Bible in 90 Days
Dalawang Uri ng Karunungan
13 Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kanyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.
14 Ngunit kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagiging makasarili sa inyong puso, huwag kayong magmalaki at huwag kayong magsinungaling laban sa katotohanan.
15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi makalupa, makalaman, may sa demonyo.
16 Sapagkat kung saan mayroong paninibugho at pagiging makasarili, doon ay mayroong kaguluhan at bawat gawang masama.
17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, mapagbigay, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari.
18 At ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan ng mga gumagawa ng kapayapaan.
Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan
4 Saan nagmumula ang mga digmaan at saan nagmumula ang mga pag-aaway sa inyo? Hindi ba mula sa inyong mga kalayawan na nakikipaglaban sa inyong mga sangkap?
2 Kayo'y naghahangad, at kayo'y wala; kayo'y pumapatay at kayo'y nag-iimbot at kayo'y hindi nagkakamit. Kayo'y nag-aaway at nagdidigmaan. Kayo'y wala, sapagkat hindi kayo humihingi.
3 Kayo'y humihingi, at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan.
4 Mga(A) mangangalunya! Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.
5 O iniisip ba ninyo na walang kabuluhan ang sinasabi ng kasulatan na, “Ang espiritu na pinatira niya sa atin ay nagnanasa na may paninibugho?”
6 Ngunit siya'y nagbibigay ng higit pang biyaya. Kaya't sinasabi, “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”
7 Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo.
8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip.
9 Kayo'y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan.
10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo.
Babala Laban sa Paghatol
11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi isang hukom.
12 Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, siya na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya, sino ka na humahatol sa iyong kapwa?
Babala Laban sa Kapalaluan
13 Halikayo(B) ngayon, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o sa ganoong bayan, at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita.”
14 Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho.
15 Sa halip ay dapat ninyong sabihin, “Kung loloobin ng Panginoon kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon.”
16 Subalit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng gayong pagmamalaki ay masama.
17 Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya.
Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman
5 Halikayo ngayon, kayong mayayaman, tumangis kayo at humagulhol dahil sa mga kahirapan na sa inyo'y darating.
2 Ang(C) inyong mga kayamanan ay bulok na, at ang inyong mga damit ay kinakain na ng bukbok.
3 Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na, at ang mga kalawang ng mga ito ay magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy ay lalamunin nito ang inyong laman. Kayo'y nag-imbak ng mga kayamanan para sa mga huling araw.
4 Tingnan(D) ninyo, ang sahod ng mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid na inyong ipinagkakait ay umiiyak; at ang pag-iyak ng mga umani ay nakarating sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Kayo'y namuhay na may pagpapasasa sa ibabaw ng lupa, at namuhay kayong may karangyaan. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa araw ng katayan.
6 Inyong hinatulan at pinaslang ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.
Katiyagaan sa Kahirapan
7 Kaya, maging matiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na siya'y nagtitiis para dito hanggang sa ito ay tumanggap ng una at huling ulan.
8 Maging matiyaga rin kayo. Patatagin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay malapit na.[a]
9 Mga kapatid, huwag kayong magbulung-bulungan laban sa isa't isa, upang huwag kayong mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pintuan.
10 Mga kapatid, kunin ninyong halimbawa ng pagtitiis at ng pagtitiyaga ang mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon.
11 Tunay(E) na tinatawag nating mapapalad ang mga nagtiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung paanong ang Panginoon ay punô ng pagkahabag at pagkamaawain.
12 Ngunit(F) higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag ninyong ipanumpa ang langit o ang lupa, o ang anumang ibang panunumpa, kundi ang inyong “Oo” ay maging oo; at ang inyong “Hindi” ay maging hindi, upang kayo'y huwag mahulog sa ilalim ng kahatulan.
Ang Mabisang Panalangin
13 Mayroon ba sa inyong nagdurusa? Manalangin siya. Mayroon bang masaya? Umawit siya ng papuri.
14 May(G) sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatanda ng iglesya, at kanilang ipanalangin siya, at siya'y pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon.
15 Ang panalangin na may pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung siya ay nagkasala, siya ay patatawarin.
16 Kaya't ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.
17 Si(H) Elias ay isang taong may likas na gaya rin ng sa atin, at siya'y taimtim na nanalangin upang huwag umulan, at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.
18 At(I) muli siyang nanalangin, at ang langit ay nagbigay ng ulan, at ang lupa ay sinibulan ng bunga nito.
19 Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay naliligaw mula sa katotohanan, at siya'y pinapanumbalik ng sinuman,
20 dapat(J) niyang malaman na ang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkaligaw sa kanyang landas ay magliligtas ng kaluluwa mula sa kamatayan, at magtatakip ng napakaraming kasalanan.
Pagbati
1 Si Pedro, na apostol ni Jesu-Cristo,
Sa mga hinirang na nangingibang-bayan na nasa Pangangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia,
2 pinili at itinalaga ng Diyos Ama, at ginawang banal ng Espiritu upang sumunod kay Jesu-Cristo at mawisikan ng kanyang dugo:
Biyaya at kapayapaan nawa ang sa inyo'y sumagana.
Buháy na Pag-asa
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Sa pamamagitan ng kanyang malaking kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa mga patay,
4 tungo sa isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo,
5 na sa kapangyarihan ng Diyos ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang ipahayag sa huling panahon.
6 Sa ganito kayo'y nagagalak, bagama't ngayon sa sandaling panahon ay kailangan ninyong magdanas ng iba't ibang pagsubok,
7 upang ang kadalisayan ng inyong pananampalataya na mas mahalaga kaysa gintong nasisira, bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay mauwi sa kapurihan, kaluwalhatian at karangalan sa pagpapakita ni Jesu-Cristo.
8 Hindi ninyo siya nakita gayunma'y inyong iniibig; bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayunma'y inyong sinasampalatayanan, at kayo'y nagagalak na may galak na hindi maipaliwanag at puspos ng kaluwalhatian,
9 na inyong tinatanggap ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.
10 Tungkol sa kaligtasang ito, nagsikap at nagsiyasat na mabuti ang mga propeta na nagpahayag tungkol sa biyayang darating sa inyo.
11 Kanilang siniyasat kung anong pagkatao o kapanahunan na tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila, nang ipahayag ang mangyayaring pagdurusa ni Cristo, at ang kaluwalhatiang susunod sa mga ito.
12 Ipinahayag sa kanila na hindi sila naglilingkod sa kanilang sarili kundi sa inyo, sa mga bagay na ngayo'y ibinalita sa inyo sa pamamagitan ng mga nangaral sa inyo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na sinugo mula sa langit; na ang mga bagay na ito'y pinananabikang makita ng mga anghel.
Panawagan tungo sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya't ihanda ninyo sa gawain ang inyong mga pag-iisip;[b] na supilin ninyo ang inyong sarili at ilagak ang inyong pag-asa sa biyayang darating sa inyo kapag inihayag na si Jesu-Cristo.
14 Tulad ng mga masunuring mga anak, huwag kayong gumaya sa masasamang pagnanasa ng inyong kamangmangan noong una.
15 Sa halip, yamang banal ang sa inyo'y tumawag, maging banal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay;
16 sapagkat(K) nasusulat, “Kayo'y maging banal, sapagkat ako'y banal.”
17 Kung inyong tinatawagan bilang Ama ang humahatol na walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa, mamuhay kayo na may takot sa panahon ng inyong pangingibang bayan.
18 Nalalaman ninyong kayo'y tinubos mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno, hindi ng mga bagay na nasisira, tulad ng pilak o ginto,
19 kundi ng mahalagang dugo ni Cristo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis.
20 Siya ay itinalaga na nang una bago itinatag ang sanlibutan, ngunit inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo.
21 Sa pamamagitan niya ay nanampalataya kayo sa Diyos, na bumuhay sa kanya mula sa mga patay at sa kanya'y nagbigay ng kaluwalhatian, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nakatuon sa Diyos.
22 Ngayong nilinis na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, kaya't kayo'y may tunay na pag-ibig sa isa't isa, mag-ibigan kayo sa isa't isa nang buong alab mula sa dalisay na puso.
23 Ipinanganak na kayong muli, hindi ng binhing nasisira, kundi ng walang kasiraan, sa pamamagitan ng buháy at nananatiling salita ng Diyos.
24 Sapagkat,(L)
“Ang lahat ng laman ay gaya ng damo,
at ang lahat ng kaluwalhatian nito ay gaya ng bulaklak ng damo.
Ang damo'y natutuyo,
at ang bulaklak ay nalalanta,
25 subalit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
Ang salitang ito ay ang magandang balita na ipinangaral sa inyo.
Ang Batong Buháy at ang Bansang Banal
2 Kaya't iwaksi ninyo ang lahat ng kasamaan, pandaraya, pagkukunwari, inggitan, at lahat ng paninirang-puri.
2 Gaya ng mga sanggol na bagong silang ay mithiin ninyo ang malinis na espirituwal na gatas, upang sa pamamagitan nito'y lumago kayo tungo sa kaligtasan,
3 kung(M) natikman nga ninyo na ang Panginoon ay mabuti.
4 Lumapit kayo sa kanya, na isang batong buháy, bagaman itinakuwil ng mga tao gayunma'y pinili at mahalaga sa paningin ng Diyos, at
5 tulad ng mga batong buháy, hayaan ninyong kayo ay maitayo bilang espirituwal na bahay tungo sa banal na pagkapari, upang mag-alay ng mga espirituwal na handog na kasiya-siya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
6 Sapagkat(N) ito ang isinasaad ng kasulatan:
“Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato,
isang batong panulok na pinili at mahalaga;
at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”
7 Kaya't(O) sa inyo na nananampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi nananampalataya,
“Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ay siyang naging puno ng panulok,”
8 at,(P)
“Isang batong nagpapatisod sa kanila,
at malaking bato na nagpabagsak sa kanila.”
Sila'y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito naman sila itinalaga.
9 Ngunit(Q) kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag.
10 Noon(R) ay hindi kayo bayan, ngunit ngayo'y bayan kayo ng Diyos; noon ay hindi kayo tumanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap kayo ng habag.
Mamuhay Bilang mga Lingkod ng Diyos
11 Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at ipinatapon, na kayo'y umiwas sa mga pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa.
12 Maging marangal ang inyong pag-uugali sa gitna ng mga Hentil upang kung magsalita sila laban sa inyo na parang kayo'y gumagawa ng kasamaan, ay makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagdalaw.
13 Pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao alang-alang sa Panginoon, maging sa hari, na kataas-taasan,
14 o sa mga gobernador na sinugo niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti.
15 Sapagkat gayon ang kalooban ng Diyos na dahil sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong hangal.
16 Mamuhay kayo nang tulad sa taong malalaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan bilang balabal ng kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos.
17 Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang kapatiran. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.
Ang Halimbawa ng Paghihirap ni Cristo
18 Mga alipin, magpasakop kayo nang may buong paggalang sa inyong mga amo; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi gayundin sa mababagsik.
19 Sapagkat ito'y kapuri-puri, kung dahil sa pagkakilala sa Diyos ay nagtiis ang sinuman ng sakit habang nagdurusa nang hindi nararapat.
20 Sapagkat anong pakinabang nga, na kapag kayo'y nagkakasala at hinahampas dahil dito, ay inyong tinatanggap na may pagtitiis? Ngunit kung kayo'y gumagawa ng mabuti at kayo'y nagdurusa dahil dito at inyong tinatanggap na may pagtitiis, ito'y kalugud-lugod sa Diyos.
21 Sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, sapagkat si Cristo man ay nagdusa alang-alang sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang sumunod kayo sa kanyang mga yapak.
22 “Siya'y(S) hindi nagkasala, at walang natagpuang pandaraya sa kanyang bibig.”
23 Nang(T) siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y magdusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kanyang sarili doon sa humahatol na may katarungan.
24 Siya(U) mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kanyang katawan sa punungkahoy, upang tayo'y mamatay sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran; dahil sa kanyang mga sugat ay gumaling kayo.
25 Sapagkat kayo'y tulad sa mga tupang naliligaw, ngunit ngayon ay bumalik na kayo sa Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.
Dalisay na Pamumuhay ng Mag-asawa
3 Gayundin(V) naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyong sariling asawa, kahit na ang ilan sa kanila ay hindi sumusunod sa salita, upang mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kanilang asawang babae;
2 kapag nakikita nila ang dalisay at magalang ninyong pag-uugali.
3 Ang(W) inyong kagayakan ay huwag maging panlabas na pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng ginto, o pagbibihis ng maringal na damit.
4 Sa halip, ay ang panloob na pagkatao na may kagandahang walang paglipas, ng isang mahinhin at maamong espiritu na napakahalaga sa paningin ng Diyos.
5 Sapagkat nang unang panahon ay ganito ginayakan ng mga banal na babae na umaasa sa Diyos ang kanilang sarili, at sila'y nagpasakop sa kani-kanilang mga asawa,
6 tulad(X) nang pagsunod ni Sarah kay Abraham, na kanyang tinawag na panginoon. At kayo ngayon ay mga anak niya kung gumagawa kayo ng mabuti, at hindi kayo natatakot sa anumang pananakot.
7 Gayundin(Y) naman kayong mga lalaki, maging mapagbigay kayo sa inyu-inyong mga asawa sa inyong pagsasama, na binibigyan ng karangalan ang babae bilang isang mas marupok na sisidlan, yamang sila man ay tagapagmana rin ng biyaya ng buhay, upang walang makahadlang sa inyong mga panalangin.
Pagdurusa Dahil sa Paggawa ng Mabuti
8 Katapus-tapusan, magkaisa kayong lahat sa pag-iisip, maging madamayin, mapagmahal sa mga kapatid, mababait at may mapagpakumbabang pag-iisip.
9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama, o ng pag-alipusta ang pag-alipusta, kundi ng pagpapala; sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, upang kayo'y magmana ng pagpapala.
10 Sapagkat,(Z)
“Ang nagmamahal sa buhay,
at nais makakita ng mabubuting araw,
ay magpigil ng kanyang dila sa masama,
at ang kanyang mga labi ay huwag magsalita ng daya,
11 lumayo siya sa masama at gumawa ng kabutihan;
hanapin niya ang kapayapaan, at ito'y lakaran.
12 Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid,
at ang kanyang mga tainga ay bukas sa kanilang mga panalangin.
Ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.”
13 At sino ang gagawa ng masama sa inyo kung kayo'y masigasig sa paggawa ng mabuti?
14 Subalit(AA) magdusa man kayo ng dahil sa katuwiran ay mapapalad kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pananakot, ni mabahala,
15 kundi(AB) sa inyong mga puso ay pakabanalin ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handa na ipagtanggol sa bawat taong humihingi sa inyo ng katuwiran ang tungkol sa pag-asang nasa inyo,
16 ngunit gawin ito nang may kaamuan at paggalang.[c] Ingatan ninyong malinis ang budhi, upang kapag kayo ay inalipusta, ang mga nagsasalita ng laban sa inyong mabuting paraan ng pamumuhay kay Cristo ay mapahiya.
17 Sapagkat mas mabuting magdusa dahil sa paggawa ng mabuti kung iyon ay kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama.
18 Sapagkat si Cristo man ay minsang nagdusa[d] dahil sa mga kasalanan, ang isang matuwid dahil sa mga di-matuwid, upang kayo[e] ay madala niya sa Diyos. Siya ay pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu;
19 sa gayundin, siya ay pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan,
20 na(AC) noon ay mga suwail, nang ang Diyos ay matiyagang naghintay noong mga araw ni Noe, habang ginagawa ang daong, na noon ay kakaunti, samakatuwid ay walong kaluluwa, ang naligtas sa pamamagitan ng tubig.
21 At ang bautismo, na siyang kalarawan nito, ang nagliligtas sa inyo ngayon, hindi sa pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo,
22 na umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos, na ipinasakop sa kanya ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.
Mga Binagong Buhay
4 Kung paanong si Cristo ay nagdusa sa laman ay sandatahan din naman ninyo ang inyong sarili ng gayong pag-iisip, sapagkat ang nagdusa sa laman ay tapos na sa kasalanan,
2 upang hindi na kayo mamuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa masasamang pagnanasa ng mga tao, kundi sa kalooban ng Diyos.
3 Sapat na ang nakaraang panahon sa paggawa ninyo ng mga gustong gawin ng mga Hentil, na namumuhay sa kahalayan, masasamang pita, paglalasing, kalayawan, pag-iinuman, at sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan.
4 Sila ay nagtataka na kayo ay hindi na nakikisama sa gayong labis na kaguluhan, kaya't kayo'y nilalait nila.
5 Ngunit sila'y magbibigay-sulit sa kanya na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay.
6 Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay, upang bagaman sila'y nahatulan sa laman na gaya ng mga tao, ay mabubuhay sila sa espiritu tulad ng Diyos.
Mga Katiwala ng mga Kaloob ng Diyos
7 Ngunit ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na,[f] kaya kayo'y magpakatino at magpigil sa sarili alang-alang sa inyong mga panalangin.
8 Higit(AD) sa lahat, magkaroon kayo ng maningas na pag-ibig sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.
9 Maging mapagpatulóy kayo sa isa't isa nang walang bulung-bulungan.
10 Kung paanong ang bawat isa ay tumanggap ng kaloob, ipaglingkod ito sa isa't isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos.
11 Sinumang nagsasalita ay gawin iyon nang tulad sa nagsasalita ng mga aral ng Diyos; sinumang naglilingkod ay tulad sa naglilingkod mula sa kalakasang ibinibigay ng Diyos, upang ang Diyos ay maluwalhati sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
Pagdurusa Bilang Cristiano
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring may isang kataka-takang bagay na nangyayari sa inyo.
13 Kundi kayo'y magalak, yamang kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo, upang kayo man ay matuwa at sumigaw sa galak kapag ang kaluwalhatian niya ay nahayag.
14 Kung kayo'y inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo.
15 Ngunit huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamatay-tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama, o bilang isang mapanghimasok.
16 Ngunit kung ang isang tao ay nagdurusa bilang Cristiano, huwag niyang ikahiya ito, kundi luwalhatiin niya ang Diyos sa pangalang ito.
17 Sapagkat ito'y panahon upang simulan ang paghuhukom sa sambahayan ng Diyos; at kung magsimula sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?
18 At(AE) kung ang matuwid ay bahagya nang makaligtas, ano kaya ang mangyayari sa masasama at makasalanan?
19 Kaya't ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay ipagkatiwala ang kanilang mga kaluluwa sa tapat na lumikha sa paggawa ng mabuti.
Pangangalaga sa Kawan ng Diyos
5 Ngayon, bilang kapwa matanda at isang saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa kaluwalhatiang ihahayag, ipinapakiusap ko sa mga matatanda sa inyo,
2 na(AF) pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangasiwa, na maglingkod bilang tagapangasiwa, hindi sapilitan kundi bukal sa loob, ayon sa kalooban ng Diyos,[g] ni hindi dahil sa mahalay na pakinabang, kundi may sigasig.
3 Huwag kayong maging panginoon ng mga pinangangasiwaan ninyo, kundi kayo'y maging mga halimbawa sa kawan.
4 At sa pagpapakita ng punong Pastol, tatanggapin ninyo ang hindi kumukupas na putong ng kaluwalhatian.
5 Gayundin(AG) naman, kayong mga kabataan, pasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat ay magsuot ng kapakumbabaan sa inyong pakikitungo sa isa't isa, sapagkat “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga palalo, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”
6 Kaya't(AH) kayo'y magpakumbaba sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang kayo'y kanyang itaas sa takdang panahon.
7 Ilagak ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo.
8 Magpakatino kayo, magbantay kayo. Ang diyablo na inyong kaaway ay tulad ng leong gumagala at umuungal, na humahanap ng kanyang malalapa.
9 Siya'y labanan ninyo, maging matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nararanasan ng inyong mga kapatid sa buong sanlibutan.
10 At pagkatapos na kayo'y magdusa nang sandaling panahon, ang Diyos ng buong biyaya na sa inyo'y tumawag tungo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ay siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo.
11 Sumakanya nawa ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
Pangwakas na Pagbati
12 Sa(AI) pamamagitan ni Silvano, na itinuturing kong tapat nating kapatid, ay sinulatan ko kayo nang maikli upang pasiglahin kayo at magpatotoo na ito ang tunay na biyaya ng Diyos. Manindigan kayo rito.
13 Binabati(AJ) kayo ng babaing nasa Babilonia, na kasama ninyong hinirang, at ni Marcos na aking anak.
14 Magbatian kayo ng halik ng pag-ibig.
Kapayapaan nawa ang sumainyong lahat na na kay Cristo.[h]
Pagbati
1 Si Simon[i] Pedro, alipin at apostol ni Jesu-Cristo,
Sa mga tumanggap ng mahalagang pananampalataya na gaya ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo:
2 Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin.
Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos
3 Ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin sa kanyang sariling kaluwalhatian at kabutihan.
4 Gayon niya ipinagkaloob sa atin ang kanyang mahahalaga at mga dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makatakas kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, at maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos.
5 At dahil dito, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman;
6 ang kaalaman ng pagpipigil; ang pagpipigil ng pagtitiis; ang pagtitiis ng pagiging maka-Diyos;
7 at ang pagiging maka-Diyos ng pagmamahal sa kapatid; at ang pagmamahal sa kapatid ng pag-ibig.
8 Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at dumarami, hindi kayo magiging mga walang saysay o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
9 Sapagkat sinumang wala ng mga bagay na ito ay bulag at ang nasa malapit lamang ang nakikita, at nakalimutan na siya ay nilinis mula sa kanyang dating mga kasalanan.
10 Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo, sapagkat kung gawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod kailanman.
11 Sapagkat sa ganitong paraan ay masaganang ibibigay sa inyo ang pagpasok sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
12 Kaya't lagi kong hinahangad na ipaalala sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman na, at kayo'y pinapatibay sa katotohanang dumating sa inyo.
13 Inaakala kong tama, na habang ako'y nasa toldang ito, ay gisingin ko kayo ng isang paalala,
14 yamang aking nalalaman na malapit na ang pag-aalis ng aking tolda na gaya ng ipinakita sa akin ng Panginoon nating si Jesu-Cristo.
15 At sisikapin ko rin na pagkatapos ng aking pagpanaw ay inyong maaalala ang mga bagay na ito sa anumang panahon.
Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo
16 Sapagkat kami ay hindi sumunod sa mga kathang-isip na ginawang may katusuhan nang aming ipaalam sa inyo ang kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kundi kami ay mga saksing nakakita ng kanyang kadakilaan.
17 Sapagkat(AK) siya'y tumanggap sa Diyos Ama ng karangalan at kaluwalhatian, at dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.”
18 Kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.
19 Kaya't mayroon kaming salita ng propesiya na lalong tiyak. Mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong pagtutuunan ng pansin, gaya sa isang ilawang tumatanglaw sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso.
20 Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na walang propesiya ng kasulatan na nagmula sa pansariling pagpapakahulugan,
21 sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos.[j]
Mga Bulaang Propeta
2 Ngunit may lumitaw ding mga bulaang propeta sa gitna ng sambayanan, kung paanong sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na palihim na magpapasok ng mga nakapipinsalang turo. Itatakuwil nila pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na nagdadala sa kanilang sarili ng mabilis na pagkapuksa.
2 At maraming susunod sa kanilang mga gawang mahahalay, na dahil sa kanila ay lalaitin ang daan ng katotohanan.
3 At sa kanilang kasakiman ay pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita. Ang hatol sa kanila mula nang una ay hindi maaantala at ang kanilang kapahamakan ay hindi natutulog.
4 Sapagkat kung hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel nang magkasala sila, kundi sila'y ibinulid sa impiyerno,[k] at nilagyan ng mga tanikala[l] ng kadiliman, upang ingatan hanggang sa paghuhukom;
5 at(AL) kung paanong ang matandang daigdig ay hindi niya pinatawad, bagaman iniligtas si Noe na tagapangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa, noong ang daigdig ng masasamang tao ay dinalhan ng baha;
6 kung(AM) paanong pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra na ginawa niyang abo, upang maging halimbawa sa mga mamumuhay sa kasamaan,
7 at(AN) kung paanong iniligtas niya ang matuwid na si Lot, na lubhang nabagabag sa mahahalay na pamumuhay ng masasama
8 (sapagkat ang matuwid na taong ito na nabuhay na kasama nila araw-araw, ay lubhang nabagabag ang matuwid na kaluluwa dahil sa kanilang masasamang gawa na kanyang nakita at narinig),
9 kung gayon ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal mula sa pagsubok at maglaan ng mga di-matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom;
10 lalung-lalo na sa mga nagpapasasa sa kanilang laman sa pagnanasa, at hinahamak ang maykapangyarihan. Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na alipustain ang mga maluwalhati,
11 samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagdadala ng paghatol na may pag-aalipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon.
12 Subalit ang mga taong ito, ay gaya ng mga hayop na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at patayin. Kanilang inaalipusta ang mga bagay na hindi nila nauunawaan at kapag ang mga nilalang na ito ay nilipol, sila ay lilipulin din,
13 na pagdurusahan ang parusa sa paggawa ng masama. Itinuturing nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw. Sila ay mga bahid at dungis, na nagpapakalayaw sa kanilang mga daya, habang sila'y nakikisalo sa inyong mga handaan.
14 May mga mata silang punô ng pangangalunya, at hindi mapuknat sa pagkakasala, na kanilang inaakit ang mahihinang kaluluwa. May mga puso silang sanay sa kasakiman. Mga anak na isinumpa!
15 Iniwan(AO) nila ang daang matuwid at naligaw sila, palibhasa'y sumunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor,[m] na umibig sa kabayaran ng kalikuan.
16 Ngunit siya'y sinaway sa kanyang sariling pagsuway; isang asnong hindi makapagsalita ang nagsalita sa tinig ng tao at pinigil ang kabaliwan ng propeta.
17 Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos. Sa kanila'y inilaan ang pusikit na kadiliman.
18 Sapagkat sila'y nagsasalita ng mga kayabangang walang kabuluhan, at nang-aakit sila sa pagnanasa ng laman sa pamamagitan ng kahalayan sa mga nakatakas mula sa mga namumuhay sa kamalian.
19 Sila'y pinapangakuan nila ng kalayaan, gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan; sapagkat sinuman ay inaalipin ng anumang lumupig sa kanila.
20 Sapagkat kung pagkatapos na sila'y makatakas sa mga karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ay muli silang napasabit sa mga ito at nadaig, ang huling kalagayan nila ay mas masama kaysa nang una.
21 Sapagkat mas mabuti pa sa kanila ang hindi nakaalam ng daan ng katuwiran, kaysa, pagkatapos na malaman ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.
22 Nangyari(AP) sa kanila ang ayon sa tunay na kawikaan, “Nagbabalik muli ang aso sa kanyang sariling suka,” at, “Ang babaing baboy na nahugasan na, sa paglulublob sa putik.”
Ang Pangakong Pagbabalik ng Panginoon
3 Mga minamahal, ito ngayon ang ikalawang sulat na isinusulat ko sa inyo; at sa dalawang ito'y ginigising ko ang inyong tapat na pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo;
2 na dapat ninyong maalala ang mga salitang ipinahayag noong una ng mga banal na propeta, at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol!
3 Una(AQ) sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak, na manlilibak at lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa,
4 at magsasabi, “Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Sapagkat, buhat pa nang mamatay[n] ang ating mga ninuno, nananatili ang lahat ng mga bagay sa dati nilang kalagayan mula nang pasimula ng paglalang.”
5 Sinasadya(AR) nilang hindi pansinin ang katotohanang ito, na sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay nagkaroon ng langit nang unang panahon at inanyuan ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig,
6 na(AS) sa pamamagitan din nito ang daigdig noon ay inapawan ng tubig at nagunaw.
7 Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy, na inilalaan sa araw ng paghuhukom at sa paglipol sa masasamang tao.
8 Subalit(AT) huwag ninyong kaliligtaan ang katotohanang ito, mga minamahal, ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw.
9 Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.
10 Ngunit(AU) darating ang araw ng Panginoon na gaya ng isang magnanakaw, at ang kalangitan ay maglalaho kasabay ng malakas na ingay at ang mga sangkap ay matutupok sa apoy at ang lupa at ang mga gawang naroon ay masusunog.
11 Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawasak nang ganito, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos,
12 na hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos, sapagkat ang kalangitan na nagliliyab ay matutupok, at ang mga sangkap ay matutunaw sa init!
13 Ngunit,(AV) ayon sa kanyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, kung saan ang katuwiran ay naninirahan.
Pangwakas na Pangaral at Basbas
14 Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y naghihintay sa mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong matagpuan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.
15 At inyong ituring ang pagtitiyaga ng ating Panginoon bilang kaligtasan. Gaya rin ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya, ay sinulatan kayo;
16 gayundin naman sa lahat ng kanyang mga sulat na sinasabi sa mga iyon ang mga bagay na ito. Doon ay may mga bagay na mahirap unawain, na binabaluktot ng mga hindi nakakaalam at ng mga walang tiyaga, gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.
17 Kaya't kayo, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo noon pa ang mga bagay na ito, mag-ingat kayo, baka mailigaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama at mahulog kayo mula sa inyong sariling katatagan.
18 Subalit lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian ngayon at hanggang sa araw ng walang-hanggan. Amen.[o]
Ang Salita ng Buhay
1 Yaong(AW) buhat sa pasimula, na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay—
2 at(AX) ang buhay na ito ay nahayag, aming nakita, aming pinatototohanan, at sa inyo'y aming ibinabalita ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa amin ay ipinahayag.
3 Ipinahahayag namin sa inyo yaong aming nakita at narinig upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin; at tunay na ang ating pakikisama ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.
4 Isinusulat namin ang mga bagay na ito upang ang aming[p] kagalakan ay malubos.
Ang Diyos ay Liwanag
5 At ito ang mensahe na aming narinig sa kanya at sa inyo'y aming ipinahahayag, na ang Diyos ay liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadiliman.
6 Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kanya, at tayo'y lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan.
7 Ngunit kung tayo'y lumalakad sa liwanag, na tulad niya na nasa liwanag, may pakikisama tayo sa isa't isa, at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan.
8 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin.
9 Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.
10 Kung sinasabi nating tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang kanyang salita ay wala sa atin.
Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
2 Mga munti kong anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, upang kayo'y huwag magkasala. Ngunit kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na siyang matuwid.
2 Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para din sa kasalanan ng buong sanlibutan.
3 At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y kilala natin, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos.
4 Ang nagsasabing, “Kilala ko siya,” ngunit hindi tinutupad ang kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.
5 Ngunit ang sinumang tumutupad ng kanyang salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito'y nalalaman nating tayo'y nasa kanya.
6 Ang nagsasabing siya'y nananatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad.
Ang Bagong Utos
7 Mga(AY) minamahal, hindi bago ang utos na isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig.
8 Gayunma'y isinusulat ko sa inyo ang isang bagong utos na tunay sa kanya at sa inyo, sapagkat ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na.
9 Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.
10 Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadahilanang ikatitisod.
11 Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Siya ay lumalakad sa kadiliman at hindi niya nalalaman kung saan siya pupunta, sapagkat ang kanyang mga mata ay binulag ng kadiliman.
12 Mga munting anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan.
13 Mga ama, kayo'y sinusulatan ko,
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataang lalaki, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong dinaig ang masama.
14 Mga anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala ang Ama.
Mga ama, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataan, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat kayo'y malalakas,
at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at inyong dinaig ang masama.
15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan.
16 Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.
17 Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.
Ang Anti-Cristo
18 Mga anak, huling oras na! Gaya ng inyong narinig na darating ang anti-Cristo, kahit ngayon ay lumitaw na ang maraming anti-Cristo. Kaya nalalaman nating huling oras na.
19 Sila'y lumabas sa atin, ngunit sila'y hindi sa atin; sapagkat kung sila'y kabilang sa atin ay magpapatuloy sana silang kasama natin. Ngunit sa paglabas nila ay ginawa nilang maliwanag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.
20 Ngunit kayo'y pinahiran[q] ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.
21 Sinusulatan ko kayo, hindi dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo iyon, at nalalaman ninyo na walang kasinungalingan na nagmumula sa katotohanan.
22 Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagkakaila sa Ama at sa Anak.
23 Ang sinumang nagkakaila sa Anak, ay hindi sumasakanya ang Ama. Ang nagpapahayag sa Anak ay sumasakanya rin ang Ama.
24 Manatili sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo buhat nang pasimula, kayo naman ay mananatili sa Anak at sa Ama.
25 At ito ang pangako na kanyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.
26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga mandaraya sa inyo.
27 Tungkol sa inyo, ang pagpapahid[r] na inyong tinanggap ay nananatili sa inyo, kaya't hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman. Ngunit kayo'y tinuturuan ng kanyang pagpapahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at ito'y totoo at hindi kasinungalingan, kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayo manatili sa kanya.
28 At ngayon, mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala, at hindi mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.
29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, makakatiyak kayo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.
Ang mga Anak ng Diyos
3 Masdan(AZ) ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y matawag na mga anak ng Diyos; at tayo'y gayon nga. Dahil dito'y hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat siya'y hindi nakilala nito.
2 Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat siya'y ating makikita bilang siya.
3 At sinumang may ganitong pag-asa sa kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman niyang malinis.
4 Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din naman sa kautusan; at ang kasalanan ay ang paglabag sa kautusan.
5 Nalalaman(BA) ninyo na siya'y nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa kanya'y walang kasalanan.
6 Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi nagkakasala; sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa kanya, ni hindi nakakilala sa kanya.
7 Mga munting anak, huwag kayong padaya kanino man. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid.
8 Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo; sapagkat buhat pa nang pasimula ay nagkakasala na ang diyablo. Dahil dito, nahayag ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.
9 Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala, sapagkat ang kanyang binhi ay nananatili sa kanya at hindi siya maaaring magkasala, sapagkat siya'y ipinanganak ng Diyos.
10 Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, pati ang hindi umiibig sa kanyang kapatid.
Mag-ibigan sa Isa't isa
11 Sapagkat(BB) ito ang mensahe na inyong narinig buhat nang pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa't isa,
12 na(BC) hindi gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinaslang ang kanyang kapatid. At bakit niya ito pinaslang? Sapagkat ang kanyang mga gawa ay masasama at ang mga gawa ng kanyang kapatid ay matutuwid.
13 Mga kapatid, huwag kayong magtaka, kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan.
14 Nalalaman(BD) nating tayo'y dumaan na mula sa kamatayan patungo sa buhay, sapagkat iniibig natin ang isa't isa. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan.
15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay hindi nananatili sa sinumang mamamatay-tao.
16 Dito natin nakikilala ang pag-ibig, sapagkat ibinigay niya ang kanyang buhay alang-alang sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay alang-alang sa mga kapatid.
17 Subalit ang sinumang may mga pag-aari sa sanlibutang ito, at nakikita ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagsasarhan niya ito ng kanyang damdamin, paanong nananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kanya?
18 Mga munting anak, huwag tayong umibig sa salita, ni sa dila kundi sa gawa at sa katotohanan.
19 Dito natin makikilala na tayo'y mula sa katotohanan, at magkakaroon ng kapanatagan ang ating mga puso sa harapan niya,
20 tuwing hahatulan tayo ng ating puso; sapagkat ang Diyos ay higit na dakila kaysa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.
21 Mga minamahal, kung tayo'y hindi hinahatulan ng ating puso, tayo ay may kapanatagan sa harapan ng Diyos;
22 at anumang ating hingin ay tinatanggap natin mula sa kanya, sapagkat tinutupad natin ang kanyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang harapan.
23 At(BE) ito ang kanyang utos, na manampalataya tayo sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at tayo'y mag-ibigan sa isa't isa ayon sa ibinigay niyang utos sa atin.
24 At ang tumutupad ng kanyang mga utos ay nananatili sa kanya, at siya sa kanya. At dito'y nakikilala natin na siya'y nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kanyang ibinigay sa atin.
Subukin ang mga Espiritu
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan.
2 Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman ay sa Diyos,
3 at ang bawat espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng anti-Cristo, na inyong narinig na darating at ngayo'y nasa sanlibutan na.
4 Kayo'y sa Diyos, mga munting anak, at inyong dinaig sila sapagkat siyang nasa inyo ay higit na dakila kaysa sa nasa sanlibutan.
5 Sila'y sa sanlibutan: kaya't tungkol sa sanlibutan ang kanilang sinasabi at pinapakinggan sila ng sanlibutan.
6 Kami ay sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa amin at ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa amin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos at ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.
8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.
9 Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.
10 Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo'y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Diyos nang gayon, nararapat na mag-ibigan din naman tayo sa isa't isa.
12 Walang(BF) nakakita kailanman sa Diyos; kung tayo'y nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin, at ang kanyang pag-ibig ay nagiging sakdal sa atin.
13 Dito'y nalalaman namin na kami'y nananatili sa kanya at siya'y sa amin, sapagkat binigyan niya kami ng kanyang Espiritu.
14 At nakita namin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.
15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananahan sa kanya, at siya'y sa Diyos.
16 At ating nalaman at sinampalatayanan ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya.
17 Dito'y naging ganap ang pag-ibig sa atin upang tayo'y magkaroon ng lubos na pagtitiwala sa araw ng paghuhukom; sapagkat kung ano siya, ay gayundin naman tayo sa sanlibutang ito.
18 Walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot, sapagkat ang takot ay may kaparusahan at ang natatakot ay hindi pa nagiging sakdal sa pag-ibig.
19 Tayo'y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.
20 Kung sinasabi ng sinuman, “Iniibig ko ang Diyos,” at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita.
21 At ang utos na ito na mula sa kanya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.
Ang Ating Tagumpay sa Sanlibutan
5 Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos, at ang bawat umiibig sa magulang[s] ay umiibig din naman sa anak.
2 Dito'y ating nakikilala na iniibig natin ang mga anak ng Diyos, kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad natin ang kanyang mga utos.
3 Sapagkat(BG) ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat.
4 Sapagkat ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.
5 Sino ang dumadaig sa sanlibutan, kundi ang sumasampalatayang si Jesus ang Anak ng Diyos?
Ang mga Patotoo sa Anak ng Diyos
6 Ito ang siyang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo, si Jesu-Cristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo. At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.
7 Sapagkat may tatlong nagpapatotoo:[t]
8 ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlo ay nagkakaisa.
9 Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay higit na dakila ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos na siya'y nagpapatotoo tungkol sa kanyang Anak.
10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may patotoo sa kanyang sarili. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawa siyang sinungaling, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.
11 At(BH) ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak.
12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo upang inyong malaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.
14 Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya.
15 At kung ating nalalaman na tayo'y pinapakinggan niya sa anumang ating hingin, nalalaman natin na natanggap natin ang mga kahilingang hinihingi natin sa kanya.
16 Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na nagkakasala ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Diyos ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala ng hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan, hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin ninyo.
17 Lahat ng kalikuan ay kasalanan, at may kasalanang hindi tungo sa kamatayan.
18 Alam natin na ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala; subalit ang ipinanganak ng Diyos ay nag-iingat sa kanyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama.
19 Alam natin na tayo'y sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama.
20 At alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo; at tayo'y nasa kanya na totoo, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan.
21 Mga munting anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.[u]
Pagbati
1 Ang matanda, sa hinirang na ginang at sa kanyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan, at hindi lamang ako, kundi pati ang lahat ng mga nakakaalam ng katotohanan,
2 dahil sa katotohanan na nananatili sa atin, at sasaatin magpakailanman:
3 Sumaatin nawa ang biyaya, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pag-ibig.
Pag-ibig at Katotohanan
4 Ako'y labis na nagalak na aking natagpuan ang ilan sa iyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa utos na ating tinanggap mula sa Ama.
5 Ngunit(BI) ngayo'y hinihiling ko sa iyo, ginang, na hindi para bang sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi ang ating tinanggap buhat nang pasimula, na tayo'y mag-ibigan sa isa't isa.
6 At ito ang pag-ibig, na tayo'y lumakad ayon sa kanyang mga utos. Ito ang utos, na gaya ng inyong narinig nang pasimula, na doon kayo'y lumakad.
7 Maraming mandaraya na lumitaw sa sanlibutan, yaong mga hindi kumikilala na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman; ito ang mandaraya at ang anti-Cristo.
8 Ingatan ninyo ang inyong sarili, upang huwag ninyong maiwala ang mga bagay na aming[v] pinagpaguran, kundi upang tumanggap kayo ng lubos na gantimpala.
9 Ang sinumang lumalampas at hindi nananatili sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Diyos; ang nananatili sa aral ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak.
10 Kung sa inyo'y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin,
11 sapagkat ang bumabati sa kanya ay nakikibahagi sa kanyang masasamang gawa.
Pangwakas na Pagbati
12 Kahit na marami akong bagay na isusulat sa inyo, minabuti kong huwag ng gumamit ng papel at tinta, kundi inaasahan kong pumariyan sa inyo at makipag-usap nang harapan, upang malubos ang ating kagalakan.
13 Ang mga anak ng iyong hinirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.[w]
Pagbati
1 Ang(BJ) matanda, kay Gayo na minamahal, na aking iniibig sa katotohanan.
2 Minamahal, aking idinadalangin na sa lahat ng mga bagay ay mapabuti ka at magkaroon ng kalusugan, kung paanong nasa mabuti ring kalagayan ang iyong kaluluwa.
3 Ako'y labis na nagalak nang dumating ang mga kapatid at nagpatotoong ikaw ay nasa katotohanan, kung paanong lumalakad ka sa katotohanan.
4 Wala nang higit pang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan.
Ang Mabuting Gawa ni Gayo
5 Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa tuwing gagawa ka ng paglilingkod sa mga kapatid, at gayundin sa mga taga-ibang bayan,
6 sila'y nagpatotoo sa harap ng iglesya tungkol sa iyong pag-ibig. Mabuti ang magagawa mo kung isusugo mo sila sa kanilang paglalakbay sa paraang nararapat sa Diyos;
7 sapagkat humayo sila alang-alang sa Pangalan, na hindi tumanggap ng anuman mula sa mga Hentil.
8 Kaya't nararapat nating tustusan ang mga gayong tao, upang tayo'y maging mga kamanggagawa sa katotohanan.
Sina Diotrefes at Demetrio
9 Ako'y sumulat ng ilang bagay sa iglesya, ngunit hindi kami tinatanggap ni Diotrefes na nagnanais maging pangunahin sa kanila.
10 Kaya't pagdating ko riyan, ay ipapaalala ko ang kanyang mga ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin. At hindi pa nasisiyahan sa ganito, hindi niya tinatanggap ang mga kapatid, at hinahadlangan ang mga nagnanais tumanggap sa kanila at pinapalayas sila sa iglesya.
11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos.
12 Si Demetrio ay pinatototohanan ng lahat at ng katotohanan mismo; kami rin ay nagpapatotoo tungkol sa kanya at nalalaman mo na ang aming patotoo ay tunay.
Pangwakas na Pagbati
13 Marami akong isusulat sa iyo, ngunit hindi ko ibig isulat sa iyo sa pamamagitan ng tinta at panulat;
14 inaasahan kong makita ka agad at tayo'y mag-usap nang harapan.
15 Ang kapayapaa'y sumainyo nawa. Binabati ka ng mga kaibigan. Batiin mo ang mga kaibigan sa kani-kanilang pangalan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001