Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 9:22-10:18

22 Pagkatapos ng tatlong taon na pamamahala ni Abimelec sa mga Israelita, 23 pinag-away ng Dios si Abimelec at ang mga tao ng Shekem. Nagrebelde ang mga taga-Shekem kay Abimelec. 24 Nangyari ito para pagbayarin si Abimelec at ang mga taga-Shekem na tumulong sa kanya sa pagpatay sa 70 anak ni Gideon. 25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tao paikot sa bundok para nakawan ang mga dumadaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec. 26 Nang panahong iyon, si Gaal na anak ni Ebed ay lumipat sa Shekem kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala sa kanila ang mga taga-Shekem. 27 Nang panahon ng pagbubunga ng ubas, gumawa ang mga tao ng alak mula rito. At nagdiwang sila ng pista sa templo ng kanilang dios. At habang kumakain sila roon at nag-iinuman, nililibak nila si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal, “Anong klase tayong mga tao sa Shekem. Bakit nagpapasakop tayo kay Abimelec? Sino ba talaga siya? Hindi ba anak lang siya ni Gideon? Kaya bakit magpapasakop tayo sa kanya o kay Zebul na tagapamahala niya? Dapat magpasakop kayo sa angkan ng inyong ninuno na si Hamor. 29 Kung pinamumunuan ko lang kayo, tiyak na mapapaalis ko si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya na ihanda niya ang mga sundalo niya at makipaglaban sa atin.”

30 Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lungsod ang sinabi ni Gaal, lubos siyang nagalit. 31 Kaya palihim siyang nag-utos sa mga mensahero na pumunta kay Abimelec. Ito ang ipinapasabi niya, “Si Gaal at ang mga kapatid niya ay lumipat dito sa Shekem at hinihikayat ang mga tao na lumaban sa iyo. 32 Kaya ngayong gabi, isama mo ang mga tauhan mo at magtago muna kayo sa parang, sa labas ng lungsod. 33 Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong lumusob sa lungsod. Kung makikipaglaban sila Gaal, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila.”

34 Kinagabihan, umalis si Abimelec at ang mga tauhan niya. Naghati sila sa apat na grupo at nagtago sa labas lang ng Shekem. 35 Nang makita nilang lumabas si Gaal at nakatayo sa may pintuan ng lungsod, lumabas sila sa pinagtataguan nila para lumusob. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul, “Tingnan mo! May mga taong paparating mula sa tuktok ng bundok.” Sumagot si Zebul, “Mga anino lang iyan sa bundok. Akala mo lang na tao.”

37 Sinabi ni Gaal, “Pero tingnan mo nga! May mga tao ring bumababa sa may gitna ng dalawang bundok, at mayroon pang dumaraan malapit sa banal na puno ng terebinto!”[a]

38 Sumagot si Zebul sa kanya, “Nasaan na ngayon ang ipinagmamalaki mo? Hindi baʼt sinabi mo, ‘Bakit sino ba si Abimelec at magpapasakop tayo sa kanya?’ Ngayon, nandito na ang hinahamak mo! Bakit hindi ka makipaglaban sa kanila?”

39 Kaya tinipon ni Gaal ang mga taga-Shekem at nakipaglaban sila kay Abimelec. 40 Tumakas si Gaal at hinabol siya ni Abimelec. Marami ang namatay sa labanan; ang mga bangkay ay nagkalat hanggang sa may pintuan ng lungsod.

41 Pagkatapos noon, tumira si Abimelec sa Aruma. Hindi pinayagan ni Zebul na bumalik sa Shekem si Gaal at ang mga kapatid nito.

42 Kinaumagahan, nabalitaan ni Abimelec na pupunta sa bukirin ang mga taga-Shekem. 43 Kaya hinati niya sa tatlong grupo ang mga tauhan niya at pumunta sila sa bukirin at naghintay sa paglusob. Nang makita nila ang mga taga-Shekem na lumalabas sa lungsod, nagsimula silang lumusob. 44 Ang grupo ni Abimelec ay pumwesto sa may pintuan ng lungsod habang pinagpapatay ng dalawa niyang grupo ang mga taga-Shekem sa may kabukiran. 45 Buong araw na nakikipaglaban sina Abimelec. Nasakop nila ang lungsod at pinagpapatay ang mga naninirahan dito. Pagkatapos, giniba nila ang lungsod at sinabuyan ng asin.

46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa Tore ng Shekem, nagtago sila sa templo ni El Berit[b] na napapalibutan ng pader. 47 Nang malaman ito ni Abimelec, 48 dinala niya ang mga tauhan niya sa Bundok ng Zalmon. Pagdating nila roon, kumuha si Abimelec ng palakol at namutol ng ilang sanga ng kahoy at pinasan. Ganito ang ipinagawa niya sa kanyang mga tauhan. 49 Bawat isa sa kanila ay pumasan ng kahoy at iniligay sa paligid ng pader ng templo ng El Berit at sinindihan ito. Kaya namatay ang lahat ng tao na nakatira roon sa Tore ng Shekem. Mga 1,000 silang lahat pati mga babae.

50 Pagkatapos, pumunta sina Abimelec sa Tebez at sinakop din nila ito. 51 Pero may matatag doon na tore na kung saan tumatakas ang mga taga-Tebez. Isinasara nila ito at umaakyat sila sa bubungan ng tore. 52 Nilusob ni Abimelec ang tore. At nang susunugin na sana niya ito, 53 hinulugan siya ng babae ng gilingang bato at pumutok ang kanyang ulo. 54 Agad niyang tinawag ang tagadala ng armas niya at sinabihan, “Patayin mo ako ng espada mo para hindi nila masabi na isang babae lang ang nakapatay sa akin.” Kaya pinatay siya ng kanyang utusan. 55 Nang makita ng mga tauhan ni Abimelec[c] na patay na siya, nagsiuwi sila.

56 Sa ganitong paraan, pinagbayad ng Dios si Abimelec sa ginawa niyang masama sa kanyang ama dahil sa pagpatay niya sa 70 kapatid niya. 57 Pinagbayad din ng Dios ang mga taga-Shekem sa lahat ng kanilang kasamaan. Kaya natupad ang sumpa ni Jotam na anak ni Gideon.

Si Tola at si Jair

10 Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo ang siyang namuno sa pagliligtas sa Israel. Mula siya sa lahi ni Isacar, pero tumira siya sa Shamir sa kabundukan ng Efraim. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 23 taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa Shamir.

Sumunod kay Tola ay si Jair na taga-Gilead. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 22 taon. Mayroon siyang 30 anak, at ang bawat isa sa kanilaʼy may asnong sinasakyan. Ang mga ito ang namamahala sa 30 bayan sa Gilead na tinatawag ngayon na bayan ni Jair.[d] Nang mamatay si Jair, inilibing siya sa Kamon.

Pinahirapan ng mga Ammonita ang mga Israelita

Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Itinakwil nila ang Panginoon at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashtoret, at sa mga dios-diosan ng Aram,[e] Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. Dahil dito, nagalit sa kanila ang Panginoon at pinasakop sila sa mga Ammonita at mga Filisteo. At nang taon ding iyon, pinagdusa at pinahirapan nila ang mga Israelita. Sa loob ng 18 taon, pinahirapan nila ang lahat ng mga Israelita sa Gilead, sa silangan ng Ilog ng Jordan na sakop noon ng mga Amoreo. Tumawid din ang mga taga-Ammon sa kanluran ng Ilog ng Jordan at nakipaglaban sa lahi nina Juda, Benjamin at ang sa sambahayan ni Efraim. Dahil dito, labis na nahirapan ang Israel.

10 Kaya humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon. Sinabi nila, “Nagkasala po kami laban sa inyo, dahil tumalikod kami sa inyo na aming Dios at sumamba sa mga imahen ni Baal.” 11-12 Sumagot ang Panginoon, “Nang pinahirapan kayo ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, Sidoneo, Amalekita at mga Maon,[f] humingi kayo ng tulong sa akin at iniligtas ko kayo. 13 Pero tumalikod kayo sa akin at sumamba sa ibang mga dios. Kaya ngayon hindi ko na kayo ililigtas. 14 Bakit hindi kayo humingi ng tulong sa mga dios na pinili ninyo na sambahin? Sila na lang ang magligtas sa inyo sa oras ng inyong kagipitan.”

15 Pero sinabi nila sa Panginoon, “Nagkasala po kami sa inyo, kaya gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa amin. Pero maawa po kayo, iligtas nʼyo po kami ngayon.” 16 Pagkatapos, itinakwil nila ang mga dios-diosan nila at sumamba sa Panginoon. Kinalaunan, hindi na matiis ng Panginoon na makita silang nahihirapan.

17 Dumating ang araw na naglaban ang mga Ammonita at mga Israelita. Nagkampo ang mga Ammonita sa Gilead, at ang mga Israelita sa Mizpa. 18 Nag-usap ang mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Kung sino ang mamumuno sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita, siya ang gagawin nating pinuno sa lahat ng nakatira sa Gilead.”

Lucas 24:13-53

Ang Nangyari sa Daan na Patungong Emaus(A)

13 Nang araw ding iyon, may dalawang tagasunod si Jesus na naglalakad papuntang Emaus. Ang nayong ito ay mga 11 kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan ng dalawa ang mga pangyayaring naganap kamakailan lang. 15 Habang nag-uusap sila at nagtatalo tungkol sa mga bagay na iyon, lumapit sa kanila si Jesus at nakisabay sa paglalakad. 16 Hindi nila siya nakilala dahil itinago ito sa kanilang paningin. 17 Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang pinag-uusapan ninyo habang naglalakad kayo?” Tumigil sandali ang dalawa na malungkot ang mga mukha. 18 Sumagot ang isa na ang pangalan ay Cleopas, “Siguro, sa lahat ng dumadayo sa Jerusalem, kayo lang ang hindi nakabalita tungkol sa mga nangyari roon kamakailan.” 19 Nagtanong si Jesus sa kanila, “Bakit, ano ang mga nangyari?” At sumagot sila, “Ang nangyari kay Jesus na taga-Nazaret. Isa siyang propetang makapangyarihan sa paningin ng Dios at ng mga tao. At pinatunayan ito ng mga gawa at aral niya. 20 Inakusahan siya ng mga pinuno namin at ng mga namamahalang pari upang mahatulang mamatay. At ipinako siya sa krus. 21 Umasa pa naman kami na siya ang magpapalaya sa Israel mula sa kamay ng mga taga-Roma. Pero ikatlong araw na ngayon mula nang pinatay siya. 22-23 Pero nagulat kami sa ibinalita sa amin ng ilang babaeng kasamahan namin na maagang pumunta kanina sa libingan. Hindi nila nakita ang bangkay ni Jesus, pero nakakita raw sila ng mga anghel na nagsabing buhay si Jesus. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama naming lalaki at nakita nila na wala nga roon ang bangkay, gaya ng sinabi ng mga babae.”

25 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mga mangmang kayo! Ang hirap ninyong papaniwalain sa lahat ng sinabi ng mga propeta sa Kasulatan. 26 Hindi baʼt ang Cristo ay kailangang magtiis ng lahat ng ito bago siya parangalan ng Dios?” 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan tungkol sa kanya, mula sa mga isinulat ni Moises hanggang sa mga isinulat ng mga propeta.

28 Nang malapit na sila sa Emaus na pupuntahan nila, nagkunwari si Jesus na magpapatuloy sa kanyang paglalakbay. 29 Pero pinigil nila siya, at sinabi, “Dito na muna kayo tumuloy sa amin, dahil palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya sumama siya sa kanila. 30 Nang kakain na sila, kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. 31 Nabuksan ang kanilang mga paningin at nakilala nila si Jesus. Pero bigla siyang nawala sa kanilang paningin. 32 Sinabi nila, “Kaya pala ang ganda ng pakiramdam natin habang kinakausap niya tayo sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan.”

33 Noon din ay bumalik sila sa Jerusalem. Nadatnan nilang nagtitipon ang 11 apostol at ang iba pa nilang kasamahan. 34 Pinag-uusapan nilang, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Pedro.” 35 Ikinuwento naman ng dalawang galing Emaus ang nangyari sa kanila sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghahati-hatiin niya ang tinapay.

Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(B)

36 Habang pinag-uusapan nila ito, nagpakita si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila, at binati sila, “Sumainyo ang kapayapaan!” 37 Pero nagulat sila at natakot dahil akala nila ay multo ang nakita nila. 38 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo natatakot? At bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Ako talaga ito. Tingnan ninyo ang mga bakas ng mga pako sa mga kamay at paa ko. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Hindi ako multo. Ang multo ay walang laman at buto pero ako ay mayroon.” 40 [Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.] 41 Sa kagalakan nila at pagkamangha, halos hindi pa rin sila makapaniwala. Kaya tinanong sila ni Jesus, “Mayroon ba kayong pagkain dito?” 42 Binigyan nila si Jesus ng isang hiwa ng inihaw na isda. 43 Kinuha niya iyon at kinain sa harap nila.

44 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo noong magkasama pa tayo na kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga isinulat ng mga propeta at sa mga Salmo.” 45 At binuksan ni Jesus ang isip nila upang maunawaan nila ang Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ayon sa Kasulatan, kailangang magtiis ng hirap at mamatay ang Cristo ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 At dapat ipangaral sa buong mundo, mula sa Jerusalem, na sa pamamagitan niyaʼy patatawarin ng Dios ang nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Isusugo ko sa inyo ang Banal na Espiritung ipinangako ng Ama, kaya manatili muna kayo rito sa Jerusalem hanggang sa dumating sa inyo ang kapangyarihan mula sa langit.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(C)

50 Pagkatapos, isinama sila ni Jesus sa Betania. Pagdating doon, itinaas niya ang mga kamay niya at pinagpala sila. 51 At habang pinagpapala niya sila, iniwan niya sila at iniakyat siya sa langit. 52 Siya ay sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na punong-puno ng kagalakan. 53 At palagi silang nasa templo na nagpupuri sa Dios.

Salmo 100

Awit ng Pagpupuri sa Panginoon

100 Kayong mga tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo nang may kagalakan sa Panginoon!
Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon.
    Lumapit kayo sa kanya na umaawit sa tuwa.
Kilalanin ninyo na ang Panginoon ang Dios!
    Siya ang lumikha sa atin at tayoʼy sa kanya.
    Tayoʼy kanyang mga mamamayan na parang mga tupa na kanyang inaalagaan sa kanyang pastulan.
Pumasok kayo sa kanyang templo nang may pagpapasalamat at pagpupuri.
    Magpasalamat kayo at magpuri sa kanya.
Dahil mabuti ang Panginoon; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan,
    at ang kanyang katapatan ay magpakailanman!

Kawikaan 14:11-12

11 Mawawasak ang tahanan ng taong masama, ngunit uunlad ang tahanan ng taong matuwid.
12 Maaaring sa tingin mo ang daang tinatahak mo ay matuwid, ngunit kamatayan pala ang dulo nito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®