Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Samuel 19:11-20:13

11 Ang usapang ito'y kumalat sa buong Israel, at umabot sa pandinig ni David. Kaya't isinugo niya ang mga paring sina Zadok at Abiatar upang sabihin sa pinuno ng Juda, “Bakit wala pa kayong ginagawang hakbang upang magbalik ang hari sa palasyo? 12 Kayo'y mga tunay na laman at dugo ko. Bakit nahúhulí pa kayo sa paghahangad na ako'y mapabalik doon?” 13 At ipinasabi naman niya kay Amasa, “Ikaw ay tunay kong laman at dugo. Ikaw ngayon ang hinihirang kong pinuno ng hukbo, kapalit ni Joab. Patayin nawa ako ng Diyos kung hindi ito ang gagawin ko!” 14 Buong galak na tinanggap ng mga taga-Juda ang balitang ito, kaya't ipinasundo nila si Haring David at ang lahat ng mga kasama niya.

15 Pumunta na nga sina Haring David at ang mga kasama niya sa Ilog Jordan. Nagtipon naman ang mga taga-Juda sa Gilgal upang salubungin siya at samahan sa pagtawid sa Ilog. 16 Isa(A) sa sumalubong kay David ay si Simei, anak ni Gera na taga-Bahurim. Ang taong ito ay Benjaminita, at nagmamadali ring sumama sa mga taga-Juda. 17 Kasama niya ang may sanlibong katao buhat din sa Benjamin. Nagmamadali ring bumabâ sa Jordan si Ziba, ang alipin ng sambahayan ni Saul, kasama ang kanyang labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin. 18 Tumawid sila sa ilog upang tulungang makatawid ang sambahayan ng hari at upang gawin ang anumang ipag-utos niya.

Pinatawad ni David si Simei

Nang tatawid na lamang sila sa Jordan, nagpatirapa sa harapan ng hari si Simei. 19 Sinabi niya sa hari, “Kalimutan na po sana ninyo ang kasamaang ginawa ko nang kayo'y papaalis noon sa Jerusalem. Patawarin na po ninyo ako sa lahat ng ito. 20 Inaamin ko pong nagkasala ako sa inyo. Kaya po naman ako ang nauna sa mga liping taga-hilaga upang sumalubong sa inyo, Mahal na Hari.”

21 Tumutol si Abisai at ang sabi, “Hindi ba dapat patayin ang taong ito sapagkat nilait niya ang haring pinili ni Yahweh?”

22 Nagsalita ang hari, “Sino bang humihingi ng payo ninyo, mga anak ni Zeruias? Bakit ninyo ako pinangungunahan? Ako ngayon ang hari ng buong Israel, at isinusumpa ko: Walang sinumang papatayin sa Israel ngayon!” 23 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Simei, “Nangangako akong hindi ka papatayin.”

Ang Kagandahang-loob ni David kay Mefiboset

24 Si(B) Mefiboset na apo ni Saul ay sumalubong din sa hari. Mula nang umalis si David hanggang sa matagumpay niyang pagbabalik, hindi naghugas ng paa si Mefiboset ni nagputol ng balbas o naglaba ng kanyang damit. 25 Nang dumating siya mula sa Jerusalem, sinabi ng hari, “Bakit hindi ka sumama sa akin, Mefiboset?”

26 “Mahal na hari,” wika niya, “alam po ninyong ako'y pilay. Kaya ipinahanda ko po sa aking katulong ang sasakyan kong asno upang sumama sa inyo. Ngunit hindi niya ako sinunod. 27 Sa halip ay nagpunta siya sa inyo at siniraan ako. Alam kong kayo'y tulad ng anghel ng Diyos, kaya gawin po ninyo sa akin ang sa palagay ninyo'y nararapat. 28 Ang buong sambahayan ng aking ama, ako at ang lahat sa amin ay maaari ninyong ipapatay, ngunit sa halip, binigyan pa ninyo ang inyong alipin ng lugar sa inyong hapag. Wala na po akong mairereklamo sa inyo, Mahal na Hari.”

29 Sumagot ang hari, “Wala ka nang dapat sabihin pa, Mefiboset! Nakapagpasya na ako na maghahati kayo ni Ziba sa ari-arian ni Saul.”

30 Ngunit sinabi ni Mefiboset, “Hayaan na po ninyo sa kanyang lahat. Sapat na sa aking kayo'y mapayapang nakauwi.”

Ang Kagandahang-loob ni David kay Barzilai

31 May(C) isang taga-Gilead na bumabâ mula sa Rogelim at naghatid din sa hari hanggang Jordan; ito'y si Barzilai. 32 Siya'y walumpung taon na at napakalaki ng naitulong sa hari noong ito'y nasa Mahanaim pa. Siya'y isa sa kinikilalang mayaman doon, at siya ang nagbibigay ng pagkain sa hari. 33 Bago tumawid ang hari ay sinabi nito, “Mabuti pa'y sumama ka sa amin sa Jerusalem. Doon ka na tumira sa palasyo at ako ang bahala sa iyo.”

34 Sumagot si Barzilai, “Ilang taon na lang ang itatagal ko, bakit pa po ako sasama sa inyo sa Jerusalem? 35 Walumpung taon na ako at wala nang kasiyahan sa mga kalayawan. Hindi ko na malasahan ang sarap ng pagkain at inumin. Wala nang pang-akit sa akin pati magagandang awitin. Magiging pabigat lamang ako sa inyo, Mahal na Hari. 36 Ihahatid ko na lang kayo hanggang sa makatawid ng Jordan. Hindi na ninyo ako kailangang gantimpalaan nang ganito. 37 Hayaan na ninyo akong magbalik sa aking bayang sinilangan, at doon ko na hihintayin ang aking mga huling araw sa tabi ng puntod ng aking ama at ina. Narito ang lingkod ninyong si Camaam; siya ang isama ninyo, ang katulong kong ito, at kayo na ang bahala sa kanya.”

38 Sumagot ang hari, “Sige, isasama ko siya. Gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo para sa ikabubuti niya. Tungkol naman sa iyo, gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo.” 39 Tumawid sa Jordan ang lahat. Bago tumawid ang hari, hinagkan muna niya at binasbasan si Barzilai. Pagkatapos, umuwi na si Barzilai sa kanyang tahanan.

Nagtalo ang mga Taga-Juda at Taga-Israel tungkol sa Hari

40 Nagtuloy sa Gilgal ang hari, kasama si Camaam. Kasama rin nila ang lahat ng taga-Juda at kalahati ng mga taga-Israel. 41 Pagdating doon, sama-samang lumapit kay David ang mga Israelita. Sabi nila, “Bakit po kami inunahan ng mga kapatid naming taga-Juda sa pagsundo sa inyo, at sa inyong mga tauhan at sambahayan mula sa kabila ng Jordan?”

42 Sumagot ang mga taga-Juda, “Ginawa namin iyon sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Anong ikinasasama ng loob ninyo? Hindi naman kami palamunin ng hari! Hindi rin niya kami binayaran!”

43 Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampung beses ang karapatan namin kay Haring David, kahit pa kamag-anak ninyo siya. Bakit naman minamaliit ninyo kami? Nakakalimutan yata ninyo na kami ang unang nakaisip na ibalik ang hari.”

Ngunit mas magagaspang ang pananalita ng mga taga-Juda kaysa mga taga-Israel.

Ang Paghihimagsik ni Seba

20 Si(D) Seba na taga-Gilgal ay isang walang-hiyang tao. Siya ay anak ni Bicri, mula sa lipi ni Benjamin. Hinipan niya ang trumpeta upang mapansin ng tao. Isinisigaw niya, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse?” Humiwalay nga kay David ang mga taga-Israel at sumama kay Seba. Ngunit nanatiling tapat ang mga taga-Juda kay David at buhat sa Jordan ay inihatid nila ang hari hanggang Jerusalem.

Pagdating(E) doon, ipinakuha ni David ang sampung asawang-lingkod na iniwan niya upang mamahala sa palasyo. Pinapunta niya ang mga ito sa isang bahay, pinatira doon at pinabantayan. Pinadadalhan niya ang mga ito ng kanilang mga pangangailangan ngunit hindi na niya sila muling sinipingan. Kaya't namuhay silang parang mga biyuda hanggang sa sila'y mamatay.

Tinawag ng hari si Amasa at sinabi, “Tipunin mo ang mga kalalakihan ng Juda at dalhin mo sila rito sa loob ng tatlong araw.” Sinikap ni Amasang sundin ang utos ng hari ngunit hindi niya naiharap dito ang mga kalalakihan ng Juda sa loob ng takdang panahon. Dahil dito, tinawag ni David si Abisai. Sinabi niya, “Mas malaking gulo ang idudulot ni Seba kaysa kay Absalom. Kaya't isama mo ang aking mga tauhan at habulin ninyo siya. Baka may masakop siyang lunsod na may kuta at hindi na natin siya mahuli.” Sumama nga kay Abisai si Joab at ang mga tauhan niya, gayundin ang mga Peleteo at Kereteo, upang tugisin si Seba na anak ni Bicri. Pagsapit nila sa may malaking bato sa Gibeon, sinalubong sila ni Amasa. Suot noon ni Joab ang kanyang kasuotang pandigma, at may dala siyang espada na nakakabit sa kanyang sinturon. Habang papalapit siya, nalaglag ang kanyang espada. Sinabi niya, “Kumusta ka, kapatid ko!” sabay hawak ng kanang kamay sa balbas ni Amasa upang ito'y hagkan. 10 Hindi napapansin ni Amasa ang espadang hawak ni Joab sa kabilang kamay. Kaya't sinaksak siya nito sa tiyan. Lumuwa sa lupa ang bituka niya, at namatay agad sa saksak na iyon.

Nagpatuloy ang magkapatid na Joab at Abisai sa kanilang pagtugis kay Seba. 11 Isang tauhan ni Joab ang tumayo sa may bangkay ni Amasa at sumigaw, “Ang lahat ng kakampi ni Joab at ni David ay sumunod kay Joab!” 12 Nakabulagta sa gitna ng lansangan ang bangkay ni Amasa, naliligo sa sariling dugo. Kaya, lahat ng makakita rito ay napapahinto. Nang mapuna ito ng isang tauhan ni Joab, hinila niya ang bangkay at inilayo sa daan, saka tinakpan ng damit. 13 Nang maalis ang bangkay sa gitna ng daan lahat ay sumunod kay Joab upang tugisin si Seba.

Juan 21

Ang Ikatlong Pagpapakita ni Jesus

21 Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi(A) sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.”

“Sasama kami,” sabi nila.

Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?”

“Wala po,” sagot nila.

“Ihulog(B) ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo,” sabi ni Jesus.

Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!”

Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. Dumating sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka at hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa nagbabagang uling, at ilang tinapay. 10 “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Jesus. 11 Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; isandaan at limampu't tatlo lahat ang nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. 12 “Halikayo at mag-agahan kayo,” sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda.

14 Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

Pakainin Mo ang Aking mga Tupa

15 Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?”

“Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya.

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga batang tupa.” 16 Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”

Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

17 Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?”

Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?”

At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo gusto.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano mamamatay si Pedro at kung paano niya luluwalhatiin ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!”

Ang Alagad na Minamahal ni Jesus

20 Lumingon(C) si Pedro at nakita niyang sumusunod ang alagad na minamahal ni Jesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Jesus nang sila'y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro ay tinanong nito si Jesus, “Panginoon, paano po naman ang taong ito?”

22 Sumagot si Jesus, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23 Kumalat sa mga kapatid sa pananampalataya ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito. Ngunit hindi naman sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, [ano sa iyo]?[a]

24 Siya ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito at alam naming totoo ang kanyang pahayag.

Pagwawakas

25 At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, sa palagay ko'y hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat.

Mga Awit 120

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
    dininig niya ako sa aking dalangin.
Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
    Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.

Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
    ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
Tutudlain kayo ng panang matalim,
    at idadarang pa sa may bagang uling.

Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
    sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
    ng hindi mahilig sa kapayapaan.
Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
    pakikipagbaka ang laman ng ulo.

Mga Kawikaan 16:16-17

16 Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan,
    at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.
17 Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan;
    ang maingat sa paglakad ay nag-iingat sa kanyang buhay.