The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
Si Elias at ang mga Propeta ni Baal
18 Pagkalipas ng ilang panahon, nang ikatlong taon na ng tagtuyot, sinabi ni Yahweh kay Elias, “Pumunta ka na kay Ahab. Malapit na akong magpadala ng ulan sa lupaing ito.” 2 At nagpunta nga si Elias kay Ahab.
Napakatindi noon ng taggutom sa Samaria, 3 kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias, ang tagapangasiwa ng palasyo. Si Obadias ay may takot kay Yahweh. 4 Nang kasalukuyang ipinapapatay ni Jezebel ang mga propeta ni Yahweh, nailigtas ni Obadias ang sandaan sa mga ito. Itinago niya ang mga ito sa isang yungib, tiglilimampu ang bawat pangkat, at binigyan niya ng pagkain at tubig. 5 Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Tayo na! Galugarin natin ang buong lupain at tingnan ang bawat ilog at libis. Baka makakita tayo roon ng sapat na damo upang huwag mamatay sa gutom ang ating mga kabayo, mola at baka.” 6 Naghiwalay sila sa paghahanap ng pagkain sa buong kaharian: si Ahab sa isang panig at si Obadias naman sa kabila.
7 Sa paglalakbay ni Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya ang propeta, kaya't nagpatirapa siya at sinabi, “Kayo nga ba iyan, mahal na propetang Elias?”
8 “Ako nga,” sagot naman nito. “Pumunta ka sa iyong panginoong si Ahab at sabihin mong narito ako.”
9 Ganito naman ang sagot ni Obadias: “Ano pong kasalanan ang nagawa ko sa inyo at gusto ninyo akong mapatay ni Ahab? 10 Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos,[a] hinahanap kayo ni Haring Ahab sa bawat bansa sa daigdig. At kapag may nagsabing wala kayo roon, ayaw niyang maniwala hangga't hindi sila nanunumpa na kayo'y talagang hindi nila nakita. 11 At ngayo'y pinapapunta ninyo ako sa kanya para sabihing narito kayo? 12 Ano ngayon ang mangyayari? Sa sandaling ako'y umalis upang sabihin kay Ahab na narito kayo ay dadalhin naman kayo ng Espiritu[b] ni Yahweh sa lugar na hindi ko alam. At kapag hindi nila kayo nakita, ako ang kanyang papatayin. Maawa kayo sa akin, sapagkat ako po naman ay may takot kay Yahweh mula pa sa pagkabata. 13 Hindi po ba ninyo nababalitaan na may sandaang propeta ni Yahweh ang aking iniligtas noong sila'y gustong patayin ni Jezebel? Itinago ko sila sa isang yungib, tiglilimampu bawat pangkat, at dinalhan ko sila roon ng pagkain at tubig. 14 At ngayon, pinapapunta ninyo ako kay Ahab upang sabihing narito kayo? Tiyak na papatayin niya ako.”
15 Ngunit sinabi sa kanya ni Elias: “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat,[c] haharap ako kay Ahab sa araw na ito.”
16 Hinanap nga ni Obadias si Ahab at sinabi ang lahat ng ipinapasabi ni Elias. At lumakad si Ahab upang salubungin ang propeta. 17 Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?”
18 “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo'y ang mga imahen ni Baal. 19 Ngayo'y tipunin ninyo ang buong Israel at ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera na pinapakain ni Jezebel, at magtutuos kami sa Bundok ng Carmel,” sagot ni Elias.
20 Tinipon nga ni Ahab sa Bundok ng Carmel ang buong bayang Israel at ang mga propeta ni Baal. 21 Lumapit si Elias at sinabi sa taong-bayan, “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung si Yahweh ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan. 22 Muling nagsalita si Elias, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ni Yahweh, samantalang may apatnaraan at limampu ang mga propeta ni Baal. 23 Magdala kayo rito ng dalawang toro. Hayaan ninyong ang isa sa mga ito ay patayin ng mga propeta ni Baal, at pagkatapos ay katayin at ilagay sa ibabaw ng mga kahoy. Huwag ninyong sisindihan. Gayundin naman ang gagawin ko sa isa pang toro. 24 Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman si Yahweh. Ang diyos na tumugon sa pamamagitan ng apoy, ang siyang tunay na Diyos.”
At sumagot ang bayan, “Sang-ayon kami!”
25 Sinabi naman ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag ninyong sisindihan ang kahoy.”
26 Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihanda ito. Mula umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng altar na itinayo nila. Ngunit walang sumasagot.
27 Nang katanghalian na'y hinamak na sila ni Elias. Sabi niya, “Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya'y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya't kailangang gisingin!” 28 Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila. 29 Patuloy silang nagsigawan at nag-ungulan hanggang inabot sila ng hapon ngunit wala pa ring tinig o anumang sagot.
30 Nagsalita si Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang altar ni Yahweh na matagal nang gumuho. 31 Kumuha(A) siya ng labindalawang bato, katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ni Yahweh ng pangalang Israel. 32 Ang mga bato'y ginawa niyang altar para kay Yahweh. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na maaaring maglaman ng dalawang baldeng tubig. 33 Isinalansan niya ang mga kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Ganoon nga ang ginawa nila. 34 “Buhusan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binuhusan nila. “Isa pang buhos,” utos uli ni Elias. Tatlong beses nga nilang binuhusan ang handog hanggang sa 35 umagos ang tubig sa paligid ng altar at umapaw sa kanal.
36 Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng altar at nanalangin, “Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito sapagkat ito ang inyong utos. 37 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh, upang malaman ng bayang ito na kayo lang ang Diyos at nais ninyo silang magbalik-loob.”
38 Noon di'y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. 39 Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpatirapa sila at sumigaw, “Si Yahweh ang Diyos! Si Yahweh lang ang Diyos!”
40 Iniutos ni Elias, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Hinuli nga sila ng mga mamamayan at dinala ni Elias sa batis ng Kison, at pinagpapatay doon.
41 Sinabi ni Elias kay Ahab, “Lumakad ka na! Maaari ka nang kumain at uminom. Naririnig ko na ang pagbuhos ng ulan.” 42 Samantalang(B) si Ahab ay kumakain at umiinom, umakyat si Elias sa taluktok ng Bundok Carmel at sumubsob sa lupa. 43 Sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tanawin mo ang dagat.”
Umakyat nga ang utusan at tumanaw sa dagat. “Wala po akong makitang anuman,” wika ng utusan.
“Pitong beses mo pang gawin ang sinabi ko,” utos ni Elias. 44 Sa ikapitong pagtanaw, napasigaw ang utusan, “May nakikita po akong ulap kasinlaki ng palad na tumataas mula sa dagat.”
“Magmadali ka!” sabi ni Elias. “Sabihin mo kay Ahab na ihanda ang kanyang karwahe at umuwi na agad. Baka siya'y hindi makaalis dahil sa ulan.”
45 Hindi nagtagal at nagdilim ang langit sa kapal ng ulap, lumakas ang hangin at biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sumakay si Ahab sa karwahe at nagmamadaling nagtungo sa Jezreel. 46 Lumukob kay Elias ang kapangyarihan ni Yahweh. Hinigpitan ni Elias ang pagkatali sa kanyang damit at tumakbo sa unahan ng karwahe ni Ahab hanggang sa pagpasok sa Jezreel.
Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. 2 Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na naniniwalang dapat tuliin ang mga Hentil. 3 “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga di-tuling Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila.
4 Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari.
5 “Ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. 7 Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ 8 Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.’ 9 Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ 10 Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon.
11 “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko[a] ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila kahit sila'y mga Hentil. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. 13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. 14 Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’
15 “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una. 16 At(A) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?”
18 Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan upang mabuhay!”
Ang Iglesya sa Antioquia
19 May mga mananampalatayang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban, na nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. 20 Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay ipinangaral din sa mga Griego[b] ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus.
22 Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.
25 Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, 26 at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.
27 Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. 28 Tumayo(B) ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio. 29 Napagpasyahan ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. 30 Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo.
Awit ng Pagpupuri
135 Purihin si Yahweh!
Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
2 Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
3 Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
4 Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.
5 Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
6 anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
7 Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.
8 Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
9 Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(A) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!
19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.
Purihin si Yahweh!
12 Mabuti pang harapin ang inahing osong inagawan ng anak
kaysa kausapin ang isang mangmang na lublob sa kahangalan.
13 Kapag masama ang iginanti sa mabuting ginawa,
ang kapahamakan sa buhay ay di mawawala.
by