The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Mga Huling Habilin ni Haring David
2 Nang malapit nang mamatay si David, pinagbilinan niya si Solomon ng ganito: 2 “Malapit na akong mamatay. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. 3 Tuparin mo ang iyong tungkulin kay Yahweh na iyong Diyos, at mamuhay ka ayon sa kanyang kalooban. Sundin mo ang kanyang mga batas, utos, hatol at tuntunin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sa gayon, magtatagumpay ka sa lahat mong gawain, 4 at tutuparin ni Yahweh ang pangako niya sa akin: ‘Kapag ang iyong mga anak at susunod na salinlahi ay nanatiling tapat sa akin at sumunod sa akin nang buong puso't kaluluwa, magpapatuloy ang iyong angkan sa trono ng Israel.’
5 “Alam(A) mo ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, nang patayin niya ang dalawang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng Israel na si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Sa pagpatay niya sa dalawang ito, ipinaghiganti sa panahon ng kapayapaan ang dugong dumanak sa panahon ng digmaan. Sa gayo'y dinungisan niya ang aking pangalan bilang marangal na mandirigma. 6 Gawin mo sa kanya ang inaakala mong dapat gawin. Huwag mong hahayaang mamatay siya nang mapayapa.
7 “Ipagpatuloy(B) mo ang magandang pakikitungo sa angkan ni Barzilai na taga-Gilead. Paglaanan mo sila ng upuan sa iyong hapag-kainan, sapagkat tinulungan nila ako noong ako'y tumatakas sa kapatid mong si Absalom.
8 “Huwag(C) mo ring kalilimutan si Simei na taga-Bahurim, ang anak ni Gera na mula sa lipi ni Benjamin. Pinagmumura niya ako noong ako'y umalis patungo sa Mahanaim. Nang masalubong ko siya sa Jordan, ipinangako ko sa pangalan ni Yahweh na hindi ko siya papatayin. 9 Ngunit tiyakin mong siya'y mapaparusahan. Matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin. Iparanas mo sa kanya ang lupit ng kamatayan.”
10 Namatay si Haring David at inilibing sa Lunsod ni David. 11 Apatnapung(D) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.
Si Solomon ay Naging Hari
12 Kaya't(E) nang maupo na si Solomon sa trono ni David bilang bagong hari, matatag na ang kanyang kaharian. 13 Samantala, nilapitan naman ni Adonias na anak ni Haguit ang ina ni Solomon na si Batsheba.
“Kapayapaan ba ang pakay mo?” tanong ni Batsheba.
“Opo! Kapayapaan po!” tugon ni Adonias, 14 at idinugtong niya, “May sasabihin po ako sa inyo!”
“Magpatuloy ka,” sagot ni Batsheba.
15 Nagsalita si Adonias, “Alam po naman ninyo, na ako sana ang naging hari; ito ang inaasahan ng bayan. Ngunit nawala sa akin ang korona at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ang kagustuhan ni Yahweh. 16 Mayroon po akong hihilingin sa inyo. Huwag ninyo sanang ipagkakait sa akin!”
“Sabihin mo,” wika uli ni Batsheba.
17 At(F) nagpatuloy si Adonias, “Alam ko pong hindi siya makakatanggi sa inyo, maaari po bang hingin ninyo sa Haring Solomon na ipagkaloob sa akin na maging asawa ko si Abisag, ang dalagang taga-Sunem?”
18 “Sige! Kakausapin ko ang hari,” sagot ni Batsheba.
19 Kaya't pumunta si Batsheba kay Haring Solomon upang sabihin ang kahilingan ni Adonias. Tumayo ang hari upang siya'y salubungin, yumuko sa kanya, at saka naupo sa kanyang trono. Nagpakuha ng isa pang trono, inilagay sa kanyang kanan at doon pinaupo ang ina.
20 “Mayroon akong isang maliit na kahilingan sa iyo, anak! Huwag mo sana akong tatanggihan,” sabi ng ina.
Sumagot ang hari, “Mahal kong ina, sabihin ninyo! Alam ninyong hindi ko kayo matatanggihan!”
21 Kaya't nagpatuloy si Batsheba: “Ipahintulot mong si Abisag, ang dalagang taga-Sunem, ay maging asawa ng kapatid mong si Adonias.”
22 Sumagot si Haring Solomon sa kanyang ina, “At bakit po ninyo hiniling si Abisag para kay Adonias? Bakit hindi rin ninyo hilinging ibigay ko sa kanya ang trono, sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid; at ang paring si Abiatar, pati si Joab na anak ni Zeruias ay nasa kanyang panig.” 23 Nanumpa noon si Haring Solomon, “Parusahan nawa ako ni Yahweh kapag hahayaan ko pang mabuhay si Adonias dahil sa ginawa niyang ito! 24 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] na naglagay sa akin sa trono ng aking amang si David, at nangakong mananatiling maghahari sa Israel ang aming lahi; sa araw ding ito'y mamamatay si Adonias.”
25 Kaya't iniutos niya kay Benaias na patayin si Adonias, at ganoon nga ang nangyari.
Ang Parusa kay Abiatar
26 Tungkol(G) naman sa paring si Abiatar, siya'y pinagsabihan ng hari, “Pumunta ka sa lupain mo sa Anatot. Dapat ka sanang mamatay. Ngunit hindi kita ipapapatay sa araw na ito alang-alang sa pangangasiwa mo sa Kaban ng Tipan ng Panginoong Yahweh nang kasama ka pa ng aking amang si David, at sa pakikisama mo sa kanya sa mga hirap na kanyang dinanas.” 27 Ngunit(H) tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari ni Yahweh. Sa gayong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh sa Shilo tungkol sa angkan ni Eli.
Ang Pagkamatay ni Joab
28 Ang lahat ng ito'y nabalitaan ni Joab. Sapagkat pumanig siya kay Adonias, kahit hindi siya pumanig kay Absalom, kaya't nagtago siya sa Tolda ni Yahweh at kumapit sa mga sungay ng altar. 29 Nang malaman ni Haring Solomon na nagtago si Joab sa Tolda ni Yahweh sa tabi ng altar, pinapunta roon si Benaias upang siya'y patayin.
30 Pumunta nga si Benaias sa Tolda ni Yahweh at tinawag si Joab, “Iniuutos ng hari na lumabas ka riyan.”
Ngunit sumagot si Joab; “Hindi ako lalabas dito; dito ako mamamatay.”
At sinabi ni Benaias sa hari ang sagot ni Joab. 31 Kaya't iniutos ng hari: “Gawin mo ang sinabi niya. Patayin mo siya at ilibing. Sa gayon, aalisin mo sa lahi ng aking ama ang sumpa sa pagpatay ng mga walang sala. 32 Siya na rin ang sisisihin ni Yahweh sa kanyang sariling pagkamatay, sapagkat pumatay siya ng dalawang lalaking higit na mabuti kaysa kanya, si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Pinatay niya sa pamamagitan ng patalim ang dalawang pinunong ito ng hukbo ng Israel nang hindi nalalaman ng ama kong si David. 33 Ang sumpa ng kanilang dugo ay dadalhin ni Joab at ng kanyang lahi magpakailanman. At patatatagin ni Yahweh si David, ang kanyang lahi at ang kanyang kaharian magpakailanman.”
34 Pinuntahan nga ni Benaias si Joab at pinatay; siya'y inilibing sa kanyang tirahang malapit sa ilang. 35 Si Benaias na anak ni Joiada ang inihalili ng hari kay Joab bilang pinakamataas na pinuno ng hukbo. At ang paring si Zadok naman ang ipinalit kay Abiatar.
Ang Pagkamatay ni Simei
36 Pagkatapos, ipinasundo ng hari si Simei at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem, dito ka tumira, at huwag kang lalabas ng lunsod. 37 At tandaan mo ito: Kapag tumawid ka ng Batis ng Kidron, mamamatay ka; at ikaw na rin ang mananagot sa iyong pagkamatay.”
38 Sumagot si Simei, “Maaasahan po ninyo! Susundin ko po ang inyong utos.” At mahabang panahon ngang nanirahan si Simei sa Jerusalem.
39 Ngunit pagkalipas ng tatlong taon, may dalawang alipin si Simei na tumakas at pumunta kay Aquis na anak ni Maaca, hari ng Gat. At may nagsabi sa kanya na ang mga alipin niya'y nasa Gat. 40 Ipinahanda niya ang kanyang asno at pumunta kay Aquis upang kunin ang kanyang mga alipin. Nakuha nga niya sa Gat ang kanyang mga alipin at siya'y bumalik na.
41 Nabalitaan ni Solomon na si Simei ay umalis ng Jerusalem at nanggaling sa Gat. 42 Ipinatawag siya ng hari at sinabi sa kanya, “Hindi ba't pinanumpa kita sa pangalan ni Yahweh at binalaan pa kita na mamamatay ka kapag nagpunta ka ng ibang lugar? Di ba't ang sagot mo'y susunod ka? 43 Bakit hindi mo iginalang ang sumpa mo kay Yahweh at ang utos ko sa iyo?” 44 At idinagdag pa ng hari, “Alam mo ang mga kasamaang ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, sa iyong ulo ibinabagsak ni Yahweh ang lahat ng iyon. 45 Ngunit pagpapalain niya si Haring Solomon, at sa tulong niya'y magiging matatag ang kaharian ni David.”
46 Iniutos ng hari kay Benaias na patayin si Simei, at ganoon nga ang nangyari. Kaya't naging lubusang matatag ang paghahari ni Solomon.
Ang Karunungan ni Solomon(I)
3 Naging kakampi ni Solomon ang Faraon, hari ng Egipto, nang kanyang pakasalan ang anak nito. Itinira niya ang prinsesa sa lunsod ni David habang hindi pa tapos ang kanyang palasyo, ang bahay ni Yahweh at ang pader ng Jerusalem. 2 Ngunit ang mga taong-bayan ay patuloy pang nag-aalay ng kanilang mga handog sa Diyos sa mga sagradong burol, sapagkat wala pa noong naitatayong bahay sambahan para kay Yahweh.
Si Ananias at si Safira
5 Subalit mayroong mag-asawa na nagbenta ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. 2 Hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan na sinang-ayunan naman ng kanyang asawa. Isang bahagi lamang ang kanyang ipinagkatiwala sa mga apostol. 3 Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? 4 Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”
5 Nang(A) marinig ito ni Ananias, siya'y nalagutan ng hininga at bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot. 6 Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing.
7 Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari. 8 Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?”
“Opo, iyan lamang,” sagot ng babae.
9 Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nila!”
10 Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa. 11 Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.
Ang Pagpapagaling sa mga Maysakit
12 Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya, 13 ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na pinupuri sila ng mga ito. 14 Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing sumasampalataya sa Panginoon. 15 Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat.
Ang Pag-uusig sa mga Apostol
17 Labis na nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. 19 Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa mga tao ang lahat ng bagay tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” 21 Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao.
Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at ng pamunuan ng Israel. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol, 22 ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Kapulungan at nag-ulat, 23 “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” 24 Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol.
25 Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”
26 Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Kinuha nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka pagbabatuhin sila ng mga tao.
27 Iniharap nila sa Kapulungan ang mga apostol at ang mga ito'y tinanong ng pinakapunong pari. 28 “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng taong iyan?” sinabi(B) niya. “Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” 29 Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipinako sa krus.[a] 31 Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran. 32 Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
33 Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Kapulungan nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol. 34 Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, 35 at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. 36 Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. 37 Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. 38 Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. 39 Ngunit(C) kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!”
Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel. 40 Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya. 41 Nilisan ng mga apostol ang Kapulungan at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 At araw-araw, sa Templo at sa mga bahay-bahay, walang tigil silang nagturo at nangaral ng magandang balita tungkol kay Jesus, ang Cristo.
Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
2 Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
gayon nagtatanggol
sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.
3 Taong masasama
ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
4 Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
5 Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.
Kapayapaan para sa Israel!
25 May(A) daang matuwid sa tingin ng tao,
ngunit kamatayan ang dulo nito.
by