Bible in 90 Days
Nanalangin si Daniel para sa Kanyang Bayan
9 Nang unang taon ni Dario na anak ni Ahasuerus, mula sa lahi ng Media, na naging hari sa kaharian ng mga taga-Caldea—
2 nang(A) unang taon ng kanyang paghahari, akong si Daniel ay nakaunawa mula sa mga aklat ng bilang ng mga taon, ayon sa salita ng Panginoon kay propeta Jeremias, na dapat lumipas bago magwakas ang pagkasira ng Jerusalem, ito ay pitumpung taon.
3 Kaya ako'y bumaling sa Panginoong Diyos at hinanap siya sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pag-aayuno, may damit-sako at mga abo.
4 Ako'y nanalangin sa Panginoon kong Diyos, at nagpahayag ng kasalanan na sinasabi, “O Panginoon, Diyos na dakila at kakilakilabot, na nag-iingat ng tipan at tapat na pag-ibig sa umiibig sa iyo at nag-iingat ng iyong mga utos.
5 Kami ay nagkasala, gumawa ng pagkakamali, kumilos na may kasamaan, naghimagsik at tumalikod sa iyong mga utos at mga batas.
6 Ni hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na mga propeta, na nagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, mga pinuno, mga ninuno, at sa lahat ng mga tao ng lupain.
7 O Panginoon, ang katuwiran ay sa iyo, ngunit sa amin ay hayag na kahihiyan hanggang sa araw na ito, sa mga tao ng Juda, sa mga naninirahan sa Jerusalem, sa buong Israel, sa mga nasa malapit at nasa malayo sa lahat ng lupain na iyong pinagtabuyan sa kanila dahil sa kataksilang ginawa nila laban sa iyo.
8 O Panginoon, hayag na kahihiyan ang dumating sa amin, sa aming mga hari, mga pinuno, at mga ninuno, sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.
9 Sa Panginoon naming Diyos nagmumula ang habag at kapatawaran; sapagkat kami ay naghimagsik laban sa kanya.
10 Ni hindi namin sinunod ang tinig ng Panginoon naming Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga kautusan na kanyang inilagay sa harapan namin sa pamamagitan ng kanyang lingkod na mga propeta.
11 Tunay na ang buong Israel ay sumuway sa iyong kautusan at tumalikod, na hindi nakinig sa iyong tinig. At ang sumpa na nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos ay ibinuhos sa amin, sapagkat kami ay nagkasala laban sa kanya.
12 Sa gayo'y kanyang pinagtibay ang kanyang mga salita na kanyang sinalita laban sa amin, at laban sa aming mga pinuno na namuno sa amin, sa pamamagitan ng pagdadala sa amin ng malaking kapahamakan; sapagkat sa silong ng buong langit ay hindi pa nagagawa ang gaya ng ginawa sa Jerusalem.
13 Gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, lahat ng kapahamakang ito'y dumating sa amin, gayunma'y hindi namin hiniling ang lingap ng Panginoon naming Diyos, at hindi namin tinalikuran ang aming mga kasamaan at pinakinggan ang iyong katotohanan.
14 Kaya't inihanda ng Panginoon ang kapahamakan, at ibinagsak sa amin; sapagkat ang Panginoon naming Diyos ay matuwid sa lahat ng kanyang mga gawa na kanyang ginagawa, ngunit hindi namin tinupad ang kanyang tinig.
15 At ngayon, O Panginoon naming Diyos na naglabas ng iyong bayan mula sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at pinatanyag mo ang iyong pangalan hanggang sa araw na ito; kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng kasamaan.
16 O Panginoon, ayon sa lahat mong matuwid na mga gawa, ilayo mo nawa ang iyong galit at poot sa Jerusalem na iyong lunsod, ang iyong banal na bundok; sapagkat dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga ninuno, ang Jerusalem at ang iyong sambayanan ay naging kahiyahiya sa lahat ng nasa palibot namin.
17 Kaya't ngayon, O aming Diyos, pakinggan mo ang panalangin at mga pagsamo ng iyong lingkod, alang-alang sa iyo, O Panginoon, at paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong wasak na santuwaryo.
18 O Diyos ko, ikiling mo ang iyong tainga, at ikaw ay makinig. Ibukas mo ang iyong mga mata, at masdan mo ang aming mga pagkawasak, at ang lunsod na tinatawag sa iyong pangalan; sapagkat hindi namin inihaharap ang aming mga pagsamo sa harapan mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa iyong dakilang awa.
19 O Panginoon, makinig ka; O Panginoon, magpatawad ka; O Panginoon, makinig ka at kumilos ka! Alang-alang sa iyong sarili, O aking Diyos, huwag mong ipagpaliban sapagkat ang iyong lunsod at ang iyong sambayanan ay tinatawag sa iyong pangalan.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Propesiya
20 Samantalang ako'y nagsasalita at nananalangin, at nagpapahayag ng aking kasalanan at ng kasalanan ng aking bayang Israel, at naghaharap ng aking samo sa harapan ng Panginoon kong Diyos alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos;
21 samantalang(B) ako'y nagsasalita sa panalangin, ang lalaking si Gabriel, na aking nakita sa pangitain nang una, ay dumating sa akin sa mabilis na paglipad, sa panahon ng pag-aalay sa hapon.
22 Ako'y kanyang tinuruan at nakipag-usap sa akin at sinabi, “O Daniel, ako'y lumabas ngayon upang bigyan ka ng karunungan at pagkaunawa.
23 Sa pasimula ng iyong mga samo ay lumabas ang salita, at ako'y naparito upang sabihin sa iyo; sapagkat ikaw ay lubhang minamahal. Kaya't isaalang-alang mo ang salita at unawain ang pangitain:
24 “Pitumpung sanlinggo ang itinakda para sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod: upang tapusin ang pagsuway, wakasan ang pagkakasala, gumawa ng pagtubos para sa kasamaan, dalhan ng walang hanggang katuwiran, tatakan ang pangitain at ang propesiya, at upang buhusan ng langis ang kabanal-banalan.
25 Kaya't iyong alamin at unawain, na mula sa paglabas ng utos na panumbalikin at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng Mesiyas,[a] na pinuno, ay pitong sanlinggo at animnapu't dalawang sanlinggo. Ito'y muling itatayo na may lansangan at kuta, samakatuwid ay sa mga panahon ng kaguluhan.
26 Pagkalipas ng animnapu't dalawang sanlinggo, ang Mesiyas[b] ay mahihiwalay at mawawalan, at ang bayan ng pinunong darating ang wawasak sa lunsod at sa santuwaryo. Ang wakas nito ay sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa katapusan ay magkakaroon ng digmaan. Ang pagkasira ay itinakda na.
27 At(C) siya'y gagawa ng isang matibay na tipan sa marami sa loob ng isang linggo, at sa kalagitnaan ng sanlinggo ay kanyang patitigilin ang handog at ang alay; at sa pakpak ng mga kasuklamsuklam ay darating ang isang mangwawasak, hanggang sa ang iniutos na wakas ay maibuhos sa mangwawasak.”
Ang Pangitain ni Daniel sa Tabi ng Malaking Ilog
10 Nang ikatlong taon ni Ciro na hari ng Persia, nahayag ang isang salita kay Daniel, na ang pangala'y Belteshasar. Ang salita ay totoo, at iyon ay tungkol sa isang malaking paglalaban. At kanyang naunawaan ang salita at naunawaan ang pangitain.
2 Nang mga araw na iyon, akong si Daniel ay nagluluksa sa loob ng buong tatlong sanlinggo.
3 Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni pumasok man ang karne, ni alak sa aking bibig, ni nagpahid man ako ng langis sa loob ng buong tatlong sanlinggo.
4 Nang ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang ako'y nasa pampang ng malaking ilog na Hiddekel,[c]
5 aking(D) itiningin ang aking paningin at tumanaw, at nakita ko ang isang lalaki na may suot ng telang lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng ginto ng Uphaz.
6 Ang kanyang katawan ay gaya ng berilo, ang kanyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, ang kanyang mga mata ay gaya ng nagliliyab na sulo, ang kanyang mga kamay at mga paa ay gaya ng kislap ng pinakintab na tanso, at ang tunog ng kanyang mga salita ay gaya ng ingay ng napakaraming tao.
7 Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitaing iyon; hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang pangitain, gayunma'y dumating sa kanila ang isang matinding takot, at sila'y tumakas upang magkubli.
8 Kaya't iniwan akong nag-iisa, at nakita ko ang dakilang pangitaing ito. Walang lakas na naiwan sa akin, at ang aking kulay ay namutlang parang patay at walang nanatiling lakas sa akin.
9 Ngunit narinig ko ang tunog ng kanyang mga salita; at nang aking marinig ang tunog ng kanyang mga salita, ang mukha ko'y napasubasob sa lupa sa isang mahimbing na pagkakatulog.
10 Ngunit di nagtagal, narito, isang kamay ang humipo sa akin at ako'y itinayo na nanginginig ang aking mga kamay at mga tuhod.
11 At sinabi niya sa akin, “O Daniel, ikaw na lalaking pinakamamahal, unawain mo ang mga salita na aking sasabihin sa iyo. Tumayo ka nang matuwid sapagkat sa iyo'y sinugo ako ngayon.” Nang kanyang masabi ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig.
12 Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong isipan sa pagkaunawa, at magpakababa sa iyong Diyos, ang iyong mga salita ay pinakinggan, at ako'y pumarito dahil sa iyong mga salita.
13 Ngunit(E) hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw. Kaya't si Miguel na isa sa mga punong prinsipe ay dumating upang tulungan ako. At ako'y naiwan doon kasama ng mga hari ng Persia.
14 Pumarito ako upang ipaunawa sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw. Sapagkat mayroon pang pangitain para sa mga araw na iyon.”
15 Samantalang kanyang sinasabi sa akin ang mga salitang ito, itinungo ko ang aking mukha sa lupa at ako'y napipi.
16 At isang kahawig ng tao ang humipo sa aking mga labi. Ibinuka ko ang aking bibig at ako'y nagsalita. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa harapan ko, “O panginoon ko, dahil sa pangitain ay dumating sa akin ang mga paghihirap at nawalan ako ng lakas.
17 Paanong makikipag-usap ang lingkod ng aking panginoon sa aking panginoon? Sapagkat sa ngayon, walang nananatiling lakas sa akin, at walang naiwang hininga sa akin.”
18 Muli akong hinipo ng isa na kahawig ng tao, at kanyang pinalakas ako.
19 Kanyang sinabi, “O taong pinakamamahal, huwag kang matakot; kapayapaan ang sumaiyo. Magpakalakas ka at magpakatapang.” Nang siya'y magsalita sa akin, ako'y lumakas at nagsabi, “Magsalita ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako.”
20 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako'y pumarito sa iyo? Ngayo'y babalik ako upang makipaglaban sa pinuno ng Persia. At kapag ako'y tapos na sa kanya, narito, ang pinuno ng Grecia ay darating.
21 Ngunit sasabihin ko sa iyo ang nakasulat sa kasulatan ng katotohanan. Wala akong kasamang nakikipaglaban sa mga pinunong ito maliban kay Miguel na inyong pinuno.
Ang Kaharian ng Ehipto at Siria
11 Tungkol sa akin, nang unang taon ni Dario na taga-Media, ako'y tumayo upang patibayin at palakasin siya.
2 “At ngayo'y ipapaalam ko sa iyo ang katotohanan. Tatlo pang mga hari ang lilitaw sa Persia; at ang ikaapat ay magiging higit na mayaman kaysa kanilang lahat. Kapag siya'y lumakas sa pamamagitan ng kanyang mga kayamanan, kanyang kikilusin ang lahat laban sa kaharian ng Grecia.
3 At isang makapangyarihang hari ang lilitaw at mamumuno na may malaking kapangyarihan, at gagawa ng ayon sa kanyang nais.
4 Habang nagiging makapangyarihan, magigiba ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na hangin ng langit, ngunit hindi sa kanyang mga anak, ni ayon man sa kanyang kapangyarihan na kanyang ipinamuno; sapagkat ang kanyang kaharian ay mabubunot at mapupunta sa iba bukod sa mga ito.
5 “Ang hari ng timog ay magiging malakas, ngunit ang isa sa kanyang mga pinuno ay magiging higit na malakas kaysa kanya, at siya ay maghahari sa isang kahariang higit na makapangyarihan kaysa kanyang sariling kaharian.
6 Pagkatapos ng ilang mga taon sila'y magsasanib, at ang anak na babae ng hari sa timog ay pupunta sa hari sa hilaga upang makipagkasundo. Ngunit hindi niya mapapanatili ang lakas ng kanyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nagdala sa kanya, at ang nanganak sa kanya, at ang nagpalakas sa kanya sa mga panahong yaon.
7 “Ngunit may isang sanga mula sa kanyang mga ugat ang hahalili sa kanya. Siya'y darating laban sa hukbo, at papasok sa kuta ng hari ng hilaga, at kanyang haharapin sila at magtatagumpay.
8 Dadalhin din niya sa Ehipto bilang samsam ng digmaan ang kanilang mga diyos pati ang kanilang mga larawang hinulma at ang kanilang mahahalagang sisidlang pilak at ginto. Sa loob ng ilang taon ay iiwasan niyang salakayin ang hari ng hilaga.
9 At sasalakayin ng huli ang kaharian ng hari sa timog, ngunit siya'y babalik sa kanyang sariling lupain.
10 “Ang kanyang mga anak ay makikipagdigma at titipunin ang isang malaking hukbo, na sasalakay na gaya ng baha at makakaraan, at ipagpapatuloy ang pakikidigma hanggang sa kanyang kuta.
11 Dahil sa galit, ang hari sa timog ay lalabas at makikipaglaban sa hari ng hilaga at kanyang ihahanda ang napakaraming tao, gayunma'y magagapi ng kanyang kamay.
12 Kapag ang napakaraming tao ay natangay na, ang kanyang puso ay magpapalalo; at kanyang ibubuwal ang sampung libu-libo, ngunit hindi siya magtatagumpay.
13 Sapagkat ang hari sa hilaga ay muling maghahanda ng maraming tao na higit na malaki kaysa una. Pagkalipas ng ilang taon, siya'y darating na may malaking hukbo at maraming panustos.
14 “Sa mga panahong iyon ay maraming babangon laban sa hari ng timog. Ang mga taong mararahas sa iyong bayan ay maninindigan sa sarili upang ganapin ang pangitain; ngunit sila'y mabibigo.
15 Sa gayo'y darating ang hari sa hilaga, at sasalakay at masasakop ang isang bayan na nakukutaang mabuti. Ang hukbo ng timog ay hindi makakatagal ni ang kanyang piling pangkat, sapagkat walang lakas upang makatagal.
16 Ngunit siya na dumarating laban sa kanya ay gagawa ayon sa kanyang sariling kalooban, at walang makakahadlang sa kanya. Siya'y tatayo sa maluwalhating lupain, na nasa kanyang kamay ang pagwasak.
17 Kanyang itutuon ang kanyang isipan na mapalakas ang kanyang buong kaharian, at siya'y magdadala ng mga alok ng pakikipagkasundo at gagawin ang mga iyon. Ibibigay niya sa kanya ang anak na babae upang maging asawa, ngunit ito'y hindi tatayo para sa kanya o kakampi man sa kanya.
18 Pagkatapos nito'y haharapin niya ang[d] mga lupain sa baybay-dagat, at sasakupin ang marami sa kanila. Ngunit isang pinuno ang magpapatigil sa kanyang kalapastanganan; tunay na kanyang ibabalik ang kanyang kalapastanganan sa kanya.
19 Kung magkagayo'y haharapin niya ang mga kuta ng kanyang sariling lupain; ngunit siya'y matitisod at mabubuwal, at hindi na matatagpuan.
20 “Kung magkagayo'y lilitaw na kapalit niya ang isa na magsusugo ng maniningil para sa kaluwalhatian ng kaharian; ngunit sa loob ng ilang araw ay mawawasak siya, hindi sa galit ni sa pakikipaglaban man.
21 At kapalit niya ay lilitaw ang isang kasuklamsuklam na tao na hindi nabigyan ng karangalan ng kaharian. Ngunit siya'y darating na walang babala at kukunin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya.
22 Ang mga hukbo ay ganap na matatangay at mawawasak sa harapan niya, pati ang pinuno ng tipan.
23 Pagkatapos na magawa ang pakikipagkasundo sa kanya, siya'y kikilos na may pandaraya, at siya'y magiging makapangyarihan kasama ng isang munting pangkat.
24 Walang babalang darating siya sa pinakamayamang bahagi ng lalawigan; at kanyang gagawin ang hindi ginawa ng kanyang mga magulang o ng magulang ng kanyang mga magulang. Ibabahagi niya sa kanila ang samsam at kayamanan. Siya'y gagawa ng mga panukala laban sa mga kuta, ngunit sa isang panahon lamang.
25 Kanyang kikilusin ang kanyang kapangyarihan at tapang laban sa hari ng timog na may malaking hukbo. At ang hari ng timog ay makikipagdigma sa isang napakalaki at makapangyarihang hukbo. Ngunit hindi siya magtatagumpay, sapagkat sila'y gagawa ng mga panukala laban sa kanya,
26 sa pamamagitan ng mga taong kumakain ng pagkaing mula sa hari. Kanilang wawasakin siya, ang kanyang hukbo ay matatalo at marami ang mabubuwal na patay.
27 Ang dalawang hari, na ang kanilang mga isipan ay nahumaling na sa kasamaan, ay uupo sa isang hapag at magpapalitan ng mga kasinungalingan. Ngunit hindi magtatagumpay, sapagkat ang wakas ay darating sa takdang panahon.
28 Siya'y babalik sa kanyang lupain na may malaking kayamanan, ngunit ang kanyang puso ay magiging laban sa banal na tipan. Gagawin niya ang kanyang maibigan, at babalik sa kanyang sariling lupain.
29 “Sa takdang panahon ay babalik siya at papasok sa timog, ngunit ito ay hindi magiging gaya ng una.
30 Sapagkat ang mga barko ng Kittim ay darating laban sa kanya at siya'y matatakot at babalik. Siya'y mapopoot at kikilos laban sa banal na tipan. Siya'y babalik at bibigyan ng pansin ang mga tumalikod sa banal na tipan.
31 Papasukin(F) at lalapastanganin ng mga tauhang sinugo niya ang templo at kuta. Kanilang aalisin ang patuloy na handog na sinusunog. At kanilang ilalagay ang kasuklamsuklam ng pagkawasak.
32 Kanyang aakitin na may labis na papuri ang mga sumuway sa tipan, ngunit ang bayan na nakakakilala ng kanilang Diyos ay magiging matibay at kikilos.
33 Ang marurunong sa mga mamamayan ay magtuturo sa marami, gayunman, sa loob ng ilang panahon, sila'y magagapi sa pamamagitan ng tabak at apoy, at daranas ng pagkabihag at sasamsaman.
34 Kapag sila'y nabuwal, sila'y tatanggap ng kaunting tulong, at marami ang sasama sa kanila na may pagkukunwari.
35 Ang ilan sa mga pantas ay magdurusa, upang dalisayin, linisin, at paputiin hanggang sa panahon ng wakas; sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon.
36 “Ang hari(G) ay kikilos ayon sa kanyang nais. Siya'y magmamalaki, at magpapakataas nang higit kaysa alinmang diyos, at magsasalita ng mga kagila-gilalas na bagay laban sa Diyos ng mga diyos. Siya'y uunlad hanggang sa ang poot ay maganap; sapagkat ang ipinasiya ay matutupad.
37 Hindi niya igagalang ang mga diyos ng kanyang mga ninuno, o ang pagnanasa sa mga babae. Hindi niya igagalang ang sinumang diyos, sapagkat siya'y magmamalaki sa lahat.
38 Sa halip, kanyang pararangalan ang diyos ng mga muog. Isang diyos na hindi nakilala ng kanyang mga ninuno ang kanyang pararangalan ng ginto at pilak, ng mahahalagang bato at ng mamahaling kaloob.
39 Kanyang haharapin ang pinakamatibay na mga kuta sa tulong ng ibang diyos; sinumang kumilala sa kanya ay kanyang itataas na may karangalan. Kanyang gagawin silang mga puno ng marami at ipamamahagi ang lupa sa katumbas na halaga.
40 “Sa panahon ng wakas ay sasalakayin siya ng hari ng timog, ngunit ang hari ng hilaga ay pupunta laban sa kanya na gaya ng isang ipu-ipo, may mga karwahe, mga mangangabayo, at may maraming mga barko. At siya'y sasalakay laban sa mga bansa at lalampas na gaya ng baha.
41 Siya'y papasok sa maluwalhating lupain at marami ang mabubuwal ngunit maliligtas sa kanyang kapangyarihan ang Edom, Moab, at ang pangunahing bahagi ng mga anak ni Ammon.
42 At kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa mga bansa; at ang lupain ng Ehipto ay hindi makakatakas.
43 Siya'y magiging pinuno ng mga kayamanang ginto at pilak, at ng mahahalagang bagay ng Ehipto; at ang mga taga-Libya at ang mga taga-Etiopia ay susunod sa kanyang mga hakbang.
44 Ngunit ang mga balita mula sa silangan at sa hilaga ay babagabag sa kanya; at siya'y lalabas na may malaking galit upang pumuksa at lumipol ng marami.
45 Kanyang itatayo ang mga tolda ng kanyang palasyo sa pagitan ng dagat at ng maluwalhating banal na bundok. Gayunma'y darating siya sa kanyang wakas, at walang tutulong sa kanya.
Ang Panahon ng Katapusan
12 “Sa(H) panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang pinuno na tagapag-ingat ng iyong bayan. At magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. Ngunit sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na ang pangalan ay matatagpuang nakasulat sa aklat.
2 Marami(I) sa mga natutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba'y tungo sa buhay na walang hanggan, at ang iba'y tungo sa kahihiyan at sa walang hanggang paghamak.
3 Ang mga pantas ay magniningning na tulad ng kaningningan ng langit; at ang mga nagpabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanpaman.
4 Ngunit(J) ikaw, O Daniel, ilihim mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat hanggang sa panahon ng wakas. Marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago.”
5 At akong si Daniel ay tumingin, at narito, dalawang iba pa ang lumitaw, ang isa'y sa pampang na ito ng ilog, at ang isa'y sa kabilang pampang ng ilog.
6 Sinabi ko sa lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog, “Hanggang kailan ang wakas ng mga kababalaghang ito?”
7 Ang(K) lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog ay nagtaas ng kanyang kanan at kaliwang kamay sa langit. Narinig ko siyang sumumpa sa pamamagitan niya na nabubuhay magpakailanman na iyon ay isang panahon, mga panahon, at kalahati ng isang panahon. At kapag ang pagwasak sa kapangyarihan ng banal na sambayanan ay magwakas na, ang lahat ng ito ay matatapos.
8 Narinig ko, ngunit hindi ko naunawaan. Kaya't sinabi ko, “O panginoon ko, ano ang magiging wakas ng mga bagay na ito?”
9 Sinabi niya, “Humayo ka sa iyong lakad, Daniel; sapagkat ang mga salita ay mananatiling lihim at natatakan hanggang sa panahon ng wakas.
10 Marami(L) ang dadalisayin, lilinisin, at papuputiin, ngunit ang masasama ay magpapatuloy sa paggawa ng kasamaan. Walang sinuman sa masasama ang makakaunawa; ngunit ang mga pantas ay makakaunawa.
11 Mula(M) sa panahon na ang patuloy na handog na sinusunog ay alisin, at maitayo ang kasuklamsuklam ng pagkawasak, ay isang libo't dalawandaan at siyamnapung araw.
12 Mapalad ang naghihintay, at makaabot sa isang libo at tatlong daan at tatlumpu't limang araw.
13 Ngunit humayo ka sa iyong lakad hanggang sa katapusan; at ikaw ay magpapahinga at tatayo para sa iyong gantimpala sa katapusan ng mga araw.”
1 Ang(N) salita ng Panginoon na dumating kay Hoseas na anak ni Beeri, sa mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda, at sa kapanahunan ni Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel.
Ang Taksil na Asawa ni Hoseas
2 Nang unang magsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Hoseas, sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Humayo ka, mag-asawa ka ng isang bayarang babae[e] at magkaroon ka ng mga anak sa bayarang babae, sapagkat ang lupain ay gumagawa ng malaking kahalayan dahil sa pagtalikod nila sa Panginoon.”
3 Kaya't humayo siya, at kinuha niya si Gomer na anak ni Diblaim. At siya'y naglihi at nanganak sa kanya ng isang lalaki.
4 Sinabi(O) ng Panginoon sa kanya, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Jezreel, sapagkat ilang sandali na lang at aking parurusahan ang sambahayan ni Jehu dahil sa dugo ni Jezreel, at aking tatapusin ang kaharian ng sambahayan ni Israel.
5 Sa araw na iyon, aking babaliin ang busog ng Israel sa libis ng Jezreel.”
6 Siya'y muling naglihi, at nanganak ng isang babae. At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ruhama;[f] sapagkat hindi na ako mahahabag sa sambahayan ni Israel, ni patatawarin pa sila.
7 Ngunit ako'y maaawa sa sambahayan ni Juda, at ililigtas ko sila sa pamamagitan ng Panginoon nilang Diyos. Hindi ko sila ililigtas sa pamamagitan ng busog, o sa pamamagitan man ng tabak, o sa pamamagitan man ng digmaan, o sa pamamagitan man ng mga kabayo, o sa pamamagitan man ng mga mangangabayo.”
8 Nang maihiwalay niya sa pagsuso si Lo-ruhama, siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki.
9 At sinabi ng Panginoon, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ammi;[g] sapagkat kayo'y hindi ko bayan, at ako'y hindi ninyo Diyos.”
Ibabalik ang Israel
10 Gayunma'y(P) ang bilang ng mga anak ni Israel ay magiging parang buhangin sa dagat na hindi masusukat, o mabibilang man; at sa dakong sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi aking bayan,” ay sasabihin sa kanila, “Kayo'y mga anak ng Diyos na buháy.”
11 Ang mga anak ni Juda, at ang mga anak ni Israel ay magkakasama-sama at sila'y maghahalal sa kanilang sarili ng isang pinuno, at sila'y magsisisampa mula sa lupain; sapagkat magiging dakila ang araw ng Jezreel.
Ang Taksil na si Gomer—Ang Taksil na Israel
2 Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, Ammi;[h] at sa inyong mga kapatid na babae, Ruhama.[i]
2 Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo;
sapagkat siya'y hindi ko asawa,
at ako ay hindi niya asawa;
na alisin niya ang kanyang pagiging bayarang babae[j] sa kanyang mukha,
at ang kanyang pangangalunya sa pagitan ng kanyang mga suso.
3 Kung hindi'y huhubaran ko siya,
at ilalantad ko siya na gaya nang araw na siya'y ipanganak,
at gagawin ko siyang parang isang ilang,
at gagawin ko siyang parang isang tigang na lupa,
at papatayin ko siya sa uhaw.
4 Sa kanyang mga anak ay hindi rin ako mahahabag;
sapagkat sila'y mga anak sa pagiging bayarang babae.
5 Sapagkat ang kanilang ina ay bayarang babae;
siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya.
Sapagkat kanyang sinabi, “Ako'y susunod sa aking mga mangingibig;
na nagbibigay sa akin ng aking tinapay at tubig,
ng aking lana, lino, langis at ng inumin ko.”
6 Kaya't narito, babakuran ko ang kanyang daan ng mga tinik,
at ako'y gagawa ng pader laban sa kanya
upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
7 Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig
ngunit sila'y hindi niya aabutan;
at sila'y hahanapin niya,
ngunit sila'y hindi niya matatagpuan.
Kung magkagayo'y sasabihin niya, “Ako'y hahayo
at babalik sa aking unang asawa;
sapagkat mas mabuti ang kalagayan ko noon kaysa ngayon.
8 Sapagkat hindi niya nalaman
na ako ang nagbigay sa kanya
ng trigo, alak, at langis,
at nagpasagana sa kanya ng pilak
at ginto na kanilang ginamit para kay Baal.
9 Kaya't aking babawiin
ang aking trigo sa panahon ng pag-aani,
at ang aking alak sa panahon niyon,
at aking kukunin ang aking lana at ang aking lino
na sana'y itatakip sa kanyang kahubaran.
10 At ngayo'y aking ililitaw ang kanyang kahalayan
sa paningin ng kanyang mga mangingibig
at walang magliligtas sa kanya mula sa aking kamay.
11 Wawakasan ko ang lahat niyang mga pagsasaya,
ang kanyang mga kapistahan, ang kanyang mga bagong buwan, ang kanyang mga Sabbath,
at lahat ng kanyang mga takdang pagpupulong.
12 At aking wawasakin ang kanyang mga puno ng ubas, at ang kanyang mga puno ng igos,
na siya niyang sinasabi,
“Ang mga ito ang aking kabayaran
na ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig.”
At ang mga iyon ay aking gagawing isang gubat,
at lalamunin ang mga ito ng hayop sa kaparangan.
13 Aking parurusahan siya dahil sa mga araw ng mga Baal,
nang pagsunugan niya ang mga ito ng insenso,
at nang siya'y naggayak ng kanyang mga hikaw at mga hiyas,
at sumunod sa kanyang mga mangingibig,
at kinalimutan ako, sabi ng Panginoon.
Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Kanyang Bayan
14 Kaya't akin siyang aakitin,
at dadalhin siya sa ilang,
at malambing ko siyang kakausapin.
15 At(Q) doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan,
at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor.
Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan,
at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.
16 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, tatawagin mo akong “Asawa ko;” at hindi mo na ako tatawaging, “Baal ko!”
17 Sapagkat aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kanyang bibig, at sila'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.
18 Sa araw na iyon ay igagawa kita ng pakikipagtipan sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa; at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang digmaan sa lupain, at pahihigain kita nang tiwasay.
19 At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan.
20 Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang Panginoon.
21 Sa araw na iyon, ako'y sasagot, sabi ng Panginoon,
ako'y sasagot sa langit,
at sila'y sasagot sa lupa;
22 at ang lupa'y sasagot sa trigo, sa bagong alak, at sa langis;
at sila'y sasagot sa Jezreel.
23 At(R) aking ihahasik siya para sa akin sa lupa;
at ako'y mahahabag sa kanya na hindi nagtamo ng kahabagan.
At aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, “Ikaw ay aking bayan”;
at siya'y magsasabi, “Ikaw ay aking Diyos.”
Si Hoseas at ang Babaing Mangangalunya
3 At sinabing muli ng Panginoon sa akin, “Humayo ka uli, ibigin mo ang isang babae na minamahal ng kanyang asawa, bagama't isang mangangalunya, kung paanong iniibig ng Panginoon ang mga anak ni Israel, bagaman sila'y bumaling sa ibang mga diyos, at gustong-gusto ang mga tinapay na may pasas.”
2 Sa gayo'y binili ko siya sa halagang labinlimang siklong pilak, isang omer na sebada, at ng isang takal na alak.
3 At sinabi ko sa kanya, “Dapat kang manatiling akin sa loob ng maraming araw. Huwag kang maging bayarang babae,[k] o pipisan sa ibang lalaki, at magiging gayon din ako sa iyo.”
4 Sapagkat ang mga anak ni Israel ay mananatili nang maraming araw na walang hari, at walang prinsipe, walang alay at walang haligi, walang efod o terafim.
5 Pagkatapos ang mga anak ni Israel ay manunumbalik at hahanapin nila ang Panginoon nilang Diyos at si David na kanilang hari. Darating silang may takot sa Panginoon at sa kanyang kabutihan sa mga huling araw.
Ang Hinanakit ng Panginoon Laban sa Israel
4 Dinggin ninyo ang salita ng Panginoon, o mga anak ni Israel;
sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga naninirahan sa lupain.
Sapagkat walang katapatan o kabaitan man,
ni kaalaman tungkol sa Diyos sa lupain.
2 Naroon ang panunumpa,
pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw, at pangangalunya;
sila'y gumagawa ng karahasan, upang ang pagdanak ng dugo ay masundan ng pagdanak ng dugo.
3 Kaya't ang lupain ay tumatangis,
at lahat ng nakatira doon ay nanlulupaypay,
kasama ng mga hayop sa parang
at ng mga ibon sa himpapawid;
pati ang mga isda sa dagat ay nangawala.
Ang Hinanakit ng Panginoon Laban sa mga Pari
4 Gayunma'y huwag makipaglaban ang sinuman,
o magbintang man ang sinuman;
sapagkat ang iyong bayan ay gaya ng mga nakikipagtalo sa pari.
5 At ikaw ay matitisod sa araw,
at ang propeta man ay matitisod na kasama mo sa gabi;
at aking pupuksain ang iyong ina.
6 Ang aking bayan ay nawawasak dahil sa kakulangan ng kaalaman;
sapagkat itinakuwil mo ang kaalaman,
itinatakuwil din kita bilang aking pari.
At yamang iyong nilimot ang kautusan ng iyong Diyos,
akin ding lilimutin ang iyong mga anak.
7 Habang lalo silang dumarami,
lalo silang nagkakasala laban sa akin;
aking papalitan ng kahihiyan ang kanilang kaluwalhatian.
8 Sila'y kumakain sa kasalanan ng aking bayan,
at itinuon ang kanilang pagnanasa tungo sa kanilang kasamaan.
9 At magiging kung paano ang taong-bayan, gayon ang pari.
Parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga lakad,
at pagbabayarin ko sila sa kanilang mga gawa.
10 Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
sila'y magiging tulad sa bayarang babae,[l] ngunit hindi dadami;
sapagkat sila'y humintong makinig sa Panginoon.
Sinusumpa ng Panginoon ang Pagsamba sa Diyus-diyosan
11 Ang kahalayan, alak at bagong alak ay nag-aalis ng pang-unawa.
12 Ang aking bayan ay sumasangguni sa bagay na yari sa kahoy,
at ang kanilang tungkod ay nagpapahayag sa kanila.
Sapagkat iniligaw sila ng espiritu ng pagiging bayarang babae,
at sila'y tumalikod sa kanilang Diyos upang maging bayarang babae.
13 Sila'y naghahandog ng mga alay sa mga tuktok ng mga bundok,
at nagsusunog ng kamanyang,
sa ilalim ng mga ensina at ng mga alamo at ng mga roble,
sapagkat ang lilim ng mga iyon ay mabuti.
Kaya't ang inyong mga anak na babae ay naging bayarang babae,
at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya.
14 Hindi ko parurusahan ang inyong mga anak na babae kapag sila'y naging bayarang babae
ni ang inyong mga manugang na babae kapag sila'y nangangalunya;
sapagkat ang mga lalaki mismo ay humahayo kasama ng bayarang babae
at sila'y naghahandog ng mga alay kasama ang mga bayarang babae sa templo.
at ang bayang walang pang-unawa ay mawawasak.
15 Bagaman ikaw, O Israel, ay naging bayarang babae,[m]
huwag hayaang magkasala ang Juda.
Huwag kayong pumunta sa Gilgal,
ni sumampa man sa Bet-haven,
at huwag kayong sumumpa, “Habang nabubuhay ang Panginoon.”
16 Sapagkat ang Israel ay matigas ang ulo,
gaya ng isang guyang babae na matigas ang ulo
mapapakain ba ngayon sila ng Panginoon
tulad ng batang tupa sa isang malawak na pastulan?
17 Ang Efraim ay nakisama sa mga diyus-diyosan;
hayaan ninyo siya.
18 Ang kanilang alak ay ubos, nagpatuloy sila sa pagiging bayarang babae,
ang kanilang mga pinuno ay iniibig na mabuti ang kahihiyan.
19 Tinangay sila ng hangin sa kanyang mga pakpak;
at sila'y mapapahiya dahil sa kanilang mga handog.
Ang Pagsalangsang ng Israel ay Tinutulan
5 Pakinggan ninyo ito, O mga pari!
Makinig kayo, O sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, O sambahayan ng hari!
Sapagkat sa inyo nauukol ang kahatulan;
sapagkat kayo'y naging isang silo sa Mizpah,
at isang lambat na inilatag sa Tabor.
2 Ang mga naghihimagsik ay napunta sa malalim na kapahamakan;
ngunit parurusahan ko silang lahat.
3 Kilala ko ang Efraim,
at ang Israel ay hindi lingid sa akin;
sapagkat ngayon, O Efraim, ikaw ay naging bayarang babae,
ang Israel ay dinungisan ang sarili.
4 Hindi sila pinahihintulutan ng kanilang mga gawa
na manumbalik sa kanilang Diyos.
Sapagkat ang espiritu ng pagiging bayarang babae ay nasa loob nila,
at hindi nila nakikilala ang Panginoon.
5 Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya;
kaya't ang Israel at Efraim ay natitisod sa kanilang pagkakasala;
ang Juda'y natitisod ding kasama nila.
6 Sila'y hahayong kasama ng kanilang kawan at ng kanilang bakahan
upang hanapin ang Panginoon;
ngunit hindi nila siya matatagpuan;
siya'y lumayo sa kanila.
7 Sila'y naging taksil sa Panginoon;
sapagkat sila'y nagsilang ng mga anak sa labas.
Lalamunin nga sila ng bagong buwan kasama ng kanilang mga parang.
Digmaan ng Juda at ng Israel
8 Hipan ninyo ang tambuli sa Gibea,
at ang trumpeta sa Rama.
Patunugin ang hudyat sa Bet-haven;
tumingin ka sa likuran mo, O Benjamin.
9 Ang Efraim ay mawawasak
sa araw ng pagsaway;
sa gitna ng mga lipi ng Israel
ay ipinahahayag ko ang tiyak na mangyayari.
10 Ang mga pinuno ng Juda ay naging
gaya ng nag-aalis ng batong-pananda;
sa kanila'y ibubuhos ko ang aking galit na parang tubig.
11 Ang Efraim ay inaapi, dinudurog sa kahatulan;
sapagkat siya'y nakapagpasiyang sumunod sa utos ng tao.
12 Kaya't ako'y parang bukbok sa Efraim
at parang kabulukan sa sambahayan ni Juda.
13 Nang makita ni Efraim ang kanyang sakit,
at ni Juda ang kanyang sugat,
ay nagtungo si Efraim sa Asiria,
at nagsugo sa Haring Jareb.
Ngunit hindi niya kayo mapapagaling,
ni malulunasan man ang inyong sugat.
14 Sapagkat ako'y magiging parang leon sa Efraim,
at parang isang batang leon sa sambahayan ni Juda,
ako, ako mismo ang pipilas at aalis;
ako'y tatangay, at walang magliligtas.
15 Ako'y muling babalik sa aking dako,
hanggang sa kilalanin nila ang kanilang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha.
Sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam.
6 “Halikayo at tayo'y manumbalik sa Panginoon;
sapagkat siya ang lumapa, ngunit pagagalingin niya tayo;
sinugatan niya tayo ngunit tayo'y kanyang bebendahan.
2 Pagkatapos ng dalawang araw ay muli niya tayong bubuhayin;
sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo,
upang tayo'y mabuhay sa harap niya.
3 At ating kilalanin, tayo'y magpatuloy upang makilala ang Panginoon;
ang kanyang paglabas ay kasintiyak ng bukang-liwayway;
at siya'y paparito sa atin na parang ulan,
tulad ng ulan sa tagsibol na dumidilig sa lupa.”
Ang Tugon ng Panginoon
4 Anong gagawin ko sa iyo, O Efraim?
Anong gagawin ko sa iyo, O Juda?
Ang inyong katapatan ay parang ulap sa umaga,
at parang hamog na maagang umaalis.
5 Kaya't sila'y aking pinutol sa pamamagitan ng mga propeta;
pinatay ko sila ng mga salita ng aking bibig;
at ang aking mga kahatulan ay lumalabas na parang liwanag.
6 Sapagkat(S) nalulugod ako sa katapatan, kaysa alay,
ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog.
7 Ngunit gaya ni Adan ay sumuway sila sa tipan;
doo'y nagsigawa silang may kataksilan sa akin.
8 Ang Gilead ay lunsod ng mga gumagawa ng kasamaan;
tigmak ng dugo.
9 Kung paanong ang mga tulisan ay nag-aabang sa isang tao,
gayon nagsasama-sama ang mga pari;
sila'y pumapatay sa daan patungong Shekem.
Sila'y gumagawa ng kasamaan.
10 Sa sambahayan ni Israel ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay;
ang pagiging bayarang babae[n] ng Efraim ay naroroon, ang Israel ay dinudungisan ang sarili.
11 Sa iyo rin, O Juda, ay may nakatakdang pag-aani,
kapag ibabalik ko na ang mga kayamanan sa aking bayan.
7 Kapag pagagalingin ko na ang Israel,
ang kasamaan nga ng Efraim ay mabubunyag,
at ang masasamang gawa ng Samaria;
sapagkat sila'y nandaraya,
ang magnanakaw ay nanloloob,
at ang mga tulisan ay nananamsam sa labas.
2 Ngunit hindi nila isinasaalang-alang sa kanilang mga puso
na aking tinatandaan ang lahat nilang masasamang gawa.
Ngayo'y pinalilibutan sila ng kanilang sariling mga gawa;
sila'y nasa harap ko.
Sabwatan sa Palasyo
3 Kanilang pinasasaya ang hari sa pamamagitan ng kanilang kasamaan,
at ng kanilang pagsisinungaling ang mga pinuno.
4 Silang lahat ay mga mangangalunya;
sila'y parang pinainit na pugon,
na ang magtitinapay nito ay tumitigil sa pagpapaningas ng apoy,
mula sa paggawa ng masa hanggang sa ito'y malagyan ng pampaalsa.
5 Nang araw ng ating hari ang mga pinuno
ay nagkasakit dahil sa tapang ng alak;
kanyang iniunat ang kanyang kamay kasama ng mga mapanlibak.
6 Sapagkat sila'y nagniningas tulad ng isang pugon, habang sila'y nag-aabang,
ang kanilang magtitinapay ay natutulog magdamag,
sa kinaumagaha'y lumalagablab na parang nagliliyab na apoy.
7 Silang lahat ay mainit na parang pugon,
at nilalamon nila ang kanilang mga hukom.
Lahat ng kanilang mga hari ay nabuwal;
at wala ni isa sa kanila na tumatawag sa akin.
Ang Israel at ang mga Bansa
8 Ang Efraim ay nakikisalamuha sa mga bansa;
ang Efraim ay isang tinapay na hindi binaligtad.
9 Nilalamon ng mga dayuhan ang kanyang lakas,
at hindi niya ito nalalaman;
mga uban ay nakasabog sa kanya,
at hindi niya ito nalalaman.
10 Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya;
gayunma'y hindi sila nanumbalik sa Panginoon nilang Diyos,
ni hinanap man siya, dahil sa lahat ng ito.
11 At ang Efraim ay parang isang kalapati,
hangal at walang pang-unawa
sila'y tumatawag sa Ehipto, sila'y pumupunta sa Asiria.
12 Habang sila'y humahayo, aking ilaladlad ang aking lambat sa kanila;
akin silang ibabagsak na parang mga ibon sa himpapawid;
aking parurusahan sila ayon sa iniulat sa kanilang kapisanan.
13 Kahabag-habag sila, sapagkat sila'y lumayo sa akin!
Ang pagkawasak ay sumakanila, sapagkat sila'y naghimagsik laban sa akin!
Tutubusin ko sana sila,
ngunit nagsasalita sila ng mga kasinungalingan laban sa akin.
14 Sila'y hindi dumadaing sa akin mula sa kanilang puso,
kundi sila'y nananangis sa kanilang mga higaan;
sila'y nagtitipon dahil sa trigo at alak;
sila'y naghihimagsik laban sa akin.
15 Kahit na aking sinanay at pinalakas ang kanilang mga bisig,
gayunma'y nagbalak sila ng masama laban sa akin.
16 Sila'y nanunumbalik, ngunit hindi sa kanya na kataas-taasan;
sila'y parang mandarayang busog;
ang kanilang mga pinuno ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak
dahil sa poot ng kanilang dila.
Ito ang magiging katuyaan sa kanila sa lupain ng Ehipto.
Hinatulan ang Israel sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
8 Ilagay mo ang trumpeta sa iyong bibig.
Gaya ng agila ang kaaway ay dumarating laban sa bahay ng Panginoon,
sapagkat kanilang sinuway ang aking tipan,
at nilabag ang aking kautusan.
2 Sila'y dumadaing sa akin,
“Diyos ko, kami ng Israel ay nakakakilala sa iyo.”
3 Itinakuwil ng Israel ang mabuti,
hahabulin siya ng kaaway.
4 Sila'y naglalagay ng mga hari, ngunit hindi sa pamamagitan ko.
Sila'y naglalagay ng mga prinsipe, ngunit wala akong kinalaman.
Sa kanilang pilak at ginto ay gumawa sila ng mga diyus-diyosan para sa kanilang sarili,
upang sila'y mapahiwalay.
5 Kanyang itinakuwil ang iyong guya, O Samaria.
Ang aking galit ay nag-aalab laban sa kanila.
Kailan pa sila magiging mga walang sala?
6 Sapagkat ito'y mula sa Israel,
ginawa ito ng manggagawa,
at ito'y hindi Diyos.
Ang guya ng Samaria
ay pagpuputul-putulin.
7 Sapagkat sila'y naghahasik ng hangin,
sila'y mag-aani ng ipu-ipo.
Ang mga nakatayong trigo ay walang mga ulo,
hindi ito magbibigay ng butil;
at kung magbigay
ay lalamunin ito ng mga dayuhan.
8 Ang Israel ay nilamon;
ngayo'y kasama na siya ng mga bansa
tulad sa sisidlang walang sinumang nalulugod.
9 Sapagkat sila'y nagsiahon sa Asiria,
parang isang mailap na asno na nag-iisa;
ang Efraim ay may upahang mga mangingibig.
10 Bagaman sila'y umuupa ng mga kapanalig sa mga bansa,
akin nga silang titipunin ngayon.
At sila'y magsimulang mangaunti
dahil sa kabigatan mula sa mga hari at ng mga pinuno.
11 Sapagkat ang Efraim ay nagparami ng mga dambana upang magkasala
ang mga iyon sa kanya ay naging mga dambana para sa pagkakasala.
12 Kahit isulat ko para sa kanya ang aking kautusan nang sampu-sampung libo,
ang mga iyon ay ituturing nilang kakatuwang bagay.
13 Kahit maghandog sila ng mga piling alay,
bagaman kumain sila ng laman,
ang mga iyon ay hindi tinatanggap ng Panginoon.
Ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
at parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan;
sila'y babalik sa Ehipto.
14 Sapagkat nilimot ng Israel ang Lumikha sa kanya,
at nagtayo ng mga palasyo,
at nagparami ang Juda ng mga lunsod na may kuta,
ngunit magsusugo ako ng apoy sa kanyang mga lunsod,
at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan.
Ang Parusa sa Patuloy na Pagtataksil ng Israel
9 Huwag kang magalak, O Israel!
Huwag kang matuwa, na gaya ng ibang mga bayan;
sapagkat ikaw ay naging bayarang babae,[o] tinalikuran mo ang iyong Diyos;
iyong inibig ang bayad sa bayarang babae
sa ibabaw ng lahat ng giikan.
2 Ang giikan at ang pisaan ng ubas ay hindi magpapakain sa kanila,
at ang bagong alak ay kukulangin sa kanya.
3 Sila'y hindi mananatili sa lupain ng Panginoon;
kundi ang Efraim ay babalik sa Ehipto,
at sila'y kakain ng maruming pagkain sa Asiria.
4 Hindi sila magbubuhos ng inuming handog sa Panginoon,
ni makalulugod man sa kanya ang kanilang mga alay.
Ang kanilang mga handog ay magiging parang tinapay ng nagluluksa;
lahat ng kumakain niyon ay madudungisan;
sapagkat ang kanilang tinapay ay para lamang sa kanilang gutom;
hindi iyon papasok sa bahay ng Panginoon.
5 Ano ang inyong gagawin sa araw ng takdang kapulungan,
at sa araw ng kapistahan ng Panginoon?
6 Sapagkat, narito, sila'y nakatakas mula sa pagkawasak,
gayunma'y titipunin sila ng Ehipto,
sila'y ililibing ng Memfis;
ang kanilang mahahalagang bagay na pilak ay aariin ng dawag;
magkakaroon ng mga tinik ang kanilang mga tolda.
7 Ang(T) mga araw ng pagpaparusa ay dumating na,
sumapit na ang mga araw ng paniningil;
hayaang malaman iyon ng Israel.
Ang propeta ay hangal,
ang lalaking may espiritu ay ulol,
dahil sa iyong malaking kasamaan,
at malaking poot.
8 Ang propeta ang bantay sa Efraim, ang bayan ng aking Diyos,
gayunma'y nasa lahat ng kanyang daan ang bitag ng manghuhuli,
at ang pagkamuhi ay nasa bahay ng kanyang Diyos.
9 Pinasama(U) nila nang lubusan ang kanilang mga sarili.
na gaya nang mga araw ng Gibea;
kanyang aalalahanin ang kanilang kasamaan,
kanyang parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
Ang Kasalanan ng Israel at mga Bunga Nito
10 Aking(V) natagpuan ang Israel na parang ubas sa ilang.
Aking nakita ang inyong mga magulang
na parang unang bunga sa puno ng igos
sa kanyang unang kapanahunan.
Ngunit sila'y pumaroon kay Baal-peor,
at itinalaga ang kanilang sarili sa kahihiyan,
at naging kasuklamsuklam na gaya ng bagay na kanilang inibig.
11 Ang kaluwalhatian ng Efraim, ay lilipad papalayo na parang ibon;
walang panganganak, walang pagbubuntis, at walang paglilihi!
12 Kahit magpalaki pa sila ng mga anak,
aalisan ko sila ng anak hanggang walang matira.
Oo, kahabag-habag sila
kapag ako'y humiwalay sa kanila!
13 Ang Efraim, gaya nang aking makita ang Tiro, na natatanim sa magandang dako,
ngunit ilalabas ng Efraim ang kanyang mga anak sa katayan.
14 Bigyan mo sila, O Panginoon—anong iyong ibibigay?
Bigyan mo sila ng mga sinapupunang maaagasan
at ng mga tuyong suso.
Hinatulan ng Panginoon ang Efraim
15 Lahat nilang kasamaan ay nasa Gilgal;
doo'y nagsimula kong kapootan sila.
Dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa,
palalayasin ko sila sa aking bahay.
Hindi ko na sila iibigin;
lahat ng kanilang pinuno ay mga mapanghimagsik.
16 Ang Efraim ay nasaktan,
ang kanilang ugat ay natuyo,
sila'y hindi magbubunga.
Kahit sila'y manganak,
aking papatayin ang minamahal na bunga ng kanilang sinapupunan.
Nagsalita ang Propeta tungkol sa Israel
17 Itatakuwil sila ng aking Diyos,
sapagkat hindi sila nakinig sa kanya;
at sila'y magiging mga palaboy sa gitna ng mga bansa.
10 Ang Israel ay isang mayabong na baging na namumunga.
Habang dumarami ang kanyang bunga,
dumarami rin ang mga itinatayo niyang dambana;
kung paanong bumubuti ang kanyang lupain
ay gayon niya pinabubuti ang mga haligi niya.
2 Ang kanilang puso ay di-tapat;
ngayo'y dapat nilang pasanin ang kanilang kasalanan.
Ibabagsak ng Panginoon ang kanilang mga dambana,
at wawasakin ang kanilang mga haligi.
3 Sapagkat ngayo'y kanilang sasabihin,
“Wala kaming hari;
sapagkat hindi kami natatakot sa Panginoon;
at ang hari, ano ang magagawa niya para sa amin?”
4 Sila'y bumibigkas ng mga salita lamang;
sa pamamagitan ng mga hungkag na panata ay gumagawa sila ng mga tipan;
kaya't ang paghatol ay sumisibol tulad ng damong nakalalason
sa mga lupang binungkal sa bukid.
5 Ang mga naninirahan sa Samaria ay nanginginig
dahil sa mga guya ng Bet-haven.
Sapagkat ang taong-bayan niyon ay magluluksa doon,
at ang mga paring sumasamba sa diyus-diyosan niyon ay mananangis[p] doon,
dahil sa kaluwalhatian niyon na nawala roon.
6 Dadalhin mismo ang bagay na iyon sa Asiria,
bilang kaloob sa Haring Jareb.
Ang Efraim ay ilalagay sa kahihiyan,
at ikahihiya ng Israel ang kanyang sariling payo.
7 Ang hari ng Samaria ay mapapahamak,
na parang bula sa ibabaw ng tubig.
8 Ang(W) matataas na dako ng Aven, ang kasalanan ng Israel
ay mawawasak.
Ang mga tinik at mga dawag ay tutubo
sa kanilang mga dambana;
at sasabihin nila sa mga bundok, Takpan ninyo kami;
at sa mga burol, Mahulog kayo sa amin.
9 O(X) Israel, ikaw ay nagkasala mula sa mga araw ng Gibea;
doon sila ay nagpatuloy.
Hindi ba sila aabutan ng digmaan sa Gibea?
10 Ako'y darating laban sa masasamang tao upang parusahan sila;
at ang mga bansa ay titipunin laban sa kanila,
kapag sila'y nagapos sa kanilang dalawang pagsalangsang.
11 Ang Efraim ay isang turuan na dumalagang baka,
na mahilig gumiik,
at aking iniligtas ang kanyang magandang leeg;
ngunit ilalagay ko ang Efraim sa pamatok,
ang Juda ay dapat mag-araro,
dapat hilahin ng Jacob ang kanyang pansuyod.
12 Maghasik(Y) kayo para sa inyong sarili ng katuwiran;
mag-ani kayo ng bunga ng kabutihang loob;
bungkalin ninyo ang inyong tiwangwang na lupa,
sapagkat panahon nang hanapin ang Panginoon,
upang siya'y dumating at magpaulan ng katuwiran sa inyo.
13 Kayo'y nag-araro ng kasamaan,
kayo'y nag-ani ng walang katarungan;
kayo'y nagsikain ng bunga ng kasinungalingan.
Sapagkat ikaw ay nagtiwala sa iyong lakad,
at sa dami ng iyong mga mandirigma.
14 Kaya't babangon ang kaguluhan ng digmaan sa iyong mga taong-bayan,
at lahat ng iyong mga muog ay magigiba,
gaya ni Salman na giniba ang Bet-arbel sa araw ng paglalaban:
ang mga ina ay pinagluray-luray na kasama ng kanilang mga anak.
15 Gayon ang gagawin sa inyo, O Bethel,
dahil sa inyong malaking kasamaan.
Sa pagbubukang-liwayway, ang hari ng Israel
ay pupuksain.
Nananabik ang Diyos sa Pagbabalik ng Suwail na Bayan
11 Nang(Z) bata pa ang Israel, minahal ko siya,
at mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.
2 Habang lalo ko silang tinatawag
ay lalo naman silang lumalayo sa akin
sila'y patuloy na nag-aalay sa mga Baal,
at nagsusunog ng mga kamanyang sa mga diyus-diyosan.
3 Gayunma'y ako ang nagturo sa Efraim na lumakad;
kinalong ko sila sa aking mga bisig;
ngunit hindi nila nalaman na pinagaling ko sila.
4 Akin silang pinatnubayan ng panali ng tao,
ng mga panali ng pag-ibig.
Sa kanila ako'y naging gaya
ng nag-aalis ng pamingkaw sa kanilang mga panga;
at ako'y naglagay ng pagkain sa harap nila.
5 Sila'y hindi babalik sa lupain ng Ehipto;
ngunit ang Asiria ang magiging hari nila,
sapagkat sila'y tumangging manumbalik sa akin.
6 Ang tabak ay magngangalit sa kanilang mga lunsod,
at tutupukin ang mga halang sa kanilang mga pintuan,
at lalamunin sila dahil sa kanilang sariling mga pakana.
7 Ang bayan ko ay mahilig lumayo sa akin.
Bagaman tumatawag sila sa Kataas-taasan,
walang sinumang nagtataas sa kanya.
8 Paano(AA) kitang pababayaan, O Efraim?
Paano kita itatakuwil, O Israel?
Paano kita gagawing tulad ng Adma?
Paano kita ituturing na tulad ng Zeboim?
Ang aking puso ay nabagbag sa loob ko,
ang aking habag ay nagningas.
9 Hindi ko igagawad ang aking mabangis na galit,
hindi ako babalik upang wasakin ang Efraim;
sapagkat ako'y Diyos, at hindi tao;
ang Banal sa gitna mo;
at hindi ako darating na may poot.
10 Sila'y lalakad nang ayon sa Panginoon,
siya'y uungal na parang leon; kapag siya'y umungal,
ang kanyang mga anak ay darating na nanginginig mula sa kanluran.
11 Sila'y darating na nanginginig na parang mga ibon mula sa Ehipto,
at parang mga kalapati mula sa lupain ng Asiria;
at ibabalik ko sila sa kanilang mga tahanan, sabi ng Panginoon.
Ang Kasinungalingan at Pang-aapi ng Efraim
12 Pinalibutan ako ng Efraim ng kasinungalingan,
at ng sambahayan ni Israel ng daya;
ngunit ang Juda ay lumalakad pa ring kasama ng Diyos,
at tapat pa rin sa Banal.
12 Ang Efraim ay nanginginain sa hangin,
at humahabol sa hanging silangan sa buong araw;
sila'y nagpaparami ng mga kabulaanan at karahasan;
sila'y nakikipagkasundo sa Asiria,
at nagdadala ng langis sa Ehipto.
2 Ang Panginoon ay may paratang laban sa Juda,
at parurusahan ang Jacob ayon sa kanyang mga lakad;
at pagbabayarin siya ayon sa kanyang mga gawa.
3 Sa(AB) (AC) sinapupunan ay kanyang hinawakan sa sakong ang kanyang kapatid;
at sa kanyang pagkabinata ay nakipagbuno siya sa Diyos.
4 Siya'y(AD) nakipagbuno sa anghel, at nanaig;
siya'y tumangis, at humiling ng pagpapala niya.
Nakatagpo niya siya sa Bethel,
at doo'y nakipag-usap siya sa kanya.[q]
5 Ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo;
Panginoon ang kanyang pangalan!
6 Kaya't magbalik-loob ka sa iyong Diyos,
mag-ingat ng kabutihang-loob at katarungan,
at hintayin mong lagi ang iyong Diyos.
7 Isang mangangalakal na may timbangang madaya sa kanyang mga kamay,
maibigin siya sa pang-aapi.
8 At sinabi ng Efraim, “Tunay na ako'y mayaman,
ako'y nagkamal ng kayamanan para sa aking sarili;
sa lahat ng aking pakinabang
walang natagpuang paglabag sa akin
na masasabing kasalanan.”
9 Ngunit(AE) ako ang Panginoon mong Diyos
mula sa lupain ng Ehipto;
muli kitang patitirahin sa mga tolda,
gaya sa mga araw ng takdang kapistahan.
10 Ako ay nagsalita sa mga propeta,
at ako ang nagparami ng mga pangitain;
at sa pamamagitan ng mga propeta ay nagbigay ako ng mga talinghaga.
11 Sa Gilead ba'y may kasamaan?
Sila'y pawang walang kabuluhan.
Sa Gilgal ay naghahandog sila ng mga toro;
ang kanilang mga dambana ay parang mga bunton
sa mga lupang binungkal sa bukid.
12 Si(AF) Jacob ay tumakas patungo sa lupain ng Aram,
at doon ay naglingkod si Israel dahil sa isang asawa,
at dahil sa isang asawa ay nag-alaga siya ng mga tupa.
13 Sa(AG) pamamagitan ng isang propeta ay iniahon ng Panginoon ang Israel mula sa Ehipto,
at sa pamamagitan ng isang propeta, siya'y napangalagaan.
14 Ang Efraim ay nagbigay ng mapait na galit,
kaya't ibababa ng kanyang Panginoon ang mga kasamaan niya sa kanya
at pagbabayarin siya sa kanyang mga panlalait.
Ang Pagkawasak ng Efraim
13 Nang magsalita ang Efraim, nanginig ang mga tao;
kanyang itinaas ang kanyang sarili sa Israel;
ngunit siya'y nagkasala dahil kay Baal, at siya'y namatay.
2 At ngayo'y patuloy silang nagkakasala,
at gumagawa ng mga larawang hinulma para sa kanilang sarili,
mga diyus-diyosang pilak na ginawa ayon sa kanilang pang-unawa,
lahat ng iyon ay gawa ng mga manggagawa.
Sinasabi nila tungkol sa mga iyon, “Maghandog kayo rito.”
Ang mga tao ay humahalik sa mga guya!
3 Kaya't sila'y magiging tulad ng ulap sa umaga,
at tulad ng hamog na maagang naglalaho,
na gaya ng ipa na tinatangay ng ipu-ipo mula sa giikan,
at gaya ng usok na lumalabas sa labasan ng usok.
4 Gayunma'y ako ang Panginoon mong Diyos
mula sa lupain ng Ehipto;
at wala kang kilalang Diyos kundi ako,
at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
5 Ako(AH) ang kumilala sa iyo sa ilang,
sa lupain ng tagtuyot.
6 Ayon sa kanilang pastulan, sila ay nabusog;
sila ay nabusog, at ang kanilang puso ay nagmalaki;
kaya't kinalimutan nila ako.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001