Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 2:22-4

Si Eli at ang mga Anak Niya

22 Matandang-matanda na si Eli. Nabalitaan niya ang lahat ng kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Nalaman na rin niya ang pagsiping ng mga ito sa mga babaeng naglilingkod sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 23 Kaya sinabihan niya ang mga ito, “Nabalitaan ko sa mga tao ang lahat ng kasamaang ginagawa ninyo. Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? 24 Mga anak, tigilan na ninyo ito, dahil hindi maganda ang nababalitaan ko tungkol sa inyo mula sa mga mamamayan ng Panginoon.”

25 Sinabi pa ni Eli, “Kung magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa, maaaring mamamagitan ang Dios[a] sa kanila; pero sino ang mamamagitan kung magkasala ang tao sa Panginoon?” Pero hindi nakinig ang mga anak niya dahil nakapagpasya na ang Panginoon na patayin sila.

26 Samantala, patuloy na lumalaki si Samuel, at kinalulugdan siya ng Panginoon at ng mga tao.

Ang Propesiya tungkol sa Sambahayan ni Eli

27 Lumapit ang isang lingkod ng Dios kay Eli at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ipinahayag ko ang aking sarili sa ninuno nʼyong si Aaron at sa pamilya niya noong alipin pa sila ng Faraon sa Egipto. 28 Sa lahat ng lahi ng Israel, ang pamilya niya ang pinili ko na maging aking pari na maglilingkod sa aking altar, sa pagsusunog ng insenso, sa pagsusuot ng espesyal na damit ng pari sa aking presensya. Binigyan ko rin sila ng bahagi sa mga handog sa pamamagitan ng apoy na iniaalay ng mga Israelita. 29 Bakit pinag-iinteresan[b] pa ninyo ang mga handog na para sa akin? Bakit mas iginagalang mo pa, Eli, ang mga anak mo kaysa sa akin? Hinahayaan mong patabain nila ang kanilang mga sarili ng mga pinakamagandang bahagi ng handog ng mga mamamayan kong Israelita. 30 Ako na inyong Panginoon, ang Dios ng Israel ay nangako noon na kayo lang at ang lahi ng inyong mga ninuno ang makapaglilingkod sa akin magpakailanman bilang pari. Ngunit hindi na ngayon, dahil pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit hahamakin ko ang humahamak sa akin. 31-32 Tandaan ninyo ito: Darating ang panahon na lilipulin ko ang lahat ng kabataan sa inyo at sa iba pang lahi ng inyong mga ninuno. Magdurusa kayo at hindi ninyo mararanasan ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Magiging maikli ang inyong buhay. 33 Hindi ko aalisin ang iba sa inyo sa paglilingkod sa akin bilang pari, pero dadanas sila ng matinding pagdurusa, at hindi sila mabubuhay nang matagal. 34 At bilang tanda sa iyo na mangyayari ang mga bagay na ito, mamamatay nang sabay ang dalawa mong anak na sina Hofni at Finehas sa isang araw lang. 35 Pipili ako ng pari na matapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng mga angkan na maglilingkod sa aking piniling hari magpakailanman. 36 Lahat ng matitira sa mga angkan mo ay mamamalimos ng pera o pagkain sa mga angkan ng paring ito. Magmamakaawa sila na gawing alipin man lang ng mga pari para makakain lang sila.”

Ang Pagtawag ng Dios kay Samuel

Noong mga panahong naglilingkod si Samuel sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli, madalang nang makipag-usap ang Panginoon, at kakaunti na rin ang mga pangitain. Isang gabi, natutulog si Eli sa kanyang kwarto. Hindi na siya gaanong nakakakita. Si Samuel naman ay doon natutulog sa bahay ng Panginoon kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. At habang nakasindi pa ang ilawan ng Dios, tinawag ng Panginoon si Samuel. Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” Tumakbo siya kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Hindi kita tinawag. Bumalik ka na at matulog ulit.” Kaya bumalik siya at muling natulog.

Muli siyang tinawag ng Panginoon, “Samuel!” Bumangon si Samuel, pumunta kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Anak, hindi kita tinawag, bumalik ka na at matulog ulit.” Hindi pa nakikilala noon ni Samuel ang Panginoon dahil hindi pa nakikipag-usap sa kanya ang Panginoon.

Tinawag ng Panginoon si Samuel sa ikatlong pagkakataon. Bumangon siya at pumunta kay Eli, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” At naunawaan ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya kay Samuel, “Bumalik ka na ulit at matulog, kung tatawagin ka ulit, sabihin mo, ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig ang lingkod ninyo.’ ” Kaya bumalik si Samuel sa higaan at muling natulog.

10 Lumapit kay Samuel ang Panginoon at gaya ng dati, tinawag siya, “Samuel! Samuel!” Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, Panginoon, sapagkat nakikinig ang lingkod ninyo.” 11 Sinabi ng Panginoon, “Tandaan mo ito, hindi magtatagal at may gagawin ako sa bayan ng Israel. Paghaharian ng matinding takot ang lahat ng makakarinig nito. 12 Pagdating ng takdang panahon, gagawin ko ang mga sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli. 13 Sinabi ko sa kanya na parurusahan ko habang panahon ang sambahayan niya, dahil pinabayaan niya ang mga anak niya sa mga ginagawa nilang paglapastangan sa akin kahit alam na niya ang tungkol dito. 14 Kaya isinumpa ko, na ang kasalanan nilaʼy hindi mapapatawad ng anumang handog kahit kailan.”

15 Natulog si Samuel hanggang umaga, at binuksan niya ang pintuan ng sambahan para sa Panginoon. Natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. 16 Ngunit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.” Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” 17 Nagtanong si Eli, “Ano ba ang sinabi ng Panginoon sa iyo? Huwag kang maglilihim sa akin. Parurusahan ka ng Dios ng matindi kung hindi mo sasabihin sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” 18 Ipinagtapat nga ni Samuel ang lahat sa kanya. Wala siyang itinago. At sinabi ni Eli, “Siya ang Panginoon. Gagawin niya kung ano sa tingin niya ang mabuti.”

19 Patuloy na pinapatnubayan ng Panginoon si Samuel habang siyaʼy lumalaki. Niloob ng Panginoon na matupad ang lahat ng sinabi ni Samuel. 20 Kaya kinilala si Samuel na propeta ng Panginoon mula Dan hanggang sa Beersheba.[c] 21 Patuloy na nagpapakita ang Panginoon kay Samuel doon sa Shilo, at doon ay ipinakikilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya.

Kumalat sa buong Israel ang mensahe ni Samuel.

Nakuha ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan

Nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo nang mga panahong iyon. Nagkampo ang mga Israelita sa Ebenezer, at ang mga Filisteo naman ay sa Afek. Sinugod ng mga Filisteo ang mga Israelita at tinalo ang mga ito; 4,000 Israelita ang napatay nila. Pagkatapos ng digmaan, bumalik ang mga natirang Israelita sa kampo nila. Tinanong sila ng mga tagapamahala ng Israel, “Bakit hinayaan ng Panginoon na matalo tayo ng mga Filisteo? Mabuti pa sigurong kunin natin ang Kahon ng Kasunduan sa Shilo para samahan tayo ng Panginoon at iligtas tayo sa mga kalaban natin.”

Kaya ipinakuha nila sa Shilo ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoong Makapangyarihan. Ang takip ng Kahon ay may estatwa ng dalawang kerubin, at nananahan sa kalagitnaan nito ang Panginoon. Sumama sa pagdala ng Kahon ng Kasunduan ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. Nang madala na ang Kahon ng Kasunduan doon sa kampo, sumigaw nang malakas ang mga Israelita sa kasiyahan at yumanig ang lupa. Nang marinig ng mga Filisteo ang sigawan ng mga Israelita, nagtanong sila, “Bakit kaya sumisigaw ang mga Hebreo sa kanilang kampo?”

Nang malaman nila na ang Kahon ng Panginoon ay nasa kampo ng mga Israelita, natakot sila at sinabi, “May dumating na dios sa kampo ng mga Israelita! Nanganganib tayo! Kahit kailan, hindi pa nangyayari ang ganito sa atin. Nakakaawa tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang dios? Sila rin ang mga dios na pumatay sa mga Egipcio sa disyerto sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga salot. Kaya magpakatatag tayo, dahil kung hindi, magiging alipin tayo ng mga Hebreo gaya ng pang-aalipin natin sa kanila. Labanan natin sila.”

10 Kaya nakipaglaban ang mga Filisteo at natalo ang mga Israelita. Napakarami ng napatay; 30,000 ang napatay na mga Israelita. Ang mga natira sa kanila ay tumakas pabalik sa kanilang tinitirhan. 11 Naagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan at napatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

Ang Pagkamatay ni Eli

12 Nang araw ding iyon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na tumatakbo galing sa digmaan papunta sa Shilo. Pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan ng abo ang kanyang ulo bilang tanda ng pagluluksa. 13-15 Pagdating niya sa Shilo, nakaupo si Eli sa upuan na nasa gilid ng daan at nagbabantay dahil nag-aalala siya para sa Kahon ng Dios. Si Eli ay 98 taon na noon at halos hindi na nakakakita. Ibinalita ng tao ang nangyaring digmaan sa bayan. Nang marinig ito ng mga tao, nag-iyakan sila. Narinig ito ni Eli at nagtanong siya, “Bakit umiiyak ang mga tao?” Dali-daling lumapit sa kanya ang tao, 16 at sinabi, “Kagagaling ko lang po sa digmaan. Nakatakas po ako.” Nagtanong si Eli, “Ano ang nangyari, anak?” 17 Sumagot ang tao, “Nagsitakas po ang mga Israelita sa harap ng mga Filisteo. Napakarami pong namatay sa mga sundalo natin, kasama po ang dalawang anak nʼyo na sina Hofni at Finehas. At naagaw din po ang Kahon ng Dios.”

18 Nang mabanggit ng tao ang tungkol sa Kahon ng Dios, natumba si Eli mula sa kinauupuan niya na nasa gilid ng pintuan ng lungsod. Nabali ang kanyang leeg at agad na namatay, dahil mataba siya at matanda na. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 40 taon.

19 Nang panahon ding iyon, kabuwanan ng manugang ni Eli na asawa ni Finehas. Nang mabalitaan niya na naagaw ang Kahon ng Dios at namatay ang kanyang asawa at biyenang lalaki, sumakit ang tiyan niya at napaanak ng wala sa panahon dahil sa matinding sakit. 20 Nang nag-aagaw buhay na siya, sinabi sa kanya ng mga manghihilot, “Lakasan mo ang loob mo. Lalaki ang anak mo.” Pero hindi na siya sumagot.

21-22 Bago siya namatay, Icabod[d] ang ipinangalan niya sa bata, dahil sinabi niya, “Wala na ang makapangyarihang presensya ng Dios sa Israel.” Sinabi niya ito dahil naagaw ang Kahon ng Dios at napatay ang asawa niya at biyenan niyang lalaki.

Juan 5:24-47

24 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumusunod sa aking mga salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan sapagkat inilipat na nga siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang panahon, at dumating na nga, na maririnig ng mga patay ang salita[a] ng Anak ng Dios, at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 May kapangyarihan ang Ama na magbigay ng buhay. Ganoon din naman, may kapangyarihan ako na kanyang Anak na magbigay ng buhay, dahil binigyan niya ako ng kapangyarihang ito. 27 Ibinigay din niya sa akin ang kapangyarihang humatol dahil ako ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka tungkol dito, dahil darating ang panahon na maririnig ng lahat ng patay ang aking salita, 29 at babangon sila mula sa kanilang libingan. Ang mga gumawa ng mabuti ay bibigyan ng buhay na walang hanggan, at ang mga gumawa ng masama ay parurusahan.”

Ang mga Nagpapatotoo kay Jesus

30 Sinabi pa ni Jesus, “Wala akong magagawa kung sa sarili ko lang. Humahatol nga ako, ngunit ang aking paghatol ay ayon lamang sa sinasabi ng aking Ama. Kaya makatarungan ang hatol ko dahil hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 31 Ngayon, kung ako lang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, magduda kayo sa sinasabi ko. 32 Ngunit may isang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong totoo ang kanyang sinasabi. 33 Maging si Juan na tagapagbautismo ay nagpatotoo tungkol sa akin, at sinabi niya sa inyo ang katotohanan nang magsugo kayo ng ilang tao upang tanungin siya. 34 Binanggit ko ang tungkol kay Juan, hindi dahil sa kailangan ko ang patotoo ng isang tao, kundi upang sumampalataya kayo sa akin at maligtas. 35 Si Juan ay tulad ng isang ilaw na nagliliwanag, at lubos kayong nasiyahan sa liwanag niya sa inyo kahit saglit lang. 36 Ngunit may nagpapatotoo pa tungkol sa akin na higit pa kay Juan. Itoʼy walang iba kundi ang mga ipinapagawa sa akin ng Ama. Ito ang nagpapatunay na ang Ama ang nagsugo sa akin. 37 At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanman ay hindi nʼyo narinig ang tinig niya o nakita ang anyo niya. 38 At hindi nʼyo tinanggap ang kanyang salita dahil hindi kayo sumasampalataya sa akin na kanyang sugo. 39 Sinasaliksik nʼyo ang Kasulatan sa pag-aakala na sa pamamagitan nitoʼy magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang Kasulatan mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin, 40 pero ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.

41 “Hindi ko hinahangad ang papuri ng mga tao. 42 Kilala ko talaga kayo at alam kong wala sa mga puso ninyo ang pagmamahal sa Dios. 43 Naparito ako sa pangalan[b] ng aking Ama, ngunit ayaw ninyo akong tanggapin. Pero kung may dumating sa sarili niyang pangalan ay tinatanggap ninyo siya. 44 Paano kayo sasampalataya sa akin kung ang papuri lang ng kapwa ang hangad ninyo, at hindi ang papuri ng nag-iisang Dios? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang mag-aakusa sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises na inaasahan ninyo ang siyang mag-aakusa sa inyo. 46 Dahil kung totoong naniniwala kayo kay Moises, maniniwala rin kayo sa akin, dahil si Moises mismo ay sumulat tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”

Salmo 106:1-12

Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.

Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
    iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
    at makadama rin ng kanilang kagalakan,
    at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
    masama ang aming ginawa.
Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
    Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
    at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
    upang kayo ay maparangalan
    at maipakita ang inyong kapangyarihan.

Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
    pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
    at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
    at umawit sila ng mga papuri sa kanya.

Kawikaan 14:30-31

30 Ang payapang isipan ay nagpapalusog ng katawan, ngunit ang pagkainggit ay tulad ng kanser sa buto.
31 Ang nang-aapi ng mahihirap ay hinahamak ang Dios na lumikha sa kanila, ngunit ang nahahabag sa mahihirap ay pinararangalan ang Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®