Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Mga Hari 3:1-4:17

Ang Digmaan ng Israel at Moab

Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, si Joram[a] namang anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel. Labindalawang taon siyang naghari sa Samaria, ang kabisera ng Israel. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Subalit hindi siya naging kasinsama ng kanyang ama o ng kanyang ina na si Jezebel sapagkat ipinaalis niya ang rebulto ni Baal na ipinagawa ng kanyang ama. Ngunit tulad ni Haring Jeroboam na anak ni Nebat, si Joram[b] ay naging dahilan din upang magkasala ang Israel at hindi niya ito pinagsisihan.

Hinulaan ni Eliseo ang Tagumpay Laban sa Moab

Maraming tupa si Haring Mesa ng Moab at taun-taon ay nagbubuwis siya sa Israel ng sandaang libong kordero at balahibo ng sandaang libong tupa. Ngunit nang mamatay si Ahab, naghimagsik siya laban sa Israel. Kaya, mula sa Samaria'y tinipon ni Haring Joram[c] ang lahat ng mga kawal ng Israel. Nagpadala siya ng sugo kay Haring Jehoshafat ng Juda at ipinasabing naghimagsik laban sa kanya ang hari ng Moab. Ipinatanong niya kung tutulungan siya sa pakikipagdigma laban dito. Ganito naman ang sagot ni Jehoshafat: “Tutulungan kita sampu ng aking mga tauhan at kabayo. Saan kami dadaan sa aming paglusob?” tanong pa niya.

“Sa ilang ng Edom,” sagot ni Joram.[d]

Kaya, nagsama-sama ang sandatahang-lakas ng mga hari ng Israel, Juda at Edom. Makaraan ang pitong araw nilang paglalakad, naubusan sila ng tubig. Wala nang mainom ang mga kawal at ang mga hayop. 10 Dahil dito, sinabi ng hari ng Israel, “Tayong tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita.”

11 Itinanong ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta para makasangguni tayo kay Yahweh?” Sumagot ang isa sa mga opisyal ng hari ng Israel, “Narito po si Eliseo, ang anak ni Safat at dating lingkod ni Elias.”

12 Sinabi ni Jehoshafat, “Siya ay tunay na propeta ni Yahweh.” At ang tatlong hari ay pumunta kay Eliseo.

13 Tinanong ni Eliseo ang hari ng Israel, “Bakit sa akin kayo lumalapit at hindi sa mga propetang nilapitan ng inyong ama't ina?”

“Sapagkat kaming tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita,” sagot ng hari.

14 Sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, na siyang aking pinaglilingkuran.[e] Kung hindi lang dahil kay Haring Jehoshafat ng Juda, ni hindi kita papansinin. 15 Dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” Ganoon nga ang ginawa nila. Nang tumutugtog na ito, si Eliseo'y nilukuban ng kapangyarihan ni Yahweh. 16 At sinabi niya, “Sinasabi ni Yahweh na pababahain niya ang tuyong batis na ito. 17 Hindi uulan ngunit mapupuno ng tubig ang batis na ito para may mainom kayo at ang inyong mga hayop. 18 Hindi lamang iyan ang gagawin niya sa inyo. Ibibigay niya sa inyong mga kamay ang mga Moabita. 19 Kaya't masasakop ninyo ang kanilang magagandang lunsod na napapaligiran ng mga pader. Ibubuwal ninyo ang kanilang mga punongkahoy, sasarhan ang mga batis at tatambakan ng bato ang kanilang mga bukirin.”

20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, nakita nilang umaagos ang tubig mula sa Edom at naging masagana sa tubig ang lupaing iyon.

21 Nabalitaan ng mga Moabita na nagsama-sama ang tatlong hari upang sila'y digmain. Kaya, tinipon nila ang lahat ng maaaring humawak ng sandata mula pinakabata hanggang pinakamatanda at ipinadala sa labanan. 22 Kinaumagahan, nakita nila ang tubig na kasimpula ng dugo dahil sa sikat ng araw. 23 Kaya sinabi nila, “Dugo! Marahil ay naglaban-laban ang mga hari at sila-sila'y nagpatayan. Lusubin na natin sila at samsamin ang kanilang ari-arian!”

24 Ngunit pagdating nila sa himpilan ng mga Israelita, sinugod sila ng mga ito. Umurong ang mga Moabita ngunit tinugis sila ng mga Israelita at pinatay ang bawat abutan. 25 Winasak nila ang mga lunsod sa Moab at lahat ng bukirin ay tinambakan nila ng bato. Hinarangan nila ang lahat ng batis, at ibinuwal ang lahat ng punongkahoy. Wala nang natitirang lunsod kundi ang Kir-hareset, kaya't kinubkob ito ng mga maninirador na Israelita.

26 Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila ng mga kaaway, nagtipon siya ng pitong daang kawal na sanay sa paggamit ng espada upang makalusot sila sa kinaroroonan ng hari ng Edom. Ngunit hindi sila nakalusot. 27 Kaya, kinuha niya ang panganay niyang lalaki, ang magmamana ng kanyang korona at sinunog bilang handog sa ibabaw ng pader. Nang makita ito ng mga Israelita, sila'y kinilabutan. Kaya umatras na sila at umuwi sa kanilang lupain.

Tinulungan ni Eliseo ang Isang Biyuda

Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay gustong gawing alipin ng isa sa mga pinagkakautangan namin.”

“Ano ang maitutulong ko sa iyo?” tanong ni Eliseo. “Ano bang mayroon ka sa bahay mo?”

“Wala po, maliban sa isang boteng langis,” sagot niya.

Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang iyong mga kapitbahay at humiram ka ng mga lalagyan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram. Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng lalagyang nahiram mo'y punuin mo ng langis na nasa bahay mo. Itabi mo ang mga napuno na.” Umuwi nga ang babae at pagdating sa bahay ay nagkulong silang mag-iina at isa-isang pinuno ng langis ang mga lalagyan habang ang mga ito'y dinadala sa kanya ng kanyang mga anak.

Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: “Abutan pa ninyo ako ng lalagyan.”

“Puno na pong lahat,” sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang pagdaloy ng langis.

Pumunta siya kay Eliseo, ang lingkod ng Diyos at isinalaysay ang nangyari. Sinabi ni Eliseo sa babae, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.”

Si Eliseo at ang Sunamita

Minsan, si Eliseo'y pumunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na iyon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong isang banal na lingkod ng Diyos ang taong ito. 10 Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilawan.”

11 Isang araw, bumalik nga roon si Eliseo at doon siya nagpahinga sa silid na inihanda para sa kanya. 12 Tinawag niya ang katulong niyang si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Tinawag nga nito ang babae at di nagtagal ay dumating ang babae. 13 Sinabi niya sa kanyang katulong, “Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may gusto siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.”

“Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,” sagot ng babae.

14 Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Gehazi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?”

Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak at matanda na ang kanyang asawa.”

15 “Tawagin mo siyang muli,” utos ni Eliseo. Kaya't bumalik ang babae at tumayo sa may pintuan. 16 Sinabi(A) sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ay mayroon ka nang anak na lalaking kakalungin.”

Sinabi ng babae, “Mahal na lingkod ng Diyos, huwag na po ninyo akong paasahin.”

17 Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ng halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya.

Mga Gawa 14:8-28

Sa Listra

Sa Listra ay may isang lalaking hindi nakakalakad dahil lumpo na ito mula pa nang ito'y isilang. Siya'y nakaupong nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo ay may pananampalatayang siya'y mapapagaling, tinitigan niya ang lumpo 10 at malakas na sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad.

11 Nang makita ng mga taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nasa bungad ng lungsod ang templo ni Zeus. Ang pari ni Zeus ay nagdala ng mga toro at mga kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lungsod. Nais ng pari at ng mga tao na maghandog sa mga apostol.

14 Nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila, 15 “Mga(A) ginoo, huwag ninyong gawin iyan! Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinapangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran ninyo ang mga walang kabuluhang bagay na iyan, at manumbalik kayo sa Diyos na buháy na lumikha ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroroon. 16 Sa mga panahong nakalipas, hinayaan niyang gawin ng lahat ng bansa anuman ang kani-kanilang maibigan. 17 Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin sina Bernabe at Pablo na pigilan ang mga tao na sila'y alayan ng mga handog.

19 Ngunit may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga taga-Listra laban kay Pablo, kaya't siya'y pinagbabato nila. Pagkatapos, siya ay kinaladkad nila sa labas ng bayan, sa pag-aakalang siya'y patay na, 20 subalit nang dumating ang mga alagad at palibutan siya, tumayo si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagpunta sila ni Bernabe sa Derbe.

Ang Pagbabalik sa Antioquia

21 Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia. 22 Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad. 23 Sa bawat iglesya ay nagtalaga sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan.

24 Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia. 25 Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos para sa gawaing kanilang natapos na.

27 Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong nagbukas siya ng pagkakataon sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin. 28 At matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.

Mga Awit 140

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

140 Sa mga masama ako ay iligtas,
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
sila'y nagpaplano at kanilang hangad
    palaging mag-away, magkagulo lahat.
Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
    tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]

Sa mga masama ako ay iligtas;
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
    na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
    ako ay masilo, sa bitag hulihin,
    sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]

Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
    Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
    nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
Taong masasama, sa kanilang hangad
    ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]

Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
    pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
    itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
    ang marahas nama'y bayaang mapuksa.

12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
    at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
    ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!

Mga Kawikaan 17:22

22 Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan,
    at ang malungkuti'y unti-unting namamatay.