Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Judas - Apocalipsis 17

Pagbati

Si(A) Judas, na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal ng Diyos Ama, at iniingatan para kay Jesu-Cristo:[a]

Ang kaawaan, kapayapaan at pag-ibig ay pasaganain nawa sa inyo.

Ipaglaban ang Pananampalataya

Mga minamahal, samantalang ako'y lubusang nagsisikap na sumulat sa inyo tungkol sa ating iisang kaligtasan, natagpuan kong kailangang sumulat upang himukin kayo na ipaglaban ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal.

Sapagkat may ilang taong nakapasok nang lihim, ang mga iyon ay matagal nang itinalaga sa kahatulang ito, mga hindi maka-Diyos, na kanilang pinalitan ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos, at itinatatuwa ang kaisa-isa nating Pinuno at Panginoon na si Jesu-Cristo.

Kaparusahan sa mga Bulaang Guro

Ngayon(B) ay nais kong ipaalala sa inyo, bagama't alam na alam ninyo ang mga bagay na ito, na minsang iniligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya ang mga hindi sumampalataya.

At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.

Gayundin(C) ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod sa palibot ng mga ito, na gumawa naman ng pakikiapid at nalulong sa kakaibang laman, ay inilagay bilang halimbawa, na nagdaranas ng kaparusahan sa apoy na walang hanggan.

Gayunma'y ang mga ito rin na mahilig managinip ay dinudumihan ang laman, at hinahamak ang mga may kapangyarihan at nilalait ang mga maluwalhating mga anghel.

Subalit(D) si Miguel na arkanghel nang makipaglaban sa diyablo, at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng isang hatol na may pag-alipusta laban sa kanya, kundi sinabi, “Sawayin ka nawa ng Panginoon.”

10 Subalit inaalipusta ng mga ito ang anumang bagay na hindi nila nauunawaan, at sa pamamagitan ng mga bagay na likas nilang nalalaman, kagaya ng mga hayop na walang pag-iisip, sila'y winawasak.

11 Kahabag-habag(E) sila! Sapagkat sila'y lumakad sa daan ni Cain, at sumunggab sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at napahamak sa paghihimagsik ni Kora.

12 Ang mga taong ito'y pawang mga batong natatago[b] sa inyong mga pagsasalu-salong may pag-ibig kapag sila'y nakikipagsalo sa inyo nang walang takot, na ang pinapangalagaan lamang ay ang kanilang sarili. Sila'y mga ulap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punungkahoy na walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na dalawang ulit na namatay, na binunot hanggang ugat;

13 nagngangalit na alon sa dagat, na pinabubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga pagala-galang bituin, na silang pinaglaanan ng pusikit na kadiliman magpakailanman.

14 At(F) sa mga ito rin naman si Enoc, na ikapitong salinlahi mula kay Adan, ay nagpahayag na sinasabi, “Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kanyang laksa-laksang mga banal,

15 upang igawad ang hatol sa lahat at upang sumbatan ang bawat kaluluwa sa lahat ng kanilang masamang gawa na kanilang ginawang may kalikuan, at sa lahat ng mga bagay na malupit na sinalita sa kanya ng mga hindi maka-Diyos na makasalanan.”

16 Ang mga iyon ay mga mapagbulong, mga mareklamo, na lumalakad ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga pagmamataas, na pakunwaring pumupuri sa mga tao para sa sariling kapakinabangan.

Mga Babala at mga Paalala

17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo,

18 sapagkat(G) sinabi nila sa inyo, “Magkakaroon ng mga manlilibak sa huling panahon, na lumalakad ayon sa kanilang sariling masasamang pagnanasa.”

19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, na mga hindi nagtataglay ng Espiritu.

20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya; manalangin sa Espiritu Santo;

21 ingatan ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, na inyong hintayin ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo tungo sa buhay na walang hanggan.

22 At ang ibang nag-aalinlangan ay inyong kahabagan;

23 ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo mula sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan maging ang damit na nadungisan ng laman.

Basbas

24 Ngayon sa kanya na may kakayahang mag-ingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan sa harapan ng kanyang kaluwalhatian na may malaking kagalakan,

25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon, sumakanya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang kapangyarihan at ang kapamahalaan, bago pa ang lahat ng panahon, at ngayon at magpakailanman. Amen.

Pambungad

Ang apocalipsis ni Jesu-Cristo, na ibinigay ng Diyos sa kanya upang ipahayag sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari sa madaling panahon, at kanyang ipinaalam ito sa pamamagitan ng mga sagisag at pagsusugo ng kanyang anghel sa kanyang aliping si Juan,

na siyang sumaksi sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesu-Cristo, sa lahat ng bagay na nakita niya.

Mapalad ang bumabasa at ang nakikinig ng mga salita ng propesiya at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito, sapagkat ang panahon ay malapit na.

Pagbati sa Pitong Iglesya

Si(H) Juan sa pitong iglesya na nasa Asia:

Biyaya ang sumainyo at kapayapaang mula sa kanya na siyang ngayon, ang nakaraan at ang darating; at mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kanyang trono;

at(I) mula kay Jesu-Cristo na siyang saksing tapat, ang panganay mula sa mga patay, at ang pinuno ng mga hari sa lupa.

Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo;

at(J) ginawa tayong kaharian, mga pari sa kanyang Diyos at Ama; sumakanya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailanpaman. Amen.

Tingnan ninyo,(K) siya'y dumarating na nasa mga ulap;
    at makikita siya ng bawat mata,
at ng mga umulos sa kanya;
    at ang lahat ng mga lipi sa lupa ay tatangis dahil sa kanya.

Gayon nga. Amen.

“Ako(L) ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos, na siyang ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan sa lahat.

Si Cristo sa Isang Pangitain

Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus.

10 Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na tulad sa isang trumpeta,

11 na nagsasabi, “Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesya, sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelfia, at sa Laodicea.”

12 Ako'y lumingon upang makita kung kanino ang tinig na nagsasalita sa akin. At sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan,

13 at(M) sa gitna ng mga ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao, na may suot na damit na hanggang sa paa, at may gintong bigkis sa kanyang dibdib.

14 At(N) (O) ang kanyang ulo at ang kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibo ng tupa, gaya ng niebe; at ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy;

15 at(P) ang kanyang mga paa ay katulad ng tansong pinakintab, na parang dinalisay sa isang pugon; at ang kanyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig.

16 Sa kanyang kanang kamay ay may pitong bituin at mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sumisikat.

17 Nang(Q) siya'y aking makita, ako'y parang patay na bumagsak sa kanyang paanan. Ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay, na sinasabi, “Huwag kang matakot; ako ang una at ang huli,

18 at ang nabubuhay. Ako'y namatay, at tingnan mo, ako'y nabubuhay magpakailanpaman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.

19 Kaya't isulat mo ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos ng mga bagay na ito.

20 Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ang pitong gintong ilawan; ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya; at ang pitong ilawan ay ang pitong iglesya.

Ang Mensahe sa Efeso

“Sa anghel ng iglesya sa Efeso ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay, na lumalakad sa gitna ng pitong gintong ilawan.

“Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong paggawa at pagtitiyaga, at hindi mo mapagtiisan ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y mga apostol, ngunit sila'y hindi gayon, at natuklasan mo silang pawang mga sinungaling.

Alam ko ring ikaw ay may pagtitiis at nagsikap ka dahil sa aking pangalan, at hindi ka napagod.

Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: iniwan mo ang iyong unang pag-ibig.

Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, magsisi ka at gawin mo ang mga bagay na ginawa mo noong una. Kung hindi, darating ako sa iyo at aalisin ko ang iyong ilawan mula sa kinalalagyan nito, malibang magsisi ka.

Ngunit ito ang mabuti na nasa iyo: kinapopootan mo ang mga gawa ng mga Nicolaita na kinapopootan ko rin.

Ang(R) may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay siya kong pakakainin sa punungkahoy ng buhay na nasa paraiso ng Diyos.

Ang Mensahe sa Smirna

“At(S) sa anghel ng iglesya sa Smirna ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng una at ng huli, na namatay at muling nabuhay.

“Alam ko ang iyong kapighatian, at ang iyong karalitaan, ngunit ikaw ay mayaman. Alam ko ang paninirang-puri ng mga nagsasabing sila'y mga Judio ngunit hindi naman, kundi sila ay isang sinagoga ni Satanas.

10 Huwag mong katakutan ang mga bagay na malapit mo nang danasin. Malapit nang ikulong ng diyablo ang ilan sa inyo, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatian sa loob ng sampung araw. Maging tapat ka hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.

11 Ang(T) may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay hindi masasaktan ng ikalawang kamatayan.

Ang Mensahe sa Pergamo

12 “At sa anghel ng iglesya sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim.

13 “Alam ko kung saan ka naninirahan, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Ngunit iniingatan mong mabuti ang aking pangalan, at hindi mo ipinagkaila ang pananampalataya mo sa akin,[c] kahit nang mga araw ni Antipas na aking tapat na saksi, na pinatay sa gitna ninyo, kung saan nakatira si Satanas.

14 Subalit(U) mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo: sapagkat mayroon ka diyang ilan na sumusunod[d] sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang kumain sila ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan at upang makiapid.

15 Gayundin naman, mayroon kang ilan na sumusunod[e] sa aral ng mga Nicolaita.

16 Kaya't magsisi ka. Kung hindi, madali akong darating sa iyo, at didigmain ko sila ng tabak ng aking bibig.

17 Ang(V) may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong mana, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa ibabaw ng bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap.

Ang Mensahe sa Tiatira

18 “At sa anghel ng iglesya sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Diyos, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kanyang mga paa ay gaya ng tansong pinakintab.

19 “Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kaysa mga una.

20 Ngunit(W) ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na tinatawag ang kanyang sarili na propeta at kanyang tinuturuan at nililinlang ang aking mga lingkod[f] upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan.

21 Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; ngunit ayaw niyang magsisi sa kanyang pakikiapid.

22 Akin siyang iniraratay sa higaan at ang mga nakikiapid sa kanya ay ihahagis ko sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisi sa kanyang mga gawa.

23 Papatayin(X) ko ng salot ang kanyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga iglesya na ako ang sumisiyasat ng mga pag-iisip at ng mga puso, at bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa.

24 Subalit sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa mga hindi nagtataglay ng aral na ito, sa mga hindi natuto ng gaya ng sinasabi ng iba ‘na mga malalalim na bagay ni Satanas,’ hindi ako naglalagay sa inyo ng ibang pabigat.

25 Gayunma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y dumating.

26 Sa(Y) bawat nagtatagumpay at tumutupad ng aking mga gawa hanggang sa wakas,

ay bibigyan ko ng pamamahala sa mga bansa;
27 at sila'y pangungunahan niya sa pamamagitan ng isang pamalong bakal,
    gaya ng pagkadurog ng mga palayok,

28 kung paanong tumanggap din ako ng kapangyarihan mula sa aking Ama; ay ibibigay ko sa kanya ang tala sa umaga.

29 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe sa Sardis

“At sa anghel ng iglesya sa Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may pitong Espiritu ng Diyos at may pitong bituin:

“Alam ko ang iyong mga gawa, sa pangalan ikaw ay nabubuhay, ngunit ikaw ay patay.

Gumising ka, at palakasin mo ang mga bagay na natitira, na malapit nang mamatay, sapagkat hindi ko natagpuang ganap ang iyong mga gawa sa harapan ng aking Diyos.

Kaya't(Z) alalahanin mo kung paano mo ito tinanggap at narinig; tuparin mo ito at magsisi ka. Kaya't kung hindi ka gigising, darating akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong oras ako darating sa iyo.

Ngunit mayroon ka pang ilan sa Sardis[g] na hindi dinungisan ang kanilang mga damit; at sila'y kasama kong lalakad na nakaputi, sapagkat sila'y karapat-dapat.

Ang(AA) magtagumpay ay bibihisang gayon ng mapuputing damit; at hindi ko kailanman papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. At ipahahayag ko ang kanyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kanyang mga anghel.

Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe sa Filadelfia

“At(AB) sa anghel ng iglesya sa Filadelfia ay isulat mo:

“Ang mga bagay na ito ang sinasabi ng banal, ng totoo,
    na may susi ni David,
    na nagbubukas at hindi maisasara ng sinuman, na nagsasara at walang makakapagbukas.

“Alam ko ang iyong mga gawa. Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintong bukas, na hindi maisasara ng sinuman. Alam kong ikaw ay may kaunting kapangyarihan, ngunit tinupad mo ang aking salita, at hindi mo itinakuwil ang aking pangalan.

Ibinibigay(AC) ko sa mga sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nagsisinungaling: sila'y aking papupuntahin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at malalaman nilang ikaw ay aking inibig.

10 Sapagkat tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa oras ng pagsubok na darating sa buong daigdig, upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ako'y dumarating na madali; panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang walang makaagaw ng iyong korona.

12 Ang(AD) magtagumpay ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa roon, at isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem, na bumababa buhat sa langit, mula sa aking Diyos, at ang aking sariling bagong pangalan.

13 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe sa Laodicea

14 “At(AE) sa anghel ng iglesya sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Amen, ng saksing tapat at totoo, nang pasimula ng paglalang ng Diyos:

15 “Alam ko ang iyong mga gawa; ikaw ay hindi malamig o mainit man. Ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit.

16 Kaya, dahil ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita mula sa aking bibig.

17 Sapagkat sinasabi mo, ‘Ako'y mayaman, at naging mariwasa at hindi ako nangangailangan ng anuman.’ Hindi mo nalalamang ikaw ay aba, kahabag-habag, maralita, bulag at hubad.

18 Ipinapayo ko sa iyo na bumili ka sa akin ng gintong dinalisay ng apoy upang ikaw ay yumaman, at ng mapuputing damit upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran, at ng pampahid na ilalagay sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita.

19 Ang(AF) lahat na aking iniibig ay aking sinasaway at dinidisiplina. Ikaw nga'y magsikap, at magsisi.

20 Makinig ka! Ako'y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako'y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko.

21 Ang magtagumpay ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, gaya ko naman na nagtagumpay at umupong kasama ng aking Ama sa kanyang trono.

22 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.”

Pagsamba sa Langit

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang isang pintong bukas sa langit! At ang unang tinig na aking narinig na nagsasalita sa akin, na gaya ng sa trumpeta, ay nagsabi, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo ang mga bagay na kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.”

Ako'y(AG) biglang nasa Espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong nakalagay at sa trono ay may isang nakaupo.

At ang nakaupo doon ay may anyong katulad ng batong jaspe at sardio, at naliligid ang trono ng isang bahaghari na tulad ng esmeralda.

At sa palibot ng trono ay may dalawampu't apat na trono, at ang nakaupo sa mga trono ay dalawampu't apat na matatanda, na nakasuot ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga koronang ginto.

At(AH) mula sa trono ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga dagundong ng kulog, at may pitong nagniningas na sulo ng apoy sa harapan ng trono, na siyang pitong Espiritu ng Diyos;

at(AI) (AJ) sa harapan ng trono, ay may parang isang dagat na salamin na katulad ng kristal. At sa gitna ng trono, at sa palibot ng trono ay may apat na nilalang na buháy na punô ng mga mata sa harapan at sa likuran.

Ang unang nilalang ay tulad ng isang leon, ang ikalawang nilalang ay tulad ng isang baka, ang ikatlong nilalang ay may mukha ng isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay tulad ng isang agilang lumilipad.

At(AK) ang apat na nilalang na buháy, na may anim na pakpak ang bawat isa sa kanila, ay punô ng mga mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang humpay na nagsasabi araw at gabi,

“Banal, banal, banal,
ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat,
    ang noon at ang ngayon at ang darating!”

At kapag ang mga nilalang na buháy ay nagbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat sa nakaupo sa trono, doon sa nabubuhay magpakailanpaman,

10 ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono, at sumasamba doon sa nabubuhay magpakailanpaman; at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harapan ng trono, na nagsasabi,

11 “Karapat-dapat ka, O Panginoon at Diyos namin,
    na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan,
sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay
    at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha.

Ang Aklat at ang Kordero

At(AL) nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang aklat[h] na may sulat sa loob at sa likod, na tinatakan ng pitong tatak.

At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na nagpapahayag sa malakas na tinig, “Sino ang karapat-dapat magbukas ng aklat at magtanggal ng mga tatak nito?”

At walang sinuman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ang makapagbukas ng aklat o makatingin man sa loob nito.

Ako'y labis na umiyak, sapagkat walang natagpuang sinuman na karapat-dapat magbukas ng aklat, o tumingin sa loob nito.

At(AM) sinabi sa akin ng isa sa matatanda, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon sa lipi ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang mabuksan niya ang aklat at ang pitong tatak nito.”

Pagkatapos(AN) ay nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na nilalang na buháy at sa gitna ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad sa isang pinaslang, na may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong Espiritu ng Diyos, na sinugo sa buong daigdig.

Siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay ng nakaluklok sa trono.

Pagkakuha(AO) niya sa aklat, ang apat na nilalang na buháy at ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpatirapa sa harapan ng Kordero, na ang bawat isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na punô ng insenso, na siyang mga panalangin ng mga banal.

At(AP) sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi,

“Ikaw ay karapat-dapat na kumuha sa aklat
    at magbukas ng mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinatay, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay binili mo para sa Diyos
    ang mga tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa.
10 At(AQ) sila'y iyong ginawang isang kaharian at mga pari para sa aming Diyos;
    at sila'y maghahari sa ibabaw ng lupa.”

11 Nakita(AR) ko at narinig ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buháy at ng matatanda; at ang bilang nila ay milyun-milyon at libu-libo,

12 na nagsasabi ng may malakas na tinig,

“Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan.”

13 At ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito ay narinig kong nagsasabi,

“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan, magpakailanpaman.

14 At ang apat na nilalang na buháy ay nagsabi, “Amen!” At ang matatanda ay nagpatirapa at sumamba.

Ang Pitong Tatak

Pagkatapos ay nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na nilalang na buháy, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, “Halika!”

Tumingin(AS) ako at nakita ko ang isang kabayong puti, at ang nakasakay doon ay may isang pana; binigyan siya ng isang korona at siya'y humayong lumulupig, at upang lumupig.

Nang buksan niya ang ikalawang tatak ay narinig ko ang ikalawang nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!”

At(AT) may lumabas na isa pang pulang kabayo at ang nakasakay doon ay pinagkaloobang alisin sa lupa ang kapayapaan upang magpatayan ang isa't isa; at binigyan siya ng isang malaking tabak.

Nang(AU) buksan niya ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!” At nakita ko ang isang kabayong itim; at ang nakasakay rito ay may isang timbangan sa kanyang kamay.

At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Isang takal na trigo para sa isang denario at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; ngunit huwag mong pinsalain ang langis at ang alak!”

Nang buksan niya ang ikaapat na tatak ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Halika!”

Tumingin(AV) ako at naroon ang isang kabayong maputla, at ang nakasakay roon ay may pangalang Kamatayan at ang Hades ay sumusunod sa kanya. At sila'y pinagkalooban ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng taggutom, ng salot, at ng mababangis na hayop sa lupa.

Nang buksan niya ang ikalimang tatak ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos, at dahil sa patotoong taglay nila.

10 Sila'y sumigaw nang may malakas na tinig, “Kailan pa, O Makapangyarihang Panginoon, banal at totoo, bago mo hatulan at ipaghiganti ang aming dugo sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa?”

11 At binigyan ang bawat isa sa kanila ng isang puting balabal at sa kanila'y sinabi na magpahinga pa sila ng kaunting panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papataying tulad nila.

12 Nang(AW) buksan niya ang ikaanim na tatak, nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng damit-sako at ang bilog na buwan ay naging gaya ng dugo;

13 at(AX) ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na nalalaglag ang kanyang mga bungang bubot kapag inuuga ng malakas na hangin.

14 Ang(AY) langit ay nahawi na gaya ng isang balumbong nilululon, at ang bawat bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinalalagyan.

15 Ang(AZ) mga hari sa lupa, ang mga prinsipe, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malaya, ay nagtago sa mga yungib, sa mga bato at sa mga bundok;

16 at(BA) sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono, at mula sa poot ng Kordero;

17 sapagkat(BB) dumating na ang dakilang araw ng kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?”[i]

Ang 144,000—ang Bayang Israel

Pagkatapos(BC) nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anumang punungkahoy.

At nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Diyos na buháy at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkalooban ng kapangyarihang pinsalain ang lupa at ang dagat,

na(BD) nagsasabi, “Huwag ninyong pinsalain ang lupa, o ang dagat, o ang mga punungkahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.”

At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000, tinatakan mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:

Sa lipi ni Juda ay 12,000 ang tinatakan;
sa lipi ni Ruben ay 12,000;
sa lipi ni Gad ay 12,000;
sa lipi ni Aser ay 12,000;
sa lipi ni Neftali ay 12,000;
sa lipi ni Manases ay 12,000;
sa lipi ni Simeon ay 12,000;
sa lipi ni Levi ay 12,000;
sa lipi ni Isacar ay 12,000;
sa lipi ni Zebulon ay 12,000;
sa lipi ni Jose ay 12,000;
sa lipi ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan.

Ang Di-Mabilang na mga Tao

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay;

10 at nagsisigawan nang may malakas na tinig, na nagsasabi,

“Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!”

11 At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buháy at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos,

12 na nagsasabi,

“Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan,
pagpapasalamat, karangalan,
kapangyarihan, at kalakasan,
ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen.”

13 At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, “Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?”

14 Sinabi(BE) ko sa kanya, “Ginoo, ikaw ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.

15 Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.

16 Sila'y(BF) hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init,

17 sapagkat(BG) ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”

Ang Ikapitong Tatak

Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak ay nagkaroon ng katahimikan sa langit nang may kalahating oras.

At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at sila'y binigyan ng pitong trumpeta.

Dumating(BH) ang isa pang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong lalagyan ng insenso; at binigyan siya ng maraming insenso, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng trono.

At umakyat ang usok ng insenso, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, mula sa kamay ng anghel patungo sa harapan ng Diyos.

At(BI) kinuha ng anghel ang lalagyan ng insenso at pinuno niya ng apoy ng dambana, itinapon niya sa lupa at nagkaroon ng mga kulog, mga tunog, mga kidlat, at ng lindol.

Ang Pitong Trumpeta

At ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay naghanda upang hipan ang mga trumpeta.

Hinipan(BJ) ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng yelo at apoy na may halong dugo, at itinapon ang mga ito sa lupa. Ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punungkahoy ay nasunog, at ang lahat ng luntiang damo ay nasunog.

Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay itinapon sa dagat.

Ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo, namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na may buhay na nasa dagat at ang ikatlong bahagi ng mga barko ay nawasak.

10 Hinipan(BK) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig.

11 Ang(BL) pangalan ng bituin ay Halamang Mapait at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging mapait at maraming tao ang namatay dahil sa tubig, sapagkat ito ay mapait.

12 Hinipan(BM) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at tinamaan ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin kaya't nagdilim ang ikatlong bahagi nila, at ang ikatlong bahagi ng maghapon ay hindi nagliwanag, at gayundin naman ang gabi.

13 At tumingin ako, at aking narinig ang isang agila, na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na nagsasabi ng malakas na tinig, “Kahabag-habag, kahabag-habag, kahabag-habag ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga tunog ng mga trumpeta na malapit nang hipan ng tatlo pang anghel.”

At hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit at sa kanya'y ibinigay ang susi ng hukay ng di-matarok na kalaliman.

Binuksan(BN) niya ang hukay ng di-matarok na kalaliman at umakyat ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking hurno at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay.

At(BO) naglabasan mula sa usok ang mga balang sa lupa at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng kapangyarihan ng mga alakdan sa lupa.

At(BP) sinabi sa kanila na huwag pinsalain ang damo sa lupa, ni ang anumang luntian, ni ang anumang punungkahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo.

Pinahintulutan silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan ng limang buwan at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao.

At(BQ) sa mga araw na iyon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan at sa anumang paraa'y hindi nila matatagpuan; at magnanasang mamatay at ang kamatayan ay tatakas sa kanila.

Ang(BR) anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa digmaan, at sa kanilang mga ulo ay mayroong gaya ng mga koronang ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao.

Sila'y(BS) may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon.

At(BT) sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang tunog ng kanilang mga pakpak ay gaya ng tunog ng mga karwahe at ng maraming kabayo na rumaragasa sa labanan.

10 Sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan at may mga pantusok; at sa kanilang mga buntot ay naroroon ang kanilang kapangyarihan upang pinsalain ang mga tao ng limang buwan.

11 Sila'y may isang hari, ang anghel ng di-matarok na kalaliman; ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon,[j] at sa Griyego ay tinatawag siyang Apolyon.[k]

12 Ang unang kapighatian ay nakaraan na. Mayroon pang dalawang kapighatiang darating.

13 At(BU) hinipan ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng dambanang ginto na nasa harapan ng Diyos,

14 na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.”

15 Kaya't kinalagan ang apat na anghel, na inihanda para sa oras, araw, buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi ng mga tao.

16 Ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay makalawang sampung libong tigsasampung libo; aking narinig ang bilang nila.

17 At ganito ko nakita ang mga kabayo sa pangitain: ang mga nakasakay ay may mga baluting gaya ng apoy, ng jacinto at ng asupre; at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy, usok at asupre.

18 Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay pinatay ang ikatlong bahagi ng mga tao sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng asupre na lumalabas sa kanilang mga bibig.

19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig at nasa kanilang mga buntot; ang kanilang mga buntot ay katulad ng mga ahas, na may mga ulo; at sa pamamagitan ng mga ito'y nakakapaminsala sila.

20 At(BV) ang natira sa mga tao na hindi napatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay ni inihinto ang pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakalakad man.

21 At sila'y hindi nagsisi sa kanilang mga pagpatay, o sa kanilang pangkukulam, o sa kanilang pakikiapid, o sa kanilang pagnanakaw.

Ang Anghel na may Munting Aklat

10 At nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na nanaog mula sa langit, na nababalot ng isang ulap, at may bahaghari sa kanyang ulo, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw, at ang kanyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy.

May isang maliit na balumbon na bukas sa kanyang kamay at kanyang itinuntong ang kanyang kanang paa sa dagat, at ang kaliwang paa sa lupa.

Siya ay sumigaw nang may malakas na tinig, na gaya ng leon na umuungal; at pagkasigaw niya, ang pitong kulog ay umugong.

Nang tumunog ang pitong kulog, susulat sana ako, ngunit narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Tatakan mo ang mga bagay na sinabi ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga ito.”

At(BW) itinaas ng anghel na aking nakita na nakatayo sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay sa langit,

at nanumpa sa nabubuhay magpakailanpaman, na siyang lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto: “Hindi na maaantala pa,

ngunit sa mga araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, magaganap ang hiwaga ng Diyos, ayon sa kanyang ipinahayag sa kanyang mga lingkod na propeta.”

At(BX) ang tinig na aking narinig mula sa langit ay muling nagsalita sa akin, na nagsasabi, “Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa.”

Kaya't ako'y lumapit sa anghel at sinabi ko sa kanya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kanyang sinabi sa akin, “Kunin mo ito at ito'y kainin mo; ito ay magiging mapait sa iyong tiyan, ngunit sa iyong bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot.”

10 Kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot, ngunit nang aking makain ay pumait ang aking tiyan.

11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang muli kang magpahayag ng propesiya tungkol sa maraming mga bayan at mga bansa, mga wika at mga hari.”

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos(BY) ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon.

Ngunit(BZ) huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.

Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.”

Ang(CA) mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.

At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan.

Ang(CB) mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin.

At(CC) kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.

At(CD) ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.

Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing.

10 At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ngunit(CE) pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.

12 At(CF) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, “Umakyat kayo rito!” At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.

13 At(CG) nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit.

14 Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating.

Ang Ikapitong Trumpeta

15 At(CH) hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit na nagsasabi,

“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon
    at ng kanyang Cristo,
at siya'y maghahari magpakailanpaman.”

16 At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos,

17 na nagsasabi,

“Pinasasalamatan ka namin, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang ngayon at ang nakaraan,
sapagkat kinuha mo ang iyong dakilang kapangyarihan,
    at ikaw ay naghari.
18 Nagalit(CI) ang mga bansa, ngunit dumating ang iyong poot,
at ang panahon upang hatulan ang mga patay,
at upang bigyan ng gantimpala ang iyong mga alipin, ang mga propeta, at ang mga banal, at ang mga natatakot sa iyong pangalan,
ang mga hamak at dakila, at upang puksain mo ang mga pumupuksa sa lupa.”

19 At(CJ) nabuksan ang templo ng Diyos na nasa langit at nakita sa kanyang templo ang kaban ng kanyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, ng mga tinig, ng mga kulog, ng lindol, at mabigat na yelong ulan.

Ang Babae at ang Dragon

12 At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong ng labindalawang bituin;

siya'y nagdadalang-tao at sumisigaw sa hirap sa panganganak at sa sakit ng pagluluwal.

At(CK) may isa pang tanda na nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa kanyang mga ulo'y may pitong diadema.

Kinaladkad(CL) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga ito sa lupa. At tumayo ang dragon sa harapan ng babae na malapit nang manganak, upang lamunin ang anak ng babae pagkapanganak niya.

At(CM) siya'y nanganak ng isang batang lalaki na siyang magpapastol na may pamalong bakal sa lahat ng mga bansa. Ngunit ang kanyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos at sa kanyang trono.

Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya'y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw.

At(CN) nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma,

ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.

At(CO) itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.

10 At(CP) narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi,

“Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan,
    at ang kaharian ng ating Diyos,
    at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo,
sapagkat itinapon na ang tagapag-paratang sa ating mga kapatid
    na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi.
11 At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero,
    at dahil sa salita ng kanilang patotoo,
sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan.
12 Kaya't magalak kayo, O mga langit
    at kayong mga naninirahan diyan!
Kahabag-habag ang lupa at dagat
    sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo
na may malaking poot,
    palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!”

13 Nang makita ng dragon na siya'y itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalaki.

14 Ngunit(CQ) ang babae'y binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad siya mula sa harap ng ahas patungo sa ilang hanggang sa kanyang lugar, na pinaalagaan sa kanya ng isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.

15 At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig sa babae na gaya ng isang ilog upang tangayin siya ng agos.

16 Ngunit ang babae ay tinulungan ng lupa at ibinuka nito ang kanyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig.

17 Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus.

18 At tumayo ang dragon[l] sa buhanginan ng dagat.

Ang Dalawang Halimaw

13 At(CR) nakita ko ang isang halimaw na umaahon sa dagat, may sampung sungay at pitong ulo, at sa kanyang mga sungay ay may sampung diadema, at sa kanyang mga ulo ay mga pangalan ng kalapastanganan.

At(CS) ang halimaw na aking nakita ay katulad ng isang leopardo at ang kanyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kanyang bibig ay gaya ng bibig ng leon. At ibinigay rito ng dragon ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang trono, at dakilang kapamahalaan.

Ang isa sa mga ulo nito ay parang pinatay, ngunit ang sugat nito na ikamamatay ay gumaling, at ang buong lupa ay namamanghang sumunod sa halimaw.

Ang mga tao'y sumamba sa dragon sapagkat ibinigay niya ang kanyang kapangyarihan sa halimaw; at sinamba nila ang halimaw, na sinasabi, “Sino ang katulad ng halimaw at sinong makakalaban dito?”

Ang(CT) halimaw ay binigyan ng isang bibig na nagsasalita ng mga palalong bagay at ng mga kalapastanganan, at pinahintulutan siyang gumamit ng kapangyarihan sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.

Ibinuka niya ang kanyang bibig upang magsalita ng mga kalapastanganan sa Diyos, upang lapastanganin ang kanyang pangalan at ang kanyang tahanan gayundin ang mga naninirahan sa langit.

Ipinahintulot(CU) din sa kanya na makipagdigma sa mga banal at sila'y lupigin. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat angkan, bayan, wika at bansa,

at(CV) ang lahat ng naninirahan sa lupa ay sasamba sa kanya, ang lahat na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan.

Kung ang sinuman ay may pandinig ay makinig:

10 Kung(CW) ang sinuman ay patungo sa pagkabihag, sa pagkabihag siya patutungo. Kung ang sinuman ay pumapatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan ng tabak siya dapat papatayin. Ito ay panawagan para sa pagtitiis at pananampalataya ng mga banal.

11 At nakita ko ang isa pang halimaw na umaahon sa lupa; at ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero at siya'y nagsasalita na parang dragon.

12 Kanyang ginagamit ang buong kapangyarihan ng unang halimaw na nasa kanyang paningin, at pinasasamba niya ang lupa at ang mga naninirahan dito sa unang halimaw na ang sugat na ikamamatay ay gumaling na.

13 Ito'y gumagawa ng mga dakilang tanda, pati na ang pagpapababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao.

14 At nadadaya nito ang mga naninirahan sa lupa dahil sa mga tanda na pinahintulutang gawin nito sa paningin ng halimaw, na sinasabi sa mga naninirahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan ng halimaw na sinugatan ng tabak ngunit nabuhay.

15 At ito'y pinahintulutang makapagbigay ng hininga sa larawan ng halimaw upang ang larawan ng halimaw ay makapagsalita, at maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng halimaw.

16 At ang lahat, ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin ay pinalagyan nito ng isang tanda sa kanilang kanang kamay o sa noo,

17 upang walang sinumang makabili o makapagbili, maliban ang may tanda, samakatuwid, ng pangalan ng halimaw o ng bilang ng pangalan nito.

18 Kailangan dito ang karunungan: ang may pang-unawa ay bilangin ang bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang nito ay animnaraan at animnapu't anim.

Ang Kordero at ang 144,000

14 Pagkatapos(CX) ay tumingin ako, at naroon ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan at apatnapu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kanyang Ama, na nakasulat sa kanilang mga noo.

At narinig ko ang isang tinig mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog; ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa.

At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit sa harapan ng trono, at sa harapan ng apat na nilalang na buháy at ng matatanda. Walang sinumang natuto ng awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libo lamang, na tinubos mula sa lupa.

Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang sarili sa mga babae; sapagkat sila'y malilinis.[m] Ang mga ito'y ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya magtungo. Ang mga ito'y ang tinubos mula sa mga tao, bilang mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero.

At(CY) sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila'y mga walang dungis.

Ang Tatlong Anghel

At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan.

Sinabi niya sa malakas na tinig, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa kanya, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”

At(CZ) isa pang anghel, ang pangalawa, ay sumunod na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid.”

At isa pang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na sinasabi sa malakas na tinig, “Kung ang sinuman ay sumasamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay,

10 ay(DA) iinom din naman ng alak ng poot ng Diyos, na inihahandang walang halo sa kopa ng kanyang poot at pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero.

11 At(DB) ang usok ng hirap nila ay papailanglang magpakailanpaman; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng tanda ng kanyang pangalan.

12 Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak ng matatag sa pananampalataya ni Jesus.[n]

13 At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon.” “Oo,” sinasabi ng Espiritu, “sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.”

Ang Paggapas sa Lupa

14 Pagkatapos(DC) ay nakita ko roon ang isang puting ulap, at nakaupo sa ulap ang isang katulad ng isang Anak ng Tao na sa kanyang ulo'y may isang gintong korona, at sa kanyang kamay ay may isang matalas na karit.

15 Lumabas(DD) ang isa pang anghel mula sa templo, na sumisigaw nang may malakas na tinig doon sa nakaupo sa ulap, “Ihulog mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat dumating na ang oras ng paggapas, at hinog na ang aanihin sa lupa.”

16 Kaya't inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kanyang karit sa lupa at ang lupa ay nagapasan.

17 At lumabas ang isa pang anghel mula sa templo sa langit na siya rin ay may matalas na karit.

18 Ang isa pang anghel ay lumabas mula sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tumawag siya nang may malakas na tinig doon sa may matalas na karit, “Ihulog mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa, sapagkat ang mga ubas nito ay hinog na.”

19 Kaya't inihagis ng anghel ang kanyang karit sa lupa, at tinipon ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa malaking pisaan ng ubas ng poot ng Diyos.

20 At(DE) pinisa ang ubas sa pisaan sa labas ng lunsod, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa layong halos dalawandaang milya.[o]

Ang mga Anghel na may Panghuling Salot

15 At nakita ko ang isa pang tanda sa langit, dakila at kamanghamangha: pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagkat sa mga ito'y matatapos ang poot ng Diyos.

At nakita ko ang tulad sa isang dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga dumaig sa halimaw at sa larawan nito, at sa bilang ng pangalan nito na nakatayo sa tabi ng dagat na kristal at may hawak na mga alpa ng Diyos.

At(DF) inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos, at ang awit ng Kordero na sinasabi,

“Dakila at kamanghamangha ang iyong mga gawa,
    O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
Matuwid at tunay ang iyong mga daan,
    ikaw na Hari ng mga bansa.
Sinong(DG) hindi matatakot
    at luluwalhati sa iyong pangalan O Panginoon,
sapagkat ikaw lamang ang banal.
    Ang lahat ng mga bansa ay darating
    at sasamba sa harapan mo;
sapagkat ang iyong mga matuwid na gawa ay nahayag.”

Pagkatapos(DH) ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at ang templo ng tolda ng patotoo sa langit ay nabuksan.

At mula sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may pitong salot, na nakadamit ng dalisay at makintab na lino, at nabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib.

At isa sa apat na nilalang na buháy ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na punô ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman.

At(DI) napuno ng usok ang templo mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan; at walang sinumang nakapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.

Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos

16 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa templo, na nagsasabi sa pitong anghel, “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos.”

Kaya't(DJ) humayo ang una at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa; at nagkaroon ng nakakapandiri at masamang sugat ang mga taong may tanda ng halimaw, at ang mga sumamba sa larawan nito.

Ibinuhos naman ng ikalawa ang kanyang mangkok sa dagat at ito'y naging parang dugo ng isang taong patay; at bawat may buhay na nasa dagat ay namatay.

Ibinuhos(DK) ng ikatlo ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at naging dugo ang mga ito.

At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi,

“Matuwid ka, ikaw na siyang ngayon at ang nakaraan, O Banal,
    sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito,
sapagkat pinadanak nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta,
    at pinainom mo sila ng dugo.
Ito'y karapat-dapat sa kanila!”

At narinig ko ang dambana na nagsasabi,

“Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    tunay at matuwid ang iyong mga hatol!”

At ibinuhos ng ikaapat ang kanyang mangkok sa araw at pinahintulutan itong pasuin ng apoy ang mga tao.

At napaso ang mga tao sa matinding init, ngunit kanilang nilait ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nagsisi upang siya'y luwalhatiin.

10 Ibinuhos(DL) naman ng ikalima ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kanyang kaharian. Kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila dahil sa hirap,

11 at nilait nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nagsisi sa kanilang mga gawa.

12 Ibinuhos(DM) ng ikaanim ang kanyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates at natuyo ang tubig nito, upang ihanda ang daraanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.

13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon at mula sa bibig ng halimaw at mula sa bibig ng bulaang propeta ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka.

14 Sila'y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda; pumupunta sa mga hari ng buong daigdig, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

15 (“Masdan(DN) ninyo, ako'y dumarating na gaya ng magnanakaw. Mapalad ang nananatiling gising at nakadamit,[p] upang siya'y hindi lumakad na hubad at makita ang kanyang kahihiyan.”)

16 At(DO) sila'y tinipon nila sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.

17 Ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid at lumabas sa templo ang isang malakas na tinig, mula sa trono na nagsasabi, “Naganap na!”

18 At(DP) nagkaroon ng mga kidlat, mga tinig, mga kulog, at malakas na lindol, na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng tao sa lupa, isang napakalakas na lindol.

19 Ang(DQ) dakilang lunsod ay nahati sa tatlo, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak. Naalala ng Diyos ang dakilang Babilonia at binigyan niya ito ng kopa ng alak ng kabagsikan ng kanyang poot.

20 At(DR) tumakas ang bawat pulo at walang mga bundok na matagpuan.

21 At(DS) bumagsak sa mga tao ang ulan ng malalaking yelo na ang bigat ay halos isandaang libra[q] buhat sa langit, at nilait ng mga tao ang Diyos dahil sa salot na ulan ng yelo, sapagkat ang salot na ito ay lubhang nakakatakot.

Ang Reyna ng Kahalayan

17 At(DT) dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok at nagsalita sa akin na nagsasabi, “Halika. Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa tanyag na mahalay na babae[r] na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig;

na(DU) sa kanya'y nakiapid ang mga hari sa lupa, at ang mga naninirahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid.

At(DV) ako'y kanyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang halimaw na pula, na punô ng mga pangalan ng kalapastanganan na may pitong ulo at sampung sungay.

Ang(DW) babae ay nakadamit ng kulay-ube at ng matingkad na pula, nagagayakan ng ginto at ng mahahalagang bato at mga perlas, at hawak sa kanyang kamay ang isang kopang ginto na punô ng mga karumaldumal at mga bagay na marurumi ng kanyang pakikiapid,

at sa kanyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, ang isang hiwaga: “dakilang Babilonia, ina ng mga mahalay na babae[s] at ng mga karumaldumal sa lupa.”

At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir[t] ni Jesus. Nang makita ko siya, ako ay lubhang nanggilalas.

Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay.

Ang(DX) halimaw na nakita mo ay buháy noon[u] at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa di-matarok na kalaliman at patungo sa kapahamakan. At silang mga naninirahan sa lupa, na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat buháy noon ngunit ngayo'y wala na at darating pa.

“Kailangan dito ang pag-iisip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae; sila rin ay pitong hari,

10 ang lima sa kanila ay bumagsak, ang isa'y nananatili pa, ang isa ay hindi pa dumarating at pagdating niya, kailangang magpatuloy siya nang sandaling panahon.

11 At ang halimaw na buháy noon at ngayo'y wala na, ay siya ring ikawalo ngunit kabilang sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan.

12 At(DY) ang sampung sungay na iyong nakita ay sampung hari, na hindi pa tumatanggap ng kaharian; subalit sila'y tatanggap ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw.

13 Ang mga ito ay may isang pag-iisip at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa halimaw.

14 Makikipagdigma ang mga ito laban sa Kordero at sila'y dadaigin ng Kordero, sapagkat siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay mga tinawag, mga hinirang at tapat.”

15 At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng mahalay na babae[v] ay mga bayan, napakaraming tao, mga bansa, at mga wika.

16 At ang sampung sungay na iyong nakita, sila at ang halimaw ay mapopoot sa mahalay na babae;[w] siya'y pababayaan at huhubaran nila, lalamunin ang kanyang laman at siya'y lubos na susunugin sa apoy.

17 Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at magkaisa ng pag-iisip at ibigay ang kanilang paghahari sa halimaw, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.

18 Ang babae na iyong nakita ay ang dakilang lunsod na naghahari sa mga hari sa lupa.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001