The Daily Audio Bible
Today's audio is from the VOICE. Switch to the VOICE to read along with the audio.
2 “At ngayo'y ipapaalam ko sa iyo ang katotohanan. Tatlo pang mga hari ang lilitaw sa Persia; at ang ikaapat ay magiging higit na mayaman kaysa kanilang lahat. Kapag siya'y lumakas sa pamamagitan ng kanyang mga kayamanan, kanyang kikilusin ang lahat laban sa kaharian ng Grecia.
3 At isang makapangyarihang hari ang lilitaw at mamumuno na may malaking kapangyarihan, at gagawa ng ayon sa kanyang nais.
4 Habang nagiging makapangyarihan, magigiba ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na hangin ng langit, ngunit hindi sa kanyang mga anak, ni ayon man sa kanyang kapangyarihan na kanyang ipinamuno; sapagkat ang kanyang kaharian ay mabubunot at mapupunta sa iba bukod sa mga ito.
5 “Ang hari ng timog ay magiging malakas, ngunit ang isa sa kanyang mga pinuno ay magiging higit na malakas kaysa kanya, at siya ay maghahari sa isang kahariang higit na makapangyarihan kaysa kanyang sariling kaharian.
6 Pagkatapos ng ilang mga taon sila'y magsasanib, at ang anak na babae ng hari sa timog ay pupunta sa hari sa hilaga upang makipagkasundo. Ngunit hindi niya mapapanatili ang lakas ng kanyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nagdala sa kanya, at ang nanganak sa kanya, at ang nagpalakas sa kanya sa mga panahong yaon.
7 “Ngunit may isang sanga mula sa kanyang mga ugat ang hahalili sa kanya. Siya'y darating laban sa hukbo, at papasok sa kuta ng hari ng hilaga, at kanyang haharapin sila at magtatagumpay.
8 Dadalhin din niya sa Ehipto bilang samsam ng digmaan ang kanilang mga diyos pati ang kanilang mga larawang hinulma at ang kanilang mahahalagang sisidlang pilak at ginto. Sa loob ng ilang taon ay iiwasan niyang salakayin ang hari ng hilaga.
9 At sasalakayin ng huli ang kaharian ng hari sa timog, ngunit siya'y babalik sa kanyang sariling lupain.
10 “Ang kanyang mga anak ay makikipagdigma at titipunin ang isang malaking hukbo, na sasalakay na gaya ng baha at makakaraan, at ipagpapatuloy ang pakikidigma hanggang sa kanyang kuta.
11 Dahil sa galit, ang hari sa timog ay lalabas at makikipaglaban sa hari ng hilaga at kanyang ihahanda ang napakaraming tao, gayunma'y magagapi ng kanyang kamay.
12 Kapag ang napakaraming tao ay natangay na, ang kanyang puso ay magpapalalo; at kanyang ibubuwal ang sampung libu-libo, ngunit hindi siya magtatagumpay.
13 Sapagkat ang hari sa hilaga ay muling maghahanda ng maraming tao na higit na malaki kaysa una. Pagkalipas ng ilang taon, siya'y darating na may malaking hukbo at maraming panustos.
14 “Sa mga panahong iyon ay maraming babangon laban sa hari ng timog. Ang mga taong mararahas sa iyong bayan ay maninindigan sa sarili upang ganapin ang pangitain; ngunit sila'y mabibigo.
15 Sa gayo'y darating ang hari sa hilaga, at sasalakay at masasakop ang isang bayan na nakukutaang mabuti. Ang hukbo ng timog ay hindi makakatagal ni ang kanyang piling pangkat, sapagkat walang lakas upang makatagal.
16 Ngunit siya na dumarating laban sa kanya ay gagawa ayon sa kanyang sariling kalooban, at walang makakahadlang sa kanya. Siya'y tatayo sa maluwalhating lupain, na nasa kanyang kamay ang pagwasak.
17 Kanyang itutuon ang kanyang isipan na mapalakas ang kanyang buong kaharian, at siya'y magdadala ng mga alok ng pakikipagkasundo at gagawin ang mga iyon. Ibibigay niya sa kanya ang anak na babae upang maging asawa, ngunit ito'y hindi tatayo para sa kanya o kakampi man sa kanya.
18 Pagkatapos nito'y haharapin niya ang[a] mga lupain sa baybay-dagat, at sasakupin ang marami sa kanila. Ngunit isang pinuno ang magpapatigil sa kanyang kalapastanganan; tunay na kanyang ibabalik ang kanyang kalapastanganan sa kanya.
19 Kung magkagayo'y haharapin niya ang mga kuta ng kanyang sariling lupain; ngunit siya'y matitisod at mabubuwal, at hindi na matatagpuan.
20 “Kung magkagayo'y lilitaw na kapalit niya ang isa na magsusugo ng maniningil para sa kaluwalhatian ng kaharian; ngunit sa loob ng ilang araw ay mawawasak siya, hindi sa galit ni sa pakikipaglaban man.
21 At kapalit niya ay lilitaw ang isang kasuklamsuklam na tao na hindi nabigyan ng karangalan ng kaharian. Ngunit siya'y darating na walang babala at kukunin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya.
22 Ang mga hukbo ay ganap na matatangay at mawawasak sa harapan niya, pati ang pinuno ng tipan.
23 Pagkatapos na magawa ang pakikipagkasundo sa kanya, siya'y kikilos na may pandaraya, at siya'y magiging makapangyarihan kasama ng isang munting pangkat.
24 Walang babalang darating siya sa pinakamayamang bahagi ng lalawigan; at kanyang gagawin ang hindi ginawa ng kanyang mga magulang o ng magulang ng kanyang mga magulang. Ibabahagi niya sa kanila ang samsam at kayamanan. Siya'y gagawa ng mga panukala laban sa mga kuta, ngunit sa isang panahon lamang.
25 Kanyang kikilusin ang kanyang kapangyarihan at tapang laban sa hari ng timog na may malaking hukbo. At ang hari ng timog ay makikipagdigma sa isang napakalaki at makapangyarihang hukbo. Ngunit hindi siya magtatagumpay, sapagkat sila'y gagawa ng mga panukala laban sa kanya,
26 sa pamamagitan ng mga taong kumakain ng pagkaing mula sa hari. Kanilang wawasakin siya, ang kanyang hukbo ay matatalo at marami ang mabubuwal na patay.
27 Ang dalawang hari, na ang kanilang mga isipan ay nahumaling na sa kasamaan, ay uupo sa isang hapag at magpapalitan ng mga kasinungalingan. Ngunit hindi magtatagumpay, sapagkat ang wakas ay darating sa takdang panahon.
28 Siya'y babalik sa kanyang lupain na may malaking kayamanan, ngunit ang kanyang puso ay magiging laban sa banal na tipan. Gagawin niya ang kanyang maibigan, at babalik sa kanyang sariling lupain.
29 “Sa takdang panahon ay babalik siya at papasok sa timog, ngunit ito ay hindi magiging gaya ng una.
30 Sapagkat ang mga barko ng Kittim ay darating laban sa kanya at siya'y matatakot at babalik. Siya'y mapopoot at kikilos laban sa banal na tipan. Siya'y babalik at bibigyan ng pansin ang mga tumalikod sa banal na tipan.
31 Papasukin(A) at lalapastanganin ng mga tauhang sinugo niya ang templo at kuta. Kanilang aalisin ang patuloy na handog na sinusunog. At kanilang ilalagay ang kasuklamsuklam ng pagkawasak.
32 Kanyang aakitin na may labis na papuri ang mga sumuway sa tipan, ngunit ang bayan na nakakakilala ng kanilang Diyos ay magiging matibay at kikilos.
33 Ang marurunong sa mga mamamayan ay magtuturo sa marami, gayunman, sa loob ng ilang panahon, sila'y magagapi sa pamamagitan ng tabak at apoy, at daranas ng pagkabihag at sasamsaman.
34 Kapag sila'y nabuwal, sila'y tatanggap ng kaunting tulong, at marami ang sasama sa kanila na may pagkukunwari.
35 Ang ilan sa mga pantas ay magdurusa, upang dalisayin, linisin, at paputiin hanggang sa panahon ng wakas; sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon.
7 Mga munting anak, huwag kayong padaya kanino man. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid.
8 Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo; sapagkat buhat pa nang pasimula ay nagkakasala na ang diyablo. Dahil dito, nahayag ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.
9 Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala, sapagkat ang kanyang binhi ay nananatili sa kanya at hindi siya maaaring magkasala, sapagkat siya'y ipinanganak ng Diyos.
10 Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, pati ang hindi umiibig sa kanyang kapatid.
Mag-ibigan sa Isa't isa
11 Sapagkat(A) ito ang mensahe na inyong narinig buhat nang pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa't isa,
12 na(B) hindi gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinaslang ang kanyang kapatid. At bakit niya ito pinaslang? Sapagkat ang kanyang mga gawa ay masasama at ang mga gawa ng kanyang kapatid ay matutuwid.
13 Mga kapatid, huwag kayong magtaka, kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan.
14 Nalalaman(C) nating tayo'y dumaan na mula sa kamatayan patungo sa buhay, sapagkat iniibig natin ang isa't isa. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan.
15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay hindi nananatili sa sinumang mamamatay-tao.
16 Dito natin nakikilala ang pag-ibig, sapagkat ibinigay niya ang kanyang buhay alang-alang sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay alang-alang sa mga kapatid.
17 Subalit ang sinumang may mga pag-aari sa sanlibutang ito, at nakikita ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagsasarhan niya ito ng kanyang damdamin, paanong nananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kanya?
18 Mga munting anak, huwag tayong umibig sa salita, ni sa dila kundi sa gawa at sa katotohanan.
19 Dito natin makikilala na tayo'y mula sa katotohanan, at magkakaroon ng kapanatagan ang ating mga puso sa harapan niya,
20 tuwing hahatulan tayo ng ating puso; sapagkat ang Diyos ay higit na dakila kaysa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.
21 Mga minamahal, kung tayo'y hindi hinahatulan ng ating puso, tayo ay may kapanatagan sa harapan ng Diyos;
22 at anumang ating hingin ay tinatanggap natin mula sa kanya, sapagkat tinutupad natin ang kanyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang harapan.
23 At(D) ito ang kanyang utos, na manampalataya tayo sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at tayo'y mag-ibigan sa isa't isa ayon sa ibinigay niyang utos sa atin.
24 At ang tumutupad ng kanyang mga utos ay nananatili sa kanya, at siya sa kanya. At dito'y nakikilala natin na siya'y nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kanyang ibinigay sa atin.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
“Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
2 Ang mga paa natin ay nakatayo
sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;
3 Jerusalem, na natayo
na parang lunsod na siksikan;
4 na inaahon ng mga lipi,
ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
5 Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
ang mga trono ng sambahayan ni David.
6 Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
“Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
7 Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
8 Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
hahanapin ko ang iyong ikabubuti.
29 Ang madalas na sawayin ngunit ang ulo ay matigas,
ay biglang mababali, at wala nang lunas.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001