Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEB. Switch to the CEB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Hagai 1-2

Iniutos ng Panginoon na Muling Itayo ang Templo

Nang(A) ikalawang taon ni Haring Dario, nang unang araw ng ikaanim na buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari:

“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: sinasabi ng bayang ito na hindi pa dumarating ang panahon, upang muling itayo ang bahay ng Panginoon.”

Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai.

“Panahon ba para sa inyong mga sarili na manirahan sa inyong mga bahay na may kisame, samantalang ang bahay na ito ay nananatiling wasak?

Ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.

Kayo'y naghasik ng marami ngunit umaani ng kaunti; kayo'y kumakain, ngunit hindi kayo nabubusog; kayo'y umiinom, ngunit hindi kayo nasisiyahan; kayo'y nagdaramit, ngunit walang naiinitan; at kayong tumatanggap ng sahod ay tumatanggap ng sahod upang ilagay sa supot na may mga butas.

“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.

Umahon kayo sa bundok, kumuha kayo ng kahoy, at itayo ninyo ang bahay upang kalugdan ko iyon at ako'y luwalhatiin, sabi ng Panginoon.

Kayo'y naghanap ng marami, at nakakita ng kaunti; at nang inyong dalhin sa bahay, iyon ay aking hinipan. Bakit? sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dahil sa aking bahay na nananatiling wasak, samantalang tumatakbo ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang sariling bahay.

10 Kaya't dahil sa inyo pinipigil ng langit na nasa itaas ninyo ang hamog, at ipinagkakait ng lupa ang bunga nito.

11 At ako'y nagpatawag ng tagtuyot sa lupa, at sa mga burol, sa trigo, sa bagong alak, sa langis, sa mga ibinubunga ng lupa, sa mga tao at sa mga hayop, at sa lahat ng pinagpagalan.”

12 Nang magkagayo'y si Zerubabel na anak ni Sealtiel, at si Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, pati ang lahat ng nalabi sa bayan, ay sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at sa mga salita ni propeta Hagai, na siyang sinugo ng Panginoon nilang Diyos; at ang bayan ay natakot sa harap ng Panginoon.

13 Nang magkagayo'y nagsalita si Hagai, na sugo ng Panginoon ayon sa mensahe ng Panginoon sa bayan, “Ako'y sumasainyo, sabi ng Panginoon.”

14 At kinilos ng Panginoon ang diwa ni Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at ang espiritu ni Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at ang diwa ng buong nalabi sa bayan. Sila'y dumating at ginawa ang bahay ng Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Diyos,

15 nang ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan nang ikalawang taon ni Haring Dario.

Ang Kagandahan ng Templo

Nang ikadalawampu't isang araw ng ikapitong buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi,

“Magsalita ka ngayon kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at sa lahat ng nalabi sa bayan, at sabihin mo,

‘Sino(B) ang naiwan sa inyo na nakakita sa bahay na ito sa kanyang dating kaluwalhatian? Ano ito ngayon sa tingin ninyo? Hindi ba walang kabuluhan sa inyong paningin?

Gayunma'y magpakalakas ka ngayon, O Zerubabel, sabi ng Panginoon; at magpakalakas ka, O Josue, na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari. Lakasan ninyo ang inyong loob, kayong sambayanan sa lupain, sabi ng Panginoon. Kayo'y magsigawa, sapagkat ako'y sumasainyo sabi ng Panginoon ng mga hukbo,

ayon(C) sa pangako na aking sinabi sa inyo nang kayo'y lumabas sa Ehipto. Ang aking Espiritu ay naninirahan sa inyo. Huwag kayong matakot.

Sapagkat(D) ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Minsan pa, sa sandaling panahon, aking uugain ang langit at ang lupa, ang dagat at ang tuyong lupa.

Aking uugain ang lahat ng mga bansa upang ang kayamanan ng lahat ng mga bansa ay dumating, at aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Akin ang pilak at akin ang ginto, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ang susunod na kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging higit na dakila kaysa dati, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’”

10 Nang ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi,

11 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Itanong ninyo ngayon sa mga pari upang pagpasiyahan ang katanungang ito:

12 ‘Kung ang isang tao ay may dalang itinalagang karne sa laylayan ng kanyang damit, ang kanyang laylayan ay makasagi ng tinapay, o nilaga, o alak, o langis, o anumang pagkain, nagiging banal ba ito?’” Sumagot ang mga pari, “Hindi.”

13 Nang(E) magkagayo'y sinabi ni Hagai, “Kung ang isang taong marumi dahil sa paghipo sa isang bangkay ay masagi ang alinman sa mga ito, nagiging marumi ba ito?” Sumagot ang mga pari, “Nagiging marumi iyon.”

14 Nang magkagayo'y sumagot si Hagai, at nagsabi, “Gayon ang bayang ito, at gayon ang bansang ito sa harap ko, sabi ng Panginoon. Gayon ang bawat gawa ng kanilang mga kamay, at ang kanilang inihahandog doon ay marumi.

15 Ngunit ngayon, inyong pakaisipin kung ano ang mangyayari mula sa araw na ito. Bago ipatong ang isang bato sa isa pang bato sa templo ng Panginoon,

16 mula sa panahong iyon, kapag ang isang tao ay lumalapit sa isang bunton ng dalawampung takal, magkakaroon ng sampu lamang; kapag ang isa ay lumalapit sa pigaan ng alak upang kumuha ng limampung sukat, may dalawampu lamang.

17 Sinalot ko kayo ng pagkalanta at ng amag at ng yelo sa lahat ng gawa ng inyong mga kamay; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.

18 Isaalang-alang mula sa araw na ito, mula sa ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, mula nang araw na ilagay ang saligan ng templo ng Panginoon isaalang-alang ninyo.

19 Ang binhi ba'y nasa kamalig pa? O kahit ang puno ng ubas, ang puno ng igos, ang granada, at ang puno ng olibo ay wala pa ring bunga? Gayunman, mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo.”

Ang Pangako ng Panginoon

20 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Hagai nang ikadalawampu't apat na araw ng buwan, na sinasabi,

21 “Magsalita ka kay Zerubabel na gobernador ng Juda, at iyong sabihin, Aking uugain ang mga langit at ang lupa;

22 at aking ibabagsak ang trono ng mga kaharian, at aking sisirain ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa; at ibubuwal ang mga karwahe at ang mga sumasakay sa mga iyon; at ang mga kabayo at ang mga sakay ng mga iyon ay mahuhulog, ang bawat isa sa pamamagitan ng tabak ng kanyang kasama.

23 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kukunin kita, O Zerubabel, na aking lingkod, na anak ni Sealtiel, sabi ng Panginoon, at gagawin kitang gaya ng singsing na pantatak; sapagkat pinili kita, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”

Apocalipsis 11

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos(A) ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon.

Ngunit(B) huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.

Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.”

Ang(C) mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.

At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan.

Ang(D) mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin.

At(E) kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.

At(F) ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.

Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing.

10 At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ngunit(G) pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.

12 At(H) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, “Umakyat kayo rito!” At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.

13 At(I) nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit.

14 Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating.

Ang Ikapitong Trumpeta

15 At(J) hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit na nagsasabi,

“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon
    at ng kanyang Cristo,
at siya'y maghahari magpakailanpaman.”

16 At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos,

17 na nagsasabi,

“Pinasasalamatan ka namin, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang ngayon at ang nakaraan,
sapagkat kinuha mo ang iyong dakilang kapangyarihan,
    at ikaw ay naghari.
18 Nagalit(K) ang mga bansa, ngunit dumating ang iyong poot,
at ang panahon upang hatulan ang mga patay,
at upang bigyan ng gantimpala ang iyong mga alipin, ang mga propeta, at ang mga banal, at ang mga natatakot sa iyong pangalan,
ang mga hamak at dakila, at upang puksain mo ang mga pumupuksa sa lupa.”

19 At(L) nabuksan ang templo ng Diyos na nasa langit at nakita sa kanyang templo ang kaban ng kanyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, ng mga tinig, ng mga kulog, ng lindol, at mabigat na yelong ulan.

Mga Awit 139

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
    nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
    at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
    O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
    at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
    ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.

Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
    O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
    Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
    at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
    at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
    at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
    at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
    ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.

13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
    at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
    Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
    mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
    ang mga araw na sa akin ay itinakda,
    nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
    Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
    Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.

19 Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama,
    kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo.
20 Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan,
    at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O Panginoon?
    At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon?
22 Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot;
    itinuturing ko sila na aking mga kaaway.
23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
    subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
24 At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin,
    at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.

Mga Kawikaan 30:15-16

15 Ang linta ay may dalawang anak,
    na sumisigaw, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako.”
May tatlong bagay na kailanman ay hindi nasisiyahan,
    oo, apat na hindi nagsasabing, “Tama na”:
16 Ang Sheol, at ang baog na bahay-bata;
    ang lupa na laging uhaw sa tubig;
    at ang apoy na hindi nagsasabing, “Sapat na.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001