Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Levitico 13

Ang pagsubok sa ketong.

13 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

Pagka ang sinomang tao ay nagkaroon sa balat ng kaniyang laman, ng pamamaga, o langib, o pantal na makintab at naging salot na ketong sa balat ng kaniyang laman, (A)ay dadalhin nga siya kay Aaron na saserdote, o sa isa sa kaniyang mga anak na saserdote:

At titingnan ng saserdote ang tila salot na nasa balat ng kaniyang laman: at kung ang balahibo sa tila salot ay pumuti, at makitang ang sugat ay malalim kay sa balat ng kaniyang laman, ay salot na ketong nga: at siya'y mamasdan ng saserdote at ipakikilala siyang karumaldumal.

At kung ang pantal na makintab ay maputi sa balat ng kaniyang laman, at makitang hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyaon ay hindi pumuti, ay kukulungin ng saserdote ang may tila salot na pitong araw.

At titingnan siya ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay tumigil, at hindi kumalat ang tila salot sa balat, ay kukulungin uli siya ng saserdote na pitong araw:

At titingnan siya uli ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay namutla, at ang tila salot ay hindi kumalat sa balat, ay ipakikilalang malinis siya ng saserdote: langib yaon; (B)at kaniyang lalabhan ang kaniyang suot, at magiging malinis.

Datapuwa't kung ang langib ay kumakalat sa balat, pagkatapos na siya'y makapakita sa saserdote upang siya'y linisin, ay pakikita siya uli sa saserdote:

At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung ang langib ay kumakalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: ketong nga yaon.

Pagka nagkaroon ng tila salot na ketong ang sinomang tao, ay dadalhin siya sa saserdote;

10 (C)At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung makitang may pamamaga na maputi sa balat, na pumuti ang balahibo, at may matigas na lamang buhay sa pamamaga,

11 Ay malaong ketong nga sa balat ng kaniyang laman, at ipakikilala ng saserdote na siya'y karumaldumal; (D)hindi siya kukulungin; sapagka't siya'y karumaldumal.

12 At kung kumalat ang ketong sa balat, at matakpan ng ketong ang buong balat ng may tila salot, mula sa ulo hanggang sa kaniyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng saserdote;

13 At titingnan nga siya ng saserdote; at, narito, kung makitang ang ketong ay kumalat sa buong laman niya, ay ipakikilalang malinis ang may tila salot: pumuting lahat: siya'y malinis.

14 Datapuwa't sa alin mang araw na makitaan siya ng lamang buháy, ay magiging karumaldumal siya.

15 At titingnan ng saserdote ang lamang buháy, at ipakikilala siyang karumaldumal: ang lamang buháy ay karumaldumal: ketong nga.

16 O kung magbago uli ang lamang buháy at pumuti, ay lalapit nga siya sa saserdote;

17 At titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung pumuti ang tila salot ay ipakikilalang malinis ng saserdote ang may tila salot: siya'y malinis.

18 At kung magkaroon sa balat ng laman ng isang (E)bukol at gumaling,

19 At humalili sa bukol ay isang pamamaga na maputi, o isang pantal na makintab, na namumulang puti, ay ipakikita sa saserdote;

20 At titingnan ng saserdote; at, narito, kung makitang tila impis kaysa balat, at ang balahibo niyaon ay tila pumuti, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot na ketong yaon; lumitaw sa bukol.

21 Datapuwa't kung pagtingin ng saserdote, ay makitang walang balahibong puti yaon, o hindi impis man kay sa balat, kungdi namutla, ay kukulungin ng saserdote siya na pitong araw.

22 At kung kumalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot nga yaon.

23 Nguni't kung ang pantal na makintab ay tumigil sa kaniyang kinaroroonan, at hindi kumalat, ay piklat nga ng bukol; at ipakikilala ng saserdote na malinis siya.

24 O pagka nagkaroon sa balat ng laman, ng paso ng apoy, at ang lamang paso ay naging tila pantal na makintab, na namumulang puti, o maputi;

25 At titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang ang buhok ay pumuti sa pantal na makintab, at tila mandin malalim kaysa balat; ay ketong nga na lumitaw sa paso: at ipakikilala ng saserdote na karumaldumal; salot na ketong nga yaon.

26 Nguni't kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang sa pantal na makintab ay walang balahibong maputi, at hindi impis kaysa balat, kungdi namutla; ay kukulungin nga siya ng saserdote na pitong araw.

27 At titingnan siya ng saserdote sa ikapitong araw: kung kumalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot na ketong nga yaon.

28 At kung ang pantal na makintab ay tumigil sa kaniyang kinaroroonan at hindi kumalat sa balat, kungdi pumutla, ay pamamaga ng paso yaon, at ipakikilala ng saserdote na malinis: sapagka't piklat ng paso yaon.

29 At kung ang sinomang lalake o babae ay mayroong tila salot sa ulo o sa baba,

30 Ay titingnan nga ng saserdote ang tila salot: at, narito, kung makitang tila malalim kaysa balat, at yao'y may buhok na naninilaw na manipis, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: tina nga, ketong nga yaon sa ulo o sa baba.

31 At kung makita ng saserdote ang tila salot na tina, at, narito, tila hindi malalim kaysa balat, at walang buhok na maitim yaon, ay kukulungin ng saserdote na pitong araw ang may tila salot na tina;

32 At sa ikapitong araw ay titingnan ng saserdote ang tila salot; at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang tina, at walang buhok na naninilaw, at tila ang tina ay hindi malalim kaysa balat,

33 Ay aahitan nga, datapuwa't hindi aahitan ang kinaroroonan ng tina; at ipakukulong ng saserdote ang may tina ng muling pitong araw:

34 At titingnan ng saserdote ang tina sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang hindi kumalat ang tina sa balat, at tila hindi malalim kaysa balat; ay ipakikilala nga ng saserdote na malinis at siya'y maglalaba ng kaniyang suot at magiging malinis.

35 Nguni't kung ang tina ay kumalat sa balat, pagkatapos ng kaniyang paglilinis;

36 Ay titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang kumalat sa balat ang tina ay hindi hahanapin ng saserdote ang buhok na maninilaw; siya'y karumaldumal.

37 Datapuwa't kung sa kaniyang paningin ay tumigil ang tina at may tumubong buhok na itim; ay gumaling ang tina, siya'y malinis: at ipakikilalang malinis siya ng saserdote.

38 At pagka ang isang lalake o babae ay nagkaroon sa balat ng kaniyang laman ng nangingintab na pantal, ng makikintab na pantal na puti;

39 Ay titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang ang nangingintab na pantal sa balat ng kaniyang laman ay namumutimuti; yao'y buni na sumibol sa balat; siya'y malinis.

40 At kung ang sinoman ay malugunan ng buhok, ay kalbo gayon ma'y malinis.

41 At kung sa dakong harapan ng ulo nalugunan ng buhok, ay kalbo yaon sa noo gayon ma'y malinis.

42 Datapuwa't kung sa kakalbuhan, sa ulo o sa noo ay magkaroon ng tila salot ng namumulang maputi; ay ketong na sumibol sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo.

43 Kung magkagayo'y titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung ang pamamaga ng tila salot ay namumulamula ng maputi sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kaniyang laman;

44 Ay ketongin siya, siya'y karumaldumal ipakikilala siya ng saserdote na tunay na karumaldumal; nasa kaniyang ulo ang salot niya.

45 At pupunitin ng may ketong na kinaroroonan ng salot, ang kaniyang mga suot at ang buhok ng kaniyang ulo ay ilulugay, at siya'y (F)magtatakip ng kaniyang nguso, at maghihihiyaw. (G)Karumaldumal, karumaldumal.

46 Sa buong panahong siya'y karoonan ng salot, ay magiging karumaldumal; siya'y karumaldumal: siya'y tatahang bukod; (H)sa labas ng kampamento malalagay ang kaniyang tahanan.

47 Ang suot na kinaroroonan ng ketong, maging kasuutang balahibo ng tupa o kasuutang lino;

48 Maging nasa paayon o maging nasa pahalang; ng lino o ng balahibo ng tupa; maging sa balat o sa alin mang yaring balat;

49 Kung ang tila salot ay (I)namemerde o namumula sa kasuutan, o sa balat, maging sa paayon, o maging sa pahalang, o sa alin mang kasangkapang balat; ay salot na ketong nga at ipakikita sa saserdote,

50 At titingnan ng saserdote ang tila salot, at ipatatago ng pitong araw ang bagay na may tila salot:

51 At titingnan ang bagay na may tila salot, sa ikapitong araw: kung kumalat ang tila salot sa kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alin mang ginagawa sa balat, (J)ay ketong na ngumangatngat ang gayon tila salot; yao'y karumaldumal.

52 At kaniyang susunugin ang kasuutan, maging paayon, at maging pahalang ng balahibo ng tupa o lino o sa alin mang kasangkapang balat na kinaroroonan ng salot; sapagka't yao'y ketong na ngumangatngat, yao'y susunugin sa apoy.

53 At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang salot sa kasuutan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alin mang kasangkapang balat;

54 Ay palalabhan nga ng saserdote yaong kinaroroonan ng salot, at ipatatago pa ng pitong araw:

55 At titingnan ng saserdote ang bagay na may salot, pagkatapos na malabhan: at, narito, kung makitang ang salot ay hindi nagbago ang kulay, at hindi kumalat ang salot, yao'y karumaldumal; susunugin mo sa apoy: isang ngatngat nga, maging ang nanisnis ay nasa karayagan o nasa kabaligtaran.

56 At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang namutla ang dakong may salot pagkatapos na malabhan, ay hahapakin sa kasuutan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang:

57 At kung muling lumitaw sa kasuutang yaon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, ay muling sumisibol: susunugin mo sa apoy yaong kinaroroonan ng salot.

58 At ang kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, na iyong labhan, at maalis ang salot, ay lalabhan ngang ikalawa, at magiging malinis.

59 Ito ang kautusan tungkol sa salot na ketong sa kasuutang balahibo ng tupa o lino, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, upang ipakilalang malinis, o upang ipakilalang karumaldumal.

Marcos 6:1-29

At umalis siya doon; (A)at napasa kaniyang sariling lupain; at nagsisunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

At nang dumating ang sabbath, ay nagpasimulang magturo siya sa sinagoga: at marami sa nangakakarinig sa kaniya ay nangagtataka, na nangagsasabi, Saan nagkaroon ang taong ito ng mga bagay na ito? at, Anong karunungan ito na sa kaniya'y ibinigay, at anong kahulugan ng gayong mga makapangyarihang gawa na ginagawa ng kaniyang mga kamay?

Hindi baga ito ang anluwagi, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, at ni Jose, at ni Judas, at ni Simon? at hindi baga nangaririto sa atin ang kaniyang mga kapatid na babae? At siya'y kinatitisuran nila.

At sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propetang di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa gitna ng kaniyang sariling mga kamaganak, at sa kaniyang sariling bahay.

At (B)hindi siya nakagawa doon ng anomang makapangyarihang gawa, liban sa ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa ilang mga maysakit, at pinagaling sila.

At nanggigilalas siya sa kanilang di pananampalataya. At siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligidligid.

At pinalapit niya sa kaniya ang labingdalawa, (C)at nagpasimulang sinugo sila na daladalawa; at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu;

At ipinagbilin niya sa kanila (D)na huwag silang magsipagbaon ng anoman sa paglakad, kundi tungkod lamang; kahit tinapay, kahit supot ng ulam, kahit salapi sa kanilang supot;

Datapuwa't gumamit ng mga sandalyas: at, huwag magsuot ng dalawang tunika.

10 At sinabi niya sa kanila, Saan man kayo magsipasok sa isang bahay, mangatira kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis doon.

11 At sa alin mang dakong hindi kayo tanggapin, at hindi kayo pakinggan, pagalis ninyo doo'y ipagpag ninyo ang alabok na nasa ilalim ng inyong talampakan bilang patotoo sa kanila.

12 At sila'y nangagsialis, at (E)nagsipangaral na mangagsisi ang mga tao.

13 At nangagpalabas ng maraming demonio, (F)at nangagpahid ng langis sa maraming may-sakit, at pinagaling sila.

14 (G)At narinig ng haring Herodes; sapagka't nabantog na ang pangalan niya; at sinabi niya, Si Juan na Mangbabautismo ay nagbangon sa mga patay, at kaya sumasa kaniya ang mga kapangyarihang ito.

15 At sinasabi ng mga iba, (H)Siya'y si Elias. At sinasabi ng mga iba, Siya'y propeta, na gaya ng ibang mga propeta.

16 Datapuwa't nang marinig ni Herodes, ay sinabi, Si Juan na aking pinugutan ng ulo, siya'y nagbangon.

17 Sapagka't si Herodes din ang nagsugo sa mga kawal at nagpahuli kay Juan, at nagpatanikala sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Filipo na kaniyang kapatid; sapagka't nagasawa siya sa kaniya.

18 Sapagka't sinabi ni Juan kay Herodes, Hindi matuwid sa iyo na iyong ariin ang asawa ng iyong kapatid.

19 At ipinagtanim siya ni Herodias, at hinahangad siyang patayin; at hindi niya magawa;

20 Sapagka't natatakot si Herodes kay Juan palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matuwid at banal, at siya'y ipinagsanggalang niya. At kung siya'y pinakikinggan niya, ay natitilihan siyang mainam; at pinakikinggan niya siya (I)na may galak.

21 At nang sumapit ang isang kaukulang araw, na kapanganakan niya, ay ipinaghanda ni Herodes ng isang hapunan ang kaniyang mga maginoo, at mga mataas na kapitan, at mga pangulong lalake (J)sa Galilea;

22 At nang pumasok ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw, at siya'y kinalugdan ni Herodes at ng mga kasalo niyang nakaupo sa dulang; at sinabi ng hari sa dalaga, Hingin mo sa akin ang maibigan mo, at ibibigay ko sa iyo.

23 At ipinanumpa niya sa kaniya, Ang anomang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.

24 At lumabas siya, at sinabi sa kaniyang ina, Ano ang aking hihingin? At sinabi niya, Ang ulo ni Juan ang Mangbabautismo.

25 At pagdaka'y pumasok siyang dalidali sa kinaroroonan ng hari, at humingi, na sinasabi, Ibig ko na (K)ngayon din ang ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.

26 At namanglaw na lubha ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang sumpa, at sa nangakaupo sa dulang, ay hindi niya itinanggi.

27 At pagdaka'y nagsugo ang hari sa isang kawal na kaniyang bantay, at ipinagutos na dalhin sa kaniya ang ulo niya: at yumaon siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan,

28 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga; at ibinigay ng dalaga sa kaniyang ina.

29 At nang mabalitaan ng kaniyang mga alagad, ay nagsiparoon sila at binuhat ang kaniyang bangkay, at inilagay sa isang libingan.

Mga Awit 39

Ang kawalang saysay ng buhay. Sa Pangulong Manunugtog, kay Jeduthun. Awit ni David.

39 Aking sinabi, (A)Ako'y magiingat sa aking mga lakad,
Upang huwag akong magkasala ng aking dila:
Aking iingatan ang aking dila ng paningkaw,
Samantalang ang masama ay nasa harap ko.
(B)Ako'y napipi ng pagtahimik, ako'y tumahimik pati sa mabuti;
At ang aking kalungkutan ay lumubha.
Ang aking puso ay (C)mainit sa loob ko;
Habang ako'y nagbubulaybulay ay nagalab ang apoy:
Nang magkagayo'y nagsalita ako ng aking dila:
Panginoon, (D)ipakilala mo sa akin ang aking wakas,
At ang sukat ng aking mga kaarawan, kung ano;
Ipakilala mo sa akin kung gaano kahina ako.
Narito, gaya ng mga dangkal ginawa mo ang aking mga kaarawan;
At ang (E)aking gulang ay tila wala sa harap mo:
Tunay na bawa't tao sa kaniyang mainam na kalagayan ay pawang (F)walang kabuluhan. (Selah)
Tunay na bawa't tao ay lumalakad sa walang kabuluhang lilim:
(G)Tunay na sila'y nagugulo ng walang kabuluhan:
(H)Kaniyang ibinubunton ang mga kayamanan, at hindi nalalaman kung sinong nagsisipulot.
At ngayon, Panginoon, ano pa ang aking hinihintay?
(I)Ang aking pagasa ay nasa iyo.
Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsalangsang:
(J)Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
(K)Ako'y pipi, hindi ko ibinuka ang aking bibig;
Sapagka't (L)ikaw ang gumawa.
10 (M)Iurong mo sa akin ang iyong suntok:
Ako'y bugbog na sa suntok ng iyong kamay.
11 Pagka sa pamamagitan ng mga parusa dahil sa kasamaan ay iyong sinasaway ang tao,
(N)Iyong sinisira ang kaniyang kagandahan na parang pagsira ng tanga:
Tunay na bawa't tao ay walang kabuluhan. (Selah)
12 Iyong dinggin ang aking dalangin, Oh Panginoon, at pakinggan mo ang aking daing:
(O)Huwag kang tumahimik sa aking mga luha:
(P)Sapagka't ako'y taga ibang lupa na kasama mo;
Nakikipamayan na (Q)gaya ng lahat na aking mga magulang.
13 (R)Oh tulungan mo ako, upang ako'y magbawing lakas,
Bago ako manaw, at mawala.

Mga Kawikaan 10:10

10 (A)Siyang kumikindat ng mata ay nagpapapanglaw:
Nguni't ang madaldal na musmos ay mabubuwal.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978