The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
21 Sumagot ang mga lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase sa mga pinuno, 22 “Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Nalalaman po niya kung bakit namin ito ginawa, at dapat din ninyong malaman. Kung nagrebelde kami o kayaʼy lumabag sa Panginoon, patayin nʼyo kami sa araw na ito. 23 Kung nilabag namin ang Panginoon dahil sa pagpapatayo namin ng sariling altar para alayan namin ng mga handog na sinusunog, handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, o kayaʼy handog para sa mabuting relasyon, ang Panginoon sana ang magparusa sa amin.
24 “Ginawa namin ito dahil natakot kami na baka dumating ang panahon na sabihin ng mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Ano ang pakialam nʼyo sa Panginoon, ang Dios ng Israel? 25 Ginawa na ng Panginoon na hangganan ang Ilog ng Jordan para ihiwalay kayo sa amin. Kayong mga lahi nina Reuben at Gad, wala kayong bahagi sa Panginoon.’ Baka ang mga kaapu-apuhan nʼyo ang siyang magpahinto sa mga kaapu-apuhan namin sa pagsamba sa Panginoon. 26 Kaya ipinatayo namin ang altar, hindi para sa mga handog na sinusunog o sa iba pang mga handog, 27 kundi para maging tanda para sa amin, sa inyo, at para sa mga susunod nating henerasyon na sinasamba namin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog na naroon sa Tolda niya.[a] Kaya hindi makapagsasabi ang mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Wala kayong pakialam sa Panginoon!’ 28 At kung mangyari nga na sabihin nila ito sa mga kaapu-apuhan namin, sasagutin sila ng kaapu-apuhan namin, ‘Tingnan nʼyo! Nagpatayo ang mga ninuno namin ng altar, gaya ng altar ng Panginoon, hindi para pag-alayan ng mga handog na sinusunog at ng iba pang mga handog, kundi upang maging paalala para sa amin at sa inyo na isang Dios lamang ang ating sinasamba.’
29 “Hindi namin magagawa na magrebelde o sumuway sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapatayo namin ng sariling altar para pag-alayan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog. Hindi namin ipagpapalit ang altar ng Panginoon na ating Dios na nandoon sa harap ng kanyang Tolda.”
30 Natuwa sina Finehas na pari at ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Israelita nang marinig nila ang sinabi ng mga lahi nina Reuben, Gad at ng kalahating lahi ni Manase. 31 Kaya sinabi ni Finehas, anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin ang Panginoon dahil hindi kayo nagrebelde sa kanya. Niligtas nʼyo ang Israel sa parusa ng Panginoon.”
32 Pagkatapos, umuwi sa Canaan sina Finehas at ang mga pinuno, at sinabi nila sa mga Israelita ang pakikipag-usap nila sa mga lahi nina Reuben at Gad. 33 Nang marinig nila ito, natuwa sila at nagpuri sa Dios. At hindi na sila nagsalita tungkol sa paglusob sa lupain na tinitirhan ng mga lahi nina Reuben at Gad.
34 Pinangalanan ng mga lahi nina Reuben at Gad ang altar na “Saksi”, dahil sabi nila, “Saksi ito para sa ating lahat na ang Panginoon ay Dios.”
Ang Habilin ni Josue sa mga Israelita
23 Sa mahabang panahon, binigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa mga kalaban nila sa paligid. Matanda na si Josue, 2 kaya ipinatawag niya ang lahat ng mamamayan ng Israel, kasama ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel. Sinabi niya sa kanila, “Matanda na ako. 3 Nakita nʼyo mismo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa mga bansang ito alang-alang sa inyo. Ang Panginoon na inyong Dios ang nakipaglaban para sa inyo. 4 Pinaghati-hati ko na sa inyo bilang mana ng mga lahi nʼyo ang lahat ng lupain ng mga bansang nasakop natin, mula sa Ilog ng Jordan sa silangan hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, pati na rin ang mga lupain ng mga bansang hindi pa natin nasasakop. 5 Magiging inyo ang mga lupain nila, ayon sa ipinangako sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Itataboy sila ng Panginoon na inyong Dios mismo. Tatakas sila habang nilulusob ninyo.
6 “Magpakatatag kayo at tuparin nʼyong mabuti ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag nʼyo itong itakwil. 7 Huwag kayong makikiisa sa mga bayan na natitira pa sa karatig ninyo, at huwag ninyong babanggitin ang mga pangalan ng mga dios nila o kayaʼy sumumpa sa pangalan ng mga ito. Huwag kayong sasamba o kayaʼy maglilingkod sa kanila, 8 kundi, maging tapat kayo sa Panginoon na inyong Dios, gaya ng ginagawa nʼyo hanggang ngayon.
9 “Itinaboy ng Panginoon ang malalaki at mga makapangyarihang bansa nang lusubin nʼyo sila at hanggang ngayon wala pang kahit isa na nakatalo sa inyo. 10 Kahit sino sa inyo ay makakapagtaboy ng 1,000 tao dahil ang Panginoon na inyong Dios ang nakikipaglaban para sa inyo, ayon sa ipinangako niya. 11 Kaya ingatan ninyong lubos sa inyong puso na ibigin ang Panginoon na inyong Dios.
12 “Pero kung tatalikod kayo sa kanya at makikipag-isa sa mga karatig bansang natira, at makikipag-asawa sa kanila at makikisalamuha, 13 tiyak na hindi na itataboy ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansang ito. Sa halip, magiging mapanganib sila para sa inyo gaya ng bitag, at magiging pahirap sila sa inyo gaya ng malupit na latigo kapag hinagupit kayo sa likod o kayaʼy tinik kapag tinusok ang mata ninyo. Mangyayari ito hanggang sa mamatay kayong lahat sa magandang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.
14 “Malapit na akong mamatay. Nalalaman nʼyo ng buong puso ninyoʼt kaluluwa na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala, kahit isa na hindi niya tinupad. 15 Pero ngayon na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo, tutuparin din niya ang parusa na babala niya sa inyo hanggang sa malipol niya kayo rito sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo. 16 Oo, mangyayari ito sa inyo kung lalabag kayo sa kasunduan ng Panginoon na inyong Dios at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios. Talagang ipaparanas niya sa inyo ang kanyang galit at malilipol agad kayo sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo.”
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)
27 May ilang Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 28 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[a] 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 30-31 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat na walang anak sa babae. 32 At kinalaunan, namatay din ang babae. 33 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?” 34 Sumagot si Jesus, “Ang mga tao sa panahong ito ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga taong mamarapatin ng Dios na mabuhay muli sa panahong darating ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay dahil matutulad na sila sa mga anghel. Silaʼy mga anak ng Dios dahil muli silang binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling bubuhayin ang mga patay. Sapagkat nang naroon siya sa nagliliyab na mababang punongkahoy, tinawag niya ang Panginoon na ‘Dios nina Abraham, Isaac at Jacob.’[b] 38 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay, para sa kanya ang lahat ay buhay.” 39 Sinabi ng ilang tagapagturo ng Kautusan, “Guro, mahusay ang sagot ninyo.” 40 At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
Ang Tanong tungkol sa Cristo(B)
41 Ngayon, si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Bakit sinasabi ng mga tao na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? 42 Samantalang si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Salmo,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
Maupo ka sa aking kanan
43 hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’[c]
44 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano masasabing lahi lang siya ni David?”
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(C)
45 Habang nakikinig kay Jesus ang mga tao, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit.[d] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 47 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”
14 Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng inyong paghahari
na pinangungunahan ng tapat na pag-ibig at katotohanan.
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
19 Noon, nagsalita kayo sa inyong mga tapat na lingkod sa pamamagitan ng pangitain.
Sinabi nʼyo, “May hinubog akong isang mandirigma.
Pinili ko siya mula sa mga karaniwang tao,
at ginawang hari.
20 Si David na aking lingkod ang pinili kong hari sa pamamagitan ng pagpahid sa kanya ng banal na langis.
21 Ang kapangyarihan ko ang makakasama niya, at magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kanyang mga kaaway.
Hindi magtatagumpay laban sa kanya ang masasama.
23 Dudurugin ko sa kanyang harapan ang kanyang mga kaaway,
at lilipulin ang mga may galit sa kanya.
24 Mamahalin ko siya at dadamayan.
At sa pamamagitan ng aking kapangyarihan
ay magtatagumpay siya.
25 Paghahariin ko siya mula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Ilog ng Eufrates.[a]
26 Sasabihin niya sa akin, ‘Kayo ang aking Ama at Dios;
kayo ang bato na aking kanlungan at kaligtasan.’
27 Ituturing ko siyang panganay kong anak,
ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng hari.
28 Ang pag-ibig ko sa kanyaʼy magpakailanman at ang kasunduan ko sa kanyaʼy mananatili.
29 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang angkan;
ang kanyang paghahari ay magiging matatag tulad ng kalangitan at mananatili magpakailanman.
30 Ngunit kung ang mga anak niya ay tumalikod sa aking kautusan at hindi mamuhay ayon sa aking pamamaraan,
31 at kung labagin nila ang aking mga tuntunin at kautusan,
32 parurusahan ko sila sa kanilang mga kasalanan.
33 Ngunit mamahalin ko pa rin at dadamayan si David.
34 Hindi ko sisirain ang aking kasunduan sa kanya,
at hindi ko babawiin ang aking ipinangako sa kanya.
35 Nangako na ako kay David ayon sa aking kabanalan at hindi ako maaaring magsinungaling.
36 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang lahi magpakailanman gaya ng araw,
37 at magpapatuloy ito magpakailanman
katulad ng buwan na itinuturing na tapat na saksi sa kalangitan.”
17 Ang masamang sugo ay lumilikha ng kaguluhan, ngunit ang mapagkakatiwalaang sugo ay nagpapabuti ng ugnayan.
18 Ang taong ayaw tumanggap ng pangaral ay dadanas ng kahirapan at kahihiyan, ngunit ang tumatanggap nito ay pararangalan.
19 Ang pangarap na natupad ay nagdudulot ng ligaya; subalit ang taong hangal ay hindi tumitigil sa paggawa ng masama.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®