Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Amos 7-9

Ang mga Balang sa Pangitain

Ito ang pangitaing ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Nagpakawala siya ng maraming balang pagkatapos na gapasin ang bahagi ng ani na para sa hari, at habang nagsisimulang tumubo ang pananim. Nakita kong sinimot ng mga balang ang lahat ng halaman sa lupain. At nasabi ko, “Panginoong Yahweh, patawarin mo po ang iyong bayan! Paano pa sila mabubuhay? Sila'y maliliit at mahihina!”

Nagbago ang isip ni Yahweh at sinabi niya, “Sige, hindi na mangyayari ang iyong nakita.”

Ang Apoy sa Pangitain

Ito ang sumunod na ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Handa na siya upang parusahan ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. Ang tubig sa kalaliman ng lupa ay tinuyo ng apoy at ngayo'y nasusunog na ang lupain. Kaya't ako'y nakiusap, “Panginoong Yahweh, maawa po kayo sa kanila! Sila'y mahihina't maliliit, baka hindi sila makatagal!”

Nagbago ang isip ni Yahweh at ang sabi, “Hindi ko na rin ito hahayaang mangyari.”

Ang Hulog sa Pangitain

Ito pa ang ipinakita niya sa akin: Siya'y nakatayo sa tabi ng pader na ginamitan ng hulog. Nakita kong hawak niya ang hulog. Tinanong ako ni Yahweh, “Amos, ano ang nakikita mo?” “Isang hulog po,” sagot ko.

At sinabi niya,

“Sa pamamagitan ng hulog na ito,
    ipapakita ko ang pagkakamali ng aking bayang Israel.
    Hindi na magbabago pa ang pasya ko, paparusahan ko sila.
Mawawasak ang mga altar ng mga salinlahi ni Isaac.
    Mawawasak ang mga banal na dako ng Israel.
    Sa pamamagitan ng tabak, pupuksain ko ang sambahayan ni Jeroboam.”

Si Amos at si Amazias

10 Si Amazias na pari sa Bethel ay nagsumbong kay Haring Jeroboam ng Israel. “Kasama ng mga tao, si Amos ay may balak na masama laban sa inyo,” sabi niya. “Dahil sa mga sinasabi niya'y nagugulo ang bayan. 11 Sinasabi niyang,

‘Mamamatay si Jeroboam sa digmaan,
    at ang Israel ay dadalhing-bihag
    sa isang malayong lupain.’”

12 Pagkatapos, hinarap naman ni Amazias si Amos at sinabi, “Tama na iyan, Propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka mangaral. Hayaan mong sila ang magbayad sa iyo. 13 Huwag ka nang mangaral dito sa Bethel. Narito ang templo ng kaharian at dito sumasamba ang hari.”

14 Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta na nangangaral at hindi rin nagsanay na maging isang propeta upang bayaran. Ako'y pastol at nag-aalaga rin ng mga puno ng sikamoro. 15 Ngunit inalis ako ni Yahweh sa gawaing iyon at inutusang magpahayag sa mga taga-Israel para kay Yahweh. 16 Kaya pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. Sinabi ninyo,

‘Huwag kang mangaral laban sa Israel,
    at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac.’
17 Sinasabi ni Yahweh,
‘Ang asawa mo'y magiging babaing bayaran,
    at masasawi naman sa digmaan ang iyong mga anak.
    Paghahati-hatian ng iba ang iyong lupain at ikaw ay mamamatay.
Sa isang bayang hindi kumikilala kay Yahweh,
    ang mga taga-Israel ay dadalhing-bihag sa isang malayong lupain.’”

Ang Pangitain tungkol sa Isang Basket ng Prutas

Ipinakita naman sa akin ng Panginoong Yahweh ang isang basket ng prutas. Sinabi niya, “Amos, ano ang nakikita mo?” “Isa pong basket ng prutas,” sagot ko. At sinabi sa akin ni Yahweh,

“Dumating na ang wakas[a] ng Israel.
    Ang pagpaparusa sa kanila'y di ko na maipagpapaliban pa.
At sa araw na iyon, malulungkot na awitin ang maririnig sa palasyo.[b]
May mga bangkay na naghambalang sa labas
    at maghahari ang katahimikan.”

Ang Kapahamakan ng Israel

Pakinggan ninyo ito, kayong sumisikil sa mga nangangailangan,
    at kayong umaapi sa mga dukha.
Ang sabi ninyo sa inyong sarili,
“Inip na inip na kaming matapos ang mga araw ng pagdiriwang.
    Hindi tuloy namin maipagbili ang aming mga inani.
Kailan ba matatapos ang Sabbath,
    para maipagbili namin ang mga trigo?
Tataasan namin ang halaga, gagamit kami ng madayang takalan,
    at dadayain namin sa timbang ang mga mamimili.
Bibilhin namin upang maging alipin ang mga mahihirap sa halagang isang pilak,
    at ang mga nangangailangan ay sa halagang katumbas ng isang pares na sandalyas.
    At ipagbibili namin ang ipa ng trigo.”
Sumumpa si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
“Hindi ko na mapapatawad ang masasama nilang gawa.
Magkakaroon ng lindol sa lupa at mananangis ang bawat isa.
    Mayayanig ang buong bayan; tataas-bababâ ito na tulad ng Ilog Nilo.”

Sa araw na iyon, sabi ng Panginoong Yahweh,
    “Lulubog ang araw sa katanghaliang-tapat,
    at magdidilim sa buong maghapon.
10 Ang iyong kapistahan ay gagawin kong araw ng kapighatian;
    at ang masasayang awitin ninyo'y magiging panaghoy.
Pipilitin ko kayong magsuot ng panluksa,
    at mapipilitan kayong mag-ahit ng ulo.
Matutulad kayo sa magulang na nagdadalamhati, dahil sa pagkamatay ng kaisa-isang anak.
    Ang araw na iyon ay magiging mapait hanggang sa wakas.”

11 Sinabi ng Panginoong Yahweh,
“Darating din ang araw na papairalin ko sa lupain ang taggutom.
Magugutom sila ngunit hindi sa pagkain; mauuhaw sila ngunit hindi sa tubig,
    kundi sa pakikinig ng aking mga salita.
12 Mula sa hilaga papuntang timog,
    mula sa silangan hanggang sa kanluran,
hahanapin nila ang salita ni Yahweh,
    subalit iyon ay hindi nila matatagpuan.
13 Dahil sa matinding pagkauhaw na ito,
    mawawalan ng malay-tao ang magagandang dalaga at ang malalakas na binata.
14 Ang mga sumusumpa sa pangalan ng mga diyus-diyosan sa Samaria,
    ang mga nagsasabing, ‘Sa ngalan ng diyos ng Dan,’
at ‘Sa ngalan ng diyos ng Beer-seba,’
    sila'y mabubuwal at hindi na makakabangon pa.”

Ang mga Hatol ng Panginoon

Nakita kong nakatayo sa may altar ang Panginoon. At siya'y nag-utos ng ganito:

“Bayuhin mo ang mga haligi ng templo hanggang sa mauga ang buong pundasyon,
    at ihampas ito sa ulo ng mga tao.
Ang mga nalabi ay masasawi sa digmaan,
    walang sinumang makakatakas;
    isa ma'y walang makakaligtas.
Humukay man sila patungo sa daigdig ng mga patay,
    aabutan ko pa rin sila.
Umakyat man sila sa langit,
    hihilahin ko silang pababa mula roon.
Kung magtago man sila sa Bundok ng Carmel,
    tutugisin ko sila't huhulihin.
Magtago man sila sa kalaliman ng dagat,
    uutusan ko ang dambuhala sa dagat upang sila'y lamunin.
Kung bihagin man sila ng kanilang kaaway,
    iuutos kong sila'y patayin sa pamamagitan ng tabak.
Ipinasya ko nang puksain sila at hindi tulungan.”

Si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
    siya na humipo sa lupa at iyon ay natutunaw,
    at ang lahat ng naroon ay nagdadalamhati.
Dahil dito'y ang buong lupain ay tumataas gaya ng Ilog Nilo,
    at bumababa gaya ng ilog sa Egipto.
Siya na gumagawa ng mga silid doon sa kalangitan,
    at naglalagay ng pundasyon nito sa ibabaw ng lupa,
inipon niya ang tubig sa dagat,
    at ibinubuhos iyon sa lupa.
Yahweh ang kanyang pangalan!

Sinasabi ni Yahweh,
“Para sa akin, kayong mga taga-Israel, ay kapantay lang ng mga taga-Etiopia.
Hinango ko ang Israel mula sa Egipto;
    iniahon ko ang mga Filisteo sa Caftor at ang mga taga-Siria mula sa Kir.
Ako ang Panginoong Yahweh na nagmamasid sa makasalanang kaharian ng Israel.
    Lilipulin ko sila sa balat ng lupa,
    ngunit di ko lubusang pupuksain ang lahi ni Jacob.

“Iuutos kong ligligin
    ang bayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa;
tulad ng pag-alog sa salaan,
    ngunit walang butil na babagsak sa lupa.
10 Ang mga makasalanan sa aking bayan ay masasawi sa digmaan;
    lahat ng nagsasabing, ‘Hindi ipahihintulot ng Diyos na tayo'y mapahamak.’”

Manunumbalik ang Israel

11 “Sa(A) araw na iyon, ibabangon kong muli
    ang nawasak na kaharian ni David,
at aayusin kong muli ang mga nasirang dako.
    Ibabalik ang mga guho;
    itatayo kong muli iyon, kagaya noong una.
12 Sa gayon ay sasakupin ng Israel ang nalalabi sa lupain ng Edom
    at ang lahat ng bansang dati'y aking pag-aari,”
    sabi ni Yahweh na siyang gagawa ng mga bagay na ito.

13 Sinabi rin ni Yahweh, “Darating ang panahon,
    mag-aararo ang magbubukid habang nag-aani pa ang manggagapas;
    at maghahasik na ng binhi ng ubas ang magsasaka habang gumagawa pa ng alak ang mag-aalak.
Dadaloy sa mga bundok ang bagong alak,
    at masaganang aagos sa mga burol.
14 Ibabalik ko sa kanilang lupain ang aking bayan.
    Itatayo nilang muli ang kanilang mga lunsod na nawasak, at doon sila maninirahan.
Tatamnan nilang muli ang mga ubasan at sila'y iinom ng alak.
    Magtatanim silang muli sa mga halamanan at kakain ng mga bunga niyon.
15     Ibabalik ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila,
    at hindi na sila maaalis pang muli roon.”
Si Yahweh na inyong Diyos ang nagsasalita.

Pahayag 3:7-22

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Filadelfia

“Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Filadelfia:

“Ito ang sinasabi ng banal at mapagkakatiwalaan, ang may hawak ng susi ni David. Walang makakapagsara ng anumang binubuksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sinasarhan niya. Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong kaunti lamang ang iyong kakayahan ngunit sinunod mo ang aking salita, at naging tapat ka sa akin. Kaya't binuksan ko para sa iyo ang isang pinto na hindi maisasara ninuman. Tingnan(B) mo! Palalapitin ko sa iyo at paluluhurin ang mga kampon ni Satanas na nagpapanggap na mga Judio ngunit hindi naman, at sa halip ay nagsisinungaling. Malalaman nilang minamahal kita. 10 Sapagkat tinupad mo ang aking utos na magtiis, iingatan naman kita sa panahon ng pagsubok na darating sa lahat ng tao sa buong daigdig! 11 Darating ako sa lalong madaling panahon. Kaya't ingatan mo kung ano ang nasa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala. 12 Ang(C) magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hinding-hindi na siya lalabas doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng kanyang lungsod. Ito ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa aking Diyos. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.

13 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Laodicea

14 “Isulat(D) mo sa anghel ng iglesya sa Laodicea:

“Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang tapat at tunay na saksi, at siyang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos. 15 Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit. Mabuti pa sana kung ikaw ay malamig o mainit. 16 Ngunit dahil ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita! 17 Sinasabi mong ikaw ay mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa, ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, dukha, bulag at hubad. 18 Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang iyong isuot at matakpan ang nakakahiya mong kahubaran. Bumili ka rin sa akin ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita. 19 Sinasaway(E) ko't pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya't maging masigasig ka! Pagsisihan mo't talikuran ang iyong mga kasalanan. 20 Tingnan mo! Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako at kakain akong kasalo niya. 21 Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang umupo na katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono.

22 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”

Mga Awit 131

Ang Mapagpakumbabang Dalangin

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
    tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
    iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
    tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
    si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!

Mga Kawikaan 29:23

23 Ang magbabagsak sa tao'y ang kanyang kapalaluan,
    ngunit ang mapagpakumbaba ay magtatamo ng karangalan.