The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Si Debora at si Barak
4 Pagkamatay ni Ehud, muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. 2 Kaya hinayaan ng Panginoon na sakupin sila ni Haring Jabin ng Hazor, na isang hari ng mga Cananeo. Ang kumander ng mga sundalo ni Jabin ay si Sisera na nakatira sa Haroshet Hagoyim. 3 May 900 karwaheng yari sa bakal si Jabin, at labis niyang pinagmalupitan ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Kaya muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon.
4 Nang panahong iyon, ang pinuno ng Israel ay si Debora, na isang propeta ng Dios at asawa ni Lapidot. 5 Kapag gustong ayusin ng mga Israelita ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, pumupunta sila kay Debora na nasa ilalim ng puno ng palma na pag-aari nito, sa pagitan ng Rama at Betel sa kabundukan ng Efraim.
6 Isang araw, ipinatawag ni Debora si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kedesh na sakop ng lahi ni Naftali. Pagdating ni Barak, sinabi ni Debora sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na kumuha ng 10,000 lalaki sa lahi ni Naftali at Zebulun, at dalhin sila sa Bundok ng Tabor. 7 Lilinlangin ko si Sisera, ang kumander ng mga sundalo ni Jabin, na pumunta sa Lambak ng Kishon, kasama ang kanyang mga sundalo at mga karwahe. At doon pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”
8 Sinabi ni Barak kay Debora, “Pupunta ako kung sasama ka, pero kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.” 9 Sumagot si Debora, “Sige, sasama ako sa iyo, pero hindi mapupunta sa iyo ang karangalan dahil ipapatalo ng Panginoon si Sisera sa isang babae.” Kaya sumama si Debora kay Barak at pumunta sila sa Kedesh. 10 Doon, ipinatawag ni Barak ang mga lahi ni Naftali at ni Zebulun, at 10,000 tao ang sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.
11 Nang panahong iyon, si Heber na Keneo ay nagtayo ng tolda niya malapit sa puno ng terebinto sa Zaananim malapit sa Kedesh. Humiwalay siya sa ibang mga Keneo na mula sa angkan ni Hobab na bayaw[a] ni Moises.
12 Ngayon, may nakapagsabi kay Sisera na papunta si Barak sa Bundok ng Tabor. 13 Kaya tinipon ni Sisera ang 900 karwahe niyang yari sa bakal at ang lahat ng sundalo niya. At umalis sila mula sa Haroshet Hagoyim papunta sa Lambak ng Kishon.
14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Humanda ka! Ito na ang araw na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban kay Sisera. Pangungunahan ka ng Panginoon.” Kaya bumaba si Barak sa Bundok ng Tabor kasama ng 10,000 niyang sundalo. 15 Nang lumusob na sina Barak, nilito ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng mangangarwahe at sundalo niya. Pagkatapos, tumalon si Sisera sa karwahe niya at tumakas. 16 Hinabol nila Barak ang mga sundalo at ang mga mangangarwahe ni Sisera hanggang sa Haroshet Hagoyim at nilipol ang mga ito. Wala ni isang natira sa kanila.
17 Si Sisera naman ay tumakas papunta sa tolda ni Jael na asawa ni Heber, dahil magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang pamilya ni Heber na Keneo. 18 Sinalubong ni Jael si Sisera at sinabi, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Kaya pumasok si Sisera sa tolda, at tinakluban siya ni Jael ng kumot[b] para itago. 19 Sinabi ni Sisera kay Jael, “Pahingi ng tubig. Uhaw na uhaw na ako.” Kaya binuksan ni Jael ang balat na sisidlan ng gatas at pinainom si Sisera, at pagkatapos ay itinago siyang muli. 20 Sinabi ni Sisera, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda. Kapag may dumating at magtanong kung may ibang tao rito sabihin mong wala.”
21 Dahil sa sobrang pagod ni Sisera, nakatulog siya. Nang makita ni Jael na nakatulog si Sisera, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at dahan-dahang lumapit kay Sisera. Pagkatapos, ibinaon niya ang tulos sa sentido ni Sisera, gamit ang martilyo, hanggang sa bumaon ang tulos sa lupa, at namatay si Sisera.
22 Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinalubong siya ni Jael, at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang taong hinahanap mo.” Pagpasok ni Barak sa tolda kasama ni Jael, nakita niya roon si Sisera na nakahandusay at patay na, at may tulos na nakabaon sa kanyang ulo. 23 Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Dios ang mga Israelita laban kay Haring Jabin na Cananeo. 24 Patuloy nilang nilabanan si Jabin hanggang sa mapatay nila ito.
Ang Awit ni Debora at ni Barak
5 Nang araw na iyon na silaʼy nanalo, umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam. Ito ang awit nila:
2 Purihin ang Panginoon! Sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nangunang lumaban at kusang-loob na sumunod ang mga mamamayan.
3 Makinig kayong mga hari at mga pinuno!
Aawit ako ng mga papuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel!
4 O Panginoon, nang umalis kayo sa Bundok ng Seir,
at nang lumabas kayo sa lupain ng Edom,
ang mundoʼy nayanig at umulan nang malakas.
5 Nayanig ang mga bundok sa harapan nʼyo, O Panginoon.
Kayo ang Dios ng Israel na nagpahayag ng inyong sarili sa Bundok ng Sinai.
6 Nang panahon ni Shamgar na anak ni Anat at nang panahon ni Jael, walang dumadaan sa mga pangunahing lansangan.
Ang mga naglalakbay doon ay dumadaan sa mga liku-likong daan.
7 Walang nagnanais tumira sa Israel, hanggang sa dumating ka, Debora, na kinikilalang ina ng Israel.
8 Nang sumamba ang mga Israelita sa mga bagong dios, dumating sa kanila ang digmaan.
Pero sa 40,000 Israelita ay wala ni isang may pananggalang o sibat man.
9 Nagagalak ang aking puso sa mga pinuno ng Israel at sa mga Israelita na masayang nagbigay ng kanilang sarili.
Purihin ang Panginoon!
10 Kayong mayayaman na nakasakay sa mga puting asno at nakaupo sa magagandang upuan nito,
at kayong mga mahihirap na naglalakad lang, makinig kayo!
11 Pakinggan nʼyo ang mga salaysay ng mga tao sa paligid ng mga balon.
Isinasalaysay nila ang mga pagtatagumpay[c] ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga sundalo sa Israel.
Pagkatapos, nagmartsa ang mga mamamayan ng Panginoon sa may pintuan ng lungsod na nagsasabi,
12 “Tayo na Debora, lumakad tayo habang umaawit ng mga papuri sa Dios.
Tayo na Barak na anak ni Abinoam, hulihin mo ang iyong mga bibihagin.”
13 Ang mga natirang buhay na mga mamamayan ng Panginoon ay kasama kong bumaba para lusubin ang mga kilala at mga makapangyarihang tao.
14 Ang iba sa kanilaʼy nanggaling sa Efraim – ang lupaing pagmamay-ari noon ng mga Amalekita – at ang ibaʼy mula sa lahi ni Benjamin.
Sumama rin sa pakikipaglaban ang mga kapitan ng mga kawal ng Makir at ang lahi ni Zebulun.
15 Sumama rin ang mga pinuno ng lahi ni Isacar kina Debora at Barak papunta sa lambak.
Pero ang lahi naman ni Reuben ay walang pagkakaisa, kaya hindi makapagpasya kung sasama sila o hindi.
16 O lahi ni Reuben, magpapaiwan na lang ba kayo kasama ng mga tupa?
Gusto nʼyo lang bang makinig sa pagtawag ng mga tagapagbantay ng kanilang mga tupa?
Wala talaga kayong pagkakaisa, kaya hindi kayo makapagpasya kung ano ang dapat ninyong gawin.
17 Nagpaiwan din ang lahi ni Gad sa silangan ng Jordan,
at ang lahi ni Dan naman ay nagpaiwan sa trabaho nila sa mga barko.
Ang lahi ni Asher naman ay nagpaiwan sa tinitirhan nila sa tabi ng dagat.
18 Pero itinaya ng lahi nina Zebulun at Naftali ang kanilang buhay sa pakikipaglaban.
19 Dumating ang mga haring Cananeo at nakipaglaban sa mga Israelita sa Taanac na nasa tabi ng Ilog ng Megido,
pero kahit isang pilak ay wala silang nasamsam.
20 Hindi lang ang Israel ang nakipaglaban kay Sisera, kundi pati rin ang mga bituin.
21 Inanod sila sa Lambak ng Kishon, ang napakatagal nang lambak.
Magpapatuloy ako sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon.
22 At ngayon, maririnig ang yabag ng mga paa ng mga kabayo.
23 Pagkatapos, sinabi ng anghel ng Panginoon, “Sumpain ang Meroz!
Sumpain kayong mga naninirahan dito dahil hindi kayo tumulong nang makipaglaban ang Panginoon sa mga makapangyarihang tao.”
24 Higit na mapalad si Jael na asawa ni Heber na Keneo kaysa sa lahat ng babae na nakatira sa mga tolda.
25 Nang humingi ng tubig si Sisera, gatas ang kanyang ibinigay na nakalagay sa mamahaling sisidlan.
26 Pagkatapos, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at ipinukpok sa sentido ni Sisera.
27 At namatay si Sisera na nakahandusay sa paanan ni Jael.
28 Nakamasid sa bintana ang ina ni Sisera, na hindi mapakali at nagtatanong kung bakit hindi pa dumadating ang kanyang anak.
29 Sumagot ang mga pinakamatalino sa kanyang mga kababaihan, at ito rin ang paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sarili,
30 “Baka natagalan sila sa pangunguha at paghahati ng mga bagay na nasamsam nila sa kanilang mga kalaban:
isa o dalawang babae para sa bawat sundalo, mamahaling damit para kay Sisera,
at binurdahang damit na napakaganda para sa akin.”
31 Kaya malipol sana ang lahat ng kalaban mo, O Panginoon.
Pero ang mga nagmamahal sana sa inyo ay matulad sana sa pagsikat ng araw na sobrang liwanag.
At nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon.
Sa Panahon ng Kahirapan
35 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Noong suguin ko kayo nang walang dalang pitaka, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo?” Sumagot sila, “Hindi po.” 36 “Ngunit ngayon,” sabi ni Jesus, “Kung may pitaka o bag kayo, dalhin ninyo. At kung wala kayong espada, ipagbili ninyo ang damit ninyo at bumili kayo ng espada. 37 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na kailangang matupad ang sinasabing ito ng Kasulatan tungkol sa akin: ‘Itinuring siyang isang kriminal.’[a] At natutupad na ito ngayon!” 38 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Panginoon, may dalawa po kaming espada.” “Tama na iyan,” sagot niya.
Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(A)
39 Lumabas si Jesus sa Jerusalem, at gaya ng nakaugalian niya, pumunta siya sa Bundok ng mga Olibo. Sumama rin ang mga tagasunod niya. 40 Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” 41 Iniwan niya ang mga tagasunod niya at lumayo nang kaunti.[b] Pagkatapos, lumuhod siya at nanalangin, 42 “Ama, kung maaari ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating.[c] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.” 43 [Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya. 44 Dahil sa paghihirap ng kanyang kalooban, lalo siyang nanalangin nang taimtim, at ang mga pawis niya ay parang dugo na tumutulo sa lupa.]
45 Pagkatapos, tumayo siya at binalikan ang mga tagasunod niya, pero nadatnan niya silang natutulog dahil napagod sila sa matinding paghihinagpis. 46 Kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Ang Pagdakip kay Jesus(B)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming tao. Si Judas na isa sa 12 tagasunod ang nangunguna sa kanila. Nilapitan niya si Jesus at hinalikan. 48 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, tinatraydor mo ba ako, na Anak ng Tao, sa pamamagitan ng isang halik?” 49 Nang makita ng mga kasamahan ni Jesus ang mga nangyayari, sinabi nila, “Panginoon, tatagain na ba namin sila?” 50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng punong pari, at naputol ang kanang tainga nito. 51 Pero sinaway sila ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at pinagaling ito.
52 Pagkatapos, kinausap ni Jesus ang mga namamahalang pari, mga opisyal ng mga guwardya sa templo at ang mga pinuno ng mga Judio na naroon upang dakpin siya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? 53 Araw-araw akong nasa templo, at naroon din kayo. Bakit hindi nʼyo ako dinakip? Ngunit ito na ang pagkakataong ibinigay sa inyo upang dakpin ako. At sa sandaling ito ay naghahari ang kadiliman.”
Ang Dios ang Hukom ng Lahat
94 Panginoon, kayo ang Dios na nagpaparusa.
Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.
2 Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,
kaya sige na po Panginoon,
gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.
3 Hanggang kailan magdiriwang ang masasama, Panginoon?
4 Silang lahat na gumagawa ng masama ay ubod ng yabang.
5 Inaapi nila ang mamamayang pag-aari ninyo, Panginoon.
6 Pinapatay nila ang mga biyuda at mga ulila, pati na ang mga dayuhan.[a]
7 Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;
ni hindi ito mapapansin ng Dios ni Jacob.”
8 Kayong mga hangal at matitigas ang ulo, kailan ba kayo makakaunawa?
Unawain ninyo ito:
9 Ang Dios na gumawa ng ating mga tainga at mata, hindi ba nakakarinig o nakakakita?
10 Siya na nagpaparusa sa mga bansang hindi kumikilala sa kanya ay hindi ba magpaparusa sa inyo?
Siya na nagtuturo sa mga tao, wala bang nalalaman?
11 Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao ay walang kabuluhan.
12 O Panginoon, mapalad ang taong pinangangaralan nʼyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng inyong mga kautusan.
13 Tinuturuan nʼyo siya upang magkaroon siya ng kapayapaan sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras na ang masasama ay inyong parusahan.
14 Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon, ang mamamayang pag-aari ninyo.
15 Darating ang araw na ang paghatol ay muling magiging makatarungan
at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay nang matuwid.
16 Walang tumutulong sa akin laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kundi kayo lang, Panginoon.
17 Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon, maaaring patay na ako ngayon.
18 Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa Panginoon ang tumulong sa akin.
19 Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.
20 Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom[b] na gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng[c] kautusan.
21 Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.
22 Ngunit kayo, Panginoon na aking Dios ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan.
23 Parurusahan nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
Tiyak na lilipulin nʼyo sila, O Panginoon naming Dios.
3 Ang salita ng hangal ang magpapasama sa kanya, ngunit ang salita ng marunong ang mag-iingat sa kanya.
4 Kapag wala kang hayop na pang-araro wala kang aanihin, ngunit kung may hayop ka, at malakas pa, marami ang iyong aanihin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®