Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Zacarias 9

Ang Parusa sa mga Bansa sa Paligid

Ito(A) (B) ang ipinapasabi ni Yahweh: “Itinakda ko na ang parusa sa lupain ng Hadrac at sa lunsod ng Damasco. Ang mga lunsod ng Aram ay akin, kung paanong ang lahat ng lipi ni Israel ay akin. Akin din ang Hamat na nasa hangganan ng Hadrac, gayon din ang Tiro at Sidon, bagaman sila'y napakarunong. Ang Tiro ay napapaligiran ng matibay na pader. Nag-ipon siya ng makapal na pilak at gintong sindami ng alabok sa lansangan. Ngunit ngayon, kukunin ni Yahweh ang lahat niyang ari-arian at ihahagis lahat sa dagat. Ang lunsod naman ay ipatutupok niya sa apoy.

“Makikita(C) ito ng Ashkelon at siya ay mangingilabot. Manginginig rin sa takot ang Gaza, at mawawalan ng pag-asa ang Ekron. Mawawalan ng hari ang Gaza at wala nang maninirahan pa sa Ashkelon. Paghaharian ng mga dayuhan ang Asdod. Ibabagsak ko ang palalong Filistia. Hindi na sila kakain ng dugo o anumang ipinagbabawal na pagkain. Ang matitira ay mapapabilang sa aking bayan at ituturing na isa sa mga angkan ni Juda. Ang mga taga-Ekron ay mapapabilang din sa aking bayan, tulad ng nangyari sa mga Jebuseo. Babantayan ko ang aking bayan upang hindi ito mapasok ng kaaway. Hindi ko na papahintulutang lupigin pa sila ng iba, sapagkat nakita ko na ang kanilang paghihirap.”

Ang Magiging Hari ng Zion

O(D) Zion, magdiwang ka sa kagalakan!
    O Jerusalem, ilakas mo ang awitan!
Pagkat dumarating na ang iyong hari
    na mapagtagumpay at mapagwagi.
Dumarating siyang may kapakumbabaan,
    batang asno ang kanyang sinasakyan.
10 “Ipapaalis(E) niya ang mga karwahe sa Efraim,
    gayundin ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Panudla ng mga mandirigma ay mawawala,
    pagkat paiiralin niya'y ang pagkakasundo ng mga bansa.
Hangganan ng kaharian niya'y dagat magkabila,
    mula sa Ilog Eufrates hanggang dulo ng lupa.”

Muling Aayusin ang Zion

11 Sinabi(F) pa ni Yahweh,
“Alang-alang sa ating tipan na pinagtibay ng dugo,
    ibabalik ko ang mga anak mong itinapon sa balong tuyo.
12 Kayo, mga bilanggo, na di nawalan ng pag-asa,
    ay maaari nang bumalik sa inyong lupain.
Ang magandang kalagayan ninyo noong unang panahon,
    ay aking hihigitan at pag-iibayuhin.
13 Binanat ko ang Juda gaya ng isang pana,
    at ang Efraim naman ang aking panudla.
Kayong mga taga-Zion ay aking isasagupa
    laban sa mga anak ng mga taga-Grecia;
gaya ng tabak ng isang mandirigma,
    sila'y gagawin kong aking sandata.”

14 Si Yahweh ay magpapakita sa kanyang bayan,
    at ang palaso niya'y parang kidlat na sisibat;
trumpeta ng Panginoong Yahweh, kanyang hihipan
    at sila'y parang ipu-ipong sasalakay sa katimugan.
15 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa kanila'y mag-iingat;
    sa pagdumog sa kaaway sila'y di maaawat.
Dugo ng mga ito'y kanilang paaagusin,
    gaya ng mga handog na sa altar inihain.

16 Sa araw na iyon, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos
    pagkat sila'y kanyang kawan, iniibig na lubos.
Sa buong lupain ay magniningning sila,
    parang batong hiyas ng isang korona.
17 Mararanasan nila'y kagandaha't kasaganaan;
    pagkain at alak, may taglay na kalakasan,
    para sa kabinataan at mga kadalagahan.

Pahayag 17

Ang Reyna ng Kahalayan

17 Pagkatapos,(A) ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok ay lumapit sa akin at sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo kung paano paparusahan ang reyna ng kahalayan na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. Ang(B) mga hari sa lupa ay nakiapid sa babaing ito, at ang lahat ng tao sa sanlibutan ay nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan.”

At(C) napasailalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa dakong ilang. Nakita ko roon ang isang babaing nakasakay sa isang pulang halimaw. Ang halimaw ay may pitong ulo at sampung sungay. Nakasulat sa buong katawan nito ang mga pangalang lumalait sa Diyos. Ang(D)(E) damit ng babae ay kulay ube at pula. Ang kanyang mga alahas ay ginto, mahahalagang bato at perlas. Hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng kanyang kasumpa-sumpang mga gawa at kahiya-hiyang kahalayan. Nakasulat sa kanyang noo ang isang pangalang may lihim na kahulugan, “Ang tanyag na Babilonia, ang ina ng mga nangangalunya at ng lahat ng kahalayan sa lupa.” At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga hinirang ng Diyos at sa dugo ng mga martir na pinatay dahil kay Jesus.

Nanggilalas ako nang makita ko siya. “Bakit ka nanggilalas?” tanong sa akin ng anghel. “Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. Ang halimaw na nakita mo ay buháy noong una ngunit patay na ngayon; muli itong lilitaw buhat sa napakalalim na hukay at tuluyang mapapahamak. Ang mga taong nabubuhay sa lupa, na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat pinatay na siya ngunit muling lilitaw.

“Kailangan dito ang pang-unawa at karunungan: ang pitong ulo ay ang pitong burol na kinauupuan ng babae. Ang mga ito rin ay pitong hari: 10 bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa, at ang huli ay hindi pa dumarating. Pagdating niya, sandali lamang siyang maghahari. 11 At ang halimaw na buháy noong una ngunit ngayo'y wala na ay isa sa pitong hari at siyang magiging ikawalo. Siya ay patungo sa kapahamakan.

12 “Ang(F) sampung sungay na nakita mo ay sampung haring hindi pa naghahari, ngunit bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ng halimaw sa loob ng isang oras. 13 Iisa ang layunin ng sampung ito, at ipapailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihan at karapatan. 14 Makikidigma sila laban sa Kordero ngunit tatalunin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama niya sa tagumpay ang kanyang mga tinawag, pinili, at tapat na tagasunod.”

15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang nakita mong mga tubig na kinauupuan ng babae ay mga lahi, mga bansa, at mga wika. 16 Ang sampung sungay na nakita mo at ang halimaw ay mapopoot sa reyna ng kahalayan. Aagawin nila ang lahat ng ari-arian nito at iiwan siyang hubad. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin siya. 17 Inilagay ng Diyos sa kanilang puso na isagawa ang kanyang layunin nang sila'y magkaisa at ipailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihang maghari hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na may kapangyarihan sa mga hari sa lupa.”

Mga Awit 145

Awit ng Pagpupuri

Katha ni David.

145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
    di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
    di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
    kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.

Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
    ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
    at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
    sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
    aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
    hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
    sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.

10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
    lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
    at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
    mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
    hindi magbabago.

Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
    ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
    at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.

15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
    siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
    anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
    kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
    sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
    kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
    ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.

21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
    sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!

Mga Kawikaan 30:32

32 Kung sa kahangalan mo'y naging palalo ka at nagbalak ng masama, mag-isip-isip ka.