The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Kamatayan ni Jehu
32 Nang panahong iyon, pinabayaan ni Yahweh na masakop ng ibang kaharian ang ibang lupain ng Israel. Unti-unti na silang nasasakop ni Hazael. 33 Nakuha na sa kanila ang gawing silangan ng Jordan: ang buong Gilead, Gad, Ruben at Manases mula sa Aroer, sa may kapatagan ng Arnon, pati ang Gilead at ang Bashan.
34 Ang iba pang ginawa ni Jehu ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 35 Namatay siya at inilibing sa Samaria at ang anak niyang si Joahaz ang pumalit sa kanya bilang hari. 36 Naghari si Jehu sa Israel sa loob ng dalawampu't walong taon.
Inagaw ni Atalia ang Trono(A)
11 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazias, sinikap niyang patayin ang lahat ng kamag-anak ng hari. 2 Ngunit si Joas na anak ni Ahazias ay naitakas ng tiya niyang si Jehoseba na anak ni Haring Jehoram at kapatid ni Ahazias. Itinago niya ito pati ang tagapag-alaga sa isang silid kaya hindi napatay ni Atalia. 3 Pagkatapos, dinala niya ito sa Templo ni Yahweh at anim na taóng itinago roon habang si Atalia ang naghahari sa lupain.
4 Ngunit nang ikapitong taon ng pamumuno ni Atalia, ipinatawag ni Joiada ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay sa palasyo at pinapunta sa loob ng Templo. Pinagtibay nila roon ang isang kasunduan sa pangalan ni Yahweh. Pagkatapos, iniharap sila sa anak ng hari. 5 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang gagawin ninyo: ang ikatlong bahagi ng mga bantay para sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa palasyo ng hari. 6 Ang isang ikatlong bahagi ay sa Pintuang Sur at ang isa pang bahagi ay sa may pagpasok sa likuran ng mga tagapagdala ng balita. 7 Ang dalawang pangkat namang hindi nanunungkulan sa Araw ng Pamamahinga 8 ang magbabantay sa hari. Sinumang lumapit ay patayin ninyo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari kahit saan magpunta.”
9 Sinunod ng mga pinuno ang lahat ng iniutos sa kanila ng paring si Joiada. Isinama nila kay Joiada ang kani-kanilang tauhan, pati ang hindi nakatalagang manungkulan kung Araw ng Pamamahinga. 10 At ibinigay ni Joiada sa mga opisyal ang mga kagamitan ni Haring David: ang mga sandata at pananggalang na nasa Templo ni Yahweh. 11 At bawat kawal ay tumayo sa kanya-kanyang lugar at nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba'y sa gawing timog, ang iba'y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari. 12 Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binuhusan ng langis, at ipinahayag na hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: “Mabuhay ang hari!”
13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga bantay at ng taong-bayan, pinuntahan niya ang mga ito sa Templo ni Yahweh. 14 Pagdating(B) doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa tabi ng isang haligi sa harapan ng Templo, tulad ng kaugalian. Ang mga opisyal at ang mga taga-ihip ng trumpeta ay nakatayo sa tabi ng hari. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuotan at malakas na sinabi, “Ito'y isang malaking kataksilan!”
15 Iniutos ng paring si Joiada sa mga opisyal ng hukbo, “Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang magtatangkang magligtas sa kanya. Ngunit huwag ninyo silang papatayin sa loob ng Templo ni Yahweh.” 16 Siya'y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay.
Ang mga Pagbabagong Isinagawa ni Joiada(C)
17 Pagkatapos, pinanumpa ni Joiada si Haring Joas at ang taong-bayan na maging tapat bilang sambayanan ni Yahweh. Pinanumpa rin niya sa isang kasunduan ang hari at ang sambayanan. 18 Pagkatapos, pumunta ang mga tao sa templo ni Baal. Giniba nila ito at winasak pati ang rebulto ni Baal. Pinatay nila sa harap ng altar si Matan na isang pari ni Baal. At si Joiada ay naglagay ng mga bantay sa Templo ni Yahweh. 19 Tinipon niya ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay ng palasyo at sinamahan nila ang hari mula sa Templo ni Yahweh hanggang sa palasyo kasunod ang mga tao. Pumasok si Joas sa pintuan ng bantay at umupo siya sa trono bilang hari. 20 Nagdiwang ang bayan. At naging mapayapa sila mula nang patayin si Atalia sa tirahan ng hari.
21 Si Joas ay pitong taóng gulang nang maging hari ng Juda.
Ang Paghahari ni Joas sa Juda(D)
12 Nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel, si Joas ay nagsimulang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Ang kanyang ina ay si Zibia na taga-Beer-seba. 2 Sa buong buhay niya'y naging kalugud-lugod siya kay Yahweh dahil sa pagtuturo sa kanya ng paring si Joiada. 3 Gayunman, hindi niya naipagiba ang mga dambana para sa mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao na maghandog ng hain at magsunog ng insenso doon.
4 Minsan,(E) sinabi ni Joas sa mga pari, “Ipunin ninyo sa Templo ang salaping ibinayad kaugnay ng mga handog—ang bayad para sa mga karaniwang handog at ang salaping ibinigay ng kusang-loob. 5 Ang salapi ay tatanggapin ng bawat pari mula sa mga tao upang gamitin sa pagpapaayos ng anumang sira sa Templo.” 6 Ngunit dalawampu't tatlong taon nang naghahari si Joas ay wala pang naipapaayos sa Templo ang mga pari. 7 Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Joiada at ang iba pang pari. “Bakit hindi pa ninyo inaayos ang mga sira sa Templo?” tanong niya sa mga ito. “Mula ngayon, hindi na kayo ang tatanggap ng salaping para sa pagpapaayos ng Templo.” 8 Sumang-ayon naman ang mga pari na hindi na sila ang tatanggap ng salapi sa mga tao at hindi na rin sila ang mamamahala sa pagpapaayos ng Templo.
9 Kumuha ng kahon ang paring si Joiada at binutasan niya ang takip nito. Inilagay niya ito sa tabi ng dambana, sa gawing kanan ng pintuan ng Templo ni Yahweh. Doon inilalagay ng mga paring nagbabantay sa pinto ang lahat ng salaping ibinibigay ng mga tao. 10 At kapag marami nang laman ang kahon, binibilang ito ng Pinakapunong pari at ng kalihim ng hari, saka inilalagay sa mga supot. 11 Pagkatapos timbangin ang mga salaping naipon, ibinibigay nila ito sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga karpintero at sa mga manggagawa, 12 sa mga kantero at sa mga nagtatapyas ng adobe. Dito rin nila kinukuha ang pambili ng mga kahoy, ng mga batong tinapyas at ng iba pang kailangan sa pagpapaayos ng Templo ni Yahweh. 13 Ang nalikom na salaping ito'y hindi nila ginagamit sa paggawa ng mga palangganang pilak, mga pantabas ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta o anumang kasangkapang yari sa ginto o pilak. 14 Lahat ng malikom ay ibinabayad nila sa mga manggagawa at ibinibili ng mga kasangkapan para sa pagpapaayos ng Templo. 15 Hindi(F) na nila hinihingan ng ulat ang mga namamahala sa mga gawain sapagkat matatapat ang mga ito. 16 Ang(G) salaping mula sa handog na pambayad ng kasalanan at ang salaping mula sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay hindi na inilalagay sa kaban sapagkat nakalaan iyon sa mga pari.
17 Nang panahong iyon, ang lunsod ng Gat ay sinalakay at sinakop ni Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos, tinangka naman niyang salakayin ang Jerusalem. 18 Kaya kinuha ni Haring Joas ang mga kaloob na nalikom ng mga ninuno niyang sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazias na naging mga hari ng Juda, pati na rin ang mga kaloob na kanyang nalikom. Kinuha rin niya ang mga ginto at pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo, at ipinadala kay Haring Hazael. Dahil dito, hindi na sinalakay ni Hazael ang Jerusalem.
19 Ang iba pang mga ginawa ni Joas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Nagkaisa ang kanyang mga opisyal laban sa kanya at pinatay siya ng mga ito sa bayan ng Millo, sa may papuntang Sila. 21 Ang pumatay sa kanya ay ang mga opisyal niyang si Josacar na anak ni Simeat at si Jozabad na anak ni Somer. Inilibing si Joas sa libingan ng mga hari, sa lunsod ni David. Humalili sa kanya ang anak niyang si Amazias bilang hari.
Sa Corinto
18 Pagkatapos, umalis si Pablo sa Atenas at nagpunta sa Corinto. 2 Nakilala niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Emperador Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, 3 at dahil sila'y manggagawa ng tolda tulad niya, siya ay nakitira sa kanila, at siya'y nagtrabahong kasama nila. 4 Tuwing Araw ng Pamamahinga, si Pablo ay nakikipagpaliwanagan sa mga sinagoga, at sinisikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat, maging Judio o Griego.
5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. 6 Nang siya'y salungatin at laitin ng mga ito, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayo'y sa mga Hentil na ako mangangaral.” 7 Kaya't umalis siya roon at tumira sa bahay ni Ticio[a] Justo, isang Hentil na may takot sa Diyos. Katabi ng sinagoga ang bahay nito. 8 Si Crispo, na tagapamahala ng sinagoga, at ang kanyang sambahayan ay nanalig sa Panginoon. Marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9 Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari'y huwag kang titigil 10 sapagkat ako'y nasa iyo. Hindi ka maaano sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11 Kaya't nanatili siya roon at ipinangaral niya ang salita ng Diyos sa loob ng isang taon at kalahati.
12 Subalit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, nagsama-sama ang mga Judio sa pagdakip kay Pablo at pagdadala sa kanya sa hukuman. 13 Pagdating nila doon ay sinabi nila, “Hinihikayat ng taong ito ang mga mamamayan na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas!”
14 Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatuwirang pakinggan ko kayo. 15 Subalit ang sakdal ninyo'y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan, at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya kayo na ang bahalang lumutas niyan. Ayaw kong humatol sa bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Kaya't si Sostenes na tagapamahala ng sinagoga ang sinunggaban nila at binugbog sa harapan ng hukuman. Hindi naman iyon pinansin ni Galio.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
18 Pagkatapos(A) nito, matagal pang nanatili si Pablo sa Corinto at saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpagupit siya ng buhok sapagkat natupad na niya ang kanyang panata.[b] Sumakay siya sa barkong papuntang Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. 19 Pagdating sa Efeso, iniwan ni Pablo ang dalawa, at siya'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio at nakipagpaliwanagan sa mga naroon. 20 Hiniling nilang tumigil siya roon nang mahaba-habang panahon, ngunit siya'y tumanggi. 21 Sa halip, sinabi niya nang siya'y magpaalam sa kanila, “Babalik ako rito, kung loloobin ng Diyos.” Umalis siya sa Efeso, sakay ng isang barko.
22 Pagdating sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya. Pagkatapos, siya'y nagtuloy sa Antioquia.
Awit ng Pagpupuri
Katha ni David.
145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
2 aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
3 Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
4 Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
5 Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
6 Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
7 Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
8 Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
9 Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
hindi magbabago.
Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.
21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
18 Ang taong makasarili ay humihiwalay sa karamihan,
at salungat sa lahat ng tamang isipan.
by