The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Pinalutang ang Talim ng Palakol
6 Minsan, lumapit kay Eliseo ang pangkat ng mga propetang pinapamahalaan niya. Sinabi nila, “Maliit na po para sa amin ang aming tirahan. 2 Kung papayag kayo, pupunta kami sa Jordan at puputol kami roon ng kahoy na gagawin naming bahay.” Pumayag naman si Eliseo.
3 Sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po ay sumama kayo sa amin.”
“Sige, sasama ako,” sagot niya. 4 At pumunta nga sila sa Jordan upang pumutol ng kahoy.
5 Nang pumuputol na sila ng kahoy, nahulog sa tubig ang talim ng palakol ng isa sa kanila. Sumigaw siya, “Guro, anong gagawin ko ngayon? Hiniram ko po lamang iyon.”
6 Itinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Nang ituro sa kanya kung saan nahulog, pumutol siya ng isang sanga ng kahoy. Inihagis niya iyon sa tubig, at lumutang ang talim ng palakol. 7 Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” Inabot naman iyon ng lalaki.
Si Eliseo at ang mga Taga-Siria
8 Minsan, binalak ng hari ng Siria na digmain ang Israel. Tinipon rin niya ang kanyang mga tauhan at sinabi sa kanila ang kanyang napiling lugar na pagkakampuhan. 9 Ngunit ipinasabi ito ni Eliseo sa hari ng Israel. Binalaan niya ito, “Huwag na huwag kayong pupunta sa naturang lugar sapagkat nag-aabang doon ang mga taga-Siria.” 10 At pinabantayan nga ng hari ng Israel ang mga lugar na sinabi ni Eliseo. Maraming beses na sinabi sa kanya ni Eliseo tungkol sa balak na pagsalakay ng mga taga-Siria. At lahat ng lugar na sabihin sa kanya'y pinalalagyan ng mga bantay.
11 Dahil dito, labis na nabahala ang hari ng Siria. Kaya, tinipon niya ang kanyang mga tauhan at tinanong, “Magsabi kayo ng totoo. Sino sa inyo ang nakikipagsabwatan sa hari ng Israel?”
12 Isa sa mga naroon ang sumagot, “Wala po, mahal na hari. Si Eliseo po, ang propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kahit ang inyong mga lihim na binabalak.”
13 Sinabi niya, “Kung ganoon, hanapin ninyo siya at hulihin.”
May nagsabi sa kanyang si Eliseo ay nasa Dotan, 14 kaya nagpadala siya roon ng maraming kawal na sakay ng mga karwahe at kabayo. Gabi na nang dumating sila roon at pinaligiran nila ang lunsod.
15 Kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, “Guro, paano tayo ngayon?”
16 Sinabi ni Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila.” 17 At siya'y nanalangin, “Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya'y makakita.” Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo.
18 Nang salakayin sila ng mga taga-Siria, nanalangin uli si Eliseo, “Yahweh, bulagin po ninyo sana sila.” At binulag nga ni Yahweh ang mga taga-Siria bilang sagot sa panalangin ni Eliseo. 19 Sinabi niya sa mga ito, “Hindi rito ang daan, hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” At sila'y kanyang dinala sa Samaria.
20 Pagpasok nila sa lunsod, nanalangin si Eliseo, “Yahweh, buksan na po ninyo ang kanilang paningin nang sila'y makakita.” Binuksan nga ni Yahweh ang paningin ng mga taga-Siria at nagulat sila nang makita nilang sila'y nasa loob ng Samaria.
21 Nang makita sila ng hari ng Israel, dalawang beses nitong itinanong kay Eliseo, “Papatayin ko po ba sila?”
22 Sumagot siya, “Huwag, mahal na hari. Hindi nga ninyo pinapatay ang mga nabibihag ninyo sa digmaan. Sila pa kaya? Sa halip, pakanin ninyo sila at painumin, pagkatapos ay pabalikin sa kanilang hari.” 23 Nagpahanda ng maraming pagkain ang hari ng Israel at pinakain ang mga bihag na taga-Siria, saka pinauwi sa kanilang hari. Mula noon, hindi na muling sumalakay ang mga taga-Siria sa lupain ng Israel.
Ang Pagkubkob sa Samaria
24 Hindi nagtagal, tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Samaria. 25 Dahil dito'y nagkaroon ng taggutom sa Samaria. Ang isang ulo ng asno ay nagkahalaga ng walumpung pirasong pilak at limang pirasong pilak naman ang kalahating litro ng dumi ng kalapati.[a]
26 Minsan, nang naglalakad ang hari ng Israel sa ibabaw ng pader ng lunsod, tinawag siya ng isang babae, “Mahal na hari, tulungan po ninyo ako!”
27 Sinabi niya, “Kung hindi ka tutulungan ni Yahweh, paano nga kita matutulungan? Wala naman akong trigo o katas ng ubas. 28 Ano bang problema mo?” tanong sa kanya ng hari.
Sumagot ang babae, “Napag-usapan po namin ng babaing ito na iluto namin ang aking anak para may makain kami ngayon. Bukas, ang anak naman niya ang kakainin namin. 29 Kaya(A) naman po iniluto namin ang aking anak at kinain. Nang hingin ko na po ang kanyang anak para iluto, itinago po niya at ayaw niyang ibigay.”
30 Nang marinig ito, pinunit ng hari ang kanyang damit. Nakita ng mga taong malapit sa pader na nakasuot pala siya ng damit-sako na nakapailalim sa kanyang kasuotan bilang tanda ng matinding kalungkutan. 31 Sinabi niya, “Patayin sana ako ng Diyos kapag ngayong maghapo'y hindi ko napapugutan ng ulo si Eliseo na anak ni Safat!” 32 Kaya't inutusan niya ang kanyang lingkod na kunin si Eliseo.
Samantala, si Eliseo naman ay nasa kanyang bahay at kausap ng pinuno ng Israel. Papunta naman doon ang lalaking inutusan ng hari. Hindi pa ito nakakarating doon ay sinabi na ni Eliseo sa matatandang pinuno, “Tingnan ninyo at papupugutan pa ako ng mamamatay-taong iyon. Pagdating niya rito, isara ninyo ang pinto at bayaan siya sa labas. Kasunod na rin niya ang hari.”
33 Hindi pa halos natatapos ang sinasabi ni Eliseo ay dumating ang hari.[b] Sinabi nito, “Ang paghihirap nating ito'y padala ni Yahweh. Bakit ko pa hihintayin ang gagawin ni Yahweh bago ako kumilos?”
7 Sinabi ni Eliseo, “Makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: ‘Bukas sa ganitong oras, sa may pagpasok ng Samaria ay makakabili ka na ng isang takal[c] na pinong harina o dalawang takal na sebada sa halagang isang pirasong pilak.’”
2 Sinabi ng opisyal na kanang kamay ng hari, “Hindi magkakatotoo iyang sinasabi mo kahit pa buksan ni Yahweh ang mga bintana ng langit.”
Sinabi naman ni Eliseo, “Makikita mong ito'y mangyayari bukas ngunit hindi mo ito matitikman.”
Umalis ang Hukbo ng Siria
3 May apat na taong may sakit sa balat na parang ketong noon sa may pasukan ng lunsod. Nag-usap-usap sila, “Bakit nakaupo tayo rito at naghihintay na lang ng kamatayan? 4 Kung papasok tayo ng lunsod, tiyak na mamamatay tayo sa gutom doon. Kung mananatili naman tayo rito, mamamatay rin tayo. Mabuti pa'y pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung hindi nila tayo patayin, mabuti. Kung patayin nila tayo, matatapos na ang ating paghihirap.”
5 Nang palubog na ang araw, pumunta nga sila sa kampo ng mga taga-Siria. Pagdating doon, wala silang dinatnan isa man 6 sapagkat sa kapangyarihan ni Yahweh, ang mga kawal ng Siria ay nakarinig ng mga yabag ng napakaraming kabayo at mga karwahe. Dahil dito, inakala nilang inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng Heteo at Egipcio para digmain sila. 7 Kaya't tumakas sila nang magtatakipsilim. Iniwan nila ang kanilang kampo, pati mga kabayo, asno at lahat ng naroon at kanya-kanya silang takbo para iligtas ang kanilang buhay.
8 Pumasok ang apat sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pumasok din sila sa ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago.
9 Ngunit naisip nila, “Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagpabukas sapagkat tiyak na mapaparusahan tayo. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa mga opisyal ng hari.” 10 At lumakad nga sila. Pagdating sa pasukan ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, “Galing kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.” 11 Isinigaw naman ito ng mga bantay hanggang sa ang balita'y makarating sa palasyo.
12 Nang gabing iyon ay bumangon ang hari at tinipon ang pinuno ng Israel. Sinabi niya, “Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtago sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buháy. Sa ganoong paraan, mapapasok nila itong ating lunsod.”
13 Sinabi ng isa sa mga pinuno, “Pumili kayo ng ilang lalaki at patingnan natin kung ito'y totoo. Ipagamit natin sa kanila ang lima sa mga kabayong natitira pa sa atin. Kung makabalik sila nang buháy, magandang balita ito sa buong Israel. Kung mapatay naman sila, matutulad lamang sila sa mga kasama nating namatay na.”
14 Pumili nga sila ng dalawang karwahe at pinuntahan ang kampo ng mga taga-Siria upang malaman kung ano ang nangyari sa mga iyon. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog Jordan at wala silang nakitang kaaway. Ang nakita nila'y damit at mga kagamitang naiwan ng mga taga-Siria dahil sa pagmamadali. Nagbalik ang mga inutusan ng hari at ibinalita ang kanilang nakita.
16 Nagpuntahan ang mga Israelita sa kampo ng mga taga-Siria at kinuhang lahat ang laman ng mga tolda. Kaya natupad ang sinabi ni Yahweh na may mabibili nang pagkain, isang pirasong pilak ang bawat takal ng pinong harina o kaya'y dalawang takal na sebada.
17 Ang opisyal na kanang kamay ng hari ang pinagbantay sa pintuan ng lunsod. Nang magdagsaan ang mga tao, siya'y natapak-tapakan at namatay tulad ng sinabi ni Eliseo. 18 Sapagkat nang sabihin ni Eliseo sa hari na bukas ay makakabili na ng dalawang takal na sebada o kaya'y isang takal na pinong harina sa halagang isang siklong pilak, 19 ang opisyal na ito ang nagsabing hindi magkakatotoo iyon buksan man ni Yahweh ang mga bintana sa langit. Sinabi rin noon ni Eliseo, “Makikita mong ito'y magkakatotoo ngunit hindi mo matitikman ang pagkaing sinasabi ko.” 20 Iyon nga ang nangyari, natapak-tapakan siya ng mga tao at namatay sa may pintuan ng lunsod.
Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe
36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit(A) ayaw ni Pablo, sapagkat hindi ito nagpatuloy na sumama sa kanilang gawain, sa halip, ito'y humiwalay sa kanila sa Pamfilia. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos silang ipagkatiwala ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon.
Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas
16 Nagpunta rin si Pablo sa Derbe at sa Listra. May isang alagad doon na ang pangala'y Timoteo. Ang kanyang ina ay isang mananampalatayang Judio at ang kanyang ama nama'y isang Griego. 2 Mataas ang pagtingin ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio kay Timoteo. 3 Ibig isama ni Pablo si Timoteo kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judio sa lungsod na iyon, dahil alam nilang lahat na ang kanyang ama ay isang Griego. 4 Sa bawat lungsod na kanilang dalawin, ipinaaalam nila sa mga kapatid ang pasya ng mga apostol at mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. 5 Kaya't tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng mga iglesya, at araw-araw ay nadagdagan ang kanilang bilang.
Ang Pangitain ni Pablo sa Troas
6 Sapagkat binawalan sila ng Espiritu Santo na mangaral sa lalawigan ng Asia[a], naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia. 7 Pagdating sa hangganan ng Misia, papasok na sana sila sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya't dumaan sila ng Misia at nagpunta sa Troas. 9 Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain; isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” 10 Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak agad kami sapagkat natiyak naming kami'y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Magandang Balita.
Sumampalataya si Lydia
11 Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag papuntang Samotracia, at kinabukasa'y sa Neapolis. 12 Mula naman roo'y nagpunta kami sa Filipos, isang pangunahing lungsod na sakop ng mga Romano sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon nang ilang araw. 13 At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lungsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. 14 Kabilang sa mga nakikinig ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya'y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip upang kanyang pakinggan ang ipinapangaral ni Pablo. 15 Nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tunay na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” Mahigpit ang kanyang anyaya kaya't hindi namin napahindian.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.
142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
2 ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
3 Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
may handang patibong ang aking kaaway.
4 Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
wala ni isa man akong makatulong;
wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.
5 Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
6 Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
na mas malalakas ang mga katawan.
7 Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
sa kabutihan mong ginawa sa akin!
24 Karunungan ang pangarap ng taong may unawa,
ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala.
25 Ang hangal na anak ay problema ng kanyang ama
at pabigat sa damdamin ng kanyang ina.
by