The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
24 Ang iba pang kabilang sa pangkat ng “Tatlumpu” ay si Asahel na kapatid ni Joab; si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem; 25 si Samma na isang Harodita; si Elica na Harodita rin; 26 si Helez na isang Peleteo; si Ira na anak ni Ekis na taga-Tekoa; 27 si Abiezer na taga-Anatot; si Mebunai na taga-Husa; 28 si Zalmon na taga-Aho; si Maharai na taga-Netofa; 29 si Heleb, anak ni Baana, taga-Netofa rin; si Itai, anak ni Ribai na taga-Gibea sa lupain ng Benjamin; 30 si Benaias na taga-Piraton; si Hidai na buhat sa mga libis ng Gaas; 31 si Abi-albon na taga-Araba; si Azmavet na taga-Bahurim; 32 si Eliaba na taga-Saalbon; si Jasen na taga-Gimzo: 33 si Jonatan, anak ni Samma, taga-Arar; si Ahiam, anak ni Sarar, taga-Arar din; 34 si Elifelet, anak ni Ahasbai, taga-Maaca; si Eliam na anak ni Ahitofel na taga-Gilo; 35 si Hezrai na taga-Carmel; si Paarai na taga-Arab; 36 si Igal na anak ni Natan, taga-Soba; si Bani na mula sa Gad; 37 si Selec na taga-Ammon; si Naharai na taga-Beerot, tagapagdala ng kasuotang pandigma ni Joab na anak ni Zeruias; 38 sina Ira at Jareb na taga-Jatir; 39 at si Urias na Heteo. May tatlumpu't pitong magigiting na kawal si David.
Nagsagawa ng Sensus si David(A)
24 Dumating ang panahong muling nagalit sa Israel si Yahweh, at ginamit niya si David upang sila'y parusahan. Sinabi niya, “Lumakad ka at bilangin mo ang mga taga-Israel at mga taga-Juda.” 2 Kaya't inutusan ni David si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, “Pumunta ka kasama ng iyong mga opisyal sa lahat ng lipi ng Israel mula sa Dan hanggang Beer-seba, at bilangin ninyo ang sambayanan. Gusto kong malaman kung gaano sila karami.”
3 Sumagot si Joab, “Sana'y loobin ni Yahweh, na paramihin ng sandaang ulit ang bilang ng sambayanan. At sana'y makita ninyo ang katuparan nito. Ngunit bakit gusto pa ninyong malaman ang bagay na ito?” 4 Ngunit iginiit ni David ang kanyang utos, kaya't lumakad sila upang isagawa ang pagbilang sa sambayanang Israel.
5 Tumawid sila ng Jordan at nagsimula sila sa Aroer tuloy sa lunsod sa gitna ng kapatagan patungong Gad hanggang sa Jazer. 6 Pagkatapos, tumuloy sila sa Gilead at sa Kades, sa lupain ng mga Heteo at nagtuloy hanggang sa Dan. Mula roo'y nagpunta sila sa Sidon at nagpatuloy 7 hanggang sa makarating sila sa may pader na lunsod ng Tiro. Nilibot nila ang lahat ng bayan ng mga Hivita at Cananeo at nagtapos sila sa Beer-seba sa katimugan ng Juda. 8 Nagbalik sila sa Jerusalem pagkatapos na malibot nila ang buong lupain sa loob ng siyam na buwan at dalawampung araw. 9 Iniulat ni Joab sa hari ang kabuuan ng lahat ng mga lalaking maaaring maglingkod sa hukbong sandatahan. Sa Israel ay 800,000 at sa Juda naman ay 500,000.
10 Matapos ipabilang ni David ang mga tao, inusig siya ng kanyang budhi. Sinabi niya kay Yahweh, “Nagkasala ako nang malaki sa ginawa kong ito, patawarin po ninyo ako sa aking kahangalan.” 11 Kinaumagahan, pagkagising ni David, sa utos ni Yahweh ay pumunta sa kanya ang propetang si Gad.
Sinabi nito kay David, 12 “Ito po ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ‘Mamili ka kung alin sa tatlong parusang ito ang gusto mong gawin ko sa iyo: 13 Tatlong[a] taóng taggutom sa iyong lupain, tatlong buwang pag-uusig ng iyong mga kaaway o tatlong araw na salot! Alin ang gusto ninyo para masabi ko sa nagsugo sa akin?”
14 Sumagot si David, “Hirap na hirap ang aking kalooban sa nangyaring ito. Sapagkat mahabagin si Yahweh, ang pipiliin ko'y ang tuwirang parusa niya, kaysa ako'y mahulog pa sa kamay ng mga tao.”
15 Kaya't si Yahweh ay nagpadala ng salot sa Israel, at mula sa Dan hanggang Beer-seba ay 70,000 tao ang namatay. Nangyari ito mula nang umagang iyon hanggang sa itinakdang panahon. 16 Nang iunat ng anghel ang kanyang kamay upang puksain ang mga taga-Jerusalem, pinigil siya ni Yahweh. Nagbago ang pasya nito at sinabi, “Tama na! Huwag mo nang ituloy.” Ang anghel ni Yahweh ay nakatayo noon sa giikan ni Arauna, isang Jebuseo.
17 Nang makita ni David ang anghel, sinabi niya kay Yahweh, “Napakalaki ng pagkakasalang nagawa ko sa inyo at ang mga walang malay na tupang ito ang nagdurusa. Ako at ang aking sambahayan ang parusahan ninyo.”
18 Nang araw ring iyon, lumapit si Gad kay David at sinabi, “Gumawa kayo ng altar para kay Yahweh sa giikan ni Arauna.” 19 Sinunod ni David ang utos ni Yahweh. 20 Nang makita ni Arauna na dumarating ang hari kasama ang kanyang mga lingkod, sumalubong siya at nagpatirapa sa harapan niyon. 21 “Ano po kaya ang inyong pakay, Kamahalan, at dumalaw sa inyong abang lingkod?” tanong ni Arauna.
Sumagot si David, “Bibilhin ko ang iyong giikan para pagtayuan ng altar ni Yahweh, upang mahinto na ang salot.”
22 “Hindi na po kailangang bilhin ito; gamitin na po ninyo sa paghahandog,” tugon naman ni Arauna. Sinabi pa niya, “Mayroon po akong mga toro dito. Ito na po ang inyong ihandog. Ang kariton po namang ito at mga pamatok ay gawin na ninyong panggatong.” 23 Nang maibigay niya ang lahat ng ito ay idinugtong pa niya, “Maging kalugud-lugod nawa ang inyong handog kay Yahweh na inyong Diyos.”
24 Ngunit sinabi ng hari, “Hindi maaari; babayaran kita, sapagkat hindi ako maghahandog kay Yahweh nang anumang walang halaga sa akin.” Kaya't binayaran ni David ang giikang iyon at ang toro sa halagang limampung pirasong pilak. 25 Gumawa nga siya ng altar at nagdala roon ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Pinakinggan ni Yahweh ang panalangin ni David para sa bansa at tumigil na nga ang salot sa Israel.
Pinagaling ang Isang Lumpo
3 Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. 2 Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. 3 Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasók sa Templo, siya'y humingi ng limos. 4 Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” 5 Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. 6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” 7 Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; 8 palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templo kasama nila, naglalakad, lumulundag at nagpupuri sa Diyos. 9 Nakita ng lahat na siya'y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.
Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Habang nakahawak siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. 12 Nangmakita ni Pedro ang mga tao, sinabi niya, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati (A) ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na nito na palayain siya. 14 Itinakwil(B) ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring ito. 16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.
17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nauunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan ay natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin ang inyong mga kasalanan, 20 at nang sa gayon ay sumapit ang panahon ng pagpapanibagong lakas mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. 22 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos[a] ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. 23 Ang(D) sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, kasama si Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong ito. 25 Ang(E) mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno[b] nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masamang pamumuhay.”
Panalangin Upang Kahabagan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
sa luklukang trono mo, O Panginoon.
2 Tulad ko'y aliping ang inaasahan
ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.
3 Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
labis na paghamak aming naranasan.
4 Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.
21 Ang matalinong tao ay nakikilala sa kanyang pang-unawa,
ang matamis niyang pangungusap ay panghikayat sa iba.
22 Ang karunungan ay bukal ng buhay para sa matalino,
ngunit mahirap maturuan ang mangmang na tao.
23 Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin,
kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin.
by