Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Malakias 1-2

Iniibig ni Yahweh ang Israel

Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh tungkol sa Israel sa pamamagitan ni Propeta Malakias.[a] Sinabi ni Yahweh sa bayan ng Israel:

“Inibig(A) (B) ko na kayo noong una pa man, subalit sinasabi naman ninyo, ‘Paano ninyo ipinakita ang inyong pag-ibig sa amin?’ Hindi ba't magkapatid sina Esau at Jacob ngunit minahal ko si Jacob at ang kanyang mga salinlahi, at kinamuhian ko naman si Esau? Winasak ko ang kanyang maburol na kabayanan at pinamugaran iyon ng maiilap na hayop.”

Kung sabihin man ng mga Edomita na mga salinlahi ni Esau, “Bagaman winasak ang aming bayan, muli namin itong itatayo.” Ito naman ang isasagot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Itayo man nilang muli iyon ay muli kong wawasakin hanggang sa tawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘bayang kinapopootan ni Yahweh magpakailanman.’” Makikita ninyong mangyayari ito at inyong sasabihin, “Dakila at makapangyarihan si Yahweh kahit sa labas ng bansang Israel.”

Pinangaralan ni Yahweh ang mga Pari

Pinagsabihan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga paring lumalapastangan sa kanyang pangalan, “Pinaparangalan ng anak ang kanyang ama at ng alipin ang kanyang panginoon. Kung ako ang inyong ama, bakit hindi ninyo ako iginagalang? Kung ako ang inyong Panginoon, bakit hindi ninyo ako pinaparangalan? Nilalapastangan ninyo ako at pagkatapos ay itatanong pa ninyo, ‘Sa anong paraan namin kayo nilalapastangan?’ Nag-aalay kayo sa aking altar ng mga walang halagang pagkain. At itinanong pa ninyo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’ Hinahamak ninyo ang aking altar sa(C) tuwing maghahandog kayo sa akin ng mga hayop na bulag, pilay, o maysakit. Subukin ninyong maghandog ng ganyan sa inyong gobernador, matuwa kaya siya sa inyo at ibigay ang inyong kahilingan?

“Magsumamo man kayo sa Diyos ay hindi niya kayo papakinggan kung ganyan ang ihahandog ninyo sa kanya. 10 Mabuti pa'y isara na ng isa sa inyo ang mga pinto ng Templo at huwag na kayong mag-aksaya ng panahon sa pagsisindi ng walang kabuluhang apoy sa ibabaw ng aking altar! Hindi ako nalulugod sa inyo at hindi ko tatanggapin ang anumang handog ninyo sa akin. 11 Iginagalang ang aking pangalan ng lahat ng mga bansa mula silangan hanggang kanluran. Nagsusunog sila ng insenso at nag-aalay ng malilinis na handog para sa akin. Ako'y pinaparangalan nilang lahat. 12 Ngunit dinudungisan ninyo ang pangalan ko tuwing sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar at tuwing naghahandog kayo doon ng mga pagkaing walang halaga! 13 Sinasabi ninyong nakakapagod na ang lahat ng ito at iniismiran pa ninyo ako. At kung hindi naman nakaw o pilay, maysakit ang dala ninyong hayop na panghandog sa akin. Akala ba ninyo'y tatanggapin ko iyon? 14 Sumpain ang sinumang nandaraya sa paghahandog sa akin ng hayop na may kapintasan, gayong may ipinangako siyang malusog na hayop mula sa kanyang kawan. Ako'y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa.”

Sinabi rin ni Yahweh sa mga pari: “Kung hindi ninyo ito papakinggan at isasapuso bilang pagpaparangal sa aking pangalan, susumpain ko kayo at ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari. Sa katunayan, sinumpa ko na ang mga iyon, sapagkat hindi ninyo isinasapuso ang aking utos. Paparusahan ko ang inyong mga anak at ipapahid ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inihahandog ninyo sa panahon ng mga kapistahan. Itatapon din kayo sa tambakan ng dumi. Dahil(D) dito'y malalaman ninyo na ibinigay ko sa inyo ang utos na ito, upang magpatuloy ang aking tipan kay Levi,” wika ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

“Sa(E) tipang iyon, pinangakuan ko siya ng buhay at katiwasayan, at ipinagkaloob ko nga ito sa kanya, upang igalang niya ako. Iginalang naman niya ako at kinatakutan. Itinuro niya ang tama at hindi ang mali. Namuhay siya ng matuwid at matapat sa akin at tinulungan ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasamaan. Tungkulin ng mga pari na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sila ang dapat sangguniin ng mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

“Subalit lumihis kayo sa daang matuwid at marami ang nabulid sa kasamaan dahil sa inyong katuruan. Sinira ninyo ang aking kasunduan kay Levi,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Kaya, hahayaan kong kamuhian at hamakin kayo ng mga tao sapagkat hindi ninyo sinusunod ang aking kalooban at hindi pantay-pantay ang inyong pakikitungo sa mga tao kapag sila'y tinuturuan ninyo.”

Ang Pagtataksil ng Israel

10 Hindi ba iisa ang ating Ama? Hindi ba't iisang Diyos ang lumalang sa atin? Kung gayo'y bakit nagtataksil tayo sa isa't isa at nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno? 11 Sumira ang Juda sa kanyang pangako sa Diyos at dahil dito'y naganap sa Israel at sa Jerusalem ang isang kasumpa-sumpang pangyayari. Niyurakan nila ang Templo na pinakamamahal ni Yahweh. Ang mga lalaki'y nag-asawa sa mga babaing sumasamba sa ibang mga diyos. 12 Puksain nawa ni Yahweh sa bansang Israel ang sinumang gumagawa nito at huwag na silang pahintulutan pang makibahagi sa paghahandog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

13 Kahit pa diligin ninyo ng luha ang altar niya, kahit pa manangis kayo't dumaing, hindi na niya kaluluguran ang mga handog ninyo sa kanya. 14 Itinatanong ninyo kung bakit. Saksi si Yahweh na kayo'y sumira sa pangako ninyo sa inyong asawang pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. Sumira kayo sa pangako ninyo sa kanya, bagama't nangako kayong magiging tapat sa kanya. 15 Hindi ba't pinag-isa kayo ng Diyos sa katawan at sa espiritu? Ang layunin niya ay upang maging tunay na mga anak ng Diyos ang inyong mga supling. Kaya't huwag ninyong pagtaksilan ang babaing pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. 16 “Nasusuklam ako sa pagpapalayas at paghihiwalay ng mga mag-asawa,” sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. “Napopoot ako sa taong gumagawa ng kalupitan sa kanyang asawa. Kaya nga maging tapat kayo sa inyong asawa.”

Ang Nalalapit na Araw ng Paghatol

17 Sawang-sawa na si Yahweh sa inyong mga sinasabi. Subalit itinatanong pa ninyo, “Bakit siya nagsasawa?” Sinasabi ninyong mahal ni Yahweh ang mga gumagawa ng kasamaan at nalulugod siya sa kanila. Itinatanong din ninyo, “Nasaan ang Diyos na makatarungan?”

Pahayag 21

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 Pagkatapos(A) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. At(B) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. Narinig(C) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”

Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” Sinabi(E) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. Ito(F) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”

Ang Bagong Jerusalem

Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(G) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(H) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.

15 Ang(I) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(J)(K) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(L) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(M) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(N) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.

Mga Awit 149

Awit ng Pagpupuri

149 Purihin si Yahweh!

O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,
    purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
    dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
    alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.

Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,
    sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
    sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan.
Papuri(A) sa ating Diyos, ipahayag nang malakas,
    hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas,
    upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan,
    at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.
Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin,
    sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin,
    upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda.
Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala.

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 31:10-24

Ang Huwarang Maybahay

10 Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.

11 Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.

12 Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.

13 Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana.

14 Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar.

15 Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay.

16 Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas.

17 Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw.

18 Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga.

19 Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.

20 Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad.

21 Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan.

22 Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya.

23 Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan.

24 Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal.