Bible in 90 Days
Ang Pagbagsak ng Malulupit
11 Buksan mo ang iyong mga pintuan, O Lebanon,
upang tupukin ng apoy ang iyong mga sedro!
2 Tumangis ka, O puno ng sipres, sapagkat ang sedro ay nabuwal,
sapagkat ang maluluwalhating puno ay nawasak!
Tumangis kayo, mga ensina sa Basan,
sapagkat ang makapal na gubat ay nasira!
3 May isang ugong ng panaghoy ng mga pastol,
sapagkat ang kanilang kaluwalhatian ay nasira!
May isang ugong ng ungal ng mga batang leon,
sapagkat ang pagmamataas ng Jordan ay nasira!
Ang Dalawang Pastol
4 Ganito ang sabi ng Panginoon kong Diyos: “Ikaw ay maging pastol ng kawan na papatayin.
5 Pinapatay sila ng mga bumili sa kanila at hindi napaparusahan, at silang nagbibili sa kanila ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon, ako'y yumaman;’ at ang kanilang sariling mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.
6 Sapagkat hindi na ako maaawa sa naninirahan sa lupaing ito, sabi ng Panginoon. Narito, pababagsakin ko ang bawat isa sa kamay ng kanyang kapwa, at bawat isa sa kamay ng kanyang hari; at kanilang dudurugin ang lupain, at wala akong ililigtas mula sa kanilang kamay.”
7 At aking pinastol ang kawan na papatayin, pati ang mga kawawa na nasa kawan. Nagdala ako ng dalawang tungkod; ang isa'y tinawag kong Kabutihang Loob, at ang isa'y tinawag kong Pagkakaisa at pinapanginain ko ang kawan.
8 Sa loob ng isang buwan ay pinatay ko ang tatlong pastol. Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagsawa sa kanila at ang kanilang kaluluwa ay nasuklam din sa akin.
9 Kaya't sinabi ko, “Hindi na ako ang magpapanginain sa inyo. Ang mamamatay ay mamatay; ang mahihiwalay ay mahiwalay; at ang mga naiwan ay lamunin ang laman ng isa't isa.”
10 Hinawakan ko ang aking tungkod na Kabutihang Loob, at binali ko ito upang sirain ang aking tipan na aking ginawa sa lahat ng mga bayan.
11 Kaya't ito ay nawalan ng bisa nang araw na iyon, at ang mga kaawa-awang kawan na nagmamasid sa akin ay nakaalam na iyon ay salita ng Panginoon.
12 At(A) (B) sinabi ko sa kanila, “Kung inaakala ninyong mabuti, ibigay ninyo sa akin ang aking sahod. Ngunit kung hindi, inyo na iyon.” Sa gayo'y kanilang tinimbang bilang aking sahod ang tatlumpung pirasong pilak.
13 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, “Ihagis mo sa magpapalayok”—ang mainam na halaga na inihalaga ko sa kanila. Kaya't aking kinuha ang tatlumpung pirasong pilak at inihagis ito sa magpapalayok sa bahay ng Panginoon.
14 Nang magkagayo'y binali ko ang aking pangalawang tungkod na Pagkakaisa, upang aking sirain ang pagkakapatiran ng Juda at Israel.
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Magdala kang muli ng mga kasangkapan ng isang walang kabuluhang pastol.
16 Sapagkat, narito, ako ngayo'y maglalagay ng isang pastol sa lupain na hindi nagmamalasakit sa mga nawawala, ni hahanapin man ang naliligaw, ni pagagalingin ang mga pilay; ni pakakainin ang mga malusog kundi kanyang lalamunin ang laman ng matataba at lulurayin pati ang kanilang mga kuko.
17 Kahabag-habag ang walang kabuluhang pastol
na nag-iiwan ng kawan!
Ang tabak ay darating sa kanyang kamay
at sa kanyang kanang mata!
Matutuyo ang kanyang kamay,
at ang kanyang kanang mata ay lubos na magdidilim!”
Ang Darating na Pagliligtas sa Jerusalem
12 Ang salita ng Panginoon laban sa Israel. Ganito ang sabi ng Panginoon, na naglatag ng langit at nagtatag ng lupa at lumikha ng espiritu ng tao sa loob niya:
2 “Narito, malapit ko nang gawin ang Jerusalem na isang tasang pampasuray sa lahat ng bayan sa palibot, at ito ay magiging laban din sa Juda sa pagkubkob laban sa Jerusalem.
3 Sa araw na iyon ay aking gagawin ang Jerusalem na isang batong mabigat sa lahat ng bayan; lahat ng magbubuhat nito ay malubhang masusugatan. At ang lahat ng bansa sa lupa ay magtitipun-tipon laban sa kanya.
4 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, aking sasaktan ng sindak ang bawat kabayo, at ang kanyang sakay ay mababaliw. Ngunit aking imumulat ang aking mga mata sa sambahayan ni Juda, at aking bubulagin ang bawat kabayo ng mga bayan.
5 Sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay aking kalakasan sa Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Diyos.’
6 “Sa araw na iyo'y gagawin ko ang mga pinuno ni Juda na parang nag-aapoy na palayok sa nakabuntong panggatong, parang nag-aapoy na sulo sa gitna ng mga bigkis; at kanilang sasakmalin ang buong bayan sa palibot, sa kanan at sa kaliwa; samantalang ang Jerusalem ay muling titirhan sa sarili nitong dako, sa Jerusalem.
7 “Unang ililigtas ng Panginoon ang mga tolda ng Juda, upang ang karangalan ng sambahayan ni David at ng mga naninirahan sa Jerusalem ay huwag magmalaki sa Juda.
8 Sa araw na iyon ay ipagsasanggalang ng Panginoon ang mga naninirahan sa Jerusalem, at siyang pinakamahina sa kanila sa araw na iyon ay maging gaya ni David, at ang sambahayan ni David ay magiging parang Diyos, parang anghel ng Panginoon sa unahan nila.
9 At mangyayari sa araw na iyon, aking pagsisikapang gibain ang lahat ng bansa na dumarating laban sa Jerusalem.
10 “Ibubuhos ko(C) (D) sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem ang espiritu ng biyaya at pananalangin, at kapag sila'y tumingin sa akin na kanilang inulos, at kanilang tatangisan siya, na gaya ng pagtangis sa kaisa-isang anak, at umiyak ng may kapaitan gaya ng pag-iyak na may kapaitan sa panganay.
11 Sa araw na iyon ang pagtangis sa Jerusalem ay magiging kasinlaki ng pagtangis para kay Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido.
12 Ang lupain ay tatangis, bawat angkan ay bukod, ang angkan ng sambahayan ni David ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod; ang sambahayan ni Natan ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;
13 ang angkan ng sambahayan ni Levi ay bukod, ang kanilang mga asawa ay bukod, ang angkan ni Simei ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;
14 ang lahat ng angkang nalabi, bukod ang bawat angkan, at ang kanilang mga asawa ay bukod.
13 “Sa araw na iyon ay mabubuksan ang isang bukal para sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem para sa kasalanan at karumihan.
2 “Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, aking aalisin sa lupain ang mga pangalan ng mga diyus-diyosan, kaya't sila'y hindi na maaalala pa. Aking palalayasin sa lupain ang mga propeta at ang karumaldumal na espiritu sa lupain.
3 Kapag ang sinuman ay muling magpropesiya, sasabihin sa kanya ng kanyang ama at ina na nagsilang sa kanya, ‘Ikaw ay hindi mabubuhay sapagkat ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ng Panginoon;’ at uulusin siya ng kanyang ama at ng kanyang ina na nagsilang sa kanya kapag siya'y nagsalita ng propesiya.
4 At mangyayari, sa araw na iyon, ikahihiya ng bawat propeta ang kanyang pangitain kapag siya'y nagsalita ng propesiya. Hindi sila magsusuot ng kasuotang balahibo, upang mandaya,
5 kundi kanyang sasabihin, ‘Ako'y hindi propeta, ako'y magbubungkal ng lupa; sapagkat ang lupain ay aking pag-aari mula sa aking kabataan.’
6 At sasabihin ng isa sa kanya, ‘Ano itong mga sugat sa pagitan ng iyong mga bisig?’ kung magkagayon siya'y sasagot, ‘Ang mga ito'y sugat na tinanggap ko sa bahay ng aking mga kaibigan.’
Ang Utos na Patayin ang Pastol ng Diyos
7 “Gumising(E) ka, O tabak, laban sa pastol ko,
at laban sa lalaking kasama ko,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
“Saktan mo ang pastol upang ang mga tupa ay mangalat;
at aking ipipihit ang aking kamay laban sa maliliit.
8 At mangyayari, sa buong lupain, sabi ng Panginoon,
dalawang-ikatlong bahagi ay aalisin at mamamatay;
ngunit ang ikatlo ay maiiwan.
9 At aking dadalhin ang ikatlong bahagi sa apoy,
at sila'y dadalisayin ko na gaya ng pagdalisay sa pilak,
at sila'y susubukin ko na gaya ng pagsubok sa ginto.
Sila'y tatawag sa aking pangalan,
at akin silang diringgin.
Aking sasabihin, ‘Sila'y bayan ko;’
at kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay aking Diyos.’”
Ang Jerusalem at ang mga Bansa
14 Narito, isang araw darating para sa Panginoon, ang samsam na kinuha sa iyo ay paghahati-hatian sa gitna mo.
2 Sapagkat aking titipunin ang lahat ng bansa upang lumaban sa Jerusalem, at ang lunsod ay masasakop, ang mga bahay ay lolooban, at ang mga babae ay pagsasamantalahan. Ang kalahati ng lunsod ay bibihagin, ngunit ang nalabi sa bayan ay hindi aalisin sa lunsod.
3 Kung magkagayo'y lalabas ang Panginoon at makikipaglaban sa mga bansang iyon, gaya nang siya'y makipaglaban sa araw ng labanan.
4 Sa araw na iyon ay tatayo ang kanyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo, na nasa tapat ng Jerusalem sa dakong silangan; at ang Bundok ng mga Olibo ay mahahati sa gitna niya, sa silangan hanggang sa kanluran, sa pamamagitan ng napakalawak na libis. Ang kalahati ng Bundok ay malilipat sa dakong hilaga, at ang kalahati ay sa dakong timog.
5 At kayo'y magsisitakas sa libis ng aking mga bundok sapagkat ang libis ng mga bundok ay aabot hanggang sa Azal. Kayo'y tatakas gaya noong kayo'y tumakas mula sa lindol nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda. Pagkatapos ang Panginoon kong Diyos ay darating, kasama ang lahat ng mga banal.
6 At mangyayari, sa araw na iyon ay hindi magkakaroon ng liwanag, ang mga nagniningning ay uunti.
7 At ito'y magiging isang araw na nalalaman ng Panginoon, hindi araw at hindi gabi; ngunit mangyayari na sa gabi ay magkakaroon ng liwanag.
8 Sa(F) araw na iyon ay aagos mula sa Jerusalem, ang buháy na tubig, kalahati niyon ay sa dagat sa dakong silangan, at kalahati niyon ay sa dagat sa dakong kanluran; iyon ay magpapatuloy sa tag-init at sa taglamig.
9 Ang Panginoon ay magiging Hari sa buong lupa; sa araw na iyon ang Panginoon ay magiging isa, at ang kanyang pangalan ay isa.
10 Ang buong lupain ay magiging kapatagan mula sa Geba hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas sa kanyang dako mula sa Pintuan ng Benjamin hanggang sa dako ng Unang Pintuan, hanggang sa Sulok na Pintuan, at mula sa Tore ng Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari.
11 Ito'y(G) titirhan sapagkat hindi na ito muling magkakaroon ng sumpa; ang Jerusalem ay tatahang tiwasay.
12 Ito ang magiging salot na ibibigay ng Panginoon sa lahat ng mga bayan na nakipagdigma laban sa Jerusalem: ang kanilang laman ay mabubulok habang sila'y nakatayo pa sa kanilang mga paa, at ang kanilang mga mata'y mabubulok sa kinalalagyan ng mga ito, at ang kanilang mga dila ay mabubulok sa kanilang mga bibig.
13 Sa araw na iyon ay darating sa kanila ang isang malaking pagkatakot sa Panginoon; at hahawak ang bawat isa sa kanila sa kamay ng kanyang kapwa, at ang kamay ng isa'y itataas laban sa kamay ng iba pa;
14 maging ang Juda ay makikipaglaban sa Jerusalem. Ang kayamanan ng lahat ng bansa sa palibot ay titipunin—ginto, pilak, at kasuotan na napakarami.
15 Isang salot na gaya ng salot na ito ang darating sa mga kabayo, mola, kamelyo, asno, at sa lahat ng hayop na naroroon sa mga kampong iyon.
16 Bawat(H) isa na nakaligtas mula sa lahat ng bansa na lumaban sa Jerusalem ay aahon taun-taon upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, at upang ipangilin ang mga kapistahan ng mga kubol.
17 Ang sinuman sa mga angkan sa lupa na hindi umahon sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, sila'y mawawalan ng ulan.
18 Kung ang angkan ng Ehipto ay hindi umahon at hindi pumaroon, ang ulan ay hindi babagsak sa kanila ngunit darating sa kanila ang salot na ipinalasap ng Panginoon sa mga bansang hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol.
19 Ito ang magiging kaparusahan sa Ehipto at sa lahat ng bansa na hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol.
20 Sa araw na iyon ay isusulat sa mga kampanilya ng mga kabayo, “Banal sa Panginoon.” Ang mga palayok sa bahay ng Panginoon ay magiging gaya ng mga mangkok sa harapan ng dambana;
21 at bawat palayok sa Jerusalem at sa Juda ay magiging banal sa Panginoon ng mga hukbo, upang lahat ng mag-aalay ay gamitin ang mga iyon sa paglalaga ng laman ng handog. Hindi na magkakaroon pa ng Cananeo[a] sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo sa araw na iyon.
Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Jacob
1 Ang pahayag ng salita ng Panginoon sa Israel sa pamamagitan ni Malakias.
2 “Inibig(I) (J) ko kayo,” sabi ng Panginoon. Gayunma'y inyong sinasabi, “Paano mo kami inibig?” “Hindi ba si Esau ay kapatid ni Jacob?” sabi ng Panginoon. “Gayunma'y inibig ko si Jacob.
3 Ngunit si Esau ay aking kinamuhian, at ginawa ko ang kanyang mga bundok na isang kasiraan at ibinigay ko ang kanyang mana sa mga asong palaboy sa ilang.”
4 Kung sinasabi ng Edom, “Kami'y nawasak, ngunit muli naming itatayo ang mga guho,” ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Maaari silang magtayo ngunit aking ibabagsak hanggang sila'y tawaging masamang lupain, galit ang Panginoon sa bayang ito magpakailanman.”
5 Makikita ng sarili ninyong mga mata, at inyong sasabihin, “Dakila ang Panginoon hanggang sa kabilang hangganan ng Israel.”
Pinangaralan ng Panginoon ang mga Pari
6 “Iginagalang ng anak ang kanyang ama, at ng mga utusan ang kanilang amo. Kung ako nga'y isang ama, nasaan ang karangalang nararapat sa akin? At kung ako'y amo, nasaan ang paggalang na para sa akin? sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo sa inyo, O mga pari, na humahamak sa aking pangalan. Inyong sinasabi, ‘Paano namin hinamak ang iyong pangalan?’
7 Kayo'y naghahandog ng maruming pagkain sa aking dambana. At inyong sinasabi, ‘Paano ka namin nilapastangan?’ Sa inyong sinasabing ang hapag ng Panginoon ay hamak.
8 Kapag(K) kayo'y naghahandog ng mga bulag na hayop bilang alay, di ba masama iyon? At kapag kayo'y naghahandog ng pilay at may sakit, hindi ba masama iyon? Subukan mong ihandog iyon sa iyong gobernador, masisiyahan kaya siya sa iyo o papakitaan ka kaya niya ng kabutihan? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 ‘Ngayo'y maaari bang inyong hingin ang kabutihan ng Diyos upang pagpalain niya tayo.’ May gayong kaloob sa inyong kamay, magpapakita kaya siya ng paglingap sa alinman sa inyo? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
10 O mayroon sana sa inyong magsara ng mga pinto, upang hindi kayo makapagpaningas ng apoy sa aking dambana nang walang kabuluhan! Hindi ko kayo kinalulugdan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at hindi ako tatanggap ng handog mula sa inyong kamay.
11 Sapagkat mula sa sikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyon, dakila ang aking pangalan sa mga bansa; at sa bawat dako ay paghahandugan ng kamanyang ang aking pangalan, at ng dalisay na handog; sapagkat ang aking pangalan ay dakila sa gitna ng mga bansa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Ngunit inyong nilalapastangan iyon kapag inyong sinasabi na ang hapag ng Panginoon ay nadungisan, at bunga nito, ang pagkain niya ay hamak.
13 Sinasabi rin ninyo, ‘Nakakasawa na ito,’ at inaamoy-amoy pa ninyo ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dinadala ninyo ang nakuha sa dahas, ang pilay, at ang may sakit; at ito ang dinadala ninyo bilang handog! Tatanggapin ko ba ito mula sa inyong kamay? sabi ng Panginoon.
14 Ngunit sumpain ang mandaraya na mayroon sa kanyang kawan na isang lalaki, at ipinangako ito, gayunma'y naghahain ng hayop na may kapintasan sa Panginoon; sapagkat ako'y dakilang Hari, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang aking pangalan ay kinatatakutan ng mga bansa.
Tinuligsa ang mga Di-Banal na Pari
2 “Ngayon, O kayong mga pari, ang utos na ito ay para sa inyo.
2 Kung hindi kayo makikinig, at kung hindi ninyo ilalagak sa inyong puso na bigyang kaluwalhatian ang aking pangalan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ipadadala ko sa inyo ang sumpa at aking susumpain ang mga pagpapala ninyo. Sa katunayan, akin na silang isinumpa, sapagkat hindi ninyo inilagak sa inyong puso.
3 Narito, sasawayin ko ang inyong anak, at sasabugan ko ng dumi ang inyong mga mukha, ang dumi ng inyong mga kapistahan; at kayo'y aalisin kasama nito.
4 Inyong(L) malalaman na aking ipinadala ang utos na ito sa inyo upang ang aking tipan kay Levi ay manatili, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Ang(M) aking tipan sa kanya ay isang tipan ng buhay at kapayapaan; at ibinigay ko ang mga iyon sa kanya upang siya'y matakot; at siya'y natakot sa akin, at siya'y nagbigay-galang sa aking pangalan.
6 Ang kautusan ng katotohanan ay nasa kanyang bibig, at walang kalikuan na nasumpungan sa kanyang mga labi. Siya'y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo niya sa kasamaan ang marami.
7 Sapagkat ang mga labi ng pari ay dapat mag-ingat ng kaalaman, at dapat hanapin ng mga tao ang kautusan sa kanyang bibig, sapagkat siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Ngunit kayo'y lumihis sa daan; naging dahilan kayo upang matisod ang marami sa pamamagitan ng inyong kautusan, inyong pinasama ang tipan ni Levi, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 Kaya't ginawa ko kayong hamak at aba sa harap ng buong bayan, yamang hindi ninyo iningatan ang aking mga daan, kundi nagpakita kayo ng pagtatangi sa inyong kautusan.”
Ang Pagtataksil ng Israel at Juda
10 Hindi ba iisa lamang ang ating ama? Hindi ba iisang Diyos ang lumalang sa atin? Bakit nga tayo nagtataksil sa isa't isa na nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno?
11 Naging taksil ang Juda, at ang kasuklamsuklam ay nagawa sa Israel at sa Jerusalem; sapagkat nilapastangan ng Juda ang santuwaryo ng Panginoon, na kanyang iniibig, at nag-asawa sa anak na babae ng ibang diyos.
12 Ihiwalay nawa ng Panginoon mula sa mga tolda ng Jacob ang taong gumawa nito, ang sinumang gigising o sasagot o magdadala ng handog sa Panginoon ng mga hukbo!
13 Ito rin ay inyong ginagawa: Tinatakpan ninyo ang dambana ng Panginoon ng mga luha, ng pagtangis, at ng pagdaing, sapagkat hindi na niya nililingap ang handog, ni tinatanggap na may kasiyahan sa inyong kamay.
14 Gayunma'y inyong sinasabi, “Sa anong dahilan?” Sapagkat ang Panginoon ay saksi sa pagitan mo at ng asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng kataksilan, bagaman siya'y iyong kasama, at iyong asawa sa pamamagitan ng tipan.
15 Ngunit wala ni isang gumawa niyon na mayroong nalabing Espiritu.[b] Ano ang ginawa niya noong naghahanap siya ng lahing maka-Diyos? Kaya't ingatan ninyo ang inyong espiritu, at huwag nang hayaang ang sinuman ay magtaksil sa asawa ng kanyang kabataan.
16 “Sapagkat aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, at ang pagtatakip ng tao sa kanyang damit na may karahasan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili at huwag kayong magtaksil.”
Nalalapit ang Araw ng Paghatol
17 Inyong niyamot ang Panginoon ng inyong mga salita. Gayunma'y sinasabi ninyo, “Paano namin siya niyamot?” Sa inyong pagsasabi, “Bawat gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng Panginoon, at sila'y kanyang kinalulugdan.” O sa pagtatanong, “Nasaan ang Diyos ng katarungan?”
Ang Pagdating ng Sugo ng Panginoon
3 “Narito,(N) sinusugo ko ang aking sugo upang ihanda ang daan sa unahan ko; at ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo! Ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan ay narito, dumarating,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
2 Ngunit(O) sino ang makakatagal sa araw ng kanyang pagdating, at sino ang makakatayo kapag siya'y nagpakita? Sapagkat siya'y tulad sa apoy ng tagapagdalisay at tulad sa sabon ng mga tagapagpaputi.
3 Siya'y uupong gaya ng nagpapakintab at nagpapadalisay ng pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kanyang lilinising tulad sa ginto at pilak hanggang sila'y maghandog ng matutuwid na handog sa Panginoon.
4 Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa Panginoon, gaya ng mga unang araw, at gaya ng mga taong nakalipas.
5 “Aking lalapitan kayo sa kahatulan; ako'y magiging mabilis sa pagsaksi laban sa mga mangkukulam, laban sa mga nakikiapid, laban sa mga nanunumpa ng kasinungalingan, at laban sa mga umaapi sa upahang manggagawa sa kanyang sahod, sa babaing balo at sa ulila, at laban sa nagtataboy sa dayuhan, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Hindi Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi
6 “Sapagkat akong Panginoon ay hindi nagbabago, kaya't kayo, O mga anak ni Jacob ay hindi napapahamak.
7 Mula sa mga araw ng inyong mga ninuno, kayo'y lumihis sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinupad ang mga iyon. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano kami manunumbalik?’
8 Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo ako. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano ka namin ninanakawan?’ Sa mga ikasampung bahagi at sa mga handog.
9 Kayo'y isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninanakawan ninyo ako—ng inyong buong bansa!
10 Dalhin(P) ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at sa gayo'y subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.
11 Aking sasawayin ang mananakmal alang-alang sa inyo, kaya't hindi nito sisirain ang mga bunga ng inyong lupa; at ang inyong puno ng ubas sa parang ay hindi mawawalan ng bunga, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Tatawagin kayong mapapalad ng lahat ng mga bansa, sapagkat kayo'y magiging lupain ng katuwaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Pangako
13 “Ang inyong mga salita ay naging marahas laban sa akin, sabi ng Panginoon. Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Paano kami nagsalita nang laban sa iyo?’
14 Inyong sinabi, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ang aming pakinabang sa pagtupad namin sa kanyang utos o sa paglakad nang tulad sa may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?
15 Ngayo'y ating tinatawag na mapalad ang palalo; hindi lamang umuunlad ang mga gumagawa ng masama, kundi kapag kanilang tinutukso ang Diyos, sila'y nakakatakas.’”
16 Nang magkagayo'y nag-usap silang mga natatakot sa Panginoon. Binigyang-pansin sila ng Panginoon at pinakinggan, at ang isang aklat ng alaala ay isinulat sa harap niya, para sa kanila na natakot sa Panginoon at nagpahalaga sa kanyang pangalan.
17 “Sila'y magiging akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, isang natatanging kayamanan sa araw na ako'y kumilos. Kaaawaan ko sila na gaya ng isang tao na naaawa sa kanyang anak na naglilingkod sa kanya.
18 At minsan pa ay makikilala ninyo ang pagkakaiba ng taong matuwid at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.
Darating ang Araw ng Panginoon
4 “Sapagkat narito, ang araw ay dumarating na gaya ng nagniningas na pugon, na ang lahat ng palalo at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang ipa, at ang araw na dumarating ang susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, anupa't hindi mag-iiwan sa kanila ng ugat ni sanga man.
2 Ngunit sa inyo na natatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran, na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak. Kayo'y lalabas at luluksong parang mga guya mula sa silungan.
3 Inyong yayapakan ang masasama sapagkat sila'y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na aking inihahanda, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 “Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod, ang mga tuntunin at batas na aking iniutos sa kanya sa Horeb para sa buong Israel.
5 “Narito,(Q) susuguin ko sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.
6 Kanyang ibabaling ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; upang hindi ako dumating at saktan ang lupain ng isang sumpa.”[c]
Talaan ng Lahing Pinagmulan ni Jesu-Cristo(R)
1 Ito ang aklat ng lahi ni Jesu-Cristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.
2 Naging anak ni Abraham si Isaac; naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang mga kapatid nito;
3 naging anak ni Juda kay Tamar sina Perez at Zera; naging anak ni Perez si Hesron; at naging anak ni Hesron si Aram;
4 naging anak ni Aram si Aminadab; naging anak ni Aminadab si Naashon; at naging anak ni Naashon si Salmon;
5 naging anak ni Salmon kay Rahab si Boaz; naging anak ni Boaz kay Ruth si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse;
6 naging anak ni Jesse si Haring David. At naging anak ni David sa asawa ni Urias si Solomon;
7 naging anak ni Solomon si Rehoboam; naging anak ni Rehoboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asaf;
8 naging anak ni Asaf si Jehoshafat; naging anak ni Jehoshafat si Joram; at naging anak ni Joram si Uzias;
9 naging anak ni Uzias si Jotam; naging anak ni Jotam si Ahaz; at naging anak ni Ahaz si Hezekias;
10 naging anak ni Hezekias si Manases; naging anak ni Manases si Amos;[d] at naging anak ni Amos si Josias;
11 naging(S) anak ni Josias si Jeconias at ang kanyang mga kapatid, nang panahon na dalhin silang bihag sa Babilonia.
12 Pagkatapos silang dalhing bihag sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Sealtiel; at naging anak ni Sealtiel si Zerubabel;
13 naging anak ni Zerubabel si Abiud; naging anak ni Abiud si Eliakim; at naging anak ni Eliakim si Azor;
14 naging anak ni Azor si Zadok; naging anak ni Zadok si Akim; at naging anak ni Akim si Eliud;
15 naging anak ni Eliud si Eleazar; naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob;
16 naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria, na siyang nagsilang kay Jesus na tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, ang lahat ng salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing-apat. Mula kay David hanggang sa pagkadalang-bihag sa Babilonia ay labing-apat na salinlahi; at mula sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat din na salinlahi.
Isinilang ang Cristo(T)
18 Ganito(U) ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo. Nang si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose, bago sila magsama, si Maria ay natuklasang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
19 Si Jose na kanyang asawa, palibhasa'y isang taong matuwid at ayaw ilagay sa kahihiyan si Maria, ay nagpasiya na lamang na kanyang hiwalayan ito nang lihim.
20 Ngunit samantalang pinag-iisipan niya ito, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa panaginip na nagsasabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria na iyong asawa sapagkat ang ipinaglilihi niya ay mula sa Espiritu Santo.
21 Siya'y(V) manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
23 “Narito,(W) magdadalang-tao ang isang birhen at manganganak ng isang lalaki,
at ang pangalang itatawag nila sa kanya ay Emmanuel”
(na ang ibig sabihin ay kasama natin ang Diyos).
24 Nang bumangon si Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ipinag-utos sa kanya ng anghel ng Panginoon. Siya'y kanyang tinanggap bilang kanyang asawa.
25 Ngunit(X) hindi niya ito nakilala hanggang sa maipanganak nito ang isang lalaki[e] na pinangalanan niyang Jesus.
Dumalaw ang mga Pantas
2 Nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa kapanahunan ng haring si Herodes, may mga Pantas[f] na lalaki mula sa silangan na dumating sa Jerusalem,
2 na nagtatanong, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagkat nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang siya'y sambahin.”
3 Nang marinig ito ni Haring Herodes, siya ay nabahala, pati ang buong Jerusalem.
4 Nang matipon niyang lahat ang mga punong pari at mga eskriba ng bayan, nagtanong siya sa mga ito kung saan isisilang ang Cristo.
5 Sinabi nila sa kanya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘At(Y) ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
sa anumang paraan ay hindi ka pinakamaliit sa mga pangunahing bayan ng Juda;
sapagkat sa iyo manggagaling ang isang pinuno,
na magiging pastol ng aking bayang Israel.’”
7 Pagkatapos, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at inalam sa kanila kung kailan lumitaw ang bituin.
8 Kanyang pinapunta sila sa Bethlehem at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at hanapin ninyong mabuti ang sanggol; kapag siya ay inyong natagpuan na, ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako rin ay makaparoon at siya ay aking sambahin.”
9 Pagkatapos nilang makinig sa hari ay lumakad na sila; at naroon, ang bituin na kanilang nakita sa silangan ay nanguna sa kanila hanggang sa tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.
10 Labis silang nagalak nang makita nila ang bituin.
11 Pagpasok nila sa bahay ay nakita nila ang sanggol na kasama ng kanyang inang si Maria. Nagpatirapa sila at sumamba sa kanya. Nang buksan nila ang kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kanya ang mga kaloob na ginto, kamanyang at mira.
12 Palibhasa'y binalaan sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes, nag-iba sila ng daan pauwi sa kanilang lupain.
Ang Pagtakas Patungo sa Ehipto
13 Nang makaalis na sila, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungo sa Ehipto. Manatili kayo roon hanggang sabihin ko sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya ay patayin.”
14 Kaya't siya ay bumangon at dinala ang sanggol at ang ina nito nang gabing iyon, at pumunta sila sa Ehipto.
15 Nanatili(Z) sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.”
Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki
16 Nang malaman ni Herodes na siya'y dinaya ng mga Pantas, siya ay labis na nagalit. At ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa karatig-pook na may gulang na dalawang taon pababa, ayon sa panahon na kanyang tiniyak mula sa mga Pantas.
17 Kaya't natupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Jeremias:
18 “Isang(AA) tinig ang narinig sa Rama,
pananangis at malakas na panaghoy,
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak;
ayaw niyang paaliw, sapagkat wala na sila.”
Ang Pagbabalik mula sa Ehipto
19 Ngunit pagkamatay ni Herodes, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa panaginip kay Jose sa Ehipto, na nagsasabi,
20 “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga naghahangad sa buhay ng sanggol.”
21 Kaya't bumangon siya at dinala ang sanggol at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel.
22 Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil pinagsabihan siya sa pamamagitan ng panaginip, nagtungo siya sa nasasakupan ng Galilea.
23 Siya(AB) ay nanirahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret upang maganap ang sinabi ng mga propeta na “siya ay tatawaging Nazareno.”
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(AC)
3 Nang mga araw na iyon ay dumating si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi,
2 “Magsisi(AD) kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
3 Sapagkat(AE) siya ang tinutukoy sa pamamagitan ni propeta Isaias, nang kanyang sabihin,
“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.’”
4 Si(AF) Juan ay nagsusuot ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at ng isang pamigkis na balat sa kanyang baywang. Ang kanyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan.
5 Pumunta sa kanya ang mga mamamayan ng Jerusalem, ang buong Judea, at ang buong lupain sa paligid ng Jordan.
6 At sila'y kanyang binautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.
7 Ngunit(AG) nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo ang nagdatingan upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyo upang makatakas sa poot na darating?
8 Mamunga kayo nang nararapat sa pagsisisi.
9 At(AH) huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama’; sapagkat sinasabi ko sa inyo, na kaya ng Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito.
10 Ngayon(AI) pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy.
11 “Binabautismuhan ko nga kayo sa tubig para sa pagsisisi ngunit ang dumarating na kasunod ko ay mas makapangyarihan kaysa akin. Hindi ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. Kanyang babautismuhan kayo sa Espiritu Santo at sa apoy.
12 Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay at lilinisin niya ang kanyang giikan. Titipunin niya ang kanyang trigo sa kamalig, subalit ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mapapatay.”
Binautismuhan si Jesus(AJ)
13 At mula sa Galilea pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya.
14 Ibig siyang hadlangan ni Juan, na nagsasabi, “Ako ang dapat mong bautismuhan, at ikaw pa ang lumalapit sa akin?”
15 Ngunit sumagot si Jesus sa kanya, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, sapagkat ganito ang nararapat sa atin upang matupad ang buong katuwiran.” At siya ay sumang-ayon.
16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig, at nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya.
17 Sinabi(AK) ng isang tinig mula sa langit, “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.”
Tinukso ng Diyablo si Jesus(AL)
4 Pagkatapos(AM) nito, si Jesus ay dinala ng Espiritu Santo sa ilang upang tuksuhin ng diyablo.
2 Siya ay apatnapung araw at apatnapung gabing nag-ayuno, pagkatapos ay nagutom siya.
3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang mga batong ito ay maging tinapay.”
4 Ngunit(AN) siya'y sumagot, “Nasusulat,
‘Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.’”
5 Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa banal na lunsod at inilagay siya sa taluktok ng templo,
6 at(AO) sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,
‘Siya'y mag-uutos sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,’
at ‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
baka masaktan ang iyong paa sa isang bato.’”
7 Sinabi(AP) sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”
8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, at ang karangyaan ng mga ito.
9 At sinabi niya sa kanya, “Ang lahat ng mga ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin.”
10 Sumagot(AQ) sa kanya si Jesus, “Lumayas ka, Satanas! sapagkat nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”
11 Pagkatapos nito'y iniwan siya ng diyablo at dumating ang mga anghel at pinaglingkuran siya.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain sa Galilea(AR)
12 Nang(AS) mabalitaan ni Jesus[g] na dinakip si Juan, pumunta siya sa Galilea.
13 Nang(AT) iwan niya ang Nazaret, siya ay pumunta at tumira sa Capernaum, na nasa tabing-dagat, na sakop ng Zebulon at Neftali,
14 upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias:
15 “Ang(AU) lupain ni Zebulon at ang lupain ni Neftali,
patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil—
16 Ang bayang nakaupo sa kadiliman,
ay nakakita ng dakilang ilaw,
at sa mga nakaupo sa lupain at lilim ng kamatayan,
ang liwanag ay sumilay.”
17 Mula(AV) noon si Jesus ay nagpasimulang mangaral na nagsasabi, “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(AW)
18 Sa paglalakad ni Jesus[h] sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
19 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
21 At sa kanyang paglakad mula roon ay nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid, kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nag-aayos[i] ng lambat; at kanyang tinawag sila.
22 Kaagad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kanya.
Nangaral at Nagpagaling ng mga Maysakit si Jesus(AX)
23 At(AY) nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.
24 Kaya't napabantog siya sa buong Siria, at kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga may karamdaman, ang mga pinahihirapan ng sari-saring sakit at kirot, ang mga inaalihan ng mga demonyo, at ang mga may epilepsiya at ang mga lumpo. Sila ay kanyang pinagaling.
25 At sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at mula sa ibayo ng Jordan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001