The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Ilawan at ang Puno ng Olibo
4 Nagbalik ang anghel na kausap ko at ako'y kanyang ginising na para bang ako'y natutulog. 2 Itinanong niya sa akin, “Ano ang nakikita mo?” “Isang ilawang ginto po na may lalagyan ng langis sa itaas at may pitong ilawan, bawat isa'y may pitong lalagyan ng mitsa. 3 Sa(A) magkabila nito ay may puno ng olibo,” sagot ko naman sa kanya. 4 Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan nito, panginoon?”
5 “Hindi mo ba alam iyan?” patanong na sagot sa akin.
“Hindi po,” ang sagot ko.
Ang Pangako ng Diyos kay Zerubabel
6 Sinabi(B) sa akin ng anghel ang ipinapasabi ni Yahweh para kay Zerubabel, “Pinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Ang tagumpay ay hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas ng hukbo o sariling kapangyarihan kundi sa pamamagitan lamang ng aking espiritu.[a] 7 Maging ang pinakamalaking hadlang ay makikita ninyong maaalis. Muli mong itatayo ang templo at habang inilalagay mo ang kahuli-hulihang bato, magbubunyi ang mga tao at kanilang sasabihin, ‘Napakaganda!’”
8 Sinabi muli sa akin ni Yahweh, 9 “Si Zerubabel ang naglagay ng pundasyon sa templong ito at siya rin ang tatapos. Kapag ito'y natapos na, mapapatunayan ng lahat na ikaw ang aking isinugo. 10 Nag-aalala(C) sila ngayon dahil sa mabagal na pagkayari ng templo. Ngunit matutuwa sila kapag nakita nilang ito'y pinapamahalaan na ni Zerubabel.”
Ipinaliwanag ang Pangitain tungkol sa Ilawan
Sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong sinag na iyan ay paningin ng Diyos at lalaganap ito sa buong mundo.”
11 Itinanong(D) (E) ko sa anghel, “Ano naman po ang kahulugan ng dalawang puno ng olibo sa magkabila ng ilawan? 12 Bakit may dalawang sanga ng olibo sa magkabilang tabi ng gintong tubo na buhusan ng langis?”
13 “Hindi mo ba alam kung ano ang mga iyan?” patanong na tugon niya sa akin.
“Hindi po,” sagot ko.
14 “Iyan ay dalawang taong pinili ni Yahweh at pinahiran ng langis upang makatulong niya sa pamamahala sa daigdig,” sabi niya.
Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Lumilipad
5 Muli akong tumingala at may nakita akong kasulatang lumilipad. 2 Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakikita mo?” “Isa pong kasulatang lumilipad. Ang haba po nito ay siyam na metro at apat at kalahating metro naman ang lapad,” sagot ko.
3 Sinabi niya sa akin, “Diyan nakasulat ang mga sumpa sa daigdig. Sa kabila ay sinasabing aalisin sa lupain ang lahat ng magnanakaw; sa kabila naman ay sinasabing aalisin din ang lahat ng sinungaling. 4 Ipadadala ko ito sa sambahayan ng mga magnanakaw at sa sambahayan ng mga sinungaling. Mananatili ito sa sambahayang iyon upang ubusin sila nang lubusan.”
Ang Babae sa Loob ng Malaking Basket
5 Lumapit sa akin ang anghel at sinabi, “Tumingala ka at tingnan mo kung ano itong dumarating.”
6 “Ano 'yan?” tanong ko sa kanya.
“Iyan ay isang malaking basket. Inilalarawan niyan ang kasalanan ng buong sanlibutan,” sagot niya. 7 Bumukas ang tinggang takip nito at nakita kong may isang babaing nakaupo sa loob ng malaking basket.
8 Sinabi sa akin ng anghel, “Iyan si Kasamaan.” At itinulak niya ito pabalik sa loob ng kaing at muling sinarhan. 9 Nang ako'y tumingala, may nakita akong dalawang babaing lumilipad papunta sa akin; malalapad ang kanilang pakpak. Pinagtulungan nilang ilipad na palayo ang malaking basket. 10 Tinanong ko ang anghel, “Saan nila iyon dadalhin?”
11 Sumagot siya, “Sa Babilonia. Gagawa sila ng templo roon upang paglagyan ng malaking basket. Pagkatapos, sasambahin nila ito.”
Ang Awit ng mga Tinubos
14 Tumingin(A) ako, at nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Zion, kasama ang isandaan at apatnapu't apat na libong tao (144,000). Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. 2 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig na sinlakas ng rumaragasang tubig at dagundong ng kulog. Ang tinig na narinig ko'y parang tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. 3 Sila'y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng matatandang pinuno. Walang matututong umawit sa awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libong (144,000) tinubos mula sa daigdig. 4 Ito ang mga lalaking nanatiling walang dungis at hindi nakipagtalik sa mga babae. Nanatili silang mga birhen. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. 5 Hindi(B) sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.
Ang Tatlong Anghel
6 Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala ang walang hanggang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lipi, wika, at bayan. 7 Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!”
8 Sumunod(C) naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia, na nagpainom sa lahat ng mga bansa ng alak ng kanyang kahalayan!”
9 At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, 10 ay(D) paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang(E) usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.”
12 Ito'y panawagan na magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat kay Jesus.
13 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo: Mula ngayon, pinagpala ang mga namamatay na naglilingkod sa Panginoon!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga silang pinagpala! Magpapahinga na sila sa kanilang mga pagpapagal; sapagkat sinusundan sila ng kanilang mga gawa.”
Ang Pag-aani
14 Tumingin(F) uli ako, at nakita ko ang isang puting ulap, at nakaupo rito ang isang kamukha ng anak ng tao, may suot na koronang ginto at may hawak na isang matalim na karit. 15 Isa(G) pang anghel ang lumabas mula sa templo at nagsalita nang malakas sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit, gumapas ka na sapagkat panahon na; hinog na ang aanihin sa lupa!” 16 Ginamit nga ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapas niya ang anihín sa lupa.
17 At isa pang anghel ang nakita kong lumabas mula sa templo sa langit; may hawak din itong matalim na karit. 18 Lumabas naman mula sa dambana ang isa pang anghel. Siya ang namamahala sa apoy sa dambana. Sinabi niya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang iyong karit, at anihin mo ang mga ubas sa lahat ng ubasan sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito!” 19 Kaya't ginamit ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas, at inihagis sa pisaan ng matinding poot ng Diyos. 20 Pinisa(H) sa labas ng lungsod ang mga ubas at mula sa pisaan ay bumaha ng dugo. Ang lawak ng baha ay umabot hanggang tatlong daang (300) kilometro, at limang talampakan ang lalim.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.
142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
2 ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
3 Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
may handang patibong ang aking kaaway.
4 Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
wala ni isa man akong makatulong;
wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.
5 Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
6 Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
na mas malalakas ang mga katawan.
7 Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
sa kabutihan mong ginawa sa akin!
21 May apat na bagay na yayanig sa daigdig:
22 Ang aliping naging hari,
ang isang mangmang na sagana sa pagkain,
23 ang babaing masungit na nagkaasawa,
at ang isang aliping babaing pumalit sa kanyang amo.
by