The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Tumalikod si Solomon sa Diyos
11 Umibig(A) si Solomon sa maraming dayuhang babae. Bukod pa sa anak ni Faraon, nag-asawa siya ng mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonio at Heteo. 2 Ipinagbabawal(B) ni Yahweh sa mga Israelita ang mag-asawa sa mga banyagang ito. “Huwag kayong mag-aasawa sa mga lahing iyan sapagkat tiyak na ililigaw nila kayo at hihikayating sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan,” sabi ni Yahweh. Ngunit nahulog ang loob ni Solomon sa mga babaing ito. 3 Ang mga asawa niyang mula sa lipi ng mga hari ay pitong daan, at ang kanya namang mga asawang-lingkod ay tatlong daan. 4 Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng mga ito na sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Hindi siya nanatiling tapat kay Yahweh; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama. 5 Sumamba si Solomon kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Milcom, ang karumal-dumal na diyos ng mga Ammonita. 6 Gumawa nga ng kasamaan si Solomon laban kay Yahweh, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na buong katapatang naglingkod kay Yahweh. 7 Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo si Solomon ng sambahan para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyos ng Moab, at para kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita. 8 Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga altar ang mga diyus-diyosan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito'y nagsunog doon ng insenso at naghain ng mga handog.
9 Nagalit si Yahweh kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na nagpakita sa kanya si Yahweh 10 at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyosan. Ngunit hindi niya sinunod si Yahweh. 11 Kaya nga't sinabi nito sa kanya, “Dahil sumira ka sa ating kasunduan at sinuway mo ang aking mga utos, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang lingkod mo. 12 Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon ng paghahari mo, kundi sa panahon ng paghahari ng iyong anak. 13 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili.”
Ang mga Kaaway ni Solomon
14 Ipinahintulot ni Yahweh na magkaroon ng kaaway si Solomon: ang Edomitang si Hadad, buhat sa lipi ng mga hari ng Edom. 15 Nang masakop ni David ang Edom, pumunta roon si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, upang ipalibing ang mga nasawi sa labanan. 16 Anim na buwan siyang nanatili sa Edom, kasama ang buong hukbo ng Israel, at hindi sila umalis hangga't hindi nila napapatay lahat ang mga lalaki roon. 17 Subalit si Hadad na bata pa noon ay nakatakas patungo sa Egipto sa tulong ng ilang Edomitang tauhan ng kanyang ama. 18 Buhat sa Midian nagtungo sila sa Paran, at doo'y nakakuha sila ng ilan pang mga lalaki na isinama nila sa Egipto. Tinanggap siya ng Faraon, ang hari ng Egipto, binigyan ng bahay, lupa at lahat ng kailangan. 19 Napamahal si Hadad sa Faraon, at napangasawa niya ang hipag nito, ang kapatid na babae ni Reyna Tafnes. 20 Nagkaanak sila ng isang lalaki na tinawag nilang Genubat. Nang ito'y maaaring ihiwalay sa ina, ito'y kinuha ng reyna at pinalaki sa palasyo, kasama ng mga anak ng Faraon.
21 Nang mabalitaan ni Hadad na patay na si David at pati na rin si Joab, ang pinuno ng hukbo ng Israel, nagpaalam siya sa Faraon. “Ipahintulot po ninyong umuwi ako sa aming bayan,” wika niya.
22 “Kinukulang ka pa ba rito ng anuman at gusto mo nang umuwi sa inyo?” tanong ng Faraon.
“Hindi po naman,” sagot ni Hadad. “Ngunit ipahintulot po ninyong makauwi muna ako sa amin.”
23 May isa pang kaaway na ginamit si Yahweh laban kay Solomon: si Rezon na anak ni Eliada. Tumakas siya sa kanyang amo, si Hadadezer na hari ng Zoba. 24 Nagtipon siya ng mga tauhan at naging pinuno ng isang pangkat ng mga tulisan. Nangyari ito nang talunin ni David si Hadadezer at pinatay ang mga kakampi nitong taga-Siria. Si Rezon at ang pangkat niya ay nanirahan sa Damasco at doo'y ginawa siyang hari ng Siria ng kanyang mga tauhan. 25 Naging kaaway siya ng Israel sa buong panahon ng paghahari ni Solomon.
Ang Pag-aaklas ni Jeroboam
26 Isa pa sa mga lumaban kay Solomon ay isa ring tauhan niya, si Jeroboam na anak ng Efrateong si Nebat na taga-Sereda. Ang ina niya'y si Serua na isang biyuda. 27 Ito ang kasaysayan ng kanyang paghihimagsik laban sa hari. Ipinagagawa ni Solomon ang muog ng Millo at pinatatakpan ang mga butas sa pader ng Lunsod ng Jerusalem. 28 Si Jeroboam ay isang lalaking may kakayahan kaya't nang makita ito ni Solomon, inilagay itong tagapamahala ng lahat ng gawaing bayan sa lupain ng angkan ni Jose. 29 Isang araw, lumabas ng Jerusalem si Jeroboam at nasalubong niya si Ahias, ang propetang taga-Shilo. Ito'y nag-iisa, at bago ang dalang balabal. 30 Walang anu-ano'y inalis ni Ahias ang kanyang balabal at pinagpunit-punit sa labindalawang piraso. 31 Sabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso sapagkat ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Hahatiin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi. 32 Matitira sa kanya ang isang lipi, alang-alang kay David na aking lingkod at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili mula sa lahat ng lipi ng Israel. 33 Ginawa ko ito sapagkat tinalikuran niya ako at naglingkod siya kay Astarte, ang diyos ng mga Sidonio, kay Cemos, ang diyos ng Edom at kay Molec, ang diyos ng mga Ammonita. Hindi siya namuhay nang ayon sa kalooban ko. Hindi niya ginawa ang gusto ko, at hindi niya sinunod ang aking mga utos at tuntunin. Hindi nga niya sinundan ang halimbawa ni David. 34 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang kaharian habang siya'y nabubuhay. Pananatilihin ko siyang hari alang-alang kay David, ang aking lingkod na tumupad ng aking mga utos. 35 Ngunit kukunin ko ang malaking bahagi ng kaharian mula sa kanyang anak, at ang sampung lipi ay ibibigay ko sa iyo. 36 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanyang anak. Sa gayon, ang lingkod kong si David ay laging magkakaroon ng isang apo na maghahari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko upang doo'y sambahin ako. 37 Ikaw nga ang maghahari sa Israel at ilalagay ko sa ilalim ng iyong pamamahala ang lahat ng lupang magugustuhan mo. 38 Kung susundin mo ang lahat ng aking mga utos, kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban; kung ang iyong mga gawa'y magiging kalugud-lugod sa aking paningin at susundin mo ang aking mga batas at tuntunin, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod, ako'y sasaiyo. Pananatilihin ko ang iyong angkan tulad ng ginawa ko kay David. Ibibigay ko sa iyo ang Israel, 39 at paparusahan ko ang mga anak at apo ni David, ayon sa nararapat sa kanila. Gayunman, ito'y hindi panghabang panahon.’”
40 Dahil dito, sinikap ni Solomon na ipapatay si Jeroboam. Ngunit ito'y nakatakas at nagpunta kay Shishak, hari ng Egipto. Nanatili siya hanggang sa pagkamatay ni Solomon.
Wakas ng Paghahari ni Solomon(C)
41 Ang iba pang kasaysayan ni Solomon, ang kanyang mga ginawa at mga karunungan ay pawang nakasulat sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon. 42 Naghari siya sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon. 43 Nang siya'y mamatay, inilibing ang kanyang bangkay sa Lunsod ni David na kanyang ama. Humalili sa kanya ang anak niyang si Rehoboam.
Naghimagsik ang mga Lipi sa Hilaga(D)
12 Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang lahat ng mga taga-Israel upang siya'y gawing hari. 2 Nasa Egipto pa noon si Jeroboam na anak ni Nebat. Nagtago siya roon noong pinaghahanap siya ni Solomon. Nang mabalitaan ni Jeroboam ang mga pangyayari, umuwi[a] siya mula sa Egipto. 3 Siya'y kanilang ipinasundo mula roon. Humarap nga kay Rehoboam si Jeroboam at ang buong Israel at sinabi sa kanya, 4 “Napakabigat po ng mga pasaning iniatang sa amin ng inyong ama. Bawasan po ninyo ang pahirap na ginawa niya sa amin; pagaanin ninyo ang pasanin na aming dinadala at paglilingkuran namin kayo.”
5 Sumagot si Rehoboam, “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang mapag-aralan ang bagay na ito, at pagkatapos bumalik kayo.” Kaya umalis muna ang mga tao.
6 Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod kay Solomon nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya sa kanila kung ano ang dapat niyang gawin. 7 At ganito ang sabi sa kanya ng matatanda: “Kapag pinagbigyan ninyo ang kanilang kahilingan at ipinakita ninyong handa kayong maglingkod sa kanila, kapag sila'y inyong pinakitunguhang mabuti, maglilingkod sila sa inyo habang panahon.”
8 Ngunit binaliwala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, nagtanong siya sa mga kababata niya na ngayo'y naglilingkod sa kanya, 9 “Ano ang dapat kong isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ko ang pasaning ipinataw sa kanila ng aking ama?”
10 Ganito naman ang payo nila: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina; 11 at daragdagan mo pa ang pahirap na kanyang ipinapasan sa kanila; at kung sila'y hinagupit niya ng latigo, hahagupitin mo naman sila ng mga panghampas na may tinik na bakal.”
12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao, ayon sa iniutos sa kanila ng hari. 13 Salungat sa payo ng matatanda, magaspang ang sagot na ibinigay ni Rehoboam sa mga tao. 14 Ang sinunod niya'y ang payo ng kabataan, kaya't sinabi niya, “Kung mabigat ang dalahing ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan! Kung hinagupit niya kayo ng latigo, panghampas na may tinik na bakal ang ihahagupit ko sa inyo!” 15 Hindi nga pinakinggan ng hari ang karaingan ng bayan. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng propeta ni Yahweh na si Ahias kay Jeroboam na anak ni Nebat nang sila'y magkita sa Shilo.
16 Nang(E) makita ng mga taong-bayan na ayaw silang pakinggan ng hari ay sinabi nila, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Pabayaan na natin ang sambahayan ni David!”
Umuwi na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel. 17 Ang mga naninirahan lamang sa mga lunsod ng Juda ang nanatiling sakop ni Rehoboam.
18 Pagkatapos, pinapunta niya sa sampung lipi si Adoniram,[b] ang tagapangasiwa ng sapilitang pagtatrabaho, ngunit ito ay pinagbabato nila hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas patungo sa Jerusalem. 19 Magmula noon, patuloy na naghimagsik ang sampung lipi ng Israel sa paghahari ng angkan ni David.
Ang Pagtawag kay Saulo(A)
9 Samantala, patuloy ang pagbabanta ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio 2 at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon.[a]
3 Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. 4 Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?”
5 “Sino kayo, Panginoon?” tanong niya.
“Ako si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya. 6 “Tumayo ka't pumasok sa lungsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”
7 Natigilan at hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita. 8 Tumayo si Saulo at pagmulat niya ay hindi siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya at dinala sa Damasco. 9 Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw at hindi rin siya kumain ni uminom.
10 Sa Damasco ay may isang alagad na ang pangala'y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa pamamagitan ng isang pangitain, “Ananias!”
“Ano po iyon, Panginoon,” tugon niya.
11 Sinabi ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon. 12 [Sa isang pangitain],[b] nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang siya'y makakitang muli.”
13 Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po akong nabalitaan tungkol sa taong ito at sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem. 14 At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.”
15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat siya'y pinili ko upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”
17 Pumunta nga si Ananias sa naturang bahay at pumasok dito. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Isinugo niya ako upang muli kang makakita at upang mapuspos ka ng Espiritu Santo.” 18 Noon(B) di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo. 19 Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas.
Nangaral si Saulo sa Damasco
Si Saulo'y ilang araw na kasa-kasama ng mga alagad sa Damasco. 20 At agad siyang nangaral sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang dating umuusig doon sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito nga siya upang sila'y dakpin at dalhing nakagapos sa mga punong pari?”
22 Ngunit lalong naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo at walang maisagot ang mga Judiong naninirahan sa Damasco sa kanyang pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.
23 Pagkaraan(C) ng maraming araw, nagkaisa ang mga Judio na patayin si Saulo. 24 Araw at gabi ay inaabangan nila si Saulo sa mga pintuang-bayan para patayin, ngunit nalaman niya ito. 25 Kaya't isang gabi, inilagay siya ng kanyang mga alagad sa isang basket at ibinabâ sa kabila ng pader.
Ang Mapagpakumbabang Dalangin
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
2 Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
3 Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!
4 Ang taong masama ay nakikinig sa payo ng masama,
at ang sinungaling ay sumusunod sa baluktot na dila.
5 Ang nanlalait sa mahirap ay humahamak sa Maykapal,
at ang nagagalak sa kapahamakan ng iba'y mayroon ding pananagutan.
by