Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Zacarias 1

Panawagan na Manumbalik sa Diyos

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zacarias, anak ni Berequias at apo ni Propeta Iddo. Noong ikawalong buwan, ng ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario ng Persia, nangusap si Yahweh sa kanya. Ipinasabi niya sa mga taga-Juda, “Labis akong napoot sa inyong mga ninuno. Kaya't sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Manumbalik kayo sa akin at kakalingain ko kayo. Huwag kayong tumulad sa inyong mga ninuno. Hindi sila nanumbalik sa akin, hindi nila tinalikuran ang kanilang kasamaan sa kabila ng aking mga panawagan sa pamamagitan ng mga propeta. Nasaan sila ngayon? At ang mga propeta, nanatili ba silang buháy? Ngunit natupad ang lahat ng sinabi ko sa pamamagitan ng mga propeta. Kaya naman sila'y nagsisi at sinabi nilang ginawa ko nga ang aking sinabi tungkol sa kanila na katumbas ng kanilang kasamaan.’”

Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo

Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikalabing isang buwan ng ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario, nagpahayag si Yahweh kay Propeta Zacarias. Ganito ang salaysay ni Zacarias tungkol sa pangyayari, “Kagabi,(B) nagkaroon ako ng pangitain. May nakita akong isang lalaking nakasakay sa kabayong pula. At siya'y huminto sa kalagitnaan ng mga punong mirto sa isang libis. Sa likuran niya ay may mga nakasakay rin sa kabayong pula, sa kabayong puti at sa kabayong batik-batik. Kaya't itinanong ko sa anghel ni Yahweh na nasa tabi ng mirto kung ano ang kahulugan niyon.”

Ang sagot niya, “Halika't ipapaliwanag ko sa iyo. 10 Ang mga ito ay isinugo ni Yahweh upang magmanman sa buong daigdig.”

11 Sinabi ng mga tinutukoy ng anghel ni Yahweh, “Natingnan na po namin ang kalagayan ng buong daigdig; payapa po ang lahat.”

12 Nang magkagayon, sinabi ng anghel, “Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, hanggang kailan mo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda? Pitumpung taon na po silang nagtitiis.”

13 May sinabi si Yahweh sa anghel na kausap ko, mga salitang nakakaaliw at makapagpapalakas ng loob. 14 Pagkatapos, sinabi naman sa akin ng anghel, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Labis ang aking pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Zion. 15 At malaki ang galit ko sa mga bansang palalo pagkat labis na ang pahirap nilang ginawa. 16 Kukupkupin kong muli ang Jerusalem at ang aking templo ay muling itatayo. Ibabalik ang dating sukat at kaayusan nito. 17 Muling sasagana ang aking mga lunsod. Ang Zion ay muli kong papatnubayan at hihirangin ang Jerusalem.”

Pahayag 12

Ang Babae at ang Dragon

12 Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan: isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan, at ang ulo'y may koronang binubuo ng labindalawang (12) bituin. Malapit na siyang manganak kaya't napapasigaw siya dahil sa matinding hirap.

Isa(A) pang palatandaan ang lumitaw sa langit: isang napakalaking pulang dragon. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. Kinaladkad(B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos, tumayo ang dragon sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito'y isilang. Ang(C) babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, na nakatakdang maghari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang babae naman ay tumakas papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw.

Pagkaraan(D) nito'y nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon at sa mga kampon nito. Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at hindi na sila pinayagang manatili sa langit. Itinapon(E) ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon.

10 At(F) narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi,

“Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat itinapon na mula sa langit ang nagpaparatang sa mga kapatid natin, araw at gabi, sa harapan ng Diyos. 11 Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos; at buong puso nilang inialay ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. 12 Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.”

13 Nang makita ng dragon na itinapon siya sa lupa, hinabol niya ang babaing nagsilang ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit(G) ang babae ay binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya aalagaan sa loob ng tatlo't kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas. 15 Mula sa kanyang bibig ang ahas ay naglabas ng tubig na parang ilog upang tangayin ang babae. 16 Subalit tinulungan ng lupa ang babae. Bumuka ang lupa at hinigop ang tubig na inilabas ng dragon mula sa kanyang bibig. 17 Sa galit ng dragon sa babae, binalingan niya ang nalalabing mga anak nito upang digmain. Ito ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat sa pagpapatotoo kay Jesus. 18 At ang dragon ay tumayo[a] sa dalampasigan.

Mga Awit 140

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

140 Sa mga masama ako ay iligtas,
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
sila'y nagpaplano at kanilang hangad
    palaging mag-away, magkagulo lahat.
Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
    tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]

Sa mga masama ako ay iligtas;
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
    na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
    ako ay masilo, sa bitag hulihin,
    sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]

Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
    Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
    nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
Taong masasama, sa kanilang hangad
    ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]

Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
    pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
    itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
    ang marahas nama'y bayaang mapuksa.

12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
    at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
    ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!

Mga Kawikaan 30:17

17 Ang anak na kumukutya sa kanyang ama at laging sumusuway sa salita ng ina, tutukain ng uwak ang kanilang mata at kakainin ng buwitre ang kanilang bangkay.