Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Hoseas 1-3

Ang(A) salita ng Panginoon na dumating kay Hoseas na anak ni Beeri, sa mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda, at sa kapanahunan ni Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel.

Ang Taksil na Asawa ni Hoseas

Nang unang magsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Hoseas, sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Humayo ka, mag-asawa ka ng isang bayarang babae[a] at magkaroon ka ng mga anak sa bayarang babae, sapagkat ang lupain ay gumagawa ng malaking kahalayan dahil sa pagtalikod nila sa Panginoon.”

Kaya't humayo siya, at kinuha niya si Gomer na anak ni Diblaim. At siya'y naglihi at nanganak sa kanya ng isang lalaki.

Sinabi(B) ng Panginoon sa kanya, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Jezreel, sapagkat ilang sandali na lang at aking parurusahan ang sambahayan ni Jehu dahil sa dugo ni Jezreel, at aking tatapusin ang kaharian ng sambahayan ni Israel.

Sa araw na iyon, aking babaliin ang busog ng Israel sa libis ng Jezreel.”

Siya'y muling naglihi, at nanganak ng isang babae. At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ruhama;[b] sapagkat hindi na ako mahahabag sa sambahayan ni Israel, ni patatawarin pa sila.

Ngunit ako'y maaawa sa sambahayan ni Juda, at ililigtas ko sila sa pamamagitan ng Panginoon nilang Diyos. Hindi ko sila ililigtas sa pamamagitan ng busog, o sa pamamagitan man ng tabak, o sa pamamagitan man ng digmaan, o sa pamamagitan man ng mga kabayo, o sa pamamagitan man ng mga mangangabayo.”

Nang maihiwalay niya sa pagsuso si Lo-ruhama, siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki.

At sinabi ng Panginoon, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ammi;[c] sapagkat kayo'y hindi ko bayan, at ako'y hindi ninyo Diyos.”

Ibabalik ang Israel

10 Gayunma'y(C) ang bilang ng mga anak ni Israel ay magiging parang buhangin sa dagat na hindi masusukat, o mabibilang man; at sa dakong sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi aking bayan,” ay sasabihin sa kanila, “Kayo'y mga anak ng Diyos na buháy.”

11 Ang mga anak ni Juda, at ang mga anak ni Israel ay magkakasama-sama at sila'y maghahalal sa kanilang sarili ng isang pinuno, at sila'y magsisisampa mula sa lupain; sapagkat magiging dakila ang araw ng Jezreel.

Ang Taksil na si Gomer—Ang Taksil na Israel

Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, Ammi;[d] at sa inyong mga kapatid na babae, Ruhama.[e]

Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo;
    sapagkat siya'y hindi ko asawa,
    at ako ay hindi niya asawa;
na alisin niya ang kanyang pagiging bayarang babae[f] sa kanyang mukha,
    at ang kanyang pangangalunya sa pagitan ng kanyang mga suso.
Kung hindi'y huhubaran ko siya,
    at ilalantad ko siya na gaya nang araw na siya'y ipanganak,
at gagawin ko siyang parang isang ilang,
    at gagawin ko siyang parang isang tigang na lupa,
    at papatayin ko siya sa uhaw.
Sa kanyang mga anak ay hindi rin ako mahahabag;
    sapagkat sila'y mga anak sa pagiging bayarang babae.
Sapagkat ang kanilang ina ay bayarang babae;
    siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya.
Sapagkat kanyang sinabi, “Ako'y susunod sa aking mga mangingibig;
    na nagbibigay sa akin ng aking tinapay at tubig,
    ng aking lana, lino, langis at ng inumin ko.”
Kaya't narito, babakuran ko ang kanyang daan ng mga tinik,
    at ako'y gagawa ng pader laban sa kanya
    upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig
    ngunit sila'y hindi niya aabutan;
at sila'y hahanapin niya,
    ngunit sila'y hindi niya matatagpuan.
    Kung magkagayo'y sasabihin niya, “Ako'y hahayo
    at babalik sa aking unang asawa;
    sapagkat mas mabuti ang kalagayan ko noon kaysa ngayon.

Sapagkat hindi niya nalaman

    na ako ang nagbigay sa kanya
    ng trigo, alak, at langis,
at nagpasagana sa kanya ng pilak
    at ginto na kanilang ginamit para kay Baal.

Kaya't aking babawiin

    ang aking trigo sa panahon ng pag-aani,
    at ang aking alak sa panahon niyon,
at aking kukunin ang aking lana at ang aking lino
    na sana'y itatakip sa kanyang kahubaran.
10 At ngayo'y aking ililitaw ang kanyang kahalayan
    sa paningin ng kanyang mga mangingibig
    at walang magliligtas sa kanya mula sa aking kamay.
11 Wawakasan ko ang lahat niyang mga pagsasaya,
    ang kanyang mga kapistahan, ang kanyang mga bagong buwan, ang kanyang mga Sabbath,
    at lahat ng kanyang mga takdang pagpupulong.
12 At aking wawasakin ang kanyang mga puno ng ubas, at ang kanyang mga puno ng igos,
    na siya niyang sinasabi,
“Ang mga ito ang aking kabayaran
    na ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig.”
At ang mga iyon ay aking gagawing isang gubat,
    at lalamunin ang mga ito ng hayop sa kaparangan.
13 Aking parurusahan siya dahil sa mga araw ng mga Baal,
    nang pagsunugan niya ang mga ito ng insenso,
at nang siya'y naggayak ng kanyang mga hikaw at mga hiyas,
    at sumunod sa kanyang mga mangingibig,
    at kinalimutan ako, sabi ng Panginoon.

Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Kanyang Bayan

14 Kaya't akin siyang aakitin,
    at dadalhin siya sa ilang,
    at malambing ko siyang kakausapin.
15 At(D) doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan,
    at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor.
Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan,
    at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.

16 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, tatawagin mo akong “Asawa ko;” at hindi mo na ako tatawaging, “Baal ko!”

17 Sapagkat aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kanyang bibig, at sila'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.

18 Sa araw na iyon ay igagawa kita ng pakikipagtipan sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa; at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang digmaan sa lupain, at pahihigain kita nang tiwasay.

19 At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan.

20 Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang Panginoon.

21 Sa araw na iyon, ako'y sasagot, sabi ng Panginoon,
    ako'y sasagot sa langit,
    at sila'y sasagot sa lupa;
22 at ang lupa'y sasagot sa trigo, sa bagong alak, at sa langis;
    at sila'y sasagot sa Jezreel.
23 At(E) aking ihahasik siya para sa akin sa lupa;
at ako'y mahahabag sa kanya na hindi nagtamo ng kahabagan.
    At aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, “Ikaw ay aking bayan”;
    at siya'y magsasabi, “Ikaw ay aking Diyos.”

Si Hoseas at ang Babaing Mangangalunya

At sinabing muli ng Panginoon sa akin, “Humayo ka uli, ibigin mo ang isang babae na minamahal ng kanyang asawa, bagama't isang mangangalunya, kung paanong iniibig ng Panginoon ang mga anak ni Israel, bagaman sila'y bumaling sa ibang mga diyos, at gustong-gusto ang mga tinapay na may pasas.”

Sa gayo'y binili ko siya sa halagang labinlimang siklong pilak, isang omer na sebada, at ng isang takal na alak.

At sinabi ko sa kanya, “Dapat kang manatiling akin sa loob ng maraming araw. Huwag kang maging bayarang babae,[g] o pipisan sa ibang lalaki, at magiging gayon din ako sa iyo.”

Sapagkat ang mga anak ni Israel ay mananatili nang maraming araw na walang hari, at walang prinsipe, walang alay at walang haligi, walang efod o terafim.

Pagkatapos ang mga anak ni Israel ay manunumbalik at hahanapin nila ang Panginoon nilang Diyos at si David na kanilang hari. Darating silang may takot sa Panginoon at sa kanyang kabutihan sa mga huling araw.

1 Juan 5

Ang Ating Tagumpay sa Sanlibutan

Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos, at ang bawat umiibig sa magulang[a] ay umiibig din naman sa anak.

Dito'y ating nakikilala na iniibig natin ang mga anak ng Diyos, kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad natin ang kanyang mga utos.

Sapagkat(A) ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat.

Sapagkat ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.

Sino ang dumadaig sa sanlibutan, kundi ang sumasampalatayang si Jesus ang Anak ng Diyos?

Ang mga Patotoo sa Anak ng Diyos

Ito ang siyang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo, si Jesu-Cristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo. At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.

Sapagkat may tatlong nagpapatotoo:[b]

ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlo ay nagkakaisa.

Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay higit na dakila ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos na siya'y nagpapatotoo tungkol sa kanyang Anak.

10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may patotoo sa kanyang sarili. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawa siyang sinungaling, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.

11 At(B) ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak.

12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.

Ang Buhay na Walang Hanggan

13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo upang inyong malaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.

14 Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya.

15 At kung ating nalalaman na tayo'y pinapakinggan niya sa anumang ating hingin, nalalaman natin na natanggap natin ang mga kahilingang hinihingi natin sa kanya.

16 Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na nagkakasala ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Diyos ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala ng hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan, hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin ninyo.

17 Lahat ng kalikuan ay kasalanan, at may kasalanang hindi tungo sa kamatayan.

18 Alam natin na ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala; subalit ang ipinanganak ng Diyos ay nag-iingat sa kanyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama.

19 Alam natin na tayo'y sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama.

20 At alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo; at tayo'y nasa kanya na totoo, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan.

21 Mga munting anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.[c]

Mga Awit 124

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
    sabihin ngayon ng Israel—
kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
    nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
nilamon na sana nila tayong buháy,
    nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
tinabunan na sana tayo ng baha,
    dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
    ang ating kaluluwa.

Purihin ang Panginoon,
    na hindi tayo ibinigay
    bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
    na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
    at tayo ay nakatakas!
Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
    na siyang lumikha ng langit at lupa.

Mga Kawikaan 29:5-8

Ang taong kunwari'y pumupuri sa kanyang kapwa,
    ay naglalatag ng lambat sa kanyang mga paa.
Ang masamang tao'y nasisilo sa kanyang pagsalangsang,
    ngunit ang taong matuwid ay umaawit at nagdiriwang.
Alam ng matuwid ang karapatan ng dukha;
    ngunit ang gayong kaalaman ay di nauunawaan ng masama.
Ang mga manlilibak ang sa isang lunsod ay tumutupok,
    ngunit ang matatalinong tao ay nag-aalis ng poot.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001