Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the VOICE. Switch to the VOICE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Daniel 9:1-11

Nanalangin si Daniel para sa Kanyang Bayan

Nang unang taon ni Dario na anak ni Ahasuerus, mula sa lahi ng Media, na naging hari sa kaharian ng mga taga-Caldea—

nang(A) unang taon ng kanyang paghahari, akong si Daniel ay nakaunawa mula sa mga aklat ng bilang ng mga taon, ayon sa salita ng Panginoon kay propeta Jeremias, na dapat lumipas bago magwakas ang pagkasira ng Jerusalem, ito ay pitumpung taon.

Kaya ako'y bumaling sa Panginoong Diyos at hinanap siya sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pag-aayuno, may damit-sako at mga abo.

Ako'y nanalangin sa Panginoon kong Diyos, at nagpahayag ng kasalanan na sinasabi, “O Panginoon, Diyos na dakila at kakilakilabot, na nag-iingat ng tipan at tapat na pag-ibig sa umiibig sa iyo at nag-iingat ng iyong mga utos.

Kami ay nagkasala, gumawa ng pagkakamali, kumilos na may kasamaan, naghimagsik at tumalikod sa iyong mga utos at mga batas.

Ni hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na mga propeta, na nagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, mga pinuno, mga ninuno, at sa lahat ng mga tao ng lupain.

O Panginoon, ang katuwiran ay sa iyo, ngunit sa amin ay hayag na kahihiyan hanggang sa araw na ito, sa mga tao ng Juda, sa mga naninirahan sa Jerusalem, sa buong Israel, sa mga nasa malapit at nasa malayo sa lahat ng lupain na iyong pinagtabuyan sa kanila dahil sa kataksilang ginawa nila laban sa iyo.

O Panginoon, hayag na kahihiyan ang dumating sa amin, sa aming mga hari, mga pinuno, at mga ninuno, sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.

Sa Panginoon naming Diyos nagmumula ang habag at kapatawaran; sapagkat kami ay naghimagsik laban sa kanya.

10 Ni hindi namin sinunod ang tinig ng Panginoon naming Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga kautusan na kanyang inilagay sa harapan namin sa pamamagitan ng kanyang lingkod na mga propeta.

11 Tunay na ang buong Israel ay sumuway sa iyong kautusan at tumalikod, na hindi nakinig sa iyong tinig. At ang sumpa na nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos ay ibinuhos sa amin, sapagkat kami ay nagkasala laban sa kanya.

12 Sa gayo'y kanyang pinagtibay ang kanyang mga salita na kanyang sinalita laban sa amin, at laban sa aming mga pinuno na namuno sa amin, sa pamamagitan ng pagdadala sa amin ng malaking kapahamakan; sapagkat sa silong ng buong langit ay hindi pa nagagawa ang gaya ng ginawa sa Jerusalem.

13 Gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, lahat ng kapahamakang ito'y dumating sa amin, gayunma'y hindi namin hiniling ang lingap ng Panginoon naming Diyos, at hindi namin tinalikuran ang aming mga kasamaan at pinakinggan ang iyong katotohanan.

14 Kaya't inihanda ng Panginoon ang kapahamakan, at ibinagsak sa amin; sapagkat ang Panginoon naming Diyos ay matuwid sa lahat ng kanyang mga gawa na kanyang ginagawa, ngunit hindi namin tinupad ang kanyang tinig.

15 At ngayon, O Panginoon naming Diyos na naglabas ng iyong bayan mula sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at pinatanyag mo ang iyong pangalan hanggang sa araw na ito; kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng kasamaan.

16 O Panginoon, ayon sa lahat mong matuwid na mga gawa, ilayo mo nawa ang iyong galit at poot sa Jerusalem na iyong lunsod, ang iyong banal na bundok; sapagkat dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga ninuno, ang Jerusalem at ang iyong sambayanan ay naging kahiyahiya sa lahat ng nasa palibot namin.

17 Kaya't ngayon, O aming Diyos, pakinggan mo ang panalangin at mga pagsamo ng iyong lingkod, alang-alang sa iyo, O Panginoon, at paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong wasak na santuwaryo.

18 O Diyos ko, ikiling mo ang iyong tainga, at ikaw ay makinig. Ibukas mo ang iyong mga mata, at masdan mo ang aming mga pagkawasak, at ang lunsod na tinatawag sa iyong pangalan; sapagkat hindi namin inihaharap ang aming mga pagsamo sa harapan mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa iyong dakilang awa.

19 O Panginoon, makinig ka; O Panginoon, magpatawad ka; O Panginoon, makinig ka at kumilos ka! Alang-alang sa iyong sarili, O aking Diyos, huwag mong ipagpaliban sapagkat ang iyong lunsod at ang iyong sambayanan ay tinatawag sa iyong pangalan.”

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Propesiya

20 Samantalang ako'y nagsasalita at nananalangin, at nagpapahayag ng aking kasalanan at ng kasalanan ng aking bayang Israel, at naghaharap ng aking samo sa harapan ng Panginoon kong Diyos alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos;

21 samantalang(B) ako'y nagsasalita sa panalangin, ang lalaking si Gabriel, na aking nakita sa pangitain nang una, ay dumating sa akin sa mabilis na paglipad, sa panahon ng pag-aalay sa hapon.

22 Ako'y kanyang tinuruan at nakipag-usap sa akin at sinabi, “O Daniel, ako'y lumabas ngayon upang bigyan ka ng karunungan at pagkaunawa.

23 Sa pasimula ng iyong mga samo ay lumabas ang salita, at ako'y naparito upang sabihin sa iyo; sapagkat ikaw ay lubhang minamahal. Kaya't isaalang-alang mo ang salita at unawain ang pangitain:

24 “Pitumpung sanlinggo ang itinakda para sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod: upang tapusin ang pagsuway, wakasan ang pagkakasala, gumawa ng pagtubos para sa kasamaan, dalhan ng walang hanggang katuwiran, tatakan ang pangitain at ang propesiya, at upang buhusan ng langis ang kabanal-banalan.

25 Kaya't iyong alamin at unawain, na mula sa paglabas ng utos na panumbalikin at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng Mesiyas,[a] na pinuno, ay pitong sanlinggo at animnapu't dalawang sanlinggo. Ito'y muling itatayo na may lansangan at kuta, samakatuwid ay sa mga panahon ng kaguluhan.

26 Pagkalipas ng animnapu't dalawang sanlinggo, ang Mesiyas[b] ay mahihiwalay at mawawalan, at ang bayan ng pinunong darating ang wawasak sa lunsod at sa santuwaryo. Ang wakas nito ay sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa katapusan ay magkakaroon ng digmaan. Ang pagkasira ay itinakda na.

27 At(C) siya'y gagawa ng isang matibay na tipan sa marami sa loob ng isang linggo, at sa kalagitnaan ng sanlinggo ay kanyang patitigilin ang handog at ang alay; at sa pakpak ng mga kasuklamsuklam ay darating ang isang mangwawasak, hanggang sa ang iniutos na wakas ay maibuhos sa mangwawasak.”

Ang Pangitain ni Daniel sa Tabi ng Malaking Ilog

10 Nang ikatlong taon ni Ciro na hari ng Persia, nahayag ang isang salita kay Daniel, na ang pangala'y Belteshasar. Ang salita ay totoo, at iyon ay tungkol sa isang malaking paglalaban. At kanyang naunawaan ang salita at naunawaan ang pangitain.

Nang mga araw na iyon, akong si Daniel ay nagluluksa sa loob ng buong tatlong sanlinggo.

Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni pumasok man ang karne, ni alak sa aking bibig, ni nagpahid man ako ng langis sa loob ng buong tatlong sanlinggo.

Nang ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang ako'y nasa pampang ng malaking ilog na Hiddekel,[c]

aking(D) itiningin ang aking paningin at tumanaw, at nakita ko ang isang lalaki na may suot ng telang lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng ginto ng Uphaz.

Ang kanyang katawan ay gaya ng berilo, ang kanyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, ang kanyang mga mata ay gaya ng nagliliyab na sulo, ang kanyang mga kamay at mga paa ay gaya ng kislap ng pinakintab na tanso, at ang tunog ng kanyang mga salita ay gaya ng ingay ng napakaraming tao.

Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitaing iyon; hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang pangitain, gayunma'y dumating sa kanila ang isang matinding takot, at sila'y tumakas upang magkubli.

Kaya't iniwan akong nag-iisa, at nakita ko ang dakilang pangitaing ito. Walang lakas na naiwan sa akin, at ang aking kulay ay namutlang parang patay at walang nanatiling lakas sa akin.

Ngunit narinig ko ang tunog ng kanyang mga salita; at nang aking marinig ang tunog ng kanyang mga salita, ang mukha ko'y napasubasob sa lupa sa isang mahimbing na pagkakatulog.

10 Ngunit di nagtagal, narito, isang kamay ang humipo sa akin at ako'y itinayo na nanginginig ang aking mga kamay at mga tuhod.

11 At sinabi niya sa akin, “O Daniel, ikaw na lalaking pinakamamahal, unawain mo ang mga salita na aking sasabihin sa iyo. Tumayo ka nang matuwid sapagkat sa iyo'y sinugo ako ngayon.” Nang kanyang masabi ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig.

12 Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong isipan sa pagkaunawa, at magpakababa sa iyong Diyos, ang iyong mga salita ay pinakinggan, at ako'y pumarito dahil sa iyong mga salita.

13 Ngunit(E) hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw. Kaya't si Miguel na isa sa mga punong prinsipe ay dumating upang tulungan ako. At ako'y naiwan doon kasama ng mga hari ng Persia.

14 Pumarito ako upang ipaunawa sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw. Sapagkat mayroon pang pangitain para sa mga araw na iyon.”

15 Samantalang kanyang sinasabi sa akin ang mga salitang ito, itinungo ko ang aking mukha sa lupa at ako'y napipi.

16 At isang kahawig ng tao ang humipo sa aking mga labi. Ibinuka ko ang aking bibig at ako'y nagsalita. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa harapan ko, “O panginoon ko, dahil sa pangitain ay dumating sa akin ang mga paghihirap at nawalan ako ng lakas.

17 Paanong makikipag-usap ang lingkod ng aking panginoon sa aking panginoon? Sapagkat sa ngayon, walang nananatiling lakas sa akin, at walang naiwang hininga sa akin.”

18 Muli akong hinipo ng isa na kahawig ng tao, at kanyang pinalakas ako.

19 Kanyang sinabi, “O taong pinakamamahal, huwag kang matakot; kapayapaan ang sumaiyo. Magpakalakas ka at magpakatapang.” Nang siya'y magsalita sa akin, ako'y lumakas at nagsabi, “Magsalita ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako.”

20 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako'y pumarito sa iyo? Ngayo'y babalik ako upang makipaglaban sa pinuno ng Persia. At kapag ako'y tapos na sa kanya, narito, ang pinuno ng Grecia ay darating.

21 Ngunit sasabihin ko sa iyo ang nakasulat sa kasulatan ng katotohanan. Wala akong kasamang nakikipaglaban sa mga pinunong ito maliban kay Miguel na inyong pinuno.

Ang Kaharian ng Ehipto at Siria

11 Tungkol sa akin, nang unang taon ni Dario na taga-Media, ako'y tumayo upang patibayin at palakasin siya.

1 Juan 2:18-3:6

Ang Anti-Cristo

18 Mga anak, huling oras na! Gaya ng inyong narinig na darating ang anti-Cristo, kahit ngayon ay lumitaw na ang maraming anti-Cristo. Kaya nalalaman nating huling oras na.

19 Sila'y lumabas sa atin, ngunit sila'y hindi sa atin; sapagkat kung sila'y kabilang sa atin ay magpapatuloy sana silang kasama natin. Ngunit sa paglabas nila ay ginawa nilang maliwanag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.

20 Ngunit kayo'y pinahiran[a] ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.

21 Sinusulatan ko kayo, hindi dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo iyon, at nalalaman ninyo na walang kasinungalingan na nagmumula sa katotohanan.

22 Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagkakaila sa Ama at sa Anak.

23 Ang sinumang nagkakaila sa Anak, ay hindi sumasakanya ang Ama. Ang nagpapahayag sa Anak ay sumasakanya rin ang Ama.

24 Manatili sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo buhat nang pasimula, kayo naman ay mananatili sa Anak at sa Ama.

25 At ito ang pangako na kanyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.

26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga mandaraya sa inyo.

27 Tungkol sa inyo, ang pagpapahid[b] na inyong tinanggap ay nananatili sa inyo, kaya't hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman. Ngunit kayo'y tinuturuan ng kanyang pagpapahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at ito'y totoo at hindi kasinungalingan, kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayo manatili sa kanya.

28 At ngayon, mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala, at hindi mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.

29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, makakatiyak kayo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.

Ang mga Anak ng Diyos

Masdan(A) ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y matawag na mga anak ng Diyos; at tayo'y gayon nga. Dahil dito'y hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat siya'y hindi nakilala nito.

Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat siya'y ating makikita bilang siya.

At sinumang may ganitong pag-asa sa kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman niyang malinis.

Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din naman sa kautusan; at ang kasalanan ay ang paglabag sa kautusan.

Nalalaman(B) ninyo na siya'y nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa kanya'y walang kasalanan.

Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi nagkakasala; sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa kanya, ni hindi nakakilala sa kanya.

Mga Awit 121

Awit ng Pag-akyat.

121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
    ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
    na siyang gumawa ng langit at lupa.

Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
    siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
Siyang nag-iingat ng Israel
    ay hindi iidlip ni matutulog man.

Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
    ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
    ni ng buwan man kapag gabi.

Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
    kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
    mula sa panahong ito at magpakailanpaman.

Mga Kawikaan 28:27-28

27 Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi kakapusin,
    ngunit siyang nagkukubli ng kanyang mga mata, sa sumpa'y pararamihin.
28 Kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukubli,
    ngunit kapag sila'y namatay, ang matuwid ay dumarami.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001