Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 9:3-10:43

Pero nang marinig ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at Ai, naghanap sila ng paraan para lokohin si Josue. Nagpadala sila ng mga tao kay Josue, ang mga asno nilaʼy may mga kargang lumang sako at mga sisidlang-balat ng alak na sira-sira at tagpi-tagpi. Nagsuot sila ng mga lumang damit at mga sandalyas na pudpod at tagpi-tagpi. Nagbaon sila ng matitigas at inaamag na mga tinapay. Pagkatapos, pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal, at sinabi sa kanya at sa mga Israelita, “Pumunta kami rito galing sa malayong lugar para hilingin sa inyo na gumawa kayo ng kasunduan sa amin na hindi nʼyo gagalawin ang mga mamamayan namin.” Pero sumagot ang mga Israelita, “Baka taga-rito rin kayo malapit sa amin. Kaya hindi kami maaaring gumawa ng kasunduan sa inyo.” Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maging lingkod ninyo.” Nagtanong si Josue sa kanila, “Sino kayo at saan kayo nanggaling?” Sumagot sila, “Galing po kami sa napakalayong lugar. Pumunta kami rito dahil narinig namin ang tungkol sa Panginoon na inyong Dios. Nabalitaan din namin ang lahat ng kanyang ginawa sa Egipto, 10 at sa dalawang hari na Amoreo sa silangan ng Jordan na sina Haring Sihon ng Heshbon, at Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot. 11 Kaya inutusan kami ng mga tagapamahala at mga kababayan namin na maghanda ng pagkain at pumunta rito, at makipagkita sa inyo para sabihin na handa kaming maglingkod sa inyo bastaʼt gumawa lang kayo ng kasunduan sa amin na hindi nʼyo kami gagalawin. 12 Tingnan nʼyo po ang tinapay namin, mainit pa ito pag-alis namin, pero ngayon matigas na at durug-durog pa. 13 Itong mga sisidlang-balat ay bago pa nang salinan namin ng alak, pero tingnan nʼyo po, sira-sira na ito. Ang mga damit at sandalyas namin ay naluma na dahil sa malayong paglalakbay.”

14 Naniwala at tinanggap ng mga Israelita ang mga ebidensya na dala nila, pero hindi sila nagtanong sa Panginoon tungkol dito. 15 Gumawa si Josue ng kasunduan sa kanila, na hindi niya sila gagalawin o kayaʼy papatayin. At nanumpa ang mga pinuno ng mga kapulungan ng Israel sa kasunduang ito.

16 Pagkalipas ng tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nabalitaan ng mga Israelita na malapit lang pala sa kanila ang tinitirhan ng mga taong iyon. 17 Kaya umalis ang mga Israelita, at matapos ang tatlong araw, nakarating sila sa mga lungsod na tinitirhan ng mga taong iyon. Itoʼy ang mga lungsod ng Gibeon, Kefira, Beerot at Kiriat Jearim. 18 Pero hindi sila nilusob ng mga Israelita dahil may sinumpaan silang kasunduan sa mga pinuno ng Israel sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.

Nagreklamo ang mga Israelita sa mga pinuno nila, 19 pero sumagot ang lahat ng pinuno, “May sinumpaan na tayo sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kaya ngayon ay hindi natin sila pwedeng galawin. 20 Ganito ang gagawin natin: Hindi natin sila papatayin dahil baka parusahan tayo ng Dios kapag sinira natin ang sumpaan natin sa kanila. 21 Pabayaan natin silang mabuhay, pero gawin natin silang tagapangahoy at tagaigib ng buong mamamayan.” At ganito nga ang nangyari sa mga taga-Gibeon ayon sa sinabi ng mga pinuno tungkol sa kanila.

22 Ipinatawag ni Josue ang mga taga-Gibeon at sinabi, “Bakit nʼyo kami niloko? Bakit nʼyo sinabing galing pa kayo sa malayong lugar pero taga-rito lang pala kayo malapit sa amin? 23 Dahil sa ginawa nʼyo, isusumpa kayo ng Dios: Mula ngayon, maglilingkod kayo bilang tagapangahoy at tagaigib para sa bahay ng aking Dios.” 24 Sumagot sila kay Josue, “Ginawa namin ito dahil natatakot po kami na baka patayin nʼyo kami. Dahil nabalitaan po namin na inutusan ng Panginoon na inyong Dios si Moises na kanyang lingkod, na ibigay sa inyo ang lupaing ito at patayin ang lahat ng nakatira rito. 25 Ngayon, nandito kami sa ilalim ng kapangyarihan nʼyo, kayo ang masusunod kung ano po ang dapat ninyong gawin sa amin.” 26 Hindi pinahintulutan ni Josue na patayin sila ng mga Israelita. 27 Pero ginawa niya silang mga tagapangahoy at tagaigib para sa mga Israelita at sa altar ng Panginoon. Hanggang ngayon, ginagawa nila ang gawaing ito sa lugar na pinili ng Panginoon kung saan siya sasambahin.

Natalo ng Israel ang mga Hari sa Timog

10 Nabalitaan ni Haring Adoni Zedek ng Jerusalem na inagaw ni Josue ang Ai at nilipol nang lubusan at pinatay ang hari nito, gaya ng ginawa niya sa Jerico at sa hari nito. Nabalitaan din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkaibigan na sa mga Israelita at namuhay kasama nila. Natakot siya at ang mga tao sa kanyang nasasakupan dahil alam niya na ang Gibeon ay isang makapangyarihang lungsod na may sarili ring hari. Mas malaki pa ito sa Ai at ang mga sundalo nitoʼy mahuhusay makipaglaban. Kaya nagpadala ng mensahe si Adoni Zedek kina Haring Hoham ng Hebron, Haring Piram ng Jarmut, Haring Jafia ng Lakish, at Haring Debir ng Eglon. Ito ang mensahe niya, “Tulungan nʼyo akong lusubin ang Gibeon dahil nakipagkaibigan ito kay Josue at sa mga Israelita.” Kaya nagkaisa ang limang hari ng mga Amoreo: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. Tinipon nila ang mga sundalo nila at nilusob ang Gibeon.

Nagpadala ng mensahe ang mga taga-Gibeon kay Josue sa kampo nito sa Gilgal. Sinabi nila, “Huwag nʼyo kaming pabayaan, kaming mga lingkod ninyo. Pumunta po kayo agad dito at iligtas kami. Tulungan nʼyo kami dahil pinagtutulungan kami ng lahat ng hari ng mga Amoreo na nakatira sa mga kabundukan.” Kaya umalis si Josue kasama ang lahat ng sundalo niya, pati ang lahat ng mahuhusay makipaglaban. Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibibigay ko sila sa iyo. Wala kahit isa sa kanila ang makakatalo sa iyo.”

Buong gabing naglakad sina Josue mula sa Gilgal, at nilusob nila ang mga kalaban na walang kamalay-malay. 10 Sinindak ng Panginoon ang mga kalaban nang makaharap nila ang mga Israelita, at marami sa kanila ang pinatay doon sa Gibeon. Ang iba sa kanilaʼy hinabol at pinatay sa daang paakyat sa Bet Horon hanggang sa Azeka at Makeda. 11 Patuloy ang paghabol sa kanila ng mga Israelita habang bumababa sila galing sa Bet Horon. At nang papunta sila sa Azeka, pinaulanan sila ng Panginoon ng malalaking yelo at namatay sila. Mas marami pang namatay sa kanila sa yelo kaysa sa espada ng mga Israelita.

12 Nang araw na pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita laban sa mga Amoreo, nanalangin si Josue sa Panginoon. Pagkatapos, sinabi niya habang nakikinig ang mga Israelita, “Araw, tumigil ka sa taas ng Gibeon! Ikaw naman buwan, tumigil ka sa taas ng Lambak ng Ayalon.” 13 Kaya tumigil ang araw at ang buwan hanggang sa natalo ng mga Israelita ang mga kalaban nila.

Ang pangyayaring ito ay nakasulat sa Aklat ni Jashar. Tumigil ang araw sa gitna ng langit, at hindi ito lumubog sa buong araw. 14 Hindi pa nangyari ang ganito mula noon, mula noon, na sumagot ang Panginoon sa panalangin ng tao na kagaya nito. Tunay na nakikipaglaban ang Panginoon para sa Israel.

15 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kampo nila sa Gilgal.

Pinatay ang Limang Hari ng mga Amoreo

16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa kweba sa Makeda. 17 Pero may nakakita sa kanila na doon sila nagtatago, at sinabi nila ito kay Josue. 18 Kaya sinabi ni Josue, “Tabunan nʼyo ng malalaking bato ang bukana ng kweba at bantayan ninyo. 19 Pero huwag kayong manatili roon kundi habulin nʼyo at lusubin ang mga naiwang kalaban. Siguraduhin ninyong hindi sila makakapasok sa mga lungsod nila. Dahil ibibigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.”

20 Halos naubos ni Josue at ng mga Israelita ang mga kalaban nila. Pero mayroon ding nakaligtas at nakapasok sa mga napapaderang lungsod nito. 21 At bumalik ang lahat ng sundalo kay Josue sa kampo nila sa Makeda. Mula noon, wala nang nagtangkang magsalita laban sa mga Israelita.

22 At nag-utos si Josue, “Buksan nʼyo ang kweba at dalhin dito sa akin ang limang hari.” 23 Kaya pinalabas nila sa kweba ang limang hari: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. 24 Nang madala na ang limang hari kay Josue, tinipon ni Josue ang lahat ng mga Israelita at sinabi niya sa mga kumander ng mga sundalo niya, “Halikayo, at tapakan nʼyo ang leeg ng mga haring ito.” Kaya lumapit sila at tinapakan nila ang leeg ng mga haring iyon. 25 Sinabi sa kanila ni Josue, “Huwag kayong matakot o kayaʼy panghinaan ng loob. Magpakatatag kayo at magpakatapang. Ito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kalaban ninyo.” 26 At pinatay ni Josue ang limang hari at ipinabitin sa limang puno hanggang hapon. 27 Nang lumubog na ang araw, ipinakuha ni Josue ang mga bangkay nila at ipinatapon sa kweba na pinagtaguan nila. Tinakpan nila ang bunganga ng kweba ng malalaking bato na hanggang ngayon ay naroon pa.

Sinakop ni Josue ang Iba pang mga Lugar ng mga Amoreo

28 Nang araw na iyon, sinakop ni Josue ang Makeda. Pinapatay niya ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang hari nito. Nilipol niya ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Makeda ang ginawa rin niya sa hari ng Jerico. 29 Mula sa Makeda, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Libna at nilusob ito. 30 Ibinigay din sa kanila ng Panginoon ang lungsod at ang hari nito. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

31 Mula sa Libna, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Lakish. Pinalibutan nila ito at nilusob. 32 Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa mga Israelita sa ikalawang araw ng labanan. Gaya ng ginawa nila sa Libna, pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Lakish. 33 Habang nilulusob nila ang Lakish, si Haring Horam ng Gezer at ang mga sundalo nito ay tumulong sa Lakish, pero natalo sila ni Josue, at walang naiwang buhay sa kanila.

34 Mula sa Lakish, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Eglon. Pinalibutan din nila ito at nilusob. 35 Sa mismong araw na iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng naninirahan dito. Nilipol nila ito nang lubusan gaya ng ginawa nila sa Lakish.

36 Mula sa Eglon, umahon si Josue at ang mga Israelita sa Hebron at nilusob ito. 37 Sinakop nila ang lungsod, at pinatay nila ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga tao sa karatig baryo. Walang naiwang buhay. Winasak nila nang lubusan ang buong lungsod gaya ng ginawa nila sa Eglon.

38 Pagkatapos nito, bumalik si Josue at ang mga Israelita at lumusob sa Debir. 39 Inagaw nila ang lungsod at pinatay ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati ang mga tao sa karatig baryo. Nilipol nila ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ang ginawa nila sa Hebron at Libna at sa mga hari nito ay ginawa rin nila sa Debir at sa hari nito.

40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain – ang mga kabundukan, ang Negev, ang kaburulan sa kanluran[a] at mga libis, pati na ang mga hari nito. Nilipol nang lubusan nina Josue ang lahat ng naninirahan dito, at walang naiwang buhay. Ginawa nila ito ayon sa utos ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 41 Sinakop ni Josue ang mga lugar mula sa Kadesh Barnea hanggang sa Gaza, at mula sa buong lupain ng Goshen hanggang sa Gibeon. 42 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain at ang mga hari nito sa minsanang paglusob lamang, dahil ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ang tumulong sa kanila sa pakikipaglaban. 43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang lahat ng Israelita sa kampo nila sa Gilgal.

Lucas 16:19-17:10

Ang Mayaman at si Lazarus

19 “May isang mayamang lalaki na nakasuot ng mamahaling damit at kumakain ng masasarap na pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing puno ng galis na ang pangalan ay Lazarus. Dinadala siya sa labas ng pintuan ng bakuran ng mayaman. 21 Gusto niyang makakain kahit ng mga tira-tira lang na nahuhulog galing sa mesa ng mayaman. Nilalapitan siya roon ng mga aso at dinidilaan ang mga galis niya. 22 Namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. 23 At habang nagdurusa siya sa lugar ng mga patay,[a] nakita niya sa malayo si Lazarus na kasama ni Abraham. 24 Kaya tumawag siya, ‘Amang Abraham, maawa kayo sa akin! Utusan nʼyo po si Lazarus na isawsaw ang daliri niya sa tubig at ipatak sa dila ko para lumamig-lamig ang pakiramdam ko, dahil hirap na hirap ako dito sa apoy.’ 25 Pero sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong noong nabubuhay ka pa sa lupa ay mabuti ang kalagayan mo pero si Lazarus ay hirap na hirap. Ngayon naman ay inaaliw siya rito at ikaw naman ang nahihirapan. 26 Isa pa, hindi maaari ang sinabi mo dahil may malawak na bangin sa pagitan natin. Ang mga nandito sa amin na gustong pumunta riyan ay hindi makakatawid, at ang mga nariyan sa inyo ay hindi rin makakatawid dito.’ 27 Sinabi pa ng mayaman, ‘Kung ganoon, Amang Abraham, nakikiusap ako sa inyo, papuntahin ninyo si Lazarus sa bahay ng aking ama 28 para bigyan ng babala ang lima kong kapatid na lalaki tungkol sa lugar na ito ng paghihirap, nang hindi sila mapunta rito.’ 29 Sumagot si Abraham, ‘Nasa kanila ang mga isinulat ni Moises at ng mga propeta. Dapat nilang pakinggan ang mga iyon.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sila makikinig doon, amang Abraham. Pero kung may patay na mabubuhay at pupunta sa kanila, magsisisi ang mga iyon.’ 31 Pero sinabi ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang makinig sa mga isinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin sila maniniwala kahit may patay pa na muling mabuhay at mangaral sa kanila.’ ”

Mga Dahilan ng Pagkakasala(A)

17 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hindi maiiwasan ang pagdating ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng tao. Ngunit nakakaawa ang taong magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. Mas mabuti pang talian siya sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat, kaysa siya ang maging dahilan ng pagkakasala ng isa sa maliliit[b] na ito. Kaya mag-ingat kayo.

“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo siya. At kung magsisi siya, patawarin mo. Kahit pitong beses pa siyang magkasala sa iyo sa maghapon, kung pitong beses din siyang hihingi ng tawad sa iyo ay patawarin mo.”

Tungkol sa Pananampalataya

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.” Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa malaking punong ito, ‘Mabunot ka at malipat sa dagat!’ At susundin kayo nito.”

Ang Tungkulin ng Alipin

Sinabi pa ni Jesus, “Halimbawa, may alipin kang nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa at kararating lang niya mula sa trabaho niya. Bilang amo sasabihin mo ba sa kanya, ‘Halika na, maupo ka at kumain’? Hindi! Sa halip, ito ang sasabihin ninyo, ‘Magbihis ka na at ipaghanda ako ng hapunan, at pagsilbihan mo ako habang kumakain. Saka ka na kumain pagkatapos ko.’ Hindi pinasasalamatan ang alipin dahil ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin. 10 Ganoon din naman sa inyo. Pagkatapos ninyong gawin ang mga iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Mga alipin lamang kami, at hindi nararapat papurihan dahil ginagawa lang namin ang aming tungkulin.’ ”

Salmo 83

Ang Masasamang Bansa

83 O Dios, huwag kayong manahimik.
    Kumilos po kayo!
Masdan ang inyong mga kaaway,
    maingay silang sumasalakay at ipinagyayabang na mananalo sila.
Nagbabalak sila ng masama laban sa inyong mga mamamayan na inyong kinakalinga.
Sinabi nila, “Halikayo, wasakin natin ang bansang Israel upang makalimutan na siya magpakailanman.”
At nagkasundo sila sa masamang plano nila.
    Gumawa sila ng kasunduan laban sa inyo.
Sila ay mga taga-Edom, mga Ishmaelita, mga taga-Moab, mga Hagreo,
mga taga-Gebal, taga-Ammon, taga-Amalek, mga taga-Filistia at mga taga-Tyre.
Kumampi rin sa kanila ang Asiria, isang bansang malakas na kakampi ng lahi ni Lot.[a]
Talunin nʼyo sila Panginoon,
    katulad ng ginawa nʼyo sa mga Midianita at kina Sisera at Jabin doon sa Lambak ng Kishon.
10 Namatay sila sa Endor at ang mga bangkay nilaʼy nabulok at naging pataba sa lupa.
11 Patayin nʼyo ang mga pinuno nila katulad ng ginawa ninyo kina Oreb at Zeeb at kina Zeba at Zalmuna.
12 Sinabi nila, “Agawin natin ang lupain ng Dios.”
13 O Dios ko, ikalat nʼyo sila na parang alikabok o ipa na nililipad ng hangin.
14-15 Tulad ng apoy na tumutupok sa mga puno sa kagubatan at kabundukan,
    habulin nʼyo sila ng inyong bagyo at takutin ng malalakas na hangin.
16 Hiyain nʼyo sila Panginoon hanggang sa matuto silang lumapit sa inyo.
17 Sana nga ay mapahiya at matakot sila habang buhay.
Mamatay sana sila sa kahihiyan.
18 Para malaman nilang kayo, Panginoon, ang tanging Kataas-taasang Dios sa buong mundo.

Kawikaan 13:4

Ang taong tamad hindi makukuha ang hinahangad, ngunit ang taong masipag ay magkakaroon ng higit pa sa kanyang hinahangad.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®