The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEB. Switch to the CEB to read along with the audio.
Ang Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe
6 Muli kong itinaas ang aking paningin at aking nakita, at narito, lumabas ang apat na karwahe mula sa pagitan ng dalawang bundok; at ang mga bundok ay mga bundok na tanso.
2 Ang(A) unang karwahe ay may mga kabayong pula; ang ikalawa ay mga kabayong itim,
3 ang(B) ikatlo ay may mga kabayong puti; ang ikaapat na karwahe ay mga kabayong kulay abo.
4 Nang magkagayo'y sinabi ko sa anghel na nakipag-usap sa akin, “Ano ang mga ito, panginoon ko?”
5 Ang(C) anghel ay sumagot sa akin, “Ang mga ito ay apat na espiritu ng kalangitan na pumaparoo't parito mula sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
6 Ang karwahe na may mga kabayong itim ay patungo sa hilagang lupain, ang mga mapuputi ay sumunod sa kanila, ang mga kulay abo ay patungo sa timugang lupain.”
7 Nang ang mga malalakas ay lumabas, sila ay nagpipilit na humayo upang libutin ang lupa. Kanyang sinabi, “Sulong, magmanman kayo sa buong lupa.” Kaya't sila'y nagmanman sa buong lupa.
8 Siya'y sumigaw sa akin, at nagsalita sa akin na sinasabi: “Narito, silang nagtungo sa hilagang lupain ang nagpatahimik sa aking espiritu sa hilagang lupain.”
Ang Utos na Putungan si Josue
9 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
10 “Kumuha ka mula sa mga bihag, kay Heldai, kay Tobias, at kay Jedias, na dumating sa pagkabihag mula sa Babilonia. Sa araw ding iyon ay pumasok ka sa bahay ni Josias na anak ni Sefanias.
11 Kumuha ka sa kanila ng pilak at ginto, at gawin mong korona at iputong mo sa ulo ni Josue na anak ni Josadak, na pinakapunong pari.
12 Sabihin(D) mo sa kanya, ‘Ganito ang sinabi ng Panginoon ng mga hukbo, “Narito ang lalaking ang pangala'y Sanga: sapagkat siya'y magsasanga sa kanyang dako at itatayo niya ang templo ng Panginoon.
13 Siya ang magtatayo ng templo ng Panginoon at siya'y magtataglay ng karangalan, at siya'y uupo at mamumuno sa kanyang trono. At siya'y magiging pari sa kanyang trono at ang payo ng kapayapaan ay nasa pagitan nila.”’
14 Ang korona ay magiging pinakaalaala sa templo ng Panginoon kina Helem, Tobias, Jedias, at Hen na anak ni Sefanias.
15 “Silang nasa malayo ay paparito at magtatayo ng templo ng Panginoon, at inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang siyang nagsugo sa akin sa inyo. Ito'y mangyayari kung inyong masikap na susundin ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos.”
Sinumbatan ng Panginoon ang Pakunwaring Pag-aayuno
7 Nang ikaapat na taon ni Haring Dario, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Zacarias, nang ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan ng Chislev.
2 Noon ay sinugo ng mga taga-Bethel sina Sharezer at Regemelec at ang kanilang mga kalalakihan, upang hilingin ang lingap ng Panginoon,
3 upang magsalita sa mga pari ng bahay ng Panginoon ng mga hukbo at ang mga propeta, na sinasabi, “Iiyak ba ako at mag-aayuno sa ikalimang buwan, gaya ng aking ginawa nitong maraming taon?”
4 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon ng mga hukbo sa akin, na sinasabi,
5 “Sabihin mo sa lahat ng tao ng lupain at sa mga pari: Nang kayo'y mag-ayuno at tumangis nang ikalima at ikapitong buwan, nitong pitumpung taon, kayo ba'y nag-ayuno para sa akin?
6 Kapag kayo'y kumakain at umiinom, di ba kayo'y kumakain para sa inyong sarili at umiinom para sa inyong sarili?
7 Hindi ba ito ang mga salitang ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng mga unang propeta nang ang Jerusalem ay tinitirhan at nasa kaginhawahan, kasama ang mga bayang nasa palibot nito, at maging noong ang Negeb at Shefela ay tinitirahan?”
8 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Zacarias na nagsasabi,
9 “Ganito ang sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, Magbigay kayo ng tunay na hatol, magpakita ng kaawaan at kahabagan ang bawat isa sa kanyang kapatid.
10 Huwag ninyong apihin ang balo, ni ang ulila man, ang dayuhan, ni ang dukha man; at sinuman sa inyo ay huwag mag-isip ng kasamaan sa inyong puso laban sa kanyang kapatid.”
11 Ngunit sila'y tumangging makinig, itinigas ang balikat, at tinakpan ang kanilang tainga upang huwag silang makarinig.
12 Pinatigas nila ang kanilang puso upang huwag nilang marinig ang kautusan at ang mga salita na ipinasugo ng Panginoon ng mga hukbo sa pamamagitan ng kanyang espiritu sa mga unang propeta. Kaya't dumating ang malaking poot mula sa Panginoon ng mga hukbo.
13 “At nangyari, na kung paanong siya'y tumawag at hindi sila nakinig, kaya't nang sila'y tumawag, hindi ako nakinig,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
14 “at ikinalat ko sila sa pamamagitan ng ipu-ipo sa lahat ng bansa na hindi nila kilala. Kaya't ang lupain na kanilang iniwan ay napabayaan, kaya't walang tao na nagpaparoo't parito, at ang magandang lupain ay napabayaan.”
Ang mga Anghel na may Panghuling Salot
15 At nakita ko ang isa pang tanda sa langit, dakila at kamanghamangha: pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagkat sa mga ito'y matatapos ang poot ng Diyos.
2 At nakita ko ang tulad sa isang dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga dumaig sa halimaw at sa larawan nito, at sa bilang ng pangalan nito na nakatayo sa tabi ng dagat na kristal at may hawak na mga alpa ng Diyos.
3 At(A) inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos, at ang awit ng Kordero na sinasabi,
“Dakila at kamanghamangha ang iyong mga gawa,
O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
Matuwid at tunay ang iyong mga daan,
ikaw na Hari ng mga bansa.
4 Sinong(B) hindi matatakot
at luluwalhati sa iyong pangalan O Panginoon,
sapagkat ikaw lamang ang banal.
Ang lahat ng mga bansa ay darating
at sasamba sa harapan mo;
sapagkat ang iyong mga matuwid na gawa ay nahayag.”
5 Pagkatapos(C) ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at ang templo ng tolda ng patotoo sa langit ay nabuksan.
6 At mula sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may pitong salot, na nakadamit ng dalisay at makintab na lino, at nabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib.
7 At isa sa apat na nilalang na buháy ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na punô ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman.
8 At(D) napuno ng usok ang templo mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan; at walang sinumang nakapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.
Awit ni David.
143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
iyong dinggin ang aking mga daing!
Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
2 At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
3 Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
4 Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.
5 Aking naaalala ang mga araw nang una,
aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
6 Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)
7 Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
8 Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
9 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
sa landas na pantay!
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
sapagkat ako'y iyong lingkod.
24 May apat na bagay na maliliit sa lupa,
ngunit sila'y matatalinong lubha:
25 Ang mga langgam ay hindi malakas na sambayanan,
gayunma'y nag-iimbak ng kanilang pagkain sa tag-araw;
26 hindi makapangyarihang bayan ang mga kuneho,
gayunma'y gumagawa sila ng bahay sa malalaking bato;
27 walang hari ang mga balang,
gayunma'y lumalabas silang lahat na nakahanay;
28 mahahawakan ng iyong mga kamay ang butiki,
gayunman ito'y nasa mga palasyo ng mga hari.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001