Bible in 90 Days
Isinugo ni Jesus ang Pitumpu
10 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu,[a] at sila'y sinugong dala-dalawa, na una sa kanya sa bawat bayan at dako na kanyang pupuntahan.
2 At(A) sinabi niya sa kanila, “Totoong marami ang aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.
3 Humayo(B) kayo, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.
4 Huwag(C) kayong magdadala ng lalagyan ng salapi, o supot, o mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.
5 Sa alinmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo, ‘Kapayapaan nawa sa bahay na ito.’
6 At kung doon ay may anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kanya. Subalit kung wala, ito ay babalik sa inyo.
7 At(D) manatili kayo sa bahay ring iyon. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.
8 At sa alinmang bayan kayo pumasok at kayo'y kanilang tanggapin ay kainin ninyo ang anumang inihahain sa inyo.
9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit na naroroon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’
10 Subalit(E) sa alinmang bayan kayo pumasok at hindi kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga lansangan nito at inyong sabihin,
11 ‘Maging ang alikabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa ay ipinapagpag namin laban sa inyo; subalit alamin ninyo ito, ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’
12 Sinasabi(F) ko sa inyo, higit pang mapagtitiisan sa araw na iyon ang Sodoma kaysa bayang iyon.
Ang Bayang Hindi Sumampalataya(G)
13 “Kahabag-habag(H) ka Corazin! Kahabag-habag ka, Bethsaida! Sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi, na nakaupong may damit-sako at abo.
14 Subalit higit na mapagtitiisan pa sa paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa inyo.
15 At(I) ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ikaw ay ibababa sa Hades.
16 “Ang(J) nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil, at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang nagsugo sa akin.”
Ang Pagbabalik ng Pitumpu
17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan na nagsabi, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa iyong pangalan!”
18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit.
19 Tingnan ninyo,(K) binigyan ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.
20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”
Nagalak si Jesus(L)
21 Nang oras ding iyon, nagalak siya sa Espiritu Santo[b] at sinabi, “Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong ikinubli ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakakalugod sa iyong harapan.
22 Ang(M) lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak, maliban sa Ama, at kung sino ang Ama maliban sa Anak at kaninumang ninanais ng Anak na pagpahayagan niya.”
23 At pagharap niya sa mga alagad ay palihim niyang sinabi, “Mapapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita.
24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi nila narinig.”
Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano
25 At(N) may isang dalubhasa sa kautusan ang tumindig upang si Jesus[c] ay subukin na nagsasabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
26 Sinabi niya sa kanya, “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang nabasa mo?”
27 At(O) sumagot siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
28 At(P) sinabi niya sa kanya, “Tumpak ang sagot mo, gawin mo ito at mabubuhay ka.”
29 Subalit sa pagnanais niya na ipagmatuwid ang kanyang sarili ay sinabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”
30 Sumagot si Jesus, “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem patungo sa Jerico at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, hinubaran siya ng mga ito at binugbog. Pagkatapos ay umalis sila at iniwan siyang halos patay.
31 At nagkataong bumababa sa daang iyon ang isang pari. Nang kanyang makita ito, siya ay dumaan sa kabilang panig.
32 Gayundin ang isang Levita, nang dumating siya sa lugar na iyon at kanyang nakita ang taong iyon, siya ay dumaan sa kabilang panig.
33 Subalit(Q) ang isang Samaritano, sa kanyang paglalakbay ay dumating sa kanyang kinaroroonan; at nang kanyang makita ang taong iyon, siya ay nahabag.
34 Kanyang nilapitan siya at tinalian ang kanyang mga sugat pagkatapos buhusan ng langis at alak. Pagkatapos isakay sa kanyang sariling hayop, siya ay dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan.
35 Nang sumunod na araw, dumukot siya ng dalawang denario at ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi niya, ‘Alagaan mo siya, at sa anumang karagdagan mo pang gastusin ay babayaran kita sa aking pagbabalik.’
36 Ano sa palagay mo, alin sa tatlong ito, ang naging kapwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?”
37 At sinabi niya, “Ang nagpakita ng habag sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo.”
Dinalaw ni Jesus sina Marta at Maria
38 Sa(R) pagpapatuloy nila sa kanilang lakad, pumasok siya sa isang nayon. Isang babaing ang pangalan ay Marta ang tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay.
39 At siya'y may isang kapatid na tinatawag na Maria na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang salita.
40 Ngunit si Marta ay naaabala sa maraming paglilingkod. Siya'y lumapit sa kanya at sinabi, “Panginoon, wala bang anuman sa iyo na pinabayaan ako ng aking kapatid na maglingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kanya na tulungan ako.”
41 Subalit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kanya, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay;
42 subalit isang bagay ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Panalangin(S)
11 Siya'y nanalangin sa isang lugar at nang siya'y makatapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin, gaya ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad.”
2 Sinabi niya sa kanila, “Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin,
‘Ama,[d] sambahin nawa ang pangalan mo.
Dumating nawa ang kaharian mo.
3 Ibigay mo sa amin sa bawat araw ang aming pang-araw-araw na pagkain.
4 At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad naman namin ang bawat nagkakautang sa amin,
at huwag mo kaming dalhin sa tukso.’”
5 Sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan at kayo ay pumunta sa kanya nang hatinggabi at magsabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay;
6 sapagkat dumating ang isa kong kaibigan mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’
7 At siyang nasa loob ay sasagot, ‘Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!’
8 Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan, ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya'y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya.
9 At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makakakita; tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan.
10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.
11 Mayroon ba sa inyong isang ama, na kung humingi ang kanyang anak ng[e] isda ay ahas ang ibibigay sa halip na isda?
12 O kung siya'y humingi ng itlog, bibigyan kaya niya ng alakdan?
13 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya?”
Jesus at Beelzebul(T)
14 At noon ay nagpalayas si Jesus[f] ng isang demonyong pipi. Nang makalabas na ang demonyo, ang dating pipi ay nagsalita at namangha ang maraming tao.
15 Subalit(U) sinabi ng ilan sa kanila, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, na pinuno ng mga demonyo.”
16 At(V) ang iba naman upang siya ay subukin ay hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit.
17 Subalit dahil batid niya ang kanilang iniisip ay sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay nawawasak at ang bahay na laban sa sarili[g] ay nagigiba.
18 At kung si Satanas ay nahahati rin laban sa kanyang sarili, paanong tatatag ang kanyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul.
19 At kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas sila ng inyong mga anak? Kaya't sila ang inyong magiging mga hukom.
20 Ngunit kung sa pamamagitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ay nagbabantay sa kanyang sariling palasyo, ang kanyang mga ari-arian ay ligtas.
22 Subalit kung may dumating na mas malakas kaysa kanya at siya'y talunin, kukunin nito sa kanya ang lahat ng sandata na kanyang pinagtiwalaan at ipamimigay nito ang mga nasamsam niya.
23 Ang(W) hindi panig sa akin ay laban sa akin at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat.
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(X)
24 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala ito sa mga lugar na walang tubig at humahanap ng mapapagpahingahan; at kapag hindi nakatagpo ay sinasabi nito, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’
25 At pagdating nito ay natagpuan nitong nawalisan at maayos na.
26 Kaya't umaalis siya at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit pang masasama kaysa kanya. Sila'y pumapasok at tumitira roon at ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa noong una.”
Ang Tunay na Mapalad
27 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, isang babaing mula sa maraming tao ang nagsalita sa malakas na tinig at sinabi sa kanya, “Mapalad ang sinapupunang sa iyo'y nagdala at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.”
28 Subalit sinabi niya, “Sa halip, mapalad silang nakikinig sa salita ng Diyos at sinusunod ito.”
Ang Tanda ni Jonas(Y)
29 Nang(Z) dumarami ang nagkakatipong mga tao, nagsimula siyang magsalita, “Ang lahing ito'y isang masamang lahi. Ito'y humahanap ng isang tanda, subalit walang tanda na ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas.
30 Kung(AA) paanong si Jonas ay naging tanda sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao sa lahing ito.
31 Ang(AB) reyna ng Timog ay babangon sa paghuhukom kasama ang mga tao ng lahing ito at kanyang hahatulan sila. Sapagkat siya'y dumating galing sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon, at narito ang isang higit pang dakila kaysa kay Solomon.
32 Ang(AC) mga tao sa Ninive ay babangon sa paghuhukom kasama ng lahing ito at ito'y kanilang hahatulan, sapagkat sila'y nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at narito, ang isang higit pang dakila kaysa kay Jonas.
Ang Liwanag ng Katawan(AD)
33 Walang(AE) sinuman na pagkatapos magsindi ng ilawan ay inilalagay ito sa isang tagong lugar o sa ilalim ng takalan, kundi sa patungan ng ilaw upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.
34 Ang ilawan ng katawan ay ang iyong mata. Kung malusog ang iyong mata, ang buong katawan mo ay punô ng liwanag. Subalit kung ito'y hindi malusog, ang katawan mo ay punô ng kadiliman.
35 Kaya't maging maingat kayo baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman.
36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay punô ng liwanag at walang bahaging madilim, ito'y mapupuno ng liwanag, gaya ng ilawang may liwanag na nagliliwanag sa iyo.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Fariseo at ang mga Dalubhasa sa Kautusan(AF)
37 Samantalang siya'y nagsasalita, inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya. Kaya't siya'y pumasok at naupo sa hapag-kainan.
38 Ang Fariseo ay nagtaka nang makita si Jesus na hindi muna naghugas bago kumain.
39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, subalit sa loob kayo'y punô ng kasakiman at kasamaan.
40 Kayong mga hangal, di ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob?
41 Subalit ilimos ninyo ang mga bagay na nasa loob at ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.
42 Subalit(AG) kahabag-habag kayong mga Fariseo! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, ng ruda[h] at ng bawat gulayin, ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, na hindi pinababayaan ang iba.
43 Kahabag-habag kayong mga Fariseo! Inyong iniibig ang upuang pandangal sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.
44 Kahabag-habag kayo! Sapagkat kayo'y tulad sa mga libingang walang palatandaan, at di nalalaman ng mga tao na sila'y lumalakad sa ibabaw nito.”
45 Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ay sumagot sa kanya, “Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong nilalait.”
46 Subalit sinabi niya, “Kahabag-habag din kayong mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasaning mahihirap dalhin, samantalang hindi man lamang hinahawakan ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasanin.
47 Kahabag-habag kayo! Sapagkat inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, gayong sila'y pinatay ng inyong mga ninuno.
48 Kayo nga'y mga saksi at sumang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno, sapagkat pinatay nila ang mga propeta at itinayo ninyo ang kanilang mga libingan.
49 Kaya't sinasabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at ang ilan sa kanila ay kanilang papatayin at uusigin,’
50 upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na dumanak mula pa nang itatag ang sanlibutan;
51 mula(AH) sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito.
52 Kahabag-habag kayong mga dalubhasa sa kautusan, sapagkat kinuha ninyo ang susi ng karunungan. Kayo mismo ay hindi pumasok, at inyong hinadlangan ang mga pumapasok.”
53 Paglabas niya roon, nagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na pag-initan siya nang matindi at pagtatanungin siya tungkol sa maraming bagay,
54 na nag-aabang sa kanya upang hulihin siya sa kanyang sasabihin.
Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(AI)
12 Samantala,(AJ) nang magkatipon ang libu-libong tao, na anupa't sila'y nagkakatapakan na sa isa't isa, nagpasimula siyang magsalita muna sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagkukunwari.
2 Walang(AK) bagay na natatakpan na hindi mabubunyag, at walang bagay na natatago na hindi malalaman.
3 Kaya't ang anumang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa mga lihim na silid ay ipagsisigawan sa mga bubungan.
Ang Dapat Katakutan(AL)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos ay wala na silang magagawa.
5 Subalit ipapakita ko sa inyo kung sino ang inyong dapat katakutan; katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang magtapon sa impiyerno.[i] Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan.
6 Hindi ba ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos.
7 Ngunit maging ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang na lahat. Huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.
Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(AM)
8 “At sinasabi ko sa inyo, ang bawat kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos.
9 Subalit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ipagkakaila sa harap ng mga anghel ng Diyos.
10 At(AN) ang bawat bumigkas ng salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang magsalita ng kalapastanganan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
11 Kapag(AO) kayo'y dinala nila sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapangyarihan ay huwag kayong mag-alala kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin,
12 sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal
13 Sinabi sa kanya ng isa sa maraming tao, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.”
14 Subalit sinabi niya sa kanya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin upang maging hukom o tagapamahagi sa inyo?”
15 Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”
16 Nagsalaysay siya sa kanila ng isang talinghaga: “Ang lupain ng taong mayaman ay namunga ng sagana.
17 Inisip niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko, sapagkat wala akong mapaglalagyan ng aking mga ani?’
18 Sinabi niya, ‘Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko titipunin ang lahat ng aking mga butil at mga pag-aari.’
19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa ‘Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakaimbak para sa maraming taon; magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, magsaya ka.’
20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal, sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa; at kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’
21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos.”
Pagtitiwala sa Diyos(AP)
22 At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin; o sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot.
23 Sapagkat ang buhay ay higit kaysa pagkain at ang katawan ay higit kaysa damit.
24 Pansinin ninyo ang mga uwak. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas man. Sila'y walang imbakan ni kamalig man, subalit sila'y pinapakain ng Diyos. Gaano pang higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!
25 At sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras sa haba ng kanyang buhay?[j]
26 Kung hindi nga ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit mag-aalala kayo tungkol sa mga ibang bagay?
27 Pansinin(AQ) ninyo ang mga liryo, kung paano silang tumutubo. Hindi sila nagpapagal o humahabi man, subalit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagbihis na gaya ng isa sa mga ito.
28 Ngunit kung dinadamitan ng Diyos nang ganito ang damo sa parang na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa pugon, gaano pa kaya kayo na kanyang dadamitan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
29 At huwag ninyong laging hanapin kung ano ang inyong kakainin, kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabalisa.
30 Sapagkat ang mga bagay na ito ang siyang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.
31 Subalit, hanapin ninyo ang kanyang kaharian at lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo.
Kayamanan sa Langit(AR)
32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nakakalugod sa inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.
33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at kayo'y magbigay ng limos. Gumawa kayo para sa inyong mga sarili ng mga supot na hindi naluluma, ng isang kayamanan sa langit na hindi nauubos, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang bukbok.
34 Sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso.
Mga Lingkod na Handa
35 “Bigkisan(AS) ninyo ang inyong mga baywang at paliwanagin ninyo ang inyong mga ilawan.
36 At(AT) maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon na magbalik mula sa kasalan upang agad nilang mapagbuksan siya kapag siya ay dumating na at tumuktok.
37 Mapapalad ang mga aliping iyon na madatnan ng panginoon na nagbabantay kapag siya ay dumating. Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, bibigkisan niya ang kanyang baywang, sila'y papaupuin sa hapag-kainan at siya ay lalapit at paglilingkuran sila.
38 At kung siya'y dumating sa hatinggabi, o sa magmamadaling-araw na, at matagpuan silang gayon ay mapapalad ang mga aliping iyon.
39 Subalit(AU) alamin ninyo ito, kung nalalaman ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y[k] hindi magpapabayang mapasok ang kanyang bahay.
40 Dapat din kayong maging handa, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Tapat at Di-tapat na Alipin(AV)
41 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi mo ba ang talinghagang ito para sa amin, o para sa lahat?”
42 At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala na pagkakatiwalaan ng kanyang panginoon sa kanyang mga alipin, upang sila'y bigyan ng kanilang bahaging pagkain sa tamang panahon?
43 Mapalad ang aliping iyon, na maratnan ng kanyang panginoon na gayon ang ginagawa.
44 Tunay na sinasabi ko sa inyo, sa kanya ipagkakatiwala ang lahat niyang ari-arian.
45 Subalit kung sabihin ng alipin iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagdating ng aking panginoon;’ at pinasimulan niyang bugbugin ang mga aliping lalaki at mga aliping babae; at siya'y kumain, uminom, at naglasing,
46 ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman. Siya'y pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat.
47 At ang aliping iyon na nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda at hindi ginawa ang ayon sa kalooban nito ay papaluin nang marami.
48 Subalit ang hindi nakakaalam at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga palo ay papaluin ng kaunti. Ngunit sa bawat binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya, at sa kanya na pinagkatiwalaan ng marami ay higit na marami ang kanilang hihingin sa kanya.
Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(AW)
49 “Ako'y naparito upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sana na ito ay nagniningas na!
50 Ako'y(AX) mayroong bautismo na ibabautismo sa akin, at ako'y nababagabag hanggang hindi ito nagaganap!
51 Sa palagay ba ninyo ay pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Hindi! Sinasabi ko sa inyo, sa halip ay pagkakabaha-bahagi.
52 Sapagkat mula ngayon ang lima sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi; tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.
53 Sila'y(AY) magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki, at ang anak na lalaki laban sa ama; ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa kanyang ina; ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”
Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(AZ)
54 Sinabi rin niya sa napakaraming tao, “Kapag may nakita kayong ulap na tumataas sa kanluran ay agad ninyong sinasabi na may darating na malakas na ulan, at gayon nga ang nangyayari.
55 At kapag nakikita ninyong humihihip ang hanging habagat ay sinasabi ninyo, na magkakaroon ng matinding init, at ito'y nangyayari.
56 Kayong mga mapagkunwari! Marunong kayong magbigay ng kahulugan sa anyo ng lupa at ng langit, subalit bakit hindi kayo marunong magbigay ng kahulugan sa kasalukuyang panahon?
Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(BA)
57 At bakit hindi ninyo hatulan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid?
58 Kaya habang patungo ka sa hukom na kasama ang sa iyo'y nagsakdal, sa daan ay sikapin mo nang makipag-ayos sa kanya, kung hindi ay kakaladkarin ka niya sa hukom, at ibibigay ka ng hukom sa punong-tanod, at ipapasok ka ng punong-tanod sa bilangguan.
59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang kusing.”
Magsisi o Mamatay
13 Nang panahong iyon, mayroong ilan na naroon na nagsabi sa kanya tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga iyon ay inihalo ni Pilato sa mga alay nila.
2 At sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo na ang mga taga-Galileang iyon ay higit na makasalanan kaysa lahat ng mga taga-Galilea, dahil sila'y nagdusa nang gayon?
3 Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila.
4 O ang labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam at sila'y napatay, inaakala ba ninyo na sila'y higit na maysala kaysa lahat ng taong naninirahan sa Jerusalem?
5 Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, kayong lahat ay mapapahamak ding tulad nila.”
Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga
6 Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Ang isang tao ay may isang puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Siya'y pumunta upang maghanap ng bunga roon, subalit walang nakita.
7 Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan ninyo, tatlong taon na akong pumaparito na humahanap ng bunga sa punong igos na ito, at wala akong makita. Putulin mo ito. Bakit sinasayang nito ang lupa?’
8 At sumagot siya sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna sa taóng ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot at malagyan ng pataba.
9 At kung ito ay magbunga sa susunod na taon, ay mabuti; subalit kung hindi, maaari mo na itong putulin.”
Pinagaling ni Jesus nang Araw ng Sabbath ang Babaing may Sakit
10 Noon ay nagtuturo siya sa isa sa mga sinagoga nang araw ng Sabbath.
11 At naroon ang isang babae na may espiritu ng karamdaman sa loob ng labingwalong taon. Siya ay baluktot at hindi niya kayang tumayo ng talagang matuwid.
12 Nang siya'y makita ni Jesus, kanyang tinawag siya at sinabi sa kanya, “Babae, pinalaya ka na sa iyong sakit.”
13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa kanya at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos.
14 Subalit(BB) ang pinuno ng sinagoga, na galit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa Sabbath, ay nagsabi sa maraming tao, “May anim na araw na dapat gumawa, pumarito kayo sa mga araw na iyon at kayo'y pagagalingin at hindi sa araw ng Sabbath.”
15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo sa Sabbath ang kanyang bakang lalaki o ang kanyang asno mula sa sabsaban at ito'y inilalabas upang painumin?
16 At hindi ba dapat na ang babaing ito na anak ni Abraham, na ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon ay kalagan sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabbath?”
17 Nang sabihin niya ang mga bagay na ito, napahiya ang lahat ng kanyang mga kaaway at nagalak ang maraming tao dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kanyang ginawa.
Talinghaga ng Butil ng Mustasa(BC)
18 Sinabi niya, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos at sa ano ko ito ihahambing?
19 Ito ay tulad sa isang butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang halamanan. Ito'y tumubo, naging isang punungkahoy at dumapo sa mga sanga nito ang mga ibon sa himpapawid.”
Talinghaga ng Pampaalsa(BD)
20 At muling sinabi niya, “Sa ano ko ihahambing ang kaharian ng Diyos?
21 Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo[l] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nahaluang lahat ng pampaalsa.”
Ang Makipot na Pintuan(BE)
22 Si Jesus[m] ay nagpatuloy sa kanyang lakad sa mga bayan at mga nayon na nagtuturo habang naglalakbay patungo sa Jerusalem.
23 At may nagsabi sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” At sinabi niya sa kanila,
24 “Magsikap kayong pumasok sa makipot na pintuan, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magsisikap na pumasok at hindi makakapasok.
25 Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at maisara na ang pinto, magsisimula kayong tumayo sa labas at tutuktok sa pintuan, na magsasabi, ‘Panginoon, pagbuksan mo kami.’ At siya'y sasagot sa inyo, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling.’
26 Kaya't magsisimula kayong magsabi, ‘Kami ay kasama mong kumain at uminom at nagturo ka sa aming mga lansangan.’
27 Subalit(BF) sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayas kayo, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’
28 Magkakaroon(BG) ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin kapag nakita na ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Diyos, at kayo mismo'y inihahagis sa labas.
29 At(BH) may mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa timog at hilaga, at uupo sa hapag sa kaharian ng Diyos.
30 Sa(BI) katunayan, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.”
Ang Pag-ibig ni Jesus para sa Jerusalem(BJ)
31 Dumating nang oras ding iyon ang ilang Fariseo na nagsabi sa kanya, “Lumabas ka na at umalis dito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes.”
32 At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at inyong sabihin sa asong-gubat na iyon, ‘Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos ko ang aking gawain.
33 Gayunma'y kailangang ako'y magpatuloy sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa, sapagkat hindi maaari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.’
34 O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!
35 Tingnan ninyo,(BK) sa inyo'y iniwan ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Sakit
14 Isang Sabbath, nang pumasok si Jesus[n] sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain, kanilang minamatyagan siya.
2 At noon, sa kanyang harapan ay may isang lalaking namamanas.
3 Nakipag-usap si Jesus sa mga dalubhasa sa kautusan at sa mga Fariseo, na sinasabi, “Ipinahihintulot ba o hindi na magpagaling sa Sabbath?”
4 Subalit sila'y hindi umimik. At siya'y hinawakan ni Jesus,[o] pinagaling, at pinahayo.
5 At(BL) sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo, kung ang anak[p] o bakang lalaki ay nahulog sa hukay, hindi ba agad ninyo iaahon sa araw ng Sabbath?”
6 At hindi sila nakasagot sa mga bagay na ito.
Kapakumbabaan at Pagpapatuloy ng Panauhin
7 Nang mapansin niya na pinipili ng mga panauhin ang mga upuang pandangal; siya ay nagsalaysay sa kanila ng isang talinghaga.
8 “Kapag(BM) inanyayahan ka ng sinuman sa kasalan, huwag kang uupo sa upuang pandangal; baka mayroon siyang inanyayahang higit na kilalang tao kaysa iyo,
9 at ang nag-anyaya sa inyong dalawa ay lumapit at nagsabi sa iyo, ‘Ibigay mo sa taong ito ang lugar mo.’ Sa gayon, ay magsisimula kang pumunta na napapahiya sa pinakamababang lugar.
10 Sa halip, kapag inaanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakamababang lugar upang kung dumating ang nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, pumunta ka sa mas mataas.’ Kung gayo'y magkakaroon ka ng karangalan sa harap ng lahat ng mga kasalo mong nakaupo sa hapag.
11 Sapagkat(BN) ang bawat nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”
12 Sinabi rin naman niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o mayayamang kapitbahay, baka ikaw naman ay kanilang anyayahan at ikaw ay gantihan.
13 Subalit kung naghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga lumpo, ang mga bulag,
14 at pagpapalain ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo. Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Talinghaga ng Malaking Hapunan(BO)
15 Nang marinig ito ng isa sa nakaupong kasalo niya sa hapag ay sinabi nito sa kanya, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.”
16 Subalit sinabi ni Jesus[q] sa kanya, “May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan.
17 At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kanyang alipin upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halikayo, sapagkat ang lahat ay handa na.’
18 Ngunit silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una sa kanya, ‘Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
19 Sinabi ng isa pa, ‘Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila'y subukin. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
20 Sinabi ng iba, ‘Ako'y nagpakasal kaya't hindi ako makakarating.’
21 At bumalik ang alipin, at iniulat ang mga bagay na ito sa kanyang panginoon. Sa galit ng may-ari ng bahay ay sinabi sa kanyang alipin, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag, at ang mga lumpo.’
22 At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunman ay maluwag pa.’
23 At sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok upang mapuno ang aking bahay.’
24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na alinman sa mga taong iyon na inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking hapunan.”
Ang Halaga ng Pagiging Isang Alagad(BP)
25 Noon ay sumama sa kanya ang napakaraming tao. Siya'y humarap sa kanila at sa kanila'y sinabi,
26 “Kung(BQ) ang sinuman ay lumalapit sa akin at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, ina, asawang babae, mga anak, mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, at maging sa kanyang sariling buhay ay hindi maaaring maging alagad ko.
27 Sinumang(BR) hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.
28 Sapagkat sino sa inyo na nagnanais magtayo ng isang tore, ang hindi muna uupo at aalamin ang magugugol kung mayroon siyang sapat upang matapos ito?
29 Baka kung mailagay na niya ang pundasyon at hindi makayang tapusin, ang lahat ng mga makakakita ay magpapasimulang siya'y libakin,
30 na nagsasabi, ‘Nagsimula ang taong ito na magtayo, at hindi na kayang tapusin.’
31 O sinong hari, na pupunta sa pakikidigma laban sa ibang hari, ang hindi muna uupo at mag-iisip kung siya na may sampung libo ay kayang humarap sa may dalawampung libo na dumarating laban sa kanya?
32 At kung hindi, samantalang malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng isang sugo at hihilingin ang mga kasunduan sa kapayapaan.
33 Kaya't ang sinuman sa inyo na hindi magtakuwil sa lahat ng kanyang tinatangkilik ay hindi maaaring maging alagad ko.
Asin na Walang Halaga(BS)
34 “Mabuti ang asin, subalit kung ang asin ay mawalan ng kanyang lasa, paano maibabalik ang alat nito?
35 Ito ay hindi nababagay maging sa lupa o sa tambakan man ng dumi; itinatapon nila ito. Ang may mga taingang ipandirinig ay makinig!”
Ang Nawalang Tupa(BT)
15 Noon,(BU) ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig.
2 Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila.”
3 Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito:
4 “Sino sa inyo na mayroong isandaang tupa at mawalan ng isa sa mga iyon ay hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala, hanggang sa ito'y kanyang matagpuan?
5 At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak.
6 Pag-uwi niya sa tahanan, tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang mga kapitbahay na sinasabi sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala.’
7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu't siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.
Ang Nawalang Pilak
8 “O sinong babae na may sampung pirasong pilak,[r] na kung mawalan siya ng isang piraso, ay hindi ba magsisindi ng isang ilawan at magwawalis ng bahay, at naghahanap na mabuti hanggang ito'y matagpuan niya?
9 At kapag matagpuan niya ito ay tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na nagsasabi, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang pilak na nawala sa akin.’
10 Gayundin, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”
Ang Alibughang Anak
11 Sinabi ni Jesus,[s] “May isang tao na may dalawang anak na lalaki:
12 Sinabi ng nakababata sa kanila sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin.’ At hinati niya sa kanila ang kanyang pag-aari.
13 Makaraan ang ilang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng kanya, at naglakbay patungo sa isang malayong lupain at doo'y nilustay ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay.
14 Nang magugol na niyang lahat ay nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at siya'y nagsimulang mangailangan.
15 Kaya't pumaroon siya at sumama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing iyon na nagpapunta sa kanya sa kanyang mga bukid upang magpakain ng mga baboy.
16 At siya'y nasasabik na makakain ng mga pinagbalatan na kinakain ng mga baboy at walang sinumang nagbibigay sa kanya ng anuman.
17 Subalit nang siya'y matauhan ay sinabi niya, ‘Ilan sa mga upahang lingkod ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, ngunit ako rito'y namamatay sa gutom?
18 Titindig ako at pupunta sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo.
19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod.”’
20 Siya'y tumindig at pumunta sa kanyang ama. Subalit habang nasa malayo pa siya, natanaw siya ng kanyang ama at ito'y awang-awa sa kanya. Ang ama'y[t] tumakbo, niyakap siya at hinagkan.
21 At sinabi ng anak sa kanya, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo; hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.’
22 Subalit sinabi ng ama sa kanyang mga alipin, ‘Dali, dalhin ninyo rito ang pinakamagandang kasuotan at isuot ninyo sa kanya. Lagyan ninyo ng singsing ang kanyang daliri, at mga sandalyas ang kanyang mga paa.
23 At kunin ninyo ang pinatabang guya at patayin ito, at tayo'y kumain at magdiwang.
24 Sapagkat ang anak kong ito ay patay na, at muling nabuhay; siya'y nawala, at natagpuan.’ At sila'y nagsimulang magdiwang.
25 Samantala, nasa bukid ang anak niyang panganay at nang siya'y dumating at papalapit sa bahay, nakarinig siya ng tugtugan at sayawan.
26 Tinawag niya ang isa sa mga alipin at itinanong kung ano ang kahulugan nito.
27 At sinabi niya sa kanya, ‘Dumating ang kapatid mo at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niyang ligtas at malusog.’
28 Subalit nagalit siya at ayaw pumasok. Lumabas ang kanyang ama, at siya'y pinakiusapan.
29 Subalit sumagot siya sa kanyang ama, ‘Tingnan mo, maraming taon nang ako'y naglingkod sa iyo, at kailanma'y hindi ako sumuway sa iyong utos. Gayunman ay hindi mo ako binigyan kailanman ng kahit isang batang kambing upang makipagsaya sa aking mga kaibigan.
30 Subalit nang dumating ang anak mong ito na lumustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae ay ipinagpatay mo pa siya ng pinatabang guya.’
31 At sinabi niya sa kanya, ‘Anak, ikaw ay palagi kong kasama, ang lahat ng sa akin ay sa iyo.
32 Ngunit nararapat lamang na magsaya at magalak, sapagkat ang kapatid mong ito ay patay at muling nabuhay; siya'y nawala at natagpuan.’”
Ang Tusong Katiwala
16 Sinabi rin ni Jesus[u] sa mga alagad, “May isang taong mayaman na may isang katiwala, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng taong ito ang kanyang mga kayamanan.
2 At kanyang tinawag siya, at sa kanya'y sinabi, ‘Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’
3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Anong gagawin ko yamang inaalis sa akin ng aking panginoon ang pagiging katiwala? Hindi ko kayang maghukay at nahihiya akong mamalimos.
4 Naipasiya ko na ang aking gagawin, upang matanggap ako ng mga tao sa kanilang bahay kapag pinaalis na ako sa pagiging katiwala.’
5 Kaya't nang tawagin niyang isa-isa ang mga may utang sa kanyang panginoon, ay sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’
6 At sinabi niya, ‘Isang daang takal na langis.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at maupo ka at isulat mo kaagad ang limampu.’
7 Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, ‘Magkano ang utang mo?’ Sinabi niya, ‘Isang daang takal na trigo.’ Sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang walumpu.’
8 At pinuri ng panginoon ang madayang katiwala, sapagkat siya'y gumawang may katusuhan, sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay higit na tuso sa pakikitungo sa sarili nilang lahi kaysa mga anak ng liwanag.
9 At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan upang kung ito'y maubos na, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tahanan.[v]
10 “Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami.
11 Kung kayo nga'y hindi naging tapat sa kayamanan ng kalikuan, sino ang magtitiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan?
12 At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sarili ninyong pag-aari.
13 Walang(BV) aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya'y magiging tapat sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.”[w]
Ang Kautusan at ang Kaharian ng Diyos(BW)
14 Narinig ng mga Fariseo na pawang maibigin sa salapi ang lahat ng mga bagay na ito at kanilang tinuya si Jesus.[x]
15 At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga nagmamatuwid sa inyong sarili sa paningin ng mga tao, subalit nalalaman ng Diyos ang inyong mga puso. Sapagkat ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos.
16 “Ang(BX) kautusan at ang mga propeta ay hanggang kay Juan; mula noon, ang magandang balita ng kaharian ng Diyos ay ipinangangaral, at ang bawat isa ay sapilitang pumapasok doon.[y]
17 Ngunit(BY) mas madali pa para sa langit at lupa na lumipas, kaysa maalis ang isang kudlit sa kautusan.
18 “Ang(BZ) bawat humihiwalay sa kanyang asawang babae at nag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang nag-aasawa sa babaing hiniwalayan ng kanyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.
Ang Mayamang Lalaki at si Lazaro
19 “Mayroong isang taong mayaman na nagsusuot ng kulay ube at pinong lino at nagpipista araw-araw sa maraming pagkain.
20 At sa kanyang pintuan ay nakahandusay ang isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, na punô ng mga sugat,
21 na naghahangad na makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Maging ang mga aso ay lumalapit at hinihimuran ang kanyang mga sugat.
22 At nangyari, namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay din naman ang mayaman at inilibing.
23 At mula sa Hades na kanyang pinagdurusahan ay tumingala siya at nakita sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang kandungan.
24 Siya'y sumigaw at sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’
25 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na sa iyong buhay ay tinanggap mo ang iyong mabubuting bagay, at si Lazaro naman ay ang masasamang bagay. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito at ikaw ay nagdurusa.
26 Bukod dito, may isang malaking banging inilagay sa pagitan natin, upang ang mga nagnanais tumawid buhat dito patungo sa inyo ay hindi maaari at wala ring makatatawid mula riyan patungo sa amin.’
27 At sinabi niya, ‘Kung gayo'y ipinapakiusap ko sa iyo, ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama,
28 sapagkat ako'y may limang kapatid na lalaki, upang magpatotoo sa kanila nang hindi rin sila mapunta sa dakong ito ng pagdurusa.
29 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, hayaan mo silang makinig sa kanila.’
30 Sinabi niya, ‘Hindi, amang Abraham, subalit kung ang isang mula sa mga patay ay pumunta sa kanila, sila'y magsisisi.’
31 At sinabi niya sa kanya, ‘Kung hindi nila pinapakinggan si Moises at ang mga propeta, hindi rin sila mahihikayat, kahit may isang bumangon mula sa mga patay.’”
Pagpapatawad sa Kapatid(CA)
17 Sinabi ni Jesus[z] sa kanyang mga alagad, “Hindi maaaring di dumating ang mga kadahilanan ng pagkatisod, subalit kahabag-habag ang sinuman na pinanggagalingan niyon.
2 Mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang batong panggiling, at ihagis siya sa dagat, kaysa siya ang maging sanhi ng pagkatisod ng isa sa maliliit na ito.
3 Mag-ingat(CB) kayo sa inyong sarili. Kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya, at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya.
4 Kung siya'y magkasala laban sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at pitong ulit siyang bumalik sa iyo, na nagsasabi, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”
Pananampalataya
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang pananampalataya namin.”
6 Sinabi ng Panginoon, “Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng isang binhi ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim ka sa dagat,’ susundin kayo nito.
Katungkulan ng Isang Lingkod
7 “Sino sa inyo, na mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang magsasabi sa kanya pagkagaling sa bukid, ‘Pumarito ka agad at maupo sa hapag ng pagkain.’
8 Sa halip, hindi ba niya sasabihin sa kanya, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbigkis ka, paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom, pagkatapos ay kumain ka at uminom’?
9 Pinasasalamatan ba niya ang alipin, sapagkat ginawa niya ang iniutos sa kanya?
10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniutos sa inyo, inyong sabihin, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan.’”
Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin
11 Habang patungo sa Jerusalem, si Jesus[aa] ay dumaan sa pagitan ng Samaria at Galilea.
12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin, na nakatayo sa malayo.
13 Sila'y nagsisigaw at nagsabi, “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin.”
14 Nang(CC) kanyang makita sila ay sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at kayo'y magpakita sa mga pari.” Habang sila'y umaalis, sila ay nagiging malinis.
15 Nang makita ng isa sa kanila na siya'y gumaling na, siya ay bumalik na pinupuri ng malakas na tinig ang Diyos.
16 Siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus[ab] na nagpapasalamat sa kanya. Siya'y isang Samaritano.
17 At nagtanong si Jesus, “Hindi ba sampu ang nalinis? Nasaan ang siyam?
18 Wala bang natagpuang bumalik at nagbigay papuri sa Diyos, maliban sa dayuhang ito?”
19 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumindig ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
Ang Pagdating ng Kaharian(CD)
20 Palibhasa'y tinanong si Jesus[ac] ng mga Fariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, kanyang sinagot sila, “Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na may mga palatandaang makikita.
21 At di rin nila sasabihin, ‘Tingnan ninyo, naririto o naroroon!’ Sapagkat masdan ninyo, ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”
22 Sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita.
23 At sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroroon’ o ‘Tingnan ninyo, naririto!’ Huwag kayong pumaroon o sumunod sa kanila.
24 Sapagkat kung paanong ang kidlat ay kumikislap at pinaliliwanag ang langit mula sa isang panig hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa kanyang araw.
25 Subalit kailangan muna siyang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.
26 At(CE) kung paano ang nangyari sa mga araw ni Noe, ay gayundin naman ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao.
27 Sila'y(CF) kumakain at umiinom, nag-aasawa at sila'y pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe at dumating ang baha, at nilipol silang lahat.
28 Gayundin(CG) ang nangyari sa mga araw ni Lot. Sila'y kumakain at umiinom, bumibili at nagbibili, nagtatanim at nagtatayo.
29 Subalit nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat.
30 Gayundin naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay mahayag.
31 Sa(CH) araw na iyon, ang nasa bubungan na ang pag-aari niya ay nasa bahay, ay huwag nang manaog upang kunin ang mga ito. Gayundin, ang nasa bukid ay huwag nang bumalik.
32 Alalahanin(CI) ninyo ang asawa ni Lot.
33 Sinumang(CJ) nagsisikap ingatan ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit ang sinumang nawalan ng kanyang buhay ay maiingatan iyon.
34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay may dalawa sa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
35 May dalawang magkasamang magtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan.”
36 (Pupunta sa bukid ang dalawang lalaki; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan.)
37 At sinabi nila sa kanya, “Saan, Panginoon?” Sinabi niya sa kanila, “Kung saan naroon ang bangkay ay doon magtitipon ang mga buwitre.”
Ang Talinghaga ng Balo at ng Hukom
18 At isinalaysay ni Jesus[ad] sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay.
2 Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang.
3 At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.’
4 May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, ‘Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao,
5 subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.’”
6 At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom.
7 At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila?
8 Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Talinghaga ng Fariseo at ang Maniningil ng Buwis
9 Isinalaysay rin niya ang talinghagang ito sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili, na sila'y matutuwid at hinahamak ang iba.
10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin. Ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis.
11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, ‘Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya, o gaya man ng maniningil ng buwis na ito.
12 Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!’
13 Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, ‘Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.’
14 Sinasabi(CK) ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring-ganap sa halip na ang isa. Sapagkat ang bawat nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, ngunit ang nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas.”
Binasbasan ni Jesus ang mga Sanggol(CL)
15 Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila.
16 Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.”
Ang Mayamang Lalaki(CM)
18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
20 Nalalaman(CN) mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
21 At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”
22 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.
23 Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman.
24 Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos!
25 Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 At sinabi ng mga nakarinig nito, “Sino kaya ang maliligtas?”
27 Subalit sinabi niya, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”
28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo.”
29 At sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,
30 na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan.”
Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(CO)
31 Isinama niya ang labindalawa at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, umaahon tayo tungo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad.
32 Sapagkat siya'y ibibigay sa mga Hentil at siya'y lilibakin, hahamakin, at luluraan,
33 kanilang hahagupitin siya at papatayin at sa ikatlong araw siya ay muling mabubuhay.”
34 Ngunit wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang salitang ito ay naikubli sa kanila, at hindi nila naunawaan ang sinabi.
Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(CP)
35 Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.
36 At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito.
37 Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.
38 At siya'y sumigaw, “Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin.”
39 Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”
40 At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao[ae] sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong,
41 “Anong ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ako sana'y muling makakita.”
42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
43 At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos.
Si Jesus at si Zaqueo
19 Siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico,
2 at doon ay may isang lalaki na ang pangalan ay Zaqueo. Siya'y isang punong maniningil ng buwis at mayaman.
3 Nagsikap siyang makita kung sino si Jesus, subalit hindi magawa dahil sa karamihan ng mga tao, sapagkat siya'y pandak.
4 Kaya't tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita siya, sapagkat siya'y daraan sa daang iyon.
5 At nang dumating si Jesus[af] sa lugar na iyon, siya'y tumingala, at sinabi sa kanya, “Zaqueo, dali ka at bumaba ka; sapagkat kailangang ako'y tumuloy sa bahay mo ngayon.”
6 Kaya't siya'y nagmadali, bumaba, at natutuwa siyang tinanggap.
7 Nang kanilang makita ito ay nagbulungan silang lahat, na nagsasabi, “Siya'y pumasok upang maging panauhin ng isang taong makasalanan.”
8 Si Zaqueo ay tumindig at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha at kung sa pamamagitan ng pandaraya ay may kinuha ako sa kanino mang tao, babayaran ko siya ng apat na ulit.”
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating sa bahay na ito ngayon ang kaligtasan, sapagkat siya man ay anak din ni Abraham.
10 Sapagkat(CQ) ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala.”
Ang Talinghaga ng Sampung Mina[ag](CR)
11 Samantalang(CS) pinapakinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya at nagsalaysay ng isang talinghaga, sapagkat siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagkat kanilang inakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag na kaagad.
12 Sinabi nga niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian at pagkatapos ay bumalik.
13 Tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.’
14 Subalit kinapootan siya ng kanyang mga mamamayan at nagsugo sila sa kanya ng kinatawan na nagsasabi, ‘Ayaw namin na ang taong ito'y maghari sa amin.’
15 Nang siya'y bumalik, pagkatapos matanggap ang kaharian, sinabi niyang tawagin ang mga aliping binigyan niya ng salapi, upang malaman niya kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.
16 Dumating ang una, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng sampung mina pa.’
17 At sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin. Sapagkat naging tapat ka sa kakaunti, mamahala ka sa sampung lunsod.’
18 Dumating ang ikalawa, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng limang mina.’
19 Sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay mamamahala sa limang lunsod.’
20 Dumating ang isa pa, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina na aking itinago sa isang panyo;
21 ako'y natakot sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mahigpit, kinukuha mo ang hindi mo itinabi, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’
22 Sinabi niya sa kanya, ‘Hinahatulan kita mula sa sarili mong bibig, ikaw na masamang alipin. Alam mo na ako'y taong mahigpit, na kumukuha ng hindi ko itinabi, at gumagapas ng hindi ko inihasik.
23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang aking salapi sa bangko at nang sa aking pagbalik ay makuha ko iyon pati ng tinubo?’
24 At sinabi niya sa mga nakatayo, ‘Kunin ninyo sa kanya ang mina, at ibigay ninyo sa may sampung mina.’
25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, siya'y mayroong sampung mina.’
26 ‘Sinasabi(CT) ko sa inyo na sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay; subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
27 Ngunit itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito at patayin sila sa harapan ko.’”
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(CU)
28 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya na umakyat tungo sa Jerusalem.
29 Nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olibo, ay sinugo niya ang dalawa sa mga alagad,
30 na sinasabi, “Pumunta kayo sa katapat na nayon at sa pagpasok ninyo roon, ay makikita ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin ninyo rito.
31 At kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan? Ganito ang inyong sasabihin, ‘Kailangan siya ng Panginoon.’”
32 Ang mga sinugo ay pumunta at natagpuan ang ayon sa sinabi niya sa kanila.
33 Nang kinakalagan nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga may-ari nito, ‘Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?’
34 At sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.”
35 Dinala nila ito kay Jesus at ipinatong nila ang kanilang mga damit sa batang asno at isinakay nila si Jesus doon.
36 At samantalang siya'y nakasakay, inilalatag ng mga tao[ah] ang kanilang mga damit sa daan.
37 Nang malapit na siya sa libis ng bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagpasimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na kanilang nakita,
38 na(CV) sinasabi,
“Mapalad ang Hari
na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit,
at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”
39 Ilan sa mga Fariseo na mula sa maraming tao ay nagsabi sa kanya, “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.”
40 At sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo na kung tatahimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.”
Iniyakan ni Jesus ang Jerusalem
41 Nang malapit na siya at nakita ang lunsod, ito'y kanyang iniyakan,
42 na sinasabi, “Kung sa araw na ito ay alam mo sana ang mga bagay na tungo sa kapayapaan! Subalit ngayo'y nakakubli ito sa iyong mga mata.
43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na ang mga kaaway mo ay magtatayo ng muog sa palibot mo at papaligiran ka, at gigipitin ka sa bawat panig.
44 At ibabagsak ka sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Sa iyo'y hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo.”
Nilinis ni Jesus ang Templo(CW)
45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nagtitinda,
46 na(CX) sinasabi sa kanila, “Nasusulat,
‘Ang aking bahay ay magiging bahay-dalanginan,’
subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
47 Nagturo(CY) siya araw-araw sa templo. Ngunit pinagsisikapan ng mga punong pari, ng mga eskriba, at ng mga pinuno ng bayan na siya'y patayin.
48 Ngunit wala silang nakitang magagawa nila, sapagkat nakatuon ang pansin ng buong bayan sa kanyang mga salita.
Tinanong ang Awtoridad ni Jesus(CZ)
20 Isang araw, samantalang tinuturuan ni Jesus[ai] ang mga taong-bayan sa templo at ipinangangaral ang magandang balita, lumapit ang mga pari at ang mga eskriba na kasama ang matatanda.
2 At sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo sa amin, sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”
3 Siya'y sumagot sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at sabihin ninyo sa akin:
4 Ang bautismo ba ni Juan ay mula sa langit, o mula sa mga tao?”
5 At sila'y nag-usapan sa isa't isa na sinasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ ay sasabihin niya, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
6 Subalit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ ay babatuhin tayo ng mga taong-bayan, sapagkat sila'y napapaniwala na si Juan ay isang propeta.”
7 Kaya't sila'y sumagot na hindi nila nalalaman kung saan iyon nagmula.
8 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga ng mga Magsasaka sa Ubasan(DA)
9 At(DB) sinimulan niyang isalaysay sa taong-bayan ang talinghagang ito: “Isang tao ang nagtanim ng ubasan. Ipinagkatiwala niya ito sa mga magsasaka, at pumunta sa ibang lupain nang mahabang panahon.
10 Nang dumating ang panahon ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang siya'y bigyan mula sa bunga ng ubasan, subalit binugbog siya ng mga magsasaka, at pinaalis na walang dala.
11 Nagsugo siya ng isa pang alipin, subalit ito'y kanilang binugbog din at hiniya, at pinaalis na walang dala.
12 At nagsugo pa siya ng ikatlo. Ito ay kanilang sinugatan at pinagtabuyan.
13 Pagkatapos ay sinabi ng panginoon ng ubasan, ‘Anong gagawin ko? Susuguin ko ang minamahal kong anak, baka siya'y igagalang nila.’
14 Subalit nang makita siya ng mga magsasaka ay sinabi nila sa kanilang mga sarili, ‘Ito ang tagapagmana, patayin natin siya upang ang mana ay maging atin.’
15 Kaya't kanilang itinapon siya sa labas ng ubasan at pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?
16 Siya'y darating at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba.” At nang marinig nila ito ay sinabi nila, “Huwag nawang mangyari.”
17 Subalit(DC) tumingin siya sa kanila at sinabi, “Ano nga itong nasusulat,
‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
ay siyang naging batong panulok?’
18 Ang bawat mahulog sa ibabaw ng batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang mabagsakan nito.”
19 Pinagsikapan siyang pagbuhatan ng kamay sa oras na iyon ng mga eskriba at ng mga punong pari, sapagkat nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, subalit sila'y natakot sa taong-bayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001