga mangangabayo ay nagsisihanay sa pintuang-bayan.
8 At kaniyang inalis ang takip ng Juda; at ikaw ay tumitig ng araw na yaon sa sakbat sa bahay (EH)na kahoy sa gubat.
9 At inyong nakita ang mga sira (EI)ng bayan ni David, na napakarami: at inyong pinisan ang tubig ng mababang (EJ)tangke.
10 At inyong binilang ang mga bahay ng Jerusalem, at inyong iginiba ang mga bahay upang patibayin ang kuta.
11 Kayo'y nagsigawa naman ng tipunang tubig (EK)sa pagitan ng dalawang kuta para sa tubig ng dating tangke. Nguni't hindi ninyo tiningnan siyang gumawa nito, o nagpakundangan man kayo sa kaniya na naganyo nito na malaon na.
12 At nang araw na yao'y (EL)tumawag ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, sa pagiyak, at sa pagtangis, at (EM)sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng kayong magaspang.
13 At, narito, kagalakan at kasayahan, pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa, pagkain ng karne, at paginom ng alak: (EN)Tayo'y magsikain at magsiinom, sapagka't bukas tayo ay mangamamatay.
14 At ang Panginoon ng mga hukbo ay naghayag sa aking mga pakinig, Tunay na ang kasamaang ito ay hindi malilinis sa inyo hanggang sa kayo'y mangamatay, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.
Si Sebna ay papalitan ni Eliacim.
15 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, Ikaw ay yumaon, pumaroon ka sa tagaingat-yamang ito samakatuwid baga'y kay (EO)Sebna, na katiwala sa bahay, at iyong sabihin,
16 Anong ginagawa mo rito? at sinong ibinaon mo rito, na gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? na gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan niyang sarili sa malaking bato!
17 Narito, ibabagsak kang bigla ng Panginoon na gaya ng malakas na tao: oo, kaniyang hihigpitan ka.
18 Tunay niyang papipihit-pihitin at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain; doon ka mamamatay, at doon malalagay ang mga karo ng iyong kaluwalhatian, ikaw na kahihiyan ng sangbahayan ng iyong panginoon.
19 At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka.
20 At mangyayari sa araw na yaon, na aking tatawagin ang aking lingkod na si (EP)Eliacim na anak ni Hilcias:
21 At aking susuutan siya ng iyong balabal, at patitibayin siya ng iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong pamamahala sa kaniyang kamay: at siya'y magiging ama sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa sangbahayan ni Juda.
22 At ang katungkulan sa sangbahayan ni David ay iaatang ko (EQ)sa kaniyang balikat; (ER)at siya'y magbubukas, at walang magsasara; at siya'y magsasara, at walang magbubukas.
23 At aking ikakapit siya na parang (ES)pako sa isang matibay na dako; at siya'y magiging (ET)pinakaluklukan ng kaluwalhatian sa sangbahayan ng kaniyang magulang.
24 At kanilang ipagkakaloob sa kaniya ang buong kaluwalhatian ng sangbahayan ng kaniyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawa't sisidlan, mula sa mga munting sisidlan hanggang sa mga malalaking sisidlan.
25 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, (EU)matatanggal ang pakong nakapit sa matibay na dako; at mababalikwat, at mahuhulog, at (EV)ang mga sabit niyaon ay malalaglag; (EW)sapagka't sinalita ng Panginoon.
Ang hula sa Tiro.
23 Ang hula tungkol sa (EX)Tiro.
Magsiangal kayo, kayong mga sasakyang dagat ng Tarsis; sapagka't nasira, na anopa't walang bahay, walang pasukan: (EY)mula sa lupain ng Chittim ay nahayag sa kanila.
2 Magsitahimik kayo, kayong mga nananahan sa baybayin; ikaw na pinasagana ng mga mangangalakal ng Sidon, na nagdaraan sa dagat.
3 At nasa baybayin ng malawak na tubig ang binhi ng Sihor, ang ani ng Nilo, naging kaniyang pakinabang; (EZ)at siya'y naging pamilihan ng mga bansa.
4 Mahiya ka, O Sidon: sapagka't sinalita ng dagat, ng tanggulan ng dagat, na sinasabi, hindi ako nagdamdam, o nanganak man, o nagalaga man ako ng mga binata, o nagpalaki ng mga dalaga.
5 Pagka ang balita ay dumating sa Egipto, ay mamamanglaw silang mainam sa balita tungkol sa Tiro.
6 Mangagpatuloy kayo sa Tarsis: magsiangal kayo, kayong mga nananahan sa baybayin.
7 Ito baga ang inyong masayang bayan, na matanda na mula pa noong unang araw, na dinadala ng kaniyang mga paa sa malayo upang mangibang bayan?
8 Sinong nagpanukala nito laban sa Tiro na siyang bayang nagpuputong, na ang mga manininda ay mga pangulo, na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa.
9 Pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian, upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa?
10 Magdaan ka sa iyong lupain na gaya ng Nilo, Oh anak na babae ng Tarsis; wala ka ng lakas.
11 Kaniyang iniunat ang kaniyang kamay sa dagat, kaniyang niyanig ang mga kaharian: ang Panginoon ay nagutos tungkol sa Canaan, upang gibain ang mga kuta niyaon.
12 At kaniyang sinabi, Ikaw ay hindi na magagalak pa, Oh ikaw na aping dalaga ng Sidon; bumangon ka, magdaan ka sa Chittim: doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.
13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo; ang bayang ito ay wala na; inilaan ng taga Asiria para (FA)sa mga hayop sa ilang; kanilang itinayo ang kanilang mga moog; iginiba nila ang mga palacio niyaon: kaniyang pinapaging isang guho.
14 Magsiangal kayo, kayong mga sasakyang dagat ng Tarsis: sapagka't ang inyong tanggulan ay giba.
15 At mangyayari, sa araw na yaon na ang Tiro ay malilimutang (FB)pitong pung taon, ayon sa mga kaarawan ng isang hari: pagkatapos ng pitong pung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng patutot.
16 Ikaw ay humawak ng alpa, lumibot ka sa bayan, ikaw na patutot na nalimutan; magpainam ka ng tinig, umawit ka ng maraming awit, upang ikaw ay maalaala.
17 At mangyayari, sa katapusan ng pitong pung taon, na dadalawin ng Panginoon ang Tiro, at pagbabalikan niya ang kaniyang upa, at (FC)magiging patutot sa lahat ng kaharian ng sanglibutan sa ibabaw ng lupa.
18 At ang kaniyang kalakal at ang upa sa kaniya ay (FD)itatalaga sa Panginoon: hindi itatago o isisimpan man, sapagka't ang kaniyang kalakal ay magiging sa ganang kanila na nagsisitahan sa harap ng Panginoon, upang magsikaing may kabusugan, at manamit na mainam.
Ang hatol ng Panginoon sa mga bansa.
24 Narito, pinawawalan ng laman ng Panginoon ang lupa, at sinisira, at binabaligtad, at pinangangalat ang mga nananahan doon.
2 At mangyayari, (FE)na kung paano sa mga tao, gayon sa saserdote; kung paano sa alipin, gayon sa kaniyang panginoon; kung paano sa alilang babae, gayon sa kaniyang panginoong babae; kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili; kung paano sa mapagpahiram, gayon sa manghihiram; kung paano sa mapagpatubo, gayon sa pinatutubuan.
3 Ang lupa ay lubos na mawawalan ng laman, at lubos na masasamsaman; sapagka't sinalita ng Panginoon ang salitang ito.
4 Ang lupa ay tumatangis at nasisira, ang sanglibutan ay nanghihina at nanglalata, ang mapagmataas na bayan sa lupa ay nanghihina.
5 (FF)Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka't kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, (FG)sinira ang walang hanggang tipan.
6 Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa, at silang nagsisitahan doon ay nangasumpungang salarin; kaya't ang mga nananahan sa lupa ay nangasunog, at nangagilan ang tao.
7 Ang bagong alak ay (FH)pinabayaan, ang puno ng ubas ay nalanta, lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga.
8 Ang saya (FI)ng mga pandereta ay naglikat, ang kaingay nila na nangagagalak ay nagkawakas, ang galak ng alpa ay naglikat.
9 Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan; matapang na alak ay magiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyaon.
10 (FJ)Ang bayan ng pagkalito ay nabagsak: bawa't bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon.
11 May daing sa mga lansangan dahil sa alak; lahat ng kagalakan ay naparam, ang kasayahan sa lupa ay nawala.
12 Naiwan sa bayan ay kagibaan, at ang pintuang-bayan ay nawasak.
13 Sapagka't ganito ang mangyayari sa mga tao sa gitna ng lupain na (FK)gaya ng paguga sa isang punong olibo, gaya ng (FL)pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani.
14 Ang mga ito ay maglalakas ng kanilang tinig, (FM)sila'y magsisihiyaw; dahil sa kamahalan ng Panginoon ay nagsisihiyaw sila ng malakas mula sa dagat.
15 Kaya't luwalhatiin ninyo ang Panginoon sa silanganan, sa makatuwid baga'y (FN)ang pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, (FO)sa mga pulo ng dagat.
16 Mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit, kaluwalhatian sa matuwid. Nguni't aking sinabi, Namamatay ako, namamayat ako, sa aba ko! (FP)ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawang may kataksilan, oo, ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawa na may lubhang kataksilan.
17 Takot, (FQ)at ang hukay, at ang silo ay nangasa iyo, Oh nananahan sa lupa.
18 At mangyayari, na siyang tumatakas sa kakilakilabot na kaingay ay mahuhulog sa hukay; at siyang sumasampa mula sa gitna ng hukay ay mahuhuli sa silo: sapagka't ang mga dungawan (FR)sa itaas ay nangabuksan, at ang mga patibayan ng lupa ay (FS)umuuga.
19 Ang lupa ay nagibang lubos, ang lupa ay lubos na nasira, ang lupa ay nakilos ng di kawasa.
20 Ang lupa ay (FT)gigiray na parang lango, at mauuga na parang dampa; (FU)at ang kaniyang pagsalangsang ay magiging mabigat sa kaniya, at mabubuwal, at hindi na magbabangon.
21 At mangyayari, (FV)sa araw na yaon, na parurusahan ng Panginoon ang hukbo ng mga mataas sa itaas, at ang (FW)mga hari sa lupa sa ibabaw ng lupa.
22 At sila'y mangapipisan, gaya ng mga bilanggo na mangapipisan sa hukay, at masasarhan sa bilangguan, at pagkaraan ng maraming araw ay dadalawin sila.
23 Kung magkagayo'y malilito (FX)ang buwan, at ang araw ay mapapahiya; sapagka't ang (FY)Panginoon ng mga hukbo ay maghahari (FZ)sa bundok ng Sion, at sa Jerusalem; at sa harap ng kaniyang mga matanda ay may kaluwalhatian.
Awit ng pagpuri sa Panginoon dahil sa kaniyang kalinga.
25 Oh Panginoon, ikaw ay aking Dios; aking ibubunyi ka, aking pupurihin ang iyong pangalan; sapagka't (GA)ikaw ay gumawa ng kagilagilalas na bagay, sa makatuwid baga'y ang iyong binalak noong una, sa pagtatapat at katotohanan.
2 Sapagka't iyong (GB)pinapaging isang bunton ang isang bayan, ang bayang matibay ay pinapaging isang guho: ang palasio ng mga taga ibang lupa ay di na magiging bayan; hindi matatayo kailan man.
3 Kaya't (GC)luluwalhatiin ka ng matibay na bayan, ang (GD)bayan ng kakilakilabot na mga bansa ay matatakot sa iyo.
4 Sapagka't ikaw ay naging (GE)ampunan sa dukha, ampunan sa mapagkailangan sa kaniyang kahirapan, (GF)silongan sa bagyo, lilim sa init, pagka ang hihip ng mga kakilakilabot ay parang bagyo laban sa kuta.
5 Gaya ng init sa tuyong dako patitigilin mo ang ingay ng mga taga ibang lupa; gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap, matitigil ang awit ng mga kakilakilabot.
6 At (GG)sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan, ng isang (GH)kapistahan ng mga matabang bagay, ng isang kapistahan ng mga alak na laon, ng mga matabang bagay na puno ng utak, ng mga alak na laon na totoong sala.
7 At kaniyang aalisin sa bundok na ito ang takip na nalagay sa lahat ng mga bayan, at (GI)ang lambong na naladlad sa lahat na bansa.
8 Sinakmal niya ang kamatayan (GJ)magpakailan man; at (GK)papahirin ng Panginoong Dios ang mga luha sa lahat ng mga mukha; at ang kakutyaan ng kaniyang bayan ay maaalis sa buong lupa: sapagka't sinalita ng Panginoon.
9 At sasabihin (GL)sa araw na yaon, Narito, ito'y ating Dios; hinintay natin (GM)siya, at ililigtas niya tayo: ito ang Panginoon; ating hinintay siya, (GN)tayo'y matutuwa at magagalak sa kaniyang pagliligtas.
10 Sapagka't sa bundok na ito magpapahinga ang kamay ng Panginoon; at ang (GO)Moab ay mayayapakan sa kaniyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi.
11 At kaniyang iuunat ang kaniyang mga kamay sa gitna niyaon, gaya ng paguunat ng lumalangoy upang lumangoy: at kaniyang ibababa ang kaniyang kapalaluan sangpu ng gawa ng kaniyang mga kamay.
12 At ang mataas na moog ng iyong mga kuta ay (GP)kaniyang ibinaba, giniba, at ibinagsak sa lupa, hanggang sa alabok.
Awit ng pagtitiwala sa pagiingat ng Panginoon.
26 Sa araw na (GQ)yaon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda: Tayo ay may matibay na bayan; (GR)kaligtasan ay kaniyang ilalagay na pinakakuta at pinakakatibayan.
2 Buksan ninyo ang mga pintuang-bayan, (GS)upang mapasukan ng matuwid na bansa na nagiingat ng katotohanan.
3 Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa iyo.
4 Magsitiwala kayo sa Panginoon (GT)magpakailan man: sapagka't nasa Panginoong Jehova ang walang hanggang bato.
5 Sapagka't ibinaba niya sila na nagsisitahan sa itaas, na mapagmataas na bayan: (GU)kaniyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa: kaniyang ibinagsak hanggang sa alabok.
6 Yayapakan ng paa, sa makatuwid baga'y ng mga paa ng dukha, at ng mga hakbang ng mapagkailangan.
7 Ang daan ng ganap ay katuwiran: (GV)ikaw na matuwid ay nagtuturo ng landas ng ganap.
8 Oo, (GW)sa daan ng iyong mga kahatulan, Oh Panginoon, nangaghintay kami sa iyo: (GX)sa iyong pangalan at sa alaala sa iyo ang nasa ng aming kaluluwa.
9 Ninasa (GY)kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ng diwa ko sa loob ko ay hahanapin kita na masikap: sapagka't pagka nasa lupa ang iyong mga kahatulan ay nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa sanglibutan.
10 Magpakita man ng awa sa masama, (GZ)hindi rin siya matututo ng katuwiran; (HA)sa lupain ng katuwiran ay gagawa siyang may kamalian, at hindi niya mapapansin ang kamahalan ng Panginoon.
11 Panginoon, ang iyong kamay ay nakataas, gayon ma'y hindi nila nakikita: nguni't makikita nila ang iyong sikap sa bayan, at mangapapahiya; oo, sasakmalin ng apoy ang iyong mga kaaway.
12 Panginoon, ikaw ay magaayos ng kapayapaan sa amin: sapagka't ikaw rin ang (HB)gumawa ng lahat naming gawa na para sa amin.
13 Oh Panginoon naming Dios, (HC)ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay nagtaglay ng pagkapanginoon sa amin; nguni't (HD)ikaw lamang ang babanggitin namin sa pangalan.
14 Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay; sila'y namatay, sila'y hindi babangon: kaya't iyong dinalaw at sinira sila, (HE)at pinawi mo ang lahat na alaala sa kanila.
15 (HF)Iyong pinarami ang bansa, Oh Panginoon, iyong pinarami ang bansa; ikaw ay nagpakaluwalhati: iyong pinalaki ang lahat na hangganan ng lupain.
16 Panginoon, (HG)sa kabagabagan ay dinalaw ka nila, sila'y nangagbugso ng dalangin, nang pinarurusahan mo sila.
17 Gaya (HH)ng babae na nagdadalang-tao na lumalapit ang panahon ng kaniyang panganganak, ay nasa hirap at humihiyaw sa kaniyang pagdaramdam; naging gayon kami sa harap mo, Oh Panginoon.
18 Kami ay nangagdalang-tao, kami ay nalagay sa pagdaramdam, kami ay tila nanganak ng hangin; kami ay hindi nagsigawa ng anomang kagalingan sa lupa; o nabuwal man (HI)ang mga nananahan sa sanglibutan.
19 Ang iyong mga patay ay mangabubuhay; ang aking patay na katawan ay babangon. (HJ)Magsigising at magsiawit, kayong nagsisitahan sa alabok: sapagka't ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga damo, at iluluwa ng lupa ang mga patay.
20 Ikaw ay parito, bayan ko, (HK)pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas;
21 Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas (HL)mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay.
Ang ubasan ng Panginoon.
27 (HM)Sa araw na yaon ay parurusahan ng Panginoon, ng kaniyang matigas at malaki at matibay na tabak (HN)ang leviatan na maliksing ahas, at ang leviatan na lumilikaw na ahas, at kaniyang papatayin (HO)ang buwaya na nasa dagat.
2 Sa araw na yaon: (HP)Awitin ninyo sa kaniya ang tungkol sa isang (HQ)ubasang pinagkunan ng alak.
3 Akong Panginoon ang nagiingat; aking didiligin (HR)tuwituwina: baka saktan ng sinoman, aking iingatan gabi't araw.
4 Kagalitan ay hindi sumasa akin: kung (HS)makipagbaka sana ang mga dawag at mga tinik laban sa akin! akin yaong yayapakan, aking susunuging magkakasama.
5 O manghawak sana siya sa (HT)aking lakas, upang siya'y makipagpayapaan sa akin; oo, makipagpayapaan siya sa akin.
6 Sa mga araw na darating ay (HU)maguugat ang Jacob; ang Israel ay mamumulaklak at magbubuko: at pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng sanglibutan.
7 Sinaktan baga niya siya na gaya ng pagsakit niya sa mga yaon, na nanakit sa kaniya? o pinatay siya ng ayon sa pagpatay nila, na napatay niya?
8 Sa sukat, pagka iyong pinayayaon siya, ikaw ay nakikipagtalo sa kaniya; kaniyang binago siya ng kaniyang pagispis na hihip sa kaarawan ng silanganang hangin.
9 Kaya't sa pamamagitan nito ay malilinis ang kasamaan ng Jacob, at ito ang buong bunga ng pagaalis ng kaniyang kasalanan: pagka kaniyang ginagawa ang mga bato ng dambana na gaya ng mga malambot na batong naluluray upang (HV)ang mga Asera at ang mga larawang araw ay hindi na matatayo.
10 Sapagka't ang bayang nakukutaan ay nagiisa, isang tahanang (HW)pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang: doon manginginain ang guya, at doon hihiga, at kakainin ang mga sanga niyaon.
11 Pagka ang mga sanga niyaon ay nangatuyo, babaliin; paroroonan ng mga babae at igagatong sa apoy: (HX)sapagka't bayan na walang unawa; kaya't ang gumawa (HY)sa kanila ay hindi magdadalang habag sa kanila, at ang naganyo sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.
12 At mangyayari sa araw na yaon, na lalagasin ng Panginoon ang bunga niyaon mula sa agos (HZ)ng ilog (IA)hanggang sa batis ng Egipto, at kayo'y mapipisang isa isa, Oh kayong mga anak ni Israel.
13 At mangyayari sa araw na yaon, (IB)na ang malaking pakakak ay hihipan; at silang nangapapahamak sa lupain ng Asiria ay magsisiparito, at (IC)silang mga tapon sa lupain ng Egipto; (ID)at sila'y magsisisamba sa Panginoon sa banal na bundok ng Jerusalem.
Ang Jerusalem ay hinatulang magiba ng Panginoon.
28 Sa aba (IE)ng putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim, at (IF)ng lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis nila na nadaig ng alak!
2 Narito, ang Panginoon ay may isang makapangyarihan at malakas na sugo (IG)parang bagyo ng granizo, na manggigibang bagyo, parang unos ng bumubugsong tubig na bumabaha, ay ibubuwal niya sa lupa sa pamamagitan ng malakas na kamay.
3 Ang putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim ay mayayapakan ng paa:
4 At ang lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis, magiging gaya ng maagang hinog na bunga ng igos bago magtaginit; na kung nakikita ng tumitingin, samantalang na sa kaniyang kamay pa, kinakain na niya.
5 Sa araw na yaon ay magiging putong ng kaluwalhatian ang Panginoon ng mga hukbo, at pinakadiadema ng kagandahan, sa nalabi sa kaniyang bayan;
6 At pinaka diwa ng kahatulan sa kaniya na nauupo sa kahatulan, at pinakalakas sa kanila na umuurong sa pakikipagbaka (IH)hanggang sa pintuang-daan.
7 Gayon man ang mga ito ay (II)gumigiray dahil sa alak, at (IJ)dahil sa matapang na alak ay pahapayhapay; (IK)ang saserdote at ang propeta ay gumigiray dahil sa matapang na alak, sila'y nangasakmal ng alak, sila'y pahapayhapay dahil sa matapang na alak: sila'y nangamamali sa pangitain, sila'y nangatitisod sa paghatol.
8 Sapagka't lahat ng mga dulang ay puno ng suka, at ng karumihan, na anopa't walang dakong malinis.
9 Kanino siya magtuturo ng kaalaman? (IL)at kanino niya ipatatalastas ang balita? silang nangalayo sa gatas, at nangahiwalay sa suso?
10 Sapagka't utos at utos: utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti.
11 Hindi, kundi (IM)sa pamamagitan ng mga taong may ibang pangungusap at may iba't ibang wika ay sasalitain niya sa bayang ito.
12 Na kaniyang pinagsabihan, Ito ang kapahingahan, papagpahingahin ninyo siya na pagod; at ito ang kaginhawahan: gayon ma'y hindi nila pinakinggan.
13 Kaya't ang salita ng Panginoon ay magiging sa kanila'y utos at utos, utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti; upang sila'y mangakayaon, at mangapahinga, at mangabalian, at mangasilo, at mangahuli.
14 Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga (IN)mangduduwahaging tao, na nangagpupuno sa bayang ito na nasa Jerusalem:
15 Sapagka't inyong sinabi, Tayo'y nakipagtipan sa kamatayan, at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay dumaan, hindi darating sa atin; sapagka't ating ginawang pinakakanlungan natin ang mga kabulaanan, at sa ilalim ng kasinungalingan ay nangagkubli tayo,
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, (IO)Narito, aking inilalagay sa Sion na pinakapatibayan ang (IP)isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok na may matibay (IQ)na patibayan: (IR)ang naniniwala ay hindi magmamadali.
17 (IS)At aking ilalagay na pinakapising panukat ang katuwiran, at pinakapabato ang kabanalan: at papalisin ng granizo ang kanlungan ng mga kabulaanan, at aapawan ng tubig ang taguang dako.
18 At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan, at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay daraan, kayo nga'y ipapahamak niyaon.
19 Sa tuwing dadaan, tatangayin kayo; sapagka't tuwing umaga ay daraan, sa araw at sa gabi: at mangyayari na ang balita ay magiging kakilakilabot na matalastas.
20 Sapagka't ang higaan ay lalong maikli na hindi maunatan ng tao; at ang kumot ay lalong makitid na hindi makabalot sa kaniya.
21 Sapagka't ang Panginoon ay babangon na gaya sa bundok ng (IT)Perasim, siya'y napopoot na gaya sa libis ng (IU)Gabaon; upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain, at papangyarihin ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain.
22 Huwag nga kayong mapagtuya, baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay: sapagka't (IV)ang paglipol na ipinasiya, narinig ko sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, sa buong lupa.
23 Pakinggan ninyo, at dinggin ninyo ang aking tinig, inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita.
24 Nag-aararo bagang lagi ang mang-aararo upang maghasik? (IW)Kaniya bagang laging binubungkal at dinudurog ang kaniyang lupa.
25 Pagka kaniyang napatag ang ibabaw niyaon hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ikinakalat ang binhing comino, at inihahanay ang trigo, at ang cebada sa takdang dako, at (IX)ang espelta sa hangganan niyaon?
26 Sapagka't itinuturong matuwid sa kaniya ng kaniyang Dios, at itinuturo sa kaniya:
27 Sapagka't ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na matalas, o ang gulong man ng karo ay gugulong sa comino; kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod, at ang comino ay ng pamalo.
28 Ang trigong ginagawang tinapay ay ginigiling; sapagka't hindi laging magigiik: at bagaman pangalatin yaon ng gulong ng kaniyang karo at ng kaniyang mga kabayo, hindi niya ginigiling.
29 Gayon ma'y ito'y mula rin sa Panginoon ng mga hukbo, (IY)na kamanghamangha sa payo, at marilag sa karunungan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978