Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Zacarias 14

Ang Jerusalem at ang Ibang Bansa

14 Darating ang araw na pababayaan ni Yahweh na mapasok ang Jerusalem, at lahat ng masasamsam ay paghahati-hatian sa harapan ninyo. Pagkakaisahin ko ang mga bansa laban sa Jerusalem. Lulusubin nila ito, hahalughugin ang lahat ng bahay, at gagahasain ang mga babae. Ipapatapon ang kalahati sa mga taga-Jerusalem at iiwanan ang kalahati. Ngunit ang mga bansang iyon ay didigmain ni Yahweh tulad ng ginawa niya noong una. Sa araw na iyon, tatayo si Yahweh sa Bundok ng mga Olibo sa gawing silangan ng Jerusalem. Magkakaroon ng maluwang na libis sa gitna ng bundok, pagkat mahahati ito mula sa silangan hanggang kanluran: ang kalahati ay mapupunta sa hilaga at sa timog naman ang kalahati. Sa libis kayo daraan sa inyong pagtakas, tulad ng ginawa ng inyong mga ninuno nang lumindol sa Juda noong panahon ni Haring Uzias. At si Yahweh ay darating na kasama ang kanyang mga anghel.

Sa panahong iyon, wala nang taglamig at hindi na didilim; mananatiling maliwanag kahit sa gabi. Si Yahweh lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari. Ang(A) mga agos ng tubig buhat sa Jerusalem ay patuloy sa buong taon. Patungo sa Dagat na Patay ang kalahati at sa Dagat Mediteraneo naman ang kalahati. Ang daigdig ay pamamahalaan ni Yahweh; siya lamang at ang kanyang pangalan ang kikilalanin ng lahat.

10 Ang buong lupain ay gagawing kapatagan mula sa Geba hanggang Rimon, sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas mula sa pintuan ng Benjamin, sa lugar ng dating pintuan, hanggang sa pintuan sa sulok, mula sa bantayan ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas sa hardin ng palasyo. 11 Mapupuno(B) ito ng mga mamamayan, at hindi na ito isusumpa pang muli. Ito'y paghaharian na ng kapayapaan.

12 Ang mga lulusob sa Jerusalem ay padadalhan ni Yahweh ng kakila-kilabot na sakit; buháy pa sila ay mabubulok na ang kanilang laman, mata at dila. 13 Paghaharian sila ng malaking kaguluhan, at sila-sila'y maglalaban. 14 Lulusubin sila ng mga taga-Juda upang ipagtanggol ang Jerusalem at sasamsamin ang maiiwanan nilang kayamanang ginto, pilak at mga kasuotan. 15 Padadalhan din niya ng salot ang kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, asno at iba pang mga hayop.

16 Kapag(C) nalupig na ang mga kaaway, lahat ng nakaligtas sa labanan at sa salot ay pupunta sa Jerusalem taun-taon upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Dakilang Hari, at makikisama sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. 17 At alinmang bansang hindi sumasamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Hari, ay hindi makakaranas ng ulan. 18 Kapag ang mga Egipcio ay di pumunta sa Jerusalem, padadalhan din sila ng salot tulad ng ipinadala sa mga bansang hindi nakiisa sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. 19 Iyan ang ipaparusa sa Egipto at sa mga bansang hindi makikiisa sa pagdiriwang ng nasabing pista.

20 Sa araw na iyon, ang mga kampanilyang palamuti sa mga kabayong pandigma ay susulatan ng ganito, “Itinalaga kay Yahweh.” Magiging sagrado ang lahat ng lutuan sa templo, tulad ng mga palanggana sa harap ng altar. 21 Lahat ng lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging sagrado para kay Yahweh upang magamit sa lahat ng paghahandog. At mawawala na ang mga mangangalakal sa templo ni Yahweh.

Pahayag 20

Ang Sanlibong Taon

20 Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng napakalalim na hukay. Sinunggaban(A) niya ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito'y inihagis ng anghel sa napakalalim na hukay, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon.

At(B) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Ang iba pang mga patay ay hindi nabuhay hanggang hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pinagpala at ibinukod para sa Diyos ang nakasama sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan, sa halip, sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong (1,000) taon.

Ang Pagkatalo ni Satanas

Pagkatapos ng sanlibong (1,000) taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. Lalabas(C) siya at dadayain ang mga bansa mula sa apat na sulok ng daigdig, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito upang isama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Kumalat sila sa buong daigdig at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lungsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. 10 At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta. Pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman.

Ang Paghuhukom

11 Pagkatapos(D) nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. 12 Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. 13 Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at Daigdig ng mga Patay[a] ang mga patay na nasa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. 14 Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang Daigdig ng mga Patay.[b] Ang lawa ng apoy ang pangalawang kamatayan. 15 Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

Mga Awit 148

Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos

148 Purihin si Yahweh!

Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
    kayo sa itaas siya'y papurihan.
Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
    kasama ang hukbo roong karamihan!

Ang araw at buwan, siya ay purihin,
    purihin din siya ng mga bituin,
mataas na langit, siya ay purihin,
    tubig sa itaas, gayon din ang gawin!

Siya ang may utos na kayo'y likhain,
    kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
    hindi magbabago magpakailanpaman.[a]

Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
    maging dambuhala nitong karagatan.
Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
    malakas na hangin, sumunod na lahat!

Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
    malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
    maging hayop na gumagapang at mga ibon.

11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
    hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
    matatandang tao't kaliit-liitan.

13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
    sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
    kaya pinupuri ng piniling madla,
    ang bayang Israel, mahal niyang lubha!

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 31:8-9

“Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”