The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh kay Hosea, na anak ni Beeri. Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias. Si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari noon ng Israel.
Ang Asawa at mga Anak ni Hosea
2 Nang unang mangusap si Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya, “Mag-asawa ka ng isang babaing nakikipagtalik sa iba-ibang mga lalaki. Magkaroon ka ng mga anak sa kanya. Sapagkat katulad din ng babaing iyan, ang mga tao sa lupaing ito ay nagtaksil sa akin.”
3 Napangasawa nga ni Hosea si Gomer na anak ni Diblaim. Di nagtagal, ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. 4 Sinabi(B) ni Yahweh kay Hosea, “Jezreel[a] ang ipapangalan mo sa bata sapagkat paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa maramihang pagpaslang sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng Israel. 5 Sa araw na iyon, wawasakin ko sa libis ng Jezreel ang lakas ng hukbong Israel.”
6 Naglihing muli si Gomer at isang babae naman ang kanyang naging anak. Sabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siyang Lo-ruhama[b] sapagkat hindi ko na kahahabagan ni patatawarin man ang Israel. 7 Ngunit kahahabagan ko ang sambahayan ni Juda. Ililigtas ko sila, subalit hindi sa pamamagitan ng pana, tabak, digmaan, mga kabayo, ni ng mga mangangabayo man, kundi sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan.”
8 Nang si Lo-ruhama ay mahiwalay na sa pagpapasuso ng ina, naglihi muli si Gomer at nagsilang ng isang lalaki. 9 At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siyang Lo-ammi,[c] sapagkat ang Israel ay hindi ko na ituturing na aking bayan at hindi na ako ang kanilang Diyos.”
Ang Israel ay Panunumbalikin
10 Gayunma'y(C) magiging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga taga-Israel, hindi mabibilang dahil sa sobrang dami. Ngayo'y sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi ko bayan,” ngunit darating ang panahon na sasabihin sa kanila, “Kayo ang mga anak ng Diyos na buháy.”
11 Muling magkakasama ang mga taga-Juda at mga taga-Israel; itatalaga nila ang isang pinuno, at muli silang uunlad at magiging sagana sa kanilang lupain. Ang araw na iyon ay magiging isang dakilang araw sa Jezreel.
2 Kaya't tatawagin ninyo ang inyong mga kapwa Israelita na “Ammi”[d] at “Ruhama”.[e]
Ang Taksil na si Gomer—ang Taksil na Israel
2 Pakiusapan mo ang iyong ina, pakiusapan mo siya,
sapagkat hindi ko na siya itinuturing na asawa,
at wala na akong kaugnayan sa kanya.
Pakiusapan mo siyang itigil ang pangangalunya,
at tigilan na ang kanyang kataksilan.
3 Kung hindi'y huhubaran ko siya
tulad ng isang sanggol na bagong silang;
gagawin ko siyang tulad ng disyerto,
tulad ng isang tigang na lupa,
at hahayaan ko siyang mamatay sa uhaw.
4 Hindi ko kakahabagan ang kanyang mga anak,
sapagkat sila ay mga anak sa pagkakasala.
5 Ang kanilang ina ay naging taksil na asawa;
at siyang sa kanila'y naglihi ay naging kahiya-hiya.
Sinabi pa nga niya, “Susundan ko ang aking mga mangingibig,
na nagbibigay ng aking pagkain at inumin,
ng aking damit at balabal, langis at alak.”
6 Dahil dito, haharangan ko ng mga tinik ang kanyang mga landas;
paliligiran ko siya ng pader,
upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
7 Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig,
ngunit sila'y hindi niya maaabutan.
Sila'y kanyang hahanapin,
ngunit hindi niya matatagpuan.
Kung magkagayon, sasabihin niya,
“Babalik ako sa aking unang asawa,
sapagkat higit na mabuti ang buhay ko sa piling niya noon kaysa kalagayan ko ngayon.”
8 Hindi niya kinilalang
ako ang nagbigay sa kanya
ng pagkaing butil, ng alak at ng langis.
Sa akin nanggaling ang pilak
at ginto na ginagamit niya sa pagsamba kay Baal.
9 Kaya't babawiin ko
ang pagkaing butil na aking ibinigay
maging ang bagong alak sa kapanahunan nito.
Babawiin ko rin ang mga damit at balabal,
na itinakip ko sa kanyang kahubaran.
10 Ngayo'y ilalantad ko ang kanyang kahubaran
sa harapan ng kanyang mga mangingibig,
walang makakapagligtas sa kanya mula sa aking mga kamay.
11 Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang pagdiriwang,
ang mga kasayahan at mga araw ng pangilin,
gayundin ang lahat ng itinakda niyang kapistahan.
12 Sasalantain ko ang kanyang mga ubasan at mga punong igos,
na sinasabi niyang upa sa kanya ng kanyang mga mangingibig.
Lahat ng iyan ay kakainin ng mga hayop,
at masukal na gubat ang kauuwian.
13 Paparusahan ko siya dahil sa mga kapistahan, na kanyang ipinagdiwang sa karangalan ni Baal;
nagsunog siya ng insenso sa mga diyus-diyosan,
nagsuot din siya ng mga singsing at alahas,
pagkatapos ay humabol sa kanyang mga mangingibig,
at ako'y kanyang nilimot, sabi ni Yahweh.
Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Kanyang Bayan
14 “Ngunit masdan mo, siya'y muli kong susuyuin,
dadalhin ko sa ilang,
kakausapin nang buong giliw.
15 Doon(D) ay ibabalik ko sa kanya ang kanyang mga ubasan,
at gagawin kong pinto ng pag-asa ang Libis ng Kaguluhan.
Tutugon naman siya tulad noong panahon ng kanyang kabataan,
nang siya'y ilabas ko sa lupain ng Egipto.”
16 “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “Ang itatawag mo sa akin ay ‘Aking Asawa,’ at hindi mo na ako tatawaging ‘Aking Baal.’ 17 Sapagkat ipalilimot ko na sa iyo ang mga pangalan ng mga Baal, at hindi na muling ipababanggit ang mga ito. 18 Sa araw na iyon, alang-alang sa iyo, makikipagkasundo ako sa mga hayop sa parang, sa mga ibon sa kalawakan, sa mga nilikhang sa lupa'y gumagapang. Aalisin ko sa lupain ang pana, ang espada at ang digmaan. Upang kayo'y makapagpahingang matiwasay.
19 Ikaw ay magiging aking asawa magpakailanman, Israel;
mabubuklod tayo sa katuwiran at katarungan,
sa wagas na pag-ibig at sa pagmamalasakit sa isa't isa.
20 Ikaw ay magiging tapat kong asawa,
at kikilalanin mong ako nga si Yahweh.”
21 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh,
“Tutugunin ko ang panalangin ng aking bayan,
magkakaroon ng ulan upang ibuhos sa lupa.
22 Sa gayon, sasagana sa lupain ang pagkaing butil, ang alak at ang langis.
Ito naman ang katugunan sa pangangailangan ng Jezreel.
23 Sa(E) panahon ding iyon ay ibabalik ko ang mga Israelita sa kanilang lupain.
Kahahabagan ko si Lo-ruhama,
at sasabihin ko kay Lo-ammi, ‘Ikaw ang aking Bayan’,
at tutugon naman siya, ‘Ikaw ang aking Diyos.’”
Si Hosea at ang Babaing Mangangalunya
3 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Umalis kang muli, at ipakita mo ang iyong pag-ibig sa iyong asawa bagaman siya'y nangangalunya. Sapagkat mahal pa rin ni Yahweh ang Israel kahit na sumamba sila sa ibang mga diyos at laging naghahandog sa mga ito ng tinapay na may pasas.”
2 Kaya't binili ko siya sa halagang labinlimang pirasong pilak at 150 kilong sebada. 3 At sinabi ko sa kanya, “Manatili kang tapat sa akin. Huwag ka nang mangalunya o makipagtalik pa sa ibang lalaki. Ako ay magiging tapat sa iyo.” 4 Sapagkat ang mga taga-Israel ay mamumuhay na walang hari at walang pinuno sa loob ng mahabang panahon. Mawawalan din sila ng mga handog, Ashera, efod, at larawan ng mga diyus-diyosan. 5 Pagkatapos, magbabalik-loob sila kay Yahweh na kanilang Diyos at kay David na kanilang hari. Sa mga huling araw, nanginginig silang lalapit kay Yahweh at malalasap nila ang kanyang kabutihan.
Napagtagumpayan Natin ang Sanlibutan
5 Ang bawat sumasampalataya na si Jesus ang siyang Cristo ay anak ng Diyos. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa anak. 2 Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, 3 sapagkat(A) ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay ang pagtupad sa kanyang mga utos. Hindi naman napakahirap sundin ang kanyang mga utos, 4 sapagkat napapagtagumpayan ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Sino ang nagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos.
Ang Patotoo tungkol kay Jesu-Cristo
6 Si Jesu-Cristo ang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo. Hindi sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7-8 Tatlo ang nagpapatotoo [sa langit: ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo; at ang tatlong ito'y iisa. At mayroong tatlong nagpapatotoo sa lupa:][a] ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlong ito ay nagkakaisa. 9 Kung pinaniniwalaan natin ang patotoo ng mga tao, higit nating dapat paniwalaan ang patotoo ng Diyos, at ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay ng patotoong ito sa kanilang puso. Ang sinumang hindi sumampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniwala sa patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 11 At(B) ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. 12 Kung ang Anak ng Diyos ay nasa isang tao, mayroon siyang buhay na walang hanggan; ngunit kung wala sa kanya ang Anak ng Diyos ay wala siyang buhay na walang hanggan.
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan. 14 May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. 15 At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
16 Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa taong iyon ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. 17 Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.
18 Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ng Anak ng Diyos, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo.
19 Alam nating tayo'y sa Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.
20 At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.
Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
2 “Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
3 maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
4 Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
5 sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.
6 Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
7 Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
8 Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.
5 Ang kunwang pumupuri sa kanyang kapwa,
nag-uumang ng bitag na sa sarili inihahanda.
6 Ang masama ay nahuhuli sa sariling kasalanan,
ngunit ang matuwid ay panatag, may awit ng kagalakan.
7 Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap,
ngunit ito'y balewala sa mga taong swapang.
8 Ang buong bayan ay ginugulo ng palalo,
ngunit ang galit ay pinapawi ng taong matino.
by