Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Gawa 6:8-16:37

Dinakip si Esteban

Si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao.

Ngunit tumayo ang ilan mula sa sinagoga, na tinatawag na Mga Pinalaya at ng mga Cireneo, at ng mga Alejandrino, at ng mga taga-Cilicia, at taga-Asia, at nakipagtalo kay Esteban.

10 Ngunit hindi sila makasalungat sa karunungan at sa Espiritu na sa pamamagitan nito'y nagsasalita siya.

11 Nang magkagayo'y lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki, na nagsasabi, “Narinig naming nagsasalita siya ng mga salitang kalapastanganan laban kay Moises at sa Diyos.”

12 Kanilang sinulsulan ang mga taong-bayan, maging ang matatanda, at ang mga eskriba. Siya'y kanilang hinarap, hinuli at dinala sa Sanhedrin.

13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi na nagsabi, “Ang taong ito'y hindi tumitigil sa pagsasalita ng mga salitang laban sa Dakong Banal na ito at sa Kautusan.

14 Sapagkat narinig naming kanyang sinabi na wawasakin nitong si Jesus na taga-Nazaret ang dakong ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.”

15 Nakita ng lahat ng nakaupo sa Sanhedrin na nakatitig sa kanya na ang kanyang mukha ay katulad ng mukha ng isang anghel.

Nangaral si Esteban

Sinabi ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang mga bagay na ito?”

At(A) sumagot si Esteban, “Mga ginoo, mga kapatid, at mga magulang, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita kay Abraham na ating ama noong siya'y nasa Mesopotamia, bago siya nanirahan sa Haran.

Sinabi sa kanya, ‘Iwan mo ang iyong lupain at ang iyong mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ipapakita ko sa iyo.’

Nang(B) magkagayo'y umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. At mula roon, pagkamatay ng kanyang ama, ay inilipat siya ng Diyos sa lupain na inyong tinitirhan ngayon.

Hindi(C) siya binigyan ng anuman doon bilang mana, kahit man lamang isang hakbang na lupa. Subalit ipinangakong ibibigay iyon sa kanya bilang ari-arian niya at sa kanyang mga anak[a] na susunod sa kanya bagaman wala pa siyang anak.

Ganito(D) ang sinabi ng Diyos, na ang kanyang binhi ay maninirahan sa lupain ng iba, at sila'y magiging alipin nila at aapihin nang apatnaraang taon.

‘At(E) ang bansang aalipin sa kanila ay aking hahatulan,’ sabi ng Diyos. ‘Pagkatapos ng mga bagay na ito ay lalabas sila at sasambahin nila ako sa dakong ito.’

Pagkatapos(F) ay ibinigay niya sa kanya ang tipan ng pagtutuli. Kaya't si Abraham[b] ay naging ama ni Isaac, at ito'y tinuli nang ikawalong araw; at si Isaac ay naging ama ni Jacob, at si Jacob ng labindalawang patriyarka.

“Ang(G) mga patriyarka, dahil sa inggit kay Jose ay ipinagbili siya sa Ehipto, ngunit ang Diyos ay kasama niya.

10 Siya'y(H) iniligtas sa lahat ng kanyang kapighatian, at binigyan siya ng biyaya at karunungan sa harapan ng Faraon na hari ng Ehipto; at kanyang pinili siya upang mamahala sa Ehipto at sa buong bahay niya.

11 Dumating(I) noon ang taggutom sa buong Ehipto at sa Canaan, at nagkaroon ng malaking kahirapan, at walang matagpuang pagkain ang ating mga ninuno.

12 Ngunit nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, sinugo niyang una ang ating mga ninuno.

13 At(J) sa ikalawang pagdalaw ay nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid at nakilala ng Faraon ang pamilya ni Jose.

14 Pagkatapos(K) ay nagsugo si Jose, inanyayahan niya si Jacob na kanyang ama, at ang lahat niyang kamag-anak na pitumpu't limang katao.

15 Kaya't(L) nagtungo si Jacob sa Ehipto. Doon ay namatay siya at ang ating mga ninuno.

16 Sila'y(M) ibinalik sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa halaga ng pilak mula sa mga anak ni Hamor sa Shekem.

17 “Ngunit(N) nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, ang ating sambayanan ay lumago at dumami sa Ehipto,

18 hanggang sa lumitaw ang isang hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose.

19 Pinagsamantalahan(O) nito ang ating bansa at pinilit ang ating mga ninuno na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay[c] ang mga iyon.

20 Nang(P) panahong ito, si Moises ay ipinanganak at siya'y kasiya-siya sa Diyos. Siya'y inalagaan ng tatlong buwan sa bahay ng kanyang ama.

21 Nang(Q) siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya.

22 Tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya ay makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa.

23 “Nang(R) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[d] dalawin ang kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel.

24 Nang makita niya na ang isa sa kanila ay pinahihirapan, kanyang ipinagtanggol at ipinaghiganti ang inaapi sa pamamagitan ng pagpatay sa Ehipcio.

25 Noon ay inisip niya na naunawaan ng kanyang mga kababayan[e] na ibinigay ng Diyos sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan niya,[f] ngunit hindi nila naunawaan.

26 Nang sumunod na araw, lumapit siya sa kanila samantalang sila'y nag-aaway, at ibig sana niyang sila'y pagkasunduin, na sinasabi, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo nag-aaway?’

27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kanyang kapwa, na sinasabi, ‘Sino ang naglagay sa iyo na pinuno at hukom sa amin?

28 Ibig mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’

29 Nang(S) marinig niya ito, tumakas si Moises at naging dayuhan sa lupain ng Midian, kung saan siya'y naging ama ng dalawang lalaki.

30 “Nang(T) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punungkahoy.

31 Nang makita ito ni Moises, namangha siya sa tanawin; at sa kanyang paglapit upang tingnan ay dumating ang tinig ng Panginoon:

32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig si Moises at hindi nangahas tumingin.

33 At sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang mga sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal.

34 Totoong nakita ko ang kaapihan ng aking bayang nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayo'y lumapit ka, susuguin kita sa Ehipto.’

35 “Ang(U) Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, ‘Sino ang sa iyo'y naglagay na pinuno at hukom?’ ang siyang sinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagligtas sa pamamagitan ng anghel na sa kanya'y nagpakita sa mababang punungkahoy.

36 Sila'y(V) pinangunahan ng taong ito nang siya'y gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Ehipto, at sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.

37 Ito(W) ang Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Pipili para sa inyo ang Diyos ng isang propeta mula sa inyong mga kapatid, gaya ng pagpili niya sa akin.’

38 Ito'y(X) yaong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga buháy na aral upang ibigay sa atin.

39 Ayaw sumunod sa kanya ng ating mga ninuno, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y bumalik sila sa Ehipto,

40 na(Y) sinasabi kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol dito kay Moises na naglabas sa amin sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kanya.’

41 Gumawa(Z) sila nang mga araw na iyon ng isang guya, at naghandog ng alay sa diyus-diyosan at nagsaya sa mga gawa ng kanilang mga kamay.

42 Ngunit(AA) iniwan sila ng Diyos, at sila'y pinabayaang sumamba sa hukbo ng langit, gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta:

‘Inalayan ba ninyo ako ng mga hayop na pinatay at mga handog,
    na apatnapung taon sa ilang, O angkan ni Israel?
43 Dinala ninyo ang tabernakulo ni Moloc,
    at ang bituin ng diyos ninyong si Refan,
    ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin;
at itatapon ko kayo sa dako pa roon ng Babilonia.’

44 “Nasa(AB) ating mga ninuno sa ilang ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kanyang gawin alinsunod sa anyo na kanyang nakita.

45 Dinala(AC) rin ito ng ating mga ninuno na kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansa na pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ito ay nanatili roon hanggang sa mga araw ni David,

46 na(AD) nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Diyos, at huminging makatagpo ng isang tahanang ukol sa Diyos ni Jacob.[g]

47 Subalit(AE) si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya.

48 Gayunma'y ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta,

49 ‘Ang(AF) langit ang aking luklukan,
    at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? sabi ng Panginoon,
    o anong dako ang aking pahingahan?
50 Hindi ba ang aking kamay ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito?’

51 “Kayong(AG) matitigas ang ulo at hindi tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging sumasalungat sa Espiritu Santo. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, ay gayundin ang ginagawa ninyo.

52 Alin sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Kanilang pinatay ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, at ngayon kayo'y naging kanyang mga tagapagkanulo at mamamatay-tao.

53 Kayo ang tumanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ito tinupad.”

Pinagbabato si Esteban

54 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, sila ay nagalit at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.[h]

55 Ngunit siya, palibhasa'y puspos ng Espiritu Santo, ay tumitig sa langit at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.

56 Sinabi niya, “Tingnan ninyo, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos.”

57 Subalit sila'y nagtakip ng kanilang mga tainga at sumigaw nang malakas at sama-samang sinugod siya.

58 Siya'y kanilang kinaladkad sa labas ng lunsod at pinagbabato; at inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na ang pangalan ay Saulo.

59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.”

60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito.” At pagkasabi niya nito ay namatay[i] siya.

Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya.

Pinag-usig ni Saulo ang Iglesya

Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol.

Inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at sila'y tumangis nang malakas dahil sa kanya.

Ngunit(AH) winawasak ni Saul ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.

Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita

Ang mga nagkawatak-watak ay naglakbay na ipinangangaral ang salita.

Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo.

Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya.

Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling.

At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.

Ngunit may isang tao na ang pangalan ay Simon, na noong una ay gumagamit ng salamangka sa lunsod at pinahanga ang mga tao sa Samaria, ang nagsasabing siya'y isang dakila.

10 Silang lahat ay nakinig sa kanya buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, na sinasabi, “Ang taong ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila.”

11 Siya'y pinakinggan nila, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay kanyang pinahahanga sila ng kanyang mga salamangka.

12 Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae.

13 Maging si Simon mismo ay naniwala at pagkatapos mabautismuhan, nanatili siyang kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, sinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan.

15 Ang dalawa ay bumaba at ipinanalangin sila upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo,

16 sapagkat hindi pa ito dumarating sa kaninuman sa kanila, kundi sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus.

17 Ipinatong nina Pedro at Juan[j] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Espiritu Santo.

18 Nang makita ni Simon na ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y inalok niya ng salapi,

19 na sinasabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo.”

20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagkat inakala mong makukuha mo ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng salapi!

21 Wala kang bahagi ni karapatan man sa bagay na ito, sapagkat ang puso mo'y hindi matuwid sa harapan ng Diyos.

22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso.

23 Sapagkat nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at nasa gapos ng kasamaan.”

24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang wala sa mga sinabi ninyo ang mangyari sa akin.”

25 Sina Pedro at Juan,[k] pagkatapos na makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay bumalik sa Jerusalem na ipinangaral ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga Samaritano.

Si Felipe at ang Pinunong Taga-Etiopia

26 Pagkatapos ay sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza.” Ito'y isang ilang na daan.

27 At tumindig nga siya at umalis. May isang lalaking taga-Etiopia, isang eunuko at tagapamahala ni Candace na reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala ng buong kayamanan ng reyna. Ang eunuko[l] ay nagpunta sa Jerusalem upang sumamba.

28 Siya'y pabalik na at nakaupo sa kanyang karwahe, binabasa niya ang propeta Isaias.

29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.”

30 Kaya't tumakbo si Felipe doon, at kanyang narinig na binabasa niya si Isaias na propeta, at sinabi niya, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?”

31 Sumagot naman ito, “Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na umakyat at maupong kasama niya.

32 Ang(AI) bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito:

“Tulad ng tupa na dinala sa katayan;
    at sa isang kordero na hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit,
    gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.
33 Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan.
    Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi?
    Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.”

34 Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Ipinapakiusap ko, tungkol kanino sinasabi ito ng propeta, sa kanya bang sarili, o sa iba?”

35 Nagpasimulang magsalita si Felipe,[m] at simula sa kasulatang ito ay ipinangaral niya sa kanya ang magandang balita ni Jesus.

36 Sa kanilang pagpapatuloy sa daan, nakarating sila sa may tubig, at sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, narito ang tubig! Ano ang nakakahadlang upang akoy mabautismuhan?”

[37 At sinabi ni Felipe: Kung nananampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. Sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Diyos.]

38 Iniutos niyang itigil ang karwahe at lumusong si Felipe at ang eunuko sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe.[n]

39 Nang umahon sila sa tubig, inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe; at hindi na siya nakita ng eunuko at nagagalak na nagpatuloy siya sa kanyang lakad.

40 Ngunit natagpuan si Felipe sa Azotus. Sa pagdaraan ay ipinangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.

Tinawag si Saulo(AJ)

Samantala, si Saulo na may masidhing pagbabanta ng kamatayan laban sa mga alagad ng Panginoon ay pumunta sa pinakapunong pari.

Humingi siya sa pinakapunong pari[o] ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, mga lalaki o mga babae, ay dadalhin niya silang nakagapos sa Jerusalem.

Sa kanyang paglalakbay, dumating siya sa malapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit.

Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?”

Sinabi niya, “Sino ka, Panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig.

Tumindig ka at pumasok sa lunsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.”

Ang mga taong naglalakbay na kasama niya ay hindi makapagsalita, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit walang nakikitang sinuman.

Tumindig si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata, ay wala siyang makita; kaya't kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco.

Sa loob ng tatlong araw, siya'y walang paningin at hindi kumain ni uminom man.

10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sinabi niya, “Narito ako, Panginoon.”

11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangalan ay Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya,

12 at nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kanyang mga kamay sa kanya upang muli niyang tanggapin ang kanyang paningin.”

13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, nabalitaan ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem;

14 at siya'y may pahintulot mula sa mga punong pari na gapusin ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.”

15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka sapagkat siya'y isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel;

16 sapagkat ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.”

17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo[p] at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli mong tanggapin ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo.”

18 Agad nalaglag mula sa kanyang mata ang bagay na parang mga kaliskis, at nakakita siyang muli. At siya'y tumayo at binautismuhan,

19 at pagkatapos kumain ay muli siyang lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.

Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco

20 Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga si Jesus, na sinasabing siya ang Anak ng Diyos.

21 Lahat nang nakarinig sa kanya ay namangha, at nagsabi, “Hindi ba ito ang lalaking pumuksa sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalang ito? At naparito siya para sa layuning ito, upang sila'y dalhing nakagapos sa harap ng mga punong pari.”

22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.

23 Nang(AK) makalipas ang maraming araw, nagbalak ang mga Judiong siya'y patayin.

24 Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. Kanilang binantayan ang mga pintuan araw at gabi upang siya'y patayin;

25 ngunit nang gabi na, kinuha siya ng kanyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kabila ng pader; inihugos siya sa isang tiklis.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Nang siya'y dumating sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisama sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kanya sapagkat hindi sila naniniwala na siya'y isang alagad.

27 Subalit kinuha siya ni Bernabe, iniharap siya sa mga apostol, isinalaysay sa kanila kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, na nakipag-usap sa kanya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus.

28 Kaya't siya'y naging kasa-kasama nila sa Jerusalem,

29 na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon. Siya'y nagsalita at nakipagtalo sa mga Helenista at pinagsikapan nilang siya'y patayin.

30 Nang malaman ito ng mga kapatid, kanilang inihatid siya sa Cesarea, at siya'y pinapunta sa Tarso.

31 Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan at tumatag ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria, na namumuhay na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ito ay dumami.

Si Pedro sa Lidda at Joppa

32 Sa pagdalaw ni Pedro sa lahat ng dako sa mga mananampalataya, pumunta rin siya sa mga banal na naninirahan sa Lidda.

33 Doo'y natagpuan niya ang isang lalaki na ang pangalan ay Aeneas na lumpo at walong taon nang nakaratay.

34 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo; bumangon ka, at ayusin mo ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon.

35 Siya'y nakita ng lahat ng mga naninirahan sa Lidda at sa Sharon, at sila'y bumaling sa Panginoon.

36 Noon ay may isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabita, na sa Griyego ay Dorcas.[q] Siya'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkakawanggawa.

37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas.

38 Sapagkat malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.”

39 Kaagad tumayo si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, kanilang inihatid siya sa silid sa itaas. Lahat ng mga babaing balo ay nakatayo sa kanyang tabi at umiiyak, at ipinapakita ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas, noong siya'y kasama pa nila.

40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin siya. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabita, bumangon ka.” Iminulat niya ang kanyang mga mata, at nang makita niya si Pedro ay naupo siya.

41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy.

42 Ito'y napabalita sa buong Joppa at marami ang nanampalataya sa Panginoon.

43 Si Pedro[r] ay nanatili sa loob ng maraming araw sa Joppa, na kasama ni Simon na isang tagapagluto ng balat.

Si Pedro at si Cornelio

10 Sa Cesarea ay may isang lalaki na ang pangalan ay Cornelio, isang senturion ng tinatawag na pulutong Italiano;

isang taong masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos kasama ang kanyang buong sambahayan, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos.

Minsan, nang may oras na ikasiyam ng araw,[s] nakita niyang maliwanag sa isang pangitain ang isang anghel ng Diyos na dumarating at sinasabi sa kanya, “Cornelio.”

Siya'y tumitig sa kanya na may pagkatakot, at nagsabi, “Ano iyon, Panginoon?” Sinabi sa kanya, “Ang mga panalangin mo at ang iyong mga limos ay umakyat bilang alaala sa harapan ng Diyos.

Ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang Simon na tinatawag na Pedro.

Siya'y nanunuluyan kay Simon, isang tagapagluto ng balat, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.”

Nang umalis na ang anghel na kumausap sa kanya, tinawag niya ang dalawa sa kanyang mga alila at ang isang tapat na kawal mula sa mga naglilingkod sa kanya.

Pagkatapos maisalaysay ang lahat ng mga bagay sa kanila, sila'y isinugo niya sa Joppa.

Nang sumunod na araw, nang may oras na ikaanim,[t] samantalang sila'y naglalakbay at malapit na sa lunsod, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin.

10 Siya'y nagutom at nagnais kumain; subalit samantalang inihahanda nila ito, nawalan siya ng malay

11 at nakita niyang bumukas ang langit, at may isang bagay na bumababa, tulad ng isang malapad na kumot na ibinababa sa lupa na nakabitin sa apat na sulok.

12 Naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga gumagapang sa lupa at ang mga ibon sa himpapawid.

13 Dumating sa kanya ang isang tinig, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.”

14 Subalit sinabi ni Pedro, “Hindi maaari, Panginoon; sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumaldumal.”

15 Muling dumating sa kanya ang tinig sa ikalawang pagkakataon, “Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.”

16 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at ang bagay ay agad binatak pataas sa langit.

17 Samantalang naguguluhan si Pedro sa kanyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kanyang nakita, biglang dumating ang mga taong sinugo ni Cornelio. Nang maipagtanong ang bahay ni Simon, tumayo sila sa harapan ng pintuan.

18 Tumawag sila upang magtanong kung si Simon, na tinatawag na Pedro, ay nanunuluyan doon.

19 Samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, sinabi sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo.

20 Tumindig ka, bumaba ka at sumama sa kanila na walang pag-aatubili sapagkat sila'y aking sinugo.”

21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo; ano ang dahilan ng inyong pagparito?”

22 Sinabi nila, “Si Cornelio na isang senturion, isang taong matuwid at may takot sa Diyos, at may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio, ay pinagbilinan ng isang banal na anghel na ikaw ay ipatawag sa kanyang bahay upang marinig ang iyong mga salita.”

23 Kaya't sila'y pinatuloy niya at naging kanyang panauhin. Nang sumunod na araw, bumangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid mula sa Joppa.

24 Nang sumunod na araw ay dumating sila sa Cesarea. Sila'y hinihintay ni Cornelio, at tinipon ang kanyang mga kamag-anak at ang kanyang malalapit na kaibigan.

25 Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba.

26 Ngunit pinatayo siya ni Pedro, na sinasabi, “Tumayo ka, ako man ay tao rin.”

27 At habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at kanyang naratnan ang maraming taong nagkakatipon.

28 Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyo na hindi ipinahihintulot sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga; ngunit ipinakita sa akin ng Diyos, na huwag kong tawagin ang isang tao na marumi o karumaldumal.

29 Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Ngayon, itinatanong ko kung bakit mo ako ipinasundo.”

30 Sinabi ni Cornelio, “Apat na araw na ang nakakaraan, mga ganitong oras, nang ikasiyam na oras,[u] ako'y nananalangin sa aking bahay nang biglang tumindig sa harapan ko ang isang lalaki na may nagniningning na damit.

31 Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga limos ay inalala sa harapan ng Diyos.

32 Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagluto ng balat sa tabi ng dagat.’

33 Kaya't agad kitang ipinasundo, at mabuti ang ginawa mo na naparito ka. Ngayon kaming lahat ay naririto sa harapan ng Diyos, upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon.”

Nangaral si Pedro

34 Nagsimulang magsalita(AL) si Pedro at kanyang sinabi, “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos,

35 kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya.

36 Nalalaman ninyo ang salita na kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang magandang balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo—siya'y Panginoon ng lahat,

37 nalalaman ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan:

38 kung paanong si Jesus na taga-Nazaret ay binuhusan ng Diyos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos.

39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y kanila ring pinatay nang kanilang ibitin siya sa isang punungkahoy.

40 Siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw, at siya'y hinayaang mahayag;

41 hindi sa buong bayan, kundi sa amin na hinirang ng Diyos bilang mga saksi na kumain at uminom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y mabuhay mula sa mga patay.

42 Sa ami'y ipinagbilin niya na mangaral sa mga tao at sumaksi na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.

43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay makakatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ipinagkaloob ang Espiritu sa mga Hentil

44 Samantalang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nakikinig ng salita.

45 Ang mga mananampalatayang Judio[v] na dumating na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din maging sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo.

46 Sapagkat narinig nilang nagsasalita ang mga ito ng mga wika at nagpupuri sa Diyos. Nang magkagayo'y ipinahayag ni Pedro,

47 “Maaari bang hadlangan ng sinuman ang tubig upang huwag mabautismuhan itong mga tumanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?”

48 At kanyang inutusan sila na mabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, siya'y pinakiusapan nilang manatili ng mga ilang araw.

Nag-ulat si Pedro sa Iglesya sa Jerusalem

11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos.

Kaya't nang umahon si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga nasa panig ng pagtutuli,

na sinasabi, “Bakit pumunta ka sa mga taong hindi tuli at kumain kang kasalo nila?”

Ngunit si Pedro ay nagpasimulang magpaliwanag sa kanila nang sunud-sunod, na sinasabi:

“Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppa; habang nasa kawalan ng malay ay nakakita ako ng isang pangitain na may isang bagay na bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na sa apat na sulok ay inihuhugos mula sa langit at bumaba sa akin.

Nang titigan ko iyon ay nakita ko ang mga hayop sa lupa na may apat na paa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid.

Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’

Subalit sinabi ko, ‘Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang marumi o karumaldumal ang pumasok kailanman sa aking bibig.’

Ngunit sumagot sa ikalawang pagkakataon ang tinig mula sa langit, ‘Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.’

10 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at muling binatak ang lahat ng iyon papaakyat sa langit.

11 Nang sandaling iyon, may dumating na tatlong lalaki sa bahay na aming kinaroroonan, na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.

12 Iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila at huwag mag-atubili. At sinamahan din ako nitong anim na kapatid; at pumasok kami sa bahay ng lalaki.

13 Kanyang isinalaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, at nagsasabi, ‘Magsugo ka sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro.

14 Magsasabi siya sa iyo ng mga salitang ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sambahayan mo.’

15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo na kung paanong bumaba rin sa atin noong una.

16 At(AM) naalala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig, subalit kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.’

17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang gayunding kaloob na gaya naman ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako na makakahadlang sa Diyos?”

18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagsisisi tungo sa buhay.”

Ang Iglesya sa Antioquia

19 Samantala,(AN) ang mga nagkawatak-watak dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia, na hindi sinasabi kaninuman ang salita, maliban sa mga Judio.

20 Subalit may ilan sa kanila, mga lalaking taga-Cyprus at taga-Cirene, nang dumating sa Antioquia, ay nagsalita din sa mga Griyego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.

21 Sumasakanila ang kamay ng Panginoon at ang napakalaking bilang na sumampalataya ay nagbalik-loob sa Panginoon.

22 Nakarating ang balita tungkol sa kanila sa mga pandinig ng iglesya na nasa Jerusalem at kanilang sinugo si Bernabe sa Antioquia.

23 Nang siya'y dumating at nakita ang biyaya ng Diyos, ay nagalak siya at kanyang hinimok ang bawat isa upang manatili sa Panginoon na may katapatan ng puso;

24 sapagkat siya'y mabuting lalaki at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya. At napakaraming tao ang idinagdag sa Panginoon.

25 At si Bernabe ay nagtungo sa Tarso upang hanapin si Saulo.

26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay kanyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari na sa buong isang taon ay nakasama nila ang iglesya, at nagturo sa napakaraming tao; at sa Antioquia ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano.

27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.

28 (AO) Isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, ang tumayo at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong sanlibutan; at ito'y nangyari sa kapanahunan ni Claudio.

29 Ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa, ay nagpasiyang magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea;

30 at kanilang ginawa ito at ipinadala nila sa matatanda sa pamamagitan ng mga kamay nina Bernabe at Saulo.

Muling Inusig ang Iglesya

12 Nang panahong iyon, inilapat ni Herodes ang kanyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kaanib ng iglesya.

Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan.

Nang makita niya na ito'y ikinasiya ng mga Judio, kanya namang isinunod na dakpin si Pedro. Ito ay nang panahon ng pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa.

(AP) Nang siya'y mahuli na niya, kanyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na pangkat na mga kawal upang siya'y bantayan at binabalak na siya'y iharap sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa.

Habang si Pedro ay nasa bilangguan, ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.

Pinalaya ng Anghel si Pedro

Nang gabing si Pedro ay malapit nang ilabas ni Herodes, natutulog siya sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos ng dalawang tanikala at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan.

At biglang nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at tumanglaw ang isang liwanag sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at siya'y ginising, na sinasabi, “Bumangon kang madali.” At nalaglag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay.

Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” At iyon nga ang ginawa niya. At sinabi niya sa kanya, “Ibalot mo sa iyong sarili ang iyong balabal at sumunod ka sa akin.”

Si Pedro[w] ay lumabas, at sumunod sa kanya. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel, ang akala niya'y nakakakita siya ng isang pangitain.

10 Nang sila'y makaraan sa una at sa pangalawang bantay, dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan sa kanila, sila'y lumabas at dumaan sa isang lansangan at agad siyang iniwan ng anghel.

11 Nang matauhan si Pedro, ay kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio.”

12 Nang kanyang mabatid ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag na Marcos, na kinaroroonan ng maraming nagkakatipon at nananalangin.

13 Nang siya'y kumatok sa tarangkahan ay isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin[x] kung sino ang kumakatok.

14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan.

15 Kanilang sinabi sa kanya, “Nasisiraan ka na.” Ngunit ipinilit niya na gayon nga. Ngunit kanilang sinabi, “Iyon ay kanyang anghel.”

16 Ngunit nagpatuloy si Pedro ng pagkatok at nang kanilang buksan, siya'y kanilang nakita at sila'y namangha.

17 Sila'y sinenyasan niya ng kanyang kamay upang tumahimik at isinalaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, “Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid.” At siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.

18 Nang mag-umaga na, malaki ang kaguluhang nangyari sa mga kawal tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro.

19 Nang siya'y maipahanap na ni Herodes at hindi siya natagpuan, siniyasat niya ang mga tanod at ipinag-utos na sila'y patayin.

At buhat sa Judea si Pedro[y] ay pumunta sa Cesarea, at doon nanirahan.

Namatay si Herodes

20 Noon ay galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Kaya't sila'y nagkaisang pumaroon sa kanya, at nang mahikayat na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinakiusap ang pagkakasundo, sapagkat ang lupain nila'y umaasa sa lupain ng hari para sa pagkain.

21 Sa isang takdang araw ay isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati.

22 Ang taong-bayan ay nagsisigaw, “Tinig ng diyos at hindi ng tao!”

23 Agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya'y kinain ng mga uod at namatay.

24 Ngunit ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago at lumaganap.

25 At nagbalik galing sa Jerusalem sina Bernabe at Saulo nang magampanan na nila ang kanilang paglilingkod at kanilang isinama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Isinugo sina Bernabe at Saulo

13 Sa iglesya na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro, si Bernabe, si Simeon na tinatawag na Niger, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na kinakapatid ni Herodes na tetrarka, at si Saulo.

Samantalang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila.”

Nang magkagayon, nang sila'y makapag-ayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinahayo sila.

Ang Pangangaral sa Cyprus

Sila na isinugo ng Espiritu Santo ay pumunta sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus.

Nang sila'y makarating sa Salamis, kanilang ipinangaral ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan bilang katulong.

Nang kanilang mapuntahan na ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang salamangkero, isang bulaang propetang Judio, na ang pangalan ay Bar-Jesus.

Kasama siya ng proconsul na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Kanyang ipinatawag sina Bernabe at Saulo at nais na mapakinggan ang salita ng Diyos.

Ngunit si Elimas na salamangkero (sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan) ay humadlang sa kanila na pinagsisikapang ilayo sa pananampalataya ang proconsul.

Subalit si Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig sa kanya nang mabuti,

10 at sinabi niya, “Ikaw na anak ng diyablo, at kaaway ng lahat ng katuwiran, punung-puno ng lahat ng pandaraya at panlilinlang, hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon?

11 At ngayon, laban sa iyo ang kamay ng Panginoon, mabubulag ka, at hindi mo makikita ang araw ng ilang panahon.”

May ulap at kadiliman na agad nahulog sa kanya at siya'y lumibot na humahanap ng sa kanya'y aakay sa kamay.

12 Nang makita ng proconsul ang nangyari, siya'y naniwala sapagkat siya'y namangha sa turo ng Panginoon.

Sa Antioquia ng Pisidia

13 At umalis mula sa Pafos si Pablo at ang kanyang mga kasama at nakarating sa Perga sa Pamfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at nagbalik sa Jerusalem.

14 Ngunit naglakbay sila mula sa Perga at nakarating sa Antioquia ng Pisidia. At nang araw ng Sabbath, sila'y pumasok sa sinagoga at umupo.

15 Pagkatapos ng pagbasa ng kautusan at ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpautos sa kanila na sinasabi, “Mga kapatid, kung mayroon kayong anumang salitang magpapalakas ng loob ng mga tao ay sabihin ninyo.”

16 Kaya't tumindig si Pablo at sa pagsenyas ng kanyang kamay ay nagsabi,

“Mga lalaking Israelita, at kayong may takot sa Diyos, makinig kayo.

17 Hinirang(AQ) ng Diyos nitong bayang Israel ang ating mga ninuno, at ginawang dakila ang bayan nang sila'y nakipamayan sa Ehipto, at sa pamamagitan ng nakataas na bisig ay kanyang inilabas sila roon.

18 (AR) Sa halos apatnapung taon ay kanyang pinagtiyagaan sila sa ilang.

19 Nang(AS) mawasak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, ibinigay niya sa kanila ang kanilang lupain bilang pamana,

20 sa(AT) loob ng halos apatnaraan at limampung taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay kanyang binigyan sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta.

21 (AU) Pagkatapos ay humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kish na isang lalaki sa lipi ni Benjamin na naghari sa loob ng apatnapung taon.

22 (AV) Nang siya'y alisin niya, si David ay ginawang hari nila. Sa kanyang patotoo ay sinabi niya tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko si David na anak ni Jesse, na isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko.’

23 Mula sa binhi ng taong ito, ang Diyos ay nagkaloob ng isang Tagapagligtas sa Israel na si Jesus, gaya ng kanyang ipinangako.

24 Bago(AW) pa siya dumating ay nangaral si Juan ng bautismo ng pagsisisi sa buong bayan ng Israel.

25 At(AX) samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain ay sinabi niya, ‘Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako siya. Ngunit may dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng sandalyas ng kanyang mga paa.’

26 “Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham, at ang mga sa inyo'y may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salita ng kaligtasang ito.

27 Sapagkat hindi nakilala ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng mga pinuno nila si Jesus[z] ni ang mga tinig ng mga propeta na binabasa tuwing Sabbath, tinupad nila ang mga salitang ito sa pamamagitan ng paghatol sa kanya.

28 At(AY) kahit na hindi sila nakatagpo sa kanya ng anumang kadahilanang dapat ikamatay, gayunma'y kanilang hiningi kay Pilato na siya'y patayin.

29 Nang(AZ) matupad na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat tungkol sa kanya, kanilang ibinaba siya sa punungkahoy at inilagay sa isang libingan.

30 Ngunit siya'y binuhay ng Diyos mula sa mga patay.

31 At(BA) sa loob ng maraming mga araw ay nakita siya ng mga kasama niyang pumunta buhat sa Galilea patungo sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa taong-bayan.

32 Ipinangangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng pangako ng Diyos sa ating mga ninuno,

33 na(BB) ang mga bagay na ito ay tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit,

    ‘Ikaw ay aking Anak,
    sa araw na ito ay naging anak kita.’

34 (BC) Tungkol sa pagkabuhay niya mula sa mga patay, upang hindi na magbalik sa kabulukan, ay ganito ang sinabi niya,

    ‘Ibibigay ko sa iyo ang banal at mga maaasahang pangako kay David.’

35 Kaya't(BD) sinasabi rin niya sa isa pang awit,

    ‘Hindi mo hahayaan na ang iyong Banal ay makakita ng pagkabulok.’

36 Sapagkat si David, pagkatapos niyang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos sa kanyang sariling salinlahi, ay namatay[aa] at isinama sa kanyang mga ninuno, at nakakita ng pagkabulok.

37 Subalit ang binuhay ng Diyos ay hindi nakakita ng kabulukan.

38 Kaya mga kapatid, maging hayag nawa sa inyo na sa pamamagitan ng taong ito'y ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan;

39 at sa pamamagitan niya ang bawat nananampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, kung saan hindi kayo kayang ariing-ganap ng kautusan ni Moises.

40 Kaya nga mag-ingat kayo, baka dumating sa inyo ang sinabi ng mga propeta:

41 ‘Tingnan(BE) ninyo, mga mapanlibak!
    Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawa sa inyong mga araw,
    isang gawang sa anumang paraa'y hindi ninyo paniniwalaan kung sabihin sa inyo ng sinuman.’”

42 At sa pag-alis nina Pablo at Bernabe,[ab] nakiusap ang mga tao na ang mga bagay na ito ay muling sabihin sa kanila sa susunod na Sabbath.

43 Nang matapos ang pulong sa sinagoga, marami sa mga Judio at masisipag sa kabanalan na naging Judio ay sumunod kina Pablo at Bernabe, na nagsasalita at humikayat sa kanila na magpatuloy sa biyaya ng Diyos.

44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lunsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[ac]

45 Subalit nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, nanlapastangan at sinalungat ang mga bagay na sinabi ni Pablo.

46 At nagsalita ng buong katapangan sina Pablo at Bernabe, na nagsasabi, “Kinakailangang ipahayag muna ang salita ng Diyos sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil ito, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kami ngayon ay babaling sa mga Hentil.

47 Sapagkat(BF) ganito ang ipinag-utos sa amin ng Panginoon, na sinasabi,

‘Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil,
    upang ikaw ay magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”

48 Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at niluwalhati ang salita ng Diyos; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain.

50 Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga kilalang babaing masisipag sa kabanalan at ang mga pangunahing lalaki sa lunsod, at nagsimula ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga nasasakupan.

51 Kaya't(BG) ipinagpag nila ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila, at nagtungo sila sa Iconio.

52 At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.

Sa Iconio

14 Ang gayunding bagay ay nangyari din sa Iconio, na doon sina Pablo at Bernabe[ad] ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at nagsalita ng gayon na sumampalataya ang marami sa mga Judio at sa mga Griyego.

Ngunit inudyukan ng mga hindi nananampalatayang Judio ang mga Hentil, at nilason ang kanilang isipan laban sa mga kapatid.

Kaya't nanatili sila ng mahabang panahon na nagsasalita ng buong katapangan para sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga tanda at mga kababalaghan na gawin ng kanilang mga kamay.

Ngunit nagkabaha-bahagi ang mga taong-bayan sa lunsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, at ang iba ay sa mga apostol.

Nang magtangka ang mga Hentil at ang mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y saktan at batuhin,

nalaman ito ng mga apostol[ae] at sila'y tumakas patungo sa Listra at Derbe, na mga lunsod ng Licaonia at sa palibot na lupain,

at doon nila ipinangaral ang magandang balita.

Sa Listra

Sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na walang lakas ang mga paa at kailanma'y hindi makalakad sapagkat pilay na siya mula nang ipanganak.

Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling,

10 ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki[af] ay lumukso at nagpalakad-lakad.

11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!”

12 Tinawag nilang Zeus[ag] si Bernabe at Hermes[ah] si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita.

13 Ang pari ni Zeus[ai] na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao.

14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw,

15 “Mga(BH) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon.

16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan.

17 Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.”

18 Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.

19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang mahikayat nila ang maraming tao, kanilang pinagbabato si Pablo at kanilang kinaladkad siya sa labas ng lunsod, na inaakalang siya'y patay na.

20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungo sa Derbe.

Bumalik Sila sa Antioquia

21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lunsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia,

22 na pinapalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, at pinapatatag ang loob nila na manatili pa sa pananampalataya, at sinasabi na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos.

23 Nang makapagtalaga na sila ng matatanda para sa kanila sa bawat iglesya, matapos manalangin na may pag-aayuno, ay kanilang ipinagtagubilin sila sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan.

24 At sila'y dumaan sa Pisidia at nagtungo sa Pamfilia.

25 Nang maipahayag na nila ang salita sa Perga ay lumusong sila sa Atalia;

26 at buhat doon ay naglayag sila patungong Antioquia. Doon ay itinagubilin sila sa biyaya ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na.

27 Nang sila'y dumating, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya para sa mga Hentil ang pinto ng pananampalataya.

28 Nanatili sila roon na kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.

Ang Pagpupulong sa Jerusalem

15 May(BI) ilang tao ang dumating mula sa Judea na nagtuturo sa mga kapatid, “Maliban na kayo'y tuliin ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.”

Pagkatapos na magkaroon sina Pablo at Bernabe ng hindi maliit na pakikipagtalo at pakikipagsalungatan sa kanila, sina Pablo at Bernabe, at ang ilan sa iba pa ay inatasang pumunta sa Jerusalem, upang talakayin ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatanda.

Kaya't isinugo sila ng iglesya sa kanilang paglalakbay, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabagong-loob ng mga Hentil at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.

Nang sila'y makarating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesya at ng mga apostol at ng matatanda, at iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.

Subalit ang ilang mananampalataya na kasapi sa sekta ng mga Fariseo ay tumayo at nagsabi, “Kailangang sila'y tuliin at utusang sundin ang kautusan ni Moises.”

Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito.

Pagkatapos(BJ) ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga ginoo, mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga unang araw ay pumili ang Diyos sa inyo, na sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Hentil ang salita ng ebanghelyo, at sila'y manampalataya.

At(BK) ang Diyos na nakakaalam ng puso ng tao ay nagpatotoo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo tulad nang nangyari sa atin;

at tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya.

10 Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng paglalagay ng pamatok sa batok ng mga alagad na kahit ang ating mga ninuno ni tayo ay hindi nakayang dalhin?

11 Ngunit naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na tulad naman nila.”

12 Tumahimik ang buong kapulungan at kanilang pinakinggan sina Bernabe at Pablo na isinasalaysay ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga Hentil.

13 Nang matapos na silang magsalita ay sumagot si Santiago, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako.

14 Ipinaliwanag na ni Simeon kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan para sa kanyang pangalan.

15 At dito'y sumasang-ayon ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,

16 ‘Pagkatapos(BL) ng mga bagay na ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang tolda ni David na bumagsak;
    muli kong itatatag ang guho nito,
    at ito'y aking itatayo:
17 upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
    at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
18     sabi ng Panginoon na nagpakilala ng mga bagay na ito mula ng una.’

19 Kaya't ang hatol ko ay huwag nating gambalain ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos.

20 Sa(BM) halip ay sumulat tayo sa kanila, na sila'y lumayo sa mga bagay na pinarumi ng diyus-diyosan at pakikiapid, at sa anumang bagay na binigti, at sa dugo.

21 Sapagkat mula sa mga unang salinlahi si Moises ay mayroon sa bawat lunsod na nangangaral tungkol sa kanya, dahil binabasa siya nang malakas tuwing Sabbath sa mga sinagoga.”

Ang Sulat sa mga Mananampalatayang Hentil

22 Nang magkagayo'y minabuti ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesya, na pumili ng kalalakihan mula sa kanilang bilang at isugo sa Antioquia na kasama nina Pablo at Bernabe. Isinugo nila si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas, na mga nangungunang lalaki sa mga kapatid,

23 at isinulat sa pamamagitan ng kamay nila:

“Ang mga apostol at ang matatanda, ang mga kapatid, sa mga kapatid na nasa mga Hentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati.

24 Yamang aming nabalitaan na ang ilang tao mula sa amin ay nagsabi ng mga bagay upang bagabagin kayo at ginugulo ang inyong mga isip gayong hindi namin sila binigyan ng tagubilin,

25 ay may pagkakaisa naming ipinasiya na humirang ng mga lalaki at isugo sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na sina Bernabe at Pablo,

26 na mga lalaking nagsuong ng kanilang mga buhay sa panganib alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

27 Kaya't isinugo namin sina Judas at Silas na magsasabi sa inyo ng gayunding mga bagay sa pamamagitan ng salita ng bibig.

28 Sapagkat minabuti ng Espiritu Santo at namin na huwag kayong pagpasanin ng higit na mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kailangan:

29 na kayo'y umiwas sa mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa mga binigti, at sa pakikiapid. Kung kayo'y iiwas sa mga bagay na ito ay ikabubuti ninyo. Paalam.”

30 Kaya't nang sila'y makaalis na, pumunta sila sa Antioquia. Nang matipon na nila ang kapulungan ay kanilang ibinigay ang sulat.

31 Nang ito'y kanilang mabasa, sila ay nagalak sa pangaral.

32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin naman, ay nagsalita ng marami upang pasiglahin at palakasin ang mga kapatid.

33 Pagkatapos na sila'y manatili roon ng ilang panahon, sila'y payapang pinabalik ng mga kapatid sa mga nagsugo sa kanila.

[34 Ngunit minabuti ni Silas ang manatili roon.]

35 Ngunit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon na kasama rin ang marami pang iba.

Naghiwalay sina Pablo at Bernabe

36 Makaraan ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.”

37 Nais ni Bernabe na kanilang isama si Juan, na tinatawag na Marcos.

38 Ngunit(BN) minabuti ni Pablo na huwag isama ang humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain.

39 At nagkaroon ng mainitang pagtatalo, anupa't sila'y naghiwalay, at isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Cyprus.

40 Ngunit pinili ni Pablo si Silas, at sila'y umalis na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Panginoon.

41 Siya'y dumaan sa Siria at Cilicia at pinalakas ang mga iglesya.

Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas

16 Nakarating si Pablo[aj] sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo, na anak ng isang babaing Judio na mananampalataya, ngunit Griyego ang kanyang ama.

Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio.

Nais ni Pablo na sumama sa kanya si Timoteo; at nang kanyang kunin siya ay kanyang tinuli dahil sa mga Judio na nasa mga lugar na iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kanyang ama ay isang Griyego.

At sa kanilang paglalakbay sa mga bayan-bayan, kanilang dinadala sa kanila ang mga utos na napagpasiyahan ng mga apostol at ng matatanda sa Jerusalem.

Kaya't ang mga iglesya ay lumakas sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw.

Ang Pangitain ni Pablo sa Troas

At naglakbay sila sa lupain ng Frigia at Galacia, dahil pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na ipangaral ang salita sa Asia.

Nang sila'y dumating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus.

At paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas.

Nang gabing iyon ay lumitaw ang isang pangitain kay Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at nakikiusap sa kanya na sinasabi, “Tumawid ka patungo sa Macedonia, at tulungan mo kami.”

10 At pagkakita niya sa pangitain, sinikap naming pumunta agad sa Macedonia, na naniniwalang kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral ang magandang balita sa kanila.

Nanampalataya si Lydia

11 Kaya't pagtulak mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at nang sumunod na araw ay sa Neapolis;

12 at mula roo'y sa Filipos, na pangunahing lunsod sa distrito ng Macedonia, at ito'y sakop ng Roma. Kami ay tumigil sa lunsod na ito nang ilang araw.

13 At sa araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng pintuan sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan, at kami'y umupo, at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon.

14 At nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia na sumasamba sa Diyos. Siya'y mula sa lunsod ng Tiatira at isang mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig na mabuti sa mga bagay na sinasabi ni Pablo.

15 Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, na sinasabi, “Kung inyong hinatulan na ako'y tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay, at doon tumigil.” At kami'y napilit niya.

Nabilanggo sina Pablo at Silas sa Filipos

16 Samantalang papunta kami sa dakong panalanginan, sinalubong kami ng isang aliping batang babae na may espiritu ng panghuhula at nagdadala ng maraming pakinabang sa kanyang mga amo sa pamamagitan ng panghuhula.

17 Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin, na sumisigaw, “Ang mga taong ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos, na nagpapahayag sa inyo ng daan ng kaligtasan.”

18 At ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mabagabag na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo na lumabas ka sa kanya.” At ito ay lumabas nang oras ding iyon.

19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang inaasahan nilang pakinabang ay hinuli nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga pinuno.

20 Nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lunsod.

21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang hindi ipinahihintulot sa ating mga Romano na tanggapin at gawin.”

22 Ang maraming tao ay sama-samang tumindig laban sa kanila; at pinunit ng mga hukom ang mga damit nina Pablo at Silas,[ak] at ipinag-utos na hagupitin sila.

23 Nang sila'y mahagupit na nila nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinagbilinan ang tanod ng bilangguan na sila'y bantayang mabuti.

24 Nang kanyang matanggap ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at ikinabit ang kanilang mga paa sa mga panggapos.

25 Ngunit nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at sila'y pinapakinggan ng mga bilanggo.

26 At biglang nagkaroon ng isang malakas na lindol, anupa't ang mga pundasyon ng bilangguan ay nayanig, agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nakalag ang mga tanikala ng bawat isa.

27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana dahil sa pag-aakalang nakatakas ang mga bilanggo.

28 Ngunit sumigaw si Pablo nang malakas, “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat naririto kaming lahat.”

29 At ang bantay[al] ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at nanginginig sa takot na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas.

30 Nang sila'y mailabas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang kailangan kong gawin upang maligtas?”

31 At kanilang sinabi, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.”

32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang bahay.

33 Sila'y kanyang kinuha nang oras ding iyon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga sugat, at agad siyang binautismuhan, pati ang buo niyang sambahayan.

34 Sila'y kanyang pinapanhik sa kanyang bahay at hinainan sila ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya siya sa Diyos.

35 Kinaumagahan, ang mga hukom ay nagsugo ng mga kawal, na nagsasabi, “Pakawalan mo ang mga taong iyon.”

36 At iniulat ng bantay ng bilangguan kay Pablo ang mga salitang ito, na sinasabi, “Ipinag-utos ng mga hukom na kayo'y pakawalan; kaya't ngayon ay lumabas kayo at humayo nang payapa.”

37 Subalit sinabi sa kanila ni Pablo, “Pinalo nila kami sa harap ng bayan, na hindi nahatulan, mga lalaking Romano, at kami'y itinapon sa bilangguan at ngayo'y lihim na kami'y pawawalan nila? Hindi maaari! Hayaan silang pumarito at kami'y pakawalan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001