The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Binasbasan ni Moises ang mga Lahi ng Israel
33 Ito ang basbas na sinabi ni Moises na lingkod ng Dios sa mga Israelita bago siya namatay. 2 Sinabi niya,
“Dumating ang Panginoon galing sa Sinai;
nagpakita siya galing sa Bundok ng Seir katulad ng pagsikat ng araw.
Sumikat siya sa mga tao galing sa Bundok ng Paran.
Dumating siya kasama ang libu-libong mga anghel,
at ang kanyang kanang kamay ay may dala-dalang naglalagablab na apoy.[a]
3 Tunay na minamahal ng Panginoon ang kanyang mamamayan.
Pinoprotektahan niya ang mga taong kanyang pinili.
Kaya siyaʼy sinusunod nila at tinutupad ang kanyang utos.
4 Ibinigay ni Moises sa ating mga lahi ni Jacob ang kautusan bilang mana.
5 Naging hari ang Panginoon ng Israel nang magtipon ang kanilang mga pinuno at ang kanilang mga angkan.”
6 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Reuben,
“Sanaʼy hindi mawala ang mga lahi ni Reuben kahit kakaunti lang sila.”
7 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Juda
“O Panginoon, pakinggan po ninyo ang paghingi ng tulong ng lahi ni Juda.
Muli po ninyo silang isama sa ibang mga lahi ng Israel.
Protektahan at tulungan ninyo sila laban sa kanilang mga kaaway.”
8 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Levi,
“O Panginoon, ibinigay po ninyo ang ‘Urim’ at ‘Thummim’[b] sa tapat ninyong mga lingkod na lahi ni Levi.
Sinubukan ninyo sila sa Masa at sinaway sa tabi ng tubig ng Meriba.
9 Nagpakita sila ng malaking katapatan sa inyo kaysa sa kanilang mga magulang, mga kapatid at mga anak.
Sinunod po nila ang inyong mga utos, at iningatan ang inyong kasunduan.
10 Tuturuan nila ang mga Israelita ng inyong mga utos at tuntunin,
at maghahandog sila ng insenso at mga handog na sinusunog sa inyong altar.
11 O Panginoon, pagpalain nʼyo po sila, at sanaʼy masiyahan kayo sa lahat ng kanilang ginagawa.
Ibagsak po ninyo ang kanilang mga kaaway upang hindi na sila makabangon pa.”
12 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Benjamin,
“Minamahal ng Panginoon ang lahi ni Benjamin,
at inilalayo niya sila sa kapahamakan at pinoprotektahan sa buong araw.”
13 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Jose,
“Sanaʼy pagpalain ng Panginoon ang kanilang lupain at padalhan silang lagi ng ulan at ng tubig mula sa ilalim ng lupa.
14 Sa tulong ng araw, mamunga sana nang maayos ang kanilang mga pananim at mamunga sa tamang panahon nito.
15 Sana ang kanilang sinaunang kabundukan at kaburulan ay magkaroon ng mabuti at masaganang mga bunga.
16 Umani sana ng pinakamagandang produkto ang kanilang lupa dahil sa kabutihan ng Dios na nagpahayag sa kanila sa naglalagablab na mababang punongkahoy. Manatili sana ang mga pagpapalang ito sa lahi ni Jose dahil nakakahigit siya sa kanyang mga kapatid.
17 Ang kanyang lakas ay katulad ng lakas ng batang bakang lalaki.
Ang kanyang kapangyarihan ay katulad ng kapangyarihan ng sungay ng mailap na baka.
Sa pamamagitan nito, ibabagsak niya ang mga bansa kahit na ang nasa malayo.
Ganito ang aking pagpapala sa maraming mamamayan ng Efraim at Manase.”
18 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi nila Zebulun at Isacar,
“Matutuwa ang lahi nina Zebulun at Isacar dahil uunlad sila sa kanilang lugar.
19 Iimbitahan nila ang mga tao na pumunta sa kanilang bundok para maghandog ng tamang handog sa Dios.
Magdiriwang sila dahil maraming pagpapala na nakuha nila sa dagat at sa baybayin nito.”
20 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Gad,
“Purihin ang Dios na nagpapalawak ng teritoryo ng lahi ni Gad!
Nabubuhay sila sa lupaing ito katulad ng leon na handang sumunggab ng kamay o ng ulo ng kanyang kaaway.
21 Pinili niya ang pinakamagandang lupain na nababagay sa mga pinuno.
Kapag nagtitipon ang mga tagapamahala ng mga mamamayan ng Israel, sinusunod nila ang mga ipinatutupad ng Panginoon at ang kanyang mga tuntunin para sa Israel.”
22 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Dan,
“Ang lahi ni Dan ay katulad sa mga batang leon na tumatalon-talon mula sa Bashan.”
23 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Naftali,
“Ang lahi ni Naftali ay sagana sa pagpapala ng Panginoon. Maangkin sana nila ang lupain sa kanluran[c] at sa timog.”
24 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Asher,
“Pagpalain sana ng Panginoon ang lahi ni Asher ng higit pa sa lahat ng lahi ng Israel.
Sana ay maging masaya sa kanila ang kapwa nila mga Israelita at maging sagana ang kanilang langis.
25 At sanaʼy maprotektahan ng mga tarangkahang bakal at tanso ang mga pintuan ng kanilang lungsod,
at sanaʼy manatili ang kanilang kadakilaan habang silaʼy nabubuhay.
26 Walang katulad ang Dios ng Israel.[d]
Sa kanyang kadakilaan, sumasakay siya sa ulap para matulungan kayo. Sa kanyang kadakilaan dumarating siya mula sa kalangitan.
27 Ang walang hanggang Dios ang inyong kanlungan;
palalakasin niya kayo sa pamamagitan ng walang hanggan niyang kapangyarihan.
Palalayasin niya ang inyong mga kaaway sa inyong harapan,
at iuutos niya sa inyo ang pagpapabagsak sa kanila.
28 Kaya mamumuhay ang Israel na malayo sa kapahamakan, sa lupaing sagana sa trigo at bagong katas ng ubas,
at kung saan ang hamog na mula sa langit ay nagbibigay ng tubig sa lupa.
29 Pinagpala kayo, mga mamamayan ng Israel!
Wala kayong katulad – isang bansa na iniligtas ng Panginoon.
Ang Panginoon ang mag-iingat at tutulong sa inyo,
at siya ang makikipaglaban para sa inyo.
Gagapang ang inyong mga kaaway papunta sa inyo, at tatapakan ninyo sila sa likod.”[e]
Kailangan ng Pagsisisi
13 May ilang tao roon na nagbalita kay Jesus tungkol sa mga taga-Galileang ipinapatay ni Pilato habang naghahandog sila sa templo. 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang akala ba ninyo ay mas makasalanan sila kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil sa nangyari sa kanila? 3 Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo. 4 Katulad din ng 18 taong nabagsakan ng tore ng Siloam at namatay. Ang akala ba ninyo ay higit silang makasalanan kaysa sa ibang mga taga-Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo.”
Ang Punong Hindi Namumunga
6 Pagkatapos, ikinuwento ni Jesus ang talinghaga na ito: “May isang taong may tanim na puno ng igos[a] sa ubasan niya. Pinuntahan niya ito upang tingnan kung may bunga, pero wala siyang nakita. 7 Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng kanyang ubasan, ‘Tatlong taon na akong pabalik-balik dito para tingnan kung may bunga na ang igos na ito, pero wala pa akong nakikita kahit isa. Putulin mo na lang ang punong iyan. Nasasayang lang ang lupang kinatatayuan niyan!’ 8 Pero sumagot ang tagapag-alaga, ‘Hayaan nʼyo na lang po muna ang puno sa taon na ito. Huhukayan ko po ang palibot nito at lalagyan ng pataba. 9 Baka sakaling magbunga sa darating na taon. Ngunit kung hindi pa rin, putulin na natin.’ ”
Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Baluktot ang Katawan
10 Isang Araw ng Pamamahinga, nagtuturo si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 11 May isang babae roon na 18 taon nang may karamdaman dahil sa ginawa sa kanya ng masamang espiritu. Baluktot ang katawan niya at hindi ito maituwid. 12 Nang makita siya ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Babae, magaling ka na sa sakit mo.” 13 Pagkatapos, ipinatong niya ang mga kamay niya sa babae, at noon din ay naituwid ng babae ang kanyang katawan at nagpuri siya sa Dios. 14 Pero nagalit ang namumuno sa sambahan ng mga Judio dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw kayo para magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” 15 Sinagot siya ni Jesus, “Mga pakitang-tao! Hindi baʼt kinakalagan ninyo ang inyong mga baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? 16 Kung sa mga hayop nga ay naaawa kayo, bakit hindi sa babaeng ito na mula rin sa lahi ni Abraham? 18 taon na siyang ginapos ni Satanas, kaya nararapat lang na palayain siya kahit na Araw ng Pamamahinga.” 17 Napahiya ang mga kumakalaban kay Jesus sa sinabi niyang ito. Natuwa naman ang mga tao sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Jesus.
Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)
18 Nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo niya, “Ano kaya ang katulad ng paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 19 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[b] na itinanim ng isang tao sa kanyang taniman. Tumubo iyon at lumaki na parang punongkahoy ang taas, at pinamugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa(B)
20 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano ko pa kaya maihahambing ang paghahari ng Dios? 21 Katulad ito ng pampaalsang inihalo ng isang babae sa malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”
65 Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay;
at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak.
66 Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway;
inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67 Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.[a]
68 Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Doon niya ipinatayo ang kanyang templo, katulad ng langit at lupa na matatag magpakailanman.
70-71 Pinili ng Dios si David upang maging lingkod niya.
Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa at ginawang hari ng Israel, ang mga mamamayang kanyang hinirang.
72 Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.
25 Nakapagpapalungkot sa tao ang kabalisahan, ngunit ang magandang pananalita ay kaaliwan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®