The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
28 Ang Israel ay isang bansa na walang alam at pang-unawa.
29 Kung matalino lang sila, mauunawaan sana nila ang kanilang kahihinatnan.
30 Paano ba mahahabol ng isang tao ang 1,000 Israelita?
Paano matatalo ng dalawang tao ang 10,000 sa kanila?
Mangyayari lamang ito kung ibinigay sila ng Panginoon na kanilang Bato na kanlungan.
31 Sapagkat ang Bato na kanlungan ng ating mga kaaway ay hindi katulad ng ating batong kanlungan;
at kahit sila ay nakakaalam nito.
32 Kasinsama ng mga naninirahan sa Sodom at Gomora ang ating mga kaaway,
katulad ng ubas na mapait at nakakalason ang bunga,
33 at katulad ng alak na gawa sa kamandag ng ahas.
34 Nalalaman ng Panginoon ang kanilang ginagawa,
iniipon niya muna ito at naghihintay ng tamang panahon para parusahan sila.
35 Sabi niya, “Ako ang maghihiganti at magpaparusa sa kanila,
sapagkat darating ang panahon na madudulas sila.
Malapit nang dumating ang panahon ng kanilang pagbagsak.”
36 Ipagtatanggol ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan;
kaaawaan niya ang kanyang mga lingkod, kapag nakita niya na wala na silang lakas at kakaunti na lang ang natira sa kanila, alipin man o hindi.
37 At pagkatapos ay magtatanong ang Panginoon sa kanyang mamamayan, “Nasaan na ngayon ang inyong mga dios, ang batong kanlungan ninyo?
38 Nasaan na ngayon ang inyong mga dios na kumakain ng taba at umiinom ng alak na inyong handog?
Magpatulong kayo sa kanila, at gawin ninyo silang proteksyon!
39 Tingnan ninyo ngayon; ako lang ang Dios!
Wala nang iba pang dios maliban sa akin.
Ako ang pumapatay at ako ang nagbibigay-buhay;
ako ang sumusugat at nagpapagaling,
at walang makatatakas sa aking mga kamay.
40 Ngayon, itataas ko ang aking mga kamay at manunumpa,
‘Ako na nabubuhay magpakailanman,
41 hahasain ko ang aking espada at gagamitin ko ito sa aking pagpaparusa:
Gagantihan ko ang aking mga kaaway at pagbabayarin ang mga napopoot sa akin.
42 Dadanak ang kanilang dugo sa aking pana, at ang aking espada ang papatay sa kanilang mga katawan.
Mamamatay sila pati na ang sugatan at mga bilanggo.
Mamamatay pati ang kanilang mga pinuno.’ ”
43 Mga bansa, purihin nʼyo ang mga mamamayan ng Panginoon.[a]
Sapagkat gaganti ang Panginoon sa mga pumatay sa kanyang mga lingkod.
Gaganti siya sa kanyang mga kaaway, at lilinisin niya ang kanyang lupain at ang kanyang mamamayan.
44 Ito nga ang inawit ni Moises kasama si Josue sa harapan ng mga Israelita. 45-46 Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi ni Moises sa mga tao, “Itanim ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng sinasabi ko sa inyo sa araw na ito. Ituro rin ninyo ito sa inyong mga anak para matupad nilang mabuti ang lahat ng sinasabi sa mga utos na ito. 47 Hindi lang karaniwang salita ang mga utos na ito; magbibigay ito sa inyo ng buhay. Kung susundin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupain na aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”
Ipinaalam ang Kamatayan ni Moises
48 Nang araw ding iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, 49 “Pumunta ka sa Moab, sa kabundukan ng Abarim, at umakyat ka sa bundok ng Nebo na nakaharap sa Jerico. Tanawin mo roon ang Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita na kanilang aangkinin. 50 Sapagkat sa bundok na iyan ka mamamatay at isasama na sa iyong mga kamag-anak na sumakabilang buhay na, gaya ni Aaron na iyong kapatid nang mamatay siya sa Bundok ng Hor at isinama na rin sa mga kamag-anak niya na sumakabilang buhay na. 51 Sapagkat dalawa kayong nawalan ng pagtitiwala sa akin sa harap ng mga Israelita nang naroon kayo sa tubig ng Meriba sa Kadesh, sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinarangalan ang aking kabanalan sa kanilang harapan. 52 Kaya makikita mo lang sa malayo ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita, pero hindi ka makakapasok doon.”
Ang Mapagkakatiwalaang mga Utusan
35-36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan. Nakahanda sila at nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maghahanda ang amo nila para pagsilbihan sila. Sila ay pauupuin niya sa kanyang mesa at pagsisilbihan habang kumakain sila. 38 Mapalad ang mga aliping iyon kung madadatnan sila ng amo nila na handa kahit anong oras – hatinggabi man o madaling-araw. 39 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin nito ang bahay niya. 40 Kayo man ay dapat maging handa, dahil ako, na Anak ng Tao, ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at Hindi Tapat na Alipin(A)
41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, para kanino po ba ang talinghaga na iyon, para sa amin o para sa lahat?” 42 Sumagot ang Panginoon, “Hindi baʼt ang tapat at matalinong utusan ang pamamahalain ng amo niya sa mga kapwa niya alipin? Siya ang magbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 43 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na ginagawa ang kanyang tungkulin. 44 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 45 Ngunit kawawa ang alipin kung inaakala niyang matatagalan pa bago bumalik ang amo niya, at habang wala ito ay pagmamalupitan niya ang ibang mga alipin, lalaki man o babae, at magpapakabusog siya at maglalasing. 46 Darating ang amo niya sa araw o oras na hindi niya inaasahan, at parurusahan siya nang matindi[a] at isasama sa mga hindi mapagkakatiwalaan.
47 “Ang aliping nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya ngunit hindi naghahanda at hindi gumagawa ng kanyang tungkulin ay tatanggap ng mabigat na parusa.[b] 48 At ang aliping hindi nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya, at nakagawa ng kamalian ay parurusahan din, pero magaan lang. Ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami. Mas marami nga ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.”
Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(B)
49 “Naparito ako sa lupa upang magdala ng apoy[c] at gusto ko sanang magliyab na ito. 50 Ngunit bago ito mangyari, may mga paghihirap na kailangan kong pagdaanan. At hindi ako mapapalagay hanggaʼt hindi ito natutupad.
51 “Akala ba ninyo ay naparito ako sa lupa upang magkaroon ng maayos na relasyon ang mga tao? Ang totoo, naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan. 52 Mula ngayon, mahahati ang limang tao sa loob ng isang pamilya. Tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Kokontrahin ng ama ang anak niyang lalaki, at kokontrahin din ng anak na lalaki ang kanyang ama. Ganoon din ang mangyayari sa ina at sa anak niyang babae, at sa biyenang babae at sa manugang niyang babae.”
Magmatyag sa mga Nangyayari Ngayon(C)
54 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyo ang makapal na ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at umuulan nga. 55 At kapag umihip naman ang hanging habagat ay sinasabi ninyong iinit, at umiinit nga. 56 Mga pakitang-tao! Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa lupa at sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon?
Makipagkasundo sa Kaaway(D)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang matuwid? 58 Kapag may magdedemanda sa iyo, pagsikapan mong makipag-ayos sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman; dahil baka pilitin ka pa niyang humarap sa hukom, at pagkatapos ay ibigay ka ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 59 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang lahat ng multa[d] mo.”
56 Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Dios,
naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos.
57 Tumalikod sila sa Dios kagaya ng kanilang mga ninuno.
Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan.
58 Pinanibugho nila ang Dios at ginalit dahil sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa matataas na lugar.[a]
59 Alam[b] ng Dios ang ginawa ng mga Israelita,
kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.
60 Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Shilo, kung saan siya nananahan dito sa mundo.
61 Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan.
62 Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway.
63 Sinunog ang kanilang mga binata,
kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga.
64 Namatay sa labanan ang kanilang mga pari,
at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa.[c]
24 Ang taong masipag ay magiging pinuno, ngunit ang tamad ay magiging alipin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®