Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 23-25

Ang mga Taong Itiniwalag sa Kapulungan ng Israel

23 “Walang taong kinapon o pinutulan ng ari ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

“Ang anak sa labas ay hindi makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon pati na ang kanyang angkan hanggang sa ikasampung salinlahi. Walang Amoreo o Moabita o sinuman sa kanilang lahi hanggang sa ikasampung salinlahi ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon. Sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain o tubig nang naglalakbay kayo mula sa Egipto, at sinulsulan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. Ngunit hindi nakinig ang Panginoon na inyong Dios kay Balaam. Sa halip, ginawa niyang basbas ang sumpa sa inyo, dahil minamahal kayo ng Panginoon na inyong Dios. Habang buhay kayo, huwag kayong tutulong sa mga Amoreo o Moabita sa anumang paraan.

“Huwag ninyong kamumuhian ang mga Edomita, dahil kadugo nʼyo sila. Huwag din ninyong kamumuhian ang mga Egipcio dahil tumira kayo dati sa kanilang lupain bilang mga dayuhan. Ang kanilang mga angkan sa ikatlong salinlahi ay maaaring makasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

Iba pang mga Tuntunin

“Kapag makikipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, umiwas kayo sa anumang bagay na makakadungis sa inyo. 10 Kung may isa sa inyo na nilabasan ng binhi sa kanyang pagtulog sa gabi, kailangang lumabas siya sa kampo at doon muna siya manatili.

11 “Pagdating ng hapon, maliligo siya, at paglubog ng araw, maaari na siyang makabalik sa kampo. 12 Pumili kayo ng lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Kailangang may panghukay ang bawat isa sa inyo, para huhukay kayo kapag nadudumi kayo, at tatabunan ito kapag tapos na kayo. 14 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay naglilibot sa inyong kampo para iligtas kayo at ibigay sa inyo ang mga kaaway ninyo. Kaya kailangang malinis ang inyong kampo para wala siyang makitang hindi maganda sa inyo, at para hindi niya kayo pabayaan.

15 “Kung tumakas ang isang alipin sa kanyang amo at tumakbo sa inyo, huwag ninyo siyang piliting bumalik sa kanyang amo. 16 Patirahin ninyo siya sa inyong lugar, kahit saang bayan niya gusto. Huwag ninyo siyang aapihin.

17 “Dapat walang Israelita, lalaki man o babae, na magbebenta ng kanyang katawan bilang pagsamba sa mga dios-diosan sa templo. 18 Huwag ninyong dadalhin sa bahay ng Panginoon na inyong Dios ang pera na natanggap ninyo sa pamamaraang ito bilang bayad sa inyong pangako sa Panginoon na inyong Dios, dahil kasuklam-suklam ito sa kanya.

19 “Kung magpapautang kayo sa kapwa ninyo Israelita, huwag ninyo itong tutubuan, pera man ito o pagkain o anumang bagay na maaaring patubuan. 20 Maaari kayong magpautang nang may patubo sa mga dayuhan, pero hindi sa mga kapwa ninyo Israelita. Gawin ninyo ito para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo.

21 “Kung gagawa kayo ng panata sa Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong patatagalin ang pagtupad nito, dahil siguradong sisingilin kayo ng Panginoon na inyong Dios, at magkakasala kayo sa hindi pagtupad nito. 22 Hindi ito kasalanan kung hindi kayo gumawa ng panata sa Panginoon. 23 Pero anumang ipanata ninyo sa Panginoon na inyong Dios ay dapat ninyong tuparin.

24 “Kung pupunta kayo sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo, pero huwag kayong kukuha at maglalagay sa inyong lalagyan para dalhin. 25 Kung mapapadaan kayo sa taniman ng trigo ng inyong kapwa, maaari kayong makaputol ng mga uhay, pero huwag ninyo itong gagamitan ng karit na panggapas.

24 “Kung nag-asawa ang isang lalaki, at sa bandang huli ay inayawan na niya ito dahil may natuklasan siyang hindi niya nagustuhan dito, dapat siyang gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at ibigay ito sa kanya, at maaari na niya itong paalisin sa kanyang bahay. Kung mag-aasawa muli ang babae, at hiwalayan na naman siya ng ikalawa niyang asawa o mamatay ito, hindi na siya maaaring mapangasawang muli ng nauna niyang asawa dahil narumihan na siya.[a] Kung muli siyang mapapangasawa ng nauna niyang asawa, kasuklam-suklam ito sa paningin ng Panginoon. Hindi ninyo dapat gawin ang mga kasalanang ito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.

“Kung bagong kasal ang isang lalaki, huwag ninyo siyang isasama sa labanan o bibigyan ng anumang responsibilidad sa bayan sa loob ng isang taon, para manatili muna siya sa kanyang bahay at mabigyan ng kasiyahan ang kanyang asawa.

“Huwag ninyong kukuning sanla ang gilingan ng umutang sa inyo dahil para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.

“Sinuman sa inyo ang kumidnap sa kapwa niya Israelita at ginawa itong alipin o ipinagbili, dapat patayin ang kumidnap. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

“Tungkol sa malubhang sakit sa balat, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin na ipinapagawa sa inyo ng mga pari na mga Levita. Sundin ninyo ang mga iniutos ko sa kanila. Alalahanin ninyo kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios kay Miriam nang naglalakbay kayo paglabas sa Egipto.

10 “Kung magpapautang kayo ng kahit ano sa kapwa ninyo Israelita, huwag kayong papasok sa bahay niya para kumuha ng anumang isasanla niya. 11 Maghintay lang kayo sa labas at dadalhin niya ito sa inyo. 12-13 Kung mahirap ang tao, at pangbalabal ang isinanla niya sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ito. Isauli ito sa kanya habang hindi pa lumulubog ang araw para magamit niya ito sa kanyang pagtulog, at pasasalamatan ka pa niya. Ituturing ito ng Panginoon na inyong Dios na gawang matuwid.

14 “Huwag ninyong dadayain ang mahihirap na trabahador sa kanilang upa, Israelita man siya o dayuhan na naninirahan sa inyong bayan. 15 Bayaran ninyo siya ng isang araw na sweldo bago lumubog ang araw dahil mahirap siya at inaasahan niyang matanggap ito. Sapagkat kung hindi, baka dumaing siya sa Panginoon laban sa inyo at itoʼy ituturing na kasalanan ninyo.

16 “Hindi dapat patayin ang magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, o ang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang magulang; ang bawat isa ay papatayin lang dahil sa kanyang sariling kasalanan.

17 “Bigyan ninyo ng hustisya ang mga dayuhan at ang mga ulila. Huwag ninyong kukunin ang balabal ng biyuda bilang sanla sa kanyang utang. 18 Alalahanin ninyong alipin kayo noon sa Egipto at iniligtas kayo ng Panginoon na inyong Dios. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.

19 “Kapag nag-aani kayo at may naiwang bigkis sa bukid, huwag na ninyo itong babalikan para kunin. Iwan na lang ninyo ito para sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa. 20 Kung mamimitas kayo ng olibo, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira na lang ninyo ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 21 Kung aani kayo ng ubas, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira nʼyo na lang ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 22 Alalahanin ninyo na mga alipin kayo noon sa Egipto. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.

25 “Halimbawa, may pinagtalunan ang dalawang tao at dinala nila ang kanilang kaso sa korte, at idineklara ng mga hukom kung sino sa kanila ang may kasalanan at walang kasalanan. Kung sinentensyahan ng hukom na hagupitin ang may kasalanan, padadapain siya sa harap ng hukom at hahagupitin ayon sa bigat ng kasalanan na kanyang ginawa. Ngunit hindi ito hihigit pa sa 40 hagupit dahil magiging kahiya-hiya na ito kung hihigit pa roon.

“Huwag ninyong bubusalan ang baka habang gumigiik pa ito.

“Kung may dalawang magkapatid na lalaking naninirahan sa iisang bayan, at namatay ang isa sa kanila nang hindi nagkaanak, hindi makapag-aasawa ang babae ng iba maliban lang sa pamilya ng kanyang asawa. Ang kapatid ng kanyang asawa ang dapat na maging asawa niya. Tungkulin niya ito sa kanyang hipag. Ang panganay nilang anak ay ituturing na anak ng namatay na kapatid para hindi mawala ang kanyang pangalan sa Israel.

“Pero kung ayaw mapangasawa ng kapatid ng namatay ang biyuda, pupunta ang biyuda sa mga tagapamahala roon sa pintuan ng bayan at sasabihin, ‘Hindi pumayag ang aking hipag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid sa Israel. Ayaw niyang tuparin ang kanyang tungkulin sa akin bilang hipag.’ At ipapatawag siya ng mga tagapamahala ng bayan at makikipag-usap sila sa kanya. Kung talagang ayaw pa rin niyang pakasalan ang biyuda, lalapitan siya ng biyuda sa harap ng mga tagapamahala at kukunin niya ang sandalyas ng kanyang hipag at duduraan niya sa mukha at sasabihin, ‘Ganyan ang gagawin sa lalaking hindi pumapayag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid na namatay.’ 10 Ang pamilya ng taong ito ay tatawagin sa Israel na pamilya ng taong kinuhanan ng sandalyas.

11 “Kung may dalawang lalaking nag-aaway at lumapit ang asawa ng isa para tumulong sa kanyang asawa sa pamamagitan ng pagdakot sa ari ng kalaban, 12 kailangang putulin ang kamay ng babae nang walang awa.

13-14 “Huwag kayong mandaraya sa inyong pagtimbang at pagtakal. 15 Gumamit kayo ng tamang timbangan at takalan, para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 16 Sapagkat kasuklam-suklam sa Panginoon na inyong Dios ang taong mandaraya.

17 “Alalahanin ninyo ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang lumabas kayo sa Egipto. 18 Sinalakay nila kayo noong pagod na pagod na kayo, at pinagpapatay nila ang inyong mga kasama na nasa hulihan. Wala silang takot sa Panginoon. 19 Kaya patayin ninyo ang lahat ng mga Amalekita kapag binigyan na kayo ng Panginoon na inyong Dios ng kapayapaan doon sa lupaing ibinibigay niya sa inyo na inyong aangkinin. Huwag ninyo itong kalilimutan.

Lucas 10:13-37

Babala sa mga Bayang Hindi Nagsisisi(A)

13 Sinabi pa ni Jesus, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo[a] para ipakita ang pagsisisi nila. 14 Kaya sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. 15 At kayo namang mga taga-Capernaum, inaakala ninyong pupurihin kayo kahit sa langit. Pero ihuhulog kayo sa lugar ng mga patay!”

16 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga sinugo niya, “Ang nakikinig sa inyoʼy nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyoʼy nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”

Bumalik ang 72 Tagasunod ni Jesus

17 Masayang bumalik ang 72 tagasunod ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, kahit po ang masasamang espiritu ay sumusunod sa amin kapag inutusan namin sila sa pangalan nʼyo!” 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Nakita kong nahulog si Satanas mula sa langit na parang kidlat. 19 Binigyan ko kayo ng kapangyarihang daigin ang masasamang espiritu at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway nating si Satanas.[b] At walang anumang makapipinsala sa inyo. 20 Ganoon pa man, huwag kayong matuwa dahil napapasunod ninyo ang masasamang espiritu kundi matuwa kayo dahil nakasulat sa langit ang pangalan ninyo.”

Napuno si Jesus ng Kagalakang Mula sa Banal na Espiritu(B)

21 Nang oras ding iyon, napuno si Jesus ng kagalakang mula sa Banal na Espiritu. At sinabi niya, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sariliʼy mga marurunong at matatalino, at inihayag mo sa mga taong tulad ng bata na kaunti lang ang nalalaman. Oo, Ama, pinupuri kita dahil iyon ang kalooban mo.”

22 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais kong makakilala sa Ama.”

23 Humarap si Jesus sa mga tagasunod niya at sinabi sa kanila ng sarilinan, “Mapalad kayo dahil nakita mismo ninyo ang mga ginagawa ko. 24 Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at mga hari noon ang naghangad na makakita at makarinig ng nakikita at naririnig ninyo ngayon, pero hindi ito nangyari sa panahon nila.”

Ang Mabuting Samaritano

25 Lumapit kay Jesus ang isang tagapagturo ng Kautusan upang subukin siya. Nagtanong siya, “Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 26 Sumagot si Jesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” 27 Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip.[c] At mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[d] 28 “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. “Gawin mo iyan at magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan.”

29 Pero ayaw mapahiya ng tagapagturo, kaya nagtanong ulit siya, “At sino naman po ang kapwa ko?” 30 Bilang sagot sa kanya, nagkwento si Jesus: “May isang taong papunta sa Jerico galing sa Jerusalem. Habang naglalakad siya, hinarang siya ng mga tulisan. Kinuha nila ang mga dala niya, pati na ang suot niya. Binugbog nila siya at iniwang halos patay na sa tabi ng daan. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang pari. Nang makita niya ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglalakad. 32 Napadaan din ang isang Levita[e] at nakita niya ang tao, pero lumihis din siya sa kabilang daan at nagpatuloy sa kanyang paglalakad. 33 Pero may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang taong nakahandusay at naawa siya. 34 Nilapitan niya ang lalaki, hinugasan ng alak ang sugat, binuhusan ng langis at saka binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang tao sa sinasakyan niyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan ng Samaritano ng pera[f] ang may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung kulang pa iyan sa magagastos mo ay babayaran kita pagbalik ko.’ ”

36 Nagtanong ngayon si Jesus sa tagapagturo ng Kautusan, “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang nagpakita na siya ang tunay na kapwa-tao ng biktima ng mga tulisan?” 37 Sumagot siya, “Ang tao pong nagpakita ng awa sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Lumakad ka at ganoon din ang gawin mo.”

Salmo 75

Ang Dios ang Hukom

75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
    Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
    Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
    ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
    at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
    kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
    Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
    aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
    ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.

Kawikaan 12:12-14

12 Ang taong masama ay laging kasamaan ang ginagawa, kaya hindi matatag ang kanyang kalagayan; ngunit ang taong matuwid ay matatag gaya ng punongkahoy na malalim ang ugat.
13 Ang kasamaang sinasabi ng taong masama ay nagdudulot sa kanya ng gulo, ngunit ang taong matuwid ay umiiwas sa gulo.
14 Ang bawat isa ay tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang sinabi o ginawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®