Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mikas 5-7

Mga taga-Jerusalem, tipunin ninyo ang inyong mga hukbo sapagkat kinukubkob na tayo ng mga kaaway. Sinasalakay na nila ang pinuno ng Israel!

Ang Paghahari ng Tagapagpalaya

Sinabi(A) ni Yahweh, “Ngunit ikaw, Bethlehem Efrata, bagama't pinakamaliit ka sa mga angkan ng Juda ay magmumula sa iyong angkan ang isang mamumuno sa Israel. Ang kanyang pinagmulan ay buhat pa noong una, noong unang panahon pa.” Kaya nga, ang bayan ni Yahweh ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na mamumuno. Pagkatapos, ang mga Israelitang binihag ng ibang bansa ay kanyang ibabalik sa kanilang mga kababayan. Pagdating ng pinunong iyon, pamamahalaan niya ang kanyang bayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Yahweh sapagkat taglay niya ang kadakilaan ng pangalan ni Yahweh na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay na ligtas, sapagkat kikilalanin ng buong daigdig ang haring iyon. At sa kanya magmumula ang kapayapaan.

Ang Pagliligtas at ang Pagpaparusa

Kapag dumating ang mga taga-Asiria upang sakupin ang ating lupain, magsusugo tayo ng sapat na bilang ng pinakamalalakas na pinunong lalaban sa kanila. Sa(B) pamamagitan ng mga sandata ay tatalunin nila ang Asiria na lupain ni Nimrod at ipagtatanggol nila tayo kapag sumalakay ang mga taga-Asiria.

Ang mga nakaligtas na Israelita ay maninirahan sa maraming mga bansa. Matutulad sila sa hamog na mula kay Yahweh at para silang ulan na dumidilig sa damuhan. Sa Diyos sila aasa at hindi sa tao. At ang mga Israelitang naiwan sa mga bansa ay magiging parang leon na maghahanap ng pagkain sa kagubatan. Lulusubin nila ang mga kawan ng tupa, at lalapain sila; walang sinumang makakapagligtas sa mga tupa. Sasakupin at papatayin ng Israel ang kanyang mga kaaway.

10 “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “aalisan ko kayo ng mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lunsod at ibabagsak ang matitibay ninyong tanggulan. 12 Wawasakin ko ang inyong mga agimat at mawawala na rin ang mga manghuhula. 13 Wawasakin ko ang inyong mga diyus-diyosan at mga haliging itinuturing ninyong sagrado, at hindi na kayo sasamba sa ginawa ng inyong mga kamay. 14 Dudurugin ko rin ang inyong mga diyus-diyosang Ashera at iguguho ang inyong mga lunsod. 15 Ibabagsak ko sa inyo ang aking poot, at isasagawa ang aking paghihiganti sa mga bansang hindi sumunod sa akin.”

Ang Paratang sa Israel

Pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel.

Tumayo kayo, O Yahweh, at ilahad ninyo ang inyong paratang. Hayaan ninyong marinig ng mga bundok at ng mga burol ang inyong sasabihin. Mga bundok, mga di natitinag na pundasyon ng daigdig, pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel na kanyang bayan.

Sinabi niya, “Bayan ko, sagutin ninyo ako. Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Paano ba ako naging pabigat sa inyo? Inilabas(C) ko kayo sa lupain ng Egipto at tinubos sa pagkaalipin. Isinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo'y pangunahan. Bayan(D) ko, gunitain ninyo ang plano ni Balac na hari ng Moab, at ang tugon sa kanya ni Balaam na anak ni Beor, at ang nangyari mula sa Sitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga ito at malalaman ninyo ang ginawa ni Yahweh upang iligtas kayo.”

Ang Hinihingi ni Yahweh

Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan? Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan? Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.

Mainam ang magkaroon ng takot kay Yahweh. Ito ang kanyang panawagan sa lunsod: “Makinig kayo, bayang nagtitipun-tipon sa lunsod! 10 Sa mga bahay ng masasamang tao ay matatagpuan ang mga kayamanang nakuha nila sa masamang paraan. Gumagamit sila ng madayang takalan na aking kinasusuklaman. 11 Mapapatawad ko ba ang mga taong gumagamit ng madayang timbangan? 12 Mapang-api ang inyong mayayaman, at kayong lahat ay sinungaling. Ang kanilang dila'y mahusay sa panlilinlang. 13 Kaya't sinimulan ko na ang inyong pagbagsak at pagkawasak dahil sa inyong mga kasalanan. 14 Kayo'y kakain ngunit hindi mabubusog, sa halip; gutom pa rin ang inyong madarama. Mag-iimpok kayo ngunit wala ring mangyayari, at ang inyong inipon ay masisira sa digmaan.

15 “Kayo'y maghahasik subalit hindi mag-aani. Magpipisa kayo ng olibo ngunit hindi makikinabang sa langis nito. Magpipisa kayo ng ubas ngunit hindi makakatikim ng alak na katas nito. 16 Mangyayari(E) ito dahil sumunod kayo sa masasamang gawain ni Haring Omri at ng kanyang anak na si Haring Ahab. Ipinagpatuloy ninyo ang kanilang mga patakaran kaya't wawasakin ko kayo at hahamakin kayo ng lahat. Kukutyain kayo ng lahat ng bansa.”

Kabulukang Moral sa Israel

Nakakalungkot ang nangyari. Ang katulad ko'y isang taong gutom. Naghahanap ng bungangkahoy ngunit walang makita ni isa man. Wala ni isang ubas o kaya'y isang igos na labis kong kinasasabikan. Wala nang natirang matapat sa Diyos sa lupain. Wala nang matuwid. Ang lahat ay nag-aabang ng mapapatay. Bawat isa'y naghahanda ng bitag laban sa kanyang kababayan. Bihasa sila sa paggawa ng kasamaan, ang pinuno at ang hukom ay humihingi ng suhol. Kasabwat nila sa paggawa ng masama ang mga kinikilalang tao ng bansa. Ang pinakamabuti sa kanila'y parang dawag, parang tinik. Dumating na ang araw ng pagpaparusa sa kanilang mga bantay. Nalalapit na ang araw ng pagkapahiya. Huwag kang magtiwala sa kapwa mo o sa iyong kaibigan. Huwag mong isisiwalat ang iyong lihim kahit sa iyong asawa. Lalapastanganin(F) ng anak na lalaki ang kanyang ama, at lalabanan ng anak na babae ang kanyang ina. Aawayin ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao'y ang kanya mismong kasambahay.

Ngunit para sa akin, kay Yahweh ako mananalig. Hihintayin kong may pagtitiwala ang Diyos na magliligtas sa akin at ako'y kanyang diringgin.

Ang Gagawing Pagliligtas ni Yahweh

Mga kaaway ko, huwag kayong magalak dahil sa nangyari sa akin! Kung ako ma'y nadapa, muli akong babangon. Kung ako ma'y nasa kadiliman, tatanglawan ako ngayon ni Yahweh. Titiisin ko ang galit niya sapagkat nagkasala ako sa kanya. Magtitiis ako hanggang sa ipagtanggol niya ako at bigyan ng katarungan. Dadalhin niya ako sa kaliwanagan at makikita ko ang kanyang pagliligtas. 10 Ito'y makikita ng aking kaaway, at mapapahiya siya na nagsabi sa akin, “Nasaan si Yahweh na iyong Diyos?” Makikita ko naman ang kanyang pagbagsak, at niyuyurakan siyang parang putik sa lansangan.

11 Mga taga-Jerusalem, darating ang araw na itatayong muli ang inyong mga pader at lalong lalawak ang inyong nasasakupan. 12 Sa araw na iyon ay babalik sa inyo ang mga tao buhat sa Asiria sa silangan hanggang sa Egipto, sa timog; buhat sa dakong ang hangganan ay ang Ilog Eufrates, mula sa malalayong dagat, at kabundukan. 13 Ngunit magiging disyerto ang lupa dahil sa masasamang gawain ng mga naninirahan doon.

Ang Pag-ibig ni Yahweh para sa Israel

14 Yahweh, patnubayan mong gaya ng isang pastol ang iyong bayan, ang bayan na iyong pinili. Bagama't sila'y nag-iisa sa ilang, napapalibutan naman sila ng masasaganang lupain. Hayaan mo silang manirahan at manginain sa sariwang pastulan ng Bashan at Gilead gaya noong unang panahon.

15 Magpakita ka sa amin ng mga kamangha-manghang bagay tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan. 16 Ito'y makikita ng mga bansa at sila'y mapapahiya sa kabila ng kanilang lakas. Mapapahiya sila at matitigilan. Tatakpan nila ang kanilang mga bibig at mga tainga. 17 Gagapang silang parang mga ahas; nanginginig silang lalabas mula sa kanilang mga tanggulan. Takot na lalapit sila kay Yahweh na ating Diyos.

18 Wala nang ibang diyos na tulad mo, O Yahweh. Pinapatawad mo ang mga kasalanan ng mga nakaligtas sa bayan mong pinili. Hindi nananatili ang iyong galit magpakailanman. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pag-ibig. 19 Muli mo kaming kaaawaan. Tatapakan mo ang aming mga kasalanan at ihahagis sa kalaliman ng dagat. 20 Patunayan mo ang iyong katapatan sa bayan ni Jacob at ang iyong pag-ibig sa angkan ni Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno mula pa noong unang panahon.

Pahayag 7

Ang 144,000 na Tinatakan sa Israel

Pagkatapos(A) nito, may nakita akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy. At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, “Huwag(B) muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa namin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.” At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, isandaan at apatnapu't apat na libo (144,000) buhat sa labindalawang (12) lipi ng Israel. 5-8 Tig-labindalawang libo (12,000) mula sa bawat lipi ng Israel: Juda, Ruben, Gad, Asher, Neftali, Manases, Simeon, Levi, Isacar, Zebulun, Jose, at Benjamin.

Ang mga Nagtagumpay Mula sa Lahat ng Bansa

Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. 10 Isinisigaw nila, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa ating Diyos na nakaluklok sa trono, at sa Kordero!” 11 Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, ng matatandang pinuno, at ng apat na nilalang na buháy. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos 12 na nagsasabi, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan magpakailanman! Amen.”

13 Tinanong ako ng isa sa matatandang pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”

14 “Ginoo,(C) kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko.

At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero. 15 Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. 16 Hindi(D) na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, 17 sapagkat(E) ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”

Mga Awit 135

Awit ng Pagpupuri

135 Purihin si Yahweh!

Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
    Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
    upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
    ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
    ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.

Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
    higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
    at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
    ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
    maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
    sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.

Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
    maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
    upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
    at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
    at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
    at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
    ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
    lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
    ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(A) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
    kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
    mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
    hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
    matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!

19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
    maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
    lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
    si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 30:5-6

“Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya. Huwag mong daragdagan ang kanyang salita sapagkat pagsasabihan ka niya bilang isang sinungaling.”