Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 6

Si Gideon

Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon, kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Midianita sa loob ng pitong taon. Napakalupit ng mga Midianita, kaya napilitan ang mga Israelita na magtago sa mga bundok, mga kweba at sa iba pang tagong lugar. Tuwing magtatanim ang mga Israelita, nilulusob sila ng mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan. Nagkampo sila sa lugar ng mga Israelita at sinira ang mga pananim nito hanggang sa Gaza. Kinuha nila ang lahat ng tupa, baka at asno; wala talaga silang itinira para sa mga Israelita. Sumalakay sila na dala ang kanilang tolda at mga hayop na parang kasindami ng mga balang. Hindi sila mabilang pati ang kanilang mga kamelyo. Winasak nila ang lugar ng mga Israelita. Naging kahabag-habag ang kalagayan ng mga Israelita, dahil sa mga Midianita, kaya humingi sila ng tulong sa Panginoon.

Nang tumawag sila sa Panginoon, pinadalhan sila ng Panginoon ng isang propeta na nagsabi sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Dios:[a] ‘Inilabas ko kayo sa Egipto na kung saan inalipin kayo. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa lahat ng umaapi sa inyo. Pinagtagumpay ko kayo sa kanila at ibinigay ko sa inyo ang kanilang mga lupain. 10 Sinabi ko sa inyo, ako ang Panginoon na inyong Dios at hindi nʼyo dapat sambahin ang mga dios ng mga Amoreo kung saan kayo nakatira ngayon. Pero hindi kayo nakinig sa akin.’ ”

11 Pagkatapos, dumating ang anghel ng Panginoon sa Ofra. Naupo siya sa ilalim ng puno ng terebinto na pag-aari ni Joash na mula sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joash ay naggigiik noon ng trigo sa ilalim ng pisaan ng ubas para hindi makita ng mga Midianita ang trigo. 12 Nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon at sinabi, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo.”

13 Sumagot si Gideon, “Kung[b] sumasaamin nga ang Panginoon, bakit ganito ang kalagayan namin? Bakit hindi na siya gumagawa ng mga himala gaya ng ginawa niya noon nang inilabas niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa mga kwento nila sa amin? At ngayon, pinabayaan na kami ng Panginoon at ipinaubaya sa mga Midianita.”

14 Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Humayo ka at gamitin ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel mula sa mga Midianita. Ako ang nagsusugo sa iyo.”

15 Sumagot si Gideon, “Pero paano ko po maililigtas ang Israel? Ang pamilya po namin ang pinakamahina sa lahi ni Manase at ako naman po ang pinakaaba sa pamilya namin.”

16 Sumagot ang Panginoon, “Tutulungan kita at lilipulin mo ang mga Midianita na parang nakikipaglaban ka lang sa isang tao.”

17 Sinabi ni Gideon, “Kung nalulugod po kayo sa akin, Panginoon, bigyan nʼyo po ako ng palatandaan na kayo talaga ang nag-uutos sa akin. 18 Huwag po muna kayong umalis dahil kukuha ako ng ihahandog ko sa inyo.”

Sumagot ang Panginoon, “Hihintayin kita.”

19 Umuwi si Gideon at nagluto ng isang batang kambing. At gumawa siya ng tinapay na walang pampaalsa gamit ang kalahating sako ng harina. Pagkatapos, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw nito sa kaldero, at dinala niya ang pagkain sa anghel doon sa puno ng terebinto.

20 Sinabi sa kanya ng anghel ng Dios, “Ipatong mo ang karne at tinapay sa batong ito, at buhusan mo ng sabaw.” Sinunod ito ni Gideon. 21 Pagkatapos, inabot ng anghel ng Panginoon ang pagkain, sa pamamagitan ng tungkod na hawak niya. Bigla na lang lumabas ang apoy mula sa bato at tinupok ang karne at ang tinapay. At nawala na ang anghel ng Panginoon.

22 Napatunayan ni Gideon na anghel nga ng Panginoon ang nakita niya, sinabi niya, “O Panginoong Dios, nakita ko po nang harapan ang anghel ninyo.” 23 Pero sinabihan siya ng Panginoon, “Huwag kang mag-alala at matakot. Hindi ka mamamatay.”

24 Nagpatayo roon si Gideon ng altar para sa Panginoon at tinawag niya itong, “Nagbibigay ng Kapayapaan ang Panginoon.” Hanggang ngayon, naroon pa rin iyon sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer.

25 Nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Kunin mo ang pangalawa sa pinakamagandang toro ng iyong ama, iyong pitong taong gulang na. Pagkatapos, gibain mo ang altar para kay Baal na ipinatayo ng iyong ama at gibain mo rin ang posteng simbolo ng diosang si Ashera na nasa tabi ng altar nito. 26 Pagkatapos, magpatayo ka ng tamang altar para sa akin, ang Panginoon na iyong Dios sa ibabaw ng bundok na ito. Pagkatapos, ialay mo sa akin ang baka bilang handog na sinusunog. At gamitin mong panggatong ang pinutol mong poste ni Ashera.” 27 Kaya isinama ni Gideon ang sampu niyang utusan at ginawa niya ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Pero ginawa niya ito nang gabi dahil natatakot siya sa pamilya niya at sa kanyang mga kababayan.

28 Kinaumagahan, nakita ng mga tao na giba na ang altar para kay Baal, at putol-putol na ang poste ni Ashera at ito ang ipinanggatong sa baka na inihandog sa bagong altar. 29 Tinanong nila ang isaʼt isa kung sino ang gumawa noon. Inusisa nila ito at nalamang si Gideon na anak ni Joash ang gumawa nito. 30 Kayaʼt sinabihan nila si Joash, “Palabasin mo rito ang anak mo! Dapat siyang patayin! Dahil giniba niya ang altar para kay Baal at pinagputol-putol ang poste ni Ashera sa tabi nito.”

31 Sumagot si Joash sa mga taong galit na nakapaligid sa kanya, “Nakikipagtalo ba kayo sa akin para kay Baal? Ipinagtatanggol nʼyo ba siya? Ang nagtatanggol sa kanya ang dapat patayin sa umagang ito. Kung si Baal ay totoong dios, maipagtatanggol niya ang sarili niya sa gumiba ng altar niya.” 32 Mula noon, tinawag si Gideon na “Jerubaal” na ang ibig sabihin ay “Hayaang ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili,” dahil giniba niya ang altar nito.

33 Ngayon, nagkaisa ang mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan sa paglaban sa Israel. Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagkampo sa Lambak ng Jezreel. 34 Ginabayan si Gideon ng Espiritu ng Panginoon at pinatunog niya ang trumpeta para tawagin ang mga angkan ni Abiezer para sumunod sa kanya. 35 Nagsugo rin siya ng mga mensahero sa buong lahi nina Manase, Asher, Zebulun at Naftali para tawagin sila na sumama sa pakikipaglaban. At sumama sila kay Gideon.

36 Sinabi ni Gideon sa Dios, “Sinabi nʼyo po na gagamitin nʼyo ako para iligtas ang Israel. 37 Ngayon, maglalagay po ako ng balahibo ng tupa sa lupang ginigiikan namin ng trigo. Kung mabasa po ito ng hamog kahit tuyo ang lupa, malalaman ko po na ako nga ang gagamitin nʼyo para iligtas ang Israel ayon sa sinabi ninyo.” 38 At ganoon nga ang nangyari. Nang sumunod na araw, maagang gumising si Gideon at kinuha ang balahibo ng tupa at piniga, at napuno ng tubig ang isang mangkok. 39 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Dios, “Huwag po kayong magalit sa akin; may isa na lang po akong kahilingan sa inyo. Nais ko po ng isa pang pagsubok para sa balahibo ng tupa. Gusto ko po sanang mabasa ng hamog ang lupa pero manatiling tuyo ang balahibo ng tupa.” 40 Kinagabihan, ginawa nga ito ng Dios. Tuyo ang balahibo ng tupa pero basa naman ng hamog ang lupa sa paligid nito.

Lucas 22:54-23:12

Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(A)

54 Dinakip nila si Jesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya. 55 Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila. 56 Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, “Kasamahan din ni Jesus ang lalaking ito!” 57 Pero itinanggi ito ni Pedro, “Babae, hindi ko siya kilala.” 58 Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?” “Aba, hindi!” sagot ni Pedro. 59 Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.” 60 Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!” At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 62 Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.

Kinutya at Binugbog si Jesus(B)

63 Samantala, kinutya at binugbog si Jesus ng mga nagbabantay sa kanya. 64 Piniringan nila siya at sinuntok, at tinanong, “Hulaan mo, sino ang sumuntok sa iyo?” 65 At marami pa silang sinabing masama laban sa kanya.

Dinala si Jesus sa Korte ng mga Judio(C)

66 Kinaumagahan, nagtipon ang mga pinuno ng mga Judio, mga namamahalang pari, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Iniharap nila si Jesus sa kanilang korte. 67 Sinabi nila, “Sabihin mo sa amin, ikaw ba ang Cristo?” Sumagot si Jesus, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi naman kayo maniniwala. 68 At kung tatanungin ko kayo, hindi naman kayo sasagot. 69 Ngunit mula ngayon, ako na Anak ng Tao ay uupo na sa kanan ng makapangyarihang Dios.” 70 “Kung ganoon, ikaw nga ang Anak ng Dios?” sabi nila. Sumagot si Jesus, “Kayo na rin ang nagsabi na ako nga.” 71 Kaya sinabi nila, “Narinig na natin ang sinabi niya, ano pang ebidensya ang kailangan natin?”

Dinala si Jesus kay Pilato(D)

23 Pagkatapos noon, tumayo silang lahat at dinala nila si Jesus kay Pilato. At sinabi nila ang mga paratang nila laban kay Jesus: “Nahuli namin ang taong ito na sinusulsulan niya ang mga kababayan namin na maghimagsik. Ipinagbabawal niya ang pagbabayad ng buwis sa Emperador, at sinasabi niyang siya raw ang Cristo, na isang hari!” Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Sinabi ni Pilato sa mga namamahalang pari at sa mga tao, “Wala akong nakitang kasalanan sa taong ito!” Pero mapilit sila at sinabing, “Ginugulo niya ang mga tao sa buong Judea sa pamamagitan ng mga turo niya. Nagsimula siya sa Galilea at narito na siya ngayon sa Jerusalem.”

Dinala naman si Jesus kay Herodes

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Jesus. At nang malaman niyang mula nga siya sa Galilea, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem noon, dahil sakop nito ang Galilea.

Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus dahil matagal na niya itong gustong makita, dahil sa mga nababalitaan niya at gusto niyang makita si Jesus na gumagawa ng mga himala. Marami siyang itinanong kay Jesus, pero hindi ito sumagot. 10 Samantala, patuloy na isinisigaw ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang mga paratang nila laban kay Jesus. 11 Hinamak at ininsulto ni Herodes at ng mga sundalo niya si Jesus. Sinuotan nila siya ng magandang damit bilang pagkutya sa kanya, at saka ibinalik kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon ay naging magkaibigan ang dating magkaaway na sina Herodes at Pilato.

Salmo 95-96

Awit ng Pagpupuri sa Dios

95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
    Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
    at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
    Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
Dahil siya ang ating Dios
    at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
    Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
    katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
    At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”

Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)

96 Kayong mga tao sa buong mundo,
    umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
    Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
    Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
    Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
    at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
Purihin ninyo ang Panginoon,
    kayong lahat ng tao sa mundo.
    Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
    Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
    Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
    Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
    Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
    pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
    Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
    Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.

Kawikaan 14:5-6

Ang tapat na saksi ay hindi nagsisinungaling, ngunit pawang kasinungalingan ang sinasabi ng saksing sinungaling.
Ang taong nangungutya ay hindi magkakaroon ng karunungan kahit ano pa ang kanyang gawin, ngunit ang taong may pang-unawa ay madaling matututo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®