Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 18-20

Mga Handog para sa mga Pari at sa mga Levita

18 “Ang mga pari na mga Levita, at ang iba pang mga sakop ng lahi ni Levi ay walang lupaing mamanahin sa Israel. Makakakain lang sila sa pamamagitan ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, dahil ito ang kanilang mana. Wala silang mamanahing lupain hindi tulad ng kapwa nila Israelita; ang Panginoon ang kanilang mana ayon sa ipinangako niya sa kanila.

“Balikat, pisngi at tiyan ang mga bahaging mula sa baka o tupa na mula sa handog ng mga tao ang nakalaan para sa mga pari. Ibigay din ninyo sa mga pari ang naunang bahagi ng inyong trigo, bagong katas ng ubas, langis at balahibo ng tupa. Sapagkat sa lahat ng lahi ng Israel, sila at ang kanilang mga angkan ang pinili ng Panginoon na inyong Dios para maglingkod sa kanya magpakailanman.

“Ang sinumang Levita na naninirahan sa kahit saang lugar ng Israel ay makakapunta sa lugar na pinili ng Panginoon, at makapaglilingkod siya roon sa Panginoon na kanyang Dios, katulad ng kapwa niya Levita na naglilingkod doon sa presensya ng Panginoon. Makakatanggap din siya ng kanyang bahagi sa mga handog kahit na mayroon pa siyang tinatanggap mula sa iba na kanyang ikinabubuhay.

Ang mga Kasuklam-suklam na Kaugalian

“Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong susundin ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga naninirahan doon. 10 Wala ni isa man sa inyo na magsusunog ng kanyang anak bilang handog. At huwag din kayong manghuhula, mangkukulam, 11 manggagaway, gumagawa ng mga ginagawa ng mga espiritista, at makikipag-usap sa espiritu ng mga patay. 12 Kinasusuklaman ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit palalayasin ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansa sa inyong harapan. 13 Wala dapat kayong maging kapintasan sa harap ng Panginoon na inyong Dios.

Ang mga Propeta

14 “Ang mga bansang ito na palalayasin ninyo ay sumasangguni sa mga mangkukulam at mga manghuhula. Pero kayo, pinagbabawalan ng Panginoon na inyong Dios sa paggawa nito. 15 Sa halip, magpapadala sa inyo ang Panginoon na inyong Dios ng isang propeta na mula sa inyo at kadugo ninyo tulad ko. At kailangang makinig kayo sa kanya. 16 Sapagkat ito ang hinihingi ninyo sa Panginoon na inyong Dios nang magtipon kayo roon sa Horeb. Sinabi ninyo sa Panginoon, ‘Huwag nʼyong iparinig sa amin ang boses nʼyo o ipakita ang naglalagablab na apoy dahil baka mamatay kami.’

17 “Kaya sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Mabuti ang kanilang hinihingi. 18 Magpapadala ako sa kanila ng isang propeta na mula sa kanila at kadugo nila tulad mo. Ipasasabi ko sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanila. 19 Parurusahan ko ang sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi ng propeta na ito sa pamamagitan ng aking pangalan. 20 At kailangang patayin ang sinumang propetang magsasalita sa aking pangalan nang hindi ko inuutusan o magsasalita sa pangalan ng ibang dios.’

21 “Maaaring isipin ninyo, ‘Paano ba namin malalaman kung iyon nga ay mensahe ng Panginoon?’ 22 Kapag ang sinabi ng propeta na gumamit ng pangalan ng Panginoon ay hindi mangyari o magkatotoo, ang mensahe niya ay hindi galing sa Panginoon. Gawa-gawa lang iyon ng propeta, kaya huwag kayong matakot sa kanya.

Ang mga Lungsod na Tanggulan(A)

19 “Kapag nilipol na ng Panginoon na inyong Dios ang mga mamamayan na ang mga lupain ay ibinibigay niya sa inyo, at kapag napalayas na ninyo sila at doon na kayo naninirahan sa kanilang mga bayan at mga bahay, pumili kayo ng tatlong lungsod na tanggulan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na aangkinin ninyo. Hatiin ninyo sa tatlong distrito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, na may isang lungsod na tanggulan sa bawat distrito. Ayusin ninyo ang mga daan papunta doon, para ang sinumang makapatay ng tao ay makakatakas papunta sa isa sa mga lungsod na iyon. Kung nakapatay ng tao ang kanyang kapwa nang hindi sinadya at hindi dahil sa galit, makakatakas siya papunta sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon.

“Kung ang isang tao ay pumunta sa kakahuyan para mangahoy kasama ang kanyang kapitbahay, at habang pumuputol siya ng kahoy ay biglang natanggal ang ulo ng palakol niya at natamaan ang kapitbahay niya, at namatay ito, pwede siyang makatakas papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon. Kung ang lungsod na tanggulan ay malayo sa taong nakapatay, baka habulin siya ng tao na gustong gumanti sa kanya, at mapatay siya. Pero hindi siya dapat patayin dahil hindi sinasadya ang pagkakapatay niya at wala naman siyang galit sa napatay. Ito ang dahilan kung bakit ko kayo inuutusang pumili ng tatlong lungsod na tanggulan.

“Palalawakin ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at magiging inyo ang buong lupain na ipinangako niya sa kanila. Gagawin ito ng Panginoon na inyong Dios kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na iniuutos ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mamuhay kayong lagi ayon sa kanyang mga pamamaraan. Kapag lumawak na ang inyong lupain, magdagdag pa kayo ng tatlo pang bayan na tanggulan. 10 Gawin ninyo ito para walang inosenteng tao na mamamatay sa lupain ninyo, na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang mana, at para hindi na kayo magkasala kung may inosenteng tao na mapatay.

11 “Ngunit kung ang isang tao ay napopoot sa kanyang kapwa at inabangan niya ito at pinatay, at pagkatapos ay tumakas siya papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan, 12 kailangang ipakuha siya ng mga tagapamahala ng kanyang bayan at ibigay sa gustong gumanti sa kanya para patayin siya. 13 Huwag kayong maaawa sa kanya. Kailangang alisin ninyo sa Israel ang pumapatay ng mga inosenteng tao para maging mabuti ang inyong kalagayan.

Ang Hangganan ng Lupa

14 “Kapag dumating na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, huwag ninyong nanakawin ang lupain ng inyong kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon[a] ng kanyang lupain na inilagay noon ng inyong ninuno.

Ang mga Saksi

15 “Huwag ninyong hahatulan na nagkasala ang isang tao dahil lang sa patotoo ng isang saksi. Kailangang may dalawa o tatlong saksi na magpapatotoo na ang isang tao ay nagkasala. 16 Kung ang isang saksi ay tatayo sa korte at magpapahayag ng kasinungalingan na nagkasala ang isang tao, 17 patatayuin silang dalawa sa presensya ng Panginoon, sa harap ng mga pari at ng mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon. 18-19 Dapat itong imbestigahang mabuti ng mga hukom, at kung mapapatunayang nagsisinungaling nga ang saksi sa pamamagitan ng pambibintang sa kanyang kapwa, dapat siyang parusahan ng parusang dapat sana ay sa taong pinagbintangan niya. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. 20 Matatakot ang makakarinig nito at wala nang gagawa muli ng masamang gawang ito. 21 Huwag kayong magpakita ng awa. Kung pinatay ng isang tao ang kapwa niya, dapat din siyang patayin. Kung nambulag siya, dapat din siyang bulagin. Kung nambungi siya, dapat din siyang bungiin. Kung nambali siya ng kamay at paa, dapat ding baliin ang kamay at paa niya.

Ang mga Kautusan tungkol sa Digmaan

20 “Kung kayoʼy makikipagdigma, at makita ninyo na mas marami ang mga kabayo, karwahe at sundalo ng inyong kalaban, huwag kayong matatakot, dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Bago kayo pumunta sa digmaan, dapat lumapit muna ang pari sa harapan ng mga sundalo at sabihin, ‘Makinig kayo, O mamamayan ng Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma kayo sa inyong mga kaaway. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong matakot. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ang sasama sa inyo! Makikipaglaban siya para sa inyo laban sa mga kaaway ninyo at pagtatagumpayin niya kayo!’

“Pagkatapos, ganito dapat ang sasabihin ng mga opisyal sa mga sundalo: ‘Sinuman sa inyo ang may bagong bahay na hindi pa naitatalaga, umuwi siya, dahil baka mapatay siya sa labanan, at ibang tao ang magtalaga ng bahay niya. Kung mayroon sa inyong nakapagtanim ng ubas at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga nito, umuwi rin siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang makinabang nito. Kung may ikakasal sa inyo, umuwi siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang pakasalan ng kanyang mapapangasawa.’

“Sasabihin pa ng mga opisyal, ‘Kung mayroon sa inyong natatakot o naduduwag, umuwi siya dahil baka maduwag din ang mga kasama niya.’ Kapag natapos na ng mga opisyal ang pagsasabi nito sa mga sundalo, pipili sila ng mga pinuno para pamahalaan ang mga sundalo.

10 “Kung sasalakay kayo sa isang lungsod, bigyan nʼyo muna sila ng pagkakataong sumuko. 11 Kapag sumuko sila at buksan ang pintuan ng kanilang lungsod, gawin nʼyong alipin silang lahat at pagtrabahuhin para sa inyo. 12 Pero kung hindi sila susuko kundi makikipaglaban sila sa inyo, salakayin ninyo sila. 13 Kapag silaʼy natalo na ninyo sa tulong ng Panginoon na inyong Dios sa inyo, patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga lalaki. 14 Ngunit maaari ninyong bihagin ang mga babae, mga bata, at ang mga hayop, at maaari ninyong samsamin ang lahat ng ari-arian na nasa lungsod. Gamitin ninyo ang mga samsam na ito na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios mula sa mga kaaway ninyo. 15 Gawin lang ninyo ito sa mga lungsod na hindi bahagi ng lupaing sasakupin ninyo. 16 Pero patayin ninyong lahat ang tao sa mga lungsod na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana. 17 Lipulin ninyo ang lahat ng Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo at Jebuseo, bilang handog sa Panginoon na inyong Dios ayon sa kanyang iniutos. 18 Sapagkat kung hindi, tuturuan nila kayo ng lahat ng kasuklam-suklam na gawa na ginagawa nila sa pagsamba nila sa kanilang mga dios, at dahil ditoʼy magkakasala kayo sa Panginoon na inyong Dios. 19 Kung matagal ang inyong pagsalakay sa isang lungsod, huwag ninyong puputulin ang mga punong namumunga. Kainin ninyo ang mga bunga nito, pero huwag nga ninyong puputulin, dahil hindi ninyo sila kalaban na inyong lilipulin. 20 Pero maaari ninyong putulin ang mga puno na walang bunga o walang bunga na maaaring kainin, at gamitin ito sa pagsakop sa lungsod hanggang sa maagaw ninyo ito.

Lucas 9:28-50

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)

28 Mga walong araw matapos sabihin ni Jesus iyon, isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago sa isang bundok upang manalangin. 29 Habang nananalangin si Jesus, nagbago ang anyo ng kanyang mukha. At ang damit niya ay naging puting-puti at nakakasilaw tingnan. 30 Biglang lumitaw ang dalawang lalaki – sina Moises at Elias – at nakipag-usap sa kanya. 31 Nakakasilaw din ang kanilang anyo, at ang pinag-uusapan nila ni Jesus ay ang tungkol sa kanyang kamatayan na malapit nang maganap sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro. Pero nagising sila at nakita nila ang nagliliwanag na anyo ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang paalis na ang dalawang lalaki, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti poʼt narito kami.[a] Gagawa po kami ng tatlong kubol:[b] isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” (Ang totoo, hindi niya alam ang sinasabi niya.) 34 At habang nagsasalita pa si Pedro, tinakpan sila ng ulap at natakot sila. 35 May narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, na aking pinili. Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na lang si Jesus. Hindi muna nila sinabi kahit kanino ang mga nasaksihan nila nang mga panahong iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(B)

37 Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Jesus ng napakaraming tao. 38 May isang lalaki roon sa karamihan na sumisigaw, “Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang sumisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya lagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan. 40 Nakiusap ako sa mga tagasunod ninyo na palayasin nila ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 41 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang anak mo!” 42 Nang papalapit na ang bata, itinumba siya at pinangisay ng masamang espiritu. Pero pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata, at ibinalik sa ama nito. 43 Namangha ang lahat sa kapangyarihan ng Dios.

Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)

Habang mangha pa ang lahat sa mga ginawa ni Jesus, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan ang sasabihin kong ito: Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin.” 45 Pero hindi nila naunawaan ang sinasabi niya, dahil inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong sa kanya tungkol sa bagay na ito.

Sino ang Pinakadakila?(D)

46 Minsan, nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya kumuha siya ng isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakamababa sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(E)

49 Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” 50 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil ang hindi laban sa atin ay kakampi natin.”

Salmo 73

Ang Makatarungang Hatol ng Dios

73 Tunay na mabuti ang Dios sa Israel,
    lalo na sa mga taong malilinis ang puso.
Ngunit ako, halos mawalan na ako ng pananampalataya.
Nainggit ako nang makita ko na ang mayayabang at masasama ay umuunlad.
Malulusog ang kanilang mga katawan
    at hindi sila nahihirapan.
Hindi sila naghihirap at nababagabag na tulad ng iba.
Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.[a]
Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan,
    at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.
Kinukutya nila at pinagsasabihan ng masama ang iba.
    Mayayabang sila at nagbabantang manakit.
Nagsasalita sila ng masama laban sa Dios at sa mga tao.
10 Kaya kahit na ang mga mamamayan ng Dios ay lumilingon sa kanila at pinaniniwalaan ang mga sinasabi nila.
11 Sinasabi nila, “Paano malalaman ng Dios?
    Walang alam ang Kataas-taasang Dios.”

12 Ganito ang buhay ng masasama:
    wala nang problema, yumayaman pa.
13 Bakit ganoon? Wala bang kabuluhan ang malinis kong pamumuhay at paglayo sa kasalanan?
14 Nagdurusa ako buong araw.
    Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.
15 Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila,
    para na rin akong nagtraydor sa inyong mga mamamayan.
16 Kaya sinikap kong unawain ang mga bagay na ito,
    ngunit napakahirap.
17 Pero nang pumunta ako sa inyong templo,
    doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.
18 Tunay na inilalagay nʼyo sila sa madulas na daan,
    at ibinabagsak sa kapahamakan.
19 Bigla silang mapapahamak;
    mamamatay silang lahat at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.
20 Para silang isang panaginip na pagsapit ng umaga ay wala na.
    Makakalimutan na sila kapag pinarusahan nʼyo na.

21 Nang nasaktan ang aking damdamin at nagtanim ako ng sama ng loob,
22 para akong naging hayop sa inyong paningin,
    mangmang at hindi nakakaunawa.
23 Ngunit patuloy akong lumapit sa inyo at inakay nʼyo ako.
24 Ginagabayan ako ng inyong mga payo,
    at pagkatapos ay tatanggapin nʼyo ako bilang isang pangunahing pandangal.
25 Walang sinuman sa langit ang kailangan ko kundi kayo lamang.
    At walang sinuman sa mundo ang hinahangad ko maliban sa inyo.
26 Manghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan.
    Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman.
27 Ang mga taong lumalayo sa inyo ay tiyak na mapapahamak.
    Ang mga nagtaksil sa inyo ay lilipuling lahat.
28 Ngunit ako, minabuti kong maging malapit sa Dios.
    Kayo, Panginoong Dios, ang pinili kong kanlungan,
    upang maihayag ko ang lahat ng inyong mga ginawa.

Kawikaan 12:10

10 Ang taong matuwid ay mabait sa kanyang mga alagang hayop, ngunit ang taong masama ay malupit at walang awa sa kanyang mga hayop.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®