Bible in 90 Days
Pagbati at Pasasalamat
1 Si(A) Pablo, at sina Silvano at Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.
2 Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos dahil sa inyong lahat na tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin.
3 Aming inaalala sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawang mula sa pananampalataya, pagpapagal sa pag-ibig at katatagan ng pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo;
4 yamang aming nalalaman, mga kapatid na minamahal ng Diyos, ang pagkahirang sa inyo.
Ang Halimbawa ng mga Taga-Tesalonica
5 Sapagkat ang aming ebanghelyo ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din at sa Espiritu Santo at sa lubos na pagtitiwala, kung paanong nalalaman ninyo kung anong pagkatao ang aming pinatunayan sa inyo alang-alang sa inyo.
6 At(B) kayo'y naging taga-tulad sa amin at sa Panginoon, na inyong tinanggap ang salita sa matinding kapighatian, na may kagalakan ng Espiritu Santo,
7 anupa't kayo'y naging halimbawa sa lahat ng mananampalatayang nasa Macedonia at nasa Acaia.
8 Sapagkat mula sa inyo'y umalingawngaw ang salita ng Panginoon, hindi lamang sa Macedonia at Acaia, kundi sa lahat ng dako ay napabalita ang inyong pananampalataya sa Diyos; kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman.
9 Sapagkat sila ang nagbalita tungkol sa amin, kung paano ninyo kami tinanggap at kung paanong bumaling kayo sa Diyos mula sa mga diyus-diyosan, upang maglingkod sa buháy at tunay na Diyos,
10 at upang hintayin ang kanyang Anak mula sa langit, na kanyang binuhay mula sa mga patay, si Jesus na nagliligtas sa atin mula sa poot na darating.
Ang Pangangaral ni Pablo sa Tesalonica
2 Kayo mismo ang nakakaalam, mga kapatid, na ang aming pagdating sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.
2 Bagaman(C) nagdusa na kami at inalipusta sa Filipos, tulad ng inyong nalalaman, ay naglakas loob kami sa ating Diyos upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos sa gitna ng napakalaking pagsalungat.
3 Sapagkat ang aming pangaral ay hindi mula sa pandaraya, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang,
4 kundi kung paanong kami'y minarapat ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay gayon kami nagsasalita, hindi upang bigyang-lugod ang mga tao, kundi ang Diyos na sumusuri sa aming mga puso.
5 Sapagkat hindi kami natagpuang gumamit kailanman ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal ng kasakiman, saksi namin ang Diyos;
6 ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo o sa iba man, bagaman may karapatan kaming humingi bilang mga apostol ni Cristo.
7 Kundi kami ay naging malumanay sa gitna ninyo, gaya ng isang ina na nag-aaruga sa kanyang mga anak.
8 Palibhasa'y nagmamalasakit kami sa inyo, ipinasiya naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng ebanghelyo ng Diyos, kundi pati ng aming mga sariling kaluluwa, sapagkat kayo'y napamahal na sa amin.
9 Natatandaan ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at paghihirap. Gumagawa kami araw at gabi upang huwag kaming maging pasanin sa kaninuman sa inyo. Ipinahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos.
10 Kayo'y mga saksi, at pati ang Diyos, kung gaano kadalisay, matuwid at walang kapintasan ang inasal namin sa inyo na mga mananampalataya.
11 Gaya ng inyong nalalaman, pinakitunguhan namin kayong tulad ng isang ama sa kanyang mga anak,
12 na kayo'y pinangaralan at pinalakas ang loob ninyo, at nagpatotoo, upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Diyos, na siyang tumawag sa inyo sa kanyang sariling kaharian at kaluwalhatian.
13 At kami ay patuloy na nagpapasalamat sa Diyos, na nang inyong tanggapin ang salita ng Diyos na inyong narinig sa amin ay inyong tinanggap iyon hindi bilang salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, ay bilang salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na sumasampalataya.
14 Sapagkat(D) kayo, mga kapatid, ay naging taga-tulad sa mga iglesya ng Diyos kay Cristo Jesus na nasa Judea, sapagkat nagdusa din naman kayo ng mga gayong bagay mula sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio.
15 Sila(E) ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas. Sila'y hindi nagbigay-lugod sa Diyos at sinalungat ang lahat ng mga tao,
16 at pinagbawalan kaming magsalita sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Kaya't kanilang pinupunong lagi ang kanilang mga kasalanan; ngunit dumating sa kanila ang poot ng Diyos hanggang sa katapusan.
Nais ni Pablo na Muli Silang Dalawin
17 Ngunit kami, mga kapatid, na nahiwalay sa inyo ng maikling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay lalong higit na nananabik na makita kayo nang mukhaan.
18 Sapagkat nais naming pumunta sa inyo—lalo na akong si Pablo na paulit-ulit na nais makabalik—ngunit hinadlangan kami ni Satanas.
19 Sapagkat ano ang aming pag-asa, o kagalakan, o putong ng kapurihan sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo?
20 Sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.
3 Kaya't(F) nang hindi na kami makatiis ay minabuti naming maiwang walang kasama sa Atenas;
2 at aming isinugo si Timoteo, na aming kapatid at kamanggagawa ng Diyos sa ebanghelyo ni Cristo, upang kayo'y kanyang patibayin at pasiglahin tungkol sa inyong pananampalataya;
3 upang ang sinuma'y huwag mabagabag ng mga kapighatiang ito. Sa katunayan kayo rin ang nakakaalam na itinalaga kami sa bagay na ito.
4 Sapagkat sa katotohanan, nang kami ay kasama ninyo ay aming sinabi noon pa mang una na kami ay makakaranas ng kapighatian; gaya nga ng nangyari, at nalalaman ninyo.
Ang Mabuting Ulat ni Timoteo
5 Dahil dito, nang hindi ko na matiis pa, ako'y nagsugo upang mabatid ko ang inyong pananampalataya, sa takot na baka sa anumang paraan kayo'y natukso na ng manunukso, at ang aming pagpapagal ay mawalan ng kabuluhan.
6 Ngunit(G) si Timoteo ay dumating na sa amin mula sa inyo, at nagdala sa amin ng magandang balita tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Sinabi rin niya sa amin na lagi ninyo kaming naaalala at nananabik na makita kami na gaya naman namin na nananabik na makita kayo.
7 Dahil dito'y naaliw kami, mga kapatid, sa lahat ng aming kalungkutan at paghihirap sa pamamagitan ng inyong pananampalataya.
8 Sapagkat ngayon ay nabubuhay kami, kung kayo'y maninindigang matibay sa Panginoon.
9 Sapagkat ano ngang pasasalamat ang aming maisasauli sa Diyos dahil sa inyo, dahil sa lahat ng kagalakan na aming nadarama dahil sa inyo sa harapan ng aming Diyos?
10 Gabi't araw ay masikap naming idinadalangin na makita namin kayo nang mukhaan at aming maibalik ang anumang kulang sa inyong pananampalataya.
11 Ngayo'y patnubayan nawa ng ating Diyos at Ama at ng ating Panginoong Jesus ang aming paglalakbay patungo sa inyo.
12 At nawa'y palaguin at pasaganain kayo ng Panginoon sa pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, gaya naman namin sa inyo.
13 Patibayin nawa niya ang inyong mga puso sa kabanalan upang maging walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama, sa pagdating ng ating Panginoong Jesus na kasama ang lahat ng kanyang mga banal.
Ang Buhay na Kalugud-lugod sa Diyos
4 Katapus-tapusan, mga kapatid, hinihiling namin sa inyo at nakikiusap kami sa Panginoong Jesus, yamang natutunan ninyo sa amin kung paano kayo dapat lumakad at magbigay-lugod sa Diyos, na tulad ng inyong ginagawa, ay gayon ang dapat ninyong gawin at higit pa.
2 Sapagkat batid ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.
3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong pagpapakabanal: na kayo'y umiiwas sa pakikiapid;
4 na ang bawat isa sa inyo'y matutong maging mapagpigil sa kanyang sariling katawan[a] sa pagpapakabanal at karangalan,
5 hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos;
6 na sinuma'y huwag magkasala o manlamang sa kanyang kapatid sa bagay na ito, sapagkat ang Panginoon ay tagapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya ng aming sinabi noong una at ibinabala sa inyo.
7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos para sa karumihan kundi sa kabanalan.
8 Kaya't ang tumanggi dito ay hindi tao ang tinatanggihan, kundi ang Diyos na nagbibigay sa amin ng kanyang Espiritu Santo.
9 Ngunit tungkol sa pag-iibigan ng magkakapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinuman, sapagkat kayo man ay tinuruan ng Diyos na mag-ibigan sa isa't isa.
10 At katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit aming hinihiling sa inyo, mga kapatid, na higit pa sa rito ang inyong gawin.
11 Nasain ninyong mamuhay nang tahimik, gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y magpagal ng inyong sariling mga kamay, gaya ng aming ipinagbilin sa inyo;
12 upang kayo'y igalang ng mga nasa labas, at huwag maging palaasa sa sinuman.
Ang Pagdating ng Panginoon
13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang tungkol sa mga natutulog upang kayo'y huwag malungkot, na gaya ng iba na walang pag-asa.
14 Sapagkat kung tayo'y sumasampalatayang si Jesus ay namatay at muling binuhay ay gayundin naman, sa pamamagitan ni Jesus, ang mga natutulog ay dadalhin ng Diyos na kasama niya.
15 Sapagkat(H) ito'y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong nabubuhay, na natitira hanggang sa pagdating ng Panginoon, ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog.
16 Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna.
17 Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman.
18 Kaya't mag-aliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito.
Maghanda para sa Pagdating ng Panginoon
5 Mga kapatid, tungkol sa oras at mga panahon, hindi na kailangang mayroong isulat pa sa inyo.
2 Sapagkat(I) kayo rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ng Panginoon ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi.
3 Kapag sinasabi nila, “Kapayapaan at katiwasayan,” kaagad darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao, at walang makakatakas!
4 Ngunit kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na iyon ay mabigla kayong gaya sa magnanakaw.
5 Sapagkat kayong lahat ay pawang mga anak ng liwanag at mga anak ng araw; tayo'y hindi ng gabi ni ng kadiliman man.
6 Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng mga iba, kundi tayo'y manatiling handa at magpakatino.
7 Sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi; at ang naglalasing ay naglalasing sa gabi.
8 Ngunit(J) palibhasa'y mga anak tayo ng araw, magpakatino tayo, at isuot natin ang baluti ng pananampalataya at ng pag-ibig; at ang maging helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan.
9 Sapagkat tayo'y hindi itinalaga ng Diyos sa galit, kundi sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
10 na namatay dahil sa atin, upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay tayong kasama niya.
11 Dahil dito, pasiglahin ninyo ang isa't isa at patibayin ang isa't isa, gaya ng inyong ginagawa.
Mga Tagubilin, Pagbati, at Basbas
12 Subalit hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na inyong igalang ang mga nagpapagal sa inyo, at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagtuturo sa inyo;
13 at lubos ninyo silang igalang na may pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa.
14 Mga kapatid, aming isinasamo sa inyo, na inyong pangaralan ang mga tamad, palakasin ang mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging matiisin kayo sa lahat.
15 Tiyakin ninyo na ang sinuman ay huwag gumanti ng masama sa masama, kundi lagi ninyong naisin ang mabuti para sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi.
17 Manalangin kayong walang patid.
18 Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.
19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu.
20 Huwag ninyong hamakin ang mga pagpapahayag ng propesiya,
21 kundi subukin ninyo ang lahat ng mga bagay; panghawakan ninyo ang mabuti.
22 Layuan ninyo ang bawat anyo ng kasamaan.
23 Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
24 Tapat ang sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.
25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami.
26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.
27 Ipinag-uutos ko sa inyo alang-alang sa Panginoon, na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.
28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.[b]
Pagbati
1 Si(K) Pablo, si Silvano, at si Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat
3 Dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos, mga kapatid, dahil sa inyo, gaya ng nararapat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay lumalagong lubha, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo para sa isa't isa ay nadaragdagan.
4 Anupa't ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis.
Ang Paghatol sa Pagbabalik ni Cristo
5 Ito ay malinaw na katibayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, upang kayo'y ariing karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito'y nagdurusa kayo.
6 Sapagkat tunay na matuwid sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga nagpapahirap sa inyo,
7 at kayong mga pinahihirapan ay bigyan ng kapahingahang kasama namin, sa pagkapahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel,
8 na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus.
9 Ang(L) mga ito'y tatanggap ng kaparusahang walang hanggang pagkapuksa at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan,
10 kapag dumating siya sa araw na iyon upang luwalhatiin sa kanyang mga banal, at kamanghaan ng lahat ng mga sumasampalataya, sapagkat ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.
11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo'y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan,
12 upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kanya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Taong Makasalanan
2 Ngayon,(M) hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa ating pagkakatipon sa kanya;
2 na huwag kayong madaling matinag sa inyong pag-iisip, at huwag din namang mabagabag sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat, na waring mula sa amin, na para bang dumating na ang araw ng Panginoon.
3 Huwag kayong padaya kanino man sa anumang paraan, sapagkat ito'y hindi darating malibang maunang maganap ang pagtalikod, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan.
4 Siya(N) ay sumasalungat at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na diyos o sinasamba; anupa't siya'y nauupo sa templo ng Diyos, na ipinahahayag ang kanyang sarili na Diyos.
5 Hindi ba ninyo naaalala na noong ako'y kasama pa ninyo ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito?
6 At ngayo'y nakikilala ninyo kung ano ang nakakapigil upang siya'y mahayag sa kanyang takdang panahon.
7 Sapagkat ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na; tanging siya na sa ngayon ay pumipigil niyon ang gagawa ng gayon hanggang sa siya ay maalis.
8 At(O) kung magkagayo'y mahahayag ang taong makasalanan na siyang pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kanyang bibig, at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng kanyang pagdating.
9 Ang(P) pagdating ng taong makasalanan ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan,
10 at may lahat ng mapandayang kasamaan para sa mga napapahamak, sapagkat tumanggi silang ibigin ang katotohanan upang sila'y maligtas.
11 At dahil dito'y pinapadalhan sila ng Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan,
12 upang mahatulan silang lahat na hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan.
Hinirang para sa Kaligtasan
13 Ngunit kami ay dapat laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sapagkat hinirang kayo ng Diyos bilang unang bunga sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan.
14 Dito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming ebanghelyo, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
15 Kaya nga, mga kapatid, kayo'y manindigang matibay at inyong panghawakan ang mga tradisyon na sa inyo'y itinuro namin, maging sa pamamagitan ng salita, o ng sulat mula sa amin.
16 Ngayon, ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ang Diyos na ating Ama na umibig sa atin at nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya,
17 ang umaliw sa inyong mga puso, at patibayin kayo sa bawat mabuting gawa at salita.
Kahilingan para Ipanalangin
3 Sa katapus-tapusan, mga kapatid, idalangin ninyo kami, upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at luwalhatiin na tulad din sa inyo,
2 at upang kami ay maligtas sa mga taong makasalanan at masasama, sapagkat hindi lahat ay mayroong pananampalataya.
3 Ngunit tapat ang Panginoon na magpapatibay sa inyo, at magbabantay sa inyo laban sa masama.
4 At may tiwala kami sa Panginoon tungkol sa inyo, na inyong ginagawa at gagawin naman ang mga bagay na aming ipinag-uutos.
5 Patnubayan nawa ng Panginoon ang inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa katatagan ni Cristo.
Babala Laban sa Katamaran
6 Aming ipinag-uutos ngayon sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayo'y lumayo sa bawat kapatid na namumuhay sa katamaran, at hindi ayon sa tradisyon na tinanggap nila sa amin.
7 Sapagkat kayo rin ang nakakaalam kung paano ninyo kami dapat tularan; hindi kami tamad noong kami'y kasama ninyo.
8 Hindi kami kumain ng tinapay ng sinuman nang walang bayad, kundi sa pagpapagal at hirap ay gumagawa gabi't araw, upang kami ay huwag maging pasanin sa kanino man sa inyo.
9 Hindi dahil sa kami ay walang karapatan, kundi upang maibigay namin ang aming mga sarili sa inyo bilang huwaran na dapat tularan.
10 Sapagkat noon pa mang kami ay kasama ninyo ay aming iniutos ito sa inyo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho ay huwag din namang kumain.”
11 Sapagkat aming nababalitaan na ang ilan sa inyo ay namumuhay sa katamaran, hindi man lamang gumagawa, sa halip ay mga mapanghimasok.
12 Ngayon, ang mga taong iyon ay inaatasan namin at pinapakiusapan namin sa Panginoong Jesu-Cristo na gumawa nang may katahimikan, upang makakain sila ng sarili nilang pagkain.
13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong manlupaypay sa paggawa ng mabuti.
14 Inyong tandaan ang mga hindi sumusunod sa aming mga sinasabi sa sulat na ito; at huwag ninyo siyang pakisamahan nang siya'y mapahiya.
15 Gayunma'y huwag ninyong ituring siyang kaaway, kundi inyo siyang pagsabihan bilang kapatid.
Mga Pagbati at Basbas
16 Ngayon, nawa'y mismong ang Panginoon ng kapayapaan ang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng panahon at sa lahat ng paraan. Ang Panginoon ay sumainyo nawang lahat.
17 Akong si Pablo ay sumusulat ng pagbating ito ng aking sariling kamay. Ito ang palatandaan sa bawat sulat ko; gayon ako sumusulat.
18 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang lahat.[c]
Pagbati
1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pag-asa,
2 Kay(Q) Timoteo na aking tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, kahabagan, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo na Panginoon natin.
Babala Laban sa Maling Aral
3 Pinapakiusapan kitang manatili sa Efeso gaya noong patungo ako sa Macedonia, na iyong atasan ang ilang tao na huwag magturo ng ibang aral,
4 ni huwag bigyang-pansin ang mga alamat at walang katapusang talaan ng lahi, na nagiging sanhi ng mga haka-haka sa halip ng pagsasanay na mula sa Diyos na nakikilala sa pamamagitan ng pananampalataya.
5 Subalit ang layunin ng aming tagubilin ay pag-ibig na nagmumula sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi pakunwari.
6 Ang ilan ay lumihis mula rito at bumaling sa walang kabuluhang pag-uusap,
7 na nagnanais na maging mga guro ng kautusan, gayong hindi nila nauunawaan ang kanilang sinasabi, maging ang mga bagay na kanilang buong tiwalang pinaninindigan.
8 Ngunit nalalaman natin na ang kautusan ay mabuti, kung ginagamit ng tao sa matuwid na paraan.
9 Ito ay nangangahulugang nauunawaan na ang kautusan ay hindi ginawa para sa taong matuwid, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mapaghimagsik, para sa masasama at mga makasalanan, para sa mga hindi banal at lapastangan, para sa mga pumapatay sa ama at sa ina, para sa mga mamamatay-tao,
10 para sa mga mapakiapid, para sa nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, para sa mga nagbebenta ng alipin, para sa mga sinungaling, para sa mga mandaraya, at kung may iba pang bagay na salungat sa mahusay na aral;
11 ayon sa maluwalhating ebanghelyo ng mapagpalang Diyos na ipinagkatiwala sa akin.
Pasasalamat sa Awa ng Diyos
12 Nagpapasalamat ako sa kanya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagkat ako'y itinuring niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kanya.
13 Kahit(R) na noong una ako'y isang lapastangan, mang-uusig at mang-aalipusta, gayunma'y kinahabagan ako, sapagkat sa kamangmangan ay ginawa ko iyon sa kawalan ng pananampalataya,
14 at labis na sumagana sa akin ang biyaya ng ating Panginoon na may pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.
15 Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos, na si Cristo Jesus ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangunahin sa mga ito.
16 Ngunit dahil dito, nakatanggap ako ng habag upang sa akin na pangunahin ay maipahayag ni Jesu-Cristo ang kanyang sakdal na pagtitiis, bilang halimbawa sa mga sasampalataya sa kanya, tungo sa buhay na walang hanggan.
17 Sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di-nakikita, tanging Diyos, ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanpaman. Amen.
18 Ang biling ito ay ipinagkakatiwala ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga propesiya na ginawa noong una tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban ka ng mabuting pakikipaglaban,
19 na iniingatan ang pananampalataya at ang mabuting budhi. Sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa budhi, ang ibang tao ay nakaranas ng pagkawasak ng barko sa kanilang pananampalataya;
20 kabilang sa mga ito sina Himeneo at Alejandro na aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag manlapastangan.
Mga Panalangin sa Kapulungan
2 Una sa lahat, ay isinasamo ko na gawin ang mga paghiling, mga panalangin, mga pamamagitan, at mga pagpapasalamat patungkol sa lahat ng mga tao;
2 patungkol sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan upang tayo'y mamuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at paggalang.
3 Ito'y mabuti at kaaya-aya sa paningin ng Diyos na ating Tagapagligtas;
4 na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas at makarating sa pagkakilala ng katotohanan.
5 Sapagkat may isang Diyos at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,
6 na ibinigay ang kanyang sarili na pantubos sa lahat; na siyang patotoo sa tamang panahon.
7 Para(S) dito'y itinalaga ako na isang mangangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan,[d] hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Hentil sa pananampalataya at katotohanan.
8 Ibig ko ngang ang mga lalaki ay manalangin sa bawat dako, na itinataas ang kanilang mga banal na kamay na walang galit at pag-aalinlangan.
9 Gayundin(T) naman, na ang mga babae ay dapat na magdamit na may kahinhinan, naaangkop at hindi mahalay; hindi ng napapalamutiang buhok, at ng ginto o perlas o mamahaling damit;
10 kundi ng mabubuting gawa na siyang nararapat sa mga babaing nagpapahayag ng paggalang sa Diyos.
11 Hayaang ang babae'y matuto sa katahimikan na may buong pagpapasakop.
12 Hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalaki, kundi tumahimik.
13 Sapagkat(U) si Adan ang unang nilalang, pagkatapos ay si Eva;
14 at(V) si Adan ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagkakasala.
15 Ngunit ililigtas ang babae sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y mananatiling may kaayusan sa pananampalataya, pag-ibig at sa kabanalan.
Mga Katangian ng Magiging Obispo
3 Tapat ang salita: Kung ang sinuman ay naghahangad na maging obispo,[e] siya ay nagnanais ng mabuting gawain.
2 Kailangan(W) na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isang babae, mapagpigil, matino ang pag-iisip, kagalang-galang, mapagpatuloy ng panauhin, mahusay magturo,
3 hindi mahilig sa alak, hindi mapusok kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi.
4 Dapat ay pinamamahalaan niyang mabuti ang kanyang sariling sambahayan, sinusupil ang kanyang mga anak, at may lubos na paggalang.
5 Sapagkat kung ang sinuman ay hindi marunong mamahala ng kanyang sariling sambahayan, paano niya pangangalagaan ang iglesya ng Diyos?
6 Hindi isang bagong hikayat, baka siya magpalalo at mahulog sa kahatulan ng diyablo.
7 Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo mula sa mga nasa labas, baka siya mahulog sa kahihiyan at bitag ng diyablo.
Mga Katangian sa Pagiging Diakono
8 Gayundin naman ang mga diakono ay dapat na maging kagalang-galang, hindi dalawang dila, hindi nalululong sa maraming alak, hindi mga sakim sa masamang pagkakakitaan,
9 na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya nang may malinis na budhi.
10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; at kung mapatunayang walang kapintasan, hayaan silang maglingkod bilang mga diakono.
11 Gayundin naman, ang mga babae ay dapat na maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, kundi mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.
12 Ang mga diakono ay dapat na may tig-iisang asawa lamang, at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sambahayan.
13 Sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mabuti bilang mga diakono ay nagtatamo para sa kanilang sarili ng isang mabuting katayuan, at ng malaking pagtitiwala sa pananampalataya kay Cristo Jesus.
Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya
14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na umaasang makakarating sa iyo sa madaling panahon,
15 ngunit kung ako'y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesya ng Diyos na buháy, ang haligi at suhay ng katotohanan.
16 Walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan:
Siyang[f] nahayag sa laman,
pinatunayang matuwid sa espiritu,[g] nakita ng mga anghel,
ipinangaral sa mga bansa,
sinampalatayanan sa sanlibutan,
tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.
Pagtalikod sa Pananampalataya
4 Ngayon ay maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon ang iba'y tatalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga aral ng mga demonyo,
2 sa pamamagitan ng pagkukunwari ng mga nagsasalita ng mga kasinungalingan, na ang mga budhi ay tinatakan ng nagbabagang bakal.
3 Kanilang ipagbabawal ang pag-aasawa at ipag-uutos na lumayo sa mga pagkaing nilalang ng Diyos upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nananampalataya at nakakaalam ng katotohanan.
4 Sapagkat ang bawat nilalang ng Diyos ay mabuti at walang anumang dapat tanggihan, kung tinatanggap ito na may pagpapasalamat;
5 sapagkat ito ay pinababanal sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.
Ang Mabuting Lingkod ni Cristo
6 Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting lingkod ni Cristo Jesus, na pinalusog sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na iyong sinusunod.
7 Subalit tanggihan mo ang masasama at mga walang kabuluhang katha. Sanayin mo ang iyong sarili sa kabanalan,
8 sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay may kaunting pakinabang subalit ang kabanalan ay may kapakinabangan sa lahat ng bagay, na may pangako sa buhay na ito at sa darating.
9 Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos.
10 Sapagkat dahil dito ay nagpapagal kami at nagsisikap,[h] sapagkat nakalagak ang aming pag-asa sa Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga nananampalataya.
11 Iutos at ituro mo ang mga bagay na ito.
12 Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at sa kalinisan.
13 Hanggang sa dumating ako, bigyang-pansin mo ang hayagang pagbabasa ng kasulatan, ang pangangaral, at ang pagtuturo.
14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng propesiya, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng matatanda.
15 Gawin mo ang mga bagay na ito; italaga mo ang iyong sarili sa mga ito upang ang iyong pag-unlad ay makita ng lahat.
16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.
Mga Tungkulin sa mga Mananampalataya
5 Huwag mong pagsabihan na may kagaspangan ang nakatatandang lalaki, kundi pakiusapan mo siyang tulad sa isang ama; sa mga kabataang lalaki na tulad sa mga kapatid;
2 sa matatandang babae na tulad sa mga ina; at sa mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae, na may buong kalinisan.
3 Parangalan mo ang mga babaing balo na tunay na balo.
4 Ngunit kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, hayaang matutunan muna nila ang kanilang banal na tungkulin sa kanilang sariling sambahayan, at gantihan ang kanilang mga magulang, sapagkat ito'y kaaya-aya sa paningin ng Diyos.
5 Ang tunay na babaing balo at naiwang nag-iisa ay umaasa sa Diyos at nagpapatuloy sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw;
6 subalit ang nabubuhay sa mga kalayawan, bagama't buháy ay patay.
7 Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman upang sila'y hindi magkaroon ng kapintasan.
8 Ngunit kung ang sinuman ay hindi kumakalinga sa kanyang kamag-anak, lalung-lalo na sa kanyang sariling sambahayan, tinanggihan niya ang pananampalataya at siya'y masahol pa sa hindi mananampalataya.
9 Isama sa talaan ang babaing balo kung siya ay animnapung taong gulang pataas, at naging asawa ng iisang lalaki;
10 na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; na siya'y nagpalaki ng mga anak, na siya'y nagpatuloy ng mga panauhin sa kanyang tahanan, naghugas ng mga paa ng mga banal, dumamay sa mga naghihirap, at itinalaga niya ang sarili sa paggawa ng mabuti sa lahat ng paraan.
11 Ngunit huwag mong itala ang mga nakababatang babaing balo; sapagkat nang magkaroon sila ng masamang nasa na naghihiwalay sa kanila kay Cristo, ay nais nilang mag-asawa;
12 kaya't sila'y nagkakaroon ng kahatulan, sapagkat itinakuwil nila ang kanilang unang panata.
13 Bukod dito, natututo silang maging mga tamad, nagpapalipat-lipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi mga tsismosa at mga pakialamera, na nagsasalita ng mga bagay na hindi nararapat.
14 Kaya nga, ibig kong magsipag-asawa ang mga batang babaing balo, manganak, mamahala ng sambahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anumang kadahilanan ng panlilibak,
15 sapagkat ang mga iba'y bumaling at sumunod na kay Satanas.
16 Kung ang sinumang babaing nananampalataya ay may mga kamag-anak sa mga babaing balo, kanyang tulungan sila upang huwag nang mabigatan ang iglesya, at upang matulungan ng iglesya[i] ang mga tunay na balo.
17 Ang matatanda na namamahalang mabuti ay ituring na may karapatan sa ibayong karangalan, lalung-lalo na ang mga nagpapagal sa pangangaral at sa pagtuturo.
18 Sapagkat(X) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik,” at, “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod.”
19 Huwag(Y) kang tatanggap ng sumbong laban sa matanda, maliban sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20 Sila namang nagpapatuloy sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat, upang ang iba nama'y matakot.
21 Inaatasan kita sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong sundin ang mga bagay na ito na walang kinikilingan, at huwag mong gagawin ang anumang bagay nang may pagtatangi.
22 Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makiisa sa mga kasalanan ng iba; panatilihin mong malinis ang iyong sarili.
23 Huwag ka nang iinom ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong tiyan at sa iyong madalas na pagkakasakit.
24 Ang mga kasalanan ng ibang tao ay hayag, at nauuna sa kanila sa paghuhukom, ngunit ang kasalanan ng iba ay susunod sa kanila roon.
25 Gayundin naman, ang mabubuting gawa ay hayag at kung hindi gayon, ang mga iyon ay hindi mananatiling lihim.
6 Ituring ng lahat ng mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin ang kanilang mga amo bilang karapat-dapat sa lahat ng karangalan, upang ang pangalan ng Diyos at ang aral ay hindi malapastangan.
2 Ang mga may among mananampalataya ay huwag maging walang-galang sa kanila, sapagkat sila'y mga kapatid, kundi lalo pa silang maglingkod, sapagkat ang mga makikinabang ay mga mananampalataya at mga minamahal. Iyong ituro at ipangaral ang mga bagay na ito.
Maling Aral at ang Tunay na Kayamanan
3 Kung ang sinuma'y nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa mahuhusay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa aral na ayon sa kabanalan,
4 siya ay palalo, walang nauunawang anuman; at siya ay nahuhumaling sa mga usapin at sa pagtatalo tungkol sa mga salita na pinagmumulan ng inggit, away, paninirang-puri, mga masasamang hinala,
5 pag-aaway ng mga taong masasama ang pag-iisip at salat sa katotohanan, na inaakalang ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.
6 Subalit ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang.
7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman;
8 ngunit kung tayo'y may pagkain at damit, masiyahan na tayo sa mga ito.
9 Ngunit ang mga nagnanais yumaman ay nahuhulog sa tukso, at nabibitag sa maraming hangal at nakapipinsalang pagnanasa, na siyang naglulubog sa mga tao sa pagkawasak at kapahamakan.
10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na ang ilang nagnasa rito ay napalayo sa pananampalataya at tinusok ang kanilang mga sarili ng maraming kalungkutan.
Ang Mabuting Pakikipaglaban
11 Ngunit ikaw, O tao ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito at sumunod ka sa katuwiran, sa pagiging maka-Diyos, sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis, at sa kaamuan.
12 Makipaglaban ka sa mabuting pakikipaglaban ng pananampalataya, panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.
13 Sa(Z) harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato, inaatasan kita,
14 na ingatan mong walang dungis at walang kapintasan ang utos hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo;
15 na kanyang ipahahayag sa takdang panahon—siya na mapalad at tanging Makapangyarihan, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.
16 Siya lamang ang walang kamatayan at naninirahan sa liwanag na di-malapitan; na hindi nakita ng sinumang tao, o makikita man. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.
17 Ang mayayaman sa sanlibutang ito ay atasan mo na huwag magmataas ni huwag umasa sa mga kayamanang hindi tiyak, kundi sa Diyos na nagbibigay sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.
18 Dapat silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, bukas ang palad at handang mamahagi,
19 sa gayo'y magtitipon sila para sa kanilang sarili ng isang mabuting saligan para sa hinaharap upang sila'y makapanghawak sa tunay na buhay.
Iba pang Tagubilin at Pagbasbas
20 O Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng huwad na kaalaman;
21 na sa pamamagitan ng paniniwala dito ang ilan ay nalihis sa pananampalataya. Sumainyo nawa ang biyaya.[j]
Pagbati
1 Si Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus,
2 Kay(AA) Timoteo na aking minamahal na anak: Biyaya, kahabagan, kapayapaan nawang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Pasasalamat
3 Nagpapasalamat ako sa Diyos, na aking pinaglilingkuran na may malinis na budhi gaya ng aking mga ninuno, kapag lagi kitang naaalala sa aking mga panalangin gabi't araw.
4 Kapag naaalala ko ang iyong mga pagluha, kinasasabikan kong makita ka, upang ako'y mapuno ng kagalakan.
5 Naaalala(AB) ko ang iyong tapat na pananampalataya, isang pananampalataya na unang nabuhay kay Loida na iyong lola at kay Eunice na iyong ina at ngayon, ako'y nakakatiyak, ay namamalagi sa iyo.
6 Dahil dito ay ipinaaalala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay;
7 sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili.
8 Huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon, ni sa akin na bilanggo niya, kundi makipagtiis ka alang-alang sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos,
9 na siyang sa atin ay nagligtas at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang sariling layunin at biyaya. Ang biyayang ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mga panahon,
10 subalit ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nag-alis ng kamatayan, at nagdala sa buhay at sa kawalan ng kamatayan tungo sa liwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo.
11 Dito(AC) ay itinalaga ako na tagapangaral, apostol at guro.[k]
12 At dahil din dito, ako'y nagdurusa ng mga bagay na ito; gayunma'y hindi ako nahihiya sapagkat kilala ko ang aking sinampalatayanan, at ako'y lubos na naniniwalang maiingatan niya ang aking ipinagkatiwala sa kanya[l] hanggang sa araw na iyon.
13 Sundan mo ang huwaran ng mga wastong salita na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.
14 Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nabubuhay sa atin.
15 Ito'y nalalaman mo na humiwalay sa akin ang lahat ng nasa Asia, kabilang sa kanila sina Figello at Hermogenes.
16 Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sambahayan ni Onesiforo, sapagkat madalas niya akong pinagiginhawa, at hindi niya ikinahiya ang aking tanikala;
17 kundi nang siya'y dumating sa Roma, hinanap niya ako nang buong sikap, at ako'y natagpuan niya.
18 Pagkalooban nawa ng Panginoon na matagpuan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na iyon; at alam na alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.
Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus
2 Kaya't ikaw, anak ko, maging malakas ka sa biyayang na kay Cristo Jesus,
2 at ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa harap ng maraming saksi ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat na makakapagturo rin naman sa iba.
3 Makipagtiis ka ng mga kahirapan, gaya ng mabuting kawal ni Cristo Jesus.
4 Walang kawal na naglilingkod ang nakikisangkot sa mga bagay ng buhay na ito, yamang ang kanyang mithiin ay bigyang-kasiyahan ang nagtala sa kanya.
5 Sinumang manlalaro ay hindi pinuputungan malibang nakipagpaligsahan siya ayon sa mga alituntunin.
6 Ang magsasaka na nagpapakapagod ay siyang unang dapat na magkaroon ng bahagi sa mga bunga.
7 Isipin mo ang sinasabi ko, sapagkat bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay.
8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo na muling binuhay mula sa mga patay, mula sa binhi ni David, ayon sa aking ebanghelyo,
9 na dahil sa kanya ay nagtitiis ako ng kahirapan, maging hanggang sa pagkakaroon ng tanikala na tulad sa isang masamang tao. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi nagagapos.
10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan din nila ang kaligtasan kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.
11 Tapat ang salita:
Kung tayo'y namatay na kasama niya, mabubuhay rin tayong kasama niya;
12 kung(AD) tayo'y magtitiis, maghahari naman tayong kasama niya;
kung ating ikakaila siya, ay ikakaila rin niya tayo;
13 kung tayo'y hindi tapat, siya'y nananatiling tapat;
sapagkat hindi niya maipagkakaila ang kanyang sarili.
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan mo sa harapan ng Diyos[m] na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salita na hindi mapapakinabangan kundi sa ikapapahamak lamang ng mga nakikinig.
Ang Manggagawa ng Diyos
15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Diyos, manggagawang walang anumang dapat ikahiya, na gumagamit nang wasto sa salita ng katotohanan.
16 Subalit iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat ito'y magtutulak sa mga tao sa higit pang kasamaan,
17 at ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena. Kasama sa mga ito si Himeneo at si Fileto,
18 na lumihis sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Kanilang ginugulo ang pananampalataya ng iba.
19 Ngunit(AE) ang matibay na saligan ng Diyos ay nananatiling matatag na may tatak na ganito: “Kilala ng Panginoon ang mga kanya,” at, “Lumayo sa kalikuan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
20 Sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga kasangkapang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at luwad, at ang iba'y sa natatanging paggagamitan at ang iba'y para sa karaniwan.
21 Kung nililinis ng sinuman ang kanyang sarili mula sa mga bagay na ito ay magiging tanging kagamitan, itinalaga at mahalaga sa may-ari ng bahay, handa sa lahat ng mabuting gawa.
22 Ngunit layuan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan at sundin mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.
23 Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ang mga ito ng mga away.
24 Ang alipin ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, kundi maamo sa lahat, mahusay magturo, matiyaga,
25 tinuturuan nang may kaamuan ang mga sumasalungat, baka sakaling pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan,
26 at sila'y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban.[n]
Kasamaan sa mga Huling Araw
3 Ngunit unawain mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kapighatian.
2 Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapanlait, suwail sa mga magulang, mga walang utang na loob, walang kabanalan,
3 walang katutubong pag-ibig, mga walang habag, mga mapanirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mababangis, mga hindi maibigin sa mabuti,
4 mga taksil, matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan sa halip na mga maibigin sa Diyos;
5 na may anyo ng kabanalan, ngunit tinatanggihan ang kapangyarihan nito. Lumayo ka rin naman sa mga ito.
6 Sapagkat mula sa mga ito ang mga pumapasok sa sambahayan, at binibihag ang mga hangal na babae na punô ng mga kasalanan, at hinihila ng mga iba't ibang pagnanasa,
7 na laging nag-aaral at kailanman ay hindi nakakarating sa pagkakilala ng katotohanan.
8 Kung(AF) paanong sina Janes at Jambres ay sumalungat kay Moises, ang mga ito'y sumasalungat din sa katotohanan, mga taong masasama ang pag-iisip at mga nagtakuwil sa pananampalataya.
9 Ngunit sila'y hindi magpapatuloy, sapagkat mahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari sa mga lalaking iyon.
Mga Huling Habilin
10 Ngayon, sinunod mong mabuti ang aking aral, pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig, at pagtitiis,
11 mga(AG) pag-uusig, mga pagdurusa, anumang mga bagay ang nangyari sa akin sa Antioquia, Iconio, Listra. Napakaraming pag-uusig ang tiniis ko! Ngunit sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon.
12 Tunay na ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig.
13 Subalit ang masasamang tao at mga mandaraya ay lalong sasama nang sasama, sila'y mandaraya at madadaya.
14 Subalit manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matatag na pinaniwalaan, yamang nalalaman mo kung kanino ka natuto,
15 at kung paanong mula sa pagkabata ay iyong nalaman ang mga banal na kasulatan na makakapagturo sa iyo tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
16 Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran,
17 upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, nasasangkapang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.
4 Sa harapan ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay, at sa pamamagitan ng kanyang pagpapakita at sa kanyang kaharian, ay inaatasan kita:
2 ipangaral mo ang salita, magsikap ka sa kapanahunan at sa di-kapanahunan, magtuwid ka, manaway ka, mangaral ka na may buong pagtitiyaga at pagtuturo.
3 Sapagkat darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral; kundi, sa pagkakaroon nila ng makakating tainga, ay mag-iipon sila para sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling pagnanasa,
4 at tatalikod sa pakikinig sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at babaling sa mga kathang-isip.
5 Ngunit ikaw ay maging matino sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, ganapin mong lubos ang iyong ministeryo.
6 Tungkol sa akin, ako'y ibinuhos na tulad sa inuming handog, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na.
7 Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, natapos ko na ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya.
8 Kaya't mula ngayon ay nakalaan na sa akin ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kanyang pagpapakita.
Mga Personal na Tagubilin
9 Magsikap kang pumarito agad sa akin,
10 sapagkat(AH) iniwan ako ni Demas, na umibig sa sanlibutang ito, at nagtungo sa Tesalonica; si Crescente ay nagtungo sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia.
11 Si(AI) Lucas lamang ang kasama ko. Sunduin mo si Marcos at isama mo, sapagkat siya'y kapaki-pakinabang sa akin sa ministeryo.
12 Samantala,(AJ) si Tiquico ay sinugo ko sa Efeso.
13 Ang(AK) balabal na aking iniwan sa Troas kay Carpo ay iyong dalhin pagparito mo, at ang mga aklat, lalung-lalo na ang mga pergamino.
14 Maraming(AL) ginawang kasamaan sa akin si Alejandro na panday ng tanso. Gagantihan siya ng Panginoon ayon sa kanyang mga gawa.
15 Mag-ingat ka rin sa kanya, sapagkat tunay na kanyang sinalungat ang aming ipinangangaral.
16 Sa aking unang pagsasanggalang ay walang sinumang kumampi sa akin, bagkus pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawang singilin sa kanila ito.
17 Ngunit ang Panginoon ay tumindig sa tabi ko at ako'y pinalakas niya upang sa pamamagitan ko ay ganap na maipahayag ang mensahe upang mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. Kaya't ako'y iniligtas sa bibig ng leon.
18 Ako'y ililigtas ng Panginoon sa bawat masamang gawa at ako'y kanyang iingatan para sa kanyang kaharian sa langit. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Huling Pagbati at Basbas
19 Batiin(AM) mo sina Priscila at Aquila at ang sambahayan ni Onesiforo.
20 Si(AN) Erasto ay nanatili sa Corinto, ngunit si Trofimo ay iniwan kong maysakit sa Mileto.
21 Magsikap kang pumarito bago dumating ang taglamig. Binabati ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia, at ng lahat ng mga kapatid.
22 Ang Panginoon nawa'y sumainyong espiritu. Sumainyo nawa ang biyaya.[o]
Pagbati
1 Si Pablo, na alipin ng Diyos, at apostol ni Jesu-Cristo, sa ikasusulong ng pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at ng kanilang pagkakilala sa katotohanang ayon sa kabanalan,
2 sa pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa nagsimula ang mga panahon, ito ay ipinangako ng Diyos na hindi nagsisinungaling.
3 Ngunit sa takdang panahon ay ipinahayag sa kanyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas;
4 kay(AO) Tito na aking tunay na anak sa iisang pananampalataya: Biyaya at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Tagapagligtas.
Ang Gawain ni Tito sa Creta
5 Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang isaayos mo ang mga bagay na may kakulangan at upang magtalaga ng matatanda sa iglesya sa bawat bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo:
6 Siya(AP) ay dapat na walang kapintasan, asawa ng isang babae, na ang kanyang mga anak ay mananampalataya, na hindi napaparatangan ng panggugulo o ng pagiging suwail.
7 Sapagkat ang obispo bilang katiwala ng Diyos ay dapat na walang kapintasan, hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi maglalasing, hindi marahas, hindi sakim sa pakinabang;
8 kundi mapagpatuloy ng panauhin, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, banal, at mapagpigil sa sarili.
9 Dapat na kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito.
10 Sapagkat maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli.
11 Dapat patigilin ang kanilang mga bibig, sapagkat ginugulo nila ang buong sambahayan sa pagtuturo nila ng mga bagay na hindi nararapat, dahil sa masamang pakinabang.
12 Sinabi ng isa sa kanila, ng isang propeta mismo nila,
‘Ang mga taga-Creta ay laging mga sinungaling, masasamang hayop, mga batugang matatakaw.’
13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y mahigpit mo silang sawayin upang maging malakas sila sa pananampalataya,
14 na huwag makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nagtatakuwil sa katotohanan.
15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis; ngunit sa marurumi at hindi nananampalataya ay walang anumang malinis; kundi ang kanilang pag-iisip at budhi ay pawang pinarumi.
16 Inaangkin nilang kilala nila ang Diyos; ngunit sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ay ikinakaila nila, palibhasa sila'y kasuklamsuklam, at mga masuwayin, at hindi naaangkop sa anumang gawang mabuti.
Ang Mahusay na Aral
2 Ngunit ikaw naman, magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mahusay na aral.
2 Ang matatandang lalaki ay dapat maging mapagpigil sa sarili, kagalang-galang, matino, malakas sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis.
3 Sabihan mo rin ang matatandang babae na maging magalang sa kanilang asal, hindi mapanirang-puri, ni paalipin man sa alak; dapat silang magturo ng kabutihan,
4 upang kanilang maturuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang mga asawa, ibigin ang kanilang mga anak,
5 maging matino, dalisay, masipag sa gawaing bahay, mabait, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos.
6 Gayundin naman, himukin mo ang mga kabataang lalaki na maging matino sa pag-iisip.
7 Sa lahat ng mga bagay ay ipakita mo ang iyong sarili na isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong pagtuturo ay magpakita ka ng katapatan, pagiging kagalang-galang,
8 wastong pananalita na hindi mapipintasan, upang ang kalaban ay mapahiya, na walang anumang masamang masasabi tungkol sa atin.
9 Ang mga alipin ay magpasakop sa kanilang mga panginoon at magbigay ng kasiyahan sa lahat ng mga bagay, at huwag maging palasagot,
10 ni huwag mangungupit, kundi magpakita ng lubos at tunay na katapatan, upang sa lahat ng bagay ay mapalamutian nila ang aral ng Diyos na ating Tagapagligtas.
11 Sapagkat nagpakita ang biyaya ng Diyos, na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng tao,
12 na nagtuturo sa atin na matapos itakuwil ang kasamaan, at mga makamundong pagnanasa, ay dapat tayong mamuhay nang may katinuan, matuwid at banal sa kasalukuyang panahon,
13 habang hinihintay natin ang mapalad na pag-asa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
14 Siya(AQ) ang nagbigay ng kanyang sarili alang-alang sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at pakalinisin para sa kanyang sarili ang sambayanang pag-aari niya na masigasig sa mabubuting gawa.
15 Ipahayag mo ang mga bagay na ito. Mangaral ka at sumaway na may buong kapamahalaan. Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman.
Ang Mabuting Pamumuhay
3 Ipaalala mo sa kanila na pasakop sa mga pinuno at sa mga may kapangyarihan, maging masunurin, maging handa sa bawat mabuting gawa,
2 huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, huwag makipag-away, maging maamo, at magpakita ng hinahon sa lahat ng mga tao.
3 Sapagkat tayo rin naman noong dati ay mga hangal, mga suwail, mga nalinlang, mga alipin ng sari-saring pagnanasa at kalayawan, na namumuhay sa kasamaan at inggit; mga kasuklamsuklam at napopoot sa isa't isa.
4 Ngunit nang mahayag ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos na ating Tagapagligtas,
5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran kundi ayon sa kanyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
6 Ang Espiritung ito na kanyang ibinuhos nang sagana sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas;
7 upang, yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maging mga tagapagmana ayon sa pag-asa sa buhay na walang hanggan.
8 Tapat ang salita, at nais kong igiit mo ang mga bagay na ito upang ang mga nananampalataya sa Diyos ay maging maingat na ilaan ang kanilang sarili sa mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at kapaki-pakinabang sa mga tao.
9 Ngunit iwasan mo ang mga pagtatalo, at ang mga pagsasalaysay ng salinlahi, at ang mga alitan at pag-aaway tungkol sa kautusan, sapagkat ang mga ito ay walang pakinabang at walang katuturan.
10 Ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay iwasan mo;
11 yamang nalalaman mo na ang gayon ay baluktot at nagkakasala, na hinatulan niya ang kanyang sarili.
Mga Tagubilin at Basbas
12 Kapag(AR) isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico ay sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis; sapagkat ipinasiya kong gugulin doon ang taglamig.
13 Pagsikapan(AS) mong tulungan si Zenas na dalubhasa sa batas at si Apolos sa kanilang paglalakbay; tiyakin mong sila'y hindi kukulangin ng anuman.
14 At nararapat na ang ating mga tao ay matutong magmalasakit sa mabubuting gawa para sa matitinding pangangailangan upang hindi sila mawalan ng bunga.
15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya.
Biyaya nawa ang sumainyong lahat.[p]
Pagbati
1 Si Pablo, bilanggo ni Cristo Jesus, at si kapatid na Timoteo,
Kay Filemon na aming minamahal na kaibigan at kamanggagawa,
2 at(AT) kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapwa namin kawal, at sa iglesya na nasa iyong bahay:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos kapag naaalala kita sa aking mga panalangin,
5 sapagkat nabalitaan ko ang iyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal at ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus.
6 Idinadalangin ko na ang pamamahagi ng iyong pananampalataya ay maging mabisa kapag nalaman mo ang bawat mabuting bagay na maaari nating gawin para kay Cristo.
7 Sapagkat ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid ko.
Ang Pakiusap ni Pablo Alang-alang kay Onesimo
8 Dahil dito, bagama't kay Cristo ay mayroon akong sapat na lakas ng loob upang utusan kitang gawin ang kinakailangan,
9 gayunma'y alang-alang sa pag-ibig ay nanaisin ko pang makiusap sa iyo—akong si Pablo ay matanda na, at ngayon ay isa ring bilanggo ni Cristo Jesus.
10 Ako'y(AU) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na ako'y naging kanyang ama nang ako'y nasa bilangguan.
11 Noon ay wala kang pakinabang sa kanya, ngunit ngayon ay kapaki-pakinabang siya sa iyo at sa akin.
12 Siya'y aking pinababalik sa iyo, na kasama ang aking sariling puso.
13 Nais kong manatili siyang kasama ko upang siya'y makatulong sa akin bilang kapalit mo sa panahon ng aking pagiging bilanggo para sa ebanghelyo.
14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot upang ang iyong kabutihang-loob ay hindi maging sapilitan kundi ayon sa sarili mong kalooban.
15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang ilang panahon, upang siya'y mapasaiyo magpakailanman;
16 hindi na bilang alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalung-lalo na sa akin, at gaano pa kaya sa iyo, maging sa laman at gayundin sa Panginoon.
17 Kaya't kung ako ay itinuturing mong kasama, tanggapin mo siya na parang ako.
18 Ngunit kung siya'y nagkasala sa iyo ng anuman, o may anumang utang sa iyo, ay ibilang mong utang ko na rin.
19 Akong si Pablo ay sumusulat nito sa pamamagitan ng aking sariling kamay: Ako ang magbabayad niyon. Hindi ko na ibig banggitin pa na utang mo sa akin pati ang iyong sarili.
20 Oo, kapatid, hayaan mo nang magkaroon ako ng kapakinabangan na ito mula sa iyo sa Panginoon! Sariwain mo ang aking puso kay Cristo.
21 Sinulatan kita na may pagtitiwala sa iyong pagsunod, yamang nalalaman ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.
22 Isa pa, ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo.
Pangwakas na Pagbati
23 Binabati(AV) ka ni Epafras na aking kasamang bilanggo kay Cristo Jesus;
24 gayundin(AW) nina Marcos, Aristarco, Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa.
25 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu.[q]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001