The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Ang Kapanganakan ni Samuel
1 May isang lalaking mula sa angkan ni Zuf na ang pangalan ay Elkana. Nakatira siya sa Rama, sa maburol na lupain ng Efraim. Anak siya ni Jeroham na anak ni Elihu. Si Elihu ay anak naman ni Tohu na anak ni Zuf, na mula sa lahi ni Efraim. 2 Si Elkana ay may dalawang asawa. Sila ay sina Hanna at Penina. May mga anak si Penina pero si Hanna ay wala.
3 Taun-taon, pumupunta si Elkana at ang sambahayan niya sa Shilo upang sumamba at maghandog sa Panginoong Makapangyarihan. Ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ang mga pari ng Panginoon sa Shilo. 4 Sa tuwing maghahandog si Elkana, hinahati niya ang ibang bahagi ng kanyang handog para kay Penina at sa mga anak niya. 5 Pero doble ang bahagi na ibinibigay niya kay Hanna dahil mahal niya ito kahit hindi siya nagkakaanak, dahil ginawa siyang baog ng Dios. 6 At dahil hindi nga siya magkaanak, lagi siyang iniinis at hinihiya ni Penina na kanyang karibal. 7 Ganito ang laging nangyayari taun-taon. Sa tuwing pupunta si Hanna sa bahay ng Panginoon, iniinis siya ni Penina hanggang sa umiyak na lang siya at hindi na kumain. 8 Sinasabi ni Elkana sa kanya, “Bakit ka umiiyak? Bakit ayaw mong kumain? Bakit ka malungkot? Mas mahalaga ba para sa iyo ang sampung anak kaysa sa akin?”
9-10 Minsan, pagkatapos nilang kumain sa bahay ng Panginoon sa Shilo, tumayo si Hanna at nanalangin nang umiiyak dahil sa labis na kalungkutan. Nakaupo noon ang pari na si Eli sa may pintuan ng bahay ng Panginoon.[a] 11 Nangako si Hanna sa Panginoon. Sinabi niya, “O Panginoong Makapangyarihan, tingnan po ninyo ang aking paghihirap. Alalahanin ninyo ang inyong lingkod at huwag ninyo akong kalimutan. Kung bibigyan nʼyo po ako ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo para maglingkod sa inyo sa buong buhay niya. At bilang tanda nang lubos niyang pagsunod sa inyo, hindi ko po pagugupitan ang kanyang buhok.”
12-13 Habang patuloy siyang nananalangin sa Panginoon, nakita ni Eli na bumubuka ang bibig ni Hanna pero hindi naririnig ang kanyang boses. Inakala ni Eli na lasing si Hanna, 14 kaya sinabi niya sa kanya, “Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom!” 15 Sumagot si Hanna, “Hindi po ako lasing, at hindi po ako nakainom ng kahit anong klase ng inumin. Ibinubuhos ko lang po sa Panginoon ang paghihirap na aking nararamdaman. 16 Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan.”
17 Sinabi ni Eli, “Sige, umuwi kang mapayapa. Sanaʼy ipagkaloob ng Dios ng Israel ang hinihiling mo sa kanya.” 18 Sumagot si Hanna, “Salamat po sa kabutihan ninyo sa akin.” Pagkatapos ay umalis na siya at kumain, at nawala na ang lungkot sa kanyang mukha.
19 Kinabukasan, maagang bumangon si Elkana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Hanna at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Hanna na bigyan siya ng anak. 20 At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel,[b] dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”
Inihandog ni Hanna si Samuel
21 Muling dumating ang panahon na si Elkana at ang buo niyang pamilya ay maghahandog sa Panginoon gaya ng ginagawa nila taun-taon. Ito rin ang panahon na maghahandog siya bilang pagtupad sa panata niya sa Panginoon. 22 Pero hindi sumama si Hanna. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Kapag naawat na ang sanggol sa pagsuso sa akin, dadalhin ko siya sa bahay ng Panginoon para ihandog sa kanya. Doon na siya titira sa buong buhay niya.” 23 Sumagot si Elkana, “Gawin mo kung ano ang sa tingin moʼy mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa maawat mo na ang sanggol. Tulungan ka sana ng Panginoon na matupad ang ipinangako mo sa kanya.” Kaya nagpaiwan si Hanna at inalagaan ang kanyang anak.
24 Nang maawat na ang bata, dinala siya ni Hanna sa bahay ng Panginoon sa Shilo. Nagdala rin siya ng tatlong taong gulang na toro, kalahating sako ng harina at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 25 Matapos katayin ang toro, dinala nila si Samuel kay Eli. 26 Sinabi ni Hanna kay Eli, “Kung natatandaan nʼyo po, ako ang babaeng tumayo rito noon na nanalangin sa Panginoon. 27 Hiningi ko po ang batang ito sa Panginoon at ibinigay niya ang kahilingan ko. 28 Kaya ngayon, ihahandog ko po siya sa Panginoon. Maglilingkod po ang batang ito sa Panginoon sa buong buhay niya.” Pagkatapos ay sumamba sila sa[c] Panginoon.
Ang Panalangin ni Hanna
2 At nanalangin si Hanna,
“Nagagalak ako sa Panginoon!
Dahil sa kanyang ginawa, hindi na ako mahihiya.
Tinatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway.
Nagagalak ako sa pagliligtas niya sa akin.
2 Walang ibang banal maliban sa Panginoon.
Wala siyang katulad.
Walang Bato na kanlungan tulad ng ating Dios.
3 Walang sinumang makapagyayabang dahil alam ng Panginoong Dios ang lahat ng bagay,
at hinahatulan niya ang mga gawa ng tao.
4 Nililipol niya ang mga makapangyarihan,
ngunit pinalalakas niya ang mahihina.
5 Ang mayayaman noon, ngayon ay nagtatrabaho para lang may makain.
Ngunit ang mahihirap noon ay sagana na ngayon.
Ang dating baog ay marami nang anak.[d]
Ngunit ang may maraming anak ay nawalan ng mga ito.
6 May kapangyarihan ang Panginoon na patayin o buhayin ang tao.
May kapangyarihan siyang ilagay sila sa lugar ng mga patay o kunin sila roon.
7 Ang Panginoon ang nagpapadukha at nagpapayaman.
Itinataas niya ang iba at ang iba naman ay kanyang ibinababa.
8 Ibinabangon niya ang mga mahihirap sa kanilang kahirapan.
Pinapaupo niya sila kasama ng mga maharlika at pinararangalan.
Sa kanya ang pundasyon na kinatatayuan ng mundo.
9 Iniingatan niya ang tapat niyang mamamayan.
Ngunit lilipulin niya ang masasama.
Walang sinumang magtatagumpay sa pamamagitan ng sarili niyang kalakasan.
10 Dudurugin niya ang kanyang mga kaaway.
Padadagundungin niya ang langit laban sa kanila.
Ang Panginoon ang hahatol sa buong mundo.[e]
Dahil sa kanya, magiging makapangyarihan at laging magtatagumpay ang haring kanyang hinirang.”
11 Pagkatapos, umuwi si Elkana at ang sambahayan niya sa Rama. Pero iniwan nila si Samuel para maglingkod sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli na pari.
Ang Kasalanan ng Dalawang anak ni Eli
12 Masasamang tao ang dalawang anak ni Eli. Hindi sila sumusunod sa Dios 13 dahil hindi nila sinusunod ang mga tuntunin tungkol sa bahaging matatanggap ng mga pari galing sa handog ng mga tao. Ito ang kanilang ginagawa kapag may naghahandog: Habang pinapakuluan ang mga karneng ihahandog, pinapapunta nila roon ang alipin nila na may dalang malaking tinidor na may tatlong tulis. 14 Pagkatapos, tinutusok ng alipin ang mga karne sa loob ng kaldero o palayok. Ang matusok ng tinidor ay ang bahaging mapupunta sa mga pari. Ganito ang kanilang ginagawa tuwing maghahandog ang mga Israelita sa Shilo. 15 At bago pa masunog ang taba ng karne, pumupunta na ang alipin at sinasabi sa naghahandog, “Bigyan mo ang pari ng karneng maiihaw. Hindi siya tumatanggap ng pinakuluan. Hilaw ang gusto niya.” 16 Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maihandog ang taba ng karne bago siya kumuha ng gusto niya, sasagot ang alipin, “Hindi maaari! Kailangang ngayon mo ibigay dahil kung hindi, aagawin ko iyan sa iyo.” 17 Malaking kasalanan sa paningin ng Panginoon ang ginagawa ng mga anak ni Eli dahil hindi nila iginagalang ang handog para sa Panginoon.
18 Samantala, patuloy na naglilingkod sa Panginoon ang batang si Samuel. Suot-suot niya ang espesyal na damit[f] na gawa sa telang linen. 19 Taun-taon, iginagawa ni Hanna ng balabal si Samuel, at dinadala niya ito kay Samuel sa tuwing maghahandog sila ng asawa niya ng taunang handog. 20 Doon, binabasbasan ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa. Sinasabi niya kay Elkana, “Sanaʼy bigyan ka ng Panginoon ng mga anak sa babaeng ito kapalit ng kanyang hiningi at inihandog sa Panginoon.” Pagkatapos, umuwi na sila.
21 Kinahabagan ng Panginoon si Hanna. Nagkaanak pa siya ng tatlong lalaki at dalawang babae, habang si Samuel ay patuloy na lumalaking naglilingkod sa Panginoon.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaki sa Betesda
5 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Judio. 2 Sa isang pintuan ng lungsod ng Jerusalem, kung saan idinadaan ang mga tupa ay may paliguan na ang tawag sa wikang Hebreo ay Betesda.[a] Sa paligid nito ay may limang silungan, 3 kung saan nakahiga ang maraming may sakit – mga bulag, pilay at mga paralitiko. [4 Hinihintay nilang gumalaw ang tubig, dahil paminsan-minsan, may isang anghel ng Dios na bumababa at kinakalawkaw ang tubig. Ang unang makalusong sa tubig pagkatapos makalawkaw ng anghel ay gumagaling, kahit ano pa ang kanyang sakit.][b] 5 May isang lalaki roon na 38 taon nang may sakit. 6 Nakita ni Jesus ang lalaki na nakahiga roon at nalaman niyang matagal na itong may sakit. Kaya tinanong siya ni Jesus, “Gusto mo bang gumaling?” 7 Sumagot ang may sakit, “Gusto ko po sana, pero walang tumutulong sa aking lumusong sa tubig kapag kinakalawkaw na ito. Sa tuwing papunta pa lang ako, nauunahan na ako ng iba.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at lumakad!” 9 Agad na gumaling ang lalaki. Binuhat niya ang higaan niya at lumakad.
Nangyari ito sa Araw ng Pamamahinga. 10 Kaya sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa taong pinagaling, “Hindi baʼt Araw ng Pamamahinga ngayon? Labag sa Kautusan ang pagbubuhat mo ng higaan!” 11 Pero sumagot siya, “Ang taong nagpagaling sa akin ang nag-utos na buhatin ko ito at lumakad.” 12 Tinanong nila siya, “Sino ang nag-utos sa iyong buhatin ang higaan mo at lumakad?” 13 Pero hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil nawala na si Jesus sa dami ng tao.
14 Hindi nagtagal, nakita ni Jesus sa templo ang taong pinagaling niya, at sinabihan, “O, magaling ka na ngayon. Huwag ka nang magkasala pa, at baka mas masama pa ang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at pumunta sa mga pinuno ng mga Judio. Sinabi niya sa kanila na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Kaya mula noon, sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio si Jesus, dahil nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.
17 Pero sinabihan sila ni Jesus, “Patuloy na gumagawa ang aking Ama, kaya patuloy din ako sa paggawa.” 18 Dahil sa sinabing ito ni Jesus, lalong sinikap ng mga pinuno ng mga Judio na patayin siya. Sapagkat hindi lang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, kundi tinawag pa niyang sariling Ama ang Dios, at sa gayoʼy ipinapantay ang sarili sa Dios.
Ang Kapangyarihan ng Anak ng Dios
19 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako na Anak ng Dios ay walang magagawa kung sa sarili ko lang, kundi ginagawa ko lang ang nakikita ko na ginagawa ng aking Ama. Kaya kung ano ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ko bilang Anak. 20 Minamahal ng Ama ang Anak, kaya ipinapakita niya sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga bagay na ito ang mga gawaing ipapakita niya sa akin na gagawin ko para mamangha kayo. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay ang mga ito, ganoon din naman, binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang gusto niyang bigyan nito. 22 Hindi ang Ama ang hahatol sa mga tao kundi ako na kanyang Anak, dahil ibinigay niya sa akin ang lahat ng kapangyarihang humatol, 23 upang parangalan ng lahat ang Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Kaya, ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya.
37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
at may dala pa silang mga pilak at ginto.
At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.
Purihin ang Panginoon!
28 Ang kapangyarihan ng isang hari ay nasa dami ng kanyang nasasakupan, ngunit kung walang tauhan tiyak ang kanyang kapahamakan.
29 Ang mapagpasensya ay mas higit ang karunungan, ngunit ang madaling magalit ay nagpapakita ng kahangalan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®